Archive for Abril, 2011

Tag-araw, Tag-init

image of group jumping by the shore

Tag-araw ay panahon ng saya sa labas at sa tabing-dagat/t3.gstatic.com

 

Para sa marami, ang tag-araw ay hitik sa mga alaala

 

image of sun glare

Tirik ang init / rac.co.uk

Maagang manggising ang araw kapag tag-init. Wala pang alas-sais, nararamdaman mo nang gumagapang ang sikat nito sa loob ng silid-tulugan – pinababangon ka. Gustuhin mo mang bumalik sa higaan at humabol pa ng tulog, sumusuot sa katawan mo ang maalinsangang hangin. Mainit ang hulab.

Doon sa amin, partikular ang mga tao sa lokasyon ng bahay. Hangga’t maari, ito ay dapat nakatayo paharap sa silangan para salubungin ang pagsikat ng araw. Facing the morning sun, iyon ang tawag nila sa Ingles. Para sa mga taga-amin, ang pagdating ng araw ay parating isang kaloob o pagpapalang dapat harapin ng may sigla sa katawan at saya sa puso. Kumbaga, bawat pagsikat ng araw ay panibagong araw din ng pakikihamok sa buhay.

 

Kailan ko lang na-appreciate ang ganitong pagpapahalaga. Noong bata pa, ang tag-araw sa akin ay mainit, masaya at maraming gala… Ganoon lang. Simula naman nang pumirmi ako sa lungsod, sinimplehan ko na lang ang equation. Sa bukid, ang kalikasan ay mahalagang bahagi at nanunuot sa buhay ng mga tao. Samantalang sa lungsod, ang kalikasan ay incidentals. Ang araw mandin ay isa lang salitang panukat ng mga sandaling lumilipas. Dito sa matao at abalang lugar, ang araw ay bahagya nang napapansing bahagi ng kalikasan.

 

image of sun wearing eyeglasses

Pati araw ay naiinitan/ markanthonyermac.com

Kung kaya sa matagal, ang panggigising ng araw sa umaga kung summer ay tinawag kong facing the sun’s glare. Ang mga payong pang-tag-araw namang tumimo sa akin: pumirmi sa mga lugar na may aircon, pag palabas, mag-taxi para malamig pa rin at, gumamit ng sunblock para di umitim.

 

Mas mahaba ang araw kapag summer. Sa ganitong panahon, maaga itong magpakita at gabi na ay tila ayaw pang magpaalam. Kaaya-aya at napakaliwanag ng sikat nito sa umaga at mahirap kaulayaw at nakapanghihina naman sa hapon. Wari baga ay ayaw kang tigilan, hinahabol ka ng init saanman. Pinananlalagkit ang iyong leeg, binabasa ang anit ng iyong ulo at pinadadaloy ang pawis sa gilid ng iyong mukha at likod. Tila ipinaaalala sa iyo ang kanyang kapangyarihan. Siya, siya ang ating Haring Araw.

 

Tatlong buwang mahigit ang tag-araw dito sa atin. Nag-uumpisa sa Marso at nagtatapos sa una o pangalawang linggo ng Hunyo. Sapat na panahon para sipsipin ang mga tubig sa ibabaw at palibot ng mundo, ipunin ang mga iyon sa ulap at kapagnakailan, muling ibalik sa atin sa anyo ng ulan. Nakapanlulumong init kapag tag-araw; biglaang bagsak ng tubig pagsapit ng tag-ulan. Ang tao nga ba’y pinaglalaruan ng kalikasan?

 

Ngunit ayaw ko munang isipin ang pana-panahong pagmamalupit at tila paniningil ng kalikasan. Anong ganda ng tag-araw para gugulin sa mga alalahanin! Tulad ng iba, nais ko ring pansumandaling huminto at ibalik sa alaala ang pag-agos ng tubig, ang pagaspas ng hangin at ang lilim ng puno, habang kumakain ng prutas isang hapon ng tag-araw… Nais kong alalahanin ang mangga at ang singkamas, ang pakwan at ang melon, ang bagong-pitas na buko at ang halu-halo – noong isang panahong sila ay kinakain pa sa may gulod. Hindi sa loob ng mall… 😉


pinoyexchange.com

 

 

 

 




flavoursofiloilo.blogspot.com

 

marketmanila.com

 

 

 

 

 

 

Para sa iyo, ang tag-araw ay?… 😉


image of a pair ofslippers by the shore

Tarang gugulin ang tag-araw sa labas/ fiveprime.org

 

Summer na! 🙂 🙂

 

Advertisements

Salamat

trschools.com

Sa pagtuturo sa akin paano muli kumampay, lumangoy at makitungo – salamat. Sa matiyagang paggabay sa akin paano magmahal, umalalay at magbigay – salamat. Anumang maliit na mayroon ako sa ngayon, dahil ito sa iyo. Salamat.

Akala ko dati, alam ko na ang mga lihim ng buhay at batid ko na kung paano sumabay. Akala ko dati- malawak na ang aking pananaw. Sa aking hinagap, inisip kong marunong na ‘kong umigpaw. Mali ako. At hindi ko ito malalaman kung hindi dahil sa iyo.

Sa pag-intindi ko noon, gamay ko na ang umunawa ng mga pangyayari at bagay-bagay. Hindi pala, hindi sadya. Ang isip ko mandi’y punung-puno ng mga agiw, alikabok at mga haka-haka. Ang mga kilos ko ay balatkayo, makikitid at animo’y sa bata. Isa pala akong musmos sa katawan ng matanda.

Walang bagay sa akin ang magkunwari, magmalabis at magmarali. Sa makipot kong mundo, ako ay nagpapakatayog at alam ay tanging pansarili. Sapagkat bihasa sa paghahabi ng mga salita, mabilis magpasakalye ng di-nahahalata – inakala ko, ang mundo’y laruan at munti ko lang bangka. Kung di ka dumating marahil, tuluyan nang napariwara.

Sana nga’y hindi pa huling ang gaya ko ay matuto. Sana nga ay pwede pang hutukin ang punong malago.  Sana nga sa mga bagong pananim, pag-asa’y kasabay tutubo. At mabibigyang-anyo ang bagong ako. Salamat, nariyan ka, inaalalayan ang ‘sang tulad ko.

Salamat sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng paggalang. Salamat sa pagtuturong may saysay ang pananahimik. Salamat sa pagpapakilala sa mga bagong anyo, kulay at gamit. Salamat at ikaw ay ikaw.  Salamat sa pagbibigay-tanglaw.

Salamat sa paglulugar ng mga bagay na luma. Salamat sa pagpapakilala sa ‘kin ng bago at tama. Salamat sa pagsabay sa paglalakad at sa paghila tuwing kailangang tumakbo. Salamat sa kakaibang tanawin at sa pakiramdam na may panibagong kayang tunguhin. Salamat at ika’y aking natagpuan. Salamat sa iyo, di mo ako iniwan.

Salamat.

shairy.com


Kapansin-pansin –

Ang iksi ng sinabi mo; ang haba ng paliwanag ko.

image of a person writing message on the wall, borrowed from t2.gstatic.com

Halatang nangangaral pag mahaba ang mensahe/ globalvoicesonline.org

Bait-baitan

image of children tring to be good, borrowed from t2.gstatic.com

Nagpapakabait kahit sa maiksing panahon/ inkity.com

Bait-baitan – wala pa ang salitang ito noong maliliit pa kaming mga bata. Pero, ginagawa na namin ito pag Semana Santa – ang magkunwaring mabait. Saan ka baga’y ang sabi ay panahon daw ito ng paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus para isalba ang makasalanang sanlibutan? At sa isang malaking banda, guilty kami ng aking mga kapatid, pinsan at kalaro.

 

Kaya ‘yon, isasantabi muna namin ang aming mga maldita at malditong sarili para kahit ilang araw man lang, kami ay behaved. Pipilitin naming burahin ang imaheng kinasanayan ng matatanda sa amin – mga pilya at pilyo, mga kirimpot at luku-luko – mga batang maliliit pa lang pero may mga sungay na. Magkukunwari kami noong good children at magagaling kami sa papel na ito.

 

Ang una naming babawasan noon ay ang takbuhan at habulan. Kunwari, kami ay nasa school. Para laging may pila ang pa-epek namin. Mula Miyerkoles Santo hanggang sa Biyernes Santo, kung lumakad kami bilang grupo ay single file at arm’s length ang distansya. Kunwari, matitino kami. Napapatingin tuloy ang matatanda sa amin noon pag ginagawa namin ang ganito. Pero, wala silang sinasabi.

 

Ang pangalawa naming gimik noon, wala munang kalabugan pag umaakyat at bumababa sa mga hagdan. Medyo mahirap ito dahil nakasanayan na naming mag-unahan tuwing magkakasunod o magkakasabay sa may hagdanan. Pero, ang sabi kasi, nagdurusa raw si Kristo sa panahong iyon.  Kaya dapat, solemn.  Ang hilig naming gawin no’n para iwasan ang kalabugan, cat’s walk kami pag paakyat at pababa. Kamukha ng ginagawa ni Shaggy Rogers sa Scooby Doo? Pasaway ang aming dating at napapatingin sa amin ang mga taong bumabasa ng Pasyon.

 

Ang ikatlo naming palabas, tumutulog kami pagkapananghalian. O, nagkukunwari kaming tulog. Sa mga karaniwang araw pag bakasyon, kahit anong sabing magsitulog kami para lumaki, alinman sa hindi namin iyon sinusunod o di kaya naman ay hihiga kami kunwari tapos, tatakas rin makalipas ang sampong minuto para makapag-gala at makapag-painit.

Pero pag Semana Santa, kung kailan mahirap matulog dahil maalinsangan at may naririnig pang basa ng Pasyon, saka kami naghihiga-higaan. Mahirap ito. Napanood nyo na lahat ng patterns ng sahig at bubong ng inyong bahay, nag-hi at hello na kayo sa lahat ng butiki sa kwarto, ayaw pa rin kayong dalawin ng antok.

 

Ang pang-apat ay wala dapat harutan. Bawal ang magaslaw pag Holy Week. Liliitan nyo dapat ang umis at hihinaan ang inyong tawa. Karugtong ito ng unang rule – ang walang habulan. Ang ibig sabihin nito, iwasan muna ninyo ang biruan at pikunan. Wala munang yabangan at pagalingan. Siyempre, ang hirap sumunod dito. Parang ang sinasabi kasi, “Kids, don’t be yourselves.” Pag di maiiwasan, ang ginagawa namin noon, lumalayo kami pag naglalaro. Malayo sa tabi ng bahay para anu’t anuman, hindi kami mabibisto.

 

cartoon image of Christ bearing the cross, borrowed from t0.gstatic.com

Ang Semana Santa ay pag-alaala sa katubusan ng sanlibutan/ supercoloring.com

Hindi na nakapagtataka ang panghuling alituntunin – ang walang away at iyakan. Ang paliwanag dito ng aming mga magulang at mga nakatatanda, igalang raw namin ang okasyon. Banal ang linggong nasabi at di dapat mabuhos ang atensyon ng mga tao sa pagpapatahan sa mga maliligalig na batang sinusumpong ng pagpapansin. Sa madaling salita, si Hesus ang bida sa mga panahong iyon. Saka na kami umeksena.

 

Nangyayari bang tatlong araw na walang awayan at iyakan sa cluster ng bahayang punung-puno ng mga bata? Medyo imposible. Anumang laki ng sakripisyo ni Hesukristo para sa sanlibutan, nasa-sidetrack pa rin ito pag umiral na ang ang pagka-bully ng isa kong pinsan at isang kapatid na lalaki. Ang dalawang ito kasi, hindi buo ang araw pag hindi nakapag-paiyak ng kapatid o pinsang babae. Ibang klase ang kanilang kapilyuhan at katarantaduhan. Doon sila masaya pag hinahabol na sila at pinagbabantaan. Para sa kanila, ang Holy Week ay b-o-r-i-n-g.

 

Sa pangkalahatan, hindi syento porsyento ang compliance naming mga bata sa standards of good behavior pag Semana Santa. Anumang pagpipigil, sumusungaw pa rin ang aming mga sungay. Nambebelat pa rin kami,  limitado nga lang. Gusto pa rin naming manabunot at manapok ng mga makukulit. Inaantay lang namin ang Sabado de Gloria para buhay na si Hesus, bawas na ang aming guilt kung sakali, at, higit sa lahat – relaxed na ang rules.

 

Pero ang mainam pag Semana Santa, bibihira ang mga magulang na namamalo doon sa amin. Kumbaga, sa panahong iyon, maski matatanda, bait-baitan din. 😉

 

Possibly Related Posts:

 

Walang Bait

Hindi Magkita

Ang Kwento ni Nine

 

mga anino sa madaling-araw

image of children loitering before a store, borrowed from t0.gstatic.com

Mga bata ng lungsod – gala sa araw, hikap sa gabi/ flickr.com

Nitong mga nakaraang araw, tatlong beses sang linggo ako pumunta kina ate para sa 3-in-1: makisawsaw sa pag-aalaga sa bagong apo, maki-dinner at makigamit ng PC. Pangatlong apo namin ito sa pamangkin, babae, pero malakas umiyak at kay lusug-lusog. Kina ate, pinapakain lahat ng taong dumarating – sino naman ako para tumanggi? Isa pa, sira ang PC namin sa bahay at wala pang kapalit. Kaya hayon…

 

Itong huling weekend, galing uli ako roon. Past 10 na ako nakarating sa kanila kaya past 2 am na ako nakauwi. Hindi ako masyadong naka-computer no’n. Nawiwili yata ako sa pagsasayaw sa maligalig na apo. Itong baby naman, feeling ‘ata nya, yaya nya na ako – panggabing shift. Mahigit dalawang buwan pa lang siya pero aakalain mo, anim na buwang sanggol na. Ganoon na sya kalaki. Paborito nya ang kinakarga sya ng paupo.  Ambigat nya pag pumipitlag, madalas syang nakasimangot at sobra syang cute pag ngumingiti.

 

Pagkalabas ko sa tarangkahan ng bahay nina ate, lakad – mga 20 hakbang papunta sa sakayan. Wala nang bumibyaheng dyip. O, kung meron man, sobrang dalang. Nag-decide akong maglakad – isa’t kalahating kilometro ang layo sa amin. Di ko inisip ang mag-taxi. May bitbit pa mandin akong mga pagkain. Kina ate, para laging di sapat na pakainin ang taong dumarating, halos mandatory pang siya’y pagbitbitin. ‘Yong baby talaga ang gusto kong bitbitin at iuwi.

Sa daan, bukas ang MiniStop sa kabilang side ng kalye. Natutulog naman si Manong gwardya sa unang building na aking naraanan. Bibihira na ang sasakyang lumalampas. May pusang nagkakalkal ng basura sa di-kalayuan. Sarado ang commercial establishments, maliliit na workshops at tindahan. May isang grupo ng homeless na mga nakahiga sa harap ng gusali sa kabilang parte ng kalsada. Kapansin-pansing malapad rin  pala ang national highway sa lungsod. Pero sa oras na iyon, mukha itong inulila.  Maliban na lang siguro sa ilang mga ligaw na aninong gising pa.

 

image of an old man sleeping in the street, borrowed from t0.gstatic.com

Walang pinipili ang katawang pagal/ philippinemanila.com

Binati ako ng Good Morning ng Manong Gwardya sa car service center. Lumingon lang ako’t nilampasan rin sya agad. Maliwanag ang pulang neons sa unang bangkong aking nadaanan. Wala ni isang tao sa harap ng simbahan ng Iglesia ni Kristo, tahimik na tahimik ang compound. Kamuntik nang tumama ang mukha ko sa dalawang paang nakalitaw sa bintana ng nakaparadang dyip – may natutulog bale, sa upuan sa loob. Nilampasan ko ang munisipyo/City Hall na bagong pinta, ang Jollibee  na namamahinga mula sa napakaraming tao pag araw, gayundin ang plaza kung saan ilang kalalakihan ang tulog sa benches.

Maliwanag rin sa may tapat ng Mercury Drug. Wala na ang nagtitinda ng mani sa harap nito, andoon pa ang nagtitinda ng yosi sa gilid. Sa di-kalayuan, sa kabilang side, may ilang taong papasok sa 7/11 – mukhang busy pa rin ang ambience doon. Contrast ang madilim na intersection sa nagpuputiang fluorescents sa loob at labas ng convenience store. May mag-anak na vendor sa labas nito, kapeng mainit ang pangunahin nilang itinitinda.

 

image of a local drugstore at night, borrowed from t3.gstatic.com

May mga establishment na hindi natutulog/ skyscrapercity.com

 

Nilampasan ko ang parlor kung saan ako nagpapagupit at nagpapaayos ng kilay. Dinaanan ko si Manang Lolang nagtitinda ng yosi at skyflakes – tulog siya sa pagkakaupo. Wala naman sa pwesto sa kanyang tabi si Manang L. na nagtitinda ng lutong ulam. Rentahan ng video tapes, bangko, pa-develop-an ng picture – ilan na lang kaya ang nagpapa-develop? Mga bangko uli. Sa tapat naman, sunud-sunod ang mga pwesto ng sanglaan. May isa lamang bangko sa hilerang iyon. Kailangan ko na palang tumawid sa tapat, sa may series ng pub houses. May kumakanta sa videoke.

 

image of night shadows, borrowed from t3.gstatic.com

May mga aninong sumasayaw/ greenarrowradio.com

Pagkatawid, nakasalubong ko ang ilang tambay sa harapan ng mga bahay na patay-sindi. Medyo inaninag ko ang loob-loob nila, halos wala akong makita sa dilim. Wala nang nagbebenta ng barbeque at hotdogs sa hilerang iyon. Nakauwi na ang nagtitinda ng bibingka, nakataob ang silya sa pwesto nito. Saradung-sarado ang tindahan ng LPG.  Tahimik at wala nang kalat sa harap ng video-karera. Wala ang nagsisiksikang kalalakihang larawan ng excitement at desperation. May basket ng penoy-balot na nakapatong sa isang high chair sa bangketa – tila wala sa paligid ang vendor na may-ari.

 

Mga bahay-aliwan uli, iyong tipong hole-in the-wall. Ka-busyhan ng mga nagbi-videoke. Wala ang club ushers na karaniwang nagkukwentuhan  sa labas pag bandang alas-nwebe. Wala rin ang mga GROng kokonti ang suot, peak time ‘ata ng kanilang business. Pag maaga-aga pa, makikita silang naghuhuntahan sa labas tungkol sa mga nabibiling lako, kanino genuine ang mga pabango at saan ang masarap na kainang bukas pag bandang alas-kwatro. May isang bukas na tindahan ng sari-sari sa pagitan ng maliliit na clubs.

Biglang may dumaang isang pulutong ng kabataan – karamihan sa kanila’y mga lalaki, may ilang bading at tatlong babae.  Mukhang di-bababa sa 20 ang edad nila, nangaka-itim sila halos lahat.  Maiingay sila, parang kanila ang kalye kung sila ay maglakad. Bukas ang ilang computer shops sa lugar pero, halos lahat ay nakababa ang kalahati ng railings. Para bang mga nag-a-anticipate ng riot o huli anumang oras. Tila baga mas illegal pa sila sa pub houses, mukha ring mas marami pa silang parokyano.

 

image of shadows on the way home, borrowed from t3.gstatic.com

Hiram na liwanag ang umiilaw sa pag-uwi/ fuelyourphotography.com

Malapit na ako sa 24-hr na panaderya sa may kanto namin. May ilang taong nakakulumpon doon. Pondohan ng mga traysikel ang tapat niyon pag araw.  Pero, wala maski isang traysikel sa ganap na 2:40 ng umaga. Nakaparada na sa kabilang parteng kalye ang isang trak na nagbababa ng mga dalang produkto. Maya-maya pa, magbubukas na ang kanilang establishment. Tulog ang mga bantay sa guardhouse. May mahinang musikang pumapailanlang sa ere.  Malawak  pala ang sukat ng kalsada ng aming lugar sa may bukana, pakipot habang papasok.  Kakaunti noon ang mga sasakyang naka-park sa mga gilid-gilid nito.

 

Bago pa ako nakalapit sa gate, narinig ko na ang kahulan ng aming mga aso. 😉

Ang Kaibahan

 

image of two adults discussing choices

Pag tumatanda, nagkakaroon ng salitang priority sa bokabularyo/ toothpastefordinner.com

 

Kapag bata ka pa, wala ka pa noong sinasabi ng mga taong “big picture.”

Pag tumanda ka na, makikita mo na ito kahit anong iwas pa ang iyong gawin. Sa puntong iyon, ipagpapasalamat mong may isang panahong ika’y naging bata.

 

image of a young girl holding a trophy

Lahat tayo minsan ay naging bata/ school.discoveryeducation.com

Sa Aking Paningin

image of eye vision, borrowed from t0.gstatic.com

Magandang tanawin sa paningin/ ideachampions.com

Isa kang magandang nilalang, sa aking paningin. Sa iyo’y walang kailangang palitan o baguhin. Sapat nang ika’y mamasdan para mabatid kong buhay dapat ibigin.

 

Walang pagsidlan ang tuwa pag sa iyo’y napapatitig. Sa bawat sukli mong ngiti, kapayapaan dagling hatid. Damdamin kong di-magkamayaw,  tanging puso ang nakakarinig.

 

Nahahalina ako sa bawat mong galaw. Nabibighani ako sa mga munti mong halakhak. Parang may tambol sa aking loob, sa tuwing ika’y nagpupukol ng pansing gagapiranggot.

 

Nalilibang ako sa iyong mga tawa. Naiilang ako sa kislap ng iyong mga mata. Gusto kong isiping may kinalaman ako kung bakit – mundo mo ngayon ay masaya.

 

Hindi ko mawari kung ano ang ginawa kong tama’t tayo ngayon ay magkapiling. Nginitian ba ako ng kapalaran o biniyayaan ng tadhana? Nag-abot ba ako ng limos o tumulong sa kapwa?

 

Nais kong namnamin ang bawat sandaling tayo’y magkadaop-palad. Nais kong ibulalas sa mundong tayo’y pinagtiyap. Nais kong maniwalang maari nga tayong bumuo, ng mga pangarap.

 

Hayaan mong sa iyo ako ay makapag-alay. Hayaan mong pasalamatan ko ang mga sa atin ay nagbigay – pagkakataong mailap, minsan lang dumating sa hinuha at buhay.

 

Inihahandog ko sa iyo, pagtatanging lubos. Ginalugad ko ang pagkakaraming mga sulok, tinahak ko ang mga limot na landas at binuksan ko ang ilang bagong daan –  para rito, ika’y matagpuan.

 

Ilang misteryo mayroon sa bawat pagtatagpo? Anong pagkagulat sa bawat pagkakamay na nagtatapos sa paglalayo? Anong balakid ang di kayang pangibabawan – kung dalawang tao’y taos ang pagmamahalan?

 

Ako ay sa iyo at ikaw ay sa akin. Hindi ko na pakaiisipin pa, kung paano at bakit. Kunin mo ang aking mga kamay at ikulong ako sa iyong mga bisig. Iyo akong yakapin ng mahigpit –  O, taong maganda, sa aking paningin!


image of a couple in embrace, borrowed from t0.gstatic.com

Yakapan ng nagmamahalan/ momentsofmysoul.suedblog.de

 

Possibly Related Posts:

Larawan ng Taong Wala sa Sarili

Ang Magmahal