Kung ang tubig na gamit namin noon sa araw-araw ay iniigib mula sa artesian well at iniimbak sa mga drum at balde, ang tubig na inumin at panluto namin noon ay iniigib mula sa kuluong at iniipon sa mga tapayang Iloco.
Ang kuluong ay guwang o cavity sa isang rock boulder na pinalalim pa ng mga tao ang pagkaka-ukit. Ang rock boulders na matatagpuan sa mga bundok, bangin at agbang ay karaniwang nagpapawis ng tubig na malinis at puro. Upang ang mga pawis na iyon ay masalo at maipon, nilulugungan o pinalalalim pa ng mga tao ang maliliit na natural na guwang ng malalaking bato.
Ang nilugungang butas ng kuluong ay hugis pabilog, korteng C o di kaya ay G. Kahawig ito ng grotto, wala lang istatwa ng birhen sa gitna. Ang ibabaw at mga paligid nito ay puno ng mga halaman at lumot. Sa ibabang bahagi nito tumutulo at naiipon ang pawis na tubig – sariwa, malamig at manamis-namis.
Ang isang butas ng kuluong ay naglalaman ng halos isang drum na tubig. Tatlo hanggang apat na oras naman ang karaniwang itinatagal bago iyon mapuno. Pag taglamig at basa-basa ang paligid, sabay-sabay ang mga patak ng tubig sa loob ng kuluong. Nag-uunahan sila sa pagbagsak. Pag tag-init, paisa-isa lang ang patak. Magbibilang ka talaga.
Hindi lahat sa aming lugar ay may kuluong. Nagkataon lamang na ang isang bahagi ng lupang pag-aari ng lolo namin ay malapit na sa bundok kaya nagkaroon kami nito. Sa isang parte ng banging sakop ng nasabing lupa, nilugungan ng lolo namin ang dalawang magkatabing guwang na siyang naging pribadong kuluong ng kanyang pamilya, mga anak niya at mga apo.
Ang isang butas ng kuluong, kuhanan namin ng tubig panligo at panlaba. Ang kabila naman ay istriktong igiban lang ng tubig-inumin. Sa itaas noon, pirming may nakasabit na tabong gawa sa kawayan. Ang tawag doon ay supak. Ang supak lamang ang maaring gamiting pansalok ng tubig sa kuluong na iyon.
Matarik ang daan papunta sa kuluong. 55 degrees ang inclination ng mahigit isandaang metrong lupang babagtasin pababa para maka-igib. Madilim rin ang daraanan papunta roon. Mga huni lamang ng ibon at himig ng kuliglig ang maririnig sa paligid. Habang nagsasalok ng tubig, makakarinig ka ng mga nakakatakot na tunog galing sa malayo. Manaka-naka’y binabasag ang mga iyon ng ingay ng bumabagsak na bunga ng katmon. Na nakakatakot pa rin.
Di tulad ng pag-igib sa poso, hindi maaring baldeng bakal ang dala sa pag-igib sa kuluong. Ang kailangang lalagyan ng tubig dito ay may mahigpit na takip. Kaya ang gamit namin noon ay plastic containers, mga 5-gallon para sa matatanda at 1-gallon para sa mga bata.
Kung matarik at delikado ang pagbaba sa kinalalagyan ng kuluong, maganit at mahirap naman ang pag-akyat. At dahil basa na ang iyong paa at tsinelas sa pag-igib, mataas ang tsansang ikaw ay madulas. Ang siste pa nito, walang permanenteng hagdang batong maaring tuntungan. Manmade footpaths lang talaga ang daanan. Sa mga nakausling bato, ugat ng puno at maliliit na halaman ka lang maaaring mangunyapit – paakyat man o pababa.
Pag nasubukan mo nang umigib sa kuluong – na nakababa ka, nakapagpuno ng tubig, tagumpay mong naiuwi iyon nang walang tapon at nakauwi ka nang walang bali ang iyong katawan – masasabi mong walang sinabi ang mga reality challenges at reality shows sa kasalukuyan. Hamon ang pag-iigib ng tubig galing sa kuluong, maski para sa mga sanay.
Trabaho ng mga lalaki sa kabahayan noon ang mag-igib sa kuluong para sa araw-araw na inumin. Kaming mga bata ay required lamang umigib doon pag araw na walang pasok. At, obligado rin kaming doon maglaba at maligo kapag weekends para makabawas man lang nang kaunti sa iigibin sa poso o tunggaan.
Sa aming magpi-pinsan, parang trip to the wilds ang pagpunta noon sa kuluong. Halos gubat na ang daraanan, matarik at madulas, madilim at sari-sari ang tunog, posibleng makasalubong ng musang, alamid o ahas at higit sa lahat, anumang oras ay maari kayong madisgrasya. Thrilled na thrilled kami, basta sinabi nang papunta kami sa kuluong.
Maraming beses muna kaming nadulas, nahulog, nagasgasan at nagsungaba bago namin nadiskubre ang art and science ng pag-akyat at pagbaba sa kuluong. Katagalan, na-master din namin. Nagka-karera pa kami – pabilisang makababa, unahang maka-akyat. Sino ang makakababa sa may kuluong nang di kumakapit sa halaman o bato, sino ang makaka-akyat galing doon nang di humihingal.
Hindi na gaanong gamit ang kuluong mula nang magkaroon ng water connection sa aming lugar. Marami sa mga batang sumunod sa amin sa pamilya ay di na nakaranas umigib o sumilip man lang sa kuluong. Isang tiyuhin ko na lang ang matiyagang doon pa rin kumukuha ng tubig-inumin hanggang sa ngayon. Ayon sa kanya, mas sariwa pa rin daw ang tubig ng kuluong kumpara sa iba-ibang klase ng purified water na ibinebenta sa kasalukuyan.
Sampong metro pababa mula sa kuluong ay may sapa o rainforest creek na hindi buong taong may tubig/ travel.webshots.com
*Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-18 ng Nobyembre, 2010 para idagdag ang mga larawan sa post.
// Nagawang pinal ang artikulong ito salamat sa inputs ng pangalawa at ng pinakabata kong kapatid.//
Posted by Rem Inish on Oktubre 19, 2010 at 2:22 hapon
How I wish na magkaroon ng maraming pera, para maipreseve at maipalandscape ang kuluong para makita pa ng mga susunod na generation.
Posted by doon po sa amin on Oktubre 20, 2010 at 9:20 umaga
rem, thanks for reading and appreciating the value of the kuluong.
sa palagay ko lang, di naman kailangan ng pera para ma-preserve ang mga ito. mas ang dapat yata ay gamitin ng mga tao ang mga ito para hindi maging masukal at ma-preserve pa.
preservation by use ‘ata ang tawag… :}
Posted by Rem Inish on Oktubre 20, 2010 at 2:20 hapon
Nangangarap lang naman ako na baka balang araw magawa nating parang galilee, o, di ba….
Posted by Sister on Oktubre 28, 2010 at 9:24 umaga
We have the same idea. Lagi kong ibinibida sa mga friends ko ang kuluong. “Tubig” ang tawag sa atin sa kuluong.
Posted by doon po sa amin on Oktubre 28, 2010 at 10:51 umaga
Na para bagang hindi tubig kung hindi galing sa kuluong, ano? Kunwa-kunwariang tubig lang kaya ang palagay ng mga taga-atin pag galing sa ibang source gaya ng poso?
He, he… pinag-iisip lang kita. :s Thanks for reading. Basahin nyo rin ang post na walang bait.
Posted by Kinig, Sagap… « doon po sa amin on Marso 30, 2011 at 3:16 hapon
[…] sa mga programa sa ere. Ang kainaman pag ganoon, pwedeng bitbitin ang radyo pag naglalaba sa kuluong. Nakakapakinig tuloy kami ng mas maraming FM music at di lamang mga kanta nina Didith Reyes, Imelda […]
Posted by Maiksi Lang… « doon po sa amin on Agosto 9, 2011 at 4:15 hapon
[…] Ang Kuluong – kuhanan namin ng tubig-inumin noon […]
Posted by Doon Po sa Amin, balik-tanaw | sasaliwngawit on Disyembre 26, 2012 at 11:47 hapon
[…] pala, ang posts tungkol sa tubig. Dalawa ang sinulat ko noon sa DPSA tungkol sa water source – ang kuluong, kuhanan namin noon ng tubig-inumin, nasa ibaba iyon ng bangin at ang isa pa – ang tunggaan, […]
Posted by sjanima on Enero 30, 2013 at 2:43 hapon
meron dati kaming kuluong pero nasa tabi siya ng ilog at pabilog din ang hugis na iniigiban ng tubig para sa inumin. malungkot lang natuyo na ang ilog kung saan dati ay maraming hipon na malaki ang ulo, igat, dalag at kung ano-ano pa, me tilapya din. nawala rin syempre ang tubig sa kuluong. alala na lang natira at isang ilog na me tubig lang kung malakas ang ulan.
salamat sa pagpapa gunita. 😀
Posted by doon po sa amin on Enero 30, 2013 at 5:46 hapon
hala, ang ganda ho ng kwento nyo, ms. S. sayang naman at natuyo ang mga ilog. pati na rin ang kuluong sa may inyo. possibly ho, na-denude ang forest at humina ang capacity ng watershed sa lugar. dugtung-dugtong ho yata ang ganyan – forest, watershed, ecosystem sa paligid ng ilog, mga sapa and small bodies of water…
anyway, isa po sa tags nitong post – who is going to take care of the commons? isa sa parating tanong sa economics and sa politics. kasi, pag malakas at abundant pa ang resources, lahat gumagamit. pero pag nadumihan or nasira na, walang nag-i-intindi. kakaunti rin ang preventive measures para di masyadong ma-tax ang environment. :c
ahaha, wala pong anuman. paano pala kayo naligaw dito banda? 🙂
Posted by sjanima on Pebrero 1, 2013 at 1:31 hapon
naghahanap ako ng kakaiba, ako eh palaboy laboy ngayon at humahanap ng inspirasyon hindi ko pa nasusulat ang aking disertasyon at maghahanap pa ako ng related literature on performance governance system or results based governance na nasulat sa ating bayan at sa ibang bansa,
yung study naman focus syempre ako sa aking organisasyon at hindi ko pa lang nagagawa instrumentation. teka, seryoso na ata ito.
happy weekend! 🙂
Posted by doon po sa amin on Pebrero 1, 2013 at 3:02 hapon
ah, it’s a busy season ho pala. well, i wish you patience for your paper and luck, ahaha. thanks for dropping by. happy weekend din ho. 🙂