Archive for Nobyembre, 2010

Andyan Na!

Image of christmas lanterns hanging by the bayside in the Philippines

Makulay at puno ng mga alaala ang pasko sa Pilipinas/ strawberrypiggi.tumblr.com

Alam mong andyan na ang Pasko pag umihip na ang kakaibang hanging iyon sa buwang nagtatapos sa “bre.” Mas malamig iyon kaysa sa karaniwan – maaakap mo bigla ang iyong sarili. May maaalaala kang amoy, amoy kamo ng kapaskuhan. Malulungkot ka sandali at maiisip ang mga iniu-ugnay mo sa okasyon – mga bagay at taong nawala na at di na mababalikan. Pagkatapos, sasaya ka uli. Aaluin mo ang sarili ng mga pagkikitang dapat paghandaan, mga lugar na dapat puntahan at mga gawaing dapat tapusin – para kamo ay maigayak na ang pasko. Handa ka man o hindi. May pera ka man o wala. Masikip man o hindi ang iyong schedule. Bahala na.

 

image of the Makati business district, borrowed from wikipedia.org

Madalas maitanong, iba nga ba ang pasko sa lungsod?/wikimedia.org

 

Pagdating mo sa trabaho, panigurado, mababanggit mo iyon sa isang kasamahan. Nag-umpisa na kamo ang lamig. Pasko na. Iku-kwento mo sa kanya ang hanging dumalaw o nakasalubong mo kanina. Mag-aapuhap ka ng mga salitang maglalarawan sa iyong naramdaman at naisip sa sandaling engkwentro. Kakapusin ka, kukulangin. Ngunit, sasaluhin ka ng iyong kausap. Siya man ay magbabanggit din ng ganoon. Sasabihin nyang kanina, paakyat siya sa may hagdan nang bigla nyang naramdamang may umihip – hanging amoy-pinipig daw. Matatawa ka at mapapaisip. May amoy nga ba ang hanging iyon? Amoy-pinipig nga ba? Pakikinggan mo na lang sya sa kanyang kwento. Maya-maya pa’y sabay kayong magtatanong – bukas na ba ang tyangge sa may baba? Magkakabilangan na ng mga inaanak.

 

****************

 

Ang lugar namin sa probinsya ay patag. Isa itong komunidad na sa kalakhan ay taniman ng mga pagkain – mga punongkahoy at halamang namumunga, mga gulay na gumagapang at mga damong nakakain. Wala roong dagat na malapit. Wala ring ilog sa baryo namin. Pero, napapaligiran ang pook na iyon ng mga bundok – sa tatlong bahagi.

 

image of the Philippine countryside, borrowed from t3.gstatic.com

May mga gulod at lupang padahilig, pero sa kalakhan ay patag/gstatic.com

 

Sa gawing silangan, tanaw ang hugis ng malayong bulubundukin. Sa bandang ilaya, may bundok na malapit – mga pitong kilometro lang siguro ang distansya. Sa parteng ibaba, kitang-kita ang isa pang serye ng mga bundok na nangangasul dahil sa kalapit na dagat.

 

image of a community in the phils. at the foot of a mountain, borrowed from missionsfieldblog.com

Bahayang binabakuran ng mga bundok/missionsfieldblog.com

 

Pag tumayo ka sa may amin, mapapansin mong papalibutan ka ng magagandang tanawin at mararamdaman mong inaararo ka ng malakas na daluyong ng hangin. Hangin iyong galing sa iba’t ibang direksyon, sinala muna ng mga bundok. Ganyan ang klima sa amin at hindi sa tuwing taglamig lang.

 

image of a map showing the northeast monsoon, borrowed from tpub.com

Hanging galing sa hilagang silangan/tpub.com

Ibang antas ang lamig sa amin pag dumating na ang hanging amihan. Pag andyan na ang simoy ng pasko, paglabas ng mga tao ng bahay sa umaga, naka-doble sila ng pangginaw. Ang mga matatanda ay naka-medyas. Ang mga bata naman ay naka-sombrero. Naka-sweater ang mga estudyante, bukod pa sa windbreaker na suot sa ibabaw.

Inilalabas na rin ng mga nanay ang makakapal na kumot sa aparador, para sa atake ng lamig sa gabi. Pumupunta ang mga tao sa bayan para bumili ng cough syrup at ointment – baka sipunin ang mga bata at tiyak na rarayumahin ang matatanda.

 

Sa unang haplos ng tuyo at malamig na hanging iyon, may kakaibang sigla rin iyong dala sa mga taga-amin. Kukuhanin na sa taguan ang mga itinabing Christmas decors. Kakausapin na ang mga miyembro ng pamilya para sa iskedyul ng paggagawa ng belen. Sasabihan na ang mga lalaki ng pamilyang kumuha ng tuyong sanga ng kahoy sa weekend para sa gagawing Christmas tree. Kanya-kanya na ring gawaan  ng parol sa bahay-bahay ang mga tao roon.

image of a lantern frame, borrowed from t3.gstatic.com

Binabalutan ng papel de hapon / paraisophilippines. com

Mag-uumpisa na ring mag-alala ang mga magulang para sa mga tiyak na gastusin. Dodoblehin nila ang kayod para makapag-ipon. Maraming kailangan – panghanda sa Noche Buena, pambili ng damit at laruan ng mga bata, pambigay ng regalo sa inaanak at panggastos sa field day ng mga batang nag-aaral. Itong huli ang pinakamalapit at dapat agad matugunan.

Ang mga bata sa amin, busy sa pagpa-praktis ng presentation para sa field day. Hudyat iyong malapit na ang bakasyon sa eskwela. Nagmamadali na rin ang mga magulang nila sa pag-aani at pagtatapos ng mga gawain sa bukid. Magkakaroon na ng general cleaning sa mga bahay-bahay. Aayusin ang mga nasirang bakod. Darating mula sa Maynila o sa ibang lugar ang kanilang nakatatandang mga kapatid para magbakasyon. Darami ang iuutos sa mga bata pero, mas marami pa rin ang panahon para magkwentuhan at makapaglaro.

 

images of children playing, borrowed from article.wn.com

Mas maraming laro pag bakasyon/ article.wn.com

 

Sa unang ihip ng hanging amihan sa bandang amin, ang mga batang nasa labas, agad magta-takbuhan pabalik ng bahay, sumisigaw. “Andyan na!

 

Paano Makakabalik sa Amin

image of an internet cable connecting the world, borrowed from t0.gstatic.com

Makabagong paraan ng ugnayan/ todaysdrum.com

Isa lamang po itong singit na post. Para ito sa mga mambabasang napadaan, naligaw o nailigaw papunta sa site na Doon Po sa Amin at sa anumang kadahilanan ay gustong bumalik ngunit di na magawa o maaalaala kung paano. Madali lamang pong bumalik, dine sa amin.

 

1. Pumunta sa Google website.

2. I-type sa loob ng search box ang keywords, alinman sa isa sa nasa ibaba, .

3. I-click ang enter. Unang lalabas sa google search list ang site, makakarating ka na.

 

  • ang kuluong
  • ang bagong betamax
  • ang paho nga naman
  • bakbakan mga pelikulang patok
  • bukayo o pakumbo
  • iba-ibang klase ng maglalako
  • ordinaryo lang si charice
  • paghahanap sa value of x
  • pag-iigib ng tubig
  • pag nagkakasakit
  • pag sinabihang walang bait
  • panahon para mangabute
  • paparoon paparito
  • parang puputok ang ulo
  • sabong mabaho
  • sinsay muna at makapagkape
  • usong yari ng bahay

 

Iminumungkahi pong magtanda lamang kayo ng isang set ng keyword para siyang gamitin sa pagbalik sa pook namin.

 

image of a URL being pointed out by a cursor, borrowed from t3.gstatic.com

Kailangang sadyain ang pagpunta/ carefulmarketing.com

Sa akin pong karanasan, matulungin at maasahan si Ginoong Google. Iyon nga lang, minsan ay nangungulit din siya. Halimbawa, kapag itinayp ang pariralang ang paho nga naman, tatanungin kayo ni Mr. Google ng: Ang ibig mo bang sabihin ay ang baho nga naman? Huwag nyo na lang pong pansinin iyon at tumuloy na lang kayo sa site. Sabi nga ng blogger na si salbehe, pag si Mr. Google ang nangulit, mapapamura ka nang malutong.

 

Unawain din natin si Mr. Google. Minsan siguro ay gusto rin niyang ipahinga ang kanyang makina. Sa bilyong tao ba namang maya’t maya ay naglalagay sa kanya ng mabababaw at matatalinghagang mga tanong, minsan siguro ay napapagod din siya. Gusto rin niya sigurong ipahiwatig sa atin, hindi sa lahat nang oras ay siya ang may hawak ng sagot.

 

Pero, tinitiyak ko po sa inyong sasamahan kayo ni Mr. Google pabalik, Doon Po sa Amin.

image of a dragonfly, borrowed from t3.gstatic.com

May tutubi pa sa kabukiran/ blog.mandalatv.net

 

 

 

Banda Roon

image of a person asking for direction, borrowed from .fotosearch.com/LIQ114/vl0008b021/

Banda roon. Hindi, banda rito/ fotosearch.com

Pag nagtanong ka ng direksyon doon sa mga taga-amin, ang karaniwang umpisa ng sagot sa iyo ay paparoon, paparito. Banda roon, banda rito. Ganyan. Wala halos eksaktong sagot. Puro approximate lang. Sa amin kasi noong panahong early ‘80s, wala namang landmark na istruktura. May mga bahay na naman sa tabi ng kalsada, pero di sila gaanong pansinin dahil walang pinta at medyo magkakapareho ang kanilang mga itsura.

 

Kadalasan, ang mga palatandaan noon ay mga puno sa lugar o kaya, hugis ng lupa. Pag puno ang sinabing tatandaan mo, kailangan may ideya ka ng mga puno – bukod sa punong niyog at punong mangga. Pag lupa ang paglalarawan, iyon ay kung patag, kung padahilig at kung paakyat. Pag baguhan ka o naliligaw doon sa amin, dapat matama kang makikinig sa pinagtatanungan mo. Sikapin mong intindihin ang ibinigay na instruction dahil pag hindi, mapapalayo ang iyong lakad.

 

image of a tree by the road

Puno ang madalas noong palatandaan/ freefoto.com/preview

 

Basic ang direksyong alam at kinasanayan ng mga taga-amin.

 

image of arrows pointing to four directions, borrowed from fotosearch.com/CSP318/k3186822/

Apat ang direksyong maaring puntahan/ fotosearch.com

Pa-ilaya, ibig sabihin, going North. Pa-ibaba, ibig sabihin, going South. Pa-silangan, going East. Pa-kanluran, going West.

 

Sa akin noon, medyo pina-simple ko na lang. Ang reference point ko lagi ay ang kinatatayuan ng aming bahay. Pag pa-ilaya, papunta sa kanto, sa highway. May mga dyip na roon, papuntang sunod na lungsod at may dumaraan na ring bus papuntang Maynila.

 

Pag pa-ibaba naman, papuntang iskul. Elementary school ng ibaba. May mga dyip na rin doon noon – byaheng pa-bayan. Pagdating nila sa bayan, may byahe naman do’n ng dyip at bus papuntang probinsya, sa Capitol. Makakarating ka na sa regional hospital, sa Kapitolyo o kaya sa pier.

 

Pag pa-kanluran, ang ibig sabihin sa akin noon ay papunta sa kuluong para umigib o kaya sa gubat, para mangahoy o pumitas ng mga bungang-kahoy.

Pag pa-silangan naman, ang ibig sabihin, papalabas ng kalsada. Ito iyong pangunahing kalsada ng nayon namin, hindi pa noon aspaltado, hindi sementado. Pag sa gawing iyon ka pupunta, malamang ikaw ay papasok sa eskwela o trabaho, gagala o kaya, makikipanood ng tv.

 

Image of an unpaved road in a rural area in the Philippines

Pag pasilangan, ganito ang mabubungaran/ http://www.flickriver.com

 

Ang clincher, medyo accurate ang reference point ko, hehe… Ang bahay namin ay talagang nasa boundary ng ilaya at ibaba. Nasa pagitan siya ng dalawang magkatabing nayon. Hindi eksaktong-eksakto, dahil ang bahay naman namin,  papasok pa sa loob. Lalakad ka pa ng mga 700 na metro bago makarating sa amin.

 

image of opposite directions, borrowed from fotosearch.com/IMG002/04005059

Saan nga ba?/ fotosearch.com

Ang trouble, hindi malaman ng mga tao kung kami ba ay taga-ilaya o taga-ibaba. Sa paningin ng mga taga-ilaya, taga-ibaba kami. Sa tingin naman ng mga taga-ibaba, taga-ilaya kami. 🙂

 

Ang kwento, dati talaga kaming taga-ilaya. Nakikitira kami noon sa isang bahay-kubo, tabi ng kalsada. Noong late ‘70s, nakapagpagawa ang aming ama ng isang sementadong bahay sa lupang mana niya sa ibaba, katabi ng bahay ng kanyang mga magulang. Iyon ‘yong bahay na kako nga ay nasa boundary. Paglipat namin, ang turing na ng mga taga-ilaya sa amin, Southerners, kumbaga. Mga taga-ibaba. Ang turing naman sa amin ng mga taga-ibaba, mga dayo. Mga likas na taga-ilaya.

 

Maitatanong, may malaki bang pagkakaiba ang dalawang baryo? Mayroon siguro. At least, sa panahong binabanggit ko, tila mayroon… Medyo iba ang taga-ilaya sa taga-ibaba noon.

 

Ang mga taga-ilaya, ang kabuhayan ay mas kiling sa pagbebenta ng mga kalakal na prutas at gulay. Pero, dahil mas malapit sila sa lungsod, mas malakas ang impluwensya sa kanila ng lungsod at ng malaking lungsod – ang Maynila. Mas maraming kabataan doong nagma-Maynila. Ang karamihan, ang mga eskwelahang pinapasukan, iyong mga sikat at mahal ang bayad. Ang pang–tuition nila pala, galing sa pinagbentahan ng niyog, abokado, ampalaya at patani. Dahil siguro sa ampiyas ng lungsod, mas abante ng konti ang mga pananamit at hilig sa musika ng mga taga-ilaya. At heto, mas leisurely sila kung maglakad. Hindi biro.

 

image of avocado fruits

Kalakal na prutas, panluwas/ konaearth.com

 

Ang mga taga-ibaba naman, ang kabuhayan ay pagtatanim ng palay at mais, manukan at babuyan at pagtatanim din ng mga gulay at spices na pambenta. Pero dahil mas malapit sila sa bayan, mas doon din siguro galing ang impluwensya ng kultura at kaalaman nila. Nang panahong iyon, mas kakaunti ang nagko-kolehiyo sa ibaba. Iyong ilang nagma-Maynilang taga-roon, ang mga eskwelahan ay hindi gaanong kilala at di rin mahal ang matrikula. Mas uso sa ibaba ang magtapos lang ng high school ang kabataan at pagkatapos ay tutulong na sa magulang sa pagtatanim o pangangalakal.

 

image of raw pepper on vine

Hindi pa pwedeng anihin/ commons.wikimedia.org

image of ripe pepper on vine

Pwede nang anihin/ nipahutgardens.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Kaya, di mo rin maiiwasang mapansing noon, di gaanong updated ang panlasa sa damit at musika ng mga kabataan sa ibaba. Pero, mas maraming maykaya roon – malalaki ang mga bodega nila ng butil, masagana kung sila ay maghanda sa mga okasyon at bago palagi ang sofa set nila sa mga bahay… Kung maglakad ang mga taga-ibaba ay mabibilis – siguro ay dahil magpapa-anak pa sila ng mga baboy, magpapa-ani pa sa mga pamintahan at maglilikom pa ng mga itlog na iluluwas. 😉

 

Sa kadahilang ang pamilya namin ay medyo itinuring na alien ng magkabilang panig, hati siguro ang naging impluwensya ng ilaya at ibaba sa amin. Karamihan sa aming magkakapatid ay natuto pang magtanim at mangalakal ng mga gulay at mahihilig pa sa halaman. Pero lahat kami, itinulak ng aming inang mag-aral. May mga pumasok sa bayan, may mga nag-aral sa lungsod. At halos lahat sa amin,  nakapag-Maynila. Malaking bagay iyon noon doon sa amin – ang makapagpa-pasok ng anak sa malaking lungsod… Tatlo lang sa pamilya ang masasabi kong may fashion sense – ang aming ina at dalawa sa aking mga kapatid. Minsan ay mabibilis kaming maglakad, kung minsan naman ay mababagal.

 

Hindi kaagad na-resolba ang isyu kung taga-ilaya o taga-ibaba kami. Tumagal iyon ng tumagal. Dalawang sets ng lokal na politiko ang nangangampanya lagi noon sa amin. Diplomatiko ang naging paraan ng mga magulang namin dito. Sa pagkaalam ko, ang aming ama ay sa ibaba bomoboto at ang aming ina naman ay sa ilaya. Nasa kolehiyo na yata kaming lahat nang ma-desisyunan ang usaping ito. Ang verdict, taga-ilaya raw kami. By that time, mas naka-lugar na kaming taga-ibaba kami,  doon na kami nasanay at andoon rin ang mas marami naming kamag-anak at kasabayan sa eskwela.

 

Kahit may geodetic findings na, magpasa-hanggang ngayon, taga-ibaba pa rin kami para sa mga taga-ilaya. Taga-ilaya pa rin kami para sa mga taga-ibaba. Pag ipinagtanong mo ang aming bahay sa kanto sa ilaya, sasabihin sa iyo ng mga tao doon, sumakay ka ng traysikel o maglakad pa-ibaba. Pag ipinagtanong mo naman sa may iskul sa ibaba kung saan ang amin, sasabihin sa iyo ng mga taga-roon, mag-traysikel o lumakad kang pa-ilaya.

 

image of an arrow pointing to the right

Papunta roon/ orthodox.clara.net

 

Kung tutuusin, pareho naman silang tama. Ang sa amin ay banda roon talaga. 😉

 

Ang Bagong Betamax – Rated PG

image of a betamax tape, borrowed from http://en.wikipedia.org/wiki/Betamax

Dati, pag sinabing betamax, bold ang ibig sabihin/wikipedia.org

 

Niluma na ng panahon ang betamax player at di na uso ang betamax movies. Nagtataka ako,  saan na napunta ang mahihilig sa bold?

 

Marahil, ang kalahati sa kanila, andoon sa fake DVD market – ‘yong bumibili ng DVD sa bangketa, ‘yong dinadalhan sa opisina nina Manong at Manang ng bagong release sa Quiapo at ‘yong nakakatyempo ng DVD sa naglalako sa bahay-bahay. E, ‘yong iba –  ‘asaan na?

 

image of a an old betamax player, borrowed form wikipedia.org

Naungusan na ng VHS, VCD, DVD at PC ang betamax/wikipedia.org

 

Ang matinding hinala ko, lumipat sa blogosphere ang marami sa kanila. Oo, andito sila. Kahilera at kasama ng mga mahihilig sa online comics, online pocketbooks at online showbiz updates.

 

 

Blogging ang bagong betamax. Ito ang matapang. Nasa blogosphere ang mga maruruming mag-isip. Andito rin ang malilikot ang imahinasyon.


poster from the movie, Naked Island, 1984

larawan ng poster ng pelikulang Naked Island, 1984/2.bp.blogspot.com

 

Bakit ang hindi? Walang bayad ang magsulat at magbasa online – kuryente at panahon lang ang puhunan. O, kaya, renta sa PC. Ito lang at maaari mo nang isulat o basahin ang gusto mo. Napakadali. Hindi ka na magbubuklat, pitik-pitik lang ng mouse. Anumang oras ka pwede ay pwede. Wala ritong pila.

 

 

Samu’t sari ang makakasalubong mo rito sa blogosperyo. Andito ang mga bastos, ang mga bloggers at viewers na nagmumura ng walang habas, ang mga galit at ang mga naggagalit-galitan. Marami kang maisusulat, mababasa at mapapanood ditong di papasa sa marka at panlasa ng MTRCB.

Andaming exhibitionists sa blogosphere, kasama na ako. Andito ang mga taong nagpapakita ng mga di karaniwang ipinapakita, mga nagpapaalala ng gustong kalimutan at ang mga nagbubunyag ng lihim na di dapat isiwalat.

 

 

Andito rin, siyempre, ang pinakamaraming maninilip. May mga nanonood ditong di umiimik, ni ayaw magparamdam. Pero, silip nang silip. Patalon-talon. May mga hinahanap na kung ano.

Meron din naman ditong bukas na bukas kung lumaro. Inilalagay sa blogesperyo ang mga sariling larawan, videos, contact details, kung ano ang kinain nya kagabi at sino ang kasama nya. Hindi naman bawal sa mundo ng blog ang ganito at nasa mambabasa na iyon kung  gusto ba nyang basahin, panoorin, gamitin o huwag na lang patulan.

 

 

Dito sa kaharian ng blogosperyo, nangyayari ang sinasabi ng environmentalists na ang basura mo ay maaaring kayamanan na ng iba at ang kayamanan mo ay ibabasura lang ng iba.

Makakakita ka rito ng mga impormasyong tila kapaki-pakinabang, pero nilalaktawan lang at di pinapansin ng marami. May mga impormasyon namang tila walang saysay, pero ponglibo ang gumagamit at nag-aabang. Nagbabasa o nagsusulat ka man ng blog, lagi kang maso-sorpresa.

 

Dito sa blogosphere ko inaabangang ma-revive ang career ni Rosanna Roces, isa sa mga paborito kong artista. Sa tingin ko, may lugar siya rito. Naniniwala rin akong marami ang makikinig sa mga kwento at sasabihin ni Osang. O, baka kaya, andito na siya at di ko pa lang nahahanap?

 

Image of Rosanna Roces, a sexy star in the Philippines in the '90s

Si Rosanna Roces ay sikat na sexy star noong ’90s at kilala bilang host na brutal manalita/ http://www.pep.ph

 

Pang- slam poetry ang babaing ito – raw, naked and brutal truth served on a hot plate. Ang hindi ko maintindihan sa producers, bakit nila siya ipinipilit sa daytime at primetime shows. Tapos, tatanggalin din naman… Ang sa akin, si Rosanna Roces ay sa niche market, ‘yong with explicit adult content. Paagahin nila ang balita sa gabi at ibigay sa kanya ang slot ni Martin Nievera eight years ago. Palagay ko, maraming magpupuyat.

 

 

Samantala, hihintayin ko si Osang sa virtual na mundo ng blogging kung saan naroroon ang mga naghahanap at nagbibigay ng aliw, kasama ng mga walang magawa at mga nag-busy-bisihan.

Dito sa blogosperyo, ang mahiyain ay malakas ang loob, ang malumanay ay nagiging marahas at ang mahinhin ay nagiging malandi. Andito ang mga naglilislis ng saya, ang mga nagsusuot at hindi ng palda at, ang mga karakter na papalit-palit ang maskara.

 

Exciting dito. 😉


Image of monkeys blogging

Sa blog, naglalagay at nakakabasa tayo ng mga di-hayagang nasasabi at naipapakita/ shannonchance.net

Ayaw Dumaan

 

agawan ng bolpen, anak naman ilang bolpen  ba ang ubos mo sa isang taon, andami ngang bolpen  di naman makasagot, asul na bolpen madalas, ayaw sumulat, baligtad ang hawak ng bolpen, ballpark figure – expression ng mga nagmamarunong, Bic ballpen, binilhan na nga ng bolpen pero hindi pa rin pumapasok, binibigyan naman ng baon pero lagi pa ring walang bolpen, binibilhan naman ng bolpen pero walang sulat ang notebook, bolpen lang ang laman ng bag, bolpeng dilaw, bolpeng hiram lang, bolpeng mamahalin, bolpeng nagtatae, bolpeng pula pang-tsek ng papel, bolpeng walang takip, bolpen lang wala pa, Cross ang pen na ginamit sa Treaty na nagsasalin ng Pilipinas sa Estados Unidos mula sa Espanya, exam na wala pa ring bolpen, guri-guri, gusto ay estudyante sya forever, hiniraman ni ma’am ng bolpen na-tsismis na paborito, hiraman ng bolpen ng bayan, huwag magulo tutusukin kita ng bolpen, hwag ilaglag sabi, kahapon ka lang bumili ah, Kilometrico, kung anu-ano ang ipinagsususulat, madalas ma-nenok-an ng bolpen, may mga bolpen laging nakasuksok sa bulsa ng polo para mukhang genius, may pangalan nya laging naka-tape sa bolpen, may papel pero walang bolpen, mumurahing bolpen, nabali ang bolpen sa galit, nahulog lang ang bolpen pagtingala ibang chapter na agad, nagpaalam lang na bibili ng bolpen sa canteen di na bumalik, nagpapagod ang magulang para mabilhan ng bolpen ang anak na lakwatsero, nagtataktak lagi ng bolpen kunyari’y nag-iisip,  nagtsi-tsek ba si ma’am kung maganda ang sulat?, nakalimutan ang bolpen, nakawan ng bolpen, ngatngat lagi ang dulo, pagbalik ng papel puro pula, palaging nakaka-iwan ng bolpen, para bolpen lang, Pilot, pinapainitan ang dulo sa ilaw ng kandila, proud na proud ang magulang nang makitang hindi na palakol ang grades ng anak, puro tinta ang palda, pwedeng pahingi na rin ng yellow pad?, pwede palang maging nostalgic maski sa bolpen lang, raise your pens begin, Reynolds, sa bolpen ko lang pala interesado, sosyal na ang bolpen Parker na dati’y Panda lang, taguan ng bolpen, sabing palitan mo na – nagtatae, stream of consciousness ang drama ng kanyang panulat, sus bolpen lang pala, use black only, wala nang tinta.

 

image of a ballpoint pen, borrowed from wikimedia.org/wikipedia/commons

maraming bolpen na ang dumaan sa ating buhay/ wikimedia.org

 

Andito ang link para sa mga sosyal na pens:

http://www.wisdom-pen.com/knowledge/famous_brands_of_pen.htm

 

Andito naman ang link para mga pens na pan-drowing:

http://www.flickr.com/groups/penandmarkers/discuss/72157623299690903/

 

Andito naman ang para sa mga gustong mag-business ng pens:

http://www.alibaba.com/showroom/brand-ballpoint-pen.html

 

Sukatin Mo

 

Lumang Pantakal

 

Image of a big and a small ganta

Ang salop bilang panukat ng bigas at iba pang butil ay laganap noon di lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa/ http://www.marketmanila.com

Salop ang ginagamit na pansukat sa bigas doon sa amin noon. Pag bibili ka ng bigas sa palengke sa bayan, ang karaniwang dami ay lima o sampong salop. Pag mangungutang naman sa tindahan, karaniwang isang salop. Bibihira pa noon ang bumibili at nagtitinda ng bigas na por kilo. Isa pa, nang panahong iyon, ang bigas na binibili ng tingi ay inilalagay sa brown na supot na papel. Nilalagyan iyon ng masking tape o paper packing tape para maisara at di matapon ang package. Hindi uso noon ang bigas na nakasilid sa sandobag na plastic.

 

Ang salop ay ganta sa Ingles. Isa itong uri ng lalagyang pansukat – hugis cube, yari sa kahoy at butas ang ibabaw. Karaniwang sinasalok ang bigas mula sa sako gamit ang isang pantakal tulad ng tabo para mailagay sa salop.  Pagkatapos,  ito ay kinakalos ng manipis na patpat, para mapantay ang ibabaw.

 

FPJ, kinikilalang hari ng pelikulang Pilipino

Tatlong beses ginawa ni FPJ ang pelikulang Kapag Puno Na ang Salop – 1987, 1989 at 1990 / wikimedia.org

 

Ang sukat ng salop na naabutan ko noong ‘80s ay 2.24 na kilogramo.  Bago iyon, hindi raw standard ang yari, sukat at laman ng salop. Sabi ito sa mga pag-aaral. Sabi-sabi rin ito ng mga tao doon sa amin. Bukod pa sa pwede raw itong dayain pag mabilis ang kamay ng nagbibili at hindi naman listo ang mamimili. Ang style ng mga magulang ko noon, mayroon lang silang dalawang binibilhang pwesto – tiwala silang hindi sila dadayain ng mga iyon sa sukat.

 

Image of a tin can used as a chupa for measuring uncooked rice

Ang gatang ay karaniwang galing sa latang pinaglagyan ng gatas/ pt.wikihow.com

Pag nagsasaing naman noon, ang pansukat sa dami ng bigas ay gatang. Ang gatang ay karaniwang gawa sa lumang lalagyan ng gatas na pinukpok ang rim para di makasakit. Pag inutusan ka noong magsaing, ang karaniwang itatanong mo sa nag-utos ay ilang gatang karami. Ang isang salop na bigas ay naglalaman ng anim na gatang. Pag kokonti lang ang kakain ay tatlong gatang lang ang ipapasaing sa iyo. Pag marami naman kayong kakain, limang gatang. Ang gatang ay chupa sa Ingles.

 

Ang asin noon, nabibiling tinatakal sa malaking latang dating pinaglagyan ng baking ingredient. Kendihan ang tawag sa amin doon sa lalagyang iyong hindi naman nilalagyan ng kendi. Pansukat din ang kendihan noon ng iba pang butil na pagkain – sariwang utaw o soya beans, sariwa o tuyong mani, pinatuyong balatong o monggo, tapilan at kadyos.

 

 

Lumang Panukat

 

Ang tela naman ng damit ay binibiling yarda o yard ang pansukat. Dahil kokonti pa lang noon ang damit na biling-yari o ready-to-wear (RTW), kadalasang pupunta muna sa mananahi ang magpapatahi para itanong kung ilang yarda ang kailangan. Saka pa lang siya bibili ng tela sa palengke sa bayan o sa kalapit na lungsod. Hanggang sa ngayon naman ay marami pa rin sa Pilipinas ang nagtitinda at mamimiling gumagamit ng yarda bilang panukat. Hindi na nga lang ganoon karami ang nagpapatahi ng damit sa sastre.

 

Ang gatas noon ay nakalagay sa mga bote, lata at paketeng sinusukat sa pamamagitan ng ounce, hindi sa milliliter (ml), gaya sa ngayon. Ganoon din ang softdrinks. Pati ang mga gamot na syrup na ipinaiinom sa mga bata. Ang mga gamot naman noong para sa hayop at mga gamot na pang-spray sa halaman, karaniwang nabibili bilang concentrate. Yari sila sa pulbos at nakalagay sa instruction kung ilang gallon – hindi litro – ng tubig, ang dapat na idagdag bago gamitin.

 

 

Mas Luma Pa

 

Marami pa noon at hanggang sa ngayon ang gumagamit sa amin ng bahagi ng katawan o body parts bilang panukat ng mga bagay. Isang dakot na asin, isang kimis ng sitaw, limang dangkal na lalim ng hukay, sampong hakbang mula sa pinto, dalawang dipa ng tali – madalas  mong maririnig ang mga ito sa taga-amin.

 

image of a heap of tomatoes, borrowed from

Karaniwang nabibili ang kamatis noon sa pamamagitan ng tumpok/t1.gstatic.com

 

Marami rin sa amin iyong mga gumagamit ng sukat na tantyahan lang. Ang mga halimbawa nito ay isang patak na patis, isang kuhit ng mantekilya, kapiranggot na bibingka, isang tumpok ng kamatis, isang bungkos ng mangga, isang talaksan ng kahoy na panggatong, at iba pang panukat na hindi eksakto. Kakaiba rin sila marahil sa pandinig at pag-intindi ng mga taong ang inabutan nang panukat ay ang gramo, sentimetro, kilo at litro.

 

 

Bago Na Nga Ba?

 

Sa ngayon, pag sa grocery tayo mamimili, mapapansin nating mas lamang na ang paggamit ng metric system – marami na sa produkto doon ay kini-kilo o sinusukat kung ilang litro. O, di kaya naman, sa ibang produkto ay nakalagay kapwa ang English measures na ounce, pound, quart at gallon, katabi ng metric measures na milliliter, centimeter, kilogram at liter. Para sa akin, mas mahusay ang ganitong mixed labeling. Parehong nabibigyan ng impormasyon ang mga nasanay sa dating English system na maraming dekada rin naman nating ginamit, at iyong mga taong mas sanay na sa makabagong metric system.

 

image of a foot rule or ruler, borrowed from alphatools.com

Mas maiintindihan ang mga bagay kung alam natin ang kanilang sukat/alphatools.com

 

Tulad ng sinasabi ng marami,  sa malayong hinaharap, dapat tayong nakatingin sa mas maramihan at mas malawakang paggamit at pagsasabuhay ng Le Systeme International d Unites o ng metric system bilang mas moderno, mas eksakto at mas siyentipikong panukat.  Ito ay mas kilala bilang International System of Units (SI), ang standard na ginagamit sa pandaigdigang kalakalan. Kung nais nating ang Pilipinas ay makasabay, kundi man manguna, sa larangang ng kalakalan, nararapat lang na aligned sa world standard ang ating mga panukat.

 

 

Gaano Kadali, Kabilis, Kalaganap?

 

Lampas sa pagpapasa ng batas sa metrification, marami pa ang dapat gawin ng gobyerno para yakapin ng mga mamamayang Pilipino ang metric system. Katuwang dapat  rito ang manufacturers ng mga produkto at suppliers ng mga serbisyo sa bansa  – sa papel na payabungin pa ang kaalaman ng consumers sa mga lungsod at mga nayon.

 

Ang una marahil dapat gawin ng pamahalaan at ibang concerned groups, tulungan at gabayan  ang mga mamamayang paunlarin ang sariling kabuhayan at kakayahang lumikha ng mga bagay na maaaring ipagpalit at ipagbili. Kailangang paunlarin ang kalakalan sa antas komunidad, bayan, rehiyon at bansa para gamitin nang husto at lumaganap ang practice ng siyentipikong pagsukat ng mga bagay.

 

Hangga’t nananatili sa antas na production for consumption ang marami sa villages dito sa atin – dangkal, dipa at tantya – pa rin ang gagamitin ng mga tao at siyang mananaig na panukat sa pang-araw-araw.

 

image of a barrio lass spreading rice grains for drying in a village, borrowed from farm4.static.flickr.com

Makalumang paraan ng pagbibilad ng palay, laganap pa sa Pilipinas/ flickr.com

 

Habang ang diin ng product providers ay i-develop lamang ang hilig at panlasa ng mga mamimili, ng hindi tinutulungang itaas ang kanila mismong kakayanang gumawa, magbenta at kumita – nananatiling ampaw ang kaalaman natin sa pagsukat at pag-alam sa maraming bagay.

 

Hanggang hindi umaangat ang antas ng pamumuhay ng marami, mananatiling atrasado at abstrakto ang paggagap natin bilang tao sa concept of measure. Kahit sampong taon pang aralin sa eskwelahan ng mga bata ang conversion table ng English at metric system.

 

 

Pangarapin Din

 

Sa pagkaalaala ko, noong early ‘80s, ang asukal at ang galapong ng kape ang mga produktong nabibili na ng por kilo. Ang paliwanag marahil,  daantaon na nating produktong pang-export ang asukal at kape. Abante na ang pagsukat sa kanila noon pa man. Tanggap at kinasanayan na rin ng mga tao ang ganoong sistema.

 

image of sugar crystals, borrowed from diggingri.files.wordpress.com

Isa ang asukal sa mga produktong matagal nang iniluluwas ng Pilipinas/diggingri.files. wordpress.com

 

Sa kaparehong panahon, andami pang nabibili sa mga palengkeng pagkaing nakabalisungsong pa sa dahon ng saging, nakabalot sa lumang dyaryo, nakalagay sa mga plastic na ni walang pangalan ng produkto, walang timbang at walang sukat.

 

Sinasabi ba natin, pag tayong mga Pilipino lang ang bibili at gagamit, pwede na ang walang label? Pag sa sariling market ibebenta, pwede na ang mga produktong reject? Hindi na dapat istrikto sa sukat at kalidad pag pang-atin lang?

 

Palagay ko, bago tayo makasunod sa kung ano ang world standard, kailangan muna nating itaas ang pamantayan sa sariling atin. Dapat siguro, pataasin natin ang pagtingin sa ating lokal na pamilihan at sa mga lokal na mamimili – tayong mga Pilipino mismo. Para na rin hindi tayo laging namamangha sa mga gawa ng mga dayuhan, habang nanatiling panaginip ang kagustuhan nating ang ating mga produkto at tayo mismo – maging world class. 😉

 

Image of Lea Salonga, world-class actress and musician

Si Lea Salonga ang tumatak na imahe ng world-class na Filipina/ entertainment.inquirer.net

 

Siyanga pala, pangarap kong ang panutsang mani – isa sa mga produkto doon sa amin – makahabol sa status ng peanut brittle. Magkaroon ng tukoy na market, tuluy-tuloy na distribution channel at naka-package ng maayos – may masinop na lalagyan, may expiration date, may nakalagay na sugar at calorie content, moisture level at siyempre pa, kung ilang gramo. 🙂

 

 

* Short history on Philippine metrication:

 

Pre-1858 Measurement systems in Philippines reflects diversity of regional inhabitants.

~1858 Spain adopts metric system and introduces the metric system to the Philippines.

~1865 Philippine monetary system shifts to decimal.

~1905 Philippines lightly shifts to English system introduced by USA.

8/29/1916 Philippines adopts metric system after Philippine Autonomy Act signed.

1916-1975 Various measurement systems employed with metric system being prominent.

1/1/1975 Date set for sole metric system use via Presidential Decree No. 187.

7/16/1975 Presidential Decree No. 748 amends PD No. 187 to extend metrication efforts.

1/1/1983 Philippines officially adopts the metric system via Batas Pambansa Bilang 8.

4/13/1992 Philippine use of metric system reinforced via Republic Act 7394.

 

Nangggaling sa:

 

http://wiki.answers.com/Q/When_did_the_Philippines_adopt_the_use_of_metric_system

 

Iba pang links na pinaghalawan at/o kinonsulta :

 

http://www.springerlink.com/content/l7p526jwj25vg214/fulltext.pdf

http://avrotor.blogspot.com/2009/06/blog-post_27.html

http://www.bipm.org/utils/common/pdf/si_brochure_8_en.pdf

http://www.chanrobles.com/bataspambansabilang8.htm

http://pinoyteens.net/introduction-to-physics/367/

http://books.google.com.ph/books/ganta+of+rice&source

http://www.websters-online-dictionary.net/Tagalog/gatang

http://www.wordnik.com/words/ganta/exampleshttp://eskwela-apc-nstp.wikispaces.com/Volume

http://www.sizes.com/units/chupa.htm

http://www.imdb.com/name/nm0688093/filmoyear

http://en.wikipedia.org/wiki/Metrication

 

Links na kinonsulta rin subalit inire-rehistrong may pagdududa sa accuracy ng ilang nilalaman: 🙂

 

http://www.scribd.com/doc/18048667/Philippine-Units-of-Measurements

http://www.authorama.com/former-philippines-15.html

 

Pag Nagkakasakit…

image of a sick child with her favorite toy, borrowed from fotosearch.com

mahirap ang magkasakit para sa isang bata /fotosearch.com

Sakitin ako noong bata pa. Parang wala na lang sa akin noon ang kabitan ng dextrose. Kabisado ko ang itsura ng mga kisame ng iba’t ibang ospital sa aming probinsya.

 

Doon sa amin, maraming privileges ang isang batang nagkakasakit. Okey na okey sana.  Kaya lang, dahil masama ang pakiramdam mo, di mo gaanong ma-enjoy. Heto ang ilan sa mga iyon:

 

1. Walang iuutos sa iyo. Pahihigain at pagpapahingahin ka lamang. Hindi muna uungkatin ang mga tungkulin at gawain mo.

2. Kung may pasok ka, papayagan kang lumiban sa eskwela. Sa hapon, pag-uwi ng kapatid mo, sasabihin sa iyong bilin ni titser ay magpagaling ka.

3. Bibilhan ka ng softdrinks na Mirinda o kaya ay Royal. May kasama iyong Skyflakes na isang buo at wala kang kaagaw. 😉

 

image of a glass of orange softdrink, borrowed from fotosearch.com

kalakaran nang painumin nito ang maysakit/ fotosearch.com

4. Paiinumin ka ng hilaw na itlog para raw mabilis kang gumaling. Bubutasan ng Tatay mo ang itlog na Tagalog, gamit ang palito ng posporo. Pipisilin mo ang iyong ilong at pipikit ka para pag ininom mo, di mo maaninag na gumagalaw- galaw pa ang egg yolk sa loob nito. Tuluy-tuloy lang ang paglunok. Pagmulat mo, mari-realize mong buhay ka pa rin, maysakit nga lang.

5. Ang mga tao sa inyong bahay, dadalhan ka sa iyong higaan ng mga paborito mong laruan at mga babasahing maraming pictures. Maski pa wala ka sa mood maglaro at masakit ang ulo mo’t di kayang magbasa, dapat mong tanggapin ng maluwag sa loob ang kanilang offerings.  Minsan- minsan lang sila mag-care. 🙂

 

image of a sick child with her favorite toy, borrowed from fotosearch.com

karaniwang itinatabi sa batang maysakit ang kanyang laruan/ fotosearch.com

 

6. Bago mag-tanghali, ang adult na naiwan sa inyong bahay ay tatanungin ka kung ano ang gusto mong kainin sa pananghalian. Sabihin mo dapat ang gusto mo dahil madalang ang mga pagkakataong tinatanong ka ng ganoon.

7. Pag-uwi ng Inay mo bago gumabi, may pasalubong siya sa iyo. Hindi iyon ang karaniwang dala niya sa inyong magkakapatid pag hapon – ang Mang Kepweng, Timbura at Marie. Mas malamang, ang pasalubong nya sa iyo ay saltine crackers. Ang saltine ay manipis at malasang crackers na itinuturing na sosyal sa amin noong ‘80s. Ipinagkakaloob lang ito sa mga bata under special circumstances.

8. Pagdating ng gabi at mataas pa rin ang iyong lagnat o kaya ay nagdi-diliryo ka pa sa trangkaso, malamang ay tatabihan ka sa pagtulog ng iyong Inay. Hahaplus-haplusin niya ang iyong buhok, pabulong ka nyang tatanungin kung saan mo gustong pumunta pag magaling ka na at kakantahan ka nya hanggang sa ikaw ay makatulog. Ginagawa ito ng mga nanay doon sa amin maski ang batang maysakit ay malaki pa sa damulag at dyahe nang kantahan ng lullaby.

 

image of a mother putting her child to sleep, borrowed from fotosearch.com

Ipinaghehele hanggang sa makatulog/ fotosearch.com

 

Kung tutuusin, masarap magkasakit, dati. Ang mga bagay na karaniwang ipinagkakait sa isang bata, maluwag nang ibinibigay sa kanya pag siya’y tinamaan na ng mahigpit na ubo, lagnat o trangkaso. Ang mataos na hiling sa puso ng isang bata – ang mapansin – ay nagiging abot-kamay na lamang pag siya ay nagkakasakit. Maya’t maya ay may lumalapit sa kanyang higaan para salatin ang kanyang leeg at noo at para alamin kung ano ang makakapag-pagaan sa kanyang pakiramdam.

 

Ngunit, delikado rin ang magkasakit sa isang malaking pamilya. Hindi lang ang posibilidad na magkahawahan ang mga miyembro nito ang problema. Panganib din ang dala ng selos na bunga ng mga pribilehiyong extended sa batang maysakit.

Halimbawa, habang iniaabot ng kapatid sa maysakit ang Mirinda at skyflakes, tiyak na ora mismo’y maiinggit siya. Gugustuhin niyang siya ang humiga at mag- buhay-prinsipe o buhay-prinsesa. Pabulong nyang sasabihin sa maysakit na tigilan na nya ang acting kung ayaw nyang matambakan ng assignments sa school.

Sa mga pagkakataong ang pagkakasakit ay umaabot ng tatlong araw o higit pa, nararamdamang tumitindi ang tension sa sambahayan. Napapansin ng lahat na ang maysakit ay nagiging paborito. Gayon din, na naipapasa ang kanyang household duties sa kapatid nyang sinundan at sa kapatid nyang sumunod sa kanya. Sa pangkalahatan, hindi mabuti ang epekto nito. Dito nag-uumpisang ma-develop ang kanilang murderous tendencies.

 

a violent image of sibling rivalry, borrowed from 2.bp.blogspot.com

madugong imahe ng sibling rivalry/2.bp.blogspot.com

 

Pag walang nakatingin, sasalisi sila sa kwarto ng maysakit. Yuyugyugin nila ang huli at sasabihang bumangon na. Pagbabantaan nila siya at pangangakuang pagbabayaran niya ang lahat pag siya ay magaling na. Makakaasa kang tutuparin nila ang kanilang pangako. 😉

 

Ikaw, sakitin ka ba dati? ^_^

 

a sick teddy bear

may sakit na teddy bear/fotosearch.com

 

* Huling binago ng may-akda noong ika-5 ng Nobyembre, 2010, para idagdag ang ika-anim sa panghuling talata.