Archive for the ‘Maraming Naghinalang Maganda O May Saysay’ Category

Baka Sakali

image of young chickens in the backyard, borrowed from t0.gstatic.com

Hindi sila mahirap alagaan/abc.net.au

 

Sa amin, may mangilan-ngilang pamilyang may malalaking manukan at babuyan. Pero, higit na marami sa mga taga-roon ang may alagang ilang ulo lang ng manok at baboy sa bakuran. Sila ang mga binabanggit kong may mararami ring tanim na gulay at halaman sa paligid ng bahay. Kadalasan noon sa amin, ang isang kabahayan ay may alagang lima hanggang isang dosenang manok na nangingitlog. Karaniwan din dati, ang mga magtatanim o magsasaka roon ay may alagang dalawa hanggang limang baboy sa kani-kanilang bakuran.

 

image of chickens foraging for food, borrowed from t2.gstatic.com

Maghapon silang naghahanap ng matutuka /ruffledfeathersandspilledmilk.com

 

Pag araw, ang mga manok ay gumagala lamang sa loob ng bakuran. Tinutuka nila ang bawat masinong pagkain, pati maliliit na bato. Sa umaga at sa hapon, hinahagisan sila ng maybahay ng mga tirang kanin, sapal ng niyog o ng mga durog na butil ng mais. Pagsapit naman ng takip-silim, sila ay humuhimpil sa kanilang mga pugad. Ang pugad ay gawa sa nilalang kawayang tila basket at may sapin sa loob na mga dayami. Doon iniluluwal ng mga manok na inahin ang kanilang mga itlog. Doon din nila nililimliman ang mga iyon ng kung ilang araw, hanggang sa ang mga itlog ay maging ganap na mga sisiw.

 

image of fresh chicken eggs, borrowed from t1.gstatic.com

Dumarami rin pag pinagsama-sama/offtheurbangrid.com

Ang mga alagang manok ay default source ng pang-ulam ng mga tao sa amin. Ang mga itlog ng dalawa sa alagang inahing manok ay para sa konsumo ng nag-aalaga at kanyang pamilya. Ang ibang manok naman, ang mga itlog ay iniipon para ipagbili. Karaniwan din pala sa aming pag nagkakabisita, ang panauhin ay hinahainan ng maybahay ng tinolang manok o sinuam na itlog. Anupa at galing iyong munting handa sa mga manok na naroroon sa likod-bahay.

 

Ang mga alagang baboy sa amin ay nakakulong sa kwadradong istrukturang nasa loob din ng bakuran. Karaniwang gawa iyon sa semento, kahoy at yero at may katabing daluyan ng dumi. Ang tawag sa amin doon ay kural o pigsty. Mga labindalawang metro mula sa bahay ang karaniwang layo ng kural para di gaanong maamoy ang dumi nitong mga hayop.

 

image of pigs inside the pigsty, borrowed from t2.gstatic.com

Mabibilis silang magsilakihan /article.wn.com

 

Ang mga baboy ay pinapakain ng dalawang beses sa maghapon. Maaring ang pakain sa kanila ay kombinasyon ng darak at nilagang laman ng gabi. Kung may badyet naman ang nag-aalaga, at pag gusto ring maibenta nang mabigat ang timbang ng baboy, ang pakain sa kanila ay ang nabibiling livestock feeds. Pinaiinom din sila ng tubig tatlong beses isang araw. Araw-araw naman ang pagpapaligo sa kanila, pati ang paglilinis ng kanilang kulungan.

 

Ang isa sa mga alagang baboy ay kadalasang naka-reserba sa handaan – para sa pista o sa pagtatapos ng anak.Ang dalawa naman ay pinapalaki bilang inahin o paanaking baboy. Pagkalabas ng kanilang mga biik, ipinagbibili ang mga iyon bilang alagain o piglet. Ang iba pang baboy ay pinapalaki naman para katayin at ibenta ang karne ng por kilo sa mga kahanggan o kapitbahay. Ang pagbebenta ng biik at pagkakatay ay para maragdagan ang salapi ng pamilya at makaagapay sa mga gastusin. Mahalaga ang dagdag na kita mula sa pag-aalaga ng hayop sa amin, lalo na sa panahong walang ani.

 

sketched image of pig to be slaughtered, borrowed from /t1.gstatic.com

Pana-panahong may katayan sa amin /ifood.tv

image of piglets, borrowed from t2.gstatic.com

Ibinebenta sila para palakihin din /zimbio.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Sabi ko nga, ang animal husbandry ay regular feature ng mga bakuran doon sa amin. Pero sa karamihan, hindi sa scale na malakihan o mass production. Maliitan ang pag-aalaga ng mga hayop para sa pansariling konsumo at sa limitadong antas, para pambenta sa komunidad mismo. Malayo ang lugar namin noon sa pamilihan. Isa pa, wala ring gasinong pera ang mga tao sa amin para regular na makabili ng karne. Kahit pa halos lahat doon ay may alagang hayop, isang beses kada dalawang buwan kung makakain ng karne ang mga taga-amin. Madalas na iyon, kung tutuusin.

 

Supplemental source of income ang mga alagang hayop sa mga nasa liblib na lugar na bihirang dalawin at ikutan ng pera. Ang siste nga, backyard farming of animals ang laganap. Noong ‘80s, ilan lamang sa amin ang may kakayanan at naglalakas-loob mamuhunan at gumamit ng teknolohiya para sa large-scale, industrial poultry and hog-raising. Sa panahon ding iyon, wala pang maayos na kalsada. Pahirapan pa ang paglalabas sa baryo ng mga produktong pambenta. Papunta mang bayan o lungsod.

 

image of a jeepney filled to the brim, borrowed from t0.gstatic.com

Papunta at pabalik, umaapaw /theinfomine.com

 

May ilan lang noong nag-aalaga ng mga pato at itik doon sa amin. Kailangan daw kasi ng mga ibong ito ng sariling lupang lakaran at tukaan ng pagkain. Naninira rin daw sila ng mga pananim kaya hindi paborableng alagaan sila sa komunidad na taniman. Isa pa, wala ring pagkukuhanan sa amin ng mga pinong susong  paboritong kainin ng mga pato at itik. Kung may ilan mang nag-aalaga sa kanila roon sa amin, kadalasan iyon ay bilang pets lamang.

 

Noon, may ilan-ilan ring nag-aalaga ng mga kambing sa aming nayon. Pero, ang mga may-ari noon, hirap i-sustina ang kanilang mga alaga. Kakaunti na noon pa ang mga bakanteng lupa sa aming maaring patubuan lamang ng damo para sa mga hayop. Ang mga may alagang kambing ay obligadong ipastol sila sa gawing gubat at bundok para roon manginain ng sariwang damo.

 

image of goats grazing by the slopes, borrowed from t0.gstatic.com

Kailangan silang ipastol /article.wn.com

 

Sa amin, walang nag-aalaga ng kalabaw. Hindi raw angkop ang klima ng aming lugar para sa kanila. Wala roon sa aming tubigan at ilog na maaaring pag-lubluban ng mga hayop na ito pag sila ay naiinitan. Sampong taon na yata ako nang una akong makakita ng totoong kalabaw – buhay at malapitan. Bago iyon, kilala ko lamang ang ating pambansang hayop sa mga larawan nito sa libro at sa mga lumang pelikula nina Gloria Romero at Luis Gonzales na palabas sa telebisyon. Ang karaniwang katuwang ng mga magsasaka sa amin ay ang hayop na baka.

 

image of a cow grazing, borrowed from t2.gstatic.com

Malaking klase ng hayop /wn.com

 

Mahirap daw mag-alaga ng baka, sabi ng mga nakaranas ng gawaing iyon. Malaking hayop ang baka at maraming kailangan para ito ay maalagaan nang husay, lalo pa kung gamit sa sakahan. Marami-rami pa noong mga taniman ng palay at mais sa amin kaya, marami pa rin ang may mga baka. Dahil ang mga hayop na ito ay mababagal lumakad, hindi praktikal na dalahin sila sa gubat para roon manginain ng damo. Hindi rin naman sila maaring iwan sa mga dahilig ng bundok dahil baka manakaw. Ang ginagawa ng mga taga-amin, ipinangungumpay ng damo ang mga alagang baka.

 

image of women on the way home from gathering grass, borrowed from t1.gstatic.com

Bitbit sa likod ang ginapas na damo para sa hayop /article.wn.com

 

Maagang-maaga pa lang, ang isang anak ng magsasaka ay may bitbit nang kaing sa likod para pumunta sa gubat at doon mangumpay ng damo. Inaabot ng dalawang oras ang pangungumpay, kasama na ang pagpunta at pagbalik sa kumpayan. Kailangan ding igiban ng maraming tubig ang mga baka. Dalawa hanggang tatlong timba ng tubig ang iniinom ng hayop na ito. Mga apat hanggang anim na baldeng tubig naman ang kailangan para sa paligo ng isang baka pa lang.

 

Kung iisipin, hindi biro ang mag-alaga ng baka. Libong piso na ang puhunan sa pagbili ng bisirong baka, high maintenance pang alagaan. Sa lugar naming pahirapan sa damo at sa tubig, sakripisyong maliwanag ang mag-alaga sa kanila. Pero, marami nga sa amin noon ang may alagang baka. Alinman sa para sila ay katulungin sa pagtatanim sa bukid o, kaya ay para palakihin bilang hayop na pambenta.

 

image of a farmer and his cow walking, borrowed from t3.gstatic.com

Dapat laging may bantay ang hayop na ito /travbuddy.com

 

Sakaling ang mga alagang baka ay hindi manakaw, sakaling hindi sila magkasakit – ang kita mula sa matagalang pagpapalaki sa kanila noon ay nakalaan para sa mga nag-aaral na anak. Kung sa pamilya ng magtatanim ay may anak na makatapos ng pag-aaral, baka sakaling maiba-iba ang buhay ng mag-anak.

 

image of a child and cows, borrowed from t3.gstatic.com

Maraming oras ang kinakain ng pagpapastol sa kanila /jpgmag.com

 

Kung may alagang baka, kahit paano, baka sakali…


Please see:

 

For raising chickens:

http://ldc.da.gov.ph/pdf_files/Brochures/poultry1.pdf

http://www.mixph.com/2006/04/chicken-poultry-raising.html

http://www.pinoybisnes.com/livestock-business/poultry-raising-guide/

 

For raising pigs:

http://www.da.gov.ph/dawebsite/swine.pdf

http://pinoyagribusiness.com/forum/swine/proper_feeding-t137.0.html

http://www.lrrd.org/lrrd15/6/fani156.htm

http://www.bar.gov.ph/news/native_swine.asp

 

For raising cows:

http://www.bar.gov.ph/agfishtech/livestock/cattleproduction.asp

http://hubpages.com/hub/Raising-Cattle-in-the-Philippines

http://ldc.da.gov.ph/pdf_files/Brochures/backyard-cattle.pdf

http://pinoyagribusiness.com/forum/backyard_cattle_raising

http://www.fao.org/Ag/agp/agpc/doc/publicat/GRASSLAN/97.pdf

 

* Huling binago ni DPSA noong ika-21 ng Enero para palitan ang salitang seashells ng katagang mga pinong suso.

 

Advertisements

Ang Bagong Betamax – Rated PG

image of a betamax tape, borrowed from http://en.wikipedia.org/wiki/Betamax

Dati, pag sinabing betamax, bold ang ibig sabihin/wikipedia.org

 

Niluma na ng panahon ang betamax player at di na uso ang betamax movies. Nagtataka ako,  saan na napunta ang mahihilig sa bold?

 

Marahil, ang kalahati sa kanila, andoon sa fake DVD market – ‘yong bumibili ng DVD sa bangketa, ‘yong dinadalhan sa opisina nina Manong at Manang ng bagong release sa Quiapo at ‘yong nakakatyempo ng DVD sa naglalako sa bahay-bahay. E, ‘yong iba –  ‘asaan na?

 

image of a an old betamax player, borrowed form wikipedia.org

Naungusan na ng VHS, VCD, DVD at PC ang betamax/wikipedia.org

 

Ang matinding hinala ko, lumipat sa blogosphere ang marami sa kanila. Oo, andito sila. Kahilera at kasama ng mga mahihilig sa online comics, online pocketbooks at online showbiz updates.

 

 

Blogging ang bagong betamax. Ito ang matapang. Nasa blogosphere ang mga maruruming mag-isip. Andito rin ang malilikot ang imahinasyon.


poster from the movie, Naked Island, 1984

larawan ng poster ng pelikulang Naked Island, 1984/2.bp.blogspot.com

 

Bakit ang hindi? Walang bayad ang magsulat at magbasa online – kuryente at panahon lang ang puhunan. O, kaya, renta sa PC. Ito lang at maaari mo nang isulat o basahin ang gusto mo. Napakadali. Hindi ka na magbubuklat, pitik-pitik lang ng mouse. Anumang oras ka pwede ay pwede. Wala ritong pila.

 

 

Samu’t sari ang makakasalubong mo rito sa blogosperyo. Andito ang mga bastos, ang mga bloggers at viewers na nagmumura ng walang habas, ang mga galit at ang mga naggagalit-galitan. Marami kang maisusulat, mababasa at mapapanood ditong di papasa sa marka at panlasa ng MTRCB.

Andaming exhibitionists sa blogosphere, kasama na ako. Andito ang mga taong nagpapakita ng mga di karaniwang ipinapakita, mga nagpapaalala ng gustong kalimutan at ang mga nagbubunyag ng lihim na di dapat isiwalat.

 

 

Andito rin, siyempre, ang pinakamaraming maninilip. May mga nanonood ditong di umiimik, ni ayaw magparamdam. Pero, silip nang silip. Patalon-talon. May mga hinahanap na kung ano.

Meron din naman ditong bukas na bukas kung lumaro. Inilalagay sa blogesperyo ang mga sariling larawan, videos, contact details, kung ano ang kinain nya kagabi at sino ang kasama nya. Hindi naman bawal sa mundo ng blog ang ganito at nasa mambabasa na iyon kung  gusto ba nyang basahin, panoorin, gamitin o huwag na lang patulan.

 

 

Dito sa kaharian ng blogosperyo, nangyayari ang sinasabi ng environmentalists na ang basura mo ay maaaring kayamanan na ng iba at ang kayamanan mo ay ibabasura lang ng iba.

Makakakita ka rito ng mga impormasyong tila kapaki-pakinabang, pero nilalaktawan lang at di pinapansin ng marami. May mga impormasyon namang tila walang saysay, pero ponglibo ang gumagamit at nag-aabang. Nagbabasa o nagsusulat ka man ng blog, lagi kang maso-sorpresa.

 

Dito sa blogosphere ko inaabangang ma-revive ang career ni Rosanna Roces, isa sa mga paborito kong artista. Sa tingin ko, may lugar siya rito. Naniniwala rin akong marami ang makikinig sa mga kwento at sasabihin ni Osang. O, baka kaya, andito na siya at di ko pa lang nahahanap?

 

Image of Rosanna Roces, a sexy star in the Philippines in the '90s

Si Rosanna Roces ay sikat na sexy star noong ’90s at kilala bilang host na brutal manalita/ http://www.pep.ph

 

Pang- slam poetry ang babaing ito – raw, naked and brutal truth served on a hot plate. Ang hindi ko maintindihan sa producers, bakit nila siya ipinipilit sa daytime at primetime shows. Tapos, tatanggalin din naman… Ang sa akin, si Rosanna Roces ay sa niche market, ‘yong with explicit adult content. Paagahin nila ang balita sa gabi at ibigay sa kanya ang slot ni Martin Nievera eight years ago. Palagay ko, maraming magpupuyat.

 

 

Samantala, hihintayin ko si Osang sa virtual na mundo ng blogging kung saan naroroon ang mga naghahanap at nagbibigay ng aliw, kasama ng mga walang magawa at mga nag-busy-bisihan.

Dito sa blogosperyo, ang mahiyain ay malakas ang loob, ang malumanay ay nagiging marahas at ang mahinhin ay nagiging malandi. Andito ang mga naglilislis ng saya, ang mga nagsusuot at hindi ng palda at, ang mga karakter na papalit-palit ang maskara.

 

Exciting dito. 😉


Image of monkeys blogging

Sa blog, naglalagay at nakakabasa tayo ng mga di-hayagang nasasabi at naipapakita/ shannonchance.net

Hindi Magkita

 

Generation gap. Sabi ng teacher ko sa Math dati, ang paghahanap daw ng bridge sa gap na iyan ay tulad din ng paghahanap sa value of x. Mahirap hulihin ang sagot. Paulit-ulit ang paghahanap. Generation after generation. He, he … Hirit nya ‘yon.

 

image of a parent checking up on his child, borrowed from rohanrawat.blogspot.com

Kalabisan nga ba ang magtanong?/ rohanrawat.blogspot.com

 

Ang sabi pa nya, kung maghahanap daw tayo ng solution sa generation gap o sa iba pa mang issue, kailangan daw munang mag-establish ng equivalency. Ang ganda, ano? Parang naiintindihan ko pa. Ang sumunod nyang sabi, “So, class, in this instance, we have to represent the value of…”. Dito, medyo nagulumihanan na ako. Kaya, ang suggestion ko, lumipat muna tayo at alamin naman natin ang opinyon ng teacher ko dati sa English – on the topic of generation gap.

 

Ang sabi naman ni English teacher, dapat daw munang may common definition ang magkabilang panig ng usapin. Kailangan daw ito para magka-intindihan at magtagpo ang mga bagay, ideya at taong hindi magkita. Ganoon din daw ang dapat gawin ng magulang at ng anak. Parang maganda rin itong sinasabi nya. Tingnan nga natin.

 

Ibigay ang kahulugan ng mga salitang may salangguhit:

 

1. Mag-aral

Magulang: Mag-repaso ng leksyon, magbasa at intindihin ang sinasabi ng libro.

Anak: Umupo sa may harap ng tv habang nagka-cut and paste ng wikipedia entries sa laptop para sa isa-submit na paper.

2. Tumulong sa Bahay

Magulang: Maglinis, maglaba, magluto.

Anak: Habang nakikinig sa MP3, umupo sa kusina at medyo tsikahin si Mama/Mommy habang siya ay nagluluto.

3. Makihalubilo

Magulang: Um-attend sa mga okasyong gaya ng binyag, kasal at piyesta. Dumalaw sa mga kamag-anak.

Anak: Mag – Facebook. Mag-text sa kaklase para tanungin kung bukas ba ang submission ng paper. Mag – Facebook.

4. Outdoor

Magulang: Pag-akyat sa bundok. Pagpunta sa bukid para sumagap ng sariwang hangin, mamitas ng bungang-kahoy at manghuli ng kulisap.

Anak: Malls. Tambayan sa may labas ng school. Bahay ng kaklase. Anywhere outside the house – sana, may aircon, pero pwede ring wala basta masarap ang kwentuhan.

 

Paano ba ito?  Itong si magulang at si anak, tila walang kahulugang magkapareho.  “Wala man lang silang common language,” obserbasyon ni English teacher. “Wala silang point of intersection,” singit naman ni Math teacher.

 

Image comparing technologies in the 90s and the 2000 and up

Iilan pa lang ang gadget noon at analog pa ang teknolohiyang gamit. Sa ngayon, napakarami na ng gadgets at digital sila/ retro.mmgn.com

 

“Hindi ko makita kung paano magkakaroon ng effective communication sa pagitan nilang dalawa,” pagko-conclude ni English teacher. Sabi naman ni Math teacher, noong akala nyang marami nang nakikinig sa kanya, “You see, class, what we have here are two arrows. They are parallel to each other, but going in opposite directions. You see, each arrow is made up of a series of points…”. 😉

 

image of opposite arrows, borrowed from lisajohnsonfitness.com

Nasa iisang plane pero magkasalungat/ lisajohnsonfitness. com

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-19 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.

 

Walang Bait

image of a parent scolding a child, borrowed from scribblings-reflections.blogspot.com

Pag may ginawang kabulastugan, napagsasabihan/ scribblings-reflections.blogspot.com

Kagaya rin sa ngayon, kaming mga bata noon ay nakakagalitan ng aming mga magulang dahil sinuway namin ang kanilang utos, dahil matigas ang aming ulo at dahil may ginawa kaming, sa sabi nila, hindi maganda. O, hindi tama.

 

Ang pangkalahatang alituntunin noon, habang pinagsasabihan o kinagagalitan ka ng nakatatanda sa iyo, huwag kang sasagot. Hintayin mo munang mailabas ang lahat ng galit at paninisi ng taong nagagalit sa iyo. Kapag humupa na ang emosyon, pag bumalik na sa normal ang kanyang boses at kapag tinanong ka na kung bakit mo ginawa o nagawa iyon, kung anuman iyon, saka ka lamang sumagot at magpaliwanag. Saka ka mangatwiran at humingi ng pasensya.

 

Siyempre, maraming klase ng pagkakasala ang maaring magawa, at ginagawa, ng isang bata.  By degrees din ang kaparusahang naghihintay sa maysala. Pag matindi talaga ang ginawa mo, hindi ka kakausapin ng mga magulang mo nang maghapon o magdamag. Pag katamtamang kasalanan, malamang ay kagagalitan ka o papaluin. Pag maliit lang o mild ang kasalanan, ang katapat noon ay masasabihan ang isang bata – ikaw – na wala kang bait.

 

Andito ang ilan sa mga kilos o gawaing naaalala ko pang pag ginawa mo noon ay tiyak na masasabihan ka.  O, mas malamang sa hindi, itatanong mismo sa iyo – wala ka bang bait?

 

Pag isinama mo sa malayu-layong kapitbahay ang iyong maliit na kapatid nang hindi mo sinuotan ng salawal. Ikaw ang nakatatandang kapatid. Binitbit mo sa iyong paggagala ang iyong kapatid na dalawa o tatlong taon pa lamang nang hindi mo binihisan nang ayos. Iyong tipong binitbit o inakay mo na lang basta. Iyon pala, wala siyang suot sa baba, pang-itaas lang. Nakarating kayo sa malayo sa inyong paghihikap. Pag-uwi nyo ngayon, humanda ka na.

 

Pag hindi mo binantayan ang sinaing at nasunog ito. Alas-singko y medya ng hapon, nagsaing ang kapatid mong nakatatanda. Pero dahil may pupuntahan pala siya, ibibilin niya ngayon sa iyong titingnan-tingnan mo ang sinaing. Ang ibig sabihin noon ay sisiguruhin mong maluluto iyon pero hindi masusunog. Dapat, pag kumulo na, aalisin mo ang mga gatong na kahoy at hahayaan mong maiga ang sinaing sa init lang ng baga. Pero dahil, halimbawa, busy ka sa paggagawa ng assignment, nakalimutan mo. Lagot ka ngayon.

 

Pag  ikaw ang taong-bahay at hindi ka nagsaing sa oras ng tanghalian o hapunan. Sabado, mag-a-alas-onse.  Naging busy ka uli, halimbawa, dahil nagpa-practise ka ng mga kanta sa hiniram mong songhits o kaya naman ay naggugupit ka ng kung anu-ano sa mga lumang magasin. Nalimutan mo na naman ang tungkulin mo kaugnay ng sinaing. Pagdating ng pamilya mo sa tanghali at wala pala kayong lutong kanin,  pasensyahan kayo. Walang sinuman sa pamilya ang pwedeng magtanggol sa iyo noon. Baka nga, ma-upgrade pa ang kaparusahan mo sa susunod na level – ang mapalo.

 

 

Pag nadumihan mo ang tapayang-inumin at hindi mo nilinis at hindi mo rin ipinaalam sa iba. Kung ang ibang tapayan sa kusina ang malagyan o mapatakan mo ng kaunting dumi sa iyong pagsaluk-salok ng tubig, wala ka pang maririnig na sabi. Ipapalinis lang sa iyo ang mga iyon at papapalitan ng tubig. Pag ang lalagyan na ng inumin ang napatakan ng mga mumo ng kanin o ibang dumi, kasalanan na iyon. May maririnig ka na. Pag pilyo o pilya ka pang bata at hindi mo agad sinabi, katakut-takot ang maririnig mo pag nadiskubre na. Hindi ka lang walang-ingat, ikaw rin ay…

 

Pag naibagsak mo ang radyo at hindi na ito gumana. Sabihin mo mang iisa lang ang radyo ninyo at marami kayong gustong makinig sa iba-ibang programa. Hindi excuse iyon para mabitawan at mailaglag mo ang mahalagang instrumento habang ito ay pinag-aagawan ninyong magkapatid. Ang patakaran, kung sino ang huling mayhawak bago ito nabagsak, siya ang masisisi. Pag ang tatay nyo na ang nagtanong kung nasaan na ang radyo, ituturo ka ng mga tingin ng mga kapatid mo. Sa presinto ka ngayon magpapaliwanag.

 

 

Pag ang perang ipinagpapabili sa iyo ng kailangan sa bahay ay ginastos mo para sa kendi at iba pang pagkain. Ito ay depende sa laki ng pangangailangan sa ipinapabili sa iyo. Pag pinabibili ka lang ng singkong bawang at natukso kang ibili iyon ng kendi, pwedeng umuwi ka agad at mangumpisal sa iyong nagawa. Baka maiintindihan ka pa, pahihingiin ka na lang ng bawang sa inyong Nanay (lola). Pero pag pinabibili ka na ng Marca Pina toyo at iyon lamang ang inyong uulamin sa hapunan, pag ginastos mo iyon sa mga makukulay at matatamis na display sa tindahan, makikita mo. Madiin at mabigat ang pagsasabi sa iyo: wala kang bait. Pag malakas ang loob mo at sumagot ka pa, posibleng ma-upgrade ka na naman.

 

Pag nagpakabasa ka sa ulan gayong pwede ka namang sumilong o  may payong o kapote namang pwedeng gamitin. Madali lang ang logic nito. Pag nabasa ka, ikaw ay magkakasakit. Pag nagkasakit ka, maraming mape-perwisyo, hindi lang ikaw. Tungkulin mong pangalagaan ang iyong sarili. Sa mga pagkakataong nalilimutan mo ito dahil sa pagmamadali o dahil sa kakulitan, andyan ang pamilya mo para sabihan ka.

 

 

image of a child hanging from the clothesline, borrowed from bible.ca

Nauubos rin minsan ang pasensya ng magulang/ bible.ca

Pag sinabihan kang walang bait, ang karaniwang ibig sabihin noon ay wala kang wisdom para malaman ang tama sa mali. Ipinapahiwatig na ikaw ay immature at posible pa, wala kang konsiderasyon sa iba. Hindi ka nga pinalo, hindi ka nga kinagalitan nang husto, pero sinabihan ka namang walang bait. Medyo, masakit pakinggan. Pero, ang mas mahirap nito, pag diretso kang tinanong kung ikaw ba ay walang bait.

 

Heto na ngayon. Pag tinanong ka kung wala ka bang bait, huwag kang magkakamaling sumagot. Iyon ang mga tipo ng tanong na kahit pa-kanan o pa-kaliwa ang isagot mo, mapapahamak ka pa rin. Pag isinagot mong, ‘Oho, wala nga po,’ makakagalitan ka, panigurado. Sasabihin sa iyong ikaw ay pilosopo, adelantado, sumasagot sa matatanda, marunong nang mangatwiran at iba pang akusasyong lalong magpapahaba sa usapan.

 

Pag sinagot mo naman ang tanong ng ganito, ‘Meron ho, may bait naman ho ako,’ para kang tuwirang humanap ng away. Tandaang kaya ka pinagsasabihan ay dahil may ginawa kang bagay na hindi katanggap-tanggap. Sa oras na iyon, ang dapat mong postura ay mapagkumbaba. Maaaring ipinagtatanggol mo lamang ang iyong sarili kaya nakuha mo pang sumagot. Pero, hindi iyon ang sandali to prove your innocence. Pag ginawa mo iyon, pag tinangka mong itanggi ang kawalan mo ng bait, lalo mo lamang pinalalalim ang akusasyon sa iyo. Pinatutunayan mo lamang na ganoon ka nga – walang bait.

 

Ang dapat mong gawin ay tumungo na lamang at tanggapin sa sarili – kung meron ka man nito – pana-panahon nga, ito ay iyong naiwawaglit.

image of a mother comfortung her child, borrowed from thai-blogs.com

Matapos makagalitan/ thai-blogs.com

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-20 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.