Archive for Disyembre, 2010

Salubong

 

Malakas ang putok ng kanyong gawa sa kawayan. Hindi rin ito nakakasugat o nakakasakit sa mga nagpapaputok o sa dumaraan. Medyo mausok paputukin, kung minsan. At, may kahirapang gawin.

 

Image of a young man blowing through the hole of a bamboo canon

Gas na kerosene o kalburo ang panggatong sa kanyong kawayan/ demotix.com

 

Sikat sa amin noong early ‘80s ang mga kanyong yari sa kawayan at gawa lamang sa bahay. Dahil nga liblib ang aming lugar, kakaunti lang ang nakakabili roon ng mga paputok galing sa Bulacan o Divisoria.

Limang araw bago sumapit ang bagong taon, ang mga kalalakihan sa amin ay pumupunta na sa agbang o sa gubat para pumutol ng magulang na puno ng kawayan. Pagkatapos, ang katawan ng kawayang apat hanggang limang talampakan ang haba ay kanilang ibibilad. Maghahanap rin sila ng mga tirang kalburo o calcium carbide na  pang-abono sa pananim na siya ngayong gagamiting pambala ng nasabing paputok. Kung wala, bibili sa bayan. Maari rin namang gaas na kerosene ang gamitin.

 

image of dried bamboos, borrowed from t0.gstatic.com

Malalaki’t mabibilog /bikudo.com

Matapos patuyuin ang kawayan ng dalawa o tatlong araw, kakayasin ang balat nito. Bubutasin din ang mga bukong sa loob para may daanan ang hangin. Pagkatapos, gagawan ng butas ang kawayan sa bandang ibaba, malapit sa base. Ang butas na iyon ang siyang sindihan ng kanyon at hihipan rin, sakaling may abo o usok na nakabara sa lagusan ng hangin nito. Ang kawayan ay nagsisilbing projectile ng kalburong siya naman talagang pinapaputok.

 

Sa ika-30 ng Disyembre, umpisa na ng testing ng pagpapaputok. Lalagyan na ng binasang kalburo ang loob ng kanyon. Ihuhulog iyon sa loob ng katawan ng kawayan hanggang sa lumapat sa pinakababa o base. Pagkatapos, ang kawayan ay isasandal sa malaki-laking bato o  nakatumbang  puno. Sisindihan.

 

Image of a man in a remote area setting a bamboo cannon on fire

Maliwanag ang apoy na lumalabas sa bibig ng kanyong kawayan, gumuguhit sa dilim ng bagong taon/ forum.lowyat.net

 

Sa umpisa, mahina at uubu-ubo ang putok ng kanyon. Kalaunan, palakas iyon nang palakas. Unti-unti, makakatawag ng atensyon ang ingay niyon. Maglalapitan sa mga kabataang nagpapaputok ang mga matatandang kalalakihan. Titingnan nila ang pagkakagawa ng device, magbibigay ng payo tungkol sa timpla ng kalburo o sa pagkakasandal ng kawayan. Maya-maya pa, maglalapitan rin para maki-usyuso ang mga batang nasa malalayo. Makikisubok sa pagsindi ng kanyon.

 

image of innocent young girls, borrowed from mananquil.com

Mapapalingon ka pag narinig mo ang mga putok /mananquil.com

 

Tuyong sanga ng kahoy ang isinisindi sa gasera na siya namang ipansisindi sa kanyon. Pagkasindi, lalayo nang kaunti ang mga nagpapaputok. Ang mga bata ay uurong at magtatakip ng tenga. Ilang segundo muna ang lilipas. Magtatagpo at magpapanghamok ang init ng apoy at ang kemikal sa loob ng kawayan bago mabilis na aakyat sa lagusang palabas. Boom! Ka-boom!


image of children lighting bamboo cannon, borrowed from t2.gstatic.com

Masaya at maingay ang magpaputok /mananquil.com

 

Pag nagsasagutan na ang mga putok sa mga bakuran at pag ang mga tunog ng kanyon ay ibinabato na sa langit, parang naglalapit ang sambahayang magkakalayo. Ganoon kasi sa amin noon. Ang bahayan ay naka-umpok ng tatlo o apat na bahay bago ang sunod na kapitbahay na ay mga 500 metro ang layo. Isang umpok rin iyon ng tatlo o apat na bahayan. Ang kasunod naman ay ganoon din. Magkakalayo ang bahay-bahay, pero dahil sa malakas na tunog ng kanyon, parang lumalapit…

 

Medyo madilim ang langit sa bandang amin sa bisperas ng bagong taon. Kakaunti rin ang mga bituin sa panahong iyon. Pero, dahil sa mga nagpuputukang kanyon, makakakita ka ng mumunting dilaw at pulang liwanag sa malabong ulap. Para lang silang mga kwitis, pumapaimbulog pataas at palayo. Nanggugulat sa mga tagaroon at bumabati.

 

image of dark sky dotted by fireworks, borrowed from t1.gstatic.com

Mga kislap sa gabing madilim /flickr.com

 

Ubod rin ng ginaw ang gabing iyon.  Karaniwan sa aming pag bisperas, may apoy sa labas ng bahay o bonfire bilang pagsalubong sa padating. Para bagang ang sigang iyon ay katerno ng mga kanyong kawayang nasa bakuran at pinapaputok ng salitan.

 

image of a bonfire, borrowed from t1.gstatic.com

Masarap magpa-init sa paligid nito /flickr.com

Sa gabi bago ang unang araw ng sunod na taon,  ang mga bata ay pinapayagang mag-torotot sa labas at manood sa pagpapaputok ng kanyon. Limang minuto pagkapagpalit ng taon, ang lahat ay papasok sa bahay para sama-samang kainin ang munting handa. Karaniwang ang pinagsasaluhan ay pansit, tasty bread, adobong baboy at halayang ube.

 

image of haleyang ube in a pan, borrowed from t3.gstatic.com

Paulit-ulit hinahalo /mrsrustysdelight.multiply.com

 

Masasaya ang mga taong nagpapaputok at sumasalubong sa bagong taon doon sa amin. Kahit sabihin pang anong tapang ng amoy ng kalburo at nakakakabog ng dibdib ang putok ng kanyong kawayan.

 

Naabutan mo pa ba ang kanyong kawayan sa bagong taon?

 

image of bamboo fireworks, borrowed from t0.gstatic.com

 

Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog?

image of a thinking man

Philosophers at pilosopo, nangangahas magsalita sa madla/ t1.gstatic.com

 

Ito ang napurbitso kong mga sagot sa makulit at nakakainis na tanong, dala ng kasisilip ko sa About page ng blogs ng may blog. Inihilera ko lang, wala talagang pagkakasunud-sunod:


  • Wala lang. Ows?…

 

  • Eh, sa wala akong magawa. Gano’n?

 

  • Naiinip ako at naghahanap ng damay. Hindi bawal ‘yan.

 

  • Sa gusto ko, may paki ka? Sabi ko rin nga…

 

  • May gusto akong sabihin, di ko pa nga lang alam kung ano. Hala!

 

  • Isa sa mga nakaligtaan kong talents ang pagsusulat. Naks!

 

  • Gusto kong ipakitang may sense rin ako paminsan-minsan. Hindi ko na huhulaan ang keyword…

 

  • Basta, isusulat ko rito ang gusto ko. Go!

 

  • Bakit, productive din naman ang magsulat ng mga karanasan, ah? Naman.

 

  • Marami akong pwedeng i-share…Talaga lang.

 

  • Para di natin malimutan ang ibang bagay na mahahalaga rin. Tulad ng…?

 

  • Pwede ako ritong sumigaw ng walang nakakarinig. Ayos sa trip…

 

  • Multiple personality ako. Dito ko bibigyang-laya ang iba-ibang bersyon ng ako. Good luck naman…

 

  • Gagawin kong malikot at makulay ang mundo ko rito. Sabagay…

 

  • Alam naman ng mga kakilala kong madaldal akong tao. Underscoring, bale…

 

  • Tahimik talaga ako sa totoong buhay. Asus, ‘yon naman pala…

 

  • Masaya kaya? Sino? Ang alin?

 

  • Hindi na pinag-uusapan ‘yan. Write ka lang ng write. Siyanga naman…

 

image of possible blogging topics, borrowed from t0.gstatic.com

Sino ang magsasabi kung alin ang dapat i-blog at ang hindi? /nonformality.org

 

Bato-bato sa langit, tamaa’y huwag magagalit… 🙂

 

Maligayang Pasko, mga ka-blog!


Huling Araw ng Pasok

 

Last day sa opisina, ganito ang scenario – andaming late. Mas marami ang absent, ginamit ang leave. Marami rin ang pumasok lang, pero lalabas rin naman maya-maya…

 

image of a christmas tree in the office, borrowed from t2.gstatic.com

Sa hallway, may nagpapaalaala /sabrina.sg

Individually and as a group, na-realize na ang dami pa palang di tapos na trabaho. Kung kelan pa naman magtatapos na ang taon… Pero, dating tugtugin na ‘to. Saka, mahirap nang magsisihan, magpa-pasko pa naman. So, ayon, mabait lahat sa isa’t isa. Kanya-kanyang binubutingting, kanya-kanyang inaasikaso.

May mga pumasok na dala-dala ang anak. Yong iba, dalawa o tatlong anak. May nagpi-PSP. May nag-i-inspeksyon ng flower vase. ‘Yong isa, ibinabato ang stapler. Bihis na bihis ang mga bata. Malalakas pa ang mga baterya.

 

Medyo nakakainis kasi, may dumarating pang mga tawag sa telepono. Last minute follow-ups, nakikiusap. Baka raw naman pwedeng bago mag-pasko… Pero hindi ka pa nagtataray, nakukulitan lang. Paano ba naman kasi, busy ka sa pag-aayos ng mga resibo’t anik-anik sa desk mo.

Ang iba mong ka-opisina, dating gawi – plants versus zombies pa rin. Siyempre, hindi nawawalan ng nagpi-facebook. Kailangang ma-send ng Christmas greetings ang online friends. Meron namang mga nagbabalot pa ng regalo, maski tapos na ang office Christmas party. Ilan na ang lumabas dahil may mga hahabulin pa raw pansahog para sa Noche Buena. May ibang nagpapasyal ng mga anak sa malapit na mall.

 

image of posts suddenly vacated, borrowed from t0.gstatic.com
Isa-isang nawawala ang mga naka-pwesto /cosmicdiary.org

 

Eto pa. Marami pang dumarating – sulat, bills, mga nangongolekta ng tseke at meron pang personal follow-ups. Gustung-gusto mo pa namang mapunasan na ang desk mo dahil ‘yong kabilang desk, banda roon, kahapon pa sinop na sinop. Naunahan ka pa e, ikaw itong nag-umpisa ng linisan ng teritoryo.

Maya-maya, may mga lumapit sa ‘yo, mga taga-kabilang department na nagtatanong ng extrang Christmas wrapper o recyclable paper bag. So, binigyan mo. ‘Yon nga lang, medyo nagulo na naman ang iyong mga inayos sa paghugot mo ng pambalot. Gusto mo nang mag-lunch, pasado ala-una na pala. Nakakalibang rin naman ang pagbi-busy-bisihan…

 

image of a christmas wrapper, borrowed from t2.gstatic.com

Nagkaka-ubusan bago ang pasko. Sobra naman pagkatapos /freeprintable.com

 

Biglang tumawag si Boss, nasa labas. Pakipadala raw sa kanya, sa ganitong restaurant, ang panregalo nyang ando’n sa tabi ng fax machine. E, di tinawag mo si messenger, binigyan ng instruction. Ang kaso, hindi na raw nya bibitbitin ang kanyang si Junior. Iiwan na lang daw muna sa ‘yo. Ayos.

Hindi umiimik sa ‘yo ang bata, numanakaw-nakaw lang ng tingin. Tinanong mo kung kumain na sya. Umiling. Sabagay, di ka pa rin kumakain. Tawag ka ngayon sa Jollibee. Mamaya pa raw sila makakapag-deliver. Asus. Sinubukan mo ang ibang fastfood, wala ring swerte. Inaya mo na lang ang bata sa canteen. Kaso, halos ubos na ang mga ulam. Pang-meryenda na raw ang meron. Tinanong mo si Junior kung gusto nya ng palabok. Ang dami ng iling na nakuha mo. Spaghetti raw. Naman, bata e.

 

Bago ka pa natuyuan ng dugo, naisip mong tanungin si Manang Cook kung may chicken leg silang pwedeng lutuin nang mabilis. Meron, pumayag. So, habang umiinom kayo ni Junior ng juice, pumayag na rin syang magpa-interview sa ‘yo. May bago raw syang laruan, bigay ng Tita nya. Andoon daw sa kanila ang kanyang Lola kaya di nila kasama ngayon si Mama. Dadaaan daw sila ni Papa mamaya sa mall, bibili ng medyas.

 

Image of a chicken employee sitting before a clean desk

Ang malinis na mesa raw ay patunay ng pagiging masinop/ savagechickens.com

Bago mo na-congratulate ang sarili mo sa ‘yong interviewing skills, dumating na si fried chicken at ang ipinaiinit mong ulam. Nang makapag-umpisa na kayong kumain, bumalik na si Junior sa zip mode. Ayos lang sa ‘yo. Medyo nakapag-isip ka ng konti. Idi-dispatsa mo na ang lalagyan ng CDng pampasikip lang sa ‘yong cubicle…

 

Pagkabalik nyo sa office, naglaro nang mag-isa si Dayunyor. Natapos mo na ang ‘yong linisin. Ipinatong mo na sa desk ang bagong calendar. Hah, 2011. Mayamaya pa, bumalik na si messenger. Bilin daw ni Boss, magsi-uwian nang maaga. Alas-tres, pwede na. Tiyakin lang daw na natanggal ang plugs, napatay ang tubig, alisin ang mga kahong nakaharang sa may pintuan at siguruhing walang lalanggamin. Ini-relay nyo ni messenger ang bilin sa mga kaopisina…

 

Image of a clean office desk in an open office set-up

Kaligayahan na ang malinis na mesa/ mobile-wallpapers.feedio.net

 

Ang bilis ng response, nagpatayan na agad ang mga tao ng kani-kanilang computer. Nagsipag-ayusan na ng bags. Nagtanungan na ng sinong sasabay kanino. Dinaanan ka ng mga kabarkada mo, magkape raw kayo sa labas ngayong last day. Nag-pass ka. May isang mas malaking grupo, nag-aaya, bowling raw sa Galleria tapos inuman. Pass ka pa rin.

 

Sa totoo lang, gusto mo na ring makauwi agad. Magwi-withdraw ka pa sa ATM sa baba. Sa bahay, marami-rami ka pa ring babalutin.

 

Ba’t nga ba parang laging naghahabol ang mga tao pag pasko?


Baka Sakali

image of young chickens in the backyard, borrowed from t0.gstatic.com

Hindi sila mahirap alagaan/abc.net.au

 

Sa amin, may mangilan-ngilang pamilyang may malalaking manukan at babuyan. Pero, higit na marami sa mga taga-roon ang may alagang ilang ulo lang ng manok at baboy sa bakuran. Sila ang mga binabanggit kong may mararami ring tanim na gulay at halaman sa paligid ng bahay. Kadalasan noon sa amin, ang isang kabahayan ay may alagang lima hanggang isang dosenang manok na nangingitlog. Karaniwan din dati, ang mga magtatanim o magsasaka roon ay may alagang dalawa hanggang limang baboy sa kani-kanilang bakuran.

 

image of chickens foraging for food, borrowed from t2.gstatic.com

Maghapon silang naghahanap ng matutuka /ruffledfeathersandspilledmilk.com

 

Pag araw, ang mga manok ay gumagala lamang sa loob ng bakuran. Tinutuka nila ang bawat masinong pagkain, pati maliliit na bato. Sa umaga at sa hapon, hinahagisan sila ng maybahay ng mga tirang kanin, sapal ng niyog o ng mga durog na butil ng mais. Pagsapit naman ng takip-silim, sila ay humuhimpil sa kanilang mga pugad. Ang pugad ay gawa sa nilalang kawayang tila basket at may sapin sa loob na mga dayami. Doon iniluluwal ng mga manok na inahin ang kanilang mga itlog. Doon din nila nililimliman ang mga iyon ng kung ilang araw, hanggang sa ang mga itlog ay maging ganap na mga sisiw.

 

image of fresh chicken eggs, borrowed from t1.gstatic.com

Dumarami rin pag pinagsama-sama/offtheurbangrid.com

Ang mga alagang manok ay default source ng pang-ulam ng mga tao sa amin. Ang mga itlog ng dalawa sa alagang inahing manok ay para sa konsumo ng nag-aalaga at kanyang pamilya. Ang ibang manok naman, ang mga itlog ay iniipon para ipagbili. Karaniwan din pala sa aming pag nagkakabisita, ang panauhin ay hinahainan ng maybahay ng tinolang manok o sinuam na itlog. Anupa at galing iyong munting handa sa mga manok na naroroon sa likod-bahay.

 

Ang mga alagang baboy sa amin ay nakakulong sa kwadradong istrukturang nasa loob din ng bakuran. Karaniwang gawa iyon sa semento, kahoy at yero at may katabing daluyan ng dumi. Ang tawag sa amin doon ay kural o pigsty. Mga labindalawang metro mula sa bahay ang karaniwang layo ng kural para di gaanong maamoy ang dumi nitong mga hayop.

 

image of pigs inside the pigsty, borrowed from t2.gstatic.com

Mabibilis silang magsilakihan /article.wn.com

 

Ang mga baboy ay pinapakain ng dalawang beses sa maghapon. Maaring ang pakain sa kanila ay kombinasyon ng darak at nilagang laman ng gabi. Kung may badyet naman ang nag-aalaga, at pag gusto ring maibenta nang mabigat ang timbang ng baboy, ang pakain sa kanila ay ang nabibiling livestock feeds. Pinaiinom din sila ng tubig tatlong beses isang araw. Araw-araw naman ang pagpapaligo sa kanila, pati ang paglilinis ng kanilang kulungan.

 

Ang isa sa mga alagang baboy ay kadalasang naka-reserba sa handaan – para sa pista o sa pagtatapos ng anak.Ang dalawa naman ay pinapalaki bilang inahin o paanaking baboy. Pagkalabas ng kanilang mga biik, ipinagbibili ang mga iyon bilang alagain o piglet. Ang iba pang baboy ay pinapalaki naman para katayin at ibenta ang karne ng por kilo sa mga kahanggan o kapitbahay. Ang pagbebenta ng biik at pagkakatay ay para maragdagan ang salapi ng pamilya at makaagapay sa mga gastusin. Mahalaga ang dagdag na kita mula sa pag-aalaga ng hayop sa amin, lalo na sa panahong walang ani.

 

sketched image of pig to be slaughtered, borrowed from /t1.gstatic.com

Pana-panahong may katayan sa amin /ifood.tv

image of piglets, borrowed from t2.gstatic.com

Ibinebenta sila para palakihin din /zimbio.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Sabi ko nga, ang animal husbandry ay regular feature ng mga bakuran doon sa amin. Pero sa karamihan, hindi sa scale na malakihan o mass production. Maliitan ang pag-aalaga ng mga hayop para sa pansariling konsumo at sa limitadong antas, para pambenta sa komunidad mismo. Malayo ang lugar namin noon sa pamilihan. Isa pa, wala ring gasinong pera ang mga tao sa amin para regular na makabili ng karne. Kahit pa halos lahat doon ay may alagang hayop, isang beses kada dalawang buwan kung makakain ng karne ang mga taga-amin. Madalas na iyon, kung tutuusin.

 

Supplemental source of income ang mga alagang hayop sa mga nasa liblib na lugar na bihirang dalawin at ikutan ng pera. Ang siste nga, backyard farming of animals ang laganap. Noong ‘80s, ilan lamang sa amin ang may kakayanan at naglalakas-loob mamuhunan at gumamit ng teknolohiya para sa large-scale, industrial poultry and hog-raising. Sa panahon ding iyon, wala pang maayos na kalsada. Pahirapan pa ang paglalabas sa baryo ng mga produktong pambenta. Papunta mang bayan o lungsod.

 

image of a jeepney filled to the brim, borrowed from t0.gstatic.com

Papunta at pabalik, umaapaw /theinfomine.com

 

May ilan lang noong nag-aalaga ng mga pato at itik doon sa amin. Kailangan daw kasi ng mga ibong ito ng sariling lupang lakaran at tukaan ng pagkain. Naninira rin daw sila ng mga pananim kaya hindi paborableng alagaan sila sa komunidad na taniman. Isa pa, wala ring pagkukuhanan sa amin ng mga pinong susong  paboritong kainin ng mga pato at itik. Kung may ilan mang nag-aalaga sa kanila roon sa amin, kadalasan iyon ay bilang pets lamang.

 

Noon, may ilan-ilan ring nag-aalaga ng mga kambing sa aming nayon. Pero, ang mga may-ari noon, hirap i-sustina ang kanilang mga alaga. Kakaunti na noon pa ang mga bakanteng lupa sa aming maaring patubuan lamang ng damo para sa mga hayop. Ang mga may alagang kambing ay obligadong ipastol sila sa gawing gubat at bundok para roon manginain ng sariwang damo.

 

image of goats grazing by the slopes, borrowed from t0.gstatic.com

Kailangan silang ipastol /article.wn.com

 

Sa amin, walang nag-aalaga ng kalabaw. Hindi raw angkop ang klima ng aming lugar para sa kanila. Wala roon sa aming tubigan at ilog na maaaring pag-lubluban ng mga hayop na ito pag sila ay naiinitan. Sampong taon na yata ako nang una akong makakita ng totoong kalabaw – buhay at malapitan. Bago iyon, kilala ko lamang ang ating pambansang hayop sa mga larawan nito sa libro at sa mga lumang pelikula nina Gloria Romero at Luis Gonzales na palabas sa telebisyon. Ang karaniwang katuwang ng mga magsasaka sa amin ay ang hayop na baka.

 

image of a cow grazing, borrowed from t2.gstatic.com

Malaking klase ng hayop /wn.com

 

Mahirap daw mag-alaga ng baka, sabi ng mga nakaranas ng gawaing iyon. Malaking hayop ang baka at maraming kailangan para ito ay maalagaan nang husay, lalo pa kung gamit sa sakahan. Marami-rami pa noong mga taniman ng palay at mais sa amin kaya, marami pa rin ang may mga baka. Dahil ang mga hayop na ito ay mababagal lumakad, hindi praktikal na dalahin sila sa gubat para roon manginain ng damo. Hindi rin naman sila maaring iwan sa mga dahilig ng bundok dahil baka manakaw. Ang ginagawa ng mga taga-amin, ipinangungumpay ng damo ang mga alagang baka.

 

image of women on the way home from gathering grass, borrowed from t1.gstatic.com

Bitbit sa likod ang ginapas na damo para sa hayop /article.wn.com

 

Maagang-maaga pa lang, ang isang anak ng magsasaka ay may bitbit nang kaing sa likod para pumunta sa gubat at doon mangumpay ng damo. Inaabot ng dalawang oras ang pangungumpay, kasama na ang pagpunta at pagbalik sa kumpayan. Kailangan ding igiban ng maraming tubig ang mga baka. Dalawa hanggang tatlong timba ng tubig ang iniinom ng hayop na ito. Mga apat hanggang anim na baldeng tubig naman ang kailangan para sa paligo ng isang baka pa lang.

 

Kung iisipin, hindi biro ang mag-alaga ng baka. Libong piso na ang puhunan sa pagbili ng bisirong baka, high maintenance pang alagaan. Sa lugar naming pahirapan sa damo at sa tubig, sakripisyong maliwanag ang mag-alaga sa kanila. Pero, marami nga sa amin noon ang may alagang baka. Alinman sa para sila ay katulungin sa pagtatanim sa bukid o, kaya ay para palakihin bilang hayop na pambenta.

 

image of a farmer and his cow walking, borrowed from t3.gstatic.com

Dapat laging may bantay ang hayop na ito /travbuddy.com

 

Sakaling ang mga alagang baka ay hindi manakaw, sakaling hindi sila magkasakit – ang kita mula sa matagalang pagpapalaki sa kanila noon ay nakalaan para sa mga nag-aaral na anak. Kung sa pamilya ng magtatanim ay may anak na makatapos ng pag-aaral, baka sakaling maiba-iba ang buhay ng mag-anak.

 

image of a child and cows, borrowed from t3.gstatic.com

Maraming oras ang kinakain ng pagpapastol sa kanila /jpgmag.com

 

Kung may alagang baka, kahit paano, baka sakali…


Please see:

 

For raising chickens:

http://ldc.da.gov.ph/pdf_files/Brochures/poultry1.pdf

http://www.mixph.com/2006/04/chicken-poultry-raising.html

http://www.pinoybisnes.com/livestock-business/poultry-raising-guide/

 

For raising pigs:

http://www.da.gov.ph/dawebsite/swine.pdf

http://pinoyagribusiness.com/forum/swine/proper_feeding-t137.0.html

http://www.lrrd.org/lrrd15/6/fani156.htm

http://www.bar.gov.ph/news/native_swine.asp

 

For raising cows:

http://www.bar.gov.ph/agfishtech/livestock/cattleproduction.asp

http://hubpages.com/hub/Raising-Cattle-in-the-Philippines

http://ldc.da.gov.ph/pdf_files/Brochures/backyard-cattle.pdf

http://pinoyagribusiness.com/forum/backyard_cattle_raising

http://www.fao.org/Ag/agp/agpc/doc/publicat/GRASSLAN/97.pdf

 

* Huling binago ni DPSA noong ika-21 ng Enero para palitan ang salitang seashells ng katagang mga pinong suso.

 

Kahit Munti

image of a nipa hut

Ang mga bahay sa amin noong 70s ay karaniwang yari sa kubo/ t2.gstatic.com

Ang una naming bahay ay isang bahay-kubo. Naroon iyon sa tabing kalsada ng nayon, sa gawing ilaya. Pag-aari iyon ng mag-asawang taga-ibabang malapit na kamag-anak ng aming lolo. Nakitira lamang kami noon, kumbaga. Sa pagkaka-alam ko, ang bahay-kubong iyon ay ipinatayo ng mag-asawang matanda para pahingahan nila pag sila ay gumagawa sa kanilang lupa.

 

Ang sabi, wala raw kami noong matirahan kaya pinayagan nila ang aming pamilyang doon tumigil sa loob ng maraming taon. Kailangan din naman daw ng mag-asawa ng titingin-tingin sa kanilang lupain. Hindi pala-imik ang matandang lalaki, sa pagkaalaala ko. Ang matandang babae naman, pala-kwento sa aming nanay. Mabait sila sa amin, hanggang sa lumaki at nagsipag-tandaan na kaming magkakapatid. Laking pasasalamat namin sa kanila sa pagpapatira sa amin doon. Kahit ang bahay-kubong iyon ay munti.

 

Kubiko ang hugis ng bahay. Gawa iyon sa pawid na bubong, nilalang kawayang dingding at yari naman sa mga kinayas na patpat ng kawayan ang sahig. Mayroon iyong hagdang yari sa kahoy na may apat na baytang. Ang ilalim naman ng sahig ay silong. Ang silong ay tabihan ng mga gamit sa pagtatanim, lagayan ng mga sinibak na kahoy-panggatong at silungan ng mga alagang hayop. Pag tag-araw, lagayan din ang silong ng mga iniimbak na aning butil.

 

image of a bahay-kubo

Karaniwang may silong ang isang bahay-kubo/ t2.gstatic.com

 

Mayroon ding maliit na kusina ang bahay pero ang sahig nito ay lupa na. Ang kalan doon ay yari sa sementong nakaangat sa lupa at pinaglulutuan gamit ay kahoy. Katabi ng kalan ay ang munting lababong may kapirasong sabitan ng gamit-pangkusina.Yari rin sa iyon sa kawayan at banggerahan ang tawag. At gaya ng sabi sa libro, ang munting bahay-kubo ay may mga mumunting bintanang nabubuksan at naisasara sa pamamagitan ng mga tukod na kawayan.

 

image of a firewood stove in the rural areas

Masarap ang pagkaing luto sa kahoy/ bbc.co.uk

 

Maliit pa ako noong nakatira kami sa kubong iyon. Nang panahong iyon, hindi bababa sa sampong miyembro ng aming pamilya ang andoon kaya talagang masikip ito para sa amin. Maski pa, ang bahay ay walang hati o division sa loob. Mayroon lamang doong isang lumang aparador sa isang gilid at mayroon ding isang papag, na ang tawag sa amin ay katre. Sa itaas naman ng isang bahagi ng dingding, may nakasabit na dahong-palaspas at isang larawan ng Birheng Mariang karga ang sanggol na si Hesus.

 

Malamig kapag gabi sa una naming bahay. Pag tulugan na, dinig na dinig ang hampas ng hangin sa mga maninipis nitong dingding. Ang sahig naman ay may mga butas sa pagitan kaya pinapasok din ng hangin. Natatandaan ko, parati kami noong magkakapatid agawan at hilahan sa kumot. Pag umuulan, pinapasok ng tubig ang pawid na bubong kaya ang iba’t ibang parte ng bahay ay nilalagyan ng mga batya, timba at latang pansalo sa mga tulo.

 

image of the interior of a bahay-kubo

May mga butas  ang dingding at ang sahig/ free3dstextures.com

 

Tatlong tao lang ang kasya sa nag-iisa naming papag, kaya karamihan sa amin, sa banig na nakalatag sa sahig natutulog. Tabi-tabi kami noon. Dikit-dikit talaga para panlaban na rin sa lamig… Ang tatlo naman sa mga kapatid kong babae, sa ibabaw ng mesang kainan natutulog. Obligado sila noong magising ng maaga. Pag hindi, sila ang nakahain sa almusal.

 

image of a bed made from bamboo, borrowed from upload.ecvv.com

Iisang papag para sa isang malaking pamilya/ecvv.com

 

Dahil iisa lang ang aparador sa bahay, ang mga damit-pang-alis lang namin ang nakalagay roon. Ang mga damit naman naming pang-araw-araw, nakalagay sa mga lumang kahon ng gatas. Ang pirming lagayan ng mga kahong iyon ay sa ilalim ng katre.

 

Ang munting bahay na iyon ay hindi napapaligiran ng mga tanim na gulay, gaya ng sabi sa kantang bahay-kubo. Anupa at iyon ay napapalibutan ng mga tanim na kape. May puno ng kape sa harapan, mayroon din sa mga gilid at pinakamaraming tanim na puno ng kape sa likuran. May mga puno ng kapeng dalawang metro lang ang taas at mayroon namang siyam na metro na ang tangkad. May mga kape roong Robusta, Arabica, Liberica at Excelsa.

 

image of a coffee tree in bloom

Mabango ang kanilang bulaklak/ bigbamboostock.com

image of ripe coffee fruits

Mapupula ang mga bungang hinog/ chugginmccoffee.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Ipinahihiwatig ng ating katutubong kanta, kaaya-aya raw tumira sa bahay-kubo kahit iyon ay tahanang munti. Sumasang-ayon ako nang lubos sa parteng ukol sa mga halaman sa paligid ng bahay-kubo. Katunayan, kasama sa mga magagandang alaala ng aking kamusmusan ang pagtakbu-takbo namin noon sa paligid ng munting bahay, ang mabangong amoy ng mga namumulaklak na kape at ang saya habang kami ay namumulot ng mga bunga nito.

 

Subalit romantiko sigurong sabihing ideal na tirahan ang bahay-kubo sa bansang tropiko. Magandang tirahan ang kubo kapag ang mag-asawa ay mayroon pa lamang iisa o dadalawang anak. Paglampas doon, marahil, dapat na silang lumipat o magpagawa ng mas malaki at mas matibay na tahanan. Kainaman pa ring may bahay-kubo sa gitna ng bukid para pagpahingahan ng magsasaka sa mga oras na tirik ang araw. Hindi rin naman siguro masama kung ang ibang kababayan nating may malalaking bakuran ay magpagawa ng bahay-kubo sa hardin.

 

Bilang isang Pinoy na nakatira sa bahay-kubo, masasabi kong maiging tirahan ang bahay-kubo pag tag-araw o summer. Tunay ngang masarap humiga sa kawayang-sahig na lampasutan ang hangin, kapag panahong maalinsangan. Masarap ring mangalumbaba sa bintana ng bahay-kubo at mangarap-ngarap kunwari – habang hinahintay mo ang pagdating ng iyong nanay o tatay na sigurado, may dalang pasalubong. 😉

 

image of children waiting for their parents, borrowed from t3.gstatic.com

Naghihintay sa may pinto at sa bintana/ article.wn.com

 

* Please see:

 

For Bahay-kubo lyrics and discussion:

http://www.ncca.gov.ph/pambata/our_country/songs_bahaykubo.htm

http://www.thingsasian.com/stories-photos/42348

http://www.allphilippines.com/?p=364

http://www.mamalisa.com/?t=es&p=1017&c=150

http://www.msray2008.com/2010/01/bahay-kubo.html

http://www.stuartxchange.org/BahayKubo.html

http://carinderia.net/blog/?p=222

http://heartsake.blogspot.com/2009/09/lullaby-for-mariah-bahay-kubo.html

 

For Felipe de Leon, Composer:

http://www.opm.org.ph/registry/artist_profile.php?artist_id=218

http://en.wikipilipinas.org/index.php?title=Felipe_Padilla_De_Leon

 

For Coffee cultivar or variety:

http://www.mfi.org.ph/contenteditor/uploads/files/special_coffee.pdf

http://www.coffee4dummies.com/articles/coffee_species

 

Pag-asang Alis-Dating

 

 

image of a bird perched on a tree, borrowed from t3.gstatic.com

 

Mas hopeful daw tayong mga Pilipino ngayon dahil sa bagong namamalakad sa ating pamahalaan.

 

Magandang senyales ito ng maaari nating kahinatnan bilang mga tao at bilang isang sambayanan.

 

Anong pag-asa kaya ang mayroon tayo sa ngayon?

  • Pag-asa sa nakaraan at pag-asa sa hinaharap
  • Pag-asang malabnaw at pag-asang malapot
  • Pag-asang humpak at pag-asang malaman
  • Pag-asang hilaw at pag-asang hinog
  • Pag-asang alanganin at pag-asang piho
  • Pag-asang tumatangis at pag-asang ngumingiti
  • Pag-asang binigo at pag-asang sinagip
  • Pag-asang lalang at pag-asang lantay
  • Pag-asang bumibitag at pag-asang nagkakalag
  • Pag-asang humulagpos at pag-asang bumalik
  • Pag-asang ibinaon at pag-asang hinukay
  • Pag-asang di-umiibo at pag-asang kumikislot
  • Pag-asang hubad at pag-asang binihisan
  • Pag-asang napapako at pag-asang nangangako
  • Pag-asang nagpapa-idlip at pag-asang humahamon
  • Pag-asang lumalakad at pag-asang lumilipad
  • Pag-asang walang inaasahan at pag-asang nananalig
  • Pag-asang tumatalilis palayo at pag-asang kumakaripas parating
  • Pag-asang hiling at pag-asang isasakatuparan?

image of an open door, borrowed from t0.gstatic.com

Maraming pagkakataon pa ang darating/magazine.enlightennext.org

 

Samut-sari ang klase ng pag-asa. Marami rin itong yugto.

 

Alin-alin sa magkatuwang at magkasalungat na pag-asa na ang ating naranasan?


~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

 

sketched image of vines, borrowed from t1.gstatic.com

 

I know how men in exile feed on dreams of hope.

Aeschylus (525 BC – 456 BC), Agamemnon

 

 

The past is a source of knowledge, and the future is a source of hope. Love of the past implies faith in the future.

Stephen Ambrose (1936 – 2002), in Fast Company

 

 

Appetite, with an opinion of attaining, is called hope; the same, without such opinion, despair.

Thomas Hobbes (1588 – 1679)

 

 

I can endure my own despair, but not another’s hope.

William Walsh

 

 

Hope begins in the dark, the stubborn hope that if you just show up and try to do the right thing, the dawn will come. You wait and watch and work: You don’t give up.

Anne Lamott

 

 

Do not spoil what you have by desiring what you have not; but remember that what you now have was once among the things you only hoped for.

Epicurus (341 BC – 270 BC)

 

 

It is difficult to say what is impossible, for the dream of yesterday is the hope of today and the reality of tomorrow.

Robert H. Goddard (1882 – 1945)

 

 

There is no hope unmingled with fear, and no fear unmingled with hope.

Baruch Spinoza

 

image of curled end of a vine, borrowed from /t3.gstatic.com

Laging may bagong susuloy/botany.com

 

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

 

* Pls see:

 

http://www.sws.org.ph/pr20101202.htm

http://www.sws.org.ph/pr20101030.htm

http://www.abs-cbnnews.com/nation/08/03/10/optimism-record-high-under-aquino-pulse-asia

http://www.abs-cbnnews.com/nation/08/04/10/fewer-filipinos-want-migrate-under-aquino-govt-survey

http://www.quotationspage.com/subjects/hope/

http://www.quotegarden.com/hope.html

 

Mga Buhay na Alamat

 

Pinalaki kaming magkakapatid na masunurin sa magulang.

 

Pero, natatandaan kong may mga panahong sinusuway ng mga nakatatanda kong kapatid ang aming mga magulang. Tumatakas sila noon sa mga gawain para pumunta sa mga kabarkada at makinig sa mga plaka ng mga mang-aawit na ito.

 

image of the Juan de la Cruz band, borrowed from t0.gstatic.com

Mike Hanopol, Pepe Smith at Wally Gonzales/myspace.com

 

 

image of the singer, Sampagita, borrowed from bp3.blogger.com

Pinasikat niya ang mga kantang Tao at Nosi Balasi/filipinocultured.blogspot.com

 

 

image of the singer, Heber Bartolome, borrowed from 1.bp.blogspot.com

Pinasikat niya ang mga kantang Tayo'y Mga Pinoy, Istambay at Dukha/armandoapan.blogspot.com

 

 

image of the singer, Lolita Carbon, borrowed from opm.org.ph

Sikat noon ang mga kantang Pagbabalik at Masdan ang Kapaligiran/opm.org.ph

 

 

image of OPM singer, Florante, borrowed from livedoor.blogimg.jp

Pinasikat niya ang kantang Ako'y Isang Pinoy at Abakada /blog.livedoor.jp

 

Sa unang pagkakataon, nagsama-sama ang mga musikerong ito  sa Ugat, The Legends of Folk Rock, isang konsyerto sa Araneta Coliseum noong ika-3 ng Disyembre, 2010. Historic concert, pasensya na lang ang wala roon.

 

Kasali, saling-pusa sa event ang dalawang magiging alamat pa lang.

 

image of the songwriter and singer, Gary Granada, borrowed from philmusicregistry.net

Siya ang lumikha ng mga kantang Kahit Konti at Salamat, Salamat Musika/philmusicregistry.net

image of the songwriter and singer, Noel Cabangon, borrowed from t1.gstatic.com

Ang daming taong napasabay at nag-senti dahil sa Kanlungan/tugtog.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Heto na ang  mga higanteng icons ngayon.

 

image of Pepe Smith, Wally Gonzales, Sampagita at Mike Hanopol, 2010, borrowed from i1196.photobucket.com

Larawang kuha noong Oktubre 2010 /viva.com.ph

 

image of Lolita Carbon at the Ugat concert, borrowed from img593.imageshack.us

Wala pa ring kaparis ang timbre ng kanyang boses/viva.com.ph

 

 

image of Heber Bartolome, borrowed from img98.imageshack.us

Magaling pa ring kumanta, tunog-Pinoy pa rin/viva.com.ph

image of Florante, taken during the Ugat concert, borrowed from viva.com.ph

Magaan at kaaya-aya pa ring pakinggan /viva.com.ph

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Lahat naman ng tao, tumatanda. Pero ilan lang silang nakagawa ng Original Pinoy Music na niyakap nang husto ng sambayanan.

 

Ang bonus, andyan pa sila, nakapag-handog pa ng mga awitin. Mga buhay silang alamat na magaganda pa rin ang mga boses, mga tsampyon pa ring tumugtog at, masigabo pa ring tinanggap at sinabayan ng audience. Maski totoong ampuputi na ng buhok nila.

 

 

Salamat sa Viva Entertainment Inc. sa pagpupunyagi nilang ma-organisa at mai-produce itong natatanging event.

 

Sulit ang dalawang oras ko ng paghihintay at  kalalakad pabalik-balik sa magkabilang gate ng Araneta.

 

Salamat sa mas bata kong kapatid na nanlibre. Sana’y marami nang nag-view ng videos nya ng concert sa YouTube.

 

Click this:

Tao, by Sampagita of Asin, borrowed from /utopianvision.co.uk

 

* Pls see:

http://www.philmusicregistry.net/main/artist

http://utopianvision.co.uk/bollywood/videos/

 

Nagsusunog

 

Baka magalit ang environmentalists sa isisiwalat ko. Sa amin ay mahilig at madalas magsunog ng mga bagay ang mga tao.

 

image of a man smoking his rooster, borrowed from images.maninmymirror.multiply.com

Ritwal na ng kalalakihan sa amin pag umaga/ maninmymirror. multiply.com

Sinusunog doon sa amin ang mga bagay na nabubulok o organic matters. Sinusunog din pati ang mga plastic. Pana-panahon ding sinusunog ang sahig ng lupa. Pinapausukan din ang mga puno ng mangga gaya ng pinapausukan ang mga manok na panabong. Sa kalakhan, naniniwala ang mga tao sa amin sa merits ng pagsusunog. Bukod pa, siyempre, sa convenience ng pagsusunog bilang paraan ng pagdi-dispatsa ng mga bagay na di na kailangan at pampasikip lang sa espasyo.

 

 

Linawin natin kung bakit at papaano. Una, sa amin noong early ‘80s at magpahanggang-ngayon, wala namang nangongolekta ng basura. Ang lugar namin ay baryo. Hindi pa kasali sa mga tungkulin ng pamahalaan doon ang proper waste disposal ng mga taong nasasakupan. Gustuhin man ng lokal na pamahalaang kolektahin ang mga basura, logistically, napakahirap gawin. Karamihan sa mga bahayan doon ay wala sa tabi ng kalsada kundi nasa loob o interior. Sa madaling salita, kanya-kanyang pamamaraan ng pagtatapon ng basura ang mga kabahayan doon sa amin.
image of the reduce, reuse and recycle campaign , borrowed from /t3.gstatic.com

Gamitin uli hangga't maari/ business-stock-photos.com

cartoon image of a person disposing trash, borrowed from t3.gstatic.com

Ang basura ay sa basurahan/clker.com

 

 

Sa panahong binabanggit ko rito, ang binibili pa lamang ng scrap dealers sa amin ay mga bote at lumang bakal. Wala pa noong nangangalakal ng plastic sapagkat wala pa rin namang pagdadalhan. Ang mga metal namang gamit sa mga kabahayan sa amin noon ay puro araro at mga gulok. Kaya, ayun, halos bote lang ng mantika, suka, toyo at patis ang nabibili ng mga magbobote. Saka, mga basyong bote ng gamot – lima singko yata nang panahong iyon. Ang malaking tanong, saan napupunta ang mga plastic na lalagyan ng mga bagay-bagay na nagamit na at di na kailangan ng mga tao?

 

image of a junk shop, borrowed from t2.gstatic.com

Karamihan sa nabibiling recyclables ay bote at babasagin/article.wn.com

 

Ang sagot, sa compost pit. Matatawa kayo siguro, pero karamihan ng mga bakuran sa amin, may dalawang hukay para sa mga basura. Ang isa ay para pag-imbakan ng mga nabubulok – damong ginamas, mga balat ng gulay at prutas at mga tirang pagkain. Hindi sinusunog ang mga laman ng hukay na iyon kundi binubulok at ginagawang pataba sa lupa. Ang ikalawa, hukay para sa mga plastic na pinagbalutan at pinaglagyan ng mga bagay na wala nang maisip paggamitan kaya patapon na. Itong hukay na ito ng non-biodegradables ang siyang sinusunog pagka-minsan. O, di kaya naman, pag puno na ay tinatakipan o tinatabunan na lang ng lupa. Pagkaraka, gagawa na lang ang kalalakihan ng bahay ng bago. Hindi tama para sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran , pero iyon ang ginagawa ng marami.

 

image of a biodegradable compost pit, borrowed from /t3.gstatic.com

May sadyang hukay para sa mga nabubulok/picasaweb.google.com

 

Sa kalakhan, di pa kasali sa sinusunog noon ang plastic bags at sando bags. Noong panahong iyon, hindi kasinglala ng sa ngayon ang paggamit ng supot na plastic, sa lungsod man o  sa bukid. Uso pa noong lalagyan para sa mga pinamili ang brown paper bag, gaya ng ginagamit ngayon ng mga Amerikano at iba pang mga puti. Nabanggit ko na rin, madalang mamili ang mga tao sa amin noon, sa palengke man o sa bazaar. Kung magkaminsang sa pamimili ay may lalagyang plastic na naiuwi, itinatabi iyon at ginagamit muli nang maraming beses.

 

Nagsusunog ang mga tao sa amin ng mga binulok na organic matters at ng lupa mismo. Ang paniniwala kasi ng mga nagtatanim sa amin, nakakatulong raw iyon sa pagbalanse ng komposisyon ng lupa. Hindi ko alam ang eksaktong teknikal na paliwanag pero ang sabi, kailangan raw pausukan o i-steam ang ibabaw ng lupa para lumabas ang mga nakatagong sustansya roon. Thermal treatment, kumbaga. Ang natatandaan ko dati, pagkapag-ani ng mais, dalawang linggong hanahayaan lang nakatiwangwang ang lupang pinag-anihan. Tapos, sinusunog ang ground na taniman – kasama ang mga tuod ng mais, ang mga damong bagong tubo at ang mga insektong andoroon. Pagkatapos, hahayaan lang uli ng mga isang linggo bago muling bubungkalin ang lupang pagtataniman naman ng palay o kaya ay ng kalabasa.

 

image of a corn field being burnt, borrowed from t2.gstatic.com

Gawi na noong sunugin ang maisan pagkapag-ani/ oregonprogress. oregonstate.edu

 

Ang isa pang kinasanayan doon sa amin, ang pagsusunog ng mga tuyong dahon ng halaman. Ginagawa ito ng mga tao roon, araw-araw. Dahil nga maraming puno, marami ring dahong nalalaglag ang kailangang walisin. Pagkaraka, iipunin ang mga damo at sisilaban o sisigaan. Paborito ko ito sa mga gawain noon – ang magwalis ng bakuran. Gustung-gusto ko ang amoy ng nasusunog na tuyong dahon at gumigising pa ako nang maaga noon para makapagwalis at makapagsilab. Sabi sa panitikan ng ecology, hindi rin tama ang ganitong practice. Maski pa organic materials ang sinusunog, lumilikha pa rin daw ito ng carbon na umaakyat sa atmosphere at nakasisira sa balanse ng kalikasan. Ganoon pa man, laganap iyon sa amin.

 

image of a man burning leaves, borrowed from t2.gstatic.com

Winawalis, iniipon bago sinisilaban /flickr.com

 

Doon, ang mga puno ng manggang nasa bakuran lamang at hindi naman pambenta, hindi na ini-spray-an ng gamot sa halaman. Hindi na rin nilalagyan ng abono. Ang usok na lamang ng mga sinusunog na dahon ang nagsisilbing spray o pantulak para sila ay mamulaklak nang husto at mamunga nang marami. Iyon ang kinasanayan at pagkaalam ng mga tao sa amin. Ang abo naman ng mga sinilabang dahon ay inilalagay sa paligid ng ibang halaman gaya ng paminta, okra at talong. Pampataba raw iyon ng lupa. Organic fertilizer, kumbaga.

 

 

Pls. see:

http://wiki.answers.com/Q/What_is_the_difference_between_biodegradable_and_non-biodegradable?

http://in.answers.yahoo.com/question/Q/What effect does slash and burn farming practices have on soil fertility?

http://en.wikipedia.org/wiki/Soil_conservation

http://www.un-redd.org/NewsCentre/Slash_and_Burn_Farming

http://science.jrank.org/pages/11886/agriculture.html

 

Bakuran Natin

images of a yard with plants, borrowed from wn.com

Marami dapat ang mga tanim sa bakuran/ wn.com

Malalaki ang mga bakuran ng mga bahay sa amin. Bukod sa tibay ng bahay, bahagi rin ng seguridad ng kabahayan doon kung gaano karami ang mga makakaing tanim na nakapalibot dito. Ang bakuran o yard sa amin ay nagsisilbing hardin, workshop at talyer ng mga taong nakatira sa bahay. Isa itong munting kahariang maaring maging masagana o naghihirap depende sa pag-aaruga ng mga namamalakad. Bahagi na ng buhay ng mga tao sa amin ang magtanim ng mga gulay at prutas sa bakuran.

Nabanggit ko dati, sa aming baryo ay walang malapit na palengke, walang palaisdaan at wala ring regular na katayan ng mga hayop. Kung titira ka sa amin, magtatanim ka para mabuhay. Kung hindi marunong, kailangang aralin at alamin mo kung papaano. Sangkaterbang panahon, pawis at tiyaga ang minimum na puhunan. Sa amin, ang nagtatanim, hindi nabubuhay ng marangya.  Pero kahit paano, natutulungan siya ng pagtatanim na mailayo sa gutom. Isa pa, mabait ang lupa sa amin. Susuklian nito ang pagod ng maglulupang nagpapagod  rin nang husto.

clipart image of a girl and a boy just finished planting, borrowed from t3.gstatic.com

Mas maganda kung tayo’y magtatanim/ school.discoveryeducation.com

Hindi ko alam kung sinadya o aksidente lang, pero may napansin akong padron ng yari ng bakuran ng bahay doon sa amin. Typical lay-out, kumbaga.

Sa harapan ng bahay doon, sa front yard kumbaga, ang mga tanim ay ornamental plants – iba’t ibang variety ng rosas; tatlong halaman ng rosal; isang hilera ng sampagita; may kung ilang dahlia plants ring tanim; apat na hilera ng daisies – iba’t ibang kulay; may mga liryong nakatusok sa mga gilid; at maaring may isa o dalawang puno ng bougainvillea sa may pultahan o entrance. Kung may masipag namang maggamas sa mga nakatira, maaaring ang sahig ng halamanan ay natatakipan ng Bermuda grass. Merong ilang bakuran doon sa aming may puno rin ng ilang-ilang sa loob ng hardin.

image of the bougainvillea plant, borrowed from friendzsociety.com

Madalas makita sa bukana ng bakuran/ friendzsociety.com

Ang gilid ng halamanang ito ay karaniwang binabakuran ng Sta. Ana, San Francisco at Tungkod ni San Jose, mga halamang itinuturing sa aming sadyang pambakod. Sa ibang bahayan, tinataniman din ang hardin ng mga kilalang medicinal plants gaya ng akapulko, yerba buena, eucalyptus, lagundi, niyog-niyogan, pansit-pansitan at sambong. Madalas ding may tanim na pandan sa mga bakuran sa amin, pampabango sa bigas pag nagsasaing.

image of pansit-pansitan plant, borrowed from t3.gstatic.com

Maraming bakuran sa Pilipinas ang mayroon nito/1-4-3.net

Sa likod ng bahay o backyard,  andoon ang mga halamang kaagapay sa pagluluto – mga sampong puno ng talong, mga limang puno ng okra, apat na puno ng kamatis, tatlong puno ng kalamansi, ilang puno ng siling labuyo at siling berde at mga pitong puno ng paminta.  Sa totoo lang,  ang mga nabanggit ay hindi naman talaga puno kundi shrubs na tradisyunal na katuwang sa kusina ng maybahay. Ang paminta naman, isang uri ng baging o vine. Karaniwan ding may mga tanim sa likod-bahay na ilang halamang-ugat o  rootcrops gaya ng ube, luya at luyang dilaw. Maari ring may ilang piraso roon ng mga halamang gumagapang  – sitaw, pipino, kalamismis (mas kilala bilang sigarilyas) at sayote.

Sa balagan o trellis na madalas ay nasa gilid ng bahay, naroroon ang mga gulay na gumagapang: mas maraming sitaw, kibal (mas kilala bilang paayap), patani, sebatsi, bataw, kalabasa, patola, at tabayag (mas kilala bilang upo). Kung minsan, may mga tanim ring rootcrops sa sahig ng balag, bagaman ang balagan ay karaniwang exclusive para sa mga gulay na gumagapang. May schedule ang pag-aani ng mga bunga sa loob ng balagan. Kadalasan, iyon ay sa weekends. Ang unscheduled na panggugulay ay doon inaani sa mga tanim sa likod-bahay.

images of butter beans, borrowed from thekitchn.com

Galing sa balag/ thekitchn.com

Sa amin, ang hangganan ng bakuran ay karaniwang lakaran ng mga tao o footpath. Ang isang gilid nito ay karugtong na ng lupa ng may-ari ng bahay. Ang kabila naman ay sa kapitbahay na o ibang tao ang may-ari. Kadalasan, ang kabilang gilid na iyon ay padahilig o sloping. Patuto ang tawag sa amin doon. Ginagawa iyon para maipakita ang umpisa at hangganan ng mga lupang ari-arian. Ang patuto ay karaniwang tinatamnan din – ng kamote at kamoteng-kahoy – para pigilan ang pagdausdos ng mga lupa. Malaki rin ang pakinabang ng mga tao sa amin sa mga halamang-ugat na ito at sa kanilang mga talbos.

image of a cassava plant, borrowed from t3.gstatic.com

Madaling itanim, mabilis lumaki/wn.com

image of a flowering sweet potato plant, borrowed from /t3.gstatic.com

Malinamnam ang ugat, masustansya ang talbos/ extremexcience.com

Marami ring mga tanim na puno sa loob ng bakuran doon sa amin – papaya, mangga, langka, atis, lansones, sinegwelas, kamyas at tyesa. Iyong ibang bahay sa lugar namin, may mga tanim pang bayabas, kaymito, santol, tsiko, duhat at balimbing. Sa konserbatibong estimate, ang isang tipikal na bakuran sa amin ay mayroon at least, walong punong namumunga o fruit-bearing trees sa loob nito. Madalas, ang bunga ng mga ito ay kinakain lamang o para sa konsumo mismo ng nagtatanim o farmer at ng kanyang pamilya.

image of guava friuts attached to branch, borrowed from images.stanzapub.com

Paboritong pitasin ng mga bata sa amin/healthmad.com/alternative

Kung susumahin natin, ang isang bakuran sa amin ay may hardin ng bulaklak sa harapan, may munting halamanan sa likod, may balag ng gulay sa gilid at may walo o higit pang punong namumunga sa iba’t ibang bahagi nito.

Para sa mga romantiko, isang munting paraiso ang ganitong bakuran. Para naman sa mga realistiko, isa itong bulto ng gawaing-bukid o farm work na hindi matapus-tapos. Kung tutuusin, parehong may tamang punto. Masaya at parang malaya ang pakiramdam ng taong nagtatanim at nag-aani ng sariling pagkain. Matrabaho naman nga ito – seryoso ang pagpipili ng mga butong itatanim, mahirap maggamas ng damo at pang-santong gawain ang magbantay ng mga bunga ng halaman. Halimbawa, ang mga bunga ng pipino at langka ay kapwa binabalutan at araw-araw sinisilip kung lumalaki ba ng pantay, walang depekto at tama ang pagkagulang o pagkahinog. Hindi biro ang magtanim, sabi nga sa kanta.

Naulit ko minsan, sa aming lugar noong early ‘80s, hindi talaga uso ang magbakod ng bakuran gamit ang alambre, kawad o semento. Sa ilang mayroon, ang layunin pa ng nagkabit ay gawin ang mga iyong gapangan ng tanim na gulay. Ang kadalasang pambakod talaga noon sa bakuran sa amin ay mga halaman din. Naabutan ko pa nga nang nausong pambakod sa nayon namin ang mga puno ng ipil at ang mga puno ng madre cacao. Pagkaraka, ang ganitong practice ay lumipas din.

Hindi kailangan noong magbakod ng solido. Wala pang gasinong may malalaking ari-arian noon sa amin – kakaunti pa ang mga nagtatrabaho sa lungsod, pati ang mga nangingibang-bansa, at, bibihira pa noon ang mangangalakal o negosyanteng nagtatagumpay ng todo. Local, self-sufficient cash crop economy ang mayroon noon sa amin. Ang pang-araw-araw na adhika ng marami sa mga taga-amin ay makaraos lang: maitaguyod ang pamilya nang di sumasala sa pagkain at wala sanang miyembrong  magkakasakit nang malubha. Ito siguro iyong sinasabi ng maraming simpleng pamumuhay. Simple sa isang banda, pero hindi madali.

image of a man watering vegetable plants, borrowed from /t1.gstatic.com

Lagadera ang gamit pandilig sa mga gulay/wn.com

Karaniwang hindi sapat ang mga tanim sa loob ng bakuran para itaguyod  ang magsasaka at kanyang pamilya . Ang mga magta-tanim doon sa amin ay malimit na mayroon pang bukiring malayo sa bahay – taniman ng palay at mais o kaya naman ay ng gulay na pambenta. May mga alaga ring hayop sa bakuran ang halos lahat ng bahayan.  May bakuran at bukirin na nga, madalas hindi pa rin sumasapat para sa pangangailangan sa buong taon ng pamilya. Kadalasan, ang ama ng tahanan, katulong ang matatandang anak na lalaki, naglilinis pa ng lupa sa isang bahagi ng kalapit na gubat. Tinataniman nila iyon ng mga punong namumunga na maaring gawing kalakal o produktong pambenta.

Mas mabusising mga paksa ang bukirin at pagtatanim sa gubat at maiging paghuntahan natin ang mga ito sa ibang pagkakataon. 🙂

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-4 ng Disyembre para idagdag ang iba pang larawan sa post.