
Ang dantay ay magaan lang at sa pagitan ng dalawang malapit/ rose4hillary.blogspot.com
Isa ito sa mga nami-miss ko sa mga kaibigan kong di ko na napagkikita – ang dantayan nila ako. At siyempre, ang pagkakataong makadantay din ako sa kanila. Pero, ano nga ba ang dantay?
Dantay, Hipo, Hawak at Tapik
Ang dantay ay ang magaang pagpapatong ng kamay ng isang tao sa isang taong katabi niya. Maaring ito ay sa balikat, sa braso o sa hita ng tao. Magaang lang na nakapatong ang kamay – walang pressure. Sabihin pa, kailangang malapit o familiar sa isa’t isa ang nagdadantayan. Kung hindi, medyo mababastos ang pakiramdam ng taong dinadantayan at magiging bastos naman ang dating ng dumadantay.
Ang dantay, iba sa hipo o feel. Ang huli kasi ay madalas may kasamang himas o caress. O, di kaya naman ay pisil o pressure. At mas madalas, ang hipo ay may romantic o sexual connotation. Isa pa, ang hipo ‘ika nga ay maraming ibang maaring puntahan.
Ang mas malapit na kamag-anak ng dantay ay ang hawak o hold. Kadalasan, magaan din lamang na physical gesture ang paghawak at sa maraming pagkakataon, neutral ito. Walang mahalay na ibig sabihin o nais ipahiwatig.

Normal lang ang hawakan sa dalawang taong magkalapit ang loob/ thecolor.com
Subalit may mga pagkakataong ang hawak ay nangangahulugan ng paghingi o pagbibigay ng ayuda o assistance. Sa gayon, hindi na ito neutral. Sa ibang pagkakataon naman, ang hawak ay nangangahulugan ng pagpigil ng isang tao sa isa pa. Pag gayon, partial din itong gawain.
Pero mas madalas, ang hawak ay sa pagitan ng dalawang taong malapit sa isa’t isa at sa gayo’y ang hawakan ay nangangahulugan ng pagmamay-ari o proprietorship. Kumbaga, hawak mo kasi, may karapatan ka… May isang antas na pagmamay-ari mo ang taong iyon.
Sa pagitan ng dalawang taong malapit sa isa’t isa, masasabing normal lang ang maghawakan at magdantayan. Pagkakalapit o closeness nilang dalawa lamang ang pinapakahulugan nito. Isang ugnayang ipinapakita sa pisikal na paraan. Kumbaga, hindi lamang sila magkasundo sa isip at emosyon kundi aktwal at pisikal na ipinadarama ang connection ng dalawang tao.
Ang hawak-kamay ang isa sa pinakatanggap na physical gestures dito sa atin. Tanggap ito kung kaninuman ginagawa o ipinapakita – kamag-anak, kaibigan, katuwang o asawa. Hindi rin gaanong malaswa o mahalay tingnan ang paghahawak-kamay sa ating kultura. Pero may ibang mga kultura sa mundong hindi gayon ang turing at ipinapalagay na sa limitadong okasyon lamang dapat naghahawak-kamay. Subalit sa halos lahat ng kultura sa daigdig, tanggap ang paghahawak-kamay bilang social gesture – sumisimbulo sa fellowship, cooperation and unity – lalo na kapag ginawa ng maramihan at sabay-sabay.
Ang tapik naman ay ang mabilis at sandaliang paghawak o magaang pagpalo sa katabi. Maaring ito ay para tawagin ang pansin ng isang tao sa polite na paraan. Ikalawa, maaring ito ay para ipaabot ang approval ng isang tao sa kapwa tulad ng pag may gawaing nagampanang mabuti. Pag paulit-ulit ang tapik at sa professional setting, pat on the back ang tawag. Tulad ng karaniwang ibinibigay ng boss sa kanyang subordinate.

Uso ang tapikan sa magkakasagpi sa laro/ zimbio.com
Ikatlo, ang tapik ay para rin ipaabot ang pakikidalamhati sa kapwa sa paraang neutral at katanggap-tanggap sa publiko. Sa gayon, may pagdamay na naipapakita subalit controlled ang emosyon ng dumaramay. Sa ganitong okasyon, ang tapik ay nagbibigay ng assurance sa nagdadalamhati sa paraang hindi give-away ang emosyon ng nagbibigay at binibigyan.
Akbay, Yakap at Halik

Karaniwan lang ang mag-akbayan sa magkaibigan/ juanorandmommy.blogspot.com
Ang akbay, malapit din sa dantay. Pagapapatong din ito ng kamay ng isang tao sa balikat ng isa pa. Kadalasan ay magaan din lamang ito. Ang kaibahan nito sa dantay ay kadalasang may kasama itong kabig o pull, papunta sa umaakbay. Ang ganito wari ay halos kahalintulad ng pisil. Iyong kabig na iyon ang nagpapa-iba. Pero muli, sa kultura natin, hindi rin mahalay tingnan ang akbay. Isa pa, ang akbay ay hindi laging private gesture lamang. Isa rin itong social gesture kung minsan – ginagawa para ipakita sa mga nakatinging malapit sa isa’t isa ang nag-aakbayan, kahit hindi naman. Kung minsan, ang akbay ay paraan para sumipsip o humingi ng pabor.
May pribado at may pampublikong tipo rin ng yakap at halik. Pag pribado, ang sinisimbulo ay ang pagiging malapit sa isa’t isa ng nagyayakapan at naghahalikan. Pagpapakita ang mga iyon ng magiliw na pagbati, simpatya, pagmamahal at pagnanais na makibahagi sa saya o lungkot ng taong niyayakap o hinahalikan.
Pag pampubliko o pakitang-tao lamang ang yakap o halik, kadalasan ito ay mabilis lamang at walang halong tunay na emosyon. Mas madalas, ang kasunod nito ay ang pagkagulat ng binibigyan ng yakap o halik. Kung minsan, ng pagka-dismaya o inis. Ang hirap kasi sa physical gestures na ganito, may isang antas laging kailangan mo silang ibalik o suklian. Reciprocate, sabi nga sa Ingles. Pag niyakap ka ng yakap na pang-sosyalan lang, kahit hindi mo gusto ang yumakap sa iyo, kailangan mo pa ring yakapin ‘yong tao.
Ganoon din sa halik – beso-beso, ika nga. Social kissing, kumbaga. Maghahalikan para lamang ipakita sa publikong wala kayong masamang tinapay sa isa’t isa. O, di kaya, para ipakitang ayos ang pagkakaibigan o relasyon ninyo, maski hindi.
Salingin at Masaling
Mahaba at marami ang pwedeng talakayin pag usapan ng pisikal na pagpapahayag o expression ng emosyon ng tao ang pinag-uusapan. Ang isang malinaw, hindi sapat ang mga salita o verbal communication para ipaabot ang ating nararamdaman sa kapwa. Gusto at kailangan nating nahahawakan, nararamdaman at nahihipo ang mga bagay at taong pumupukaw sa ating paningin, pandinig at pag-iisip.

Masarap ang pakiramdam pag niyayakap/ 4tenderheart.com
Nais nating ilapit ang sarili sa kanila at sila man ay lumapit sa atin. Sa gayon, mas natitiyak natin ang ating nararamdaman at naiisip. Tila baga ang paghawak ay bahagi na ng ating masalimuot na pakikibahagi sa buhay – ang makaranas ng iba’t ibang sensations to affirm life in its various forms. Maigi na lang at may sense of touch tayong mga tao.
Hindi ko na tatalakayin pa ang mga uri ng hawak, yakap at halik sang-ayon sa dalas, consistency, texture at panlasa. Sigurado akong maraming higit na nakakaalam kaysa sa akin, pagdating dito.
Dantay ang Nais
Hayaan nyo na lang na ihayag ko ang aking personal preference sa dantay bilang physical gesture. Para sa akin, mainam ang dantay una, dahil ito ay magaan lamang. Ikalawa, dahil ito ay casual. Kumbaga, nangangahulugan itong malapit at familiar ang dalawang tao, subalit wala ng intensity and concentration na kailangan sa ibang gestures – gaya ng yakap at halik.

Magaan at relaxed ang dantayan sa magkakaibigan/ betweenfriendsblog.typepad.com
Ikatlo, ang dantay ay katanggap-tanggap bilang pribado at pampublikong gesture. Sa pribado, hindi man sabihin, alam ng dalawang panig kung ano ang ibig sabihin ng pagdantay ng isa at bakit. Sa publiko, kung halata man ang pagdadantayan, kadalasan ay hindi na pinapansin ng nakakamasid o di kaya’y hinahayaan lamang.
Ang pagdantay ay tila pagsasabing andito lang ako. Sakaling may kailangan ka o gustong sabihin – andito lang ako. Para sa akin, ang dantay ay payak na paraan ng pag-reach out sa kakilala mong gusto mo pang kilalanin at handa ka ring pagpakilanlan pa. Wala itong gasinong pagkukunwari, walang malalim na hinihingi at walang mabigat na ipinapangako. Andito lang ako – iyon wari ang sabi ng dantay.
Sa mga kalalakihan, ang pagdantay ay madalas nilang tawaging chancing. Isang panakaw na pagkakataong makahawak sa katawan ng taong naiibigan o nagugustuhan. Isang pagkukunwaring neutral ang isang kilos na may kaunti namang mahalay na layunin, kumbaga. Subalit ang mga lalaki ay madalas ring nagdadantayan sa kanilang mga umpukan at huntahan. Pag sila-sila, hindi naman chancing ang tawag nila. Dantay lang. Isa pa, tila hindi alam ng mga lalaking ang mga babae ay nantsa-chancing din. Kunwari lang ay dantay. At sa mga ganoong pagkakataon, mas talo ang kalalakihan, pangako. 😉
Ngayon, hindi ang ibig sabihin nito ay pwede ka nang dumantay sa sinumang maibigan. Sabi ko nga, may isang level na magkakilala at malapit na kayo sa isa’t isa bago mo gawin iyon. Alam nyo na ang timpla ng inyong moods, ‘ika nga. Subukan mong dumantay sa taong di mo pa kilala o bago lang kakilala – babae man o lalaki. Siguradong maasiwa iyong tao. Sa pinakamababa, aalisin nya ang kamay mo at titingin siya sa malayo. Pag sinasama, tatabigin ka. Baka may kasama pang sabi, “Feeling close, gano’n?”
* Ang sulating ito ay impluwensyado ng mahabang maikling kwento ni Joseph Conrad na The Secret Sharer.
Please see:
http://www.bansa.org/dictionaeries/tgl/?dict_lang=tgl&typ=search&data=hipo
http://www.bansa.org/dictionaries/tgl/?dict_lang=tgl&type=search&data=hawak
http://www.bansa.org/dictionaries/tgl/?dict_lang=tgl&type=search&data=tapik
http://www.bansa.org/dictionaries/tgl/?dict_lang=tgl&type=search&data=akbay
http://www.ehow.com/facts_5645742_psychology-human-touch.html
http://answers.ask.com/Computers/Internet/why_do_people_hug
http://www.lifepositive.com/mind/personal-growth/hug/hug-therapy.asp
http://www.suite101.com/content/why-do-people-kiss-a124786
http://curiosity.discovery.com/question/why-do-people-kiss