Archive for Setyembre, 2010

Maglalako

 

Iba-ibang klase ng maglalako ang dumaraan sa lugar namin noon.

 

Image of salted bread or pandesal

Masarap ang mainit na pandesal sa umaga/ http://www.flickr.com

Sa umaga, habang madilim-dilim pa, unang daraan ang maglalako ng tinapay. Malalaman ang pagdating niya sa kanyang sigaw, ‘Napoyt, napoyt!‘. Ang tinda niya ay pandesal at bonete. Nakabalot ang mga iyon sa telang katsang nakasilid sa kaing na siyang nakaatang sa likod ng maglalako. Dahil wala namang panaderya sa baryo namin, mabenta sa mga tao ang paninda niya. Lalo na pag ang mga tinapay na inilalako ay mainit-init pa.

 

painting of women fish vendors, borrowed from craftstew.com

Maaaga silang dumaan/ craftstew.com

Ang kasunod niya ay ang maglalako ng isda. ‘Isda, isda kayo riyan!’ iyon naman ang kanyang sigaw. Kadalasan, maraming bumibili sa mag-i-isda. Doon sa amin noon, isang beses isang linggo lang kung mamalengke ang isang pamilya. Lahat ng kinulang o naubusan na ng pang-ulam ay nag-aabang sa maglalako ng isda – kung hindi man makabili ng isang kilong tulingan o tambakol, makabili man lang ng isang takal ng alamang o apta.

 

 

image of Filipino kakanin, puto at kutsinta, borrowed from foodnotebook.blogspot.com

Masarap din sa umaga/ foodnotebook.blogspot.com

Sa pagitan ng alas-nuwebe at alas-diyes, daraan ang maglalako ng puto at kutsinta.  Ang tunog ng torotot niya ang kanyang palatandaan. Potpot ang tawag naming mga bata doon. Siya ang maglalakong masipag naming abangan pag Sabado. Paborito naming  silip-silipin  ang bitbit niyang mga metal na bilog – lalagyan ng kutsinta sa isa at ng puto naman sa kabila. Bumibitin kami sa saya ng aming mga nanay para magpabili ng kutsinta. Kadalasan ay pinagbibigyan naman kami.

Minsan isang linggo, dumaraan ang maglalako ng kulambo at kumot.  Ang karaniwang daan niya ay sa pagitan ng alas-diyes at alas-dose.  ‘Kumot, kulambo, kumot, kulambo. Bili na kayo!‘. May paakyat at pababa pa ang tono ng kanyang pagsigaw. Dahil hindi naman pagkain ang tinda niya, kaming mga bata’y hindi gaanong interesado. Kapag andiyan na ang magku-kumot, tinatawag lang namin ang mga matatanda sa bahay. Tapos, takbuhan na kami uli para maglaro. Kung may pambili ang mga nanay at kung papayag ang maglalakong ito sa tawad, makakabenta siya.

 

Ang susunod ay ang maglalako ng ice cream na dumaraan bago mananghalian. Alam na alam naming lahat iyon dahil sa tunog ng kanyang bell. Sa unang kuliling pa lang noon, takbuhan na kami at papalibutan na namin agad ang kariton ng sorbetes. Iyon lang, madalas ding ayaw kaming bilihan ng aming mga nanay. Hindi nila sinasabi sa aming dahil mahal ang ice cream o dahil walang pera. Ang katwiran nila ay malapit nang kumain ng tanghalian at baka mawalan kami ng gana. Kaya ang pinepeste namin ay ang aming mga tatay o lola o mga tiyahin. Sukdulang mag-iiyak kami at maglupasay para bilihan.

 

Image of an ice cream vendor in the Philippines

Bida sa mga bata sa nayon ang mamang nagtitinda ng sorbetes/ my_sarisari_store.typepad.com

 

Tapos, dahil may gulong ang kariton ng ice cream, hilig naming  sundan ang magso-sorbetes – bimili man kami o hindi.   Susundan namin siya ng mga layong kalahating kilometro, bago babalik kami sa bahay at mag-aabang naman sa maglalako ng ice drop o popsicle.

 

Para sa amin, may pagka-corny ang ice drop vendor. Hindi kasing-sarap ng ice cream ang tinda niya at ang kanyang wooden box, bitbit lang niya sa likod . Pero, may bell din ang maglalakong ito, kaya suki rin niya kami. Pag tumunog na ang kanyang bell, ilalabas na namin ang mga pinagkatagu-tagong barya para ipambili ng ice drop. Kapag ang isang bata ay walang ipon, pwede pa rin siyang mag-iiyak para bilihan ng kanyang magulang. Habang humihikbi-hikbi, pwede niyang ikatwirang hindi na nga siya binilihan ng ice cream kanina tapos hindi pa siya bibilhan ng papsikel?

 

handicrafts vendor, image borrowed from filipinolifeinpictures.wordpress.com

Masaya pag nagagawi ang mga caravan ng bangkito sa may amin/ filipinolifeinpictures.wordpress.com

Sa pagitan ng alas-dose at alas-dos, karaniwang dumaraan ang mga naglalako ng bilao, bangkito, walis, salamin at iba pang mga gamit sa bahay. Sila ang mga vendors na dalawang beses isang buwan lang kung gumawi sa lugar namin. Hindi nila isinisigaw kung ano ang kanilang paninda. Karaniwang makikita na lang namin silang namamahinga sa ilalim ng puno ng mangga. Kung minsan, nabibilihan ang mga paninda nila. Mas madalas ay hindi. Pero kaming mga bata, nakiki-salibuyboy habang idine-demo ang mga produkto – nakiki-upo kami sa mga bangkito at nakikigamit ng salamin.

 

Paminsan-minsan, may mga dumarayo rin sa aming mga nagtitinda ng damit o ng alahas o ng maliliit na furnitures, gaya ng tokador at aparador. Mga ala-una hanggang alas-tres ang daan nila sa lugar namin. Madalas, ibinebenta ng mga maglalakong iyon ang mga paninda nila  nang hulugan. Pero, bibihira pa rin ang bumibili.

 

image of philippine sweet delicacies, borrowed from skyscrapercity.com

Tagaroon lang sa amin ang magtitinda ng kakaning meryenda/skyscrapercity.com

Mga bandang alas-tres ang daan ng maglalako ng meryendang kakanin. Karaniwang dala niya ay suman, bitsu-bitso at karyokang may palamang monggo. Taga-roon lang siya sa amin, kakilala ng halos lahat at may mga regular na parokyano. Sa lahat ng maglalako, siya ang bukod-tanging pinapapasok ng bahay doon sa amin. Para sa mga bata, hindi siya kasing-sikat ng magtitinda ng ice cream. Pero, lagi pa rin naming hinihintay ang pagbaba ng bilaong kanyang sunung-sunong.

 

Larawan ng mga tari ng manok, isang device na ikinakabit sa paa ng manok

Pana-panahon ay may dumaraang naglalako ng tari ng manok at labaha para sa mga kalalakihan/ sabong.net.ph

Sa pagitan ng alas-tres at alas-singko, dumaraan ang maglalako ng sinturon, pitakang yari sa balat, labaha, tari ng manok, baraha, lanseta at iba pang mga kagamitang panlalaki. Sa oras na iyon, ang mga tatay ng pamilya na ang magkukulumpon sa ilalim ng puno ng mangga para suriin at tawaran ang mga paninda ng maglalako. Kaming malilikot na mga bata naman, nakatimo sa isang tabi. Nag-a-antay tawagin ng aming mga ama upang utusang kunin ang kanilang wallet para makapagbayad.

 

Sa mga napapanood kong pelikulang Ingles at sa mga nababasa kong Western books, ang door-to-door salesman ay pirming bihis na bihis at madalas nga ay naka-kurbata pa. Hindi ganoon ang itsura ng mga maglalakong dumaraan doon sa amin. Suot nila ay karaniwang damit lamang at madalas ay naka-sombrero o may tuwalyang takip sa ulo. Pero, hindi dahilan ang gayak nila para hindi sila tangkilikin sa lugar namin.

 

image of a street vendor in the phils., borrowed from filipinolifeinpictures.wordpress.com

Sinusuyod ng mga maglalako ang mga kalsada at bahay-bahay sa mga daang papasok/filipinolifeinpictures.wordpress.com

 

Hinihintay ng marami doon sa amin ang mga maglalako, hindi lang dahil sa paninda nila,  kundi dahil na rin sa dala nilang kwento mula sa mga lugar na kanilang napuntahan at  napagtindahan.

 

Image of an unpaved road in the rural Philippines (road in Romblon)

Maalikabok at maputik ang mga kalsada noon. Halos lahat ng pupuntahan ay nilalakad lang/ babakoto.eu

 

Malayo ang palengke sa amin noon, wala pang sementadong daan at malalayo rin ang pagitan ng mga bahay-bahay. Mahalaga ang papel ng itinerant vendors o maglalako, sa mga lugar na tulad ng sa amin, para mai-ugnay ang mga tao roon sa mga kaganapan at mga uso sa labas. 🙂

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-19 ng Nobyembre, 2010, para idagdag ang mga larawan sa post.

 

Advertisements

Ang Kuluong

 

Kung ang tubig na gamit namin noon sa araw-araw ay iniigib mula sa artesian well at iniimbak sa mga drum at balde, ang tubig na inumin at panluto namin noon ay iniigib mula sa kuluong at iniipon sa mga tapayang Iloco.

 

image of rock boulders, borrowed from hkedcity.net

maraming malalaking bato sa amin/ hkedcity.net

Ang kuluong ay guwang o cavity sa isang rock boulder na pinalalim pa ng mga tao ang pagkaka-ukit. Ang rock boulders na matatagpuan sa mga bundok, bangin at agbang ay karaniwang nagpapawis ng tubig na malinis at puro. Upang ang mga pawis na iyon ay masalo at maipon, nilulugungan o pinalalalim pa ng mga tao ang maliliit na natural na guwang ng malalaking bato.

 

Ang  nilugungang butas ng kuluong ay hugis pabilog, korteng C o di kaya ay G.  Kahawig ito ng grotto, wala lang istatwa ng birhen sa gitna. Ang ibabaw at mga paligid nito ay puno ng mga halaman at lumot. Sa ibabang bahagi nito tumutulo at naiipon ang pawis na tubig – sariwa, malamig at manamis-namis.

 

Ang isang butas ng kuluong ay naglalaman ng halos isang drum na tubig. Tatlo hanggang apat na oras naman ang karaniwang itinatagal bago iyon mapuno. Pag taglamig at basa-basa ang paligid, sabay-sabay ang mga patak ng tubig sa loob ng kuluong. Nag-uunahan sila sa pagbagsak. Pag tag-init, paisa-isa lang ang patak. Magbibilang ka talaga.

 

Hindi lahat sa aming lugar ay may kuluong. Nagkataon lamang na ang isang bahagi ng lupang pag-aari ng lolo namin ay malapit na sa bundok kaya nagkaroon kami nito. Sa isang parte ng banging sakop ng nasabing lupa, nilugungan ng lolo namin ang dalawang magkatabing guwang na siyang naging pribadong kuluong ng kanyang pamilya, mga anak niya at mga apo.

 

image of narsmanang bending to get water from the cave

Kahawig ng tubig galing sa kweba ang tubig galing sa kuluong/ narsmanang.wordpress.com

Ang isang butas ng kuluong, kuhanan namin ng tubig panligo at panlaba. Ang kabila naman ay istriktong igiban lang ng tubig-inumin. Sa itaas noon, pirming may nakasabit na tabong gawa sa kawayan. Ang tawag doon ay supak. Ang supak lamang ang maaring gamiting pansalok ng tubig sa kuluong na iyon.

 

Matarik ang daan papunta sa kuluong. 55 degrees ang inclination ng mahigit isandaang metrong lupang babagtasin pababa para maka-igib. Madilim rin ang daraanan papunta roon. Mga huni lamang ng ibon at himig ng kuliglig ang maririnig sa paligid. Habang nagsasalok ng tubig, makakarinig ka ng mga nakakatakot na tunog galing sa malayo. Manaka-naka’y binabasag ang mga iyon ng ingay ng bumabagsak na bunga ng katmon. Na nakakatakot pa rin.

 

image of a rainforest in camiguin, borrowed from mukamo.com

masukal ang paligid ng kuluong/ mukamo.com

 

Di tulad ng pag-igib sa poso, hindi maaring baldeng bakal ang dala sa pag-igib sa kuluong. Ang kailangang lalagyan ng tubig dito ay may mahigpit na takip. Kaya ang gamit namin noon ay plastic containers, mga 5-gallon para sa matatanda at 1-gallon para sa mga bata.

 

Kung matarik at delikado ang pagbaba sa kinalalagyan ng kuluong, maganit at mahirap naman ang pag-akyat. At dahil basa na ang iyong paa at tsinelas sa pag-igib, mataas ang tsansang ikaw ay madulas. Ang siste pa nito, walang permanenteng hagdang batong maaring tuntungan. Manmade footpaths lang talaga ang daanan. Sa mga nakausling bato, ugat ng puno at maliliit na halaman ka lang maaaring mangunyapit – paakyat man o pababa.

 

Pag nasubukan mo nang umigib sa kuluong – na nakababa ka, nakapagpuno ng tubig, tagumpay mong naiuwi iyon nang walang tapon at nakauwi ka nang walang bali ang iyong katawan – masasabi mong walang sinabi ang mga reality challenges at reality shows sa kasalukuyan. Hamon ang pag-iigib ng tubig galing sa kuluong, maski para sa mga sanay.

 

image of ladies climbing mt. apo, borrowed from rosellechua.com

Pang-reality show ang hamong umakyat sa batuhan/ rosellechua.com/mt. apo

 

Trabaho ng mga lalaki sa kabahayan noon ang mag-igib sa kuluong para sa araw-araw na inumin. Kaming mga bata ay required lamang umigib doon pag araw na walang pasok. At, obligado rin kaming doon maglaba at maligo kapag weekends para makabawas man lang nang kaunti sa iigibin sa poso o tunggaan.

 

Sa aming magpi-pinsan, parang trip to the wilds ang pagpunta noon sa kuluong. Halos gubat na ang daraanan, matarik at madulas, madilim at sari-sari ang tunog, posibleng makasalubong ng musang, alamid o ahas at higit sa lahat, anumang oras ay maari kayong madisgrasya. Thrilled na thrilled kami, basta sinabi nang papunta kami sa kuluong.

 

image of callao cave from below, borrowed from panoramio.com

Kahawig nito ang punto de bista pag nasa baba ng agbang, sa may kuluong/panoramio.com/callao cave

 

Maraming beses muna kaming nadulas, nahulog, nagasgasan at nagsungaba bago namin nadiskubre ang art and science ng pag-akyat at pagbaba sa kuluong. Katagalan, na-master din namin. Nagka-karera pa kami – pabilisang makababa, unahang maka-akyat. Sino ang makakababa sa may kuluong nang di kumakapit sa halaman o bato, sino ang makaka-akyat galing doon nang di humihingal.

 

Hindi na gaanong gamit ang kuluong mula nang magkaroon ng water connection sa aming lugar. Marami sa mga batang sumunod sa amin sa pamilya ay di na nakaranas umigib o sumilip man lang sa kuluong. Isang tiyuhin ko na lang ang matiyagang doon pa rin kumukuha ng tubig-inumin hanggang sa ngayon. Ayon sa kanya, mas sariwa pa rin daw ang tubig ng kuluong kumpara sa iba-ibang klase ng purified water na ibinebenta sa kasalukuyan.

 

image of a rainforest creek, borrowed from travel.webshots.com

Sampong metro pababa mula sa kuluong ay may sapa o rainforest creek na hindi buong taong may tubig/ travel.webshots.com

 

 

*Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-18 ng Nobyembre, 2010 para idagdag ang mga larawan sa post.

 

// Nagawang pinal ang artikulong ito salamat sa  inputs ng pangalawa at ng pinakabata kong kapatid.//

 

Pag-iigib ng Tubig

Noong ’80s, wala pang tubig na dumadaloy patungo sa mga lababo at banyo ng mga bahay doon sa amin. Ang mayroon lamang ay mga artesian wells na mas kilala bilang igiban o tunggaan. Sa amin, pag sinabing tutungga, ang ibig sabihin ay magbobomba ng tubig.

Image of children fetching water from a common artesian well in the Philippines

Mahaba lagi ang pila ng mga timba at balde sa igiban sa amin/ d2sacalumpang.wordpress.com

 

Noon, kami ng aking mga kapatid at mga kasabayan ay lumaking laging nag-iigib. Kahit pa sabihing sa mga gawain noon sa bahay at sa bukid, isa sa pinaka-ayaw ko ang pag-iigib. Marami akong dahilan.

cartoon image of a girl fetching water, borrowed from dsguy411.deviantart.com

Hindi madali ang umigib / dsguy411.deviantart. com

Una, mahaba-haba ang lakaran. Mga 500 metro ang layo ng igiban sa bahay namin at ang daraanan pag-iigib ay open fields ng mga palayan at maisan. Gangga-monggo na ang pawis ng iigib, bago pa makarating sa pag-iigiban.

 

Ikalawa, sa igiban ay mahaba rin mismo ang pila. Hindi ito nakapagtataka: may isang artesian well lamang para sa bawat isandaang kabahayan sa aming lugar. Madalas, pagdating mo roon, ikaw ay pang-sampo o pang-labindalawa pa sa pila. Wala ring waiting shed sa igiban. Pare-parehong nakabilad sa init ng araw ang mga umiigib.

 

Ikatlo, ang pagbomba ng tubig mula sa poso ay kainamang ehersisyo kung mga anim na gallon lamang ang iigibin. Pero kung dalawang drum na ang kailangang punuin, tiyak na matapos ang pag-iigib, laglag ang mga balikat ng taga-igib.

 

Ikaapat, kung effort ang mag-bomba o tumungga ng tubig, higit pa sa roon ang hirap pagbibitbit pauwi ng inigib na tubig. Pag dala mo na ang mga punong containers, para bang humahaba ng higit sa normal ang iyong mga kamay at leeg at nararamdaman mo ring parang mas lumalayo ang pagitan ng igiban at ng inyong bahay.

 

image of a rice field in the philippines, borrowed from wn.com

Mainit maglakad sa gitna ng palayan /wn.com/janice

 

Habang dumaraan ka uli sa open fields, habang umaagos ang iyong pawis mula sa ulo, mukha, leeg hanggang sa likuran, doon mo naiintindihan ng husay ang leksyon tungkol sa gravity. Kung noong papunta ay nakukuha mo pang magpasipul-sipol, noong pabalik ay pangiwi-ngiwi na lang ang kaya mong gawin.

 

 

image of a small child fetching water, borrowed from amdcinternational.com

Mahirap magbomba ng tubig / amdcinternational.com

Gaano man kahirap, ang halos lahat doon sa amin ay kailangang umigib – lalaki, babae, matanda man o bata. Kailangan ang tubig para sa pagluluto, paglalaba, paglilinis, panliligo, pagdidilig ng mga halaman at para inumin ng mga alagang hayop. Kung marami kayo sa bahay gaya namin, mas marami ring tubig at byahe ng igib ang kailangan.

 

 

Sa aming pamilya, ang saving grace namin noon ay ang aming kuya. Pinakamarami siyang iniigib. Malakas ang kanyang katawan at wala siyang reklamo sa mga gawain. Nag-iigib siya tuwing gabi at sa umaga bago pa man sumikat ang araw. Kayang-kaya niya ang maraming biyahe.

 

Madilim pa, bitbit na ni kuya  ang dalawang baldeng bilog at ang pingga. Ang mga baldeng gawa sa steel, siyang karaniwang gamit sa pag-iigib ng mga kalalakihan doon sa amin. Ang pingga naman ay lapad na stick, yari sa kinayas na kawayan at may bukong sa magkabilang dulo, kung saan ikinakawit ang hooks ng mga balde.

 

Pag nakikita ko noong dala na ni kuya ang pingga, bilib na bilib ako sa kanya. Sa tingin ko, parang ang lakas-lakas niyang tao.

 

Noong ako ay mag-high school na, sa lunsod na ako tumira. At masasabing maaga kong natakasan ang pag-iigib. Doon ko sa lunsod nalaman – pwede palang magka-tubig sa pamamagitan ng pagpihit lang sa gripo!

 

image of  water flowing from a faucet

Pagpihit sa gripo, may tubig na agad / chronicle.pitt.edu

 

Doon sa amin, maraming nagsasabing kaya raw hindi na sila lumaki ang pangangatawan ay dahil sa pag-iigib. Hindi ko sigurado kung totoo nga ang ganitong claim. Ganoon pa man, ang mga ganoong sabi ay tila patunay na matindi ang sentimiyento ng marami sa hirap ng gawaing pag-iigib.

 

’90s na yata nang magkaroon ng running water doon sa aming lugar. Matapos ang napakaraming taon ng pag-iigib, nagkaroon ng tap water sa mga kabahayan doon sa amin.

 

image of a child drinking from a faucet, borrowed from globalgiving.org

Sa wakas, may water pump na sa lugar / globalgiving.org

 

Bakbakan: Mga Pelikulang Patok sa Baryo

 

Naaalala mo pa ba ang mga pelikula nina Fernando Poe, Jr. at Lito Lapid? Iyong ang bida ay palaging api sa umpisa, pagkatapos ay babawi, lalaban at sa huli -siyang magwawagi? Iyong mga pelikulang ang lead actor ay laging tahimik, gentleman at tagapag-tanggol ng mga naaapi? Oo, iyong ang mga kontrabida ay sa unang tingin mo pa lang, mukhang hindi na gagawa ng mabuti – sina Paquito Diaz, Max Alvarado, Romy Diaz at Bomber Moran? Iyong mga pelikulang maraming habulan, suntukan at barilan. Oo, iyon na nga.

 

sketched images of FPJ, borrowed from fpj-daking.blogspot.com

Larger than life presence of the king of Philippine movies/fpj-daking.blogspot.com

 

Sa kanyang mga pelikula, si FPJ ay laging inilalarawan bilang matipuno, tahimik at maginoong bida. Si Lito Lapid naman ay talagang maliit, maitim at may bigoteng bida – Pinoy na Pinoy, kumbaga. Sa pagkaalaala ko, ang mga pelikula ng dalawang aktor na ito ay laging puno ng bugbugan at mga pantastikong labanan. Sa umpisa, ang karakter na ginaganapan nila ay laging dehado. Sa huli, sila na ang llamado. Sa umpisa, sila ay ipinapahiya at tinutugis. Sa huli, nalilipol nila ang mga masasamang kalaban at itinatanghal sila bilang bayani ng pamayanan.

 

Doon sa amin, kapag dinuru-duro na si FPJ sa pelikula, umpisa na ng aksyon. Naka-pokus na ang atensyon ng lahat sa tv. Ganoon din kapag iginapos na ng kaaway si Lito Lapid… Alam na ng lahat na  magpi-pick up na ang istorya. Ang kasunod na noon – ang paghihiganti ng bida. At sa puntong iyon, kakampi na nila ang mga manonood.

 

Ano ba naman kung patumbahin ng nag-iisang lalaki ang isandosenang haragan sa pamamagitan ng mga rapido niyang suntok? Masayang-masaya ang mga manonood noon sa amin at sinasabayan pa ang kilos ng kanilang idolo. Ano ba naman kung bugbugin ng todo ang bida, pagkatapos ay ipahila pa siya sa kabayo para mapanood ng madla? Alam na ng mga taga-roon sa amin, ang kasunod noon ay ang pagbabalik ng bida sa bahay ng panginoong maylupa – para magpadulas sa makintab na sahig, habang bumabaril. 😉

 

poster of a Lito Lapid movie, borrowed from video48.blogspot.com

Poster na imahe ng pelikula ni Lito Lapid noong ’60s/video48.blogspot.com

 

At ano naman ngayon kung sa mga pelikulang iyon ay may mga lumilikong bala, nahahating bala at balang tumatalbog kapag ang bida ang tinamaan? Mas mabuti nga, para malaman ng mga kaaway na wala silang takas. Ano namang masama kung ang bidang naubusan ng bala ay hahagisan ng dalawang kalibre 45 na mapapaputok niya ng sabay – maski baligtad ang kanyang pagkakasalo? Mas maigi nga, para ilang kalaban agad ang bubulagta. 😉

 

poster image of Lito Lapid as Leon Guerrero, borrowed from video48.blogspot.com

Si Leon Guerrero,’80s, ang tagapag-tanggol ng mga naaapi/video48.blogspot.com

 

Para sa mga taga-amin, hindi usapin kung kapani-paniwala ba ang mga stunts na ginagawa on screen nina FPJ at Lito Lapid. Ang importante, puno ang mga iyon ng aksyon at bakbakang katakut-takot. Ang mahalaga ay mapagtimpi at matiisin ang bida, pero kapag lumaban – mapapaluhod at mapapatumba niya ang lahat. Ang importante ay ang kababaang-loob, sapagkat sa huli,  ang taong mayroon noon ang nananaig at nagtatagumpay. Marahil, ito ang mga dahilan kung bakit – patok na patok doon sa amin – at sa iba pang bahagi ng bansa, ang mga pelikula nina FPJ at Lito Lapid. 🙂

 

image of Lito Lapid, borrowed from tigaslang.blogspot.com

Mapagtimpi pero matapang/tigaslang.blogspot.com

May mga iba pang mga bituing pinapanood sa baryo namin. Sina Joseph Estrada, Ramon Revilla Sr., Tony Ferrer, Jess Lapid, Jr., Dante Varona, Jun Aristorenas, Ramon Zamora at Zaldy Zshornack ay marami ring taga-subaybay. Sa mga dramatic actors naman,  marami ring tagahanga sina Rudy Fernandez, Phillip Salvador, Christopher de Leon at Dindo Fernando.

 

image of FPJ by the sea, borrowed from pep.ph

Tagapag-tanggol, kasama, kaibigan at idolo/pep.ph

Pero walang makakatalo sa hatak nina FPJ at Lito Lapid sa mga taga-roon sa amin. Para sa mga kababaryo ko, sila talaga ang mga artista at idolong walang katulad.

 

Sa aming pamilya, ang nanay namin ang masugid na tagahanga ng dalawa. Mula noong maliliit pa kaming magkakapatid, hanggang sa magkabait na, lambing na ng Inay sa mga anak na samahan siyang manood sa telebisyon ng mga pelikula nina FPJ at Lito Lapid. At kahit sabihin pang wala naman sa aming die-hard fan ng dalawa, agad naming pinagbibigyan ang aming ina. Saan ka pa, iyon na ang pagkakataon para maka-score ng ganda o pogi points sa aming nanay. 😉

 

poster image of the film, Sutlang Bakal, borrowed from fpj-daking.blogspot.com

Kalaban ng mga bandido/fpj-daking.blogspot.com

 

poster image of the film, Leon Marahas, borrowed from fpj-daking.blogspot.com

Kalaban ng mga sundalong Hapon/fpj-daking.blogspot.com

poster image of the film, Asedillo, borrowed from pep.ph

Isang gurong naging rebelde dito si FPJ/pep.ph

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

poster image of Alakdang Gubat, borrowed from fpj-daking.blogspot.com

Mabangis dito ang hari/fpj-daking.blogspot.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

poster image of the film, Partida, borrowed from wowpinoytvko.yolasite.com

Istilo ni Rambo ang pakikipaglaban/ wowpinoytvko.yolasite.com

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-22 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.  Maraming salamat sa mga site na pinaghalawan.

 

Sinsay Muna At Makapagkape!

image of neighbors talking, borrowed from cedoburlington.org

Kumustahan tungkol sa buhay-buhay/ cedoburlington.org

Doon sa amin, pag may napadaang kakilala sa tapat ng bahay, agad siyang binabati ng maybahay ng mga katagang ‘Sinsay muna at makapagkape.’ Ang kakilalang iyon ay maaaring kamag-anak, kaibigan o sadyang kakilala lamang.

 

Ang sinsay ay salitang ang ibig sabihin ay lumiko o dumaan. Sa ingles, ang pakahulugan ng sinsay ay to make a turn. Ang pag-aayang dumaan ay isang kaswal na imbitasyong maaring pagbigyan o tanggihan ng inaalok.

 

Ang pag-aayang magkape ay totoo. Talagang laging may nakasalang na kumukulong barakong kape sa mga kalan ng mga bahay-bahay sa amin. Totoo ring magaan sa loob itong ibinabahagi ng may-ari ng bahay sa mga may nais. Kapag sinuswerte ang dumaang inalok, baka ang kape ay may kasama pang tinapay.

 

Kapag tinanggap ng dumadaan ang alok na suminsay, ang pagkakape ay umpisa na ng kwentuhan sa pagitan ng maybahay at kanyang bisita. Marami silang maaring maging paksa – mula sa mga pang-araw-araw na buhay hanggang sa malalaking hamong kinakaharap ng kani-kanilang pamilya. Ang huntahan nila ay maaring tumagal mula sa labinlimang minuto hanggang sa kalahating araw.

 

image of neighbors having coffee, borrowed from joyerickson.wordpress.com

Kape at kwentuhan/ joyerickson.wordpress.com

 

Sa mga pagkakataong tinatanggihan ang alok na magkape, ang inaalok ay nangangakong babalik sa isang araw, kapag hindi siya nagmamadali.  Sa kabilang banda, ang maybahay na nag-aalok ay hindi offended. Bagkus, gracious niyang ise-send off ang dumaan sa kanyang pupuntahan, batid ang pagkaalam na isang araw nga, ang inalok ay babalik.  Pagdating ng pagkakataong iyon,  ang dumadayong magkape ay karaniwang may bitbit na kakanin.

 

Hindi ko nakikita rito sa malaking lungsod ang tipo ng open hospitality na mayroon sa lugar namin. Dito, karaniwang by appointment ang pagbisita ng kamag-anak, kaibigan o kakilala. Hindi maaaring basta-basta mag-drop by ang  isang kakilala sa bahay ng isa pa para makipag-kape at makipag-kwentuhan. Unti-unti, nabatid ko ang kaibahan ng personal na relasyon at galaw ng buhay sa baryo kumpara sa malaking lungsod.

 

Hanggang sa ngayon, uso pa rin sa aming lugar ang mag-alok sa dumaraang suminsay at magkape. Pero napansin ko ring nitong mga huling taon, instant coffee na ang inaalok na inumin sa bisita. Bibihira na ang bahay na may pirming nakasalang na barakong kape.

 

image of a cup of hot coffee

Magkape ka muna/ newyorkette. com

 

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-20 ng Nobyembre para idagdag ang mga larawan.

 

Ang Tag-kabute

image of a mushroom plant, borrowed from mongabay.com

tumutubo ang kabute kapag basa ang paligid/ mongabay.com

 

Hulyo kung mag-umpisa ang tag-kabute sa lugar namin. Kapag nagsimula nang mag-ulanan, umpisa na rin ng pagtubo ng kabute.

 

Wala akong kakilalang nagku-culture ng kabute doon sa amin. Inaantay at hinahayaan lang talaga silang tumubo. Saka aanihin. o, puputihin, ‘ika nga sa amin.

 

Agosto ang pinakamagandang panahon para mangabute. Noong bata pa kami, itinataon namin kapag weekends. Kung umulan nang malakas nang Biyernes ng gabi, malamang ay maraming kabuting susuloy kinabukasan.

 

Kaya pagdating ng Sabado, maaaga kaming magsisigising. Bago pa man sumikat ang araw, habang nangangaligkig pa sa ginaw, una-unahan na kaming magkakapatid makapag-suot ng jacket at makapaghanda para sa mahaba-haba at exciting na trek.

 

image of fungi mushrooms on growing trees, borrowed from mongabay.com

tumutubo rin sa matatanda at buhay pang puno/ mongabay.com

Sama-sama naming pupuntahan ang mga gulod, mga kalapit na gubat at pati mga patuto. Sa mga lugar na iyon masipag magsitubo ang mga kabute. Masarap maghanap, masarap maglakad. Kahit pa sabihing madalas-dalas, ikaw ay matatakid o madudulas.

 

Pag nangangabute, kailangang ikaw ay matiyaga at mapagmasid. Buong ingat mong aangatin ang mga tuyong dahon ng niyog o saging na nakahandusay. Susuriin mo ang mga bitak at umbok sa lupa. At kapag ikaw ay sinuswerte, malamang na makikita mo roon ang mga mumunting payong.

 

image of mushrooms on decaying log, borrowed from mongabay.com

mga kabuteng tumutubo sa nabubulok na kahoy/mongabay.com

 

Masa-masa pa ang marami sa kanila, mapipintog at masiglang nag-iinat, kapag nadiskubre mo. Kagabi lang sila tumubo, habang kumukulog. Madaling araw nang sila ay magsilakihan. Pagkatapos, heto na ang mangangabuteng tulad mong handa na agad silang putihin.

 

Noong maliliit pa kami, paligsahan kung sino ang may pinakamaraming mai-uuwing kabute. Palagi ako noong talo. Madalas, iyong isa kong kapatid ang wagi. Isang tingin pa lang niya sa lupa, alam na niya kung may kabute doon o wala. Tapos, ang tatay namin. Ilan lang ang nakukuha niya, tatlo o apat na kabute. Pero iyon ang pinakamalalaki at pinakamalalapad. Sinlalaki ng platito.

 

 

 

image of a giant mushroom, borrowed from varbak.com

larawan ng higanteng puting kabute/varbak.com

 

Pag-uwi namin sa bahay, yabangan na. Hindi lang paramihan ng nakuha. Pagandahan rin ng kwento kung paano nadiskubre ang kabute sa pagtatago, kung paano hinukay at kung gaano kaingat hinawakan ang kabute para maiuwi nang buo pa.

 

Limang klase ng kabute  ang alam kong tumutubo sa lugar namin. Una, ang kabuteng nakakalason. Madali lang itong malaman: kapag itim ang kulay ng ilalim o kisame nito. Ikalawa, ang kabuteng puting maliliit. Ito ay kulay puti, maliliit at tumutubong parang pumpon ng bulaklak sa katawan at mga sanga ng nabubulok na kahoy. Ikatlo ay ang kabuteng tengang-daga. Kahawig talaga ito ng tenga ng daga, maaaring ipansahog sa pagkaing ginisa ngunit di ito gaanong gusto ng mga tao sa lugar namin.

 

image of straw mushrooms, borrowed from b2bagri.com

imahe ng kabuteng mamarang/b2bagri.com/straw mushroom

 

Ang ikaapat ay ang mamarang. Ang mamarang na kabute ay dark brown, medyo maliliit na pabilog at tabi-tabi kung tumubo. Tila sila mga mumunting nipa huts. Ang panghuli ay ang karaniwang kabute. Kulay cream ito. May pagka-mestisa, kumbaga. Malalaki at masisigla ang pagtubo nito. Kung minsan, mayroon nitong sinlaki ng pinggan ang diameter.

 

Sa mga mushroom hunt namin noon, ang mamarang at ang karaniwang kabute ang madalas naming hinahanap. Noong mapunta na ako sa Maynila, hinanap ko sila sa mga palengke at supermarket doon. Gaya ng dapat asahan, di ko sila nakita. Ang uso pala sa malaking lungsod ay pinatuyong kabute, iba-ibang klase.

 

image of dried shitake mushroom, borrowed from thaisquid.com

imahe ng pinatuyong kabuteng shitake/thaisquid.com

 

Mahigit dalawampong taon na mula nang huli akong naghukay ng kabute sa lupa. Natitikman ko na lang ang kabute sa mga pagkaing lutong restawran  o di kaya ay sa mushroom burger. Pero hanggang ngayon, basta tag-bagyo na, hindi ko nalilimutan ang amoy ng bagong-aning kabuteng pinakuluan sa tubig na maraming bawang at sinahugan ng talbos ng kamote.

 

whole button mushroom cooked in coconut milk/connie veneracion

whole button mushroom, isang lutuin sa lungsod/homecookingrocks.com

 

Habang sa imahinasyon ko ay pumapailanlang ang amoy ng nilulutong kabute, bumabalik sa alaala ko ang samyo at saya ng tag-ulan sa bukid.

 

*Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika -15 ng Nobyembre upang idagdag ang mga larawan at para iwasto ang impormasyon sa ikasampo at ika-11 talata, tungkol sa bilang at uri ng kabuteng matatagpuan doon sa amin.