Archive for Mayo, 2011

Dekadente

image of wine, borrowed from t2.gstatic.com

Madalas naming daanin sa inom ang mga bagay-bagay noon/ lowcostresorts.net

Doon sa grupo namin noong tinatawag kong recent college friends, tatlo na lang kaming nasa Pilipinas. Apat, kung isasali ang isang bumalik matapos ang ilang taong taong paglalagi sa abroad. Magbabarkada kami. Katagalan, naging magkakaibigan.

 

Simple lang ang gimik namin noon – wala kaming org pero meron kaming tambayan at meron kaming tambay hours. Nagkukwentuhan kami roon sa kiosk, nag-aalaskahan at nagpapalitan ng mga reklamo sa teachers. Umiinom kami ng Coke, binili kay Manang. Di kumikita  si Manang sa amin, kung tutuusin. Minsan, halos apat na oras kaming tumambay, wala pang tigsa-sampong piso ang nagastos namin.

 

Sa tambayang iyon din ang aming base pag frantic ang aming mga buhay dahil sa dami ng mga babasahing ixi-xerox. Minsan-minsan, nagkukunwari kaming nagbabasa roon, pag hindi masyadong marami ang mga estudyanteng nakatambay. Siyanga pala, panahon pa ito noong ang mga tambayan ay hindi pa nakakumpol sa iisang lugar kundi spread-out sa iba’t ibang parte ng kampus.

 

Hindi lang kami maiingay sa tambayan, hagalpakan kami lagi ng tawa at madalas masutsutan ng mga tao sa  mga katabing teritoryo.  Ang mga kapitbahay naming grupo, mga rehistradong organisasyon sa kampus, maliban sa isa – ‘yong grupo ng mga coño na taga-Eng’g. Hindi kami sinusutsutan ng mga coňo, tinitignan lang kaming parang sinasabing, “People, mind your manners.”  Wala kami noon, haha.

 

Pito kami sa grupo, katagalan ay naging siyam – pitong babae at dalawang naligaw o nautong lalaki. Lima sa girls ay malalaki, apat doon ay kaytatangkad. Sa apat na P.E.ng required, tatlo sa kinuha nila ay swimming. Kaya hayon,well-built ang mga aleng ito. Pakiramdam ko noon, di lang barkada ang nakuha ko – bodyguards na rin. At totoo yon, pag naglalakad kami noon sa kampus ng sabay-sabay, walang nangangahas tumalo sa amin. Subukan lang nila, haha.

 

Iyong isang lalaki roon sa barkada, nerdy, masipag sa assignments (alam lagi kung ilang chapters ang covered per meeting at kung kelan ang deadlines ng submissions) at madaldal. Para laging may discourse pag kausap mo ito. Iyong isa naman, pogi, maganda ang dibdib, ex-PMAer at university scholar. Dahil sa mga nabanggit na dahilan, siya ang appointed na taga-bili namin ng napkin pag nag-o-overnight.

 

Iyong isa sa matatangkad, reyna ng hirit. European Language ang kurso ng aleng ito at dapat sana ay mayroon siyang finesse, pero wala. Sa isang exclusive school sa Katipunan Avenue rin ‘ata siya nag – elementary at high school, pero hindi mo halos mapapansin sa mga palengkera nyang hirit. Ang mabenta nyang punchline sa amin noon, “If there is a God, ha?” Wala sa itsura ng aleng ito ang magsi-seryoso sa Philosophy, bumabaligtad ang mga sikmura namin sa katatawa.

 

Iyong isa naman, reyna ng lahat ng gimik at kalokohan. Heredera sa kanilang probinsya ang aleng ito, laki sa Tate at may sariling owtong malaki. Promotor sya sa grupo ng bilyar, bowling, inuman at pagpunta sa mga kwestyunableng lugar.  Ang parating linya ng aleng ito, “Hwag na lang tayong pumasok, labas na lang tayo.” May mga panahong nakukumbinsi nya kami – kami ay mahihina.

 

Sya rin ang madalas magpahamak sa amin noon. Pag naging kaklase mo sya sa isang subject, garantisado ang kahihiyang daranasin mo – late sya laging pumasok, walang dalang ballpen at yellow pad at, kailangang mo syang pakopyahin pag may quiz o exam. Pero, iginagalang namin ang barkada naming ito. Una, dahil siya ang pinakamaganda sa barkada. Ikalawa, malaki ang kanyang allowance. Ikatlo, sa grupo, siya lamang ang may mga manliligaw na may sinasabi  –  doktor, abogado at engineers ang bumubuntot-buntot sa kanya lagi noon.

 

Ang isa pang matingkad sa grupo namin, iyong pinakamaliit at pinakamayaman. Nagtatrabaho na ang aleng ito sa business ng pamilya nila noong makabarkada namin. Masipag ang batang ito, disiplinado at alas-kwatro ng umaga kung gumising.  Madalas kami noong naghahanap ng excuse para makapag-overnight sa maganda nilang bahay at nang maipagluto nya kami ng to-die-for nyang carbonara. Isa pa, ang dala nitong owto sa school ay pag hindi Chedeng, Volvo.  Isinasakay nya ang mga kabarkada nyang bagay lang namang maglakad sa kampus o sumakay ng dyip, haha.

 

Kasya kaming lahat sa owto nya. Iyong apat doon sa barkada, parang mga kabayong nakawala sa kwadra sa tuwing magiging pasahero – binubuksan palagi ang bubong ng magarang sasakyan at kumakaway sa mga taong nadaraanan. Bago kami isakay ni barkadang mayaman, tinatanong nya muna kung saan kami. Maski sa building lang ng Law o sa Econ ang punta namin, ang sagot namin, Fairview o kaya, Paraňaque. Ang ending namin parati, kakain kami ng lunch ng sabay-sabay sa Beach House, ‘yong barbeque-han sa likod ng Main Lib.

 

Kung si heredera ang pinakamaganda sa grupo, itong si maliit ang pinakamaganda ang personality sa aming lahat. Hindi namin maubos-maisip kung bakit bumarkada sa amin ang aleng ito gayong sya ay mapino, poised at itsurang kagalang-galang. Ang isa pa nyang set ng friends ay ‘yong mga rich kids sa kampus – mga taong pinagpala rin sa buhay at tila mga hindi nagpapawis. Ang tanging nabuong konklusyon ng barkada, bukod sa ang kabarkada naming ito ay matalino, siya ay may taste, haha.

 

Tatlo lang sa grupo naming iyon ang hindi Math flunkers – ‘yong dalawang lalaki at isa sa girls, yong isa pang hindi matangkad. Mga confessed Math repeaters kami,  nagsipag-ulit na ng Math 17, nag-ulit pa ng Calculus – talagang mga gifted. Ang pinaka-alaskado ro’n, yong isa sa matatangkad – best in Math kasi siya sa lungsod nila noong high school, haha. Madalas naming usapan noon – kailan kaya kami lalaya mula sa Math Building?

 

Tatlo lang kami roong mahihilig magbasa. Pag nakikita ng ibang barkadang sapin-sapin ang mga librong dala namin galing sa library, naglalabas sila ng lighter.  At totoo nilang sinisindihan ang gilid ng mga hiram na aklat. Pag gano’n, kagulo kami lagi sa tambayan.

 

Sa isang subject, STS (Science, Technology and Society) sama-sama together kami. Isa lang ang di kasali – si nerdy – kasi,  natapos nya na ang subject.  Isang hilera kami ng makukulit at maiingay sa subject na ‘yon. Sa auditorium ang venue ng STS class, ang isang klase nito ay binubuo ng humigit-kumulang 200 na estudyante.

 

Parang palengke lagi noon sa STS pag wala pa ang aming teacher, si Dr. ___    may nagbabasa ng dyaryo, may gumagawa ng assignments sa ibang subjects at may nagpa-file ng kuko.  At siyempre, sa ganoong milieu, nagta-thrive ang barkada.  Dalawang beses lang namang napalabas sa klase ang grupo namin, haha.

 

Bukod sa tambak ang readings, mahirap para sa amin ang exam sa STS. Ang style pa ro’n, multiple choice na choose the best answer. Nangangamote kami – parang best answer naman lahat ang pagpipilian? Noong fourth exam na, may tip sa amin si reyna ng gimik – ang best answer daw ay ‘yong kumplikado ang formulation, ‘yong parang mahirap maintindihan. Sinubukan namin at anak ng putakte, parang tama sya – nagsipagtaasan ang exam scores namin! Ba’t noon lang nya sinabi?

 

Pagkakatapos ng exam sa STS, ritwal na namin ang sama-samang uminom ng tig-iisang bote ng beer. Bawal na noon ang mag-inom sa kampus (maliban kapag Fair) dahil sa dami ng frat wars at expectedly, bawal nang  magtinda ng alak sa loob. Pero tumutubo yata ang underground economy maski saan, kaya hayon – nakaka-source kami ng beer sa black market, haha…  Patalilis kaming magpo-procure ng beer saka pupunta sa may Oval. Iyon yata ang pinakamasaya naming moments bilang barkada. Doon sa gitna ng mga talahib sa Oval – habang umiinom – isinisigaw at ipinapagpag namin ang mga inis at galit namin sa buhay-estudyante.

 

Dahil nga kami ay mga magkaka-ututang dila, pinagplanuhan na namin ang future kung saan sama-sama pa rin kaming lahat at walang iwanan. Doon din sa kiosk nabuo ang balak. Kukuha kami ng bahay pagka-graduate – isang apartment– at doon kami lahat titira. Magkakaroon kami ng hatian sa mga gawaing-bahay. Ang natatandaan ko ay nag-volunteer ako sa pagtatapon ng basura at paglilinis ng banyo.

 

Ang engrandeng plano nga pala, magtatayo kami ng businesswomen and children trafficking, haha. Sigurado itong may kita, este, lucrative, at disenteng-disente.  Maraming beses naming pinag-usapan itong imbi at buhong naming plano at sa bawat pag-uusap,  pinipino namin ang mga detalye. Tiwala kaming maisasakatuparan at magtatagumpay ang aming mga balakin  sa kadahilanang kasali si reyna ng gimik  –  ang dalubhasa sa kagagahan at prinsesa ng underworld.

 

Hindi kaming magka-kabarkada sabay-sabay gumradweyt – may mga nauna at may mga nahuli. Ganoon pa man, madalas pa rin kami noong magkita-kita matapos magkahiwa-hiwalay – tatlo hanggang apat na beses sa isang taon. Kadalasan, para uminom pa rin. Si reyna ng gimik pa rin ang nangunguna-nguna – sa gay bars nya kami madalas dinadala. Ang style namin, pag sa Chico’s o sa Adonis kami pupunta, sa parking ng Church Ministry sa malapit kami lagi pumaparada. Siyempre, kailangang itago ang ebidensya ng konting basbas, bago magkasala ang aming mga mata, haha.

 

image of night life - t1.gstatic.com

Apat sa barkada ay mahihilig mag-against the wall at pole dancing/ year2008-2009.student-direct.co.uk

 

Nitong mga huling taon, isang beses isang taon na lang kami magkita-kita. Si reyna ng hirit, nakapagtrabaho at nakapag-asawa na sa Geneva at doon na naka-base. Si reyna ng gimik, sa Land of the Down Under naman. Parehong Pinoy at parehong may pagka-pormal ang mga lalaking nakatuluyan ng dalawang makukulit. Pero, sport naman ang mga mister nila, sumasama rin sa gay bars at gimikan pag kami’y nagre-reunion. Iyong isa pang matangkad, sa Singapore naman naka-base.

 

Si Nerd, naging Fullbright scholar. Bago at pagkatapos noon, naging iskolar din siya ng dalawa pang prestigious institutions. Anupa’t pitong taon na kaming magkakahiwalay, nag-aaral pa rin ang taong ito. Talong beses lang yata siya nakadalo sa reunions ng barkada. Kamakailan, bumalik siya ng Pilipinas para dito magturo.

 

Iyong iba pang miyembro ng barkada, hindi ko na muna ikukwento. Basta, ang summa total, mas marami ang mga nakapag-asawa na at ang mga naka-base sa abroad. Tatlo kaming naiwan rito – isa ay sa Cavite na nakatira at ang isa naman ay sa Laguna. Tamad kaming magkita-kita kung kami-kami lang.  Mahirap din pating i-approximate ng tatlong tao ang kalokohan at ingay ng siyam o pito. Isa pa’y siguro,  nahihiya kaming tanggaping sa isang banda’t kahit paano, tamed na kami. E, doon sa barkada, ang aming pirming declaration, “Ganito na lang tayo palagi, dekadente forever!”  🙂

 

Advertisements

Ang Masusunod

Parating magkasama ang Mamay at ang kanyang tungkod/ maninstitute.com

Inabutan ko pang buhay at malakas ang Lolo namin. Bale, ama siya ng aming Tatay. Siya talaga ang magsasaka sa aming angkan. Siya ang dating maraming pag-aari doon sa aming lugar.  Siya rin iyong taong maalaga sa lupa. Siya ang aming Lolo. Sa puyukan ng mga bahay na kinalakhan namin, ang mga salita niya ang pirming masusunod.

 

Sa kinasanayan doon sa aming lugar noon, ang kalalakihan ang laging nangingibabaw. Ang mga kababaihan ay inaasahang susunod lamang sa bawat naisin ng ama, nakatatandang kapatid na lalaki o ng asawa. Kung kaya nga di nakapagtatakang sa aming pamilya, ang lolo namin ang bida.  Siya ang patriarch, kumbaga.

 

Ang tawag sa amin sa Lolo ay Mamay. Ang Mamay ay di pwedeng tawagin ng basta na lang. Pag ang mga apo niya ay nagkukwento tungkol sa kanya, hindi pwedeng si ang gamitin. Dapat ay ang Mamay. Hindi rin pwedeng kay Mamay kundi, sa Mamay. Kumbaga, pormal lagi ang pagtawag at paglalarawan sa kanya. Kasi nga, ang Mamay ‘yon.

 

Ang Mamay namin ay mestisong Espanyol. Pero, hindi siya gaanong matangkad. Sobrang malago ang kanyang mga kilay kung kaya, mabalasik ang kanyang anyo. Ang inabutan ko, puti na ang lahat niyang buhok sa katawan – sa ulo na sa bandang gilid  na lang ang may buhok, sa mga butas ng ilong at sa mga butas ng kanyang taynga. Mukha syang Santa Claus  na walang balbas at bigote.  Maliban sa bunso nyang anak na babae, ang mga anak nya ay pawang mga mestiso rin at mestisa – blonde ang mga buhok, prominente ang mga noo at matatangos ang ilong.

 

Ang aming Mamay ay hindi masalita. Lagi lamang siyang nakatingin at nagmamasid sa paligid o nakikinig sa mga kwentuhan. Lagi rin siyang may dalang tungkod na handang ihataw sa sinumang taong kokontra sa kanya o hahara-hara sa daraanan nya. Hindi ako nakatikim ng sinasabing hataw ng tungkod na ‘yon (ahem!). Pero, ang mga kapatid at pinsan ko’y sumusumpang masakit ang tama no’n.

 

Semi-retired na ang Mamay nang maabutan ko. Halos ubos na rin ang mga lupang source ng kabuhayan at pride ng angkan noon. Kulang na sa dalawang ektarya ang sukat ng lupang iniikot ng Mamay noon pag umaga. Pero, madalas pa rin namin noong nakikita siyang may gulok na nakasukbit sa beywang. Kung minsan ay nagbabambang pa rin siya ng lupa. Isa-isa nyang binubusisi ang mga tanim roon. Alam nya ang mga parteng kailangang gamasan, ang mga bunga ng saging na nahihinog na at kailangang balutan, at ang mga punong ang bunga ay kailangan nang anihin. Ng mga panahong iyon, pag makaharap mo sya, mapapansin mong ang talas pa ng kanyang senses.

 

Sa isang angkang karamihan sa mga miyembro ay maiingay, kakaiba ang presence ng Mamay – isang matandang tahimik at gawa lang ng gawa.  Noon, pag papalapit na ang Mamay sa umpukan ng mga nagkukwentuhan, biglang magbabaan ang mga boses. Ang mga malilikot ay nagbi-behave, ang mga makukulit ay nagpapa-charming at ang mga matatandang babae ay agad pumupunta sa kusina para tingnan ang nakasalang.  Halos lahat sa amin noon ay takot sa Mamay.

 

Pero ang hindi alam ng marami, ang Mamay namin ay may itinatago ring kabaitan sa katawan. Halimbawa, madalas nya noong tinatawag kaming mga apo nyang babae para pasalubungan ng mga bungang-kahoy na galing sa gubat – rare fruits, kumbaga. Pag anihan naman ng palay, iginagawa nya kami ng wawo.

 

Ang wawo ay isang klase ng musical instrument na gawa sa palay stalk. Pinuputol ang tube ng palay ng mga limang inches ang haba, nililinis ang loob nito at ginigilitan sa isang gilid para doon lalabas ang hangin pag hinipan. Maaring makagawa ng sari-saring musika at iba’t ibang tunog gamit ang wawo. Napakaganda ng tunog ng wind instrument na ito lalo na kapag ang Mamay ang gumawa.

 

Sa aming magpipinsan, madalas mapagkwentuhan ang panghahataw ng tungkod ng Mamay noon sa mga batang umaakyat sa mga lansones na nakatakdang anihin para ibenta. Tumatawa lang kaming magpipinsang babae pag iyon ang  usapan. Siyempre, dahil hindi kami nakakaakyat ng lansones, ang turing sa amin ng Mamay ay mababait. Kami ang mga apo nyang nakokontento sa mga laglag na bunga. Kami rin ang pinaglalaanan ng Mamay ng isang kaing na lansones na nakatago sa silong matapos ang anihan.

 

Malalambing raw kami at mababait – iyon ang akala nya. Over the years, hindi namin naisip na iwasto ang impression sa amin ng Mamay. Matanda na rin kasi siya, may sariling pag-iisip,  at isa pa,  para saan?  🙂

 

sa may pagliko

image of a road bend

Pwedeng mabunggo at makabunggo rito/ flickr.com

 

 
 
Sa may pagliko, maraming makakasalubong…
 
 
Pwedeng suwagin ka ng kambing o habulin ng baka. Pwedeng may magulat sa ‘yo – dahil sa suot mong pula.
 
 
 
cartoon image of a bull
Maaring makakita ng kaibigan – bati’y nagpapasaya, magpapangiti sa buong umaga.
 
 
 
Sa may pagliko, maraming sorpresa… 🙂
 

Si May 11

image of a desk calendar

Minamarkahan natin ang mahalagang araw/mabryonline.org

 

Mas bata sya laging tingnan kaysa sa totoo nyang edad. Maliit siyang ale, maitim, balingkinitan at mahusay magdala ng sarili. Matipid siya sa salita pero palakaibigan. Ipinagdiriwang nya ang kanyang kaarawan tuwing ika-11 ng Mayo.

 

Galing siya sa maykayang pamilya at pinalaking maalwan ang buhay.  Siya ang bunso sa pitong magkakapatid. Mahal na mahal sya ng mga kapatid nya kahit pa apat sa kanila ay half-siblings lamang niya.

Sa edad na 16, ipinakasal siya sa isang mestisong taga-bukid na taga-kabilang probinsya. Pitong taon ang kanilang agwat. Sa liblib na baryo sila tumira, sa lugar ng napangasawa niyang hindi naman nya boyfriend. Doon sa amin. Sampo ang kanilang naging anak. Si May 11 ang aming ina. Inay ang tawag namin sa kanya. Hindi siya katulad ng ibang nanay.

 

Hindi niya ihinahanda noon ang aming mga susuutin sa umaga, hindi niya kami ipinaglalaba at hindi niya sinusulsihan ang aming mga sirang damit – hindi siya marunong at hindi siya natuto.

Hindi rin siya ang naglilinis ng bahay at naghuhugas ng pinggan. Bihi-bihira lang kung siya ay magluto. Ang mga luto nya, madalas ay masarap naman pero inihanda sa paraang ala-tsamba o maskipaps…

 

Ang aming Tatay ay mangangalakal, madalas ay nasa byahe sya. Ang aming Inay ay busy lagi sa kanyang mga trabaho. Kaming mga anak mismo ang gumagawa sa bahay at nag-aasikaso sa mga gawain. Hindi nakikialam ang nanay namin, si May 11, sa pagpapatakbo ng household.

Marami siya laging trabaho at duties sa labas. Isa siyang social worker, cathechist, trainer sa mga seminar at mentor ng napakaraming mga bata sa aming bayan. Nagbebenta rin siya at nag-a-ahente ng Tupperware, Avon at kung anu-ano pa. Ang dami niyang naturuan pero ni minsan, hindi niya naturuan ng assignment ang sinuman sa kanyang mga anak.

Bago pa man bumangon ang lahat sa bahay, nakaligo na si May 11. Naka-lipstick na sya at naka-make up. Handa na siyang humarap sa publiko. Lagi siya noong may pupuntahan at kapag nasa bahay naman, sunud-sunod ang mga taong dumarating at hinahanap sya.

 

Sa liblib na baryong ikinukwento ko sa inyo, lutang si Inay namin. Una, ang karamihan sa mga nakatira roon ay mestiso’t mestisa kahit pa nga sila ay mga batak sa gawain sa bahay at sa bukid. Si May 11 ay maitim, medyo pango at walang alam na gawain. Sanay siyang siya ang sinisilbihan.

Pirmi si Inay  nakasapatos doon sa lugar na iyong maputik at uso pa ang nakayapak. Lagi siyang bihis na bihis at poised kung kumilos at maglakad. English kung kami ay pagalitan niya noon. Ang paborito nyang expression,  “Nonsense!” Madalas namin sya noong nakikitang naggagawa ng lesson plan, nagbabasa o kaya ay nagsusulat. Sanda-sandali lang syang makikitang nasa kusina.

 

Sandali o matagal man si Inay nawala sa bahay, malayo o malapit man ang kanyang pinuntahan, parati siyang may pasalubong. Pwedeng iyon ay tinapay, nilagang mais, tsitsaron o kung anuman. Basta, lagi syang may pasalubong. Noong mga bata pa kami, siyempre, madalas ang awayan sa hatian. Hanggang sa magka-apo na si Inay, nagpapasalubong pa rin sya – mas dumami na nga lang ang kanyang pinapasalubungan.

Si Inay ay palangiting akala mo ay laging handang magpakuha ng larawan. Madalas, ang suot nya ay bestidang orange o pula. Hindi sya katulad ng mga manang na ka-miting nya sa parish hall tuwing Linggo. Sa mga pagtitipon, madalas siyang hinihilingang kumanta dahil kaboses nya si Nora Aunor.

Very creative sya. Mahusay siyang mag-drowing at gumawa ng kung anu-ano galing sa mga bagay na karaniwan lang makikita sa paligid. Ang aming flower vase, kurtina at ang mga suluk-sulok ng bahay ay lagi nyang inaayos sa maarte at charming na paraan. Bilib rin kaming mga anak  sa bilis at husay niya sa gift-wrapping. Ang sala namin, iniiba nya ang ayos kada linggo.

 

Si May 11 din ang mahusay magsulat sa pamilya. Madalas siya noong inuusap magsulat ng plays sa iba’t ibang eskwelahan sa aming bayan. Kung minsan, siya na rin ang director. Ang galing nyang gumawa ng fiction – parating original ang kanyang storylines.

Ang weird sa kanyang pagsusulat, wala siyang pakialam sa punctuations – ang tuldok ay maaaring kuwit at ang kuwit ay maaaring tuldok. Pero lagi, malinaw pa rin at ang sarap basahin ng kanyang sulatin. Dalawa sa mga kapatid ko ay nag-aral ng Journalism at ako nama’y pagsusulat ang naging trabaho sa kalakhan. Pare-pareho kaming aminado – si Inay ang totoong writer.

 

Marami sa mga naging kaibigan ng Inay ay mga maykaya at kinikilala sa aming lugar. Hindi namin ito gaanong maintindihan, pakiramdam namin ay napaka-trying hard naman ng aming nanay.  Sa kabilang banda, siya rin iyong tipong mahilig magpakain ng mga tao kahit pa bibihira namang sumusobra ang pagkain namin at ang hilig nya ring mag-ampon. Madalas nangyayari iyong pag-uwi namin sa hapon, may bago kaming kapatid na tila baga kakaunti pa kaming mga anak nya.

Isa syang taong simbahan at malapit sa maraming mga madre at pari sa aming probinsya. Pero, hindi nya ni-require ang mga anak nyang magsimba pag Linggo. Nagtatanong lang sya kung mayroon sa aming gustong sumama. Ang required nya sa amin noon ay ang Angelus pagtuntong ng  alas-sais, Rosaryo sa pagitan ng alas-siyete at alas-otso at, ang sama-samang pagbabasa ng isang kwento sa bibliya bago matulog.

 

Ang madalas nilang pag-awayan ni Tatay noon ay ang pag-aaral ng mga anak. Ang tingin ni Tatay at ng angkan nila, kalabisan ang mag-kolehiyo. Hindi pumapayag ang Inay namin. Para sa kanya, lahat nyang anak ay kailangang makatuntong sa college, may pera man o wala.

Noong magsipaglakihan na kaming mga anak nila at nalaman na namin ang background ni Inay – malaki ang bahay nilang katabi ng munisipyo, apat ang kalesa sa silong nila at may personal pala siyang yaya hanggang sa mismong araw na siya ay ikinasal – tinanong namin siya, siyempre.

Bakit siya nagtiis sa ganoong kalayong lugar at ganoong kahirap na buhay? Hindi ba sya maaring bumalik sa kanyang ina o sa kanyang kuyang kapwa mayaman pa noong araw? Ba’t nya pinilit makipamuhay sa mga tao doon sa amin gayong mayro’n naman sigurong ibang alternative?  Ang sagot niya lagi – kasi ay may mga anak siya.

 

Kung anong talas mag-isip ni Inay, ganoon rin naman siya ka-subjective, lalo na pagdating sa kanyang mga anak. Numero uno syang kunsintidorang ina at laging handang gumawa ng script para pagtakpan ang kasalanan ng isa nyang anak sa mga iba pa. Parating malapit ang loob nya sa sinumang anak nyang madalas gumawa ng kabalbalan.

Pero ang natatandaan kong mga payo nya, simple lang: una, huwag umalis ng bahay nang di kumakain; ikalawa, matulog ng maaga at ikatlo; huwag i-lock ang pinto ng banyo pag naliligo para sakaling madulas ay madaling matutulungan. Ang panghuli nyang payo ay para sa mga kapatid kong may-asawa – ingatan ang kalusugan habang bata pa ang mga anak.

 

Noong pumanaw na ang Tatay namin, halos sa panahon ring iyon binitawan ni Inay ang formal duties nya sa parish ng aming bayan. Tuluyan na syang pumirmi sa kalapit na lungsod. May hinahawakan pa rin siya noong day care, ibang day care lang. Pero bahagya, nabago na ang kanyang buhay – nabawasan ang lakad-lakad, malapit na sa sentro at mas madali na syang napupuntahan ng kanyang mga anak.

Katagalan, naipagpagawa si Inay ng malaki-laking bahay ng nakatatanda naming kapatid.  Semi-retired na sya noon. Pati, day care, nai-give up nya na. Nagtu-tutor na lang sya ng mga bata. Lumalabas na lang sya noon kasama ng mga kaibigan at nanonood ng sine sa unang mall doon sa lungsod. Bumibili ng mga pagkaing gusto nya. Sa panahong iyon, napansin naming nangangayayat siya.

 

Ayaw nya sa doktor, ayaw nya sa ospital at ayaw nyang uminom ng gamot. Ang katwiran nya, hindi naman sya nagkakasakit maliban sa sakit ng ngipin. Na sa isang banda, totoo naman.  Sinabi naming magkakapatid kay Inay na colon cancer ang sakit nya. Pero, hindi namin sinabing Stage IV na. Sa pagkaalam ko, ipinaalam naman sa kanya ng kanyang espesyalista kasi, may isang tsek-up kaming hindi ako pinapasok sa inner room. Si Inay lang at ang doktor ang nag-usap.

Si Inay, ang ikinukwento nya sa mga dumadalaw at kumakausap sa kanya, Stage II lang daw. Hindi na namin siya iwinawasto. Siguro, iyon ang gusto niyang paniwalaan at panindigan. Halos tatlong taon kaming labas-masok sa ospital, mahigit dalawang taon siyang nag-chemo therapy at dalawang beses siyang na-operahan. Bandang huli, nag-pain management sessions na kami.

Matapang siya. Nagta-taxi lang kami noon pa-ospital pag nagki-chemo. Bihis na bihis pa rin si Inay lagi. Ang sabi ng kanyang surgeon, si Inay raw ang pinakamakisig nyang pasyente. Terno lagi ang suot nyang sapatos at bag, madalas ay naka-coat siya at ang itsura nya ay para laging a-attend ng conference. Dumadaan kami lagi sa CR bago at pagkatapos ng sessions, sinisigurado nyang ayos na ayos ang kanyang mukha at buhok.

 

Sobra syang vain pagdating sa buhok. Sa buong panahon ng kanyang pakakasakit, iyon ang natatandaan kong mahirap – pag araw na gusto nyang mag-shampoo. Maligalig siya noon. Major production ang pagsa-shampoo, mas big deal pa kaysa sa chemo.

Karamihan daw sa nagki-chemo, nalalagas ang buhok. Hindi ang kay Inay. Nag-umpisa lang manlaglag ang buhok nya tatlong araw bago sya pumanaw. Hallucinating na lang sya ng panahong iyon kaya hindi nya nalaman. Mabuti na lang. Dahil kung alam nya, sigurado ako, it would have killed her.

 

Katulad ng sa ibang nagkakaroon ng gayong sakit, pneumonia ang kagyat na sanhi ng kanyang pagkamatay. Inakala naming magkakapatid na mas magtatagal pa ang kanyang buhay. Marami pa kaming mga plano para sa kanya. Marami pa sya noong mga regalong hindi nabubuksan.

Sa  aming pamilya, si May 11 ang palaging punctual. Sa paminsan-minsang huli siya sa pupuntahan, iyon ay dahil sinadya nya. Kaya nya ang drama ng pagiging fashionably late. She was one for dramatic entrances and quiet exits. Parang ganoon na lang namin tinitingnan ang kanyang pag-alis sa mundo. Hindi siya ang tipong mag-o-overstay ng kanyang welcome.

 

Pagkatapos ng siyaman, binalikan ko ang mga kamag-anak at kaibigan ng Inay. Humigit-kumulang, pinilit kong i-trace ang mga tao at bagay na mahahalaga sa kanya. Saka ko, namin, nalamang totoo naman pala ang pakikipagkaibigan sa kanya ng mga mayayaman at kilalang tao, na hindi naman pala siya itinuring na iba ng mga iyon. Totoong natutuwa at nagigiliw sila sa ina namin at hindi ang mga iyon one-way relationships.

 

Inayos ko rin ang mga papeles at dokumento nya – claims, benefits at iba pa. Ganoon rin, ang kopya ng marriage certificate nila ni Tatay at ang birth certificate ng Inay. Wala kaming hawak ng mga iyon. Hindi rin available sa NSO.

Pinuntahan ko ang ilang mga probinsya at bayan. Marami -rami ring mga tawag, pagtatanong at byahe muna bago ko natagpuan ang mga hinahanap. Doon sa dalawang dokumento, pareho ang nakasulat – ang aming Inay ay ipinanganak noong ika-11 ng Abril, 1940 – isang taon at isang buwang una kaysa sa ika-11 ng Mayo, 1941 na sya naming alam na magkakapatid.

Ang reaksyon namin? Una, “She has put one over us! Again!”.  Ang sumunod, “Well, that’s just like her…”. Ang panghuli, “Si Inay, talaga…”.

 

* Belated Happy Mother’s Day kay May 11! Maligayang kaarawan sa ‘yo, Inay. 🙂

 

Dito

                                         image of the world held in a pair of hands

Dito…

… sa mundong lihis

at buhay na puno ng hinagpis

naghahanap tayo

ng mga katiyakan

maliban

     sa pagsikat ng araw sa umaga

     pag-ihip ng hangin sa hapon

     at pagdating ng buwang malamlam.

 

sa mundong maligalig

at buhay na tigib ng pasakit

naghahanap tayo ng kasiyahan

inaaninag natin

     sa tawa ng mga bata

     sa ngiti ng matanda

     sa akbay ng kaibigan

     sa yakap ng minamahal.

 

image of filipino children laughing

Nakakapagpasaya ang kanilang mga tawa

 

sa mundong tiwarik

at buhay na hitik sa panganib

naghahanap tayo ng munting kaligtasan

kapirasong masisilungan

     sa makulay na patalastas

     at masasayang balita

     sa naitagong kulubot

     ng magandang mukha.

 

sa mundong malupit

at buhay na sa dusa’y liglig

naghahanap tayo ng mga bagay na maririkit

nililibang ang sarili

     sa pagkaing matatamis

     magagarang damit

     matuling sasakyan

     sapatos na kaibig-ibig.

 

image of a red pair of shoes

Gumagaan ang mundo pag may magandang sapatos/ /t2.gstatic.com

 

Unang Patak ng Ulan sa Mayo

 

Ang sabi ng ibang tao, acid rain daw na maituturing ang unang patak ng ulan sa buwan ng Mayo. Matapos ang mahaba-habang stretch ng mga hapong kainitang-kainitan, biglang didilim ang langit at isa-isang babagsak mula sa itaas ang unang hugos ng ulan.

 

Image of a plant with raindrops

Mabigat ang bagsak ng mga butil ng ulan sa buwan ng Mayo/ changedesktop.com

 

Mapupukaw ka ng mga naglalangit-ngitang bagay na bumabagsak sa bubungan ng bahay. Maingay. Tila may mga solidong butil na tumatama sa yerong bubong. Nag-uunahan. May kasama silang bahagyang hangin. Lalamig ng bahagya ang paligid, mababawasan ang lagkit ng balat na ramdam na ramdam ng sinumang wala sa air-conditioned na silid.

Maya-maya pa’y bubuhos na ng tuluyan ang tubig na tila nagmamadali sa pagpatak. Aabot na sa lupa ang pagbulusok.  Paglapat doon ng mga nag-uunahang butil, uusok ang lupang tuyung-tuyo. Mangangamoy ang kapaligiran – amoy ng lupang ang uhaw ay dagling tinighaw ng ulang biglaang dumating. Walang pauna o pasabi. Anupa’t bigla ay nariyan na lamang, isang hapon… Mayo na nga.

 

Marami nang manunulat ang nagtalakay at nagpapuri sa Mayo. Ang buwan ng taong mainit, subalit maulan. Ang Mayong panahon ng pag-aalay ng mga bulaklak sa Inang Maria ng mga kadalagahan sa nayon. Ang Mayong mapaniil at puno ng masidhi’t di-mapanghawakang damdamin. Sa gayo’y dalawang akda ang kagyat na sumasagi sa aking alaala – ang Summer’s Solstice ni Nick Joaquin at ang The Flowers of May ni Francisco Arcellana.

 

image of sampaguita-like flowers in bloom

Pinipitas sila at iniaalay kay Birheng Maria pag Mayo/ wn.com