Posts Tagged ‘sorrow beyond compare’

Paano?

image of a man pondering, borrowed from t2.gstatic.com

Bakit ang tao ay maraming tanong?/ servitokss.com

 

Paano magmamahal

ang taong wala nang kayang ibigay?

Paano mag-aalay

ang taong itinuring na upos na ang buhay?

 

Paano magbabahagi

ang taong busabos sa sarili?

Paano magtatangi

ang taong buhay puno ng pasubali?

 

Paano maglalaan

ang taong bihag ng agam-agam?

Paano hahakbang

ang taong pinanghina na ng kawalang-katiyakan?

 

Paano manunuyo

ang taong damdami’y timid at suko?

Paano magtuturo

ang taong pag-asa’y dinurog, ginawang biro?

 

Paano aalalay

ang taong sya mismo – kailangan ng saklay?

Paano tutunghay

ang taong paniniwala ay nakahandusay?

 

Paano babagtas

ang taong di kayang itsurahan ang bukas?

Paano aalpas

ang taong kinulong ng kanyang nakalipas?

 

Paano huhulagpos

ang taong pananampalataya ay kapos?

Paano makikipagtuos

ang taong hirap kalagin kanyang gapos?

 

Paano gagaling

ang taong ang sugat anong lalim?

Paano papaling

ang taong matagal nahirati sa dilim?

 

Paano susulong

ang taong tanging nais – makabangon?

Paano huhulong

ang taong hiling hwag abutan ng dapithapon?

 

Paano?


image of a woman full of doubts, borrowed from 2.bp.blogspot.com

Inaasahang mga sagot at pagkilos ang kasunod ng mga tanong/ chelle1miracle.blogspot.com

 

*Kahapon po ng dapithapon naisulat itong post kaya medyo malungkot. 😀 Pasensya na… Isa lamang po itong singit na post habang di pa nakukumpuni ang aming PC.

Ang piyesang ito ay inspired ng isang lumang entry ng hinahangaan kong blogger na si Duking. Tsip, sana’y huwag mong mamasamain… Maraming salamat. Mabuhay ka! 😀