Doon Po Sa Amin: Mga Paglalahad
Pambungad sa Lokal na Sulatin
Sa literal na pagsasalin sa wikang Ingles, ang Doon Po Sa Amin (DPSA) ay mangangahulugang over at our place. Subalit sa mas angkop na salin, ang ibig sabihin nito ay Where I Come From. Ang DPSA ay maituturing na kabilang sa lupon ng panulat na kung tawagin ay katutubong sulatin o regional writing. May iba ring tumatawag sa ganito bilang local writing. Pumapatungkol ang regional writing sa pamumuhay, kagawian at kalagayan ng mga taong nakatira sa isang tiyak o partikular na lugar sa isang tiyak na panahon sa kasaysayan. Karaniwang sinasalamin nito ang buhay ng mga tao roon bago dumating ang sinasabing makabago o modernong pamumuhay.
Ang kakaibang katangian ng lokal na sulatin sa ibang anyo ng panulat ay ang pagkakaroon nito ng local color na makikita sa lugar o setting na pinangyarihan ng mga kwento, sa kawikaan o lenggwaheng ginamit sa panulat at sa cultural practices ng mga taong siyang inilalarawan. Ang wika at kulturang ipinapakita sa narrative ay natatangi sa kanila bilang grupong nakatira sa lugar na pinangyarihan ng istorya.
Mapapansing karamihan sa mga ganitong sulatin ay nagmumula sa maliliit na bayan o small towns at kung minsan pa, sa mas maliliit na pamayanan o villages. Subalit mapapansin ding karamihan sa mga manunulat na nakapagsulat ng rehiyonal o lokal na panitikan ay nakatira muna sa ibang lugar o sa lungsod, bago nila naisulat ang tungkol sa kanilang local heritage. Marahil, kailangan munang maranasan at maikumpara ang kalinangan at pamumuhay na iba kaysa sa kinasanayan bago malikha at maisatitik ang paglalarawan ng katutubong kultura at kinagisnan.
Mga Impluwensya at Pinaghalawan
Sa Amerika, ang mga kinikilalang higante sa regional literature ay sina Harriet Beecher Stowe (Ohio and Connecticut),* Mark Twain (Mississippi), Robert Frost (New England), Kate Chopin(Louisiana), Willa Cather (Nebraska), William Faulkner (Mississippi), Sinclair Lewis (Minnesota), Harper Lee (Alabama), John Steinbeck (Central California) at Eudora Welty (Mississippi). Ang kanilang mga sinulat ay hinangaan at tinangkilik ng marami dahil sa malaking ambag ng mga iyon sa pandaigdigang panitikan. Nakatanggap rin ang mga nasabing manunulat ng maraming tanyag na awards. Nabasa ni DPSA ang marami sa kanilang sinulat lalo na yaong mga nobela at sanaysay nilang maituturing na hayagang regional.
Kilala rin sa Amerika sina Russel Baker, Garrison Keillor at Erma Bombeck bilang mga manunulat na naglabas ng mga libro at sanaysay ukol sa sub-urban culture at gayon din bilang media personalities sa kanilang bansa. Binasa at kinahiligan ni DPSA ang marami sa mga akda ng nasabing humorists tulad ng Growing Up at The Good Times ni Baker, ang The Lake Wobegon Days at Happy to be Here ni Keillor at ang At Wit’s End at ang The Grass is Always Greener Over the Septic Tank ni Bombeck. Sa kanilang mga sulatin, bakas ang marka ng tinatawag na small- town living.
Subalit hindi ang mga nabanggit ang direktang nakapagtulak kay DPSA na umpisahang sulatin ang mga nilalaman ng DPSA blog site. Hindi ang mga sinulat ng mga higante ng panitikan o ng mga popular na personalidad ng American media ang naka-inspire kay DPSA na lumikha ng mga akdang patungkol sa liblib na lugar na kanyang pinagmulan. Bagkus, ang mga sulatin ni Jim Heynen, isang manunulat at guro, ang direktang nagtulak kay DPSA na magsulat din ukol sa baryong kanyang pinagmulan.
Ang istilo ng pagsusulat ni Heynen ay parang vignettes o di kaya naman ay anecdotes na batay sa mga karanasan niya sa Minnesota. Animo ang mga iyon ay blog entries – mahaba na sa bawat sinulat niya ang tatlong pahina. Marahil, ang payak at tila manageable na istilong iyon ang naka-engganyo kay DPSA na sumulat rin ng mga akdang kahalintulad.
Ang isa pang maituturing na direktang impluwensya sa kanyang pagba-blog ay ang mga isinulat ni Verlyn Klinkenborg, isang editor sa New York Times na may column ukol sa rural life sa Amerika. Sa libro niyang The Rural Life na nabasa ni DPSA, doon unang nabuo ang kanyang kagustuhang magsulat din ukol sa pagpapalit ng panahon sa Pilipinas. Sa husay ng paglalarawan ni Klinkenborg sa kabukiran, nag-isip at nagbalak rin si DPSA na magtanim ng patatas sa kanilang bakuran. Iyon ay kahit pa alam naman nyang maliit ang tsansang mabuhay ang mga halamang iyon dito sa maligamgam na klima.
Samantalang naumpisahan na ni DPSA ang kanyang site noong ma-engkwentro niya ang mga sulatin ni Donald Hall, isang makata at nature-lover na naglarawan ng kalikasan sa kanyang mga prosa at tula. Sa bawat pahina ng sinulat ni Hall na mabasa ni DPSA, lalong nadaragdagan ang kanyang kagustuhang pag-igihin pa, pagaanin at pagandahin ang paglalarawan ng landscape ng countryside.
Ang kapansin-pansin sa istilo ng tatlong manunulat na huling nabanggit ay ang malinaw ngunit markadong pagpipinta nila ng mga tanawin o sceneries sa kabukiran. Huling-huli rin nila ang mga kagawian ng mga taong nakatira sa gawi roon. Nahuli rin tuloy nila ang imahinasyon ng isang nagpupumilit ring magsulat ukol sa kanyang local heritage na si DPSA.
Sa kabilang banda, dalawampong taon o higit pa ang nakakaraan, si DPSA ay masugid ding nagbasa ng mga sulatin ng mga Pilipinong manunulat. Nabasa niya ang mga naisulat ni Amado V. Hernandez at ng iba pang mga manunulat na sumunod sa kanyang yapak. Masugid rin siyang nagbasa ng mga nobela, maiikling kwento at mga sanaysay ng tanyag na Pilipinong manunulat sa Ingles na si Nick Joaquin. Ganoon din ang mga naisulat nina Alejandro Roces at Francisco Arcellana.
Pero higit sa lahat, kinahiligan ni DPSA ang mga maiikling kwento at sanaysay na naisulat nina Genevova Edroza Matute at Kerima Polotan-Tuvera. Ang dalawang ito ang mga paborito niyang Pilipinang manunulat. Si Matute ay nagsulat sa wikang Tagalog habang si Tuvera naman ay nagsulat sa wikang Ingles.
Marami pang ibang manunulat na hinahangaan at binasa si DPSA gaya nina Charles Dickens, Henrik Ibsen, Pearl Buck, George Bernard Shaw, Carson Mc Cullers, at Thornton Wilder. Ang mga sinulat ng mga nabanggit ay hindi ukol sa kulturang rehiyonal kundi ukol sa pang-universal na kalagayan ng tao o paglalarawan ng human condition sa isang yugto ng kasaysayan. Sa mas bagu-bagong setting, ang manunulat na si Alice Munro, isang kwentistang Canadian, ang isa pa niyang hinahangaang maigi. Kahit papaano at sa limitadong antas, posibleng naka-impluwensya ang kanilang mga sinulat sa mga nilalaman at paraan ng pagkakasulat ng mga akda rito sa site. Ang mga entry halimbawang tumatalakay sa buhay at tanawing lungsod ay malamang na Dickensian ang impluwensya.
Mga Paglulugar
Inihahayag ang mga nabanggit hindi upang ipagmayabang kundi para maitsurahan ng mga mambabasa ang mga impluwensyang nagluwal at bumuo sa konsepto ng DPSA bilang blog site. Bagaman at binabanggit sa Sa Dulo ng Mutha na ang DPSA ay naipanganak dahil sa inggit at kagustuhang makapagsulat ukol sa bukayo at sundot-saging, maari ring sabihing mas maaga pa sa roon ang pagka-conceptualize nito. Marami-rami nang notes and anecdotes ukol sa baryong naisulat sa sulat-kamay ang may-akda bago pa man niya naisipang magsulat gamit ang blog bilang isang medium na online.
Maaaring sa kasalukuyang panahong uso na ang internet at ang karamihan ng mga impormasyon, kabilang ang mga libro at pelikula, ay dina-download na lamang, kakaiba ang dating ng pagbabasa ng hard copies ng mga nasabing nobela at sulatin. Subalit si DPSA ay ipinanganak at lumaki sa isang mas maagang panahon, noong kakaunti pa ang bookstores sa bansa at ni sa hinagap ay wala pa ang ideya ng ebooks. Doon sa liblib pa noong lugar na kanyang pinagmulan, halos walang mga libro at babasahin. Ang may-akda at ang kanyang mga pinsan at kapatid ay literal noong ng-aagawan sa mga pinagbalutan ng tinapa at sapsap para may mabasa lamang. Kaya ganoon na lamang ang pagkasabik at pagpapahalaga ni DPSA sa mga salitang nakalimbag. Isa muna siyang masugid na mambabasa bago ang pagiging manunulat.
Pananaliksik at pagsusulat ang kadalasang trabaho ni DPSA. Subalit halos lahat ng kanyang sinusulat ay mga pormal na sulatin at sa wikang Ingles. Hindi Journalism ang kurso niya noon sa kolehiyo. Katunayan, dalawampo’t limang taon na siya noong nalaman niyang siya pala ay may kaunting kakayahang magsulat. Ito ay maski sabihin pang nagsusulat na siya bago pa iyon. Wala rin siyang pormal na pagsasanay sa malikhaing pagsusulat maliban sa isang scriptwriting workshop na kanyang kinabilangan sampong tag-araw na ang nakakaraan at sa isang cinematography workshop noong 2007. Sa gayon, maituturing pa ring isang anyo ng amateur writing ang mga sulatin at saloobing naririto sa DPSA site.
Kung istriktong kukwentahin, mga apat na taon lamang ang panahong ikinukwento ni DPSA dito sa site. Iyon ang panahong andoon siya sa baryo at natatandaan pa niya ng malinaw ang mga pangyayari roon. Sa mga taong sumunod ay mga dalaw at bakasyon na lamang ang pagpunta ng may-akda sa lugar sapagkat siya ay sa lungsod na nakatira noon. Hindi nakakapagtaka, kung sa gayon, na hindi ganoon kahusay ang kanyang paggagap sa wikang Tagalog sa paraang ginagamit at isinasabuhay sa kanilang lugar. Malamang sa hindi, may ibang taga-kanilang siyang mas may kakayahan at higit na karapatang magbahagi ng kasaysayan at mga kwento ukol sa kanilang lugar. Isang punto de-bista lamang ang isinasaad dito sa site – ang pananaw ng may-akdang minsang tumira at umalis din, doon sa kanila.
Anu’t anuman, ang Doon Po sa Amin ay isang munting pagtatangka at isang hapyaw na pagbabahagi ng isang panahong luma pa at maaring lipas na, ngunit tumitingin sa posibilidad na maaaring ang mga inihahayag dito ay may kinalaman at may dugtong din sa kasalukuyan at maging sa hinaharap. 😉 🙂
* Si Harriet Beecher Stowe ang isa sa nangunguna sa listahan ng mga kilalang regional writing authors. Subalit ang kanyang sikat na naisulat, ang Uncle Tom’s Cabin, akdang influential sa anti-slavery fight sa South America ay nabasa ni DPSA bago pa siya mag-anim na taong gulang. Sa gayon, naalangang isali sa pagkilala sa itaas, napakatagal na… Pero, tila hindi patas kung hindi kasali ang kanyang pangalan. Tatlong taon matapos ilathala itong Page, ilalagay ang pangalan ng nasabing may-akda. Hinihingi ang inyong pag-unawa, salamat. 🙂
Posted by aninipot on Hulyo 22, 2011 at 3:57 umaga
sa haba ng binasa ko, isa lang ang naisip ko pagkatapos, ang layo ng blog ko sa blog mo ate san.. hahaha, masyadong malayo.
ang sa iyo, may pinapaikotan ang bawat latha, ang sa akin..wala lang..hahahaha
pero ngayon ko naisip na maganda ang ganitong klaseeng pagsusulat. 🙂
Posted by doon po sa amin on Hulyo 22, 2011 at 5:47 umaga
haha… at my age, anini, at sa kung gaano ka-boring ang buhay ko, malabong makagawa ako ng blog na gaya ng sa ‘yo at may magkaka-interes na bumasa, ahaha…
halimbawa, noong weekend, nanood kami ng play sa makati – love, loss and what i wore. kasama ko ang sister. tapos, nag-dinner kami. pagkatapos, nanood kami ng palabas sa cinema one – byaheng lupa. na-tats ang kapatid ko much. the next day, sunday, linis at ligpit ata sa bahay tapos, hapon, punta kami sa mall. nag-groc at nakipag-tagpo sa 3rd apo namin, ipinapasyal ang baby simangot, haha… tapos, pag-uwi namin ng gabi, nagtasa ‘ata ako ng mga lapis… haha – do these make for an interesting blog entry? wah babasa…. :c
kanya-kanya ‘yan. kanyang “trip” kamo at kanyang pagkukwento. basta, try to make one’s entries interesting at ‘yong tipong medyo me mapupulot naman maski konti ang napapadaan. hmm… alam mo na ‘yon… hugs! 🙂
Posted by sommcascabel on Setyembre 7, 2011 at 6:41 hapon
Wow! Saludo ako sayo! 🙂
Sa totoo lang, ang pangarap ko noon ay kumuha ng kursong Literature, Journalism o creative writing. Ngunit hindi ako pinahintulutan ng aking inang mother. Bumagsak ako sa Computer Science 😀 Hehe! Pero hindi ko pa rin itinigil ang pangarap ko kaya pinapgpatuloy ko yun sa ibang paraan. Sumali ako sa essay writing contest na hindi ko nakuha ang premyong ipinanangako hahaha at sumali sa school pub. At hindi ko rin itinigil ang pagsusulat. At ang kinabagsakan ko, isa ako ngayong web support agent, isang tsr na sumasagot sa pamamagitan ng email 😀 konektado na rin kahit papano 😀 heheh!
Pangarap ko ring sumailalim sa isang scriptwriting workshop, sana minsan ay matupad ito 🙂 Hindi pa naman huli ang lahat 😀
Salamat sa inspirasyon! 🙂
Keep on writing!
♥
Posted by doon po sa amin on Setyembre 7, 2011 at 9:38 hapon
saludo ako sa iyo, mmc. at least ikaw, sumubok sumali sa campus paper habang ako ay hindi. ni hindi rin ako nakapagtrabaho sa anumang media outfit. kumbaga, mababa siguro ang drive kong maka-mainstream talaga sa pagsusulat. yown…
you’re doing well. keep on writing and dreaming na may maisusulat kang katangi-tangi. salamat sa pagbabasa at sa comments. cheers! 🙂
Posted by Mga tinig sa panulat | sasaliwngawit on Enero 29, 2013 at 10:07 hapon
[…] Pinakialaman, as in, whehe… Saan pa ba? Sa mga librong Tagalog na binasa, naikwento ko sa Mga Paglalahad page sa DPSA. Marami rin nga yatang pinanggalingan ang boses-boses sa panulat na sinasabi… […]
Posted by ResidentPatriot on Enero 31, 2013 at 8:09 hapon
hehe, teksbuk na teksbuk ang dating…
Posted by doon po sa amin on Enero 31, 2013 at 11:47 hapon
hihihi, pasensya naman. mas sa istilong yan sanay ang lola mo. peace! 🙂
Posted by rod on Hunyo 28, 2013 at 1:03 umaga
hi..dpsa nkakainpire nmn poh ang talento nyo sa marmi nting kababayan san man sulok ng mundo at isa n poh ako to be honest, super hilig nyo poh pla mgbsa ng mga kwento,tula at mga kasaysayan.
Posted by doon po sa amin on Hunyo 28, 2013 at 10:45 hapon
hello, uli… ahaha, marami-rami nga ang nabasa yata. maaga naumpisahan, sakitin ate mo noong maliit pa, yon… nadala na hanggang sa lumaki at tumanda. ayon, dito sa blog ko ina-unload, hehehe. ay, sharing din, sabi… salamat for your kind words. balik ka pag di ka abala… warm regards 🙂
Posted by rod on Hunyo 29, 2013 at 12:42 hapon
Ty poh te san sa warm welcome nyo sakin. i believe mas mlakas ung ktawan at resistensya ng lumaki sa rural na komunidad proactive kung baga.nndyn poh kasi ung lahat ng klaseng fresh fruits & vegetables from farm.hehehe
mganda po ung sharing kht in virtual world nkakagaang poh kasi ng pakiramdam once nailabas ntin buhat sa heart at ispn ndi lng puro remeniscing..hihi happy weekend din poh sa’yo te san
regards,
rod
Posted by doon po sa amin on Hunyo 29, 2013 at 12:51 hapon
hala, my pleasure, kapatid. nakakatuwang may varsitarian, nagbabasa rito… 🙂 volleyball pala ang sports na hilig at nood ko pag may time, Rod. natutuwa ako sa paglipad at pag-spike ng bola ng players, haha.
talaga? siguro nga… ang pagkahilig ko yata sa gulay has seen me through some tough times sa city, hehe. baka nga marami pang stored nutrients haha, para matibay-tibay pa rin – maski minsan, walang gaanong pambili ng food sa lungsod, hihi. 😉
gusto ko ang sabi mo, beyond reminiscing ng rural life. medyo gayon nga yata…btw, wala kang blog? hope you’ll have one, isang araw… happy weekend ^^
Posted by rod on Hunyo 30, 2013 at 4:49 hapon
appreciate te san..no problem welcome poh kau manood ng laro,pag may time.yown lng!hahaha
opoh te san nakakatuwa tingnn ang player sa twing lumulundag ng mataas kulang na lng lumampas ung ulo sa volleyball net. tpos ang lkas ng pagpalo ng bola hlos mbiyak ang sahig sa impact.mdali lng poh mglaro ng volleyball tutuusin,at dapt meron ka nito disiplina as a player.
sure poh te san masusukat po ntin ttag ng katwn sa tough times dhil npagtadaanan nyo n poh,and i think more than tough times..btw
wla poh ako blog te san ngplaplano p lang gumawa will see.hhaha
Posted by doon po sa amin on Hunyo 30, 2013 at 5:36 hapon
hala, varsitarian ka sa volleyball, di nga? 🙂 oo, as in… saka, gusto ko yong nililinis nila ang sahig with their bodies, haha.yes, discipline and grace of movements, i guess… ^^
oo, mahirap nga naging buhay ng ate mo… still is, i guess. ^^
ahaha, sana nga, makagawa ka ng blog. let me know, pag meron na. 🙂 have a good week ahead, warm regards… 🙂
Posted by rey & lyn on Marso 5, 2014 at 1:22 umaga
Napakaganda nito! Textbook nga ang dating. Hinahanap ko nga ang pagsusulit sa dulo ng post na ito. Nag-notes pa nga ako at baka may biglaang recitation. 😉
Posted by doon po sa amin on Marso 5, 2014 at 7:17 hapon
salamat. tawa ako ng tawa sa mga sinabi mo, kapatid. thank you for taking the time to read through and for your interest in the site… btw, mas sa formal writing in english talaga ang nakasanayan ng blogger dito. pero, Tagalog naman kami, mas Taglish na rin gamit… here, ginagaya ko brothers and uncles, sila ang mas maalam managalog. 🙂