Archive for Enero, 2011

Bahay-bahayan, luma at bago

image of a colorful play house

May bahay-bahayan tayo, noong malilliit pa/ t1.gstatic.com

Di ba noong maliliit pa tayo, meron tayong bahay-bahayan? Iyong iba siguro, taguang sulok o sariling pwesto ang tawag… Maaring nasa loob ito ng bahay o nasa labas. Maaring nasa ilalim ng hagdan o nasa isang tabi sa silong. Maaaring ito’y may pinto talaga at maari ring tinabingan lang ng lumang kurtina. Maaring may palamuti sa loob, maari ring wala – payak lang, espasyo lang talaga… Pero mukha itong bahay. At itinuring mo itong iyong bahay.

 

Iyon ‘yon. Ang lugar kung saan di ka lang naglalaro at nanggagaya sa tunay na buhay, kundi doon ka rin naghahakot at nagtatago ng kung anu-ano. Mga anik-anik lang – gutay-gutay nang manika na pinipilit mo pa ring paupuin nang tuwid; lumang keychain ng ate mo na ibinigay sa ‘yo pero di mo magamit dahil wala ka pa namang wallet na mapagsasabitan; magandang batong napulot mo na lagi mong pinupunasan at inaantay na isang araw ay may magsabing may dala itong hiwaga o kaya ay maaari mong ipagbili. Mga ganoon…

 

Iyon din ang lugar kung saan mo dinadala ang mga taong iyong kabati – kapatid, kalaro, kaibigan, mga kaklaseng dumayo sa inyo – mga taong mababait sa ‘yo at di ka kinokontra. Dadalhin mo sila sa iyong sulok at doon kayo magkukwentuhan, magpapakitaan ng bagong laruan, magpapayabangan sa bagong alam na laro, magbubulungan ng tsismis at kung minsan – uupo lang… May mga pagkakataong, maghihilera kayo roon ng mga tansan o, kartong papel o  kaya naman, magtutuhog ng mga bagay na bilog na kanyo – sago, o kaya,  rosaryo.

 

larawan ng malaking bahay-bahayn sa labas ng bahay

Maraming pwedeng gawin sa lugar na ito/ thelovedhomeblog.com

Minsan doon na rin kayo kakain, aabutan kayo ro’n ng meryanda ng iyong nanay o ate. O kaya naman, lalabas kayong magkakalaro para kumuha ng meryenda tapos, babalik kayo agad sa kweba para roon manginain. Para tuloy kayong mga ibon o mga kulisap o mga dagang tumatalilis pabalik sa teritoryo… Hanggang maaari, bawal sa iyong bahay ang matatanda at pati ang mga batang di mo kasundo sa oras na iyon. Sumisilip man sila sa lugar mo kung minsan, iyon ay pag wala ka at di mo alam. At kahit walang nakasulat na OFF LIMITS, alam ng mga tao sa inyo – pribadong espasyo mo ang iyong bahay-bahayan.

 

Doon ka pumupunta noon pag nakakagalitan at ayaw mong magpakitang ika’y umiiyak o nakasimangot. Doon ka nagpapalipas ng sama ng loob sa mga araw na maraming umaaway sa iyo o hindi ibinibigay ang mga gusto mo. Doon ka humihiga pag maraming tao sa bahay nyo at hindi ka ginaganahang makihalubilo. Sa lugar na ‘yon, sa iyong My Own Private Idaho doon ka maraming iginuhit – gamit ang mga pinilas na pahina sa lumang kwaderno ng kuya mo – mga larawan mo at iyong pamilya, kasama pati ang inyong aso.

 

Ang dami rin ng mga sandaling pinalipas mo roon sa iyong sagradong sulok. Minsan ay para itago ang mga ngiti mong abot-tenga pag sa di-inaasaha’y napuri ka. Minsan ay pumupunta ka roon para paliitin ang iyong sariling tila lomolobo – sa dami ng nararamdamang di kayang ipaliwanag. Minsan ay nanonood ka lang doon ng paglalakad ng mga langgam. O, di kaya ay pinaplano ang mga gagawin mo – pag dumating ang araw na malaki ka na at pakikinggan na ng mga tao ang iyong sasabihin.

 

image of a sample domain, borrowed from t1.gstatic.com

Bahay rin ang tawag ng mga tao sa blogsite/ t1.gstatic.com

Bahay rin ang tawag ng karamihan ngayon sa blog site. Pag nag-aanyaya ang isang blogger sa kakilala nya, sinasabi niyang ‘daan ka minsan sa aking bahay.’ May kaugnayan kaya ang bahay-bahayan noong araw, sa pagkakaroon ng online na bahay sa ngayon? Naiisip ko lang.

 

Pero kung seryosong gusto mo itong sagutin o may nais kang ibahagi,  maski hindi ito makakapagpataas sa GNP ng bansa o magko-contribute sa world peace, welcome kang isulat sa espasyo sa ibaba. 😀


Ngayon ka lang nakarating dito sa aking bahay? Ay sya, pasok ka. Upo, upo… 😉

 

Possibly related posts:

 

Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog?

Ang Bagong Betamax – Rated PG

 

Namumulaklak, Namumunga

 

Ganitong buwan kung mag-umpisang mamulaklak ang santol. Naku, makalat tingnan ang mga bulaklak nitong nangalalaglag sa sahig ng lupa. Pero ang ganda nilang masdan habang nakakabit pa sa mga sanga at pinapayungan ng mga dahon.

 

image of santol flowers, first blossom, borrowed from t1.gstatic.com

Nakatikom /radaris.com

image of santol flowers, borrowed from t0.gstatic.com

Iniilawan ang gawa ng kalikasan /flickr.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

image of mature santol flowers, borrowed from t1.gstatic.com

Malapit nang sumuloy ang mga bubot /flickr.com

 

Name: Santol, Kechapi, Lolly Fruit

Scientific Name: Sandoricum koetjape, Sandoricum indicum

Family: Meliaceae

Origin: South East Asia

 

Ngayong dulo na ng Enero, marami nang mga bubot na santol ang makikita – mga berdeng bilog na sinlalaki ng dyolen. Tatlong buwan muna ang lilipas bago sila lumaki nang husto at mangahinog.

 

image of young santol fruit, borrowed from t1.gstatic.com

Munting dyoleng mapakla at madagta /stuartexchange.org

 

Sapaw, iyon ang tawag sa amin sa mga unang bunga ng santol na nahihinog pag buwan ng Mayo. Hindi pa iyon ang panahon ng maramihang pagkahinog. Kumbaga, practice na bunga pa lang. Hunyo hanggang Hulyo ang mismong “panahon” ng santol, mga buwang kung tawagin sa amin ay tag-santol.

 

image of unripe santol fruit, borrowed from t2.gstatic.com

Mapait pa ang banakal /flickr.com

image of ripe santol fruit, borrowed from t0.gstatic.com

Matatamis na ang mga buto /toptropicals.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Habang hilaw pa,  ang bunga ng santol ay karaniwang pang-asim ng isda at karne. Ang mga hinog naman ay parang mangga – kinakaing sawsaw sa asin lang o kaya ay binuburo o pickled. Ginagawa ring minatamis o preserve ng iba, parang kamyas na binababad muna ng ilang oras sa apog bago iniluluto sa asukal o pukyutan.

Pero mas madalas, ganito natin sila nakakasalubong.

 

image of pickled santol fruit, borrowed from t2.gstatic.com
Baka sa kanto, meron /blauearth.co
image of peeled ripe santol fruits, borrowed from t1.gstatic.com

Babalatan, saka aasinan /pinoyexchange.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Antay-antay muna. Bubot pa, e…


Please see:

http://toptropicals.com/catalog/uid/Sandoricum_koetjape.htm

http://www.thewisegardener.com/index.php?page=articles&aid=220

http://www.stuartxchange.org/Santol.html

Luntiang Panganib: deconstructing salbehe

 

Hindi po talaga salbahe si salbehe. Nililinlang nya lamang tayo.

gravatar image of salbehe, borrowed from 2.gravatar.com

Nagpapanggap, mapanganib /en.gravatar.com

 Pansamantala po nating pinuputol ang pagtalakay sa mga bagay-bagay doon sa amin para bigyang-daan ang isang babala. May kakatakutang gumagala sa blogesperyo at walang-habas itong naghahasik ng lagim. Makikilala siya sa pamamagitan ng berdeng gravatar na nasa kaliwa. Ang karakter na ito ay isa po lamang prototype, bagay na ekspertong gawin ng nilalang na nasa likod nitong matinding pagpapanggap.

Kung papansinin po nating maigi, in-appropriate ni salbehe lahat ng negatibong katangian ng tao at ikinabit sa kanyang gravatar. Opo, lahat. Anhin ko ba namang magtira ng ilan para sa ibang bloggers? E, hindi. Kinanya nya lahat para sya lamang ang magmukhang cute na cute at nang dumugin ng mambabasa ang kanyang site.

Ano ba tayo sa paningin ni salbahe? Hindi ba tayo’y mga Kristyano rin – may pantay na karapatan at pagkakataon sa mga kahinaan? Hindi ba sumasaya rin naman tayo pag paminsan-minsan ay disente ang sinasabi ng ating site statistics? Pero ipinagkakait sa atin ni salbehe ang mga ganoong pagkakataon. Ang nais nya’y sa kanya lamang mabuhos ang lahat ng pansin.

Sa diwa ng pakikipagkapwa, ibabahagi ko sa inyo ang ilan sa traits na ipinangangalandakang mayroon itong si salbehe at ang totoong scores niya sa mga larangang ito. Iminumungkahi kong sama-sama natin syang ilantad upang hindi na siya tuluyang makapamuksa. Naririto ang ilan sa kanyang claims na huwad:

1. Suplada raw sya sa blog at mabait sa personalpress release. Noong una po akong nagpadala ng fan mail sa kanyang blog ay kagyat niya itong sinagot ng isang email pabalik. Ganito ba ang angkop na kondukta ng isang proper diva? Naitatanong lang naman. Palagay ko po’y malayo pa ang lalakbayin nitong si salbehe para marating nya ang kinaluluklukan ngayon ni Mariah Carey. Hindi nyo maiaalis kung isipin kong di sya mabait sa personal.

2. Kuripot daw syakasinungalingan. Nagkita sila ng blogger na si kat. Ano ang kwento ni kat? ‘Inilibre ako ni ate salbe.’ Kanino po tayo maniniwala ngayon? Naman…

3. Bastos daw ang karakter na itoambisyon. Opo. Kung papansinin nyo ang kanyang mga isinulat, pagkakatapos nyang magsabi ng mga “kabastusan,” may kasunod lagi iyong, ‘bakit, body parts naman ‘yon, ah?.’ Iba po ang bastos sa nangangarap lang maging bastos.

4. Kaladkarin din daw syagimik. Wala pa akong nababasa sa mga isinulat nya, isinulat ng mga kaibigan nya at sa mga iniwan nyang comments na instance, maski isa lang, na sya po ay kinaladkad. Opo. Parati siyang sumasama nang mahinusay.

5. Dream date nya raw ang talentadong blogger na si dukingsatsat, puro satsat. Alam po ng marami, nag-date na sina duking at salbehe. Nag-hotel pa nga sila. May nangyari ba? Sang-ayon sa kanya mismong kwento, na sinusugan pa ng malalapit nyang kaibigan – nada con nada. Hindi niya nailugso ang puri ni duking, sa marahas o malumanay mang paraan. Ni dulo ng daliri ni duking, hindi napagtangkaan ng timid na si salbehe.

cartoon image of two dogs talking, borrowed from t2.gstatic.com

Tanggap ang pagiging karaniwan /whataboutclients.com

Iyan po, mga kaibigan. Pangita ang pagbabalatkayo ng tampalasang si salbehe. Ang ipinagtataka po natin, bakit kailangan pa nyang gawin lahat ito? Bakit hindi na lang siya makontento sa kapalarang bigay sa kanya? Ba’t hindi nya matanggap ang katotohanang isa rin lamang syang karaniwang blogger – masaya na pag may 15 bumisita sa site at may dalawang nag-iwan ng matipid na comment? Bakit po nga ba?

Sapagkat ang nasa likod ng lahat ng ito ay ang maitim na balak ni salbeheng pangibabawan ang blogesperyo. Opo. Una nya nang ginawan ng intriga ang sarili, tila baga gustong talbugan si Kris Aquino.

Ikalawa, inalis nya ang comment section ng kanyang blog nang sa gayo’y magmukhang eksklusibo at pribado ang mga mensahe ng mambabasa sa kanya. Ano po ang ginagawa nya sa ating “pribadong” mansahe? Pana-panaho’y inililimbag nya sa kanyang domain na naka-ugnay sa kanyang anim – opo, anim pa lang sa ngayon – na social networking sites. Hindi siguro katakatakang isang araw, maungusan nya si Mark Zuckerberg sa pangongolekta ng impormasyon ng mga taong walang malay.

Malayo rin po ba kung iisipin nating kinukumpetensya nya si Jessica Zafra? May kaibahan po silang dalawa, kung tutuusin. Si Jessica ay nag-deklara ng personal nyang misyon sa umpisa pa lamang. Itong si salbehe ay hindi.  Kung kaya nga ba tinataya ng mga awtoridad: higit ang panganib at pananalasang maaring idulot nito.

image of butterflies, borrowed from t3.gstatic.com

Maraming istasyon ang pinupuntahan /butterfly-desktop-3d-screensaver.smartcode.com

Sakali pong masalubong ninyo ang berdeng karakter na ito – patalon-talon sa iba’t ibang sites na animo’y paruparong lilipad-lipad – manapa’y ipagbigay alam agad sa kinauukulan. Mas maaga pong mahihinto ang mga likong gawi nitong luntiang panganib, mas makakatulog tayong lahat nang mahimbing. Kailangan po yata siyang ipasok sa rehab nang sa gayo’y ma-flush out sa kanyang sistema ang practice ng arbitrary and undue sensationalism.

Iyan lamang po muna sa ngayon, mga kaibigan. Sa susunod ay babalik na tayo sa karaniwan nating mga paksa – pagtatanim ng halaman, pag-aalaga ng mga hayop at pagpapaunlad sa kanayunan. Lagi po tayong mag-iingat!

malikhaing langit para sa batang makulit

 

Nasa SLEX kami dati, pabalik ng Maynila galing probinsya, nang makakita nito.

 

image of a rainbow from afar

Makulay na parabola/ photography.nationalgeographic.com

 

Mula bata hanggang sa ngayong namumuti na ang buhok, mangha-mangha pa rin ako sa ganda ng bahag-hari. Heto ang close-up shot

 

image of a rainbow, close-up shot

Malikhaing palamuti ng langit/ planetpals.com

 

He, he… kabilang side ‘yan. Sabi ng National Geographic, wala raw talagang dulo o endpoint mismo ang rainbow kaya ang posisyon nito ay pirming nagbabago depende sa kinalalagyan ng tumitingin.

 

Siguro, kaya ang daming mahihilig dito…

 

image of crayola

Madalas mabali o mapudpod/ mylitterofsix.blogspot.com

 

Para kunwari, nahahawakan natin ang rainbow. 😀

 

Pawiin Ang Lamig

 

Sa amin, pag ganitong buwan hanggang sa gitna ng Marso, mangangaligkig ka talaga sa ginaw. Babalutin mong maigi ang sarili mo at iinom ka nitong sikat na pangontra sa lamig:


image of ginger tea and ginger

  Higop ng mainit pag taglamig/ filipino-recipe.org

 

Tapos, tatapat kayong mag-anak sa kalang maraming gatong. Habang sinisipat ninyo ang naglalagablab na apoy, magkukunwari kayong iyon ay fireplace. Sa harap ng kalan na rin kayo magku-kwentuhan. Tapos, tutulog kayong tabi-tabi. Kahit pa kamo pag araw, galit-galit. Ganoon dati, doon sa amin. 😉

 

Pawiin ang lamig, gabi’y gawin nating mainit. Iyon sana ang balak kong pamagat ng post. Buti na lang, nangimi pa ako. 😀

 

 

Please see:

http://www.filipino-recipe.org/filipino-drinks-and-beverages/filipino-salabat-drink-ginger-tea/

 

Ang Kwento ni Nine

image of a young Filipina in rural Philippines

Paano nga ba mangangatwiran ang batang nakagawa ng kabulastugan?/ t2.gstatic.com

Back story ito. Si Nine ay ang bata sa ating post na Walang Bait. Nangapit-bahay siya kasama ang dalawang taong kapatid, na ni hindi niya sinuotan ng salawal. Pag-uwi ni Nine, inilingan siya ng ulo ng kanyang Tatay, kinurot sa singit ng kanyang ate at sinabihan ng kanyang Inay na iyon – walang bait.

 

Ba’t nga naman kasi hindi nya sinalawalan? E, kung masabit ang pwet ng bata? Kung masuotan ng kung anong insekto sa kuwan? Aba, e, kung mapaupo ang bata sa kung saan at lamigin? Hindi ka na nahiya, karay-karay mo ang batang maski tapis, wala? Iyan ang ilan sa mga tanong na narinig ni Nine sa kanyang pamilya. Hindi nya sinagot lahat, tumungo lang sya’t nanahimik. Alam naman niya – siya ang mali.

 

 

image of girls playing, borrowed from t1.gstatic.com

Masayang maglaro sa malawak na kabukiran /filipinolifeinpictures.wordpress.com

Si Nine ay isang batang ipinanganak at lumaki sa bukid. Jocelyn ang kanyang tunay na pangalan. Ang tatay nya ay si Ka Jose at ang kanyang nanay ay si Ka Linda. Ang  palayaw niya talaga ay Nene. Kaya lang, matigas ang bigkas sa unang pantig ng salita sa kanilang lugar kaya hayun – naging Nine. Si Nine ay magsi-siyam na taong gulang at nasa ikatlong baitang sa paaralan sa kanilang nayon.

 

Panlima si Nine sa pito, magwa-walong magkakapatid. Nagtatanim sa bukid ang tatay nya habang nagluluwas naman ng gulay sa Maynila ang kanyang ina. Mahirap lamang ang kanyang pamilya. Anim silang nag-aaral at maski sabihin pang wala namang matrikula ang tatlo, medyo pahirapan pa rin ang pagdi-dilihensya ng baon. Sabado nang maganap ang istoryang kinasasangkutan niya.

 

Image of children on the way to school in rural Philippines

Lakad lang sila papunta at pabalik sa eskwela/ liveinthephilippines.com

 

Maagang gumising si Nine noon, makalampas ang alas singko ng umaga. Gaya ng dati, pagwawalis ng bakuran ang una niyang inasikaso. Pinausukan rin nya ang mga mangga. Nagpasok din siya ng mga kahoy na panggatong at nagbantay ng sinaing. Tumulong din si Nine sa paghahain. Siya rin ang nagwalis ng kusina habang ang ate nya ay naghuhugas ng pinggan. Inutusan siya pagkatapos ng isa pa nyang ateng tumulong sa pag-aayos ng mga damit na labahin. Papunta sila mayamaya sa kuluong.

 

cartoon image of a girl with a doll, borrowed from t1.gstatic.com

Hindi maalis sa isip/ ibirthdayclipart. com

Ngunit, hindi mapakali si Nine. Kaninang nagwawalis sya, sinabihan sya ng kanyang pinsan at kalarong si Dengdeng, na si Lelet raw ay may bagong manika. Padala raw ng tiyahin nitong nasa Maynila. Hindi lang daw pumipikit ang manika pag ihinihiga, kundi kumakanta rin pag itinatayo. Wala pang may ganoong laruan sa kanilang baryo – si Lelet pa lang. Pagkaalis ni Dengdeng, nagpasya si Nine sa sarili: titingnan nya ang kakaibang manikang iyon sa lalong madaling panahon.

 

Kailan at paano, iyon ang malaking tanong. Isa pa, may kalayuan ang kina Lelet sa kanila, higit sampong minutong lakaran. Hindi pa noon tapos mag-ayos ng mga lalabhan ang magkapatid. At paniyak, may susunod pang iuutos kay Nine. Ganoon naman doon sa kanila  pag Sabado, maraming trabaho sa bahay at sa bukid. Iyon nga lang kung tutuusin ang mahaba-habang pagkakataon para makatulong sa mga gawain ng magulang ang nagsisipasok na anak. At, kung di sila gagawa ay sino? Wala si Nineng maisip na iba…

 

image of a young Filipino child, borrowed from t2.gstatic.com

Kinarga nang walang abug-abog/ my_sarisari_store.typepad.com

Tumayo si Nine at sinilip sa kuna ang maliit na kapatid. Gising na ang bata at pagkakita sa kanya’y agad yumakap. Kinarga nya na ng tuluyan, sabay lakad palabas. Iyon na ang hinihintay niyang pagkakataon.

 

 

Higit isangdaang hakbang pa lamang mula sa kanilang pultahan, may nakasalubong na agad sina Nine. Si Tya Piling, pinsang pangatlo ng kanyang tatay. Noo’y kabababa pa lang ni Nine sa pasan-pasang maliit na kapatid. Sa awa kasi ng langit, may suot naman palang rubberized na sapatos ang bata. Kaya hayon, tyempong umpisa ng paglakad ni maliit, siya namang kita ng kasalubong na walang siyang tapalodo sa baba.

 

Pa’saan kayo?, tanong ni Tya Piling. Dyan lang ho, sagot ni Nine habang binibilisan ang lakad. Uwi muna kayo at salawalan ang bata, sabi ng tiyahin. Malayu-layo na sina Nine. Pero, narinig pa nya ang pahimakas ng ale. At bahagya, kinabahan siya. Tumuloy na si Tya Piling sa kanyang pupuntahan – sa lola ni Nine. Sa direksyong pa-kanila.

 

Kinarga muli ni Nine ang kapatid para mabilis silang makarating sa pupuntahan. Salamat na lang, maganda ang tulog ng bata. Hindi man lang umiyak. Nagkukwento pa sa salita nyang at-at. Naiintindihan naman ni Nine ang pautal-utal nitong sabi. Hinalik-halikan nya ang kapatid sa braso at sinabihang maganda roon sa pupuntahan nila – basta, dapat, mabait ang baby. Yumakap uli sa kanya ang bata. Na-guilty ng kaunti si Nine, pero parang kurot lang. Dumiretso pa rin sila kina Lelet.

 

 

Pagdating kina Lelet, pinakain sina Nine ng tinapay. Matapos, agad kinuha ng nanay ni Lelet ang baby, dinala sa sala at ipinaglatag para makapaglaro raw ng ayos. Tamang-tama, ando’n ang kapatid ni Lelet na tatlong taong gulang. Kaya, ayon, laru-laro ang dalawang bata. Nakapaglaro ring maigi sina Nine at Lelet.

 

image of a girl holding a doll, borrowed from t1.gstatic.com

Masaya pag hawak mo na ang manika/ arthursclipart.org

Inilabas ni Lelet ang manikang sinasabi. Kainaman nga ng ganda. Ipinahawak iyon ni Lelet kay Nine. Paulit-ulit niyang idinemo sa bisita ang kakaibang abilidad ng manyika. Wala pa raw pangalan kaya, bininyagan nila – Scarlett. Para tuloy naging malapit sina Lelet at Nine sa isa’t isa. Kung tutuusin, dati namang hindi. Mabilis lang pumatak ang oras.  Mayamaya pa, kailangan nang umuwi nina Nine.

 

Mabilis ang lakad nina Nine pabalik ng bahay. Mainit na ang sikat ng araw at marami pang gagawin sa bahay. Ano kaya ang kanyang palusot? Una, sa biglaan nyang pag-alis. Ikalawa, sa pagsasama nya sa bata sa malayo, ng walang panty. Wala siyang maisip na idadahilan. Maski siya sa sarili nya, di niya maipaliwanag ang kakaiba nyang ikinilos. Hindi nya gawaing tumalilis. Lagot siya sa ate nyang iniwang mag-isang nag-aayos ng mga damit.

 

Image of a cluster of houses in rural Philippines

Ganito ang daang binagtas ni Nine/ http://www.brommel.net

Sampong hakbang pa lang mula sa kanilang patuto, naririnig na ni Nine ang sigaw ng nakababatang kapatid ng kanyang ama. ‘Ikaw na bata ka, anong galing mo? Isinama mo si maliit sa pagkakalayo ng di mo dinamitan? Ah, ah!…Ba’t kayo nakarating kina Ka ____?’ Bistado si Nine. Alam na agad kung saan sila galing. Paano pa nya lulubirin ang kanyang katwiran?

 

 

Sa lugar nina Nine, mabilis tumawid ang balita. Alam nating lahat  – sa nayon ay magkakakilala ang mga nakatira. Pag may naligaw na hindi taga-roon, alam agad ng lahat. Pag may nakasalubong na kakilala, huhuntahin. Sa kaso ni Nine, una, meron agad silang nakasalubong. Pangalawa, ang nakasalubong na ‘yon ay kamag-anak. Sa baryo, ang kamag-anak ay kamag-anak. Makikialam ‘yon, unabes.

 

Pangatlo, kung hindi man si Tya Piling, malamang-lamang ay may makakasalubong syang iba. Sa haba ng lakaran papunta kina Lelet, maraming pwede at siguro ay nakakita kina Nine – isang batang humahangos na may bitbit na bata rin. Mag-a-alas nuwebe ng umaga ng sabado. Ang batang maliit ay walang salawal.

 

 

Image of neighbors chatting by the fence

Mabilis lumakad ang balita/ http://www.shutterstock.com

Sa totoo lang, hindi nalaman ni Tya Piling kung saan sila pupunta. Ang ulat nya sa pamilya nina Nine, pasilangan ang mga batang nakasalubong. Subalit, habang kumakain nga pala sina Nine ng tinapay, may binatang dumaan kina Lelet para manghiram ng bareta, si _ _. Malamang ay nabanggit nito sa kanyang nasalubong na may bisita sina Lelet. At ang kasalubong niya ang nagpasa ng “balita” sa kanya namang nasalubong. Hanggang nakarating ang nasagap sa umpok ng bahayan nina Nine.

 

Naging headline si Nine sa balitang pansabado nang hindi nya namamalayan.

 

Wala pang tatlumpong minuto pagkaalis nina Nine ng bahay, nalaman na ng magulang ang kanilang kinaroroonan. Kumunot ang noo ng kanyang Tatay nang malaman, nagsabing mapapalo nya ang pespitanang bata. Pero, hindi naman nya ginawa. Kahit ang Nanay ni Nine, nagsabing makukurot nya sa singit ang batang layas. Pero, hindi rin nya ginawa. Ang ate ni Nineng walang imik na nag-aayos ng mga damit ang walang sabi-sabing naggawad ng parusa sa singit ni Nine.

 

Sabi ko nga, wala pang GPS sa lugar nina Nine. Ang kwentong ito ay nangyari magta-tatlumpong taon na ang nakararaan.

 

Bago nagtakip-silim, humingi ng pasensya si Nine sa kanyang pamilya at nangakong hindi na iyon mauulit. 🙂

image of vines. borrowed from overstockjeweler.com

Paunawa: Humingi muna ng nakasulat na pahintulot sa may-akda bago gamitin, sipiin, kopyahin o paramihin ang akdang ito. Maaring sumulat sa read_blink_live@yahoo.com.


unahan sa bawat pitik ng sandali

image of a family watching tv, borrowed from t2.gstatic.com

Habang nakikinig tayo sa balita, nangyayari ang susunod na balita/ 4kidstv.org

 

 

image of Jim Thorpe, borrowed from t3.gstatic.com

Ang laro ay para sa maliliksi/ lollylegs.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

image of a clock ticking, borrowed from t3.gstatic.com

Pagkabasa mo nito, tapos na/ t3.gstatic.com

 

Sabi Mo, Lilinisin Mo Ang Kwarto Mo?

image of a girl reading, borrowed from t3.gstatic.com

Masarap magbasa pag malinis ang paligid /allposters.com

Isang taon ko nang sinasabing lilinisin ko ang kwarto ko. Pero, laging pagpag, pispis at usud-usod lang ang nangyayari.

 

Noong kabilang weekend, sa wakas ay natupad ang sabi-sabi. Totoong walis mula itaas hanggang ibaba, punas mula ibabaw hanggang kailaliman at buhatang kai-kainaman ang naganap sa pook na kung tawagin ay sariling silid. May mga pagpapalit at pagdi-dispatsa ring nangyari.

 

Kapuri-puri ang resulta. Hindi ko halos makilala ang lugar. Kamuntik na akong hindi bumagay sa kwarto. Ang dami ko tuloy napagtanto. Ang dami ko ring naging tanong:

 

  • Kung ang kurtina ay panangga sa alikabok, ano ang panangga ng tao sa nangingitim na kurtina?

 

image of dirty curtains, borrowed from t0.gstatic.com

Wala tayong laban dito /tripadvisor.com

 

  • Mas masisipag ang mga gagamba kaysa sa mga tao.
  • Ginawa ang mga sulok ng bintana para maging huling tanggulan ng agiw at dumi.

 

image of a window sill corner, borrowed from t2.gstatic.com

Dito mo sila matututop/tripadvisor.com

 

  • May kakayahang mag-transform ang mga alikabok from particles to granules?
  • Nagkakaroon ng mga kaibigan at kamag-anak ang mga bagay na ipinapatong kung saan-saan lang at basta na.
  • Marami akong gamit na ligaw lang pero may mga kahon ring naghahantay lang malagyan ng laman.
  • Mas marami akong bags kaysa sa kaya at gusto kong gamitin.
  • Ang mga damit na di gaanong isinusuot ay di na nagkakasya sa may-ari.
  • Ang sinop tingnan ng mga sapatos na malilinis at tabi-tabi.

 

image of a shoe rack, borrowed from t0.gstatic.com

Hindi ganito araw-araw /bigsislilsis.com

 

  • Hindi ma-i-impress ang taong makakakita ng kwartong puno ng libro kung napapatid siya sa mga iyon.
  • Nilikha at pinauso ang shelves para ang nakatira ay may malakaran.
  • Tanging ang kama ang naging tapat sa akin at maasahan sapagkat ako ay gayon din sa kanya.
  • Maraming paraan ng pagsasalansan at pagpapatas. Hindi lahat ay nakakatulong.
  • Ba’t ang dami kong hangers? Ilang hangers ba ang kailangan para mabuhay ng katanggap-tanggap?
  • Totoo palang nakakabighani ang mesang malinis at walang nakapatong. Ba’t hindi ito sinasabi sa balita? 😉

 

image of a clean table, borrowed from t2.gstatic.com

Di lang sarili ang dapat palayain sa mga bagahe /olx.com.sg

 

  • Ang silya ay para upuan.
  • Iba ang itsura ng sahig na winawalisan lang, kaysa sahig na pinunasan ding maigi at nilagyan ng floorwax.
  • Malaki pala ang floor area ng kwarto ko. Huli ko nang namalayan.
  • Nakakapagdumi ng kuko ang puspusang paglilinis ng kwarto.
  • Nakakapagpasaya ang malinis na kwarto kahit pa marumi ang iyong kuko.

 

Sabi mo, lilinisin mo rin ang kwarto mo… Ano’ng petsa na? :D

 

image of a warning signage

Kailangan ng babala/ t3.gstatic.com


Bago Makapag-ani

image of rice grains, borrowed from t3.gstatic.com

Saan galing ang bigas? /export-forum.com

image of unripe rice grains on stalks, borrowed from t3.gstatic.com

Sa damong ito galing ang bigas /sincerelysustainable.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Siguro nga, medyo mahirap idugtong ang ideya ng bigas sa palay. Paano ba naman, pag binili natin ang bigas sa palengke o sa grocery, malinis na malinis na. Isasaing na lang. Karamihan sa atin ngayon, ang konsepto ng palay ay galing sa larawan sa libro. Iyong mga taong nagtatawanan habang nag-aani, may matipunong binatang tumutugtog ng gitara at may magandang dilag na nagpapatas ng aning palay – puro sila nakangiti. Maganda talaga ang painting na ganito at ito rin sana ang gusto kong maalaalang eksena sa nayon. Sino ba ang hindi?

 

image of a smiling Filipina during harvest, borrowed from t3.gstatic.com

Masaya habang nag-aani /en.wikipedia.org

 

Ang kaibahan lang, naabutan kong pang may mga palayan sa amin. Nakita ko pa ang maraming taga-amin habang nagtatanim, nakaranas pa akong mag-gamas ng ligaw na damo sa palayan at mismong nakapag-ani ng mga butil ng palay. Sa lahat ng ito, ang masasabi ko ay hindi siya madali – mula sa pagtatanim, hanggang sa pagbabantay at sa pag-aani. Hindi biro, siyang sabi.

 

image of a handtool used for harvesting palay, borrowed from t1.gstatic.com

Manu-mano pa ang paggapas ng palay / thekitchn.com

 

Linawin muna natin ang ilang basics. Una, ang palay ay isang uri ng damo. Ikalawa, kailangang angkop ang variety o cultivar na itatanim sa lupang pagtatamnan. Ikatlo, kailangan ng sapat at tuluy-tuloy na tubig para madiligan nang husto ang mga ugat ng tanim. Ikaapat, kailangang malabanan ang sarisaring peste sa halaman at maagapan ang pag-aalis ng weeds na maaring maka-agaw ng nutrients sa palay. Ikalima, hindi dapat matuyuan ng tubig ang lupang tinaniman o makaranas ng drought. Ikaanim, hindi rin dapat malunod sa tubig dala ng bagyo ang mga bungang palay .

 

image of palay plant parts, borrowed from t2.gstatic.com

Maraming varieties ang damong ito /botanical.com

 

Sa dami ng mga dapat isaalang-alang, mga dapat at hindi dapat gawin sa pagtatanim ng palay, parang marinig mo pa lang ang mga tagubilin ay aayaw ka na. Sa grocery ka na lang kamo bibili at hindi ka na mamo-mroblema pa. Ang siste lang, paano kung puro lang tayo consumers ng bigas at wala nang magtityagang maging producers nito? Sasabihin naman natin siguro ,e, di mais na lang o kaya ay tinapay ang kakainin natin sa araw-araw.

 

image of freshly-harvested corns, borrowed from t1.gstatic.com

Mabigat rin sa tiyan /blogs.villagevoice.com

image of sliced bread, borrowed from t3.gstatic.com

Pwedeng pamalit sa kanin /foodsubs.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Pwede siguro, sa panandalian lamang. Ang masaklap kasing katotohanan, matagal nang bagsak ang produksyon ng mais sa ating bansa. Galing U.S., India at China na ang maraming mais na ginagamit sa Pilipinas ngayon. Kung wika nyo naman ay tinapay na lang, mas lalo tayong lagot. Bakit? Ang tinapay ay galing sa harina o flour. Ang harina ay pinrosesong trigo o wheat. At, heto, hindi itinatanim ang trigo sa Pilipinas.

 

image of wheat plant, borrowed from t0.gstatic.com

Sa halamang ito galing ang harina /impactlab.net

 

Nabubuhay naman ang trigo pag itinanim sa tropikong bansa at ginawa na ito dito sa atin noong ‘70s. Napakahinang klase ng trigo nga lamang ang resulta na maski mga baboy at iba pang hayop ay ayaw silang kainin. Kaya, hayon, simula noon hanggang ngayon ay nag-aangkat ng trigo ang Pilipinas. May humigit-kumulang isang dosenang wheat importer and processor companies sa bansa. Sa kanila nakasalalay ang umiikot na supply ng harina sa Pilipinas na ating ginagamit sa paggawa ng tinapay, noodles at pasta.

 

Napapaaray tayo sa presyo ng bigas nitong mga huling taon. Samantala, tuwing makakasulyap tayo ng paintings ni Fernando Amorsolo, napapabuntung-hininga tayo sa pastoral scene nating nakikita at napapahiling na sana’y maibalik ang panahong rural, simple pero masagana. Kung may koneksyon man ang dalawa, madalas ay ayaw na nating pansinin o pag-isipan pa. Ika nati’y magsusumikap na lang tayo nang maigi para anumang taas ng presyo ng bigas at mga pangangailangan, masasabayan natin. Ismarte sana, pero alam nating sa attitude nating ito’y marami tayong nilalaktawan.

 

image of a family in the barrio after harvest, borrowed from t3.gstatic.com

Kabigha-bighani ang pinta ni Amorsolo ng kanayunan /images.businessweek.com

 

Una, mahirap mang tanggapin, hindi na masagana ang kanayunan natin. Ilan na lamang ang mayayamang magsasaka sa bansa? Hindi na matitipuno, magaganda at nakangiti ang mga magsasakang nag-rally sa may Quezon City Circle ng maraming taon.  Pag ako’y dumaraan doon, naririnig ko ang sigaw nila – wala na silang mapagtamnan at sila ay nagugutom. Ikalawa, itinatanggi man natin, apektado ang ordinaryong consumers sa pagtaas ng bigas at bilihin.  Import dependent na tayo pagdating sa bigas;  hindi kontrolado ng Pilipinas ang presyuhan sa pandaigdigang pamilihan.

 

image of grains/cereals for sale, borrowed from t1.gstatic.com

Kalakalan ng mga butil /article.wn.com

 image of a chart depicting data on world market, borrowed from t3.gstatic.com

Iba ang laro ng presyuhan sa pandaigdigang pamilihan /sgmoneymatters.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Kailan pa nag-umpisang mangyari ito, tanong ng marami. Bakit pinabayaan ng gobyerno, susog na tanong. Matagal nang nangyayari at hindi natin pwedeng ikailang hindi natin alam dahil na-obserbahan natin at naranasan. Alam natin – marami ng lupa sa probinsya ang nabenta para gawing subdivisions, maraming kakilala natin ang huminto na sa pagtatanim para mangibang-bansa, maraming pinalitan na ang mga palayan at maisan ng ibang pananim na ‘ika nga’y mas in demand. Gising pa naman tayo noong mangyari ang mga ito pero nakikinig lang tayo habang sila ay ibinabalita.

 

Bakit hindi natin ma-kontrol ang presyo ng bigas? Tanong din iyan ng economists dito sa atin: Paano natin hinayaang humulagpos ang isa sa natitira sanang comparative advantages ng Pilipinas sa pandaigdigang kalakalan? Medyo simple ang sagot. Sapagkat hindi na natin kontrolado ang produksyon at supply nito. Magkakaiba man ang paliwanag, galing man sa press statement ng opisyal o sa pribadong opinyon ng indibidwal, nakatago roon ang katotohanang hindi kasi natin napanghawakan/pinanghawakan ang produksyon nito. Sa ngayon, tila yata hindi pa rin malinaw ang mga pangmatagalang balakin natin sa larangang ito.

 

image depicting the relationship between supply and demand, borrowed from t0.gstatic.com

Lumalaki ang pangangailangan habang komokonti ang pagkukuhanan /vtc.edu.hk

 

Sabi sa wikipedia, may limang klase raw ng kapaligirang tinutubuan ng palay. Ang sa amin ay ang una sa listahan, iyong tinatawag na lowland, rainfed rice cultivation. Umaasa lang sa ulan ang pagtatanim at pag hindi pumatak ang ulan sa petsang inaasahan, nakatiwangwang ang lupa. Walang tanim sapagkat wala namang irrigation sa lugar. Ang pansalo ng mga magsasaka sa amin ay ang alternate cropping. May nakasubing mga binhi ng ibang halaman ang magtatanim sakaling mahuli ang dating ng ulan at para mapagpahinga na rin ang lupa, pana-panahon.

 

image of palay plants planted in rows, borrowed from t3.gstatic.com

Taniman pag wet season, anihan pag dry season /riceworld.org

 

Walang mga dagang bukid doon sa amin pero may mga uod at locusts na umaatake. May mga panahon ding may buhawi o ipu-ipong pagkaraan ay hugot at bunot ang mga pananim, hanggang sa ugat. May panahon din ng tagtuyot, nagbibitak-bitak ang lupa pag gayon at sinisipsip ng araw ang lahat ng tubig sa paligid. Sabihin pa, may dumarating na bagyong mababangis at walang patawad – pagkaraan nila, nakahapay na lahat sa sahig: mga puno, ligaw na halaman, pinaghirapang palay at mais.

 

image of drought in the philippines, borrowed from t1.gstatic.com

Nagbibitak-bitak ang lupa sa init /dugagz.wordpress.com

 

Sa amin, kalakhan sa tanim na palay ay para sa pangkain ng pamilya. Iyong may napakalalapad na mga taniman lang sa amin ang nakakapag-benta ng palay sa pamilihan. Bandang ‘90s, isa-isang nangawala ang palayan at maisan doon sa amin. Hindi kaagad naramdaman ang epekto pero, katagalan ay nag-umpisang magutom ang marami sa nayon. Hindi madaling magkaroon ng salapi o cash sa liblib na baryo at cash ang kailangan para makabili ng bigas sa tuwi-tuwina.

 

image of Filipinos queueing for cheap rice, borrowed from t1.gstatic.com

Kailangang bantayan ang pila /siampinoy.com

image of Filipinos queueing for rice, borrowed from farm4.static.flickr.com

Cash ang kailangang pambili ng bigas /theroadtothehorizon.org

 

 

 

 

 

 

 

 

Pinalitan ng cash crop farming ang pagtatanim ng palay at mais sa amin. Sa halip na mga batayang butil, paminta, luya at mga gulay na panluwas na ang itinanim sa malalaking bahagi ng lupa roon. Naging sabik sa cash ang magtatanim. Naging dependent din siya sa akyat-baba ng presyo sa pamilihan. Nawalan ng kasiguruhan ang pagkukuhanan niya ng pagkain. Nabawasan na rin ang kanyang sipag at pasensya. Sabi nga kasi, iba rin ang pagtatanim ng palay sa pagtatanim ng halamang pambenta.

 

image of gingers for selling to the market, borrowed from t0.gstatic.com

Marami-raming palayan sa amin ang pinalitan nito /alibaba.com

 

Pag nagtatanim ng palay,  natuturuan ang magsasaka ng tiyaga, katapatan at pagkalinga sa lupa at sa mga pananim. Mula madaling-araw hanggang sa takip-silim, pag-aalaga sa lupang kabuhayan ang inaasikaso niya. At sa dami ng kailangang ayusin, tiyakin at iwasan bago dumating ang panahong ang mga palay ay magiging dilaw mula sa pagiging berde, ang dami na ng mga pagsubok at suliraning dinaanan niya. Sa dami ng kailangang ihanda bago mapitas ang mapipintog na gintong butil, kasama nang gumulang at nahinog ang pagkatao ng magsasaka. Dangan kasi, nagdusa at nagpagod muna siya nang katakut-takot, bago pa makapag-ani…

 

image of a Filipino farmer planting rice, borrowed from t1.gstatic.com

Magsasaka ay maghapong nakayuko /article.wn.com

image of a Filipino farmer carrying palay harvest on his head, borrowed from t1.gstatic.com

Marami ang kanyang pasanin /filipinolifeinpictures.wordpress.com

 

 

 

 

 

 

 

 

image of mature palay grains, borrowed from t0.gstatic.com

Ginintuan at mapipintog ang palay na kinanda /brookfarm.com.au

 

Please see:

Click to access Hakbang%20sa%20Produksyon%20ng%20Palay.pdf

http://www.agriculture-ph.com/2010/08/philippines-misses-rice-production.html

http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=614633&publicationSubCategoryId=200

http://countrystat.bas.gov.ph/?cont=factsandfigures

http://www.bas.gov.ph/?ids=cerealsituation

http://www.ifpri.org/sites/default/files/publications/ab161.pdf

http://www.openacademy.ph/index.php?option=com_content&task=view&id=993&Itemid=382

http://www.agriculture-ph.com/2009/04/rp-corn-production-up.html

http://en.wikipedia.org/wiki/Rice

 

Minsan, Dumating Ka sa Buhay Ko

image of tulip flowers, borrowed from t3.gstatic.com

Simbulo ng pagsintang walang pag-asa /dcjay.typepad.com

 

Hindi sinasadya, hindi ko pinaghandaan, minsan ay dumating ka sa buhay ko. At ako naman sa iyo ay gayon din. Hindi ko mawari at ayaw ko na ring pakaisipin kung bakit. Pero, bahagya, natatandaan ko pa kung paano…

 

Ako noo’y may inaalaala at ikaw nama’y tila naiinip. Magulo at matao ang ating paligid. Sa gitna ng kaguluhan, nagtama ang ating mga paningin at ngumiti ang ating mga mata. Wala tayong gustong ipahiwatig, pero tila baga sa sandaling iyon, tayo ay nagkaintindihan. Magkaminsan pala, may maganda ring anggulo sa isang magulong tanawin.

Nang maghawan na ang lahat, lumapit ka at nag-usap tayong parang dating magkakilala. Asiwa at atubili pa sa umpisa, pero nagkapalagayan rin agad ng loob. Nagkwentuhan tayo, nagsabihan ng mga ayaw at gusto. Nagbanggit ng ilang personal na impormasyon. Inalala ang mga bagay na hilig at ginagawa natin – noong tayo ay mga bata pa.

 

Nagtawanan tayong parang walang pakialam sa sasabihin ng makakarinig. Nagpalitan tayo ng kuru-kuro sa ilang pangyayaring malalayo sa atin at malalapit. Sa gitna ng ating pag-uusap, isang beses mong dinanggil ang aking siko at isang beses, hinawakan mo ang aking balikat. Dalawang beses naman kitang natapik. Sinadya ba natin iyon o nadala lang tayo sa saya ng ating kwentuhan?

Aaminin ko, may mga nasabi ka noong hindi ko nagustuhan kaya saglit akong nanahimik. Subalit, ikaw rin naman. Nakita kong kumunot ng ilang beses ang iyong noo at kagyat mong pinalitan ang paksa. Bumalik tayo sa masayang usapan – mga gasgas na patawa, mga lumang pelikula at mga kakulitan ng kaibigan at pamilya. Pwede palang gumaan ang pakiramdam sa pakikipag-usap sa isang bagong kakilala?

 

Ngunit, bigla kang nagpaalam at ako ay naiwang nakatigalgal. O, di naman kaya,  may dumating kang kabarkada at sinabi kong sige lang, marami pa namang pagkakataon. O, sadyang dumating ang puntong kailangan na nating magpaalam? Ngumiti ka sa akin at nakipagkamay, saka lumakad papalayo. Habang patalikod ka na, nag-nguyngoy ako ng isang magalang na pahimakas, nagsasabing nagagalak ako at nagkausap tayo.

 

Hindi ko matandaan kung paano natapos ang lahat.

 

Pero, nababalikan ko lagi ang umpisa, ang gitna at hanggang sa halos dulo. Natatandaan kong ang mga oras na iyon ay masaya. Na ibinahagi natin sa isa’t isa ang mga sarili ng walang alalahanin at pagtutumpik-tumpik. Na may mga sinabi tayo sa isa’t isang hindi pa natin nasasabi kahit kanino.

 

Kakaiba ang mga sandaling iyon, lalo’t higit ay kapwa nating alam na wala na iyong kasunod at hindi na muli pang mauulit.

 

image of a geek's hopeless love, borrowed from t2.gstatic.com

Hanggang pasimpleng bulalas na lamang /rukikenishiro.com