Archive for Hunyo, 2011

Ang Pag-asa Raw

 
 
 
image of a bird symbolizing hope
 
 
Ang pag-asa raw, bagay na may pakpak
Paano kung ito’y kagyat na lumipad?
Ang pag-asa raw, tulad ng isang bukal
Dalhin mo ako roon nang makapagtampisaw.
 
 
Ang pag-asa raw, tulad ng isang bata
Walang pag-iimbot at buo ang tiwala
Ang pag-asa raw, pirming naiigib
Sakbibi man ng takot, matibay ang pananalig.
 
 
Ang pag-asa raw, di agad sumisibol
Naghihintay ng tulak at pagkakataon
Nag-iipon ng lakas bago sumulong
Naninilip, naninimbang, saka papalaon.
 
 
Ang pag-asa raw, sumusuloy kapag may ligalig
Anupa’t pinatatatag, kumakabog na dibdib
Ang pag-asa raw, doon naaninag
Sa puntong kailan, suko na ang lahat.
 
 
Ang pag-asa raw sa ngayon
Tigib ng takot sa kahapon
Ang pag-asa raw sa bukas
Hinihinging sa ngayo’y kumalas.
 
 
Ang pag-asa raw, paghabi ng mga pangarap
Pagtitiwalang minsan pa, kayang abutin ang mga ulap
Ang pag-asa raw, nagluluwal ng sikap
Nanganganak ng tiwala, nagsusupling ng sipag.
 
 
Ang pag-asa raw, minsa’y wala sa lugal
Mali na nga’y ayaw pang bumitaw
Ang pag-asa raw, kapagka mali
Nangunguluntoy, di agad nanag-uli.
 
 
Ang pag-asa raw ay biyaya
Handog, kaloob o pagpapala
Sa buhay na di piho’t kayraming wala
Bagong isip, pihit at paniniwala.
 
 
Ang pag-asa raw, walang kasiguruhan
Parang buhay, walang katiyakan
Itaya ang sarili, ikaw ay maglaan
Masaya ngayon; baka bukas, luhaan?
 
 
image of a signboard pointing to the direction of hope
 
 

* Naisulat ang tula noong Marso, 2011.

 

 
Advertisements

Pangako ng Tag-ulan

image of rural folks walking in the rain

Tag-ulan na! / brommel.net

 

Doon sa amin, ang pagdating ng tag-ulan ay maraming ibig sabihin. Sa pinakamalapit, nangangahulugan ito ng paglamig ng panahon, ng pirming pagkabasa ng lupa at ng pagbeberde ng mga halaman sa paligid. Nangangahulugan din ito ng parating pagdudumi ng sahig, ng hirap sa pag-alis at pag-uwi ng bahay at ng pana-panahong pagkahuli sa pagpasok. Mas madalas sa hindi, nangangahulugan itong makulimlim ang paligid, masarap humiga at matulog o di kaya naman – tumigil sa kusina at humigop ng mainit na sabaw.

 

image of fresh mushroom soup

Masarap humigop ng sopas na kabuteng may talbos/ reelandgrill.blogspot.com

 

Parang kailan lang, tila bibigay ang iyong katinuan sa tindi ng init – nagbibitak-bitak ang lupa, nangunguluntoy at nangangamatay ang mga halaman at nakakapag-init ng ulo ang init ng singaw ng hangin. Parang kailan lang, humihingi ka ng hustisya sa langit, nagdarasal na sana’y palamigin ang panahon, sana’y pwedeng maglangoy araw-araw at sana, kung pwede lang, maging mas mabait si Inang kalikasan…

 

Larawan ng lupang nagkakabitak-bitak pag tag-araw sa Pilipinas

Tag-araw na humihigop sa lakas ng lupa/ liveinthephilippines.com

 

At kung kailan natanggap mo nang magtiis sa maalinsangang pag-iral, anupa’t dumating na parang nanunukso ang ulan sa mga hapon ng Mayo. Parang naglalaro – matinding sikat ng araw sa umaga, iinit at magiging maalinsangan sa bandang gitna ng araw at pagkatapos ay biglang may papatak na ulan makapananghalian – sa loob lamang ng limang minuto at kagyat ding mawawala. Susunod ang init na nakakasakit ng ulo at nakapanlalagkit ng katawan. Masasambit mo tuloy, ‘Hanggang kailan ba ang summer?’.  Na maya-maya pa’y sasagutin ng buhos ng ulang tatagal ng dalawa hanggang tatlong oras. Masasabi mo na lang sa sarili, ‘Mapagbiro nga ang panahon.’

 

Image of a water faucet turning out water

Matapos ang matinding init, bubuhos ang malakas na tubig/ zamboangajournal.blogspot.com

 

Habang nagsasalitan ang init sa umaga at ang ulan sa hapon, hindi mo napapansing humahaba na pala ang araw. Na mas maaga nang nagpapakita si Haring Araw – bago mag-alas-sais ng umaga – at mas gabi na kung magpaalam – pasado alas-sais ng gabi. Hindi mo namamalayan, unti-unti pala, andyan na ang tinatawag na the long days of June.

 

image of a subdivision road on mid-June

Makulimlim at basa ang paligid mula gitna ng Hunyo/ rogerstrukhoff.sys-con.com

 

At habang abala ka sa mga intindihing may kinalaman sa paghahati ng taon – report na kailangang matapos at maipasa, mga gastusin para sa pasukan at mga bilihing dapat mabili na bago muling sumikip ang trapiko sa mga lansangan – saka mo napagtantong tila huli ka na. Huli na naman. Nakapagpalit na pala ang panahon. Ang dami mo pa sanang balak gawin – makapag-outing kasama ang mga dating kaibigan, makadalaw sa ilang piling kamag-anak at makapunta sa ganitong lugar na matagal mo nang sinasabing iyong gagawin. Ah, kung pwede lang — susian pabalik ang panahon…

 

image of a sea and mountains in surigao del sur

May bakasyon ka pa sanang binabalak/ surigaodelsur.net

 

Sa balita sa telebisyon mo unang narinig – may mga lugar na nag-uumpisa na namang bahain, may mga estudyanteng hindi makapag-klase dahil sinira ng bagyo ang silid-aralan at tataas na naman ang presyo ng gasolina at mga bilihin dahil sa inaantabayanang pagtaas ng demand ngayong tag-ulan. May bago pa ba? Mga dati na itong balita, mga dating kaganapang sa tuwi-tuwina’ y parang bago sa pandinig at nakakagulat. Saglit kang titigil para limiin ang mga narinig sa balita, para idugtong ang mga kaganapang iyon sa sariling buhay at routines

 

image of a child in raincoat and with an umbrella

Umpisa ng pasukan, bwelta ng tag-ulan/ elvirasroundabout. blogspot.com

At mapagkukuro mong tulad ng pagdating ng tag-ulan, tila binigla ka pa rin ng mga ito. Tila hindi ka pa rin sanay. Alam mong andyan na at may mga senyales naman – may mga paunang pasabi. Pero parang nababaguhan ka pa rin? Alam mong totoo at nararanasan mo na nga pero hayon, kinukumbinsi mo pa rin ang sarili para maniwala…

 

Ang aming lugar sa probinsya ay mataas, bulubundukin at marami-rami pa ang mga puno roon. Hindi iyon gaanong bahain. Siguro, kada apat o limang taon lamang binabaha ang aming nayon at pag nagkakataon, kagyat rin namang humuhupa ang tubig.

 

image of a zero-visibility road in the philippines

Madilim at nagsusungit ang langit, delikado ang daan/ article.wn.com

Pero hindi simple ang tag-ulan sa amin. Kadalasan, ang isang mahinang bagyo pa lamang ay may kasama nang sangkatutak na hangin. Hindi umuubra roon sa amin ang simpleng payong pag lumalabas ng tag-ulanan na. Pag nagsusungit ang panahon, kailangang naka-full battle gear – sombrero, makapal na jacket, botang sapatos at tungkod para sa madulas at delikadong paglalakad. Winter outfit, ‘ika nga.

 

Hindi rin biro ang nasisira sa amin pagdating ng ulanan – gumuguho ang ibang lupa, bumibigay ang mga bakod at nasisira ang kulungan ng mga hayop. Ang mga puno ay humahapay at ang iba’y nangapuputol at humahandusay na lang sa daan. Ang mga taniman ay nagmimistulang niyurakan ng kung ilang higante. Ang mga bunga ng kahoy na pambenta sana ay nangalaglag lamang sa lupa habang ang mga sanga at baging ng mga gulay ay humahalik sa lupa at sa gayo’y inaani nang wala sa panahon.

 

image of humans, plants and things being carried away by strong wind

May panahong nagmamaktol ang kalikasan/ aynaku.net

May mga hayop ding namamatay dahil sa sipon o di kaya naman ay epekto ng lamig. Limitado ang oras sa pagtatrabaho ng mga tao at ganoon din ang kanilang kita. Kung sinasama, marami-rami ang mga bata at matatandang dinarapuan doon ng sakit. Mahaba-haba ang listahan ng mga hirap at pasakit sa buhay na dala ng  tag-ulan sa mga taga-roon sa amin.

 

Subalit ang panahong nagagalit at nagmamaktol ay siya rin namang nagbibigay-biyaya at sa tuwina’y nagpapayabong sa mga nilalang doon. Sa umpisa ng sunud-sunod na ulan sa gawing dulo ng Hunyo, makikita mong nababalot ng luntian ang paligid doon sa amin. Bawat sulok na iyong mamasdan ay tila sariwa at bago. Matingkad na kape ang kulay ng lupa. May hamog pa ang mga dahong tinatamaan ng unang sikat ng araw. Tila batang nagsasanay lumakad ang buong kapaligiran – masigla ang padyak at payak ang gibik ng galak sa bawat hakbang na mapagtagumpayan.

 

image of leaves on trees after the rain

Muling sumisigla ang mga dahon ng halaman/ imagesphilippines.com

 

 

 

 

 

 

image of small plants after the rain

Tila muling umiigkas ang mga munting tanim/ philippinesdailyphotos.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa mga taga-amin, ang tag-ulan ay nangangahulugan ng muling pagkabuhay ng mga ilog at sapa, ng muling pagdami ng mga hayop at kulisap at ng pagbabahagi muli ng lupa sa mga taong doo’y yumayapak at nagbubungkal. Ang tag-ulan ay paggising ng kamalayang dati’y alinman sa nagdaramot o di kaya’y natutulog. At kahit ano pa ang inaasahang daluyong at panganib sa hinaharap, sa ngayo’y maiging tanggapin at panghawakan na lang muna ang pangako ng tag-ulan – ang muling pagpapalit-balat ng buhay. 🙂

 

imageof children bathing in the rain

Hinuhugasan ang paligid, inaalis ang ating mga takot/ mommawannabe.com

 

* Ang may-akda ay kumuha ng inspirasyon sa mga naisulat nina Verlyn Klinkenborg at Donald Hall, dalawa sa mga manunulat na itinuturing niyang bihasa sa paksang the changing of the seasons, para maisulat itong post. Salamat sa pagbabasa at sa pagpasyal sa amin. 😉

 

Magpayong Ka

image of gabi or taro plant, the san fernando variety

Karaniwang ginagawang pambakod sa probinsya/ tyonardosbade.com

image of gabi or taro plant, the tagalog variety

Tumutubo sa iba’t ibang parte ng bakuran/ thecaptivatedlife.blogspot. com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa aming lugar, maraming halamang gabi – mayroong itinanim ng mga tao at marami ring tumutubo lang sa lupa sa mga gilid-gilid. Pagtuntong pa lang ng Mayo, mapapansin mo na silang nagsusulputan – anong lalapad ng dahon!

 

Ang gabi ay isang uri ng halamang ugat na name-meryenda ang bungang-ugat, nagugulay ang tangkay at dahon at naipagbibili rin sa palengke. Pero higit sa lahat, ang isa pang mahalagang gamit ng gabi sa mga taga-amin ay  bilang improvised na payong.

 

image of gabi or taro rootcrops

Name-meryanda at nagugulay ang mga ugat ng gabi/ squidoo.com

image of gabi stalks for cooking

image of taro or gabi plant stalks and leaves sold at the market

Naipagbibili sa palengke ang mga dahon at tangkay ng gabi/ marketmanila.com

 

Pag biglang pumatak ang ulan at ikaw ay nasa labas ng bahay, dapat mabilis ang iyong mga mata at kilos sa pagsipat at pagputol sa pinakamalapit na gabi – iyon ang magtatawid sa iyo sa pag-uwi. Sa amin, ito ang isa sa mga senyales na tag-ulan na – pag madalas ka nang makasalubong ng kakilalang tumatakbong nakapayong ng dahon ng gabi.  🙂

 

image of a boy using gabi plant as umbrella

Magpayong para di mabasa ang bumbunan/ 1.bp.blogspot.com

 

ba’ mo nga ako iniwan?

Image of a woman mortified

Baka may ibang mas magandang balita?/ isplotchy.blogspot.com

Ba’t mo nga ako iniwan? Madalas, hindi ko na rin maalaala kung bakit. At siguro na rin, dahil ayaw ko nang alalahanin pa. Isinama ko na lang doon sa bunton ng mga bagay-bagay na nasa back burner ng memorya ko – hahalungkatin kung kinakailangan at kung hindi naman, hahayaan na lang nakaimbak. Kaya ‘yon, doon nakalagay ang tanong na ‘yan. Kung bakit kasi, may nakapag-usisa pa…

 

Iniwan mo yata ako dahil may nakita ka biglang iba? Hindi mo kamo sinasadya. Magkasama kayo sa isang regular at intimate na setting at di mo napansing nahulog na pala ang loob nyo sa isa’t isa. At isang araw, kailangan mo nang sabihin sa aking naka-commit ka na sa kanya. Na para bang sa aki’y wala kang binitawang salita? Na para bang inaasahan mo na lang na mauunawaan ko ang lahat?

Sabi ko sa ‘yo, oo. Pero alam mong hindi. Alam mong sinabi ko lang ‘yon dahil ayaw ko nang guluhin pa ang set-up. Kasi, kung pinigilan ba kita noon, iiwan mo lang sya bigla? Babalik ka lang sa tabi ko na parang walang nangyari? Ewan ko lang, pero hindi yata…

 

Iniwan mo yata ako kasi ayaw mo sa mga kaibigan ko at sa mga pinaggagawa nila? Namin? Tingin mo, hindi sila magandang impluwensya. Na dadalhin nila ako sa kapariwaraan. Na kung alin ang pinaka-iiwas-iwasan at inaayawan mo, iyon mismo ang pinagkakaabalahan namin pag magkakasama kami. Na sa tingin mo, kailangan kong mamili – sila ba o ikaw?

At dahil parang natatantya mo nang hindi ko sila iiwan, ayon – nauna ka nang nagalit at umalis. Ni hindi tayo nakapaalaman ng maayos. Bigla mo na lang akong initsapwera sa buhay mo. Alam mo ba ang pakiramdam pag nagkakasalubong tayo tapos pag natanaw mo ako’y iiba ka ng daan? Palagay ko, hindi. Kasi, kung alam mo, hindi mo siguro ginawa ‘yon. Ang layo noong ikaw na tumatakbo palayo sa dati kong kakilalang tumatakbong palapit sa akin.

 

Iniwan mo yata ako kasi sa umpisa pa lang, wala ka nang kumpyansang kita’y mamahalin? Tingin mo, hindi tayo bagay. Na lamang ako at dehado ka. Na wala kang kayang ibigay. Na wala kang kayang itumbas sa kung anong meron ako o sa kung anong kayang ibigay ng iba sa akin. Na inisip mong magbakasakali ka pero noong nasa gitna’y nanaig pa rin ang dati mong takot – na ang pag-aalay mo ay hindi sasapat sa hinihingi ng sitwasyon?

Naisip mo ba, kahit minsan, na may kakayanan din naman akong magpuno ng kulang? Na kaya ko ring umunawa dahil sa aki’y marami ring dapat unawain? Na sabay at magkasama tayo dapat humarap sa ating mga kinatatakutan? Siguro nga’y tama ka – mahirap bihisan ng pagmamahal ang taong binalot ang sarili ng pangamba.

 

Iniwan mo yata ako dahil abala ka? Marami kang pinagkakaabalahan noon  –  trabaho, sports, duties sa bahay at commitments sa mga kaibigan. Busy ka ngang tao – no time for love.  Pero, marami ring nagsasabing iyong taong totoong busy ang kayang maglugar ng mga bagay-bagay. Hindi nga kaya kayang ilugar noon ang tayo?


image of a busy man

Marami ka noong pinagkakaabalahan/ cutcaster.com

 

Ang saklap no’n, alam mo ba?  ‘Yong kitang-kita mong nasa ilalim ka ng priorities? ‘Yong natatabunan ka ng priorities ng taong mahalaga sa ‘yo? Kaya nga noong gabing sinabi mong hindi mo na kaya ang pressure, ang banggaan ng expectations ng iba’t ibang panig, hindi na ako kumibo. Malinaw naman kasing hindi ako kasama sa nagbibigay ng pressure.

 

Iniwan mo yata ako para sa iyong pangarap? Ang hirap din ngang karibal ng ambisyon. Mas mabuti pa yata kung tao rin ang kalaban – mas may tsansang makaagapay. Pero pag ang kakumpetensya mo ay ang kagustuhang umasenso, parang nakatakda ka nang kumain ng alikabok. Maghintay at umasa. Umasa at maghintay. Baka isang araw, maiisip kang balikan. Baka isang araw, maiisip mong ako’y balikan.

Naisip mo ba? Naisip mong ako’y balikan at isama sa panulukan ng iyong tagumpay? Sakali kayang nagkabaligtad tayo ng sitwasyon, itatanong mo rin kaya sa akin ang tanong ko sa iyo ngayon? Ba’t nga ba hindi tayo pareho ng pinangarap?

 

Iniwan mo yata ako dahil kamo ay magkaiba tayo ng mga paniniwala sa buhay? Hindi ako sang-ayon do’n, alam mo ba? Kasi, sabihin man nating magkaiba tayo ng mga panuntunan sa buhay, ng mga prinsipyo, ng mga itinataguyod at gustong itaguyod – pwede pa rin naman tayong magsama. At maghawak-kamay. At tumingin sa mata ng isa’t isa.

Mayroon noong tinatatawag na galangan ng paniniwala. At siguro, kung meron mang dalawang taong higit na kayang isabuhay ang ganito, iyon ay ang dalawang nagkakagustuhan na sa umpisa pa lang. Pero, minarkahan mo agad ang pagkakaiba natin bilang irreconcilable differences. Hindi ko lang alam, pero sa mag-asawang dumudulog sa korte, hinihingian ng mabigat na ebidensya ang irreconcilable differences. Sa iyo, hindi mo na tayo isinalang sa pagdinig. Hinusgahan mo na agad.

 

image of a woman with the word jilted painted on

Sino’ng maysabing madali?/ zazzle.com

Ba’t mo nga uli ako iniwan? Kasi, para sa iyo, hindi sapat ang kung anong mayroon tayo para ipaglaban. Sabihin na nating hindi mahirap para sa iyo ang lumayo. Inisip mo ba noong madali lang para sa akin?

Ayoko na sanang balikan pa ito. Para saan, kung tutuusin? Para saktan uli ang sarili? Para sabihin at ulit-ulitin ang panghihinayang? Tapos na, e. Sinaktan mo ako at hindi ka bumalik para paghilumin ang sugat.

 

* Ha, ha… Pampasaya lang ito ng linggo natin, mga kapatid. Bukas ang comments para sa bulabugan ng mga dilengkwenteng alaala.   😉

 

Maaaring i-click sa ibaba ang video ng Don’t You Remember? by Adele.

 

 

Ang Kwento ni B.

image of a young man selling bread

Hindi niya alintana ang hirap at panlalait/ flickr.com

Sumusuray kung maglakad si B. Hindi rin siya nakapagsasalita ng maayos. Utal. Sa edad na labintatlo, hindi siya nag-aaral. Nagtatrabaho na siya.

 

Ang ama ni B. ay magsasaka at mangangaral naman ng Bibliya kung Linggo. Ang ina niya ay maybahay lamang. Negosyo ng pagtitinapay ang ikinabubuhay ng pamilya ng kanyang ina,  pagtitinda na rin ng tinapay ang inatupag ni B. sa mura niyang edad.

 

“Napay! Napay!” Ito ang sigaw niya tuwing madaling-araw. Ang kaing na nakasampay sa kanyang likod ay laging may lamang isandaang pandesal, limampong bonete at sampong monay. May hamog pa ang damuhan sa tuwing daraan si B. para mag-alok ng tinapay sa bahay-bahay.

 

Hindi gaanong kinagigiliwan ng mga tao sa baryong iyon si B. Hindi sila komportable sa hitsura niya at pananalita. Ngunit dahil dadalawa lamang silang nagtitinda ng tinapay sa lugar, madalas pa rin siyang nabibilihan.

 

Kapag tapos na sa paglalako si B., umuuwi siya sa kanilang bahay para kumain. Saka siya tumutulong sa pagpapastol ng mga alagang baka ng pamilya. Tuwing hapon, nanonood si B. sa mga batang naglalaro malapit sa kanilang bahay. Pag nagsawa na ang mga bata sa kalalaro, si B. ang sa tuwina’y nagiging tampulan nila ng tukso. Hindi si B. pumapatol o lumalaban sa kanila. Madalas, hindi lang siya umiimik.

 

Image of a cow grazing on the field

Nagpapastol si B ng baka, pagkatapos niyang maglako ng tinapay/ panoramio.com

 

Lumipas ang maraming taon. Nagsipag-asawa na ang marami sa mga batang tumutukso kay B. Ang iba ay nanirahan na sa Maynila. Si B. ay nanatili pa rin sa baryong iyon. Isa na siya sa masasabing matatagumpay na negosyante sa lugar. Nangangalakal siya ng mga prutas sa iba’t ibang probinsya. Nakapagpatayo na siya ng malaki-laking bahay.

 

Pag napag-uusapan ng matatanda sa nayon ang inabot sa buhay ni B., napapatango na lang ang mga dati’y tumutukso sa kanya – sila na ngayon ang hindi maka-imik.

 

cartoon image of a dream fulfilled

Maliit kung mangarap pero nagtagumpay/ facebook.com

 

 

* Ang kwentong ito ay base sa totoong buhay. Pinalitan ang ibang detalye para itago ang katauhan ng bida, si B. Naisulat ang akda noong Enero 2010.

 

Mga Taludtod Para sa Lungsod

image  of a crowd

Libu-libong pares ng yabag/ moonwalkerwiz.wordpress.com

 

Humahangos ang Lungsod

 

Naghahabulan ang mga yabag

Mga sasakyan, kumakaripas

Umuugong, humuhuni ang tren

Nagmamadali ang sangkatauhan.

 

 

 

image of hands holding onto the rails

Kapit hanggang sa makarating/ laibcoms.com

Pag-andar ng Tren

Lumalapit ang malayo

Gumagaan ang mabigat

Gumagapang ang pag-asa

Iniiwan ang kahapon.

image of a moving train

Umaandar - papunta, pabalik/ urbanrail.net

 

 

 

 

 

 

* Ang mga tulang ito ay naisulat noong ika-19 ng Enero, 2010.

 

Payapang Dagat

Payapang kalooban ang hatid ng banayad na tubig

Payapa kung minsan ang dagat

 

Mga bangkang tahimik na binubunggo ng mga along parang bula, picnic basket na ang lama’y bubusog sa pamilyang  napagod sa kalalangoy, at halakhak ng mga kabataang sumasabay sa saliw ng musika (malayo pa sa hinagap ang mga hampas ng alon ng totoong buhay)  –  iyan ang mga alaalang madalas kakabit ng salitang dagat.

The sea beckons

Inaanyayahan tayo ng dagat na lumusong

 

O, di kaya, matingkad na asul na sumisimbolo sa lalim ng tubig, nag-aalimpuyos na laot na nangangahulugan ng ligalig at malawak na espasyong tumutudya sa kaliitan ng ating lugar dito sa mundo  – ilan yaan sa mga sumasagi sa ating isip, sa tuwing matatanong tayo ukol sa imahe natin ng dagat.

 

image of a boat out on the deep sea

May bangkang maliit sa dagat na malawak/ freshmanartsenglish.wikispaces.com

 

Iba-iba ang kahulugan ng dagat para sa iba’t ibang tao. Iba’t iba rin ang mga karanasan nating galing sa paglangoy, pakikipaglaro at pagtawid dito. Kanya-kanya rin tayo ng takot, saya, pagkamangha, pagkabighani at pag-aatubili – pag sinabing dagat. May taong dagling napapatahimik sa tuwing nababanggit ang dagat, mayroong biglang tumatabil ang dila at may simpleng napapangiti pag tungkol dito ang naririnig.

 

May mga tao raw na sumasamba sa araw, mayroon ding pirming kaulayaw ang mga bituin sa langit, may mga nakikipagtiyap sa buwan at mayroon din namang nakikipaghabulan sa mga bagyo. Higit na marami yata ang mga taong iniaalay ang kanilang panahon sa pakikipag-tuos sa dagat – may lumalangoy ng malayo, may sumisisid ng malalim at may sumasakay sa mga alon nito. Mayroong tahimik lamang na nagmamasid sa tanawin at kontento nang matamaan ang mga pisngi, niyong hanging-dagat.

 

image of a man diving

Mayroong ginugugol ang panahon sa pakikipag-tuos sa dagat/ buceofilipinas.com

 

May mga awiting nalikha at tinangkilik dahil ang binibigkas ay ang ugnayan ng tao at ng dagat. May mga makatang nag-alay ng mga taludtod para sa dagat. May mga nagsulat ng nobela ukol dito. May mga pintor na gumuhit ng mga kamangha-manghang larawan para hulihin – kahit sa ilang sandali – ang ganda at misteryo nito.  Saan ka baga – may dagat na makisig, may dagat na marikit, may dagat na palalo, may dagat na mapanghalina, may dagat na nagmamalupit at may dagat na kumakalinga. May dagat na di- maipaliwanag.

 

poster image of the movie, the old man and the sea

Ang akdang ito ni Hemingway ay ukol sa pakikihamok ng tao/ t2.gstatic.com

 

Napaglalanguyan ang dagat. Napapangisdaan. Napagkukuhanan ng yaman. Natatawid. Napag-aalayan ng mga salita at tinig. Pero may mga pagkakataon, nais lang natin itong pagmasdan…

 

Carry me to the shoreline

Payapang dagat na nakakapanatag ng damdamin

 

Damhin ang kapayapaang dala ng banayad nitong agos, ang malumanay na dampi ng hangin at ang susun-susong puti-berde-asul na patas ng kalikasan. At tahimik na umusal ng panalangin, sana, ang mga sugat na dala ng pagmamalupit ng kapalaran, ng panahon at ng sarili ay pasasaan ba’t, gagaling din?

 

 

* Para kay K.T. –  Maligayang kaarawan sa kanya noong ika-13 ng Hunyo.