Malalaki ang mga bakuran ng mga bahay sa amin. Bukod sa tibay ng bahay, bahagi rin ng seguridad ng kabahayan doon kung gaano karami ang mga makakaing tanim na nakapalibot dito. Ang bakuran o yard sa amin ay nagsisilbing hardin, workshop at talyer ng mga taong nakatira sa bahay. Isa itong munting kahariang maaring maging masagana o naghihirap depende sa pag-aaruga ng mga namamalakad. Bahagi na ng buhay ng mga tao sa amin ang magtanim ng mga gulay at prutas sa bakuran.
Nabanggit ko dati, sa aming baryo ay walang malapit na palengke, walang palaisdaan at wala ring regular na katayan ng mga hayop. Kung titira ka sa amin, magtatanim ka para mabuhay. Kung hindi marunong, kailangang aralin at alamin mo kung papaano. Sangkaterbang panahon, pawis at tiyaga ang minimum na puhunan. Sa amin, ang nagtatanim, hindi nabubuhay ng marangya. Pero kahit paano, natutulungan siya ng pagtatanim na mailayo sa gutom. Isa pa, mabait ang lupa sa amin. Susuklian nito ang pagod ng maglulupang nagpapagod rin nang husto.
Hindi ko alam kung sinadya o aksidente lang, pero may napansin akong padron ng yari ng bakuran ng bahay doon sa amin. Typical lay-out, kumbaga.
Sa harapan ng bahay doon, sa front yard kumbaga, ang mga tanim ay ornamental plants – iba’t ibang variety ng rosas; tatlong halaman ng rosal; isang hilera ng sampagita; may kung ilang dahlia plants ring tanim; apat na hilera ng daisies – iba’t ibang kulay; may mga liryong nakatusok sa mga gilid; at maaring may isa o dalawang puno ng bougainvillea sa may pultahan o entrance. Kung may masipag namang maggamas sa mga nakatira, maaaring ang sahig ng halamanan ay natatakipan ng Bermuda grass. Merong ilang bakuran doon sa aming may puno rin ng ilang-ilang sa loob ng hardin.
Ang gilid ng halamanang ito ay karaniwang binabakuran ng Sta. Ana, San Francisco at Tungkod ni San Jose, mga halamang itinuturing sa aming sadyang pambakod. Sa ibang bahayan, tinataniman din ang hardin ng mga kilalang medicinal plants gaya ng akapulko, yerba buena, eucalyptus, lagundi, niyog-niyogan, pansit-pansitan at sambong. Madalas ding may tanim na pandan sa mga bakuran sa amin, pampabango sa bigas pag nagsasaing.
Sa likod ng bahay o backyard, andoon ang mga halamang kaagapay sa pagluluto – mga sampong puno ng talong, mga limang puno ng okra, apat na puno ng kamatis, tatlong puno ng kalamansi, ilang puno ng siling labuyo at siling berde at mga pitong puno ng paminta. Sa totoo lang, ang mga nabanggit ay hindi naman talaga puno kundi shrubs na tradisyunal na katuwang sa kusina ng maybahay. Ang paminta naman, isang uri ng baging o vine. Karaniwan ding may mga tanim sa likod-bahay na ilang halamang-ugat o rootcrops gaya ng ube, luya at luyang dilaw. Maari ring may ilang piraso roon ng mga halamang gumagapang – sitaw, pipino, kalamismis (mas kilala bilang sigarilyas) at sayote.
Sa balagan o trellis na madalas ay nasa gilid ng bahay, naroroon ang mga gulay na gumagapang: mas maraming sitaw, kibal (mas kilala bilang paayap), patani, sebatsi, bataw, kalabasa, patola, at tabayag (mas kilala bilang upo). Kung minsan, may mga tanim ring rootcrops sa sahig ng balag, bagaman ang balagan ay karaniwang exclusive para sa mga gulay na gumagapang. May schedule ang pag-aani ng mga bunga sa loob ng balagan. Kadalasan, iyon ay sa weekends. Ang unscheduled na panggugulay ay doon inaani sa mga tanim sa likod-bahay.
Sa amin, ang hangganan ng bakuran ay karaniwang lakaran ng mga tao o footpath. Ang isang gilid nito ay karugtong na ng lupa ng may-ari ng bahay. Ang kabila naman ay sa kapitbahay na o ibang tao ang may-ari. Kadalasan, ang kabilang gilid na iyon ay padahilig o sloping. Patuto ang tawag sa amin doon. Ginagawa iyon para maipakita ang umpisa at hangganan ng mga lupang ari-arian. Ang patuto ay karaniwang tinatamnan din – ng kamote at kamoteng-kahoy – para pigilan ang pagdausdos ng mga lupa. Malaki rin ang pakinabang ng mga tao sa amin sa mga halamang-ugat na ito at sa kanilang mga talbos.
Marami ring mga tanim na puno sa loob ng bakuran doon sa amin – papaya, mangga, langka, atis, lansones, sinegwelas, kamyas at tyesa. Iyong ibang bahay sa lugar namin, may mga tanim pang bayabas, kaymito, santol, tsiko, duhat at balimbing. Sa konserbatibong estimate, ang isang tipikal na bakuran sa amin ay mayroon at least, walong punong namumunga o fruit-bearing trees sa loob nito. Madalas, ang bunga ng mga ito ay kinakain lamang o para sa konsumo mismo ng nagtatanim o farmer at ng kanyang pamilya.
Kung susumahin natin, ang isang bakuran sa amin ay may hardin ng bulaklak sa harapan, may munting halamanan sa likod, may balag ng gulay sa gilid at may walo o higit pang punong namumunga sa iba’t ibang bahagi nito.
Para sa mga romantiko, isang munting paraiso ang ganitong bakuran. Para naman sa mga realistiko, isa itong bulto ng gawaing-bukid o farm work na hindi matapus-tapos. Kung tutuusin, parehong may tamang punto. Masaya at parang malaya ang pakiramdam ng taong nagtatanim at nag-aani ng sariling pagkain. Matrabaho naman nga ito – seryoso ang pagpipili ng mga butong itatanim, mahirap maggamas ng damo at pang-santong gawain ang magbantay ng mga bunga ng halaman. Halimbawa, ang mga bunga ng pipino at langka ay kapwa binabalutan at araw-araw sinisilip kung lumalaki ba ng pantay, walang depekto at tama ang pagkagulang o pagkahinog. Hindi biro ang magtanim, sabi nga sa kanta.
Naulit ko minsan, sa aming lugar noong early ‘80s, hindi talaga uso ang magbakod ng bakuran gamit ang alambre, kawad o semento. Sa ilang mayroon, ang layunin pa ng nagkabit ay gawin ang mga iyong gapangan ng tanim na gulay. Ang kadalasang pambakod talaga noon sa bakuran sa amin ay mga halaman din. Naabutan ko pa nga nang nausong pambakod sa nayon namin ang mga puno ng ipil at ang mga puno ng madre cacao. Pagkaraka, ang ganitong practice ay lumipas din.
Hindi kailangan noong magbakod ng solido. Wala pang gasinong may malalaking ari-arian noon sa amin – kakaunti pa ang mga nagtatrabaho sa lungsod, pati ang mga nangingibang-bansa, at, bibihira pa noon ang mangangalakal o negosyanteng nagtatagumpay ng todo. Local, self-sufficient cash crop economy ang mayroon noon sa amin. Ang pang-araw-araw na adhika ng marami sa mga taga-amin ay makaraos lang: maitaguyod ang pamilya nang di sumasala sa pagkain at wala sanang miyembrong magkakasakit nang malubha. Ito siguro iyong sinasabi ng maraming simpleng pamumuhay. Simple sa isang banda, pero hindi madali.
Karaniwang hindi sapat ang mga tanim sa loob ng bakuran para itaguyod ang magsasaka at kanyang pamilya . Ang mga magta-tanim doon sa amin ay malimit na mayroon pang bukiring malayo sa bahay – taniman ng palay at mais o kaya naman ay ng gulay na pambenta. May mga alaga ring hayop sa bakuran ang halos lahat ng bahayan. May bakuran at bukirin na nga, madalas hindi pa rin sumasapat para sa pangangailangan sa buong taon ng pamilya. Kadalasan, ang ama ng tahanan, katulong ang matatandang anak na lalaki, naglilinis pa ng lupa sa isang bahagi ng kalapit na gubat. Tinataniman nila iyon ng mga punong namumunga na maaring gawing kalakal o produktong pambenta.
Mas mabusising mga paksa ang bukirin at pagtatanim sa gubat at maiging paghuntahan natin ang mga ito sa ibang pagkakataon. 🙂
* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-4 ng Disyembre para idagdag ang iba pang larawan sa post.
Posted by jec mendiola on Disyembre 9, 2010 at 7:38 umaga
WAW. WAW. WAW.
Gusto ko din ng bakuran. Gusto ko ng maraming tanim. Gusto ko ng hardin. WAW. dahil romantiko ako (siguro) isang munting paraiso ang tingin ko sa ganto. WAW.
wala na kong masabi bukod sa HUWAW.
Posted by doon po sa amin on Disyembre 9, 2010 at 8:39 umaga
ha,ha, mag-ipon ka para makabili ng lote sa probinsya, jec.
medyo mura lang doon. ang pambili ng isang parking space dito sa maynila ay pwede nang makabili roon ng isang 400 sq.m. na lote na pwede mong taniman.
urban person ka, wari ko. born and bred sa maynila?:]
pero ganito, ha? doon, aantayin mo pang lumaki at mahinog ang prutas mo. sa city, pupunta ka lang sa mall, dadamputin mo si prutas, babayaran sa cashier and presto, pwede mo nang kainin. ayaw mo na ng ganoon? :s
Posted by jec mendiola on Disyembre 9, 2010 at 6:09 hapon
yes, sa Maynila na ‘ko pinanganak at lumaki.
Di ko pa nasusubukang magtanim pero gusto ko yung idea na ako ang nagtanim, nag-alaga at pipitas ng kakainin ko. WAW.
Posted by doon po sa amin on Disyembre 10, 2010 at 1:43 umaga
sige, isasama kita roon pag magkakilala na tayo. tamang-tama, maputi ka sa pic, matutuwa sa ‘yo ang mga taga-amin, he,he…(maiitim ang taga-amin, mga babad sa araw)
ibi-VIP treatment ka siguro ro’n. marami ang magko-coach sa ‘yo. tuturuan ka nilang gumamit ng panghukay aka bareta. ^^
kailangan pala, medyo magtagal ka para makita mo kung tumubo o nalanta lang ang ‘yong pananim, hi,hi… 😉
Posted by aninipot on Enero 17, 2011 at 4:55 umaga
haha, aang haba.. hindi ko na tuloy alam anong ikokomento ko.. ang pag feature ng mga puno sa susunod ko na lamang po gagawin, pag may malaking oras ako, syempre may kasama pang simpleng kwento..hahaha
Posted by doon po sa amin on Enero 17, 2011 at 6:28 umaga
he, he… haba nga. ala ay ganire ang tumatanda, andaming naiipong kwentong interesting lang siguro doon sa mga nakaranas ng parehong sitwasyon. :-
at least, sinilip mo. pwede mong balikan pag kailangan mo uling mag-review ng taxonomy, hi, hi…
‘yong puno feature mo, one tree at a time lang. sana, yong hindi fruit-bearing trees, anini. yon kasi ang kokonti ang nakakaalam. it would help a lot, i think, if you feature them. :]
Posted by Ang Kwento ni Nine « doon po sa amin on Enero 19, 2011 at 2:39 hapon
[…] sa pito, magwa-walong magkakapatid. Nagtatanim sa bukid ang tatay nya habang nagluluwas naman ng gulay sa Maynila ang kanyang ina. Mahirap lamang ang kanyang pamilya. Anim silang nag-aaral at maski […]
Posted by Bentahe Ng Nabebenta « doon po sa amin on Pebrero 4, 2011 at 4:18 hapon
[…] Bakuran Natin LikeBe the first to like this post. […]
Posted by Ang Baku-bakong Kalsada sa Aming Nayon « doon po sa amin on Pebrero 22, 2011 at 6:46 umaga
[…] Bakuran Natin […]
Posted by connie manipon on Marso 12, 2011 at 12:53 umaga
Lumaki ako n merong inuuwiang probinsya marahil ay nkasanayan ko na ito pero nung sumakabilang buhay c tatay ay d nkmi nkaka uwi ng rpbinsya sya kc ang maraming tanim at alagang hayop dun at bz nrin sa trabaho pero sngayon naiisipan ko n bumili ng lupa sa probinsya ng aking asawa sa binangonan gusto ko sa aking pang retiro meron akong munting bahay at bakuran n pagkukunan ng mga sariwang gulay, pero ito ay marahil mangyayari lamang 5 taon mula ngayon..
Posted by doon po sa amin on Marso 12, 2011 at 4:53 umaga
hello po. salamat sa pagdaan at pagbabasa.
maganda po ang inyong plano, sana ho ay matuloy. isa ho pala ang binangonan sa mga paborito kong lugar sa plipinas. nakatigil na po ako dyan dati at nakapag-ikot na rin kahit paano sa mga isla at munting daungan doon. sobra hong nakaka-inlab ang lake. 😀
regards po.
Posted by Wala Niyan sa Amin « doon po sa amin on Marso 12, 2011 at 8:32 umaga
[…] Bakuran Natin […]
Posted by Libertad on Abril 13, 2011 at 9:33 umaga
Napakaganda ng iyong mensahe. Isang pagbbalik tanaw sa nakalimutang importansya ng isang simpleng pamumuhay. Ang pagtatanim ay mahirap ngunit ang bunga nito’y napakasarap at napupunan ang pagkalam ng tyan. Marami n din lugar sa pilipinas n nagiging komersyal at puro bahay at gusali na. Kya nmn pag nagbabakasyon sa probinsya ang simoy ng hangin ay kay ginhawa.
Sna makabisita me sa inyong probinsya sapagkat nais ko din matutunan paano magtanim at mangalaga ng mga panananim
Posted by doon po sa amin on Abril 13, 2011 at 11:04 umaga
hello po. salamat sa pagdaan at pagbabasa. 🙂
maganda nga po ang pagtatanim at totoo hong ini-spouse ko na mabalik sana sa kamalayan ng mga tao ang halaga nito sa tao, hayop at buhay sa pangkalahatan. na kahit sinasabing moderno na tayo sa ngayon, di dapat mawala ang value ng mga halaman…
ay sige ho, malapit lang ho ang sa amin sa MM. mga 3 to 4 hours lang ho ang layo. btw, di na rin ho singdami noong araw ang nagtatanim sa amin. :s
Posted by Maiksi Lang… « doon po sa amin on Agosto 9, 2011 at 4:14 hapon
[…] Bakuran Natin – mga halamang tanim sa loob ng bakuran […]
Posted by mga anik-anik « doon po sa amin on Agosto 11, 2011 at 8:13 hapon
[…] 1. Higit sa sampong oras ang ginugol para sa fact-checking ng post na Bakuran Natin. […]
Posted by Doon Po sa Amin, balik-tanaw – ikalawang bahagi | sasaliwngawit on Disyembre 26, 2012 at 11:56 hapon
[…] isinulat sa site, Bakuran Natin ang pamagat, ukol sa mga alagang puno at mga tanim na halaman sa loob ng bakuran. Ang gusto ko […]
Posted by jalal michael sabbagh.http://gravatar.com/jmsabbagh86@gmail.com on Agosto 26, 2014 at 12:53 hapon
Lovely and inspiring post.
Posted by Maritoni Giron on Abril 5, 2015 at 1:20 hapon
magandang hapon po, naghahanap po ako ng halaman ng niyug-niyogan kailangan po namin ito sa school para ipresent ang ibat ibang medicinal plants sa Pilipinas. Saan po kaya maaaring makahanap nito?
Posted by rebecca buganas on Setyembre 11, 2016 at 9:38 umaga
Salamat po sa inyong site marami po akong natutuhan, tungkol sa paghahalaman