Archive for the ‘Susubukan Kitang Ipinta’ Category

Di Magmamaliw

 

Isa lamang ang alam kong pagmamahal na di magmamaliw –

ang pagmamahal ng ina.

 

 

* Source: http://www.pinoymix.com/lyrics/op/Sa_Ugoy_ng_Duyan/

SA UGOY NG DUYAN

Music by Lucio San Pedro
Lyrics by Levi Celerio

Sana’y di magmaliw ang dati kong araw

Nang munti pang bata sa piling ni Nanay

Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal

Awit ng pag-ibig habang ako’y nasa duyan

Sana’y di magmaliw ang dati kong araw

Nang munti pang bata sa piling ni Nanay

Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal

Awit ng pag-ibig habang ako’y nasa duyan

Sa aking pagtulog na labis ang himbing

Ang bantay ko’y tala

Ang tanod ko’y bituin

Sa piling ni Nanay

Langit ang buhay

Puso kong may dusa

Sabik sa ugoy ng duyan mo Inay

Sana narito ka Inay

Sana’y di magmaliw ang dati kong araw

Nang munti pang bata sa piling ni Nanay

Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal

Awit ng pag-ibig nang ako’y nasa duyan.

 

Possibly Related Posts:

Si May 11

Ipaghele Mo Ako, Inay

Advertisements

Nagsasawa

Mga kapanalig at ka-blogs, hindi pa ako nagsasawa sa pagba-blog. Medyo naging abala lang sa mga personal na intindihin nitong nakaraang buwan, kaya madalang ang posts. Marami-rami naman akong nakasubing sinulat para rito sa DPSA, nawalan lang ng time and concentration para sa typing and editing. Pasensya na. Ilalathala ko pa rin ang mga artikulong naipangako ko sa inyo sa mga darating na araw.

image of Solita Monsod, economist and professor

Naging guro siya ng marami/ showbizandstyle. inquirer.net

Habang nasa paksa tayo ng pagsasawa, hayaan nyo munang kwentuhan ko kayo tungkol kay Ma’am Winnie Monsod. Oo, estudyante nya rin ako dati, gaya ng libong iba pang nagku-kwento kung gaano siya ka-riot na teacher. Napanood nyo naman siguro sa YouTube ang huli nyang lecture? Eto – mild pa siya roon. Mas exciting at nakakatuwa pa siya sa usual na encounter.

Sa Econ 101 ko siya naging guro. Macroeconomics ang asignaturang iyon. Ibig sabihin, Economics na ang pagtanaw at kaparaanan ay sa antas na malakihan o pambansa. Ang Econ 101, nahahati sa dalawa – lecture sa umaga at discussion class (DC) sa hapon. Ang lecture ay pangmaramihan – limang klaseng pinagsama-sama (mga 200 na estudyante) at isinasagawa sa auditorium ng S.E. (UP School of Economics). Alas-otso ito ng umaga. Si Ma’am Winnie ang laging lecturer sa Econ.101, siyempre. Nagtuturo rin siya ng Econ 11 (Intro to Economics). Maliban sa dalawang subjects, mga pang nagma-Masters na ang mga hinahawakan nyang klase.

Dahil medyo mahamog pa ang Sunken Garden sa oras ng nasabing lecture, mga 30 hanggang 40 porsyento ng mga dumadalo roon, babahagya pa lang gising ang diwa. Lalo na iyong mga nakatira sa dorms sa loob ng campus – parang ang iba sa kanila, nag-alis lang ng muta, nag-toothbrush at nagpalit ng t-shirt, bago gumapang papuntang Econ. Building, ahaha… Pagdating sa auditorium, sasalampak sila ng upo roon sa mga silyang ang yari ay parang sa SM Cinema lang.

At siyempre, dahil nga iyon ay isang tanghalan,  mayroon iyong elevated platform or stage sa unahan, may draperies na mula kisame hanggang sa sahig ang haba at may podium din doon at lectern sa gilid. Iyong stage na yaon ang titingalain naming mga estudyanteng pupungas-pungas pa, para unawain ang ibig sabihin ng sunud-sunod na graphs at ang masalimuot at di-natatapos na ugnayan nina P at Q (price and quantity).

graph showing the economic concerns of a country

May ginaganapan daw na papel ang bawat manlalaro sa eonomiya/ newworldencyclopedia.org

Sa isang gilid ng tanghalan, doon lalabas ang pinagpipitagan at kilalang ekonomista ng lahat – si Prof. Solita C. Monsod. Nagtapos siya ng may karangalan sa U.P. at nag-aral pa ng higher studies sa U.S. Naging miyembro siya ng Gabinete noong araw bilang pinunong direktor ng NEDA. Madalas siyang konsultahin sa mga isyu ng media, ng mga ahensya ng gobyerno at ng samutsaring economic governing bodies.

Ang asawa niya ay si Atty. Christian Monsod – dating pinuno ng Comelec, kilalang executive sa corporate world at nitong mga huling taon, abogadong tagapagtanggol ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita case. Mayroon silang limang anak. Nakatira ang kanilang pamilya sa lungsod ng Makati. Sina Prof. at Atty. Monsod ay kapwa natatandaan ng publiko dahil sa madalas nilang pagkiling sa kalagayan ng mahihirap sa mga isyung pambansa.

image of Solita Monsod while conducting a lecture

Mahalaga sa kanyang mai-deliver ng maigi ang punto/ ssc.edu.ph

Paglabas ni Ginang Monsod sa isang gilid ng stage, makikita syang naka-palda, mini  ang tabas,  sabihin pa. At, oo, shapely ang kanyang legs, naman. Ang blouse nya, medyo plunging ang neckline (pero hindi naman bastos tingnan) at nakasuot siya ng blazer sa ibabaw. Kadalasan, short-sleeved ang blazer na iyon. Medyo may heels ang kanyang sapatos at hindi nawawala ang isa pa niyang palatandaan pag nagli-lecture – ang legendary nyang mug. Ang nasabing mug ang ipapatong nya sa lectern.

Sa isang speech ni Robina Gokongwei-Pe, ibinisto niya roong iced tea ang laman ng makasaysayang mug. Ayon, pagkababa ni Ma’am Winnie ng kanyang mug, kukunin nya na ang microphone (hindi pa cordless ang microphones noon sa School of Econ.) at magli-lecture na siyang palakad-lakad sa ibabaw ng stage. Talo nya ang performance ng magagaling na stand-up comedians, pramis. Kulang na lang, magta- tumbling sya roon para ipaunawa sa mga estudyanteng sa oras na iyon – karamihan ay mimiha-miha pa – kung paano at bakit mahalaga ang Macroeconomics.

Very passionate si Prof. Monsod sa kanyang pagpapaliwanag. No dull moment with her, totoo. Ang natatandaan kong isa sa mga paborito nyang paksa ay ang theory of marginal utility. Sinasabi roong ang halaga o value ng isang bagay ay bumababa katagalan, matapos ang paulit-ulit na paggamit o pagkonsumo rito. Law of diminishing returns ang mas karaniwang naririnig nating tawag dito. Sa madaling salita, bumababa ang halaga ng bagay – maging iyon man ay produkto o serbisyo. Halimbawa, kung ang sinusukat ay ang value ng lupa, sang-ayon sa marginal utility,  pagkaraan ng mga taon, hihina ang fertility ng soil at sa gayo’y pababa rin ang ani at mga kapakinabangang galing dito. Mga ganoon…

graph showing an indiffrence map containing three indifference curves

Saanmang punto raw sa curve ay nasisiyahan o walang pakialam ang gumagamit/ investopedia.com

Ang teknikal na paliwanag rito ay naroon sa graph na kung tawagin ay indifference curve. Dito, iminamapa ang ugnayan nina P at Q na parating magka-partner – sa ganitong presyo, ganito karami naman ang volume na kayang i-supply o bilihin. Sabi ni Ma’am Winnie, maski nasaang punto sa curve, ibig sabihin, kahit ano pa ang kombinasyon nina P at Q, indifferent o walang pakialam ang komukonsumo nito. Hanggang sa dumating sa antas na pababa na ang kapakinabangan ng bagay o kaya ay ang interes ng gumagamit. Sawa na, kumbaga.

Wika niya, at some point, maski baligtarin pa ang ratio nina  P at Q, bababa na ang usefulness ng bagay.  Sa gayon, panahon na raw para baguhin pareho ang nilalaman nina P at Q, para maabot ang dating antas ng satisfaction. O, di kaya naman, panahon na para gumamit ng substitute o kapalit. Ang ibig sabihin, may panibagong curve na iguguhit o imamapa. Ha, ha… parang ganoon. Naintindihan nyo ba? Ako rin, di ko sigurado kung naintindihan ko nga o kung pag-uulitin ako ng Economics ng mga dati kong guro, hehe…

Sabi-sabi, karamihan daw  sa professors sa School of Econ. ay subscribers doon sa tinatawag na neo-liberal school of thought. Kabilang yata rito si Prof. Monsod. Sila yaong mga naniniwalang sa Economics, dapat munang pagtuunan ng pansin ang pagpapalaki ng kabuuang output ng bansa o iyong economic pie na tinatawag, bago ayusin ang hatian o allocation of resources.  Ang kabilang panig naman ay yaong advocates ng pag-aayos muna ng hatian ng resources (address the structural inequalities daw) para hindi maliit na porsyento lamang ng mamamamayan ang tuluy-tuloy na makikinabang sa resources ng bansa. Nabanggit ko lang ito dahil paborito laging halimbawa ng mga taga-S.E. ay ang guns and butter.

image of a graph showing the relationship between guns and butter

Parati raw magkaagaw ang usapin ng depensa ng bansa at pagkain/

Laging may graph na kumakatawan sa pagkonsumo ng baril at mantekilya sa lectures, he, he… Kaya, defense versus basic needs, kumbaga. Noong una, medyo nalilito ako rito dahil sa bukod sa ako ay malituhin, hindi ko gaanong ma-imagine kung bakit maglalaan ng milyun-milyong piso ang isang bansa para sa mantekilya. Bakit, kako, hindi para sa palay na lang tutal, mas marami naman ang Pinoy na kanin ang kinakain sa almusal? Ha, ha… Anyway, sa paksa ng indifference curve, pagdating sa substitute, lumalabas na ang alternative – ang margarina. Ayon, pag andoon na, medyo nakukuha ko na. Mahal ang butter at imported pa, kaya good option para sa ating mga Pilipino na margarina ang gamitin dahil itong huli ay locally-sourced.

Sa bandang one-third, o, kung minsan, sa kalahatian ng lecture ni Ma’am Winnie, mapapansin nyang saikatlo rin ng buong klase ay nakasalampak sa pagkakaupo. Hindi lang iyon – may mga kaklase pa ako, kami, roong talagang halos ulo na lang ang nakasandal sa silya at ang three-fourths ng katawan ay halos sumayad na sa sahig. Mga lalaki ‘yon, dormers, na tila sa audi na nagsusundo ng tulog…

Ayon, titigil bigla si Ma’ am sa pagsasalita – in mid-sentence, kadalasan. Mambabato na sya ng chalk o eraser, depende sa kung alin ang hawak nya o unang madampot. Mag-iiba na ang pitch at decibel ng kanyang boses. “Am killing myself here trying to impart to you these things, this knowledge, tapos, you’re slouching over there?” Mga ganyan ang kanyang linya…

image of UP students listening to a lecture in the auditorium

Halimbawa ng isang auditorium sa UP (CS Audi)/ uprotc.org

Na totoo naman, kung tutuusin. May mga kaklase nga ako, kami, noon sa lecture na tila talagang indifferent sa kung ano ang sinasabi ng professor sa stage. Sa kabilang banda, si Prof. Monsod, she’s really the kind of teacher who would bend way over backwards, para maipaintindi sa mga mag-aaral, ang mga komplikadong ideya sa Economics.

Titigil si Ma’am Monsod sa kanyang lecture. Alinman sa lalakad-lakad siya roong parang umuusok o di kaya, pupunta sya sa tabi at iinom mula sa kanyang mug. Pagkatapos, magre-resume siya uli ng lecture na parang walang nangyari.

Pero, minsan, may isa akong karanasang nag-walk-out na talaga si Ma’am. Pumasok siya sa gilid na pinanggalingan nya earlier at hindi na muli pang lumabas. Nakulambuan ng matinding remorse ang buong klase. Lagot! Patay, mababalita ang nangyari sa buong S.E. at sa katabing building, sa Business Ad. Ayon… Kahit pala anong iingay, anong kukulit at anong yayabang ng UP students (at least, kaming mga estudyante niya noon sa Econ 101), pag minsan,  inaatake rin pala kami ng konsensya.

Ang bawi ay sa discussion class, matapos ang pananghalian. Doon ang pagtutuos, kumbaga. At dahil average na 40 students lang mayroon sa discussion, mas intimate ang atmosphere doon.

Pero, iba ang Winnie Monsod sa lecture at ang Winnie Monsod sa discussion. Ang Prof. Monsod ng umaga ay parang sundalong nagma-martsa kung lumakad, mahusay kumuha ng atensyon ng marami at puno lagi ng eagerness na ibahagi ang malaking larawan ng kabuhayan o ekonomiya ng bansa. Ang Ma’am Winnie sa discussion ay relaxed, malambing at pasensyosa. Pag nagpapaliwanag sya roon at di mo pa rin makuha, papalapitin ka niya sa kanya sa unahan. Hahawakan ka nya ng magaan sa braso o sa balikat at tatanungin, “Yes, sweetheart, what is it?” Ayon naman, sweetheart ka niya, para ka lang anak nyang nalilito at kailangang i-comfort. At bigla, tila liliwanag ang kanina ay nagdudumilim na paligid (ang iyong aantok-antok na utak).

Pero hindi si Ma’am Winnie talaga ang teacher ko noon sa discussion class. Uma-attend lang kami ng ilan sa mga kaibigan ko sa panghapon nyang klase dahil enjoy siyang pakinggan at dahil hinihikayat din kami ng totoo naming discussion teacher – si Ms. Berna Romulo-Puyat. Si Ms. Verna (palayaw nya), anak ni dating DFA Secretary Alberto Romulo at isang solid Prof. Monsod fan.

Oo, kapatid siya noong babaeng kolumnista sa Inquirer, noong editor na, director pa ng indie films at noong kongresmang ikakasal kay Shalani Soledad, ha, ha… Basta, si Ms. Verna, mukhang sa birhen ang mukha, pwera biro. Simple syang manamit at ang bait nyang kausap. Ang paborito naman nya laging halimbawa sa talakayan ay ang leggings sa Megamall na mabibili sa halagang P30,000. Sabi nya, “Ba’t kaya ganoon kamahal ‘yon, may aircon ba iyon sa loob?” Usapang value pa rin ang nakasalang.

He, he… side story lang natin si Ms. Berna. Ang kwento pa rin natin, masayang maging guro si Ma’am Winnie Monsod. Kakaiba sya. Hindi siya katulad ng ibang teachers sa UP na saksakan nga ng tatalino, ang mga publications ay kinikilala rito at sa abroad pero, kung magturo ay tila ang blackboard at ang libro lang ang kausap. Kay Ma’am Winnie, tila importanteng she’s able to whack the bottoms of her students, so to speak. At hindi siya nagsasawang gawin parati iyon.

poster image of Mareng Winnie and Pareng Oca in the TV program, Debate

Kumareng tila nag-aapoy at kumpareng mahinahon/ http://en.wikipilipinas.org/index.php?title=Debate_with_Mare_at_Pare

Kung ilang beses ko pang na-engkwentro si Prof. Monsod matapos na ako ‘y maging estudyante niya  –  sa marami-raming symposia at dalawa o tatlong beses, sa backstage ng Debate (Debate with Mare at Pare, isang public affairs program dati sa telebisyon). Lagi, tinitingnan ko lang at pinapanood si Ma’am. Hindi ako naglalakas-loob na magpakilalang dati nya akong estudyante – ang dami kaya naming mag-aaral na dumaan sa kanyang mga palad, mga humanga at naaliw ng todo sa kanya? Naman.

Noong titser ko pa si Prof. Monsod, sabi nya sa aming mga mag-aaral nya, iyon daw mga bagay na alam niya at kaya niyang gawin, malalaman at makakaya rin namin. O, kaya, mahihigitan pa. Nauna lang daw siya – sa panahon at sa pagkakataon. Kung mabibigyan din daw kami ng humigit-kumulang ganoon ding oras at tsansa, we would be able to do the same, or perhaps, better. Narinig ko na sa iba ang gayong mensahe, bago pa sa kanya. Pero noong si Ma’am Monsod ang nagsabi, parang nakakapaniwala. Parang noong oras na iyon, kami ng mga kaklase ko, naniwala.

Paborito ko ang istorya ng lovelife ni Ma’am – kung paano naging sila ng kabarkada nya noong si Christian Monsod. Ang kulit no’n.

Sakaling ma-engkwentro ninyo si Mareng Winnie ng personal at malapitan, palagay ko, sasang-ayon kayo –  She is one of those people who have fire in the belly.

At kakaunti lang ang mga taong may ganoon. 🙂

Please see:

http://www.youtube.com/watch?v=sF3yPcqO6gE

http://en.wikipedia.org/wiki/Macroeconomics

http://www.econ.upd.edu.ph/?page_id=57

http://en.wikipedia.org/wiki/Winnie_Monsod

http://hdn.org.ph/solita-collas-monsod/

http://domjullian.blogspot.com/2008/05/robina-gokongwei-pes-speech-at-

http://en.wikipedia.org/wiki/Debate_with_Mare_at_Pare

http://en.wikipedia.org/wiki/Marginal_utility

http://www.economicshelp.org/microessays/costs/diminishing-returns.html

http://en.wikipedia.org/wiki/Indifference_curve

http://en.wikipedia.org/wiki/Neoliberalism

http://oxford.academia.edu/KristinaMariaManalo/Papers/109160/Macroeconomics_Economic_Policy_and_Rice_Security_in_the_Philippines

Possibly Related Posts:

Ordinaryo Lang

Si May 11

Parang Puputok

Dekadente

Tumatawa ang mga Mata

Vintage Black and White Old Woman

Ang husay pag naabutan at nakasama pa ang Lola/ clipart.com

 

Medyo mahirap kapag may pumapanaw na mahal sa buhay. Nasanay na kasi tayong andyan lagi iyong tao… Ganyang-ganyan ang nangyari sa aming magpipinsan at magkakapatid noong mawala ang Nanay. Ang Nanay nga pala sa amin, Lola ang ibig sabihin. Nanay siya, bale, ng Tatay namin. Asawa ng Mamay, na naikwento ko na sa inyo dati. Magsa-sampong taon nang patay ang Nanay. Pero, ang nangyari roon, apat na taon n siyang wala, ayon pa rin kami – kung tawagin siya ay parang andyan lang. Andyan pa rin, kahit wala na.

 

Ang bahay ng Mamay at Nanay, siyempre, katabi  lang ng sa mga anak nila. Ganyan ang karaniwang set-up doon sa amin. Ang anak na lalaking nag-aasawa, magbabahay kalapit ng magulang niya. Maraming advantages iyon – mula sa hingian ng kaning-bahaw, hiraman ng asin at asukal, hanggang sa damayan pag may nagkakasakit. Sa bahagi ng mga magulang ng lalaki, maigi iyong malapit para nasusubaybayan nila ang takbo ng kabuhayan ng mag-asawa, nagagabayan nila kung paano patakbuhin ang household at siyempre, para nakikita nila ang kanilang mga apo. Sa ganyang kaayusan kami lumaking magpipinsan. Ang sentrong bahay sa aming puyukan o cluster, ang bahay ng Mamay at Nanay.

 

cartoon image of a grandma and her grandaughter

Mas masaya pag  nakakwentuhan pa ang lola/ cartoonstock.com

 

Ang Nanay, doon nagbuhat sa katabing probinsya, doon sa bayang masarap kung gumawa ng puto. Ang propesyon naman niya, pananahi. Katunayan, mag-isa lang yata siya roon sa magkalapit na baryong iyong kayang tumahi ng lahat ng yari ng damit, gamit ay iba’t ibang klase ng tela. Iyong iba kasing mananahi sa aming lugar, limitado ang kayang gawin – merong tumatahi ng baby dress lang, merong uniporme lang sa eskwela  o sa opisina, merong pantalon lang, meron ding bestida at palda lang, at meron ding mga kurtina  at panlatag lang ang kayang tahiin. Iba ang Nanay. Generalist syang mananahi, kumbaga. All around. Kaya nya ang magsukat, gumawa ng disenyo  o pattern, magtabas at mismong magbuo at tumahi ng damit. Mahusay rin siya sa repair, adjustment at paglililip.

 

Kaya iyon, medyo kilala ang Nanay sa lugar namin – sa ilaya at sa ibaba. Puntahan siya noon ng mga tao lalo na kapag may mga gaganaping okasyon. Siya si Nanay P__ sa marami. At kung tungkol sa tela o damit ang concern mo, malamang matutulungan ka niya. Isa pa nga pala, noong maliliit pa kami, may tindahan din ang mga Nanay – tindahang nagpapa-renta rin ng komiks. Dagdag na dahilan pa iyon kung bakit alis-dating ang mga tao sa bahay ng mga Nanay. Katulad din ng Mamay, masipag at masinop sa kabuhayan ang Nanay.

 

image of an old model sewing machine

Ganito ang gamit ng Nanay noon sa pananahi/ rotaaire.blogspot.com

 

Naikwento ko sa inyo dati, ang aming sariling ina ay ni hindi natutong magkabit ng butones o magsulsi ng damit. Iyon ang malaking kabalintunaan doon – manugang siya ng Nanay – bihasang mananahi ng lugar namin. Pero kaming mga apo, medyo tinuruan naman kami at ini-expose sa malikhaing propesyon ng lola namin. Pag kaming mga bata ay walang gawain noon sa bahay at wala rin sa hikapan, nakikisalibuyboy kami noon sa Nanay. Nakikigulo. Nagpupulot ng mga labis na tela, taga-hawak ng mga dulo pag nagtatabas at volunteer sa pagsusuot ng sinulid sa karayom. Paminsan-minsan, pinapaupo nya rin kami sa harap ng pangalawang makina, iyong mas bagong modelo ng Singer sewing machine na di gaanong ginagamit ng Nanay. Sumusubok din kaming pumidal, magpaandar ng makina at ‘ika nga’y manahi rin naman. Mga apo kaya kami ng Nanay P__?

 

cartoon image of parts of a sewing machine

Mga bahagi ng gawing itaas ng makinang pantahi/ sasepp5.blogspot.com

 

image of the lower part of a sewing machine

May pedal ang makina, parang sa piano/ sasepp5.blogspot.com

 

Dalawa sa mga ate ko, mahuhusay tumahi ng damit sa makina. Ako, marunong din naman, maski papaano. Ang natutuhan ko ng husay, ‘yong minor aspects of the trade, kumbaga – pag-a-adjust ng size ng blusa, paglalagay ng patch sa pantalon ng di gaanong halata at paglililip o hemming ng laylayan ng damit. Ang nagturo at naggabay sa amin, walang iba kundi ang Nanay. Bukod sa technical na aspeto, ang mahalagang itinuro nya sa amin ay ang tiyaga – tiyaga kung paano bubuuin, pagagandahin at gagawing kapaki-pakinabang ang bawat piraso ng tela.

 

Ang natatandaan ko pa sa Nanay, madalas sya noong magluto ng puto. Gumagawa rin sya ng halayang-ube at ng suka. Homemade ang halos lahat ng pagkain, tatlumpong taon ang nakakaraan. Malayo sa ngayong halos lahat ng meryenda at delicacies, makikita at mabibili mo na sa loob ng mall anumang oras. Hindi ganoon dati. Pag gusto mo noong may matikmang masarap-sarap, aba e, kailangang patalasin mo ang iyong cooking skills, ‘ika nga. Matuto kang gumawa.  At ang Nanay namin, espertong matatawag sa paggawa ng puto at ube.

 

Itinataon sa araw na walang pasok ang paggawa ng puto ng Nanay. Hindi ko alam  kung dahil ba gusto nya ng audience na makukulit na mga apo o kailangan lang nya ng assistance mula sa mga batang mas marami pa ang napeperwisyo kaysa sa naitutulong? Anu’t anuman, balita sa aming magpipinsan noon pag gagawa ng puto ang Nanay. Binibilisan na namin ang pagtatapos ng aming mga gawain, para makapanood kami sa pagluluto. Nakapalibot kami lahat sa Nanay – handang maging taga-abot ng ingredients, taga-halo, tagasalin sa lalagyan at maski taga-angat lang ng takip ng steamer pot. At pagkaluto, siyempre, kami ang unang taga-tikim. Hindi ko alam kung binigo ko ang Nanay, pero hanggang sa ngayon, hindi ko talaga alam kung paano gumawa ng puto… 😉

 

image of a grandma and her grandaughter cooking

Maski taga-abot at taga-kuha lang, makasali lamang sa pagluluto/ picture-book.com

Ang paggawa ng Nanay noon ng halayang- ube, tatlong beses sa isang taon lamang. For special occasions, kumbaga – pag pasko, pag piyesta at pag may malaking event sa pamilya. Ang sarap-sarap ng gawang halaya ng Nanay. Pero, ang hirap at ang tagal namang gawin noon. Ang nilagang ube ay hinahalo sa kawa ng humigit-kumulang, mga limang taon. Haha, mga limang oras, siguro… Iyon ay para makuha ang pinong consistency ng malinamnam na lutuin. Ang alam kong kakumpetensya ng halayang–ube sa tagal ihanda – ang nilupak. Pareho silang napaka-labor-intensive...  Nang panahong iyon, wala pang kitchen tools gaya ng grinder at mixer gaya sa ngayon. Pero maski ngayong meron na, hindi ko pa tinangkang gumawa ng halayang-ube tulad ng sa Nanay…

 

(may karugtong)