Posts Tagged ‘it’s also a social choice’

Ang Magmahal

image of hands forming the shape of love

Likas daw sa tao ang magmahal/ 3.bp.blogspot.com

Isa na yata ito sa pinakamahirap na sitwasyong maaaring daanan at pinagdaraanan ng isang tao – ang magmahal ng kapwa. Mapwera na lang siguro iyong taong ang tanging mahal at iniintindi ay ang sarili lamang. Pero, bibihira naman ang ganoon, sa palagay ko. Siyempre, nag-uumpisa iyan sa pagmamahal natin sa ating mga magulang. Ang mga taong kadugo natin at nag-aruga at nagmahal sa atin nang walang pasubali at alinlangan. Kasunod, ang pagmamahal natin sa mga kapatid – gaano man tayo kapamilyar sa amoy, kilos at itsura nila, dumarating din ang ganoon. Iyon bang nararamdaman mong mahalaga sila sa iyo at bahagi sila ng pagkatao mo? Na hindi ka makukumpleto kung wala sila. Ayon ‘yon.

 

image of a an extended Filipino family, borrowed from 2.bp.blogspot.com

Sa kanila tayo unang natututong magmahal/ 21thcenturyfilipinofamily.blogspot.com

 

Ang susunod roon ay pagmamahal sa mga taong nasa labas na ng ating bahay. Ang kamag-anak nating laging mabait sa atin, ang titser nating inaalalayan tayo pag may hindi naiintindihan sa lesson at ang kaeskwelang laging kasabay sa pagpasok o sa pananghalian. Habang lumalaki tayo, tila lumalapad rin ang sirkulo ng mga taong tila may papel sa kung papaano tayo mabubuo at gagana bilang isang katanggap-tanggap na nilalang sa lugar na ating kinaroroonan at ginagalawan. Nagkakaroon tayo ng mga kalaro at kabarkada – mga taong kadalasan ay kaedad at kapareho natin ang interes at inaatupag. Katagalan, nagkakaroon tayo ng mga kaibigan, iyong mga taong lampas sa barkada ang turing natin. Sila iyong sa pag-intindi natin ay mga taong kaya tayong unawain – sa ating mga kakayahan at kalakasan, sa ating mga takot at kahinaan.

 

image of Filipino children as friends, borrowed from phototour.minneapolis.mn.us

Natututong makipagkaibigan habang lumalaki/ phototour.minneapolis.mn.us

 

Tapos, darating sa atin ang yugto ng hero worship, ang pagsamba sa mga taong higit na mataas at malayo sa atin ang agwat sa karanasan, inabot at katayuan sa buhay. Nagiging sagad tayong tagahanga ng ating iniidolo, kahit pa sabihing malabo namang mangyaring magkalapit ang ating mga landas at buhay. Ang kasunod na yata nito ay ang parteng naghahanap na tayo ng halos eksklusibong ugnayan sa isang tao, madalas ay kaibigan na rin natin at kapareho ng kasarian, ang taong tila gusto nating ituring tayong importanteng-importante. Doon yata pumapasok ang ideya ng bestfriends. Iyong nagsusumpaan kayong magiging tapat kayo sa isa’t isa at hindi kayo mag-iiwanan. Palagi kayong magkasama at hindi halos mapaghiwalay. Sa mga kakaibang kalagayan gaya ng exclusive schools or dormitory, ang ganito raw ay maaring ma-transform sa isang homosexual relationship, depende sa impluwensya ng mga nakapaligid at sa kakayahan ng mga nasasangkot na lumabag sa social taboo o gumawa ng mga ipinagbabawal.

 

image of young women who are bestfriends, borrowed from fotolia.com

Ang matalik na kaibigan ay unang eksklusibong ugnayan/ en.fotolia.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

catoon image of the increasingly social world of humans

Sa pagtanda ng tao, papalaki rin ang sapot na kailangan niyang habihin/ blog.aspenms.com

Matapos ang mga yugtong ito, tila handa na tayong pumasok sa mas malawak na arena ng pakikipag-ugnayan, ang pakikisalamuha sa mas malawak na mundo kung saan ilan lang tayo sa napakaraming mukhang nagkakasalubong kundi man nagkakabungguan. Sa mas malapad at mas kumplikadong setting, muli tayong gagawa ng mga panibagong sapot ng kakilala, kabarkada, kasama sa organisasyon at mga kaibigang magpapagaan sa hamon sa ating makaangkop at mamuhay sa kapaligiran. Pag nai-establish na natin ang patterns and routines ng mga ito, saka tayo muling bubukas sa posibilidad ng isang eksklusibong relasyon. Sa pagkakataong ito, hindi na siguro matalik na kaibigan lang ang hinahanap natin. Palinga-linga na tayo at patingin-tingin para sa tsansang makatagpo ng taong sana ay mamahalin natin ng lubos, aalagaan tayo at hanggang maaari, kakasamahin na natin sa habang buhay. Dito yata nag-uumpisa ang gulo, kalituhan at maraming mga mali sa ating pagtantya. Para saan? Para sa isang napakalaking desisyon  sa ating buhay at hinaharap.

 

Image of a man and a woman having an argument

Larawan ng isang babae at lalaking nag-aaway at nagtutuos/ encikirham.blogspot.com

Sabi ng ilang scientists, pasimplehin daw natin ang prosesong ito ng paghahanap ng ating katiyap. Kabitan daw ang tao ng device na kahawig ng built-in faculty ng mga hayop. Para itong sensor mechanism – maaaring madaan sa amoy, sa nililikhang tunog o sa kulay at hugis ng isang bahagi ng katawan – para madaling matukoy kung sino at alin ang dapat na maging kapareha ng isang tao. Ang tinutuntungan, siyempre, ng mungkahing ito ay ang lohika na ang pag-ibig ay isang chemical process lamang. Na sakaling maganap na ang mutual attraction, magiging madali at mabilis na ang proseso at susunod na lamang ang ibang factors under consideration. Sa biglang tingin, may sense itong proposal at may pangakong padadaliin ang buhay para sa mas marami. Bawas-gastos ito, bawas sa pagbibihis at pagporma, bawas-oras sa trapiko at mas maraming dagdag na oras para magtrabaho. Hindi sa ako’y nagbibiro. Hindi ba at isang sign lagi ng pag-unlad ang simplification?

 

Kung bakit naman kasi sa tao, hindi simple ang pakikipag-ugnayan. Maging ang ugnayan ay ukol sa pampublikong concern gaya ng pagtatapon ng basura at pagpapabilis ng daloy ng mga sasakyan sa kalye, hanggang sa personal and particular concerns gaya ng kanyang pagpili ng makaka-date at magiging kasintahan – maraming samutsaring konsiderasyon. Laging may sapin-saping sukatan at pamantayan, parating kasali ang mga taong nauna nang naging bahagi ng ating buhaymagugustuhan kaya siya ng ating mga magulang, magiging katanggap-tanggap ba sa ating mga kaibigan, pwede bang makapasa sa paningin ng mga ka-trabaho at kaopisina, hindi kaya nakakahiya pag siya ang isinama natin sa ganitong okasyon at matatanggap kaya niya ang ating mga pinagdaanan? Hayon, tuloy, nagiging komplikado ang ating pagpapasya. Sa panahon kasi ngayon, tila hindi na lang personal na desisyon ang pagpili ng isang tao sa makakasama niya sa buhay. Isa na rin itong social choice, kumbaga.

 

image of a roadsign pointing to choices, borrowed from infocomcanada.com

Nagiging social choice ang mga desisyon natin/ infocomcanada.com

 

Kaya, ayon. Ikaw itong si may napupusuan. Gusto mo ang taong ito – napapangiti ka pag naaalaala mo siya, nasasabik kang makita siya at makasama uli, hinuhulaan mo na nga ang susunod niyang sasabihin sa iyo at pina-practise mo ang iyong isasagot? Nais mong magkakilanlan at magkalapit pa kayo ng husto. Gusto mong alamin ang maraming bagay tungkol sa kanyasaan siya dati nag-aral, sinu-sino ang mga kaibigan nya, ano ang ginagawa nya madalas pag Sabado at saan siya nanananghalian. Mga ganoon… Kinikilig ka pag naaalaala mo kung paano siya tumingin sa iyo, kung paano ka niya bigyang-pansin at asikasuhin. Sa madaling salita, gusto mong marinig ang kanyang boses, gusto mo siyang mahawakan at gusto mo siyang makasama lagi. Kung tutuusin, marami kang gustong mangyari – sana. Wala namang pumipigil. Pero para sa iyo, tila hindi ganoon kadali.

 

cartoon image of two persons in love, borrowed from tumblr.com

Umaasang minamahal rin tayo ng taong ating mahal/ mhae14.tumblr.com

 

Hay naku, ang magmahal nga naman… 😉

 

Possibly Related Posts:

 

Ngiti

Minsan, Dumating Ka sa Buhay Ko

Pag-asang Alis-Dating