Sabong Mabaho

 

Image of Mr. Clean, a famous detergent a few decades ago

Si Mr. Clean ay isang sikat na imahe ng sabong panlinis noong araw/ en.wikipedia.org

Sabong mabaho ang tawag namin noon sa sabong baretang ginagamit panlaba. Ang tawag naman namin sa sabong panligo, sabong mabango. Sa science subject, matututunan kong ang karamihan pala sa sabong panlaba, gawa sa taba ng hayop o animal fat. Habang ang sabong panligo naman, gawa pala sa vegetable oil.

 

Bakit sabong mabaho ang tawag? Ito ang ipinagtataka ko dati. Kung mabaho ang sabong ito, bakit ginagamit ng mga taong panlinis ng damit? Panlinis din ng pinggan, kaldero, lababo at mga pasamano. Wika ko noon, paano nakakalinis ang bagay na mabaho?

 

Ang ginawa ko, inaamuy-amoy ko nga itong sabong mabaho. Medyo mabaho nga. Medyo malansa. Kaya pala kako, sabong mabaho.

 

 

Dati, may katapangan ang timpla at lalo na, ang amoy, ng sabong panlaba. Di gaya sa ngayong gentle na ang amoy ng mga sabong bareta. Halos simbango na rin nga sila ng sabong pampaligo at may mga scents pang kalamansi, lemon, sampagita at iba pa. Hindi na exactly, mabaho.

 

Superwheel, Champion, Mr. Clean, Ajax, Ola, Perla at Tide ang mga kilalang brands ng sabong panlaba noon. Lahat sila ay detergent o sabong panlinis. Ang anyo nila ay bareta. Lahat sila, kulay asul, maliban sa Ola na kulay pink at sa Perla na off white. Lahat sila ay tinatawag doon sa aming sabong mabaho.

 

image of women using tide for their laundry, borrowed from francisanderson.wordpress.com

Ginagamit ng middle at upper classes sa pilipinas noon/ francisanderson.wordpress.com

 

Mayroon na nga rin palang pulbos na detergent noon, ang Tide at Breeze. Hindi sila gaanong gamit sa amin sa dahilang sila ay mas mahal. Sabong panlinis rin ang mga ito. Pero, hindi ako sigurado kung sabong mabaho rin ang turing sa kanila ng mga taga-amin. Ang pagka-intindi ko sa pagkaintindi ng mga tao roon – pag sabong mabaho, sabong bareta.

 

Noon, ang sabong mabaho, di lang ginagamit ng marami sa paglalaba. Sabong panligo na rin ito para sa mga kapos ang  badyet. Double purpose, ika nga. Pagkatapos maglaba sa poso ng isang taga-roon sa amin, liligo na rin siya. Ang natirang sabong ipinanlaba, siya niyang gagamiting panligo. Pereho ngayong malinis ang nilabhan at ang naglaba. Pareho silang amoy- sabong mabaho.😉

 

Matigas at magaspang ang sabong mabaho. Pag ginamit mo ito sa buhok, titigas ang mga hibla nila at magkakaroon ng split ends. Pag sa katawan, magiging kaliskisin naman ang iyong balat.

 

 

Hindi naman sa wala kang pagpipilian noon. Mayroon din. Kung may pambili ka, bili ka ng shampoo. Meron na noong Gee (Your hair smells terrific), Kao Feather, Palmolive, Johnson’s (No more tears), Selsun Blue at Wella Balsam. Wala na sa ngayon dito sa Pilipinas ang Gee, Kao Feather, Selsun Blue at Wella Balsam, mga produktong sikat noong ‘80s, kung kelan uso ang malago at wavy na buhok.

 

Kung wala ka namang pambili ng shampoo at ayaw mong manigas ang iyong buhok sa kagagamit ng sabong panlaba, pwede kang gumamit ng gugo.

 

Image of gugo, barks of plant rolled upon, used as traditional shampoo

Tradisyunal na shampoo. pinipigaan ng kalamansi/ d-i-y-love.blogspot.com

 

Ang gugo ay pinitpit na balat ng halamang gugo. Ibinababad ito sa tabo ng tubig. Ang pinagbabarang tubig ay kinakanaw at kadalasan din, pinipigaan ng kalamansi. Ito ngayon ang  gagamiting pang-shampoo. Sabi ng matatanda sa amin, nakakapagpaganda raw ito ng buhok at walang harmful chemicals. Kaya, sikat rin naman noon ang gugo, sikat sa mga kadalagahan doon sa amin.

 

Kaming mga bata, mas gusto na namin ang sabong mabaho. Bumubula ito habang ikinukuskos sa ulo. Kaysa naman sa healthy na gugong madamot bumula. Kaya madalas, ayon at amoy Superwheel ang mga ulo namin. Naasiwa tuloy kami kung may dumarating na taga-Maynila at pinaghahahalikan kami. Ang babango namin, amoy-sabong mabaho.😉

 

Marami na ring sabong mabango ng panahong iyon. Mayroon noong Irish Spring, Lifebouy, Dial, Johnson’s,  Camay, Lux, Blossoms, Palmolive, Safeguard, Ivory at Heno de Pravia. Wala na sa ngayon ang  Lifebouy, Camay at Lux na brands. Ganoon din ang mahinhin ang amoy na Blossoms.

 

image of Lux soap, borrowed from alibaba.com

ang lux soap ay isang kilalang uri ng sabong mabango/alibaba.com

 

Paminsan-minsan, ang mga pamilya namin ay nakakabili nitong sabong mabango. Excited na kami pag alam naming sabong mabango ang aming gagamitin. Ang sarap kaya ng pakiramdam pagkatapos maligo at ikaw ay amoy Lifebouy o Irish Spring? Pakiramdam namin noon, kami iyong bata sa commercial na binabalutan ng tuwalya ng nanay pagkalabas sa shower. Totoong mabango, di amoy-sabong mabaho.😉

 

 

Naaalaala mo ba ang paulit-ulit na exhibition ng mga medyas at kuwelyo ng damit sa mga patalastas? Iyon iyong mahigpit at mabangis na labanan ng sari-saring brands ng sabong bareta sa mga nagdaang taon. Kada anim na buwan, may lumalabas na new and improved (pangalan ng sabon). Pagkatapos, ang susunod naman ay new and advanced (pangalan ng sabon). Hanggang sa umabot sa kasalukuyang ang sabi naman ng ads ng sabong panlaba ay germ-free sila at total power ang dala nilang kalinisan.

 

image of a white polo shirt, borrowed from smartpakequine.com

larawan ng isang malinis na polong puti/smartpakequine.com

 

Pero paano nga ba nakakalinis ang isang mixture na mabaho ang amoy? Simple lang pala ang sagot. Wala sa amoy ang cleaning power ng isang produkto kundi nasa cleaning properties nito. Ang mga bleaching detergents sa ngayon, halimbawa, karamihan ay amoy asido at mabaho pa rin. Pero, mabisa silang panlinis. Ang karamihan naman sa mga shampoo na gamit natin sa ngayon, kahit anong babango pa, may ingredients na kapareho ng sa detergent bars and liquids. Ang kaibahan lang, mayroon na ngayong conditioner na nagbabalik daw ng natural oil sa nawalang langis sa ulo at buhok natin.

 

Pero mabalik tayo sa brand wars ng sabong bareta. Sa pagdaan ng mga taon, tila unti-unti nitong napaganda ang klase ng mga nabibiling bareta. Nabawasan ang tapang ng kanilang timpla, gayon din ang sa mga pulbos at likidong panlinis at panlaba. At gaya nga ng nasabi ko na, mababango na rin ngayon ang mga sabong mababaho.

 

Unti-unti, binura ng mga patalastas sa bokabularyo ng mga tao ang katawagang sabong mabaho. Inalis ang stigma na nakakabit sa paglapat ng detergent sa balat ng tao.

 

a child being bathed, poster of foster child movie, borrowed from clickthecity.com

imahe ng isang batang Pilipinong pinapaliguan/clickthecity.com

 

Iyon lang – kung kailan bumango na ang sabong mabaho, saka naman kumaunti ang gumagamit nito bilang shampoo at bilang sabong pampaligo.🙂

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-13 ng Nobyembre, 2010 para  idagdag ang mga larawan.

2 responses to this post.

  1. […] sa nauna kong posts, ang Sabong Mabaho – tungkol sa detergent bars na panlaba, panlinis, pansabon sa katawan namin noon at minsan, […]

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: