Paano nga ba ilalarawan ang isang taong sinusuong ang kabaliwan?/ theberry.com
Paano nga ba ilalarawan ang isang taong nagmamahal? Siyanga pala, gasgas na paksa na ito, sinluma na ng nakasulat na kasaysayan. Wala akong sasabihing bago rito, magtatangka lang na ungkatin ang paksang humigit-kumulang, madalas makapukaw sa ating pansin.
Mahirap pag-ibahin ang taong umiibig at ang isang tinatakasan ng bait/ lauriekendrick.wordpress.com
Ang taong umiibig daw ay maihahalintulad sa isang nilalang na wala sa sarili – walang sariling bait at hibang na hibang. Mabibigat ang premises nito. Una, na sa pang-araw-araw, ang tao ay karaniwang may bait sa sarili. Ikalawa, na pag umiibig ang tao saka lamang siya nahihibang at sa mga ordinaryong pagkakataon, maayos siya at nasa katinuan. Hindi ako eksaktong komporme sa mga nabanggit subalit para sa ikagaganda ng talakayan, tatanggapin ko na muna ang mga ito.
Ang isang sinasabing sign na ang isang tao ay nagmamahal ay kapag madalas siyang magngingiti ng walang dahilan. Parang mayroong lagi siyang kausap na di-nakikita ng ibang tao, ngunit parating may magagandang sinasabi. Sabihin pa, hindi naririnig ng mga nasa paligid ang kanilang usapan. Ang taong umiibig sa gayon ay parang may kahuntahang dwendeng malikot at nagpapatawa, pero hindi nababanaag ng mga ordinaryong mortal.
Mahilig din daw tuminga-tingala ang taong ito, parang estudyanteng naghahagilap ng sagot sa exam. Pagkatapos, titingin sa gilid at saka iiling-iling na parang hindi makapaniwala sa brilliance ng kanyang naisip. Mapagkakamalan mo raw na isang scientist na may nadiskubreng bagong batas ng kalikasan.
Kapag umiibig, lutang ang isip/ istockphoto.com
Madalas din daw na absent-minded sa conversation ang taong in love. Tumatango siya sa usapan ng wala sa tiyempo at tumatawa lang matapos makatawa na ang lahat. Saka medyo maiilang at alinman sa magtatakip ng bibig o kaya ay mag-e-exhibit ng isang sheepish grin. May isang banda na nasi-sense na ng mga kaharap nyang may mali o wala sa lugar sa kanya. Pero, hindi kaagad matukoy kung ano. Mas madalas, nasasabihan lang syang, “Okey ka lang?,” isang palasak na tanong na maituturing na social filler – paalalang kasali pa rin ang taong iyon sa usapan, kahit pa halata namang andoon lang siya dahil nakagawian.
Sa kabilang banda, umpisa na ‘yon para ilagay siya ng mga kasamahan o kaibigan sa monitoring chart, para tantyahin kung mag-iiba ba ang kanyang lagay o kailangan siyang lapatan ng kagyat na lunas. Siyempre, mas swabe ang mga kasunod na tanong, “Sigurado ka bang naipa-check up mo ang sumasakit sa ‘yo last week? Nagkabati na ba kayo ng brother mo, ha?”
Hindi yata patas kung sasabihin nating ang taong inlababo ay dumadalo lang sa mga okasyon para i-display kung gaano na siya nawawala sa reality orbit. Nabubuhay rin naman siya minsan sa mga usapang ganyan. Kailan at paano? Pag nabanggit ng mga naroroon ang pangalan ng kanyang sinisinta. Dinaig pa ang bombilyang dagling umilaw pagkapindot ng switch, biglang nagka-come alive itong ating bida. Umiiba ang kanyang postura at parang nagsisipaglabasan ang kanyang mga antenna. Handa na siyang magbigay ng buong atensyon sa usapan at makisali sa mga pagtatalakay. Bring it on, ‘ika nga.
Sa kadahilanang may mga pakiramdam din naman ang kanyang mga kaharap at sa mas malamang, dumaan na rin sila sa mga ganoong sitwasyon, ikakambyo nila ngayon ng todo ang usapan sa direksyong gustong tunguhin nitong taong wala sa sarili. Mapag-uusapan na ng husay ang paksang, kung tutuusin, siya lang talagang gustong marinig nitong huli.
Mahilig mag-isip-isip, inaalipin ng damdamin/ hungryplanet.net
Mahilig din daw mapag-isa ang taong kasalukuyang ina-assail ng di-mapaglabanang damdamin. Bukod sa unlimited ang kanyang private conversations with oneself, marami rin siyang tinitimbang at tinatanya. Una, ano ang tsansa nya sa laban? Mahaba ito at mabigat at natatapos lang pag sinabi na ng taong, ‘Bahala na.’ Ikalawa, ano ang pinakamabuting susunod na hakbang? Kadalasan, tumutukoy ito sa pamamaraan – personal ba at harapan, idadaan sa ibang tao, isusulat, ilalagay ang mensahe sa plataporma o gadget?
Ikatlo, anu-ano ang mga kailangang ihanda? Ang ibig sabihin lang naman ng mga ito ay schedule, budget, damit na susuotin at saan ang pinakamagandang venue ng pagkikitang dapat i-suggest. Saan ka baga, ang ganito naman ay bagay na hindi na bago sa ating bida. Ginagawa nya na rin ang ganito pag nagpa-plano ng outing ang pamilya, pag may bagong patakaran sa opisina at pag may lakad ang barkada. Ano ang kaibahan? Ito ay isang personal campaign, isang conspiracy ng bida at ng kanyang sarili – kailangan ay sigurado, relentless at walang mintis.
Grabe ang kanyang mood swings. May mga oras na talagang ang tingin niya sa paligid ay iba – mas berde pa sa berde ang mga damo, mas asul ang kulay ng langit kaysa sa karaniwang asul at tila buhay at kumakaway ang mga bulaklak at halamang kanyang nakikita. May panahong ang pakiramdam niya ay tila hindi lumalapat sa lupa ang mga paa at itulak lang siya nang kaunti pataas, baka tuluyan na nga nyang makahalubilo ang mga ulap.
Matingkad na asul, kahalubilo ng mga ulap/ drunkenloosecannon.com
Sa kabilang banda, inaalipin rin sya ng pag-aalinlangan at pinagdududahan ang wisdom ng sitwasyong kanyang pinasok. Tinatanong niya ang sarili kung ano ang karapatan nyang mag-isip ng ganoon, na maging ganoon ka-swerte, na pag-ukulan ng pansin ng isang magandang tao ang isang gaya nyang hamak lang at iba pang mga kadramahang parang may saysay naman, pero hindi sigurado kung sa oras na iyon ay nakakatulong. Walang pakundangang nagpapalitan sa kanyang loob ang highs and lows na iyon. Naisipan nya na tuloy maglaan talaga ng mahabang oras para sa mga ganitong pagtutuos. Baka sakali, may ma-resolba.
Mahilig siyang makinig ng musika, mga tugtog na may madamdaming lyrics at tunog na nagpapaalaala sa kanya ng mga nararamdaman. Kamukat-mukat mo, mayamaya ay bigla na lang siyang magtatatalon, kakanta ng malakas o di kaya naman ay mang-aatake ng biro sa mga kaopisina o kasama sa bahay. Para lang siyang isang bata o kaya naman ay isang baliw. At dahil hindi naman gawi ng mga taong nakapaligid sa kanyang manghusga, mas pipiliin na lang muna nilang kongklusyon ang una. Hanggang sa dumating ang iba pang signos na nagsasabing: hindi, mas malala. Iba na ito.
Ang nakakatawa o nakakainis dyan, ang taong sangkot ang huling nakakabatid sa tunay niyang kalagayan. Habang ang mga kasamahan, kaibigan at pamilya niya ay unti-unting namumulat sa katotohanan dala ng di-maitatangging clues at patas-patas na ebidensya, nanatiling lutang at off tangent sa sitwasyon ang bida ng ating istorya. Hanggang sa may kumompronta o bumisto sa kanya. Isang tanong, kung tutuusin. Isang tanong na yuyugyog sa buo niyang pagkatao, magtatama sa sitwasyong tila nalihis at maglalagay sa mga bagay-bagay – sa angkop nilang lugar. “In love ka ba?”
Iyon lang. Iyon lang at parang binuhusan ng malamig na tubig ang ating bida. Para siyang hayop na nasukol matapos ang dalawang oras ng walang puknat na habulan at tila isang dekada ng pagtatago. Isang pangungusap na tatapos sa walang-kapararakang mga tanong, mga pagtatakang di-mabigyang linaw at mga pakiramdam na di-mawari. Isang suliraning biglang inilagay sa kanyang harapan at siya na ring katugunan. Andoon na lahat – presentation of the problem, approach, analysis, conclusion and recommendations. Isang tanong na isa na ring sagot. Ang tagal hinanap, andyan lang pala.
At this juncture, isang tinging hindi makapaniwala ang makukuha ng nagtanong mula sa tinanong. Biglang magkakagulo ang mga kwerdas sa loob ng taong tinanong, pipilitin nyang mag-apuhap ng paliwanag sa kabalintunaang madalas nang sumagi sa isip ngunit laging pilit itinatakwil. “Huwag mong sabihing…. ??? Siyeeet, oh, my God!? Nooooooo!” Isang matinis na tili o isang malakas na sigaw ang biglang pupunit sa katahimikan ng walang-malay na silid. At hindi na kailangan pa ng sagot. 😉
Hindi makapaniwala sa kanyang natuklasan/ shutterstock.com
Ano nga ang umpisa ng ating usapan? Kung pwedeng mag-plead ng temporary insanity ang taong ang tanging kasalanan ay magmahal o umibig? Parang hindi. Dahil kapag ganoon, mapipilitan ang estadong mag-take custody at i-confine sa institution ang nasasangkot… At alam naman natin, dito sa Pilipinas, kokonti ang badyet para sa mga ganyan. Isa pa, balita ko, sobrang sikip na ro’n. 😉
Possibly Related Posts:
Ang Magmahal
Ngiti
Minsan, Dumating Ka sa Buhay Ko
Kung Tapos Na Ang Lahat
Totally Unrelated Posts:
Parang Puputok
Hindi Magkita
Walang Bait
Pag Nagkakasakit