Posts Tagged ‘shut up and write’

Hindi Putok sa Buho

cartoon image depicting love of blogging

Parang pag-ibig, isang tipo ng ka-adikan/ domjullian.blogspot.com

Bakit nga ba dumarami ang nagba-blog? Ang pinakamadaling sagot: kasi, gusto natin at pwede. Pero, hindi iyon lang ‘yon. Alam mo, alam ko at alam ng marami, may mga iba pang kadahilanan. Ang sasabihin ko sa ibaba , mga hula lang – pwedeng mintis, pwede ring sapol.

 

Una, karamihan sa mga napilit, napilitan, kinantyawan at sa wakas ay nakumbinsing mag-blog – dati na, dati pang mahihilig magsusulat at magdo-drowing ng kung anu-ano sa maliit nilang kwadernong ipinagkakatagu-tago.

Ikalawa, marami sa bloggers medyo nakiliti sa ideyang pwede pa rin namang nakatago ang isinulat pero online nga lang. Medyo ironic, ano po? Pero, may pagka-ganoon ‘yon, sa pakiwari ko. Sa umpisa’y naniwala tayong pribado at sekretong journal ang blog na accessible thru the internet.

 

Ikatlo, ‘ika nati’y panahon nang magpaka-techy kahit konti. Halos lahat ng ginagawa ngayon sa mundo’y pinapadaan na sa internet, hindi rin siguro masamang doon natin ipadaan ang ating mga: buntong-hininga; hirit; pambobola; pagkainis; angas; pagkamangha; galit; pagkainip; kapalpakan; inaakalang karunungan; modest successes paminsan-minsan,  at iba pa.

Ikaapat, karamihan sa atin, may mensaheng kung ano. Basta. Sa tingin natin – tama man o mali – may iba at natatangi tayong pananaw, anggulo, tienes, na dapat masabi, maisulat at maipaabot sa sangkinapal. Aminin man o hindi, naniniwala tayong tayo ay mga original at creative na nilalang (kahit pa ang pinagsasabi natin sa blogs ay ang mga nasa ikatlo). Sabihin mang ito ay subject to arguments, discussions and outright rebuttal.

 

image of hands typing along on keyboard

Panahon na raw para ipaabot sa sangkatauhan ang ating mensahe/ britannica.com

Ikalima at kabaligtaran ng ikalawa, naniniwala tayong maski papaano, may publikong babasa at makakaintindi sa (pribado, sekreto at) nakakahikab nating mga kwento. Kumbaga, sa law of probability, tatama at tatama tayo rito. May mga taong tatamaan sa ating mga istorya at paglalarawan. Higit na malaki ang tsansa rito kaysa sa  lotto, oo.

May pag-amin tayo, alanganin nga lang, na oras na para palawakin ang ating readership, lampas sa iilan-ilang pinasisilip-silip natin sa mahiwagang secret notebooks. Baka sakaling dito tayo mapansin, ng madlang global.

 

Ika-anim, nagkaroon tayo ng sapat na oras para talagang umupo, tumipa ng keyboard at masdan ang creation nating nagkahugis maski papaano sa screen ng computer. Nalibre tayo para gawin na ang dati pang isinusulsol sa atin ng iba – ang mag-blog. Iyong puntong sinabi natin sa mga sarili, ‘Ba’t nga hindi?’ Walang bayad ang publication space, may kasama pang editing tools.

Ika-pito, karamihan sa atin, matatagal nang may nililimlimang ideyang nangangating ipanganak. Galing man iyon sa – pagtambay at pagbibida-bidahan sa eskwela, sa pagmamasid-masid sa kalye, sa pagtityaga at pagkainis sa trabaho, sa pagtinga-tingala sa kisame, sa pagtitig-to-death sa telebisyon at sa pag-upu-upo sa mga kainan at inuman.

 

Umabot sa hangganang parang ganito: ‘Hala, eksperto na yata ako rito. Pwede na ‘kong gumawa ng manual sa pagka-show off/ pagka-mahadero/ pagka-martir/ pagka-buryong/ pagka-gimikera. Inaantay na ng mundo ang take ko sa mahalagang usapin. Maisulat na nga, in installment basis.’

 

By some omen or curious spell, nailuwal ang libu-libong blogs/brags. 😉

 

image of a woman typing decades ago

Ang nagsusulat ang nagtatalaga ng paksa sa blog/ flickr.com

 

Anu-ano pa  ang mga dahilan ba’t ang mga tao’y nagba-bog? Este, blog. 🙂

 

 

Possibly Related Posts:

 

Ang Bagong Betamax – Rated PG

Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog?

Bahay-bahayan, luma at bago

Gawa-gawa Lamang

 

* Ang blog post na ito ay naisulat noon pang Disyembre, 2010 bago pa ang lathalaing Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog? ngunit ngayon lamang naisipang  ilathala. Sana ay may mapulot pa rin dito kahit paano ang mambabasa. Salamat.

 

Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog?

image of a thinking man

Philosophers at pilosopo, nangangahas magsalita sa madla/ t1.gstatic.com

 

Ito ang napurbitso kong mga sagot sa makulit at nakakainis na tanong, dala ng kasisilip ko sa About page ng blogs ng may blog. Inihilera ko lang, wala talagang pagkakasunud-sunod:


  • Wala lang. Ows?…

 

  • Eh, sa wala akong magawa. Gano’n?

 

  • Naiinip ako at naghahanap ng damay. Hindi bawal ‘yan.

 

  • Sa gusto ko, may paki ka? Sabi ko rin nga…

 

  • May gusto akong sabihin, di ko pa nga lang alam kung ano. Hala!

 

  • Isa sa mga nakaligtaan kong talents ang pagsusulat. Naks!

 

  • Gusto kong ipakitang may sense rin ako paminsan-minsan. Hindi ko na huhulaan ang keyword…

 

  • Basta, isusulat ko rito ang gusto ko. Go!

 

  • Bakit, productive din naman ang magsulat ng mga karanasan, ah? Naman.

 

  • Marami akong pwedeng i-share…Talaga lang.

 

  • Para di natin malimutan ang ibang bagay na mahahalaga rin. Tulad ng…?

 

  • Pwede ako ritong sumigaw ng walang nakakarinig. Ayos sa trip…

 

  • Multiple personality ako. Dito ko bibigyang-laya ang iba-ibang bersyon ng ako. Good luck naman…

 

  • Gagawin kong malikot at makulay ang mundo ko rito. Sabagay…

 

  • Alam naman ng mga kakilala kong madaldal akong tao. Underscoring, bale…

 

  • Tahimik talaga ako sa totoong buhay. Asus, ‘yon naman pala…

 

  • Masaya kaya? Sino? Ang alin?

 

  • Hindi na pinag-uusapan ‘yan. Write ka lang ng write. Siyanga naman…

 

image of possible blogging topics, borrowed from t0.gstatic.com

Sino ang magsasabi kung alin ang dapat i-blog at ang hindi? /nonformality.org

 

Bato-bato sa langit, tamaa’y huwag magagalit… 🙂

 

Maligayang Pasko, mga ka-blog!