Archive for Setyembre, 2011

Lumalakad ang Balita

image of a newspaper

May isang panahong pahayagan ang pangunahing pinagkukunan ng balita/ greekshares.com

Lumalakad ang balita – noon. Iyon ang tinangka kong ipakita sa mambabasa sa Ang Kwento ni Nine. Noon iyon – noong isang panahong di pa singmura, sindami at singlawak ng sa ngayon ang paggamit ng mga tao sa teknolohiya para sa komunikasyon o pakikipagtalastasan. Kumbaga, tao rin lang mismo ang nagpapalaganap ng balita – walang tulong o unaided by medium.

 

Sa ngayo’y tumatakbo na? Sumasakay? Hindi lang. Lumilipad pa ang mga balita sa ngayon sa tulong ng mga teknolohiyang gaya ng internet, mobile technology, global positioning system o GPS at video streaming. Halos kasabay na ng mga mismong pangyayari ang mga balita- may gap lamang na humigit-kumulang isang minuto – at naipaaabot na ang mga ito  sa libo, milyon at bilyong tao. Naipararating sila maging ang pinaabutan man ng balita ay mga taong kakilala o hindi. Naipaaabot ang balita  sa mga nasa malapit o nasa malayo sa pinangyarihan. Ang husay, kanyo. At, makapangyarihan, sinabi nyo pa.

 

Samahan nyo muna ako, mahaba-habang kwentuhan ito. Medyo kilala nyo na naman ako, mahabang gumawa ng usap. Naman… 😉

 

Sa U.S., may isang manunulat na sumikat na nagngangalang William Saroyan. Isa sa mga nobela ni Saroyan na tumatak sa publiko ay ang The Human Comedy. Ang akdang ito ay ukol sa papel ng telegrama sa buhay ng mga tao sa isang maliit na pamayanan noong panahon ng gera. Ipinakita ni Saroyan  sa kanyang sinulat na dahil sa telegrama, maaring mabuo at mawasak ang mga pangarap ng mga karaniwang tao. Payak ang pagkakasulat ng may-akda sa nobela, maganda ang mensaheng kanyang naipahatid at tama kayo, malungkot ang istorya. Nakakaiyak.

 

cartoon image of a classic journalist in the old days

Masinsinang kumukuha ng impormasyon at isinusulat sa kwaderno/ chalktalkdallas.com

Noong araw, bago pa man tayo lahat ipinanganak, talagang lumalakad lang ang balita at ang mga kumakalap nito ay naglalakad din lamang para makuha ang mga iyon. Noon ‘yon, wala pang service cars ang journalists, wala pang two-way radio at wala pang nakakabit na antenna sa likod, beywang o kamay ng mga taga-samsam at taga-ipon ng balita. Tanging bolpen at papel ang dala-dala nila. Foot journalists ang tawag sa kanila.

May kapatid akong ganyan ang trabaho, dati… Bagaman at uso na naman noong panahon nya ang sumakay sa dyip, karamihan pa rin sa pangangalap nila ng balita ay nagagawa sa pamamagitan ng maraming-maraming lakad (Siya ang kapatid kong unang nagsama sa akin sa limbagan ng mga pahayagang tabloid dito sa Maynila at siya rin ang unang nagdala sa akin sa loob ng gusali at sa imprenta ng The Manila Chronicle, ang mamahaling pahayagan noong araw).

 

Ang journalists o correspondents, mayroong tinatawag na beat o area ng pagbabalita. Mayroong sports, may entertainment, may business, may street o police beat, at may government. Sa mga journalists na nagko-cover ng gobyerno sa beat, nahahati pa sila sa maraming sangay gaya ng local government o local news, may judiaciary, may legislative (nahahati pa sa Senate at sa House),  may Ombudsman at iba pang sangay ng gobyernong may kaugnayan sa oversight function at may executive o Malacanang beat. Kanya-kanya sila ng area, kanya-kanya rin ng larangan at kinasanayang ibalita, kumbaga.

 

image of a journalist and his superior

Mangalap muna ng maraming posibleng ibalita, saka salain/ cartoonstock.com

Ang katuwang ng foot journalists noong araw ay ang program manager, sa radyo, at ang desk editor, sa dyaryo. Ang papel nitong manager o editor ay maging  tagatanggap, taga-ayos at taga-salansan ng mga balitang nakalap na karamihan ay krudung-krudo pa. Ang mga iyon ang tinatawag na newsfeeds. Isinusulat muli ng desk editor ang krudong balitang napipisil ilabas, pinaiiksi iyon at inihahahanap niya ng lugar – kung saang pahina at sa ano o kailang edisyon – dapat mailagay.  Kung sa radyo, pinagpapasyahan ng manager kung ulong balita ba iyon, nasasagitna o iyong maliit lang, pang-alis ng inip ng mga tagapakinig. Kung sa dyaryo naman  – headline ba iyon, marapat talakayin sa editorial page, nakakahon ba iyon o hindi, nasa likod bang pahina o paningit na item lang, miscellaneous news.

 

Sa TV, mayroon namang tinatawag na segment producer. Kumbaga, siya ang counterpart ng desk editor sa dyaryo. Siya ang nagpapasya kung kasali o hindi ang isang balita sa line-up, kung paano ang sequencing ng mga balita at nagbibigay ng command sa reporters on the ground kung alin sa mga balita ang kailangan pa ng verification at follow-thru reports na tinatawag. Sa itaas ng segment producer, andoon ang executive producer o di kaya ay ang public affairs manager ng istasyon ng TV.

Sabihin pa, may executive level na managers at editors (iba’t ibang aspeto at antas, depende sa liit o laki ng media outfit) sa itaas ng desk editor, ng program manager at ng segment producer na siyang pinal na nagpapasya sa schedule (kung sa radyo), sa lay-out (kung sa dyaryo) at sa final line-up kung alin-alin sa mga nakalap na balita ang kasali sa ibabalita at kung gaano kahaba ang talakayan o exposure na ibibigay sa programa sa mga nasabing balita, kung sa TV. Bukod sa mahabang karanasan at technical competence sa larangan nitong executive, tungkulin niyang pisilin ang mga balitang newsworthy, habang isinasaalang-alang ang interes ng publiko, ang business interests ng istasyon o publikasyon at ang reputasyon ng institusyon o media outfit na naghahatid ng balita sa publiko.

 

image of a modern, female journalist

Hindi raw porke nagsusulat ng notes ay kumukuha ng quotes/ http://melissadilley.files.wordpress.com

Ang kalikasan ng balita ay dapat itong maihatid sa madla sa pinakamalinaw, pinakamabilis at pinakasimpleng paraan. Sabi ng mga nakilala at nakakwentuhan kong journalists, hindi raw ito madaling gawin. Mahirap daw na trabaho ang pangangalap at paghahatid ng balita. Lagi raw on the go. Kasi naman nga,  tuluy-tuloy ang mga pangyayari sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo. Hindi rin daw maalwang magpasya kung alin sa mga nangyari at nangyayari ang talagang importanteng maihayag para marinig, mabasa at mapanood ng publiko.

Gayon din, kung gaano katagal pananatilihing laman ng usap-usapan ang mga balita – sa bahay, sa kanto, sa barberya, sa karinderya, sa parlor, sa waiting room ng doktor, sa CRs, sa opisina, sa conference rooms ,  sa coffee shops at siyempre sa ngayon,  sa internet fora, hubs at blogs. Naman.

 

image of a journalist being threatened

May iba’t ibang interes na naitataguyod o nasisira sa bawat pagbabalita/ wan-press.org

Toxic raw ang buhay ng journalists. Bukod sa kakayahan at husay magsalita at magsulat, kailangan din silang maging madiskarte at masipag. Demanding daw ang publiko, laging gusto ay may katakam-takam at masabaw na balita. Kailangan din daw, laging may bago.  Kahit sa panahong wala. Siyempre daw, may mga panahong di rin pantay, di-makatwiran at minsan, malupit itong tinatawag na arena of public opinion.

Pag mahina-hina raw ang loob ng mga tagapagbalita, sila’y ika nga ay tumataob o nanahimik. Siyempre, ang iba sa kanila ay nakakasuhan at may mga napapatay. Mayroon ding ilang pinipili na lang maging aktibo sa religious groups, may ilang nagiging artista o politiko at may mga maagang nagre-retire.  Sila yata ang mga patunay na hindi ganoon kadaling makuha ang balanse sa pagbabalita at sa buhay mismo ng tagapagbalita.

 

Pero mayroon ding mga tumatagal, nangingibabaw at nagtatagumpay na journalists. Patunay ryan ay ang naabot ng tagapagbalitang taga-Mindoro na naging Bise-Presidente natin, si Noli de Castro.  O, di kaya, ang journalist na naging kinatawan ng Pangasinan at maraming beses na naging Speaker of the House, si Jose de Venecia Jr. Gayundin ang journalist na dalawang beses hinalal bilang Senador, si Loren Legarda. Higit sa lahat, ang kilala ng marami, ang isa sa unang batch ng investigative journalists sa bansa na naging Senador at ngayo’y larawan nya ang  nasa limandaang piso. Siya na nga, si Benigno Aquino Jr.

 

Dati, tri-media lang ang tawag sa mga daanan ng balita. Ibig sabihin – nakalimbag o print, radyo o broadcast at TV o television. Ang dyaryo noon ay lumalabas lang sa umaga at pag may kakaiba o malalaking pangyayari lamang gumagawa ng special midday edition o special evening news.  Ang pagbabalita noon sa radyo ay halos kahawig na rin ng sa ngayon – may balitang pang-umaga, may pantanghali at may panggabi.

May hourly news na rin naman noon, tatlumpong taon ang nakakaraan, hindi lang marahil kasing-accurate ng sa ngayon at di kasing hi-tech ang pagkuha sa kanila. Karamihan sa mga istasyon ng radyo noon, lalo na yaong maliliit ay newspaper-based ang pagbabalita. Bale, binabasa ng host ang mga balita sa dyaryo sa kanilang pagbabalita sa ere o di kaya,  sa public affairs programs nila.  Ang balita naman noon sa telebisyon ay taped. Bihirang-bihira noon ang live coverage ng balita. Ang isa sa mga TV personalities na alam kong nakaranas ng makaluma at makabagong paraan ng pagbabalita ay si Mel Tiangco – sa pampubliko at sa pribadong istasyon; sa radyo at sa TV.

 

cartoon image depicting transmedia consumption of information

Ang mga aliwan at balita raw ay transmedia na sa ngayon/ jillatkinson.wordpress.com

Sa ngayon, alam na nating di na lang tatlo ang media sa pagbabalita. Nadagdag na ang internet bilang medium, na sa tulong ng online editor ay nakapaghahatid ng bagong balita kada oras sa lahat ng mga gumagamit o nagla-log in sa net. Mayroon na ring mga electronic billboards na makikita sa mga pampublikong lugar na may bagong balita kada oras. Mayroon nang live coverage sa pagkuha at paghahatid ng balita, may video streaming sa paghahatid at sa panonood ng mga ito at may hologram technology na rin.

Mayroon ding tinatawag na interactive na pagbabalita. Ito iyong pwedeng makisali ang tagapakinig at taganood sa balita sa pamamagitan ng kanilang pagtawag sa hotline ng istasyon, pagpapadala ng text ng mensahe sa isang numero, pagpapadala ng video footage sa istasyon o palabas sa pamamagitan ng cellphone at ang pagpapadala ng boto o komento ng audience gamit ang internet. Sa makabagong panahon, gamit ang modernong teknolohiya, mabilisan at agad-agad ang ugnayan ng mga tagapagbalita at ng mga binabalitaan.

Dagdag pa, bahagi na rin ng buhay ng journalists sa ngayon ang maging makisig at maganda – mukhang artista ba? Lalo na yaong mga nasa TV – kailanga’y maganda ang tindig at bihis at kailangan na rin nilang magpa-bleach, di nga. Bukod sa husay nilang manalita at tumingin sa audience, araw-araw din silang nakaharap sa tao. Minsan, sila na rin mismo ang nilalaman ng balita, gaya ng nangyari noon kina Ces Drilon at Ted Failon. Oo, panahon na raw ng celebrity media men and women. Ibinabalita na rin ang mga tagapag-balita lalo na kung lumilipat na sila ng istasyon.

 

Mabalik tayo sa original nating usapan – ang kalikasan ng balita at kung ito ba ay lumalakad, tumatakbo, sumasakay, tumatawid ng dagat, lumilipad sa himpapawid at kung paano ang mga ito ay nakakarating sa ating mga tenga, mata, kamay ay siyempre, bibig. Tayo ang nasa kabilang dulo bilang consumers ng impormasyon. Nasasaatin kung ang mga ito ba ay papansinin natin o hindi, pagdududahan, seseryosohin, ngunguyain, iluluwa o kung gagawan ba natin ng diskusyon o panibagong balita. Spin-offs ang tawag dito sa huli.

 

Sa pagkaalam ko, sa mga tao, kanya-kanya iyan pag sinabing balita. What’s news for me, may not be news for you. What’s news for you, may not be news for me, sa kabilang banda. Bakit? Kasi raw, sabi, ang balita ay depende sa layo at sa lapit ng mga pangyayari sa mga taong tumatanggap nito at sa epekto at magiging epekto nito sa buhay niya.  Kung ang balita ba ay makakabuti o makakasama sa isang tao, kung babaguhin ba nito sa maliit o sa malaking paraan ang buhay niya at kung ikasasaya ba niya ito o hindi. Kung iistorbohin ba nito ang routines nya o hindi, kung palalakihin ba nito ang sahod o kita niya, kung magdadala ba ito sa kanya ng kahihiyan o lungkot at kung magpapaalaala ba ito sa kanya ng mga bagay o hindi. Iyon yata.

 

Image of Jun Lozada, star witness in the NBN_ZTE deal issue

Nakalampag ang buong bayan nang lumantad at naging star witness si Jun Lozada sa kaso ng NBN-ZTE Deal/ abs-cbnglobal.com

Hayaan nyong bigyan ko kayo ng halimbawa… Noong iniimbestigahan ang NBN-ZTE deal, may isang taong lumantad at nagsalita sa media – inilaglag niya ang star witness na si Jun Lozada, Jr. Ang balitang ito, hindi gaanong pumatok sa publiko at sa media mismo kaya agad nawala sa limelight.  Mga tatlong araw lang yata itong napabalita. Pero sa akin, news ‘yon. Bakit? Kasi, ang lalaking nagsalita versus Lozada, naging kaklase ko dati sa UP. Naging seatmate ko pa yata sya sa isang subject. Pareho kaming palabasa nitong taong ito, sa pagkakaalam ko.

 

Talong taon yata bago ang ZTE issue, nagkasalubong pa kami ni classmate sa Coop (‘yong kainan sa UP shopping center na metal trays pa ang gamit) at naghuntahan pa kaming dalawa. Naikwento nya sa aking nagtuturo siya noon ng History sa Peyups. Naikwento ko rin naman sa kanyang ang trabaho ko noong panahong iyon ay taga-make-up ng congressman, este, tagagawa ng speech ng politiko. Kaya ‘yon, news para sa akin paglabas nya noon sa TV. Maaring sa iba o sa inyo, marahil, kung balita man iyon ay tipong slight lang o pang-inis lang.

During NBN-ZTE investigation, medyo naasar ako kay klasmeyt, napaisip kung bakit ganoon ang posisyon niya sa isyu at sa isang banda, nalungkot ako para sa kanya…  Kaya kako, personal sa akin ang balitang may naglaglag kay Lozada. Medyo malapit…

 

image of a mobile phone showing quick and easy access to news

Diretso na sa kamay ang balita sa kasalukuyan sa tulong ng teknolohiya/ mashable.com

Sa ngayon, siyempre, para sa mga taong gaya nating internet users at gadget-dependent, madali nang sumagap ng balita. May Yahoo! News na at siyempre, mayroon nang Twitter. Parang ang dali na lang. Information at your fingertips, ‘ika nga. Maging ang balita man ay tungkol  sa pagbaba ng credit ratings ng America, sa isang anak-mayamang may pinag-aralan na naglusong ng kotse sa baha at matapos ay siya pa ang nagalit,  o di kaya naman, tungkol sa batang nagligtas ng watawat ng Pilipinas mula sa pagkaanod sa baha.  Marahil, pare-pareho lang nakarating sa mga mata at pandinig natin ang mga iyon. Halos real-time lahat. Nasasaatin kung paano natin tatanggapin ang mga iyon, ipa-process at bibigyang kahulugan. Sa akin sa ngayon, ang pinakana-a- appreciate ko ay ang tuluy-tuloy na traffic update online ng MMDA.

 

Doon sa balitang inilusong ng isang Law graduate ang kotse nya sa baha, parang malapit din iyon sa akin. Bakit? Hindi lang dahil taga-UP ang napabalita kundi dahil pag ako ay pagawing Quezon City, doon ko rin pinaparaan ang taxing sinasakyan ko sa Mother Ignacia Avenue. Ikatlo, mahina rin ako sa tantyahan. Ikaapat, posible ring mag-panic at uminit ang ulo, kung ako ang nasa ganoong sitwasyon. Ikalima, hindi ko rin masabi ang magiging reaksyon ko, sakaling matapos akong bingwitin ng mga tao mula sa tubig-baha,  bigla akong tatapatan sa mukha ng mikropono ni media person at kulang na lang ay itanong sa akin, “Tanga ka ba? Hindi mo ba nakitang baha na?” Iyon.

Pero noong una, ang reaksyon ko rin lang sa sarili ko, kako ay parang ang yabang naman nito, hindi ba nya alam na nasa Pilipinas sya (kung saan walang signage para sa mga imburnal na walang takip) at parang ang suplado at ang cono ng kanyang dating.  Noong pangatlong beses ko nang naengkwentro ang balitang iyon (sa Youtube, matapos manood ng Hitler dubbed in Tagalog na video ng nasabing balita), noon ako,  nag-reconsider ng aking opinyon sa nasabing pangyayari.

 

poster image stating the role of media in society

Ang media ay kumukuha ng snapshots ng lipunang gumagalaw/ http://ryansholin.com

Sa hindsight, pwede kong sabihing, “Nakopow! Hindi sya dapat nagalit. Nasa TV sya. ” At ang pagkaalam kong rule sa TV, one must speak clearly, amiably and softly. Pero, opinyon ko iyon bilang manonood ng balita at bilang dating taga-gawa ng press release. Bilang spectator o news viewer, parang ang daling magbitiw ng opinyon, humusga at sabihing “Hay, naku, kung sino pa ang de-kotse, siya pa ang magaling manisi ng iba.” Sa kabilang banda, wala ako sa pinangyarihan ng balita at sa isyung nabanggit, reputasyon ng iba ang nakasalang, hindi sa akin o sa taong malapit sa akin (may karugtong).

 

Please see:

 

http://socyberty.com/history/a-history-of-journalism-in-the-philippines-introduction-1-of-11/

http://en.wikipedia.org/wiki/Global_Positioning_System

http://en.wikipedia.org/wiki/Holography

http://www.worldthinktank.net/pdfs/holographictechnologies.pdf

http://en.wikipedia.org/wiki/Ces_Drilon

http://en.wikipedia.org/wiki/Ted_Failon

http://en.wikipedia.org/wiki/Philippine_National_Broadband_Network_controversy

http://www.courses.vcu.edu/ENG-jeh/BeginningReporting/Prewriting/natureofnews.htm

http://www.ashokkarra.com/2008/02/thomas-jefferson-on-the-nature-of-news/

http://www.deccanherald.com/content/179752/nature-news-world.html

http://ryansholin.com/2006/04/19/notes-on-the-perils-of-constructed-objectivity/

 

Advertisements

Nagsasawa

Mga kapanalig at ka-blogs, hindi pa ako nagsasawa sa pagba-blog. Medyo naging abala lang sa mga personal na intindihin nitong nakaraang buwan, kaya madalang ang posts. Marami-rami naman akong nakasubing sinulat para rito sa DPSA, nawalan lang ng time and concentration para sa typing and editing. Pasensya na. Ilalathala ko pa rin ang mga artikulong naipangako ko sa inyo sa mga darating na araw.

image of Solita Monsod, economist and professor

Naging guro siya ng marami/ showbizandstyle. inquirer.net

Habang nasa paksa tayo ng pagsasawa, hayaan nyo munang kwentuhan ko kayo tungkol kay Ma’am Winnie Monsod. Oo, estudyante nya rin ako dati, gaya ng libong iba pang nagku-kwento kung gaano siya ka-riot na teacher. Napanood nyo naman siguro sa YouTube ang huli nyang lecture? Eto – mild pa siya roon. Mas exciting at nakakatuwa pa siya sa usual na encounter.

Sa Econ 101 ko siya naging guro. Macroeconomics ang asignaturang iyon. Ibig sabihin, Economics na ang pagtanaw at kaparaanan ay sa antas na malakihan o pambansa. Ang Econ 101, nahahati sa dalawa – lecture sa umaga at discussion class (DC) sa hapon. Ang lecture ay pangmaramihan – limang klaseng pinagsama-sama (mga 200 na estudyante) at isinasagawa sa auditorium ng S.E. (UP School of Economics). Alas-otso ito ng umaga. Si Ma’am Winnie ang laging lecturer sa Econ.101, siyempre. Nagtuturo rin siya ng Econ 11 (Intro to Economics). Maliban sa dalawang subjects, mga pang nagma-Masters na ang mga hinahawakan nyang klase.

Dahil medyo mahamog pa ang Sunken Garden sa oras ng nasabing lecture, mga 30 hanggang 40 porsyento ng mga dumadalo roon, babahagya pa lang gising ang diwa. Lalo na iyong mga nakatira sa dorms sa loob ng campus – parang ang iba sa kanila, nag-alis lang ng muta, nag-toothbrush at nagpalit ng t-shirt, bago gumapang papuntang Econ. Building, ahaha… Pagdating sa auditorium, sasalampak sila ng upo roon sa mga silyang ang yari ay parang sa SM Cinema lang.

At siyempre, dahil nga iyon ay isang tanghalan,  mayroon iyong elevated platform or stage sa unahan, may draperies na mula kisame hanggang sa sahig ang haba at may podium din doon at lectern sa gilid. Iyong stage na yaon ang titingalain naming mga estudyanteng pupungas-pungas pa, para unawain ang ibig sabihin ng sunud-sunod na graphs at ang masalimuot at di-natatapos na ugnayan nina P at Q (price and quantity).

graph showing the economic concerns of a country

May ginaganapan daw na papel ang bawat manlalaro sa eonomiya/ newworldencyclopedia.org

Sa isang gilid ng tanghalan, doon lalabas ang pinagpipitagan at kilalang ekonomista ng lahat – si Prof. Solita C. Monsod. Nagtapos siya ng may karangalan sa U.P. at nag-aral pa ng higher studies sa U.S. Naging miyembro siya ng Gabinete noong araw bilang pinunong direktor ng NEDA. Madalas siyang konsultahin sa mga isyu ng media, ng mga ahensya ng gobyerno at ng samutsaring economic governing bodies.

Ang asawa niya ay si Atty. Christian Monsod – dating pinuno ng Comelec, kilalang executive sa corporate world at nitong mga huling taon, abogadong tagapagtanggol ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita case. Mayroon silang limang anak. Nakatira ang kanilang pamilya sa lungsod ng Makati. Sina Prof. at Atty. Monsod ay kapwa natatandaan ng publiko dahil sa madalas nilang pagkiling sa kalagayan ng mahihirap sa mga isyung pambansa.

image of Solita Monsod while conducting a lecture

Mahalaga sa kanyang mai-deliver ng maigi ang punto/ ssc.edu.ph

Paglabas ni Ginang Monsod sa isang gilid ng stage, makikita syang naka-palda, mini  ang tabas,  sabihin pa. At, oo, shapely ang kanyang legs, naman. Ang blouse nya, medyo plunging ang neckline (pero hindi naman bastos tingnan) at nakasuot siya ng blazer sa ibabaw. Kadalasan, short-sleeved ang blazer na iyon. Medyo may heels ang kanyang sapatos at hindi nawawala ang isa pa niyang palatandaan pag nagli-lecture – ang legendary nyang mug. Ang nasabing mug ang ipapatong nya sa lectern.

Sa isang speech ni Robina Gokongwei-Pe, ibinisto niya roong iced tea ang laman ng makasaysayang mug. Ayon, pagkababa ni Ma’am Winnie ng kanyang mug, kukunin nya na ang microphone (hindi pa cordless ang microphones noon sa School of Econ.) at magli-lecture na siyang palakad-lakad sa ibabaw ng stage. Talo nya ang performance ng magagaling na stand-up comedians, pramis. Kulang na lang, magta- tumbling sya roon para ipaunawa sa mga estudyanteng sa oras na iyon – karamihan ay mimiha-miha pa – kung paano at bakit mahalaga ang Macroeconomics.

Very passionate si Prof. Monsod sa kanyang pagpapaliwanag. No dull moment with her, totoo. Ang natatandaan kong isa sa mga paborito nyang paksa ay ang theory of marginal utility. Sinasabi roong ang halaga o value ng isang bagay ay bumababa katagalan, matapos ang paulit-ulit na paggamit o pagkonsumo rito. Law of diminishing returns ang mas karaniwang naririnig nating tawag dito. Sa madaling salita, bumababa ang halaga ng bagay – maging iyon man ay produkto o serbisyo. Halimbawa, kung ang sinusukat ay ang value ng lupa, sang-ayon sa marginal utility,  pagkaraan ng mga taon, hihina ang fertility ng soil at sa gayo’y pababa rin ang ani at mga kapakinabangang galing dito. Mga ganoon…

graph showing an indiffrence map containing three indifference curves

Saanmang punto raw sa curve ay nasisiyahan o walang pakialam ang gumagamit/ investopedia.com

Ang teknikal na paliwanag rito ay naroon sa graph na kung tawagin ay indifference curve. Dito, iminamapa ang ugnayan nina P at Q na parating magka-partner – sa ganitong presyo, ganito karami naman ang volume na kayang i-supply o bilihin. Sabi ni Ma’am Winnie, maski nasaang punto sa curve, ibig sabihin, kahit ano pa ang kombinasyon nina P at Q, indifferent o walang pakialam ang komukonsumo nito. Hanggang sa dumating sa antas na pababa na ang kapakinabangan ng bagay o kaya ay ang interes ng gumagamit. Sawa na, kumbaga.

Wika niya, at some point, maski baligtarin pa ang ratio nina  P at Q, bababa na ang usefulness ng bagay.  Sa gayon, panahon na raw para baguhin pareho ang nilalaman nina P at Q, para maabot ang dating antas ng satisfaction. O, di kaya naman, panahon na para gumamit ng substitute o kapalit. Ang ibig sabihin, may panibagong curve na iguguhit o imamapa. Ha, ha… parang ganoon. Naintindihan nyo ba? Ako rin, di ko sigurado kung naintindihan ko nga o kung pag-uulitin ako ng Economics ng mga dati kong guro, hehe…

Sabi-sabi, karamihan daw  sa professors sa School of Econ. ay subscribers doon sa tinatawag na neo-liberal school of thought. Kabilang yata rito si Prof. Monsod. Sila yaong mga naniniwalang sa Economics, dapat munang pagtuunan ng pansin ang pagpapalaki ng kabuuang output ng bansa o iyong economic pie na tinatawag, bago ayusin ang hatian o allocation of resources.  Ang kabilang panig naman ay yaong advocates ng pag-aayos muna ng hatian ng resources (address the structural inequalities daw) para hindi maliit na porsyento lamang ng mamamamayan ang tuluy-tuloy na makikinabang sa resources ng bansa. Nabanggit ko lang ito dahil paborito laging halimbawa ng mga taga-S.E. ay ang guns and butter.

image of a graph showing the relationship between guns and butter

Parati raw magkaagaw ang usapin ng depensa ng bansa at pagkain/

Laging may graph na kumakatawan sa pagkonsumo ng baril at mantekilya sa lectures, he, he… Kaya, defense versus basic needs, kumbaga. Noong una, medyo nalilito ako rito dahil sa bukod sa ako ay malituhin, hindi ko gaanong ma-imagine kung bakit maglalaan ng milyun-milyong piso ang isang bansa para sa mantekilya. Bakit, kako, hindi para sa palay na lang tutal, mas marami naman ang Pinoy na kanin ang kinakain sa almusal? Ha, ha… Anyway, sa paksa ng indifference curve, pagdating sa substitute, lumalabas na ang alternative – ang margarina. Ayon, pag andoon na, medyo nakukuha ko na. Mahal ang butter at imported pa, kaya good option para sa ating mga Pilipino na margarina ang gamitin dahil itong huli ay locally-sourced.

Sa bandang one-third, o, kung minsan, sa kalahatian ng lecture ni Ma’am Winnie, mapapansin nyang saikatlo rin ng buong klase ay nakasalampak sa pagkakaupo. Hindi lang iyon – may mga kaklase pa ako, kami, roong talagang halos ulo na lang ang nakasandal sa silya at ang three-fourths ng katawan ay halos sumayad na sa sahig. Mga lalaki ‘yon, dormers, na tila sa audi na nagsusundo ng tulog…

Ayon, titigil bigla si Ma’ am sa pagsasalita – in mid-sentence, kadalasan. Mambabato na sya ng chalk o eraser, depende sa kung alin ang hawak nya o unang madampot. Mag-iiba na ang pitch at decibel ng kanyang boses. “Am killing myself here trying to impart to you these things, this knowledge, tapos, you’re slouching over there?” Mga ganyan ang kanyang linya…

image of UP students listening to a lecture in the auditorium

Halimbawa ng isang auditorium sa UP (CS Audi)/ uprotc.org

Na totoo naman, kung tutuusin. May mga kaklase nga ako, kami, noon sa lecture na tila talagang indifferent sa kung ano ang sinasabi ng professor sa stage. Sa kabilang banda, si Prof. Monsod, she’s really the kind of teacher who would bend way over backwards, para maipaintindi sa mga mag-aaral, ang mga komplikadong ideya sa Economics.

Titigil si Ma’am Monsod sa kanyang lecture. Alinman sa lalakad-lakad siya roong parang umuusok o di kaya, pupunta sya sa tabi at iinom mula sa kanyang mug. Pagkatapos, magre-resume siya uli ng lecture na parang walang nangyari.

Pero, minsan, may isa akong karanasang nag-walk-out na talaga si Ma’am. Pumasok siya sa gilid na pinanggalingan nya earlier at hindi na muli pang lumabas. Nakulambuan ng matinding remorse ang buong klase. Lagot! Patay, mababalita ang nangyari sa buong S.E. at sa katabing building, sa Business Ad. Ayon… Kahit pala anong iingay, anong kukulit at anong yayabang ng UP students (at least, kaming mga estudyante niya noon sa Econ 101), pag minsan,  inaatake rin pala kami ng konsensya.

Ang bawi ay sa discussion class, matapos ang pananghalian. Doon ang pagtutuos, kumbaga. At dahil average na 40 students lang mayroon sa discussion, mas intimate ang atmosphere doon.

Pero, iba ang Winnie Monsod sa lecture at ang Winnie Monsod sa discussion. Ang Prof. Monsod ng umaga ay parang sundalong nagma-martsa kung lumakad, mahusay kumuha ng atensyon ng marami at puno lagi ng eagerness na ibahagi ang malaking larawan ng kabuhayan o ekonomiya ng bansa. Ang Ma’am Winnie sa discussion ay relaxed, malambing at pasensyosa. Pag nagpapaliwanag sya roon at di mo pa rin makuha, papalapitin ka niya sa kanya sa unahan. Hahawakan ka nya ng magaan sa braso o sa balikat at tatanungin, “Yes, sweetheart, what is it?” Ayon naman, sweetheart ka niya, para ka lang anak nyang nalilito at kailangang i-comfort. At bigla, tila liliwanag ang kanina ay nagdudumilim na paligid (ang iyong aantok-antok na utak).

Pero hindi si Ma’am Winnie talaga ang teacher ko noon sa discussion class. Uma-attend lang kami ng ilan sa mga kaibigan ko sa panghapon nyang klase dahil enjoy siyang pakinggan at dahil hinihikayat din kami ng totoo naming discussion teacher – si Ms. Berna Romulo-Puyat. Si Ms. Verna (palayaw nya), anak ni dating DFA Secretary Alberto Romulo at isang solid Prof. Monsod fan.

Oo, kapatid siya noong babaeng kolumnista sa Inquirer, noong editor na, director pa ng indie films at noong kongresmang ikakasal kay Shalani Soledad, ha, ha… Basta, si Ms. Verna, mukhang sa birhen ang mukha, pwera biro. Simple syang manamit at ang bait nyang kausap. Ang paborito naman nya laging halimbawa sa talakayan ay ang leggings sa Megamall na mabibili sa halagang P30,000. Sabi nya, “Ba’t kaya ganoon kamahal ‘yon, may aircon ba iyon sa loob?” Usapang value pa rin ang nakasalang.

He, he… side story lang natin si Ms. Berna. Ang kwento pa rin natin, masayang maging guro si Ma’am Winnie Monsod. Kakaiba sya. Hindi siya katulad ng ibang teachers sa UP na saksakan nga ng tatalino, ang mga publications ay kinikilala rito at sa abroad pero, kung magturo ay tila ang blackboard at ang libro lang ang kausap. Kay Ma’am Winnie, tila importanteng she’s able to whack the bottoms of her students, so to speak. At hindi siya nagsasawang gawin parati iyon.

poster image of Mareng Winnie and Pareng Oca in the TV program, Debate

Kumareng tila nag-aapoy at kumpareng mahinahon/ http://en.wikipilipinas.org/index.php?title=Debate_with_Mare_at_Pare

Kung ilang beses ko pang na-engkwentro si Prof. Monsod matapos na ako ‘y maging estudyante niya  –  sa marami-raming symposia at dalawa o tatlong beses, sa backstage ng Debate (Debate with Mare at Pare, isang public affairs program dati sa telebisyon). Lagi, tinitingnan ko lang at pinapanood si Ma’am. Hindi ako naglalakas-loob na magpakilalang dati nya akong estudyante – ang dami kaya naming mag-aaral na dumaan sa kanyang mga palad, mga humanga at naaliw ng todo sa kanya? Naman.

Noong titser ko pa si Prof. Monsod, sabi nya sa aming mga mag-aaral nya, iyon daw mga bagay na alam niya at kaya niyang gawin, malalaman at makakaya rin namin. O, kaya, mahihigitan pa. Nauna lang daw siya – sa panahon at sa pagkakataon. Kung mabibigyan din daw kami ng humigit-kumulang ganoon ding oras at tsansa, we would be able to do the same, or perhaps, better. Narinig ko na sa iba ang gayong mensahe, bago pa sa kanya. Pero noong si Ma’am Monsod ang nagsabi, parang nakakapaniwala. Parang noong oras na iyon, kami ng mga kaklase ko, naniwala.

Paborito ko ang istorya ng lovelife ni Ma’am – kung paano naging sila ng kabarkada nya noong si Christian Monsod. Ang kulit no’n.

Sakaling ma-engkwentro ninyo si Mareng Winnie ng personal at malapitan, palagay ko, sasang-ayon kayo –  She is one of those people who have fire in the belly.

At kakaunti lang ang mga taong may ganoon. 🙂

Please see:

http://www.youtube.com/watch?v=sF3yPcqO6gE

http://en.wikipedia.org/wiki/Macroeconomics

http://www.econ.upd.edu.ph/?page_id=57

http://en.wikipedia.org/wiki/Winnie_Monsod

http://hdn.org.ph/solita-collas-monsod/

http://domjullian.blogspot.com/2008/05/robina-gokongwei-pes-speech-at-

http://en.wikipedia.org/wiki/Debate_with_Mare_at_Pare

http://en.wikipedia.org/wiki/Marginal_utility

http://www.economicshelp.org/microessays/costs/diminishing-returns.html

http://en.wikipedia.org/wiki/Indifference_curve

http://en.wikipedia.org/wiki/Neoliberalism

http://oxford.academia.edu/KristinaMariaManalo/Papers/109160/Macroeconomics_Economic_Policy_and_Rice_Security_in_the_Philippines

Possibly Related Posts:

Ordinaryo Lang

Si May 11

Parang Puputok

Dekadente

Tawagin ang Pulis

image of a double-locked heart

Kailangang tiyaking walang makakapasok/ shutterstock.com

 

 

Doble ang kandado ng aking puso. Mahirap na. Sa panahon ngayon, delikado. Baka may makatalilis papasok. Mataas din ang ipinagawa kong bakod. At may sentri, para sigurado. Ang dami kayang masasamang-loob? Kung may magtatangka, maigi na iyong may kakayahan ka rin namang lumaban at ipagtanggol ang matagal mo nang iniingatan.

 

 

Pero, ano’ng nangyari? Isang araw, may nakasipat sa lunggang pinagtataguan ko. May nakapansin, sa kung anong dahilan, sa kung paano at bakit.  Wala naman munang ginawa. Wari ko’y nagmasid at nagmanman lang muna. Kinilala ang mga taong labas-masok sa loob ng bakuran. Nakipaghuntahan sa gwardyang animo’y nagtatanong lang ng direksyon. Nakipagmabutihan sa mga tagaroon. Hanggang sa ako mismo’y nasanay nang nakikita siya sa lugar. Tumatango na rin ako minsan sa mga kapirasong pagbati. Iyon na pala iyon, hindi ko man lang namalayan.

 

 

image of a burglar

Mabilis nya lang natawid ang mga alambre/ artistsvalley.com

Gabi yata, nang mangyari ang di-inaasahan. Wala akong paghahanda, wala sa aking hinagap. Pagtingin ko, andoon na siya sa loob. Nakuha pang ngumiti. Napatda ako sa aking kinalalagyan. Hindi ko alam kung sisigaw ako o tatakbo palayo. Tiningnan ko ang mga bagay sa paligid, tinatantya ko kung anu-ano ang mga pwedeng ihagis sa kanya sa sandaling isagawa ko na ang pagtakas. Humugot muna ako ng hiningang malalim, bago binitiwan ang tila walang-saysay na tanong, “Ano’ng ginagawa mo rito? May pahintulot ka bang pumasok?

 

 

Sandaling tila nalito rin ang kawatan. Akmang hahakbang sya papunta sa may pintuan. Sa pangalawa nyang hakbang ay bigla na lang syang huminto. Binilisan nya ang paglakad papunta sa aking kinatatayuan. Hindi ako makahulma, huli na nang mapagtanto kong wala na pala akong pwedeng takbuhan. Naipit na ako sa sitwasyong isang maling kilos at pwede kong ikamatay. Bigla, ang init ng pakiramdam ko sa silid na kung tutuusin ay may aircon.

 

 

image of an opened locked heart

Wala sa hinagap, hindi napaghandaan/ laketree.deviantart.com

 

 

Isang hakbang mula sa aking kinatatayuan, huminto sya at walang pasabing inabot ang aking mga kamay. Napatigalgal ako. Sa sandaling iyon, tila nawala ang aking dila. Isa lang ang kanyang sinabi, “Naparito ako para kunin ang sadyang para sa akin.” Iyon lamang at kami’y nagyakap.

 

 

 

Maaaring patugtugin ang videos sa ibaba:

 

 

 

 

* Hinihingi po ang inyong paumanhin, hindi pa rin tapos ang editing ng mahabang post ukol sa media. Medyo busy lang po sa mga personal na intindihin. Inilalathala po itong may paunang pasabing ang mga isinasaad ng narrator ay hindi necessarily na siya ring saloobin ng author. Basta, gusto ko lang kayong pasayahin at bigyan ng basahing pansamantala kaya ito ay nalimbag. Salamat sa pag-unawa.  🙂

 

Mga Patalastas

image of a megaphone

Makikisingit po ang ilang paalaala/ msplaskohistory.wikispaces.com

Kumusta, mga ka-blogs? Bitin ba ang bakasyon? Hayaan nyo, sa makalawa lang, weekend na uli…   >:d<

 

Hihingiin ko ang inyong pasensya, hindi pa ako tapos sa editing ng scheduled post sana – tungkol sa Luma at Bagong Media. Hindi pa rin ako tapos sa pagtsi-tsek ng references para dito.

 

Ganito kasi ‘yon… Naisulat ko ang nasabing post tatlong linggo na ang nakakaraan pero dahil isa itong full article na may walong pahina yata, may katagalan ang editing.  Ayon pala, sakaling mailathala na ito, payo kong maghanda kayo ng kape at crackers pag magbabasa, haha… In fairness, marami kayong mapupulot na inputs dito, lalo na’yong bloggers and readers na 20 o mas bata pa ang edad.

 

Ipapaabot ko na rin sa inyong mayroon pang isang article na nakatakda ring ilathala rito, tungkol sa Era ng 80s. Naisulat itong post tatlong buwan na ang nakakaraan. Marami-rami rin itong inputs bagaman marami  siguro roo’y dati nyo na ring nabasa o narinig. Hopefully, pag nabasa ninyo itong lathalain, mas mauunawaan ninyo kung bakit ganito ang site – may pagka-seryoso, mahahaba ang sulatin at emosyunal ang karamihan ng nilalaman. Basta, ikalulugod kong labis kung aabangan nyo ang lathalain ukol sa 80s Era.

 

Marami-rami pa ang mga paksang gusto ko sanang talakayin dito gaya ng:  ukol sa puno ng niyog at papaya; tungkol sa mga prutas na kaymito, tsiko at balimbing; panggatong at pangangahoy; tradisyon ng paghahanda sa baryo; relihiyon at pagsamba sa mga liblib na lugar; panahong ang makinilya pa ang bida; ang paghahari noon ng casette player at ang pagdating ng multiplex; panahong ang malls pa lang sa Kamaynilaan ay Fair Center, Plaza Fair, COD, Uniwide Sales at Isetann at; panahon ng komiks at Liwayway. Ayon, mga kapatid. Sana naman nga ay maisulat ko ang mga paksang ito.

 

Samantala, may dalawa pang love posts na tapos na ring isulat at maaaring isingit ang paglathala sa mga darating na araw, siguro. Ang isa ay breakdown ng components ng institusyon ng pag-ibig, ahaha, at paano ito napapatibay o nawawasak. Ang ikalawa naman ay ukol sa pagkahuli sa bitag o patibong ng pag-ibig. O, di ba? Garantisadong baduy ang mga ‘yan, mga ka-blogs. Kaya maiging abangan ninyo…

 

Maraming-maraming salamat sa inyong pagtangkilik. Mabuhay kayo! 🙂