Posts Tagged ‘paboritong programa sa radyo’

Kinig, Sagap…

 

Image of a portable radio in the 70s

Ang radyo noon ay portable na rin pero baterya ang nagpapaandar/ http://www.vintageradios.com

Lumaki kami noong pirming nakikinig sa programa ni Tiya Dely sa radyo. Iyon kasi ang madalas pakinggan ng aming Inay. Nakikinig din siya sa mga payo nina Helen Vela at Kuya Eddie. Kaya sa aming magkakapatid, patok din itong dalawang radio personalities.

 

Nakakarinig naman kami ng balita pag umaga, habang nagsisipaghanda sa pagpasok. Ang aming Tatay naman ang mahilig makinig nito. Natatandaan ko, kakaiba ang pag-deliver ng balita pag sa radyo. Madalas, kung hindi sobrang excited ang tagapag-ulat o reporter, galit na galit naman ang program host o commentator. Parang lagi silang nagmamadali, tila baga ang mga isyu ay dapat agad aksyunan – ngayon na! Isa pa, laging may sound effects na nagda-drumbeat sa urgency ng mga bagay na pinag-uusapan sa ere.

 

Iyon nga lang, bago mag-alas sais ng umaga,  kailangan na namin noong umalis papunta sa eskwela. Ang sunod na naming pakikipag-niig sa radyo ay mga alas-sais na uli, ng gabi. Kung mabait ang moods ng aming mga magulang, ipapahiram muna nila ang radyo sa mga ate ko. Sa loob ng kulang-kulang na isang oras, makikinig sila ng musika sa FM frequency. Sa pakikinig sa FM, doon namin nalalaman ang mga usong kanta at sayaw.

 

Image of an old Sony brand portable radio

Mas bago-bagong model ng radyong nabibitbit/ http://www.sony-asia.com

Bandang alas-siyete, kung tapos nang maghugas ng pinggan at magligpit sa kusina, makikinig na kami ng paboritong drama sa radyo ng aming ina. Nalimutan ko na ang pamagat nito, pero tanda ko pang ang bida ay ang mag-asawang sina Teresa at Ruben. Ang kontrabida naman ay ang kapatid ni Teresa, isang babaeng nakatira sa Maynila at dumating sa lugar ng bida para magbakasyon. Nagustuhan ni Ruben ang kapatid ni Teresa at sa gayo’y nasira ang pagsasama ng mag-asawa. Sabihin pa, si Teresa ay isang martir – mahal nya kapwa ang asawa at kapatid. Handa siyang masaktan ng paulit-ulit para sa mga taong kanyang minamahal.

 

Mahirap makalimutan ang theme song ng programang iyon: “Ang aking buhay, maiksi aking hirang. Kung kaya’t kailangan, ang pagsuyong wagas kailanman. Ang sumpa ko sa iyo ay tunay. Nais ko sanang patunayan, huwag ka nang mag-alinlangan pa. Ikaw lamang ang aking iibigin, magpakailanman…”

 

Image of a radio waves transmission facility

May higanteng antenna at mga plato o discs na nagta-transmit ng airwaves patungo sa mga radyo sa bahay-bahay/ http://www.123rf.com

Pagkatapos makinig sa dramang iyon, tulugan na sa amin, maliban sa mga estudyanteng hindi pa tapos gumawa ng takdang-aralin. Sa ganoong oras, ang Kuya naman namin ang gagamit ng radyo. Ang madalas na pinapakinggan niya ay balagtasan. Ang kapatid namin kasing ito ay mahilig gumuhit, sumulat ng tula at magkakanta palagi. Dahil madalas ay gising pa ako pag ganoong oras, nakakapakinig na rin ako noon  ng balagtasan. Hindi ko lang alam kung may balagtasan pa ngayon sa radyo, pero sa pagkatanda ko, nakakaaliw itong pakinggan. Ang balagtasan mandin ay isang battle of wits and gabs ng mga kalahok na ang pagbigkas ng mga salita ay parating may rhythm and rhyme.

 

Pag Sabado at linggo, noon kami mas maraming panahon para makinig sa mga programa sa ere. Ang kainaman pag ganoon, pwedeng bitbitin ang radyo pag naglalaba sa kuluong. Nakakapakinig tuloy kami ng mas maraming FM music at di lamang mga kanta nina Didith Reyes, Imelda Papin at Eva Eugenio.  Basta ang usapan sa bahay namin,  tuwing dinadala ang radyo sa labas, kailangang maiuwi rin ito bago mag-alas-onse ng tanghali.

 

Image of the movie poster of Zimatar, a popular action series on radio

Sikat na sikat noon sa mga tao ang programang Zimatar sa radyo/ komixrama.blogspot.com

Alas-onse, makikinig na ang mga kapatid naming lalaki ng programang Isagani. Hindi ko na tanda ang plot nito pero, medyo aksyon sya. Ang kasunod ng Isagani ay ang pinakahihintay ng marami  – ang programang Zimatar. Si Zimatar ay nakakabayong bida at laging nagwawagi sa mga laban. Mayroon siyang powers na bigay ng ninang niyang mangkukulam – si Wengweng. Hindi ko pa malilimutan ang tunog ng tawa ni Wengweng at parati ko noong inaantay ang paghahalo niya ng kawa. Ang ibig sabihin kasi noon, may mangyayari sa istorya…

 

Nasa kolehiyo na ako noong sa wakas, nakabili na kami ng telebisyon sa pamilya. Sa loob ng maraming taon, radyo lamang ang pirming paraan sa amin para maka-konekta sa labas at para makasagap ng mga bagong balita at uso. Ang munting problema rito , ang radyo noon ay pinapaandar lang ng mga baterya. Ang siste dyaan, ang baterya ay sa bayan pa nabibili. Isa pa, hindi sa lahat ng oras, may pambili ng bala sa aparato ang mga tao doon sa amin. Kaya ayon, pag walang baterya ang radyo, maiinit ang ulo ng lahat… 😉

 

Possibly Related Posts:

 

Busy ang Linya

Ang Baku-bakong Kalsada sa Aming Nayon

Maglalako

Sabong Mabaho