Archive for Agosto, 2010

Sundot-saging, Pinindot

 

Ang sundot-saging ay tawag ng mga Tagalog sa meryendang mas kilala bilang banana que. Ito ay hinog na saging na sabang ipinrito, nilagyan ng asukal bago tinuhog ng stick. Karaniwan itong mabibili sa mga palengke at kanto kapag oras ng meryenda o kapag uwian na galing sa trabaho at eskwela.

 

image of freshly-cooked bananas on que, borrowed from 365greatpinoystuff.wordpress.com

sabang ipinrito, nilagyan ng asukal at tinuhog sa stick/ 365greatpinoystuff.

Noong ikinuwento ko sa mga kabarkada ko na sundot-saging ang tawag sa aming lugar sa banana que, nasagwaan sila. Masyado raw graphic. At medyo bastos. Isipin mo nga naman, sundot na ang ibig sabihin sa ingles ay poke. Pero iyon talaga ang tawag. Sabi ko, kung gusto nila, palitan namin at gawing tuhog-saging. Masagwa pa rin daw. O, sya, kako, banana que na lang dahil iyon naman ang katawagang alam ng lahat.

 

Tapos, nang binanggit kong ang bilo-bilo ay mas kilala ng mga Tagalog bilang pinindot, naghagalpakan sila ng tawa. Mas masagwa raw. Ipinaliwanag ko sa kanila ang proseso ng paggawa ng nasabing kakanin.

 

image of glutinuous rice, shaped into small balls, borrowed from latestrecipes.net

pantay-pantay ang pagkaka-bilog ng malagkit para sa pinindot/ latestrecipes.net

 

Una, ginigiling ang binasang bigas na malagkit. Pagkatapos, binibilog nang maliliit. Paulit-ulit na pinipisil ang mga bilog para maging malambot ang consistency. Saka inilalagay sa kumukulong tubig na siyang lalagyan ng gata, asukal, ube, kamote at iba pang sahog. Kaya, kako, pinindot.

 

Tawanan pa rin sila. Bilo-bilo na lang daw ang itawag.

 

one big bowl of bilo-bilo, borrowed from opensourcefood.com

Pinindot ang tawag sa amin sa bilo-bilo/ opensourcefood.com

 

Bago iyon, di ko naisip na masagwang pakinggan ang mga salitang iyon. Iyon talaga ang tawag sa mga pagkaing iyon sa aming lugar. At kung iisipin mo, ang ibig sabihin ng pindot sa ingles ay press. Pero sabi ng mga kabarkada ko, may innuendoes raw.  Medyo may katwiran naman sila.

 

Sa ganang akin, pag naririnig ko ang mga salitang iyon, ang naiisip ko ay pagkain. Masarap kainin ang sundot-saging pag bagong luto at kainamang meryenda naman ang pinindot kapag tag-ulan.

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-18 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.

 

Advertisements

bukayo o pakumbo?

a bunch of bukayo sweets

Matamis, maraming mura pang niyog/ qdfriends.wordpress.com

 

Noong maliliit pa kami, ang madalas naming kaining minatamis ay bukayo at pakumbo.

Ang bukayo ay kinudkod na magulang na pero malambot pang niyog. Ihinuhulog ito sa pinakuluang tubig na may katamtamang dami ng asukal at saka hinahalo. Tapos, ito ay pinalalamig at inihahaing hugis pabilog.

 

Ang pakumbo naman ay asukal na niluto sa kumukulong tubig. Kung minsan yata, sa kumukulong gata. Nilalagyan din ito ng niyog pero ilang strips lamang. Saka ihahain sa hugis na pabilog din. Kasing-hugis at halos sinlaki ng polboron ang pakumbo. Ang itsura nito, may hawig sa minatamis na bao. Pero, mas maliliit ang pakumbo. Bite-sized, kumbaga.

 

Image of pakumbo, a sweet delicacy in the Philippines

Pinatigas na asukal, may niyog sa loob/ forum.philboxing.com

 

Sabihin pa, parehong ubod ng tamis ang bukayo at pakumbo… 😉

 

Sa mga Tagalog, madalas pag-usapan kung alin sa dalawang minatamis ang mas masarap. Para sa akin, maski noon pa, mas hilig ko na ang bukayo. Matamis ito pero, mas maraming niyog na malambot.

May mga kalaro naman ako noong mas gusto ang pakumbo. Mas matamis  daw ito at mas matagal bago maubos.  Masarap din daw kapag natagpuan mo na sa loob nito ang dadalawa o tatatlong strips ng niyog.

 

Doon sa lugar namin, bihira ang batang papasa kay dok ang kalagayan ng ipin. Kunsabagay, nakakakita lang kami ng dentista noon, isang beses siguro sa isang taon. Iyon, siyempre, ay pag emergency na. 😉

 

image of children posing for the camera, borrowed from squidoo.com

Laging may handang ngiti ang mga bata sa amin/squidoo.com

 

May mga kendi rin naman kaming nabibili noon. Meron na noong Viva – na ubod rin ng tamis – Stork, Snow Bear, Lipps at White Rabbit. Pero mas mahal ang mga iyon kaysa sa bukayo at pakumbo. Bakit kamo? E, kasi may balat at may pangalan. Kaya, singko ang bawat piraso. Samantalang ang bukayo at pakumbo, dalawa singko lang. At, walang balat o balot. Nakalagay lamang sila sa mga garapon.

 

Image of bukayo sweets inside a jar

May takip ang garapon ng bukayo, para di langgamin/ sulit.com.ph

 

Noong panahong iyon, may katagalan na, alam na alam ng lahat kung sinong bata ang nabigyan ng pera ng nanay o kaya ay nakapulot ng diyes sa silong. Siyempre, iyong may dalang isang tangkas ng bukayo o pakumbo at lumabas ng bahay para inggitin ang kanyang mga kalaro.
image of a filipina girl smiling, borrowed from fcfinc.org

Batang may pagkain, nakangiti/ fcfinc.org

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin ang post na ito noong ika-18 ng Nobyembre, 2010 para idagdag ang mga larawan.

 

Hello world!

 

Welcome to my blog!

 

Sa kalakhan, ang site na ito ay tungkol sa mga karanasan namin ng aking mga kababata noong early ’80s na isinulat sa kasalukuyan.  Ang mga entries dito ay karaniwang tungkol sa buhay-bukid, naganap sa aming baryong, sa wika nga ng mga propesor ko dati,  poor and technologically backward pa.

 

Mahigit dalawang kilometro ang lalakbayin namin noon bago sapitin ang pinakamalapit na aspaltadong kalsada. May koryente na pero ilang kabahayan pa lang sa aming nayon ang nakakabili ng linya at sikat ang bahay na mayroong tv. Wala pa rin noong tubig sa gripo at lalong wala pang telepono.  At gaya nga ng sabi ng iba, marami pa noong nabibili ang singko, pero napakahirap kumita ng piso. Marami pa noong mga palayan doon sa amin.

 

Bata na ako nang panahong iyon. O, bata pa ako noon pero may kaunti nang bait para matandaan ang ilang mga bagay at pangyayaring tumulong humubog sa aking mga kapatid, kasabayan at sa akin mismo.

 

Gusto kong maitala ang mga karanasang ito para magkaroon ng ideya ang mga pamangkin ko tungkol sa buhay-buhay noong kapapanganak pa lang sa kanila o bago pa lang sila ipinanganak. Maaaring para sa kanila, ang mundong ito ay boring, weird at far out. Pero, maaari ring sa ibang pagtingin, ang kaparehong mundo ay interesting, typical at close to heart. Hindi natin malalaman hanggang di naisusulat, nababasa at napag-uusapan.

 

Sa aking pag-intindi, ang blogs ay ginawa at dinesenyo para mabasa at makita ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon. Tila sila mumunting paintings. Ang bawat entry ay tila canvass kung saan iginuguhit ang mga impresyon, hindi lamang ng may-akda, kundi pati rin ng mga babasa. Sa gayon, sikapin nating ang modest work of art na ito ay hindi ma-vandalize.

 

Ang mga panauhin at mambabasa nito ay welcome at inaanyayahang mag-komento sa mga paksa.

 

Maaari kayong mag-cite ng kahawig o kabaligtarang karanasan, magbigay ng kakaiba o kapareho mang opinyon sa paksa, magdagdag o magdugtong ng kwento, humingi o magbigay ng dagdag na paliwanag, magbigay ng pagwawasto at mungkahi sa nilalaman at sa anyo ng pagkakasulat, at, mag-umpisa at makibahagi sa debate (Constructive, ha?). But please do so responsibly.

 

Bawal dito ang mag-promote ng produkto at serbisyo. Iwasan din ang pagiging sobrang negatibo, sagad-sagarang panlalait at siyempre pa, ang paninirang-puri.

 

Tandaang anumang iyong isusulat dito ay maaring mabasa ng sinuman sa mundo, maging ng iyong kaapu-apuhan. Tandaan ding may option kang gumawa ng sariling blog. Panghuli, ipinapaalalang may karapatan ang may-akda ng blog, o di kaya ay ang moderator ng website (http://wordpress.com), na i-edit o i-delete ang mga komentong sa tingin niya o nila, ay di na nakakabuti sa diskusyon at di na nagpo-promote ng goodwill. Sisikapin natin ang maximum tolerance hanggang kaya.

 

Kung ang mensahe mo sa akin (may-akda) ay very personal, mas maiging i-email mo na lang ako sa read_blink_live@yahoo.com at nang tayo rin ay makapag-kumustahan.

 

Maraming salamat. Happy reading!

 

Doon Po sa Amin