Archive for Oktubre, 2010

Ba’t Nga?

 

  • Ba’t konti lang ang inilalagay mong kape,  tapos pag ininom mo na, nagtataka ka ba’t wala ‘tong lasa?

 

  • Ba’t napapansin mo agad na may kutsarita/stirrer pa sa tasa ng kapeng iniinuman ng iba, pero pag sa ‘yo, hindi?

 

  • Ba’t pag inaalok ka ng tinapay sa kape, tumatanggi ka, tapos pag binigyan ka ng kape lang, humahaba ang leeg mo sa kaaantay sa tinapay?

 

image of a cup of coffee, borrowed from commons.wikimedia.org

isang tasa ng mainit na kape/commons.wikimedia.org

 

  • Ba’t maski ‘yong mga di nagkakape, nag-aantay na alukin silang magkape?

 

  • Ba’t ang laging sinasabi ay magkape muna tayo, pero ang ino-order naman ay juice?

 

  • Ba’t ba tayo napunta sa usapang kape?

 

  • Ba’t makukulit ang mga tanong na nag-uumpisa sa bakit?

 

  • Ba’t mas madaling magtanong kaysa sa sumagot?

 

Madali Na

 

Pag tinatamad, madali nang magpakaduwag.

 

image of a person lazying in a hammock, boorowed from clipartguide.com

Madaling magsabing kumilos tayo pero mahirap gawin/clipartguide.com

 

 

Parang Puputok

 

Minsan, tinawag ako sa recitation sa subject naming International Relations (IR). Ito ‘yong subject namin noong 600 pages ang required na basahin kada linggo. Ang professor namin dito ay ‘yong tipong nangongolekta ng Ph.D. Tinawag ako ni prof at ang sabi, pagkumparahin at pag-ibahin ko raw ang SALT I at ang SALT II.

 

Image of Pres. Lyndon B. Johnson

Si Lyndon B. Johnson ang naging presidente ng U.S. matapos mapatay si John F. Kennedy/ reflectionsinhistory.com

 

Obi-wan kenobi! Alam ko ‘yon!’ Umabot hanggang doon ang pagbabasa ko ng lesson. Kaya, medyo listo, discuss-discuss naman ako. Dire-diretso. Panay passive voice pa ang English para impressive. Binubuo ko parati ang pagsasabi – Strategic Arms Limitation Treaty.

 

pistol, a kind of short or small arms

Matagal pinag-debatehan ng mga lider kung gaano kaiksi ang “short arms”/doctornoob.com

 

Habang nagsasalita ako, nakahalukipkip si Gleek professor. Ang mga tingin niya sa akin ay parang nagsasabing  alam niyang 46 lang ang IQ ko. Hindi ako nagpapa-apekto. Ang mga kaklase ko namang nasa unahan ko at gilid, yukung-yuko. Naghahabol ng pagbabasa habang pinapaliit ang mga sarili para hindi sila ang sunod na matawag.

 

Si Mikhail Gorvachev ang huling lider ng USSR

Si Mikhail Gorbachev ay instrumental sa pagtatapos ng Cold War/wikipedia.org

 

Bigla kamong nag-remark si professor. Parang galit. “Where is the linking verb in your sentence?

Inangkupo! Ano na nga ba ang linking verb?’ Mabilis pa sa Google Chrome, nag-proseso ang utak ko at ni-retrieve ang ibig sabihin ng mahalagang parirala. Inulit ko ang aking huling pangungusap at nilagyan ng pesteng linking verb. Sinuma ko na rin ang diskusyon.

Pagkatapos ay huminga na ako. Sa isip-isip ko, mga labinlimang minuto na akong nagtatalakay, siguro nama’y tatawag na si Mr. Gleek ng iba. Naramdaman ko ring iba na ang postura ng mga katabi at nasa unahan ko. Panay ang kanilang inhale.

 

larawan ng Berlin Wall, pader na humati sa Silangan at Kanlurang Alemanya

Maraming dekadang nakatayo, patunay ng lupit ng Malamig na Gera/algonet.se

 

Bigla kamong sabi ni professor, “Discuss the different arguments why SALT I and SALT II are considered as failures.” At, heto. Nakatingin pa rin siya sa akin. Nag-a-anasan ang mga kaklase ko sa likod. Nagsipagtinginan naman sa akin ang mga nasa unahan ko at tabi. Ang mga tingin nila ay may pag-aalala.

Wala akong mahagilap isagot. Hindi na umabot sa parteng iyon ang pagbabasa ko.  Nanunukat ang mga tingin sa akin ni professor. Nag-a-antay ng susunod kong sasabihin.

 

Ipinapagpag ang inaning palay

Ipinapagpag ang palay para humiwalay ang mga butil/imagesphilippines.com

 

Sa sandaling iyon, parang puputok ang ulo ko. Literally. Gusto kong umuwi na lamang sa probinsya at kumbinsihin ang kamag-anakan kong i-revive namin ang pagtatanim ng palay. Doon sa amin. Maski sabihin pang hindi naman ako marunong humawak ng araro… 😉

 

Inaararo ang lupa para maghiwa-hiwalay at lumambot

Ang pag-aararo ay isang makalumang paraan ng pagsasaka/clipart.com

 

Ang Paho Nga Naman

 

May mahigit 400 daw na varieties ng mangga sa buong mundo, sabi sa mga encyclopedia at sa websites ng agriculturists. Nakakagulat ang dami. Ang pagkakaalam ko dati, mga tatlumpo lamang.

 

Image of a cluster of mango trees

Bahagi na ng buhay ng maraming Pilipino ang puno ng mangga/ http://www.treepicturesonline.com

 

Kung sa ordinaryong perception lamang, ang Pilipinas na ang isa sa kilalang sources nitong mangga. Kalakhan sa iniluluwas nating  mangga, galing sa islang probinsya ng Guimaras at ini-export naman natin sa Japan, sa Hongkong, sa Australia, sa U.S. at sa Europa.

 

One variety of mango known to Filipinos as Indian mango

Manggang pabilog, karaniwang kilala bilang Indian mango/ toptropicals.com

Sa pagkaalam ko pa, mayroon din nito sa India kasi nga, kilalang-kilala natin ang Indian mango. Mayroon din nito sa Japan kung saan ang mga tao ay mahilig mag-singit ng kapirasong hinog na mangga sa mga pagkaing gaya ng maki. Mayroon din nito sa Mexico dahil uso rin sa kanila ang mga lutuing nilalagyan ng mangga.

 

Pero, iyon nga. Akala ko lang ‘yon. Iyon din siguro ang akala nang marami sa atin.

 

Sang-ayon sa Food and Agriculture Organization (UN-FAO), pang-anim lang ang Pilipinas sa top exporters ng mangga sa mundo. Nauuna sa atin ang mga bansang India, China, Mexico, Thailand at Pakistan. Isa pa, mayroon din palang mangga sa US, pangunahin sa Florida at sa Hawaii.

 

Mayroon din daw nito sa ilang bahagi ng Europa at sa maraming bansa sa South America. Marami ring mangga sa iba pang mga bansa sa Asya. Ang sabi sa mga pag-aaral, limitado raw ang paglago ng industriya ng mangga dahil karamihan ng ani nito ay kinakain lamang ng mga nagtatanim o kaya ay ibinebenta sa mga lokal lang na pamilihan.

 

 

Ang mangga ay isang tropical fruit. Isa itong bungang-kahoy na nabubuhay sa mga lugar na ang klima ay mainit o maligamgam. Kaya naman hindi nakapagtatakang marami nito sa Pilipinas. Wala yatang Pilipinong hindi alam kung ano ang mangga.

 

A typical image of an unripened mango fruit

Manggang hilaw, hugis-puso/ toptropicals.com

 

Pero sabi ko nga, limitado ang alam nating variety nito: ang kinalabaw, Indian, piko at pahuhutan. Siyempre pa, kanya-kanya ring opinyon iyan kung alin sa kanila ang pinakamatamis, pinakamaasim at pinakamasarap.

 

Image of ripe mangoes

Ang hinog na manga ay paboritong minatamis ng mga Pilipino/ flickr.com

 

Doon sa amin, may isa pang variety ng mangga na bibihirang matagpuan sa mga palengke dito sa malaking lungsod – ang manggang paho. Ang paho ang pinakamaliit na klase ng mangga. Karaniwang isang inch lang ang haba nito at isa’t kalahating inches naman ang diameter. At least, ganito ang sukat niya sa umpisa ng paho season, bandang Pebrero.

 

Ang paho ay makikita sa mga palengke sa amin sa pagitan lang ng Pebrero at Abril ng taon. Iyong mga hindi pa nakakakita at nakakatikim nito, ayaw maniwalang ganito lang kaliit ang prutas na ito. Pero ganoon talaga. 😉

 

Image of paho bunches, for sale

Naka-bungkos ang mga pahong mabibili mula Pebrero hanggang Abril/ marketmanila.com

 

Sa huling banda ng Marso hanggang Abril, medyo malalaki na ang pahong makikitang ibinebenta sa mga palengke at istasyon ng bus. Tatlong inches o pulgada na ang haba nito at limang pulgada na ang diameter. Magulang na rin ang buto nito sa loob sa panahong iyon. Para sa mga sanay kumain ng paho, pinakamasarap itong kainin habang bubot o bata pa lang. Pag tagal, hindi na kapareho ang lasa.

Image of two bunches of paho

Dalawang bungkos ng manggang paho, mas malalaki kaysa sa unang ani/.marketmanila.com/archives

 

Bukod sa mas maliit, ano ang ipinagkaiba ng paho sa ibang mangga? Mas mabango ito at mas masarap gawing salad o ensalada. At siyempre pa, dahil bibihira itong matagpuan, para bagang mas masarap. At, hindi lang ako ang nagsasabi niyan.

 

Kinakain ng hilaw ang manggang paho. Ginagayat at nilalagyan ng kaunting asin o patis at sinasamahan ng kamatis at sibuyas na tagalog. Pinakamainam itong katerno ng sinaing na tulingan o kaya ay tambakol. Mas maganda kung naka-kamay lang ang kakain at iuulam ang powerful combination na ito sa sandamakmak na kanin. Talagang masarap. 😉

 

image of paho salad, borrowed from marketmanila.com

Masarap katerno ng isda o karne sa kanin/ marketmanila.com

 

Karaniwan din sa amin ang magburo o brine ng paho. Pag bandang Pebrero na, naglalabasan na sa bahay-bahay ang mga garapong pagbuburuhan ng paho. Ang binurong paho ay ipinadadala rin sa mga anak, kamag-anak at kaibigang nasa Maynila o nasa ibang lugar. Pero, siyempre, iba ang sariwang bungkos ng pahong ipinanre-regalo. Pag pinadalhan ka noon, ang ibig sabihin ay special ka, sa taga-amin.

 

image of brined paho fruits

Sa lugar namin, karaniwang binuburo ang paho/ marketmanila.com

 

May kamahalan ang nabibiling paho. Pag umpisa pa lang ng season, tatlo hanggang limang piso ang isang piraso nito. Ibig sabihin, ang isang bungkos na naglalaman ng 25 hanggang 30 na paho,  nagkakahalaga ng isandaan hanggang isandaan at limampong piso. Habang tumatagal, pamura na ang presyo. Umaabot hanggang sa piso na lang ang bawat piraso ng rare na manggang ito.

 

Sa lugar namin, halos lahat ng bahay ay may puno ng mangga. Pero karamihan sa mga tanim ay ang ordinaryong varieties. Ang mga Indian mangoes, anumang oras ay maaring hingiin basta mga isang dosenang piraso hanggang isang basket lang. Ang manggang kinalabaw, karaniwang pambenta. Pero, ipinamimigay rin ito kung mga hanggang anim na piraso lang naman. Ganoon din ang manggang piko. Bibigyan ka ng may-ari ng puno, bahala ka na lang umakyat o manungkit ng bunga.

 

Image of an Indian mango tree laden with unripe fruits

Ang puno ng manggang hitik sa bunga ay takaw-pansin sa mga bata/ fotosearch.com

 

Pero, hindi ganoon kaluwag ang mga tao sa amin pagdating sa paho. Bibihira lang ang may tanim nito at siguradong ang mga bunga niyon ay pambenta.  Gayon din, nagkalat sa amin ang mga batang pag walang magawa ay nag-a-akyat sa mga puno. Ang paho pa naman,  amoy na amoy pag namumunga na. Kaya ayon, heavily guarded ang mga puno ng paho. May nakakubli laging bantay sa tabi ng mga ito. Subukan mong lumapit sa isang puno ng paho at sigurado, may susutsot o hihiyaw sa iyo. Itataboy ka. Sasabihin sa iyong mag-Indian mango ka na lang, gaano man karami ang kaya mong ubusin… 😉

 

* Nagpapasalamat kay MarketMan of marketmanila.com, sa toptropicals.com at sa biljmakers.com para sa mga larawang ginamit dito sa blog post.

 

For more information, please see:

 

http://toptropicals.com/html/toptropicals/articles/fruit/varieties_mango.htm

http://toptropicals.com/html/toptropicals/articles/fruit/asian_fruit.htm

Click to access 162.pdf

http://www.marketmanila.com/archives/paho-at-the-markets-now

http://www.fotosearch.com/CSP034/k0341191/

http://avrotor.blogspot.com/2010/03/peoples-green-revolution-village.html

http://en.wikipedia.org/wiki/Mango#Production_and_consumption

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-18 ng Nobyembre para palitan ang unang imahe ng puno ng mangga, i-resize ang mga larawan at lagyan ng tamang labels sa credit.

 

Ordinaryo Lang

 

Ordinaryo lang si Charice. Wala kang mapapansin agad na kakaiba sa kanya. Mukha siyang bata – medyo tahimik, medyo papansin din, medyo makulit… Pag nakita mo nga siya nang malapitan, iisipin mo lang na kamukha siya ng kaklase mo noong elementary. Iyong tipong parating nasa unahan ng pila pag nagpa-flag ceremony. Iyon, ganoon.

 

Hawak nya na nga ang mikropono at nasa unahan o gitna na siya para mag-perform, parang nagtataka ka pa rin. ‘Siya ba ‘yon?’

 

Charice sings at the 30th Anniversary of Carousel of Hope Ball

Bigay na bigay kumanta/Kevin Winter/GettyImages.com

 

Pero, pag narinig mo na ang kanyang boses, hindi mo maiiwasang lumingon at hanapin ang pinanggagalingan ng malakas at makapangyarihang tunog. Kapag bumirit na siya sa pagkanta, walang abug-abog o pasabi, mapapatindig ang iyong mga balahibo. Parang gusto mong lumapit at itanong mismo sa kanya kung saang lupalop ba nanggaling ang ganoong nilalang. Parang gusto mo siyang komprontahin na para bang kasalanan niyang magaling siyang kumanta.

 

Kaya niyang punuin ang stage. Akala ko dati, figure of speech lang ng mga hurado sa paligsahan ang pagsasabi ng ganoon. Hindi pala. Meron pala talagang performer na kayang sakupin ang buong lugar ng concert o event sa kanyang pagkanta . Iyong tipong kayang salikupin ang audience at isama sa pag-abot ng matataas na nota ng kanta. Pagkatapos ay dahan-dahan niya silang ibaba at ipaghehele sa mga notang pababa. Ganoon si Charice Pempengco.

 

Isa pa lang ang kilala kong mangangantang may ganoon ding kakayahan. Sandali lang siyang sumikat at nawala rin. Pero, ganoon din iyon noon. May kaunti na akong paghanga sa kanya pero mas malaki pa ang pagdududa. Nang mapanood ko na siya, napanganga ako. May tao palang ganoon?

 

Tuturuan Kita

image of teachers, borrowed from iobm.edu.pk

Maraming paraan ng pagtuturo/ iobm.edu.pk

Tuturuan kita.

Isa sa pinakamagandang bukambibig na dumapo at lumago sa talasalitaang Pilipino.

Isang bukas na pagpapahayag ng malasakit sa iyo ng iyong kausap. May kulang pa sa iyo, may dapat ka pang matutunan.

Isang pagkilala sa iyong kakayahan. Isang pagsasabing kaya mong matutunan ang ang sa ngayon ay di mo pa alam. Kung bibigyan ka ng panahon, pagsasanay at pagkakataon, ang kulang ay kaya mong punuan. Anuman iyon.

 

Sasamahan kita. Ikaw ay aking tuturuan.

Tuturuan kita. Isang pagbibigay ng panata. Isang pangakong maglalaan siya ng oras para sa iyo. Ibabahagi niya sa iyo ang kanyang nalalaman hanggang sa iyon ay iyong matutuhan. Magpupunyagi siya hanggang sa ikaw ay matuto.

Aakayin kita. Sasamahan. Gagabayan.

May hihigit pa ba sa isang bukas at malayang pagbibigay ng sarili?

 

image of a bird and hands reaching out, borrowed from cte.uwaterloo.ca

Hatid ng kaalaman ang kalayaan/ cte.uwaterloo.ca

 

Tuturuan kitang …

 

bumilang.

bumasa.

kumanta.

sumayaw.

magluto.

tumugtog ng gitara…

Mahalaga pa ba kung anong kaalaman o kakayahan ang ituturo sa iyo? Ang mahirap ay kanyang padadaliin. Ang mabigat ay kanyang pagagaanin.

Tuturuan kita…  Iba ang kahulugan nito sa bibilhan kita, igagawa kita, bibigyan kita…

Tuturuan kita.

abstract image of a bird flying, borrowed from sunsite.utk.edu

Sa pagkatuto, tayo ay maaring lumipad/ sunsite.utk.edu

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-20 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.

 

Hindi Magkita

 

Generation gap. Sabi ng teacher ko sa Math dati, ang paghahanap daw ng bridge sa gap na iyan ay tulad din ng paghahanap sa value of x. Mahirap hulihin ang sagot. Paulit-ulit ang paghahanap. Generation after generation. He, he … Hirit nya ‘yon.

 

image of a parent checking up on his child, borrowed from rohanrawat.blogspot.com

Kalabisan nga ba ang magtanong?/ rohanrawat.blogspot.com

 

Ang sabi pa nya, kung maghahanap daw tayo ng solution sa generation gap o sa iba pa mang issue, kailangan daw munang mag-establish ng equivalency. Ang ganda, ano? Parang naiintindihan ko pa. Ang sumunod nyang sabi, “So, class, in this instance, we have to represent the value of…”. Dito, medyo nagulumihanan na ako. Kaya, ang suggestion ko, lumipat muna tayo at alamin naman natin ang opinyon ng teacher ko dati sa English – on the topic of generation gap.

 

Ang sabi naman ni English teacher, dapat daw munang may common definition ang magkabilang panig ng usapin. Kailangan daw ito para magka-intindihan at magtagpo ang mga bagay, ideya at taong hindi magkita. Ganoon din daw ang dapat gawin ng magulang at ng anak. Parang maganda rin itong sinasabi nya. Tingnan nga natin.

 

Ibigay ang kahulugan ng mga salitang may salangguhit:

 

1. Mag-aral

Magulang: Mag-repaso ng leksyon, magbasa at intindihin ang sinasabi ng libro.

Anak: Umupo sa may harap ng tv habang nagka-cut and paste ng wikipedia entries sa laptop para sa isa-submit na paper.

2. Tumulong sa Bahay

Magulang: Maglinis, maglaba, magluto.

Anak: Habang nakikinig sa MP3, umupo sa kusina at medyo tsikahin si Mama/Mommy habang siya ay nagluluto.

3. Makihalubilo

Magulang: Um-attend sa mga okasyong gaya ng binyag, kasal at piyesta. Dumalaw sa mga kamag-anak.

Anak: Mag – Facebook. Mag-text sa kaklase para tanungin kung bukas ba ang submission ng paper. Mag – Facebook.

4. Outdoor

Magulang: Pag-akyat sa bundok. Pagpunta sa bukid para sumagap ng sariwang hangin, mamitas ng bungang-kahoy at manghuli ng kulisap.

Anak: Malls. Tambayan sa may labas ng school. Bahay ng kaklase. Anywhere outside the house – sana, may aircon, pero pwede ring wala basta masarap ang kwentuhan.

 

Paano ba ito?  Itong si magulang at si anak, tila walang kahulugang magkapareho.  “Wala man lang silang common language,” obserbasyon ni English teacher. “Wala silang point of intersection,” singit naman ni Math teacher.

 

Image comparing technologies in the 90s and the 2000 and up

Iilan pa lang ang gadget noon at analog pa ang teknolohiyang gamit. Sa ngayon, napakarami na ng gadgets at digital sila/ retro.mmgn.com

 

“Hindi ko makita kung paano magkakaroon ng effective communication sa pagitan nilang dalawa,” pagko-conclude ni English teacher. Sabi naman ni Math teacher, noong akala nyang marami nang nakikinig sa kanya, “You see, class, what we have here are two arrows. They are parallel to each other, but going in opposite directions. You see, each arrow is made up of a series of points…”. 😉

 

image of opposite arrows, borrowed from lisajohnsonfitness.com

Nasa iisang plane pero magkasalungat/ lisajohnsonfitness. com

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-19 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.

 

Sabong Mabaho

 

Image of Mr. Clean, a famous detergent a few decades ago

Si Mr. Clean ay isang sikat na imahe ng sabong panlinis noong araw/ en.wikipedia.org

Sabong mabaho ang tawag namin noon sa sabong baretang ginagamit panlaba. Ang tawag naman namin sa sabong panligo, sabong mabango. Sa science subject, matututunan kong ang karamihan pala sa sabong panlaba, gawa sa taba ng hayop o animal fat. Habang ang sabong panligo naman, gawa pala sa vegetable oil.

 

Bakit sabong mabaho ang tawag? Ito ang ipinagtataka ko dati. Kung mabaho ang sabong ito, bakit ginagamit ng mga taong panlinis ng damit? Panlinis din ng pinggan, kaldero, lababo at mga pasamano. Wika ko noon, paano nakakalinis ang bagay na mabaho?

 

Ang ginawa ko, inaamuy-amoy ko nga itong sabong mabaho. Medyo mabaho nga. Medyo malansa. Kaya pala kako, sabong mabaho.

 

 

Dati, may katapangan ang timpla at lalo na, ang amoy, ng sabong panlaba. Di gaya sa ngayong gentle na ang amoy ng mga sabong bareta. Halos simbango na rin nga sila ng sabong pampaligo at may mga scents pang kalamansi, lemon, sampagita at iba pa. Hindi na exactly, mabaho.

 

Superwheel, Champion, Mr. Clean, Ajax, Ola, Perla at Tide ang mga kilalang brands ng sabong panlaba noon. Lahat sila ay detergent o sabong panlinis. Ang anyo nila ay bareta. Lahat sila, kulay asul, maliban sa Ola na kulay pink at sa Perla na off white. Lahat sila ay tinatawag doon sa aming sabong mabaho.

 

image of women using tide for their laundry, borrowed from francisanderson.wordpress.com

Ginagamit ng middle at upper classes sa pilipinas noon/ francisanderson.wordpress.com

 

Mayroon na nga rin palang pulbos na detergent noon, ang Tide at Breeze. Hindi sila gaanong gamit sa amin sa dahilang sila ay mas mahal. Sabong panlinis rin ang mga ito. Pero, hindi ako sigurado kung sabong mabaho rin ang turing sa kanila ng mga taga-amin. Ang pagka-intindi ko sa pagkaintindi ng mga tao roon – pag sabong mabaho, sabong bareta.

 

Noon, ang sabong mabaho, di lang ginagamit ng marami sa paglalaba. Sabong panligo na rin ito para sa mga kapos ang  badyet. Double purpose, ika nga. Pagkatapos maglaba sa poso ng isang taga-roon sa amin, liligo na rin siya. Ang natirang sabong ipinanlaba, siya niyang gagamiting panligo. Pereho ngayong malinis ang nilabhan at ang naglaba. Pareho silang amoy- sabong mabaho. 😉

 

Matigas at magaspang ang sabong mabaho. Pag ginamit mo ito sa buhok, titigas ang mga hibla nila at magkakaroon ng split ends. Pag sa katawan, magiging kaliskisin naman ang iyong balat.

 

 

Hindi naman sa wala kang pagpipilian noon. Mayroon din. Kung may pambili ka, bili ka ng shampoo. Meron na noong Gee (Your hair smells terrific), Kao Feather, Palmolive, Johnson’s (No more tears), Selsun Blue at Wella Balsam. Wala na sa ngayon dito sa Pilipinas ang Gee, Kao Feather, Selsun Blue at Wella Balsam, mga produktong sikat noong ‘80s, kung kelan uso ang malago at wavy na buhok.

 

Kung wala ka namang pambili ng shampoo at ayaw mong manigas ang iyong buhok sa kagagamit ng sabong panlaba, pwede kang gumamit ng gugo.

 

Image of gugo, barks of plant rolled upon, used as traditional shampoo

Tradisyunal na shampoo. pinipigaan ng kalamansi/ d-i-y-love.blogspot.com

 

Ang gugo ay pinitpit na balat ng halamang gugo. Ibinababad ito sa tabo ng tubig. Ang pinagbabarang tubig ay kinakanaw at kadalasan din, pinipigaan ng kalamansi. Ito ngayon ang  gagamiting pang-shampoo. Sabi ng matatanda sa amin, nakakapagpaganda raw ito ng buhok at walang harmful chemicals. Kaya, sikat rin naman noon ang gugo, sikat sa mga kadalagahan doon sa amin.

 

Kaming mga bata, mas gusto na namin ang sabong mabaho. Bumubula ito habang ikinukuskos sa ulo. Kaysa naman sa healthy na gugong madamot bumula. Kaya madalas, ayon at amoy Superwheel ang mga ulo namin. Naasiwa tuloy kami kung may dumarating na taga-Maynila at pinaghahahalikan kami. Ang babango namin, amoy-sabong mabaho. 😉

 

Marami na ring sabong mabango ng panahong iyon. Mayroon noong Irish Spring, Lifebouy, Dial, Johnson’s,  Camay, Lux, Blossoms, Palmolive, Safeguard, Ivory at Heno de Pravia. Wala na sa ngayon ang  Lifebouy, Camay at Lux na brands. Ganoon din ang mahinhin ang amoy na Blossoms.

 

image of Lux soap, borrowed from alibaba.com

ang lux soap ay isang kilalang uri ng sabong mabango/alibaba.com

 

Paminsan-minsan, ang mga pamilya namin ay nakakabili nitong sabong mabango. Excited na kami pag alam naming sabong mabango ang aming gagamitin. Ang sarap kaya ng pakiramdam pagkatapos maligo at ikaw ay amoy Lifebouy o Irish Spring? Pakiramdam namin noon, kami iyong bata sa commercial na binabalutan ng tuwalya ng nanay pagkalabas sa shower. Totoong mabango, di amoy-sabong mabaho. 😉

 

 

Naaalaala mo ba ang paulit-ulit na exhibition ng mga medyas at kuwelyo ng damit sa mga patalastas? Iyon iyong mahigpit at mabangis na labanan ng sari-saring brands ng sabong bareta sa mga nagdaang taon. Kada anim na buwan, may lumalabas na new and improved (pangalan ng sabon). Pagkatapos, ang susunod naman ay new and advanced (pangalan ng sabon). Hanggang sa umabot sa kasalukuyang ang sabi naman ng ads ng sabong panlaba ay germ-free sila at total power ang dala nilang kalinisan.

 

image of a white polo shirt, borrowed from smartpakequine.com

larawan ng isang malinis na polong puti/smartpakequine.com

 

Pero paano nga ba nakakalinis ang isang mixture na mabaho ang amoy? Simple lang pala ang sagot. Wala sa amoy ang cleaning power ng isang produkto kundi nasa cleaning properties nito. Ang mga bleaching detergents sa ngayon, halimbawa, karamihan ay amoy asido at mabaho pa rin. Pero, mabisa silang panlinis. Ang karamihan naman sa mga shampoo na gamit natin sa ngayon, kahit anong babango pa, may ingredients na kapareho ng sa detergent bars and liquids. Ang kaibahan lang, mayroon na ngayong conditioner na nagbabalik daw ng natural oil sa nawalang langis sa ulo at buhok natin.

 

Pero mabalik tayo sa brand wars ng sabong bareta. Sa pagdaan ng mga taon, tila unti-unti nitong napaganda ang klase ng mga nabibiling bareta. Nabawasan ang tapang ng kanilang timpla, gayon din ang sa mga pulbos at likidong panlinis at panlaba. At gaya nga ng nasabi ko na, mababango na rin ngayon ang mga sabong mababaho.

 

Unti-unti, binura ng mga patalastas sa bokabularyo ng mga tao ang katawagang sabong mabaho. Inalis ang stigma na nakakabit sa paglapat ng detergent sa balat ng tao.

 

a child being bathed, poster of foster child movie, borrowed from clickthecity.com

imahe ng isang batang Pilipinong pinapaliguan/clickthecity.com

 

Iyon lang – kung kailan bumango na ang sabong mabaho, saka naman kumaunti ang gumagamit nito bilang shampoo at bilang sabong pampaligo. 🙂

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-13 ng Nobyembre, 2010 para  idagdag ang mga larawan.

Usong Yari ng Bahay

image of a cement house and backyard, borrowed from article.wn.com

Likuran ng isang bahay na may maluwag na bakuran/ article.wn.com

 

Kwadrado rin ang karaniwang hugis ng bahay noon doon sa amin. Kung minsan naman ay parihaba. Kadalasan, bungalow style ang yari. Mga 60 hanggang 120 metro kwadrado ang sukat, depende sa budget ng magpapagawa at sa dami ng titira. Karaniwang gawa ito sa hollow blocks, semento, kahoy at yero. Karaniwan din, walang pinta.

 

Kadalasan, maliliit lang ang bahay noon doon sa amin. Pero, malalaki ang bakuran. Ang floor area ng bahay ay karaniwang isangkatlo o isangkapat lang ng laki ng bakuran. Uso rin noon ang may balkonahe o front porch na napapalibutan ng mga balustreng yari sa semento o ceramics.

Di uso noon ang bahay na totally enclosed. Uso ang may bakod pero madalas, gawa iyon sa kahoy at may mga siwang sa pagitan. Kung minsan naman, yari sa chicken wire. May ilang bahay na noong semento na ang bakod, pero mababa lang – hanggang beywang lang o hanggang dibdib. Kailangan ay may bakod lang, pero kita pa rin ang bahay at ang loob ng bakuran.

 

image of a Filipino house with cement fence, borrowed from flickr.com

Mayroong bakod pero kita pa rin ang bahay at bakuran/ flickr.com

 

Kung ang may-ari ng bahay ay may sasakyan – lumang kotse, bagong pamasadang jeepney o assembled owner-type jeep – may isang bahaging katabi ng bahay na nagsisilbing garahe. Mayroon iyong bubong pero kadalasan, wala ring sarahan.

 

May pagka-standard ang yari ng mga bahay noon sa amin. May balkonahe,  may sala, may dalawa o tatlong silid-tulugan, may dining room at may dirty kitchen. Sa labas ng bahay, kadugtong ng dirty kitchen, maaaring may isa pang kalang ginagamit pag may handaan o pag may pagkaing pakukuluan ng matagal. Mga sampong metro ang layo mula sa kalan, may palikuran sa labas na kung tawagin, doon sa amin, kasilyas.

image of an outhouse, borrowed from fotosearch.com

Dito dumudumi ang mga tao/ fotosearch.com

 

Ang kinasanayan sa amin noon, ang main door at ang back door lang ng bahay ang may saraduhan o kumpletong locks. At, isinasara lang ang mga ito talaga sa gabi, pag matutulog na ang lahat. Ang ibang bahagi ng bahay, halimbawa, ang pintuan ng mga silid-tulugan, walang pinto. May pintuan, pero walang pinto. Ang mayroon lang sila ay kurtina o tabing.

Hindi gaanong concern sa amin noon ang security ng bahay at ang privacy ng mga nakatira sa bahay. Ang katwiran ng mga taga-roon sa amin, magkaka-kilala at magkakamag-anak naman halos lahat sa lugar. Walang sekre-sekreto, hanggang maaari.

 

Pag taga-roon ka, maski nagsusukat ka ng damit, maaring biglang pumasok sa kwarto nyo ang pinsan mo dahil manghihingi siya ng kaning bahaw. Ang kainaman lang doon, pwede ring anumang oras ay pumasok ka sa bahay nila at mahuli mo siyang gumagawa ng love letter. 😉

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-21 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.

 

Walang Bait

image of a parent scolding a child, borrowed from scribblings-reflections.blogspot.com

Pag may ginawang kabulastugan, napagsasabihan/ scribblings-reflections.blogspot.com

Kagaya rin sa ngayon, kaming mga bata noon ay nakakagalitan ng aming mga magulang dahil sinuway namin ang kanilang utos, dahil matigas ang aming ulo at dahil may ginawa kaming, sa sabi nila, hindi maganda. O, hindi tama.

 

Ang pangkalahatang alituntunin noon, habang pinagsasabihan o kinagagalitan ka ng nakatatanda sa iyo, huwag kang sasagot. Hintayin mo munang mailabas ang lahat ng galit at paninisi ng taong nagagalit sa iyo. Kapag humupa na ang emosyon, pag bumalik na sa normal ang kanyang boses at kapag tinanong ka na kung bakit mo ginawa o nagawa iyon, kung anuman iyon, saka ka lamang sumagot at magpaliwanag. Saka ka mangatwiran at humingi ng pasensya.

 

Siyempre, maraming klase ng pagkakasala ang maaring magawa, at ginagawa, ng isang bata.  By degrees din ang kaparusahang naghihintay sa maysala. Pag matindi talaga ang ginawa mo, hindi ka kakausapin ng mga magulang mo nang maghapon o magdamag. Pag katamtamang kasalanan, malamang ay kagagalitan ka o papaluin. Pag maliit lang o mild ang kasalanan, ang katapat noon ay masasabihan ang isang bata – ikaw – na wala kang bait.

 

Andito ang ilan sa mga kilos o gawaing naaalala ko pang pag ginawa mo noon ay tiyak na masasabihan ka.  O, mas malamang sa hindi, itatanong mismo sa iyo – wala ka bang bait?

 

Pag isinama mo sa malayu-layong kapitbahay ang iyong maliit na kapatid nang hindi mo sinuotan ng salawal. Ikaw ang nakatatandang kapatid. Binitbit mo sa iyong paggagala ang iyong kapatid na dalawa o tatlong taon pa lamang nang hindi mo binihisan nang ayos. Iyong tipong binitbit o inakay mo na lang basta. Iyon pala, wala siyang suot sa baba, pang-itaas lang. Nakarating kayo sa malayo sa inyong paghihikap. Pag-uwi nyo ngayon, humanda ka na.

 

Pag hindi mo binantayan ang sinaing at nasunog ito. Alas-singko y medya ng hapon, nagsaing ang kapatid mong nakatatanda. Pero dahil may pupuntahan pala siya, ibibilin niya ngayon sa iyong titingnan-tingnan mo ang sinaing. Ang ibig sabihin noon ay sisiguruhin mong maluluto iyon pero hindi masusunog. Dapat, pag kumulo na, aalisin mo ang mga gatong na kahoy at hahayaan mong maiga ang sinaing sa init lang ng baga. Pero dahil, halimbawa, busy ka sa paggagawa ng assignment, nakalimutan mo. Lagot ka ngayon.

 

Pag  ikaw ang taong-bahay at hindi ka nagsaing sa oras ng tanghalian o hapunan. Sabado, mag-a-alas-onse.  Naging busy ka uli, halimbawa, dahil nagpa-practise ka ng mga kanta sa hiniram mong songhits o kaya naman ay naggugupit ka ng kung anu-ano sa mga lumang magasin. Nalimutan mo na naman ang tungkulin mo kaugnay ng sinaing. Pagdating ng pamilya mo sa tanghali at wala pala kayong lutong kanin,  pasensyahan kayo. Walang sinuman sa pamilya ang pwedeng magtanggol sa iyo noon. Baka nga, ma-upgrade pa ang kaparusahan mo sa susunod na level – ang mapalo.

 

 

Pag nadumihan mo ang tapayang-inumin at hindi mo nilinis at hindi mo rin ipinaalam sa iba. Kung ang ibang tapayan sa kusina ang malagyan o mapatakan mo ng kaunting dumi sa iyong pagsaluk-salok ng tubig, wala ka pang maririnig na sabi. Ipapalinis lang sa iyo ang mga iyon at papapalitan ng tubig. Pag ang lalagyan na ng inumin ang napatakan ng mga mumo ng kanin o ibang dumi, kasalanan na iyon. May maririnig ka na. Pag pilyo o pilya ka pang bata at hindi mo agad sinabi, katakut-takot ang maririnig mo pag nadiskubre na. Hindi ka lang walang-ingat, ikaw rin ay…

 

Pag naibagsak mo ang radyo at hindi na ito gumana. Sabihin mo mang iisa lang ang radyo ninyo at marami kayong gustong makinig sa iba-ibang programa. Hindi excuse iyon para mabitawan at mailaglag mo ang mahalagang instrumento habang ito ay pinag-aagawan ninyong magkapatid. Ang patakaran, kung sino ang huling mayhawak bago ito nabagsak, siya ang masisisi. Pag ang tatay nyo na ang nagtanong kung nasaan na ang radyo, ituturo ka ng mga tingin ng mga kapatid mo. Sa presinto ka ngayon magpapaliwanag.

 

 

Pag ang perang ipinagpapabili sa iyo ng kailangan sa bahay ay ginastos mo para sa kendi at iba pang pagkain. Ito ay depende sa laki ng pangangailangan sa ipinapabili sa iyo. Pag pinabibili ka lang ng singkong bawang at natukso kang ibili iyon ng kendi, pwedeng umuwi ka agad at mangumpisal sa iyong nagawa. Baka maiintindihan ka pa, pahihingiin ka na lang ng bawang sa inyong Nanay (lola). Pero pag pinabibili ka na ng Marca Pina toyo at iyon lamang ang inyong uulamin sa hapunan, pag ginastos mo iyon sa mga makukulay at matatamis na display sa tindahan, makikita mo. Madiin at mabigat ang pagsasabi sa iyo: wala kang bait. Pag malakas ang loob mo at sumagot ka pa, posibleng ma-upgrade ka na naman.

 

Pag nagpakabasa ka sa ulan gayong pwede ka namang sumilong o  may payong o kapote namang pwedeng gamitin. Madali lang ang logic nito. Pag nabasa ka, ikaw ay magkakasakit. Pag nagkasakit ka, maraming mape-perwisyo, hindi lang ikaw. Tungkulin mong pangalagaan ang iyong sarili. Sa mga pagkakataong nalilimutan mo ito dahil sa pagmamadali o dahil sa kakulitan, andyan ang pamilya mo para sabihan ka.

 

 

image of a child hanging from the clothesline, borrowed from bible.ca

Nauubos rin minsan ang pasensya ng magulang/ bible.ca

Pag sinabihan kang walang bait, ang karaniwang ibig sabihin noon ay wala kang wisdom para malaman ang tama sa mali. Ipinapahiwatig na ikaw ay immature at posible pa, wala kang konsiderasyon sa iba. Hindi ka nga pinalo, hindi ka nga kinagalitan nang husto, pero sinabihan ka namang walang bait. Medyo, masakit pakinggan. Pero, ang mas mahirap nito, pag diretso kang tinanong kung ikaw ba ay walang bait.

 

Heto na ngayon. Pag tinanong ka kung wala ka bang bait, huwag kang magkakamaling sumagot. Iyon ang mga tipo ng tanong na kahit pa-kanan o pa-kaliwa ang isagot mo, mapapahamak ka pa rin. Pag isinagot mong, ‘Oho, wala nga po,’ makakagalitan ka, panigurado. Sasabihin sa iyong ikaw ay pilosopo, adelantado, sumasagot sa matatanda, marunong nang mangatwiran at iba pang akusasyong lalong magpapahaba sa usapan.

 

Pag sinagot mo naman ang tanong ng ganito, ‘Meron ho, may bait naman ho ako,’ para kang tuwirang humanap ng away. Tandaang kaya ka pinagsasabihan ay dahil may ginawa kang bagay na hindi katanggap-tanggap. Sa oras na iyon, ang dapat mong postura ay mapagkumbaba. Maaaring ipinagtatanggol mo lamang ang iyong sarili kaya nakuha mo pang sumagot. Pero, hindi iyon ang sandali to prove your innocence. Pag ginawa mo iyon, pag tinangka mong itanggi ang kawalan mo ng bait, lalo mo lamang pinalalalim ang akusasyon sa iyo. Pinatutunayan mo lamang na ganoon ka nga – walang bait.

 

Ang dapat mong gawin ay tumungo na lamang at tanggapin sa sarili – kung meron ka man nito – pana-panahon nga, ito ay iyong naiwawaglit.

image of a mother comfortung her child, borrowed from thai-blogs.com

Matapos makagalitan/ thai-blogs.com

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-20 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.