Posts Tagged ‘blog about blogging’

Sa mga Salita

 

I am sharing the poem below to fellow bloggers, especially to those who strongly believe that they have stories to tell and have a special way of telling them, before an audience as large as the world.

 

image of harry potter casting a spell

Nais nating magbahagi at mangmangha sa ating mga sulatin/ scarydoesntscareme. deviantart.com

 

Casting a Spell

Learn a spell. It takes some time

First you must have the gift of rhyme, 

New images, a melody. 

Verse will do but poetry

Sometimes will come if you have luck.

Play tunes, blow trumpets, learn to pluck

The harp. The best of spells are cast

When you have written words to last,

Rich in subtle rhythms and

Right words which most will understand.

Casting a spell’s a secret skill

Which few learn fast. No act of will

On your part hands the gift to you.

Words must surprise yet ring true.

False sorcerers are everywhere

But the true magic’s deep and rare.

- Elizabeth Jennings
from the book, A Spell of Words
Macmillan, 1998
  

Inaanyayahan ko po ang mga kasamahang bloggers na isalin ang tula sa wikang Pilipino bilang munti nating ambag sa pagpapayabong ng wikang sariling atin ngayong Buwan ng Wika. Wala pong pabuya. Subukan lang po natin. Salamat sa inyo. 🙂

 

Close na ba tayo?

image of formula for closeness

May formula nga kaya?/ oocities.org

 

Pagkatapos ng backread, ano na? Close na ba tayo? Di nga?…

 

Backread. ‘Yan ang dramarama ko pag hapon o early evening. Naghahalukay-ube ako sa archives ng ilan sa ka-blogs, sa inyong bahay-bahay. Natutuwa naman ako, so far, sa mga anik-anik na nakikita ko ro’n. More or less, sampong bahay o sites na ang natapos ko sa loob ng mga sampong buwan. Ano’ng nakita ko ro’n? Hmmn… Na ang mga tao pala ay parehong simple at komplikado. Parang…

 

Ganito kasi ‘yan. Do’n sa sinulat kong Ang Bagong Betamax, sinabi kong mahalay mag-blog, as in… Kasi, kako, sa blog dyan yata natin inilalagay ang ating mga pagmumuni-muni, kababawan, galit, kaadikan at fantasies. In short, sa pagsusulat sa blog, we let others have a look at our most intimate sidesCuriously, ipinapakita at ipinababasa natin ang ang mga ‘yon sa mga taong di natin kilala o di pa natin nakikilala.

 

Sa kabilang banda, aba e, naninilip din naman tayo sa blogs ng iba, sa mga gano’n nila. Hoping tayo na sa inaraw-araw na buhay kung saan obligado tayong sumunod sa mga kalakarang tila lihis, di-tama o di natin maintindihan, dito sa blog ay makakakita tayo ng medyo iba naman. ‘Ika nga natin, ‘yong walang pretensions.

 

Sulat tayo at basa. ‘Yon, blog life raw ang tawag sa gano’n, ahaha. And, I’d say that for the most part, hindi naman siguro tayo disappointed. Hi,hi, at least ako, hindi. Nakita ko naman sa pag-iikot-ikot na the ka-blogs tried to disclose as much as they can, as you can, sa mga sulatin nila, ninyo. Daring ang ganitong ginagawa nyo, natin, kung tutuusin.  Dahan-dahang naghuhubad sa blog at isa-isang ipinapakita sa publiko, hindi lang ang mga bilbil at taba, kundi pati mga galos at sugat.  At sa mga taong di pa natin kakilala, patatawarin!

 

So, ayon. Sa kabilang banda, tila desperate at  pathetic itong pinaggagawa natin. Ang layo na nito sa bilin sa atin ng ating mga magulang, “Don’t talk to strangers.” Haha, we’re in fact talking to strangers and about our most private longings, at that. Hala! Wala na bang happenings sa mga totoo nating buhay kaya sa blog sites na tayo gumagawa ng gimmicks at usap (Excuse me po!)? Pwedeng oo. Pwede rin namang hindi. Pero, tila aminado tayong pare-pareho: may kulang.

 

Iyong mga kulang na iyon, na tatawagin kong mga gatlang at patlang, tila ang mga iyon ang nagpapaandar sa atin para magsulat ng blog entries. Tama ba? Haha, mga gatlang at patlang sana ang title nitong post pero baka sabihin na naman ng iba sa inyong ang seryo-seryoso ko… Kaya ‘yon, may mga gatlang at patlang sa buhay-buhay natin. Chos! At lagi naman yata. Kumbaga, sa history ng tao at sa nararanasan natin, parang laging may ganyan. Kainis, pero parang gano’n.

 

0000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000

 

Fill in the blanks kaya ang pagba-blog? Pwede. Pero, pwede ring enumeration. Pwedeng lecture (di lang sure kung marami ang makikinig)Pwede ring multiple choice. Pwede rin namang True or False. Pwedeng essay (Shit, hindi pwedeng mangopya!). Pwede ring match column A sa column B. At pwede ring connect the dots. Maraming pwede. Pero, alam na yata natin ‘yon. O, hindi? Joke lang!

 

00000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000000

 

So, ano na? Ang point ko lang… Teka, may point  ba ako? Actually, hindi ko sigurado, lols! Ganito ‘yon, may naisulat ako dati, Baka Sakali ang title. Tungkol ‘yon sa animal husbandry. Haha, tantyado ko sa umpisa pa lang na hindi iyon ang tipo ng babasahing papatok sa ka-blogs. Baka may mga tatlong ka-blogs na nagbasa no’n, baka sakali (pun intended). Ang bida ro’n sa pagkahaba-habang post (na pati ako, nag-nosebleed) ay ang baka. Beast of burden ‘yon, doon sa amin. Wala lang. Sabi ko lang do’n sa post na pag may alagang baka, baka increased ang chances na may makapagtapos ng pag-aaral sa pamilya. Ahehe… ‘Yon ‘yon.

 

Para saan ‘yon? May point ba talaga? Para iyon sa isang ate ko at sa kuya kong nag-alaga ng baka noong maliit pa ako. Sila, nakaranas ng gawaing iyon, ako hindi. Minsan, nakikisalibuyboy ako sa pagpapakain o sa pagpapainom ng baka. Pero, hanggang doon lang. At ngayong matatanda na kami, gusto ko lang sabihin, in so many words, in thousands of words, in fact, may ideya ako kahit paano na mas mahirap ang buhay na pinagdaanan nila. Talk about being roundabout. Ako na ang hindi makapagsabi ng diretso. Ako na.

 

There are so many ways to skin a cat daw, to approach a problem, to say I love youI hate you, Sinaktan mo ako, You move me, Wala akong pakialam, Kaya natin ‘to – at iba’t iba pang mensaheng gusto nating ipaabot,  across the universe. Kung minsan yata, para lang ‘yon sa taong across the room, di nga. Hahaha at haha pa rin. Ang loser lang. And yet, am still hoping (I don’t know about you) na makakarating, na may mangyayari. Mukhang tanga lang.

 

Kaya pagkatapos kong mag-backread, ano na ang kasunod? Kung site mo ‘yon, will we become fast friends?  Ibig sabihin ba no’n, kilala na kita? Close na tayo? Hindi rin. Baka lalong hindi. Baka mas mabuti pang hindi ko sininsin ang pagbabasa sa bloghay mo. At least, pag gano’n, baka posible pang meron akong maihirit sa comment box mo. O, kawayan kita sa YM, maglalakas-loob ako. O, i-email kita, sabihin ko, ‘Naman, you know me so well. You heart me talaga.’

 

Pero dahil nga nag-backread ako, hindi ko na ganoon kadali magagawa ‘yon. Maninimbang na ako. Naks, naman… Papasok na ‘ata yong sinasabing pagsasa-alang-alang? Consideration, sa Englishin. Tapos, respect. Yown, naman! Parang di maiiwasan, di nga. Nagkaka-ideya na akong may iba pang gustong ipahiwatig ang ka-blog –  ikaw, kayo – lampas sa mga isinulat. Panghuli, ang reciprocity. Naman. Ang tanong dyan, nagba-backread ka rin ba sa site ko? Maski isa o dalawang posts lang sa isang buwan? Weh?  Oiieee, ‘yon yata ang parteng tricky.

 

image of two cats close to one another

Alin ang mas madali - ang lumapit o mapalapit?/aesculapius.net

 

So, ‘yon nga. Iisipin ko na ang mga pwedeng maramdaman o reaction ng tao sa kabilang dulo. Titimbangin ko ‘yon versus my own, ‘ika nga. At eto, may tao. Wish ko minsan, wala. Pero, wish ko rin, sana mayro’n. Sana, totoo… Ano ba talaga? Ang adik lang, pramis.

 

So, eto na nga. Sa pagba-blog, some of us may seem to be trying to scratch or see through the surface. Some of us may seem to be leisurely exploring the middle. Some of us may seem to be coming up from the bottom, after inhaling so much shit in the deep part.  Pero ‘yon ‘ata ang point do’nthat the operative word is seem. We never know for sure unless and until… And even then and even after… Heck, you never knew before this that I can talk shit and spell it, too!?! He, he… baka akala ko lang ‘yon?

 

Wala talaga akong point. Weh, dapat meron? Keyr ko?  xD

 

Kalsadang One-Way

Image of a blogger in a car, waving

Pinasaya nyo ang isang taon/ http://www.imageenvision.com

Sa buwang ito, unang anibersaryo ng naturingang pangalawa kong bahay, pasasalamatan ko ang mga lugar at taong nagpasaya at nagpakulay sa isang taong paglalakbay. Kayo ‘yon, mga ka-blog. 🙂

Pana-panahon ay dinadalaw ko ang inyong sites.  Minsan ay aktibo akong nagko-komento  at nagla-like doon sa inyong mga bahay. Kung minsan, tahimik lang ako roong nanonood ng mga larawan, nakikinig ng musika, nagmamasid sa inyong mga kwentuhan at minsan ay nagbabasa ng walang-imik ng mga teksto ng inyong posts.

 

Paminsan-minsan, pumapasok rin sa isip ko ang paggawa ng blogroll. Una na, para isang click lang ng mouse, andoon na ako agad sa bloghay nyong mga kapatid at katoto. Pangalawa, para maipaalam ko rin naman sa sangkatauhan, este, sa pangkalahatang audience, kung sinu-sino ang mga hinahangaan ko at kinagigiliwang kakwentuhan. Kumbaga, ipagmalaking kong kayo ang mga gusto ko sa blogworld at dahil sa inyo, parang mataas na rin naman ang panlasa o pamantayan ko sa pagbabasa, haha.

Pero, takot ako sa commitment. Iwas akong mangako ng mga bagay na di ko rin naman kayang ibigay o panindigan. Ang dami nang pagkabigo sa totoong buhay, pati ba naman dito sa mundong gawa-gawa lamang ay dadalhin ko pa ang pagiging bulaan? Hayaan na lang muna nating panahon ang magsabi kung kaya kong manatili sa inyong tabi at kung para sa inyo, ako’y magiging katanggap-tanggap bilang pirming kakwentuhan o kung sinuswerte, bilang kaibigan.

 

Minsan ay nagtatampo ako sa inyo. Minsan ay natatakot. Minsan, ako’y nagtataka lamang. Palagay ko, ganoon din kayo sa akin.

Sa bawat isa sa inyo, andoon ang aking pagtatanongbakit kaya niya nasabi ang ganoon? Ano kaya ang nais niyang ipakahulugan? Sino kaya ang kanyang pinatutungkulan? Bakit ganoon na lang siya kalungkot? Sino o ano kaya ang nagpapasaya sa kanya ngayon? Bakit kaya matagal siyang nawala? Ano kaya ang baon niyang kwento sa kanyang pagbabalik?

 

Ang inyong mga bahay ay tila imbakan ng mga mumunting galak; mga lihim na kaligayahan; mga inipong lungkot na unti-unting isinisiwalat; mga kaalamang pinaghirapan ng maraming taon – ibinabahagi ngayon ng walang bayad sa sinumang mapadaan; mga patawang may kahalong pait at; mga larawang gustong magpakilala, habang wari’y nais rin namang magkubli.

Naroon ang mga salitang nagsasabing wala, kanyo, kayong pakialam – pero tila nakikiusap ring pakinggan at ang mga paanyayang lumapit at makinig sa inyong kwento – habang tila nagpaparinig, “Lumayo ka, hindi ako karapat-dapat.”

Parang magagaslaw ang inyong mga panulat. Tila nakaipit o nakasuksok sa mga payak nyong pahayag at paglalarawan ang hiling na kayo ay dinggin at samahan. Inyo man ang wika nyo ay pinakanakaka-inip na istorya ng buhay, iyo’y buhay pa ring pumipintig at may kwenta. May saysay.

Kung minsan, sa inyong mga sinulat ay tila tahasan kayong nanghahamon, iniimbitahan ako at ang iba pang maghanap sa katotohanang nakatago sa mga letra. Kung minsan ang mga mensahe ninyo ay parang puno ng galit, nagpapa-alala – kailangang maging mahinahon at ang paghahangad sa kapayapaa’y isang pagpapahalagang di-kumukupas.

 

Noong mag-umpisa akong mag-blog,  inisip ko rin lang na magkwento ng mga karanasan sa mga taong andyan pero di ko kilala at mas malamang, di rin makakaisip na kilalanin ako. Kumbaga, unloading lang. Anonymous. Mass audience. At dahil kako, ako ay matanda na, marami-rami nang laman ang aking baul.

Gayundin, pagsusulat ang linya ko – malamang kaya ko nang magdugtong ng mga salita para palabasin ang isang punto sa paraang kainti-intindi naman. Isa pa, malamang sa hindi, hindi aktibo sa blogosphere ang mga dati kong guro sa Pilipino. Ligtas, kako, ako sa tila one-way na kalsadang pinili ko.

 

Image of the happy sun taking a peek

Dito sa sphere ng blog, nakakakita ng maaliwalas na lansangan/ graphicleftovers.com

Pero, iyon. Akala ko lang. Mag-iiba pala ang aking mga tuntungan habang tinatahak ko na ang daan. Ang blogosphere  pala ay  kalsadang hindi iisang tunguhin lang ang daloy.

 

 

Oo nga at kung minsan, ito ay tila isang hardin – maaliwalas ang paligid at puno ng mga berdeng dahon at mga kagiliw-giliw na bulaklak. Maligamgam ang sikat ng araw na dumarampi sa aking mga balat, habang doon – ako’y namamasyal. Banayad ang hangin, maliwanag ang mga ulap at mapagkalinga ang lupang binabagtas.

 

Pero, may mga bahagi ring matinik, may batuhan at may mga parte ring matarik at madulas. Kung minsan, dumidilim din ang langit at nagbabadya ng bagyo. At bago ko pa namalayan, ako pala’y naroroon na sa kadawagan. Tulad din sa totoong buhay – ako ay nagkakamali, naliligaw, namamalik-mata at napapaliko — kung saan-saan.

Subalit, may mga puno rin namang nagiging giya sa paglalakbay. May mga mumunting halaman ding ang mga sanga’y nakakapitan. May mga munting liwanag pa ring tumatanglaw sa mga manlalakbay. At, muli akong hahakbang at babagtas patungo  sa malayong dako.

 

At tulad ng dati, naroroon pa rin ang kaba, ang pag-aalinlangan, ang pagkasabik sa mga di ko alam at ang pananalig na ang mga pagtatangka ko’y may pupuntahan. Maligalig at hindi tiyak kung minsan ang byahe, may mga panahong naantala at paminsan-minsan, pinanghihinaan ako, kanyo, ng loob. Pero, tuloy pa rin… 😉

Sa daan, andami kong nakakasabay at nakakasalubong. May mga hindi namamansin, mayroong umiiwas, may ilang nambubunggo, may rumaragasa at may mga tahimik lang na lumalakad. Pero, may mga ngumingiti rin at kumakaway. May ilan ding malugod na bumabati.

 

At sa tuwing hindi banayad ang byahe, sa tuwing mapapakunot ang aking noo sa mga kaganapan at sa mga panahong ‘ika nga ay matamlay, minsan ay sapat na ang alaala ng ilang ngiti at masisiglang kaway – para ibulong sa sarili: Sus, tuloy lang!

 

I get by with a little help from my friends. Kayo ‘yon, da bes kayo! ahaha… 🙂

 

Larawang karton ng mga bloggers na nagkukwentuhan

May mga totoong tao sa likod ng blogs. Totoo rin yatang makukulit/ http://www.123rf.com

 

Akala Natin

image of one moment

May halaga ang isang sandali

Akala natin

maari tayong magpapasok

sa ating buhay

walang hinihinging

kapalit

simpleng ngiti

o kasamang pansumandali

walang mababago

o mapapalitan

walang ipagpapalit.

 

Akala natin

maari tayong pumasok

at lumabas dagli

sa buhay ng may buhay

ng walang masisira

maiiba

o magagalaw

man lang.

 

Akala natin

ganoon lang

tatlumpong segundo

o tatlong minuto

magkaulayaw

walang ugnayan

magaganap…

 

Sa bawat pagtipa

ng makina

sa bawat salitang

binibigkas

binibitawan

binabasa

may isang damdaming

naghihintay

naghahanap

makatagpo

matagpuan.

 

Image of two hands reaching out

Minsan ay nagkakatagpo ang dalawang magkalayo/ thenextweb.com

Isang isip

na guguluhin

isang imahinasyong gigisingin

isang buhay na babaguhin

ng isang tingin

isang pag-unawa

isang salita

nakintal

sa isang sandali.

 

 

* Ang tulang ito at ang Dito ay kapwa naisulat noong unang linggo ng Mayo 2011 matapos basahin ng may-akda ang librong Fidelity ni Grace Paley, isang  slim volume of poetry. 🙂

 

Ang Iyong Kwento

image of coffee and chat, borrowed from t1.gstatic.com

Kwentuhan tayo/ storytelling.uk.net

Ang iyong kwento – nakakatuwa, nakakalungkot, nakakapagpasaya, nakaka-engganyo. Samahan mo ako, balikan natin ang iyong kwento…

 

Ang iyong kwento – tungkol sa ligaw na pusang iyong inalagaan, tungkol sa alaga mong isang araw ay namatay, tungkol sa itinago mong lungkot na sa akin mo napiling ihayag, tungkol sa panahong unti-unti mong natanggap – may mga bagay na nawawala at lumilipas.

Ang iyong kwento – tungkol sa unang araw mo sa klase, tungkol sa nabigo mong musmos na pag-ibig, tungkol sa isang hapong napagalitan ka ng iyong nanay, tungkol sa araw na tuluyang umalis sa inyo – ang iyong tatay.

 

image of a signboard about storytelling, borrowed from t0.gstatic.com

Kwento ay ukol sa nakalipas/ linvilleray.blogspot.com

Ang iyong kwento –  tungkol sa kinaiinisan mong guro, tungkol sa iyong pagsusumikap na matutuhan ang leksyon sa eskwela, tungkol sa iyong karibal sa karangalan, tungkol sa mga hamon at paano ang mga iyon – iyong napagtagumpayan.

Ang iyong kwento – tungkol sa away ninyong magkapatid, tungkol sa paano mo natuklasan ang kahulugan ng inggit, tungkol sa sinabi sa iyong kailangan mong magtipid, tungkol sa pangarap mong umasenso,  abutin ang langit.

 

Ang iyong kwento – tungkol sa pag-alis mo sa inyong lugar, tungkol sa pangangailangang sa ibang tao’y makibagay, tungkol sa pagkakalayo mo sa iyong nanay, tungkol sa pananabik mo sa pagkaing lutong-bahay.

Ang iyong kwento – tungkol sa nag-iba mong buhay, tungkol sa bago mong kaibigan at mga kasabay, tungkol sa panibagong hirap at pananamlay, tungkol sa iyong pagsusumikap – makalangoy at makaagapay.

 

Ang iyong kwento –  tungkol sa pagkabigo, tungkol sa unang beses na naisip mong sumuko, tungkol sa tadhanang sa iyo ay nagbiro, tungkol sa iyong malalim na pagsuyo, tungkol sa karanasan mong seryosong manibugho.

Ang iyong kwento – tungkol sa pagbabalik mo sa pagsusulat, tungkol sa pagtatangka mong diskubrehin uli ang art, tungkol sa iyong pagkahumaling at pagpupuyat, tungkol sa pagsisingit mong makapagkwento, habang kamo ika’y may hinahanap.

 

Ang iyong kwento – tungkol sa pagkahilig mo sa musika at paanong wika mo’y nagbabago ang mga kanta, tungkol sa bandang sinalihan mo noong ika’y bata-bata pa, tungkol sa pag-awit at mga bagay na akala mo dati, nalimutan mo na.

Ang iyong kwento – tungkol sa mga kaibigang nakatagpo sa iyo at iyo ring natagpuan, tungkol sa paano nila pinasasaya ang iyong mga araw, tungkol sa paano sila nakikialam sa iyong buhay, tungkol sa mga kalokohan, pagbabahagi at pagdamay.

 

Ang iyong kwento – tungkol sa pulitika ng bansa at paanong kung minsan, naiisip mong parang wala nang magagawa, tungkol sa pagnanais mong magkaroon ng pagbabago, umunlad ang kalakalan, magkaroon ng lugar para sa mga OFW.

Ang iyong kwento – tungkol sa showbiz at kamo’y mga kababawan ng Pinoy, tungkol sa mga artistang sa iyo ay uminis, tungkol sa mga ewang balitang para lang tsismis, tungkol sa mga kaganapang pampalipas ng oras – habang ika’y naiinip.

Ang iyong kwento – tungkol sa kalikasan, kung paano ka nagmuni-muni sa ilalim ng buwan, tungkol sa paano mo sinamba ang ganda ng araw, paano kang nahalina sa samyo ng hangin at pagkakasalansan ng mga ulap, tungkol sa paano mo tinawid ang makapangyarihang dagat.

 

image of children chatting under the moon's light

Mainam ang kwentuhan pag maliwanag ang kalangitan/ aecunity.net

 

Ang iyong kwento – tungkol sa mga agam-agam, tungkol sa panahong mga mata mo sa luha’y nahilam, tungkol sa papaano paniniwala mo’y ipinaglaban, tungkol sa iyong pagkatalo at paghahagilap ng dahilan – upang muling makabangon, harapin muli ang lipunan.

Ang iyong kwento, tungkol sa mga bagay na naglalaho, tungkol sa hinaharap na tila lumalabo, tungkol sa kasalukuyang tila nais kang igupo, tungkol sa iyong pagkalito at kagustuhang gawin na lang ay umupo, tungkol sa balak mong umalpas – para pangarap muling mabuo.

Ang iyong kwento – tungkol sa pag-asa, paano mo ito pinanghawakan at paanong minsa’y iniiwan ka, tungkol sa panata mong maging matibay at matatag, tungkol sa pangako mong pagkakamali’y ituwid – daa’y gawing patag.

 

image of a reminder in storytelling, borrowed from t3.gstatic.com

Kwento mo, kwento ko, kwento nating lahat / communityorganizer20.com

Ang iyong kwento – karamihan pa ay natatandaan ko. Kahit sabihin pang ibinahagi mo sila ng pira-piraso. Sumasagi sa isip ko – ang kislap ng iyong mata habang pinagtatagni-tagni – ang iyong mga istorya. Habang umaasa kang may uunawang nilalang – dito sa kabilang dulo.

 

Iingatan ko ang iyong mga kwento. Kahit alam kong hindi lahat, sinabi mo. Kahit batid kong karanasan ng tao,  di pare-pareho. Lahat tayo ay may pinipilit maabot, naglalakbay dito – sa mundong alam natin – buhay, di piho.

 

Ikinalulugod kong ikaw ay narito. Ikinararangal kong sa akin ikaw ay nagkukwento. Aabangan ko –  ang susunod na ibabahagi mo. 😉

 

 

Possibly Related Post:

Bahay-bahayan, luma at bago

 

Hindi Putok sa Buho

cartoon image depicting love of blogging

Parang pag-ibig, isang tipo ng ka-adikan/ domjullian.blogspot.com

Bakit nga ba dumarami ang nagba-blog? Ang pinakamadaling sagot: kasi, gusto natin at pwede. Pero, hindi iyon lang ‘yon. Alam mo, alam ko at alam ng marami, may mga iba pang kadahilanan. Ang sasabihin ko sa ibaba , mga hula lang – pwedeng mintis, pwede ring sapol.

 

Una, karamihan sa mga napilit, napilitan, kinantyawan at sa wakas ay nakumbinsing mag-blog – dati na, dati pang mahihilig magsusulat at magdo-drowing ng kung anu-ano sa maliit nilang kwadernong ipinagkakatagu-tago.

Ikalawa, marami sa bloggers medyo nakiliti sa ideyang pwede pa rin namang nakatago ang isinulat pero online nga lang. Medyo ironic, ano po? Pero, may pagka-ganoon ‘yon, sa pakiwari ko. Sa umpisa’y naniwala tayong pribado at sekretong journal ang blog na accessible thru the internet.

 

Ikatlo, ‘ika nati’y panahon nang magpaka-techy kahit konti. Halos lahat ng ginagawa ngayon sa mundo’y pinapadaan na sa internet, hindi rin siguro masamang doon natin ipadaan ang ating mga: buntong-hininga; hirit; pambobola; pagkainis; angas; pagkamangha; galit; pagkainip; kapalpakan; inaakalang karunungan; modest successes paminsan-minsan,  at iba pa.

Ikaapat, karamihan sa atin, may mensaheng kung ano. Basta. Sa tingin natin – tama man o mali – may iba at natatangi tayong pananaw, anggulo, tienes, na dapat masabi, maisulat at maipaabot sa sangkinapal. Aminin man o hindi, naniniwala tayong tayo ay mga original at creative na nilalang (kahit pa ang pinagsasabi natin sa blogs ay ang mga nasa ikatlo). Sabihin mang ito ay subject to arguments, discussions and outright rebuttal.

 

image of hands typing along on keyboard

Panahon na raw para ipaabot sa sangkatauhan ang ating mensahe/ britannica.com

Ikalima at kabaligtaran ng ikalawa, naniniwala tayong maski papaano, may publikong babasa at makakaintindi sa (pribado, sekreto at) nakakahikab nating mga kwento. Kumbaga, sa law of probability, tatama at tatama tayo rito. May mga taong tatamaan sa ating mga istorya at paglalarawan. Higit na malaki ang tsansa rito kaysa sa  lotto, oo.

May pag-amin tayo, alanganin nga lang, na oras na para palawakin ang ating readership, lampas sa iilan-ilang pinasisilip-silip natin sa mahiwagang secret notebooks. Baka sakaling dito tayo mapansin, ng madlang global.

 

Ika-anim, nagkaroon tayo ng sapat na oras para talagang umupo, tumipa ng keyboard at masdan ang creation nating nagkahugis maski papaano sa screen ng computer. Nalibre tayo para gawin na ang dati pang isinusulsol sa atin ng iba – ang mag-blog. Iyong puntong sinabi natin sa mga sarili, ‘Ba’t nga hindi?’ Walang bayad ang publication space, may kasama pang editing tools.

Ika-pito, karamihan sa atin, matatagal nang may nililimlimang ideyang nangangating ipanganak. Galing man iyon sa – pagtambay at pagbibida-bidahan sa eskwela, sa pagmamasid-masid sa kalye, sa pagtityaga at pagkainis sa trabaho, sa pagtinga-tingala sa kisame, sa pagtitig-to-death sa telebisyon at sa pag-upu-upo sa mga kainan at inuman.

 

Umabot sa hangganang parang ganito: ‘Hala, eksperto na yata ako rito. Pwede na ‘kong gumawa ng manual sa pagka-show off/ pagka-mahadero/ pagka-martir/ pagka-buryong/ pagka-gimikera. Inaantay na ng mundo ang take ko sa mahalagang usapin. Maisulat na nga, in installment basis.’

 

By some omen or curious spell, nailuwal ang libu-libong blogs/brags. 😉

 

image of a woman typing decades ago

Ang nagsusulat ang nagtatalaga ng paksa sa blog/ flickr.com

 

Anu-ano pa  ang mga dahilan ba’t ang mga tao’y nagba-bog? Este, blog. 🙂

 

 

Possibly Related Posts:

 

Ang Bagong Betamax – Rated PG

Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog?

Bahay-bahayan, luma at bago

Gawa-gawa Lamang

 

* Ang blog post na ito ay naisulat noon pang Disyembre, 2010 bago pa ang lathalaing Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog? ngunit ngayon lamang naisipang  ilathala. Sana ay may mapulot pa rin dito kahit paano ang mambabasa. Salamat.

 

Gawa-Gawa Lamang

image of a virtual world, borrowed from masternewmedia.org

Tila mas totoo at mas malapit pa kung minsan/ masternewmedia.org

Pag pumapasok ang mga tao sa virtual setting, gumagawa tayo ng mga simbulo, teksto at larawang kakatawan sa atin. O, di kaya, ginagamit natin ang built-in features ng aparato para siyang kumatawan sa atin sa isang setting na kunwari o virtual lang. Gawa-gawa, ‘ika nga.

 

Halimbawa, sa computer, ang cursor ang kinatawan ng taong gumagamit o user ng makina. Kung nasaan ang taong gumagamit, andoon ang cursor. Pag umandar ang mga tao – tayo – umaandar din ang cursor. Pag huminto naman tayo, hihinto rin ang cursor.

 

Sa blogging, gumagawa tayo ng isang virtual na kaharian sa pamamagitan ng ating sites. Ang laman at paraan ng bawat site natin ay kumakatawan sa isang bahagi ng pagkatao natin. Sa kahariang iyon, kung saan ang bawat isa sa atin ay siyang bida at siyang nasusunod, doon natin inilalabas ang isang parte ng kung sino tayo. Ang parte o bahaging iyon ay sumasalamin kahit paano sa mga sarili nating hindi ganap at hindi buo kundi patuloy na nag-e-evolve.

 

Pag nag-uumpisa tayo sa blogging, humigit-kumulang, may ideya tayo ng kung anu-ano ang gusto nating isulat, ikwento at palabasin sa ating site. Maaaring gawan natin iyon ng narrative, tula, guhit at larawan. Maaari rin nating lagyan ng audio o singitan ng video. Maaari rin namang kombinasyon ng lahat ng ito. Para saan? Para maipaabot natin kung ano ang gusto nating sabihin, ang ating mensahe, kumbaga.

 

image of a message board, borrowed from t0.gstatic.com

May nais tayong ipaabot / paleodontology.com

Ang ating mensahe, maaring maliit o malaki, maaring luma o bago, maaring kinopya lang o orihinal, maaring popular o di katanggap-tanggap sa marami. Anuman, hindi tayo ang magsasabi kundi ang audience. Over time, ang mambabasa sa pangkalahatan ang huhusga kung relevant ba o hindi ang mga pinagsasabi at ipinangalandakan natin sa ating sites.

 

Sila ang magsasabi kung naging kasiya-siya ba o hindi, kung may saysay ba o wala, kung sulit bang malimbag at basahin o naging pampalipas-oras lamang o di kaya ay kumain lang ng sinasabing virtual space ang ating mga ipinahayag. Hindi tayo ang huhusga sa merits ng ating virtual existence kahit pa tayo ang nag-isip, humabi, nagsulat, nagpagod at sa isang banda, umasa. ***

 

 

Pag nagbabasa tayo ng blogs, naghahanap tayo ng mga sulatin at/o features na kahawig o katimbang halos ng mga sarili nating panlasa, pananaw at adhikain. Karamihan sa mga iyon ay ukol sa mga karanasang dinanas mismo natin, o nai-itsurahan nating daranasin din natin. O, di kaya, mga karanasang kasalukuyang pinagdaraanan natin.

 

Pag nagsusulat naman tayo ng blogs, binubuksan natin ang ating personal libraries and archives of experiences at doon tayo pumipili ng materials na maari nating gamitin para palamanan ang ating script, ang ating palabas, ang ating mga pagpapanggap at mga paglalahad ng ating mga sarili sa loob ng ating sites.

 

image of things found inside a library, borrowed from t0.gstatic.com

May kanya-kanya tayong paghahalawan/ shared-visions.com

 

Kung minsan, ang isang blog ay simpleng pagpapahayag ng saloobin. Kung minsan ay isang mabusising pagtatago ng mga lihim. Kung minsan naman ay isang tapat na pagsasalaysay ng mga bagay na lantad na sa sarili at sa publiko. Alinman sa mga ito ay nagbubukas at nagdadala sa ating bloggers ng mga bagay at pananaw na bago. Maaaring mulat tayo sa mga ganitong pangyayari at proseso. Maaari rin namang hindi.

 

Malawak, malapad at mayaman ang range of experiences na maari nating pasukin at suungin sa pagba-blog. Ang pagba-blog ay isang virtual na activity pero nakatuntong pa rin sa actual na buhay. Sa blog, maaring straight-telling ang pamamaraang ating gamitin, maaring daanin sa anekdota at pabula at maaring sa maikling kwento. Maari ring idaan sa larawan at video.

 

Pero, lagi-lagi, ang pagba-blog ay isang biased at partial na gawain. Kahit pa madalas, ang hirit nating bloggers, “Hindi, wala akong agenda.” Meron. Kasi, hindi naman tayo galing sa wala. May mga pinanggalingan tayong pamilya, antas sa buhay, edukasyon, kinagawian at tiyak na puntong pinagmulan sa kasaysayan. May sari-sarili tayong point of view o pagtingin sa mga bagay, karanasan, tao at pangyayari. May kanya-kanya tayong lens na ginagamit, ‘ika nga.

 

image of points and lines, borrowed from t2.gstatic.com

Bawat isang punto ay may isang kinakatawan/ mathworld.wolfram.com

Ang punto de bista ng isang blogger ay laging katangi-tangi at kakaiba. Oo, maaring may lumabas na ilang bloggers na sobrang husay, kainaman ng galing, napakaraming karanasan, bihasa sa pagsusulat, napakamalikhain sa pagpapahayag o kagila-gilalas ang pagka-payak. Subalit, isang boses pa rin lamang mayroon ang bawat isa sa kakaiba o natatanging bloggers na iyon. Katulad pa rin ang exceptional na blogger ng nakararami – isang punto de bista pa rin lang ang kinakatawan nya. In the over all scheme of things, isa pa rin lamang siya sa milyun-milyong puntong nasa virtual universe.

 

Sa subject na Algebra, itinuro sa atin ang kahalagahan ng isang punto. Isang tuldok na maaring kadugtong ng isang walang katapusang linya o isang tuldok na maaring bumago o tumapos sa kasalukuyang ugnayan at magtakda ng bagong set o kaayusan. Ang puntong iyon, gaano man ka-arbitrary, laging may kinakatawan at laging may ibig sabihin. Maaring ang puntong iyon ay bahagi ng isang series, parte ng isang parallel na linya o di kaya ay disconnected – isang bukod-tanging set, kumbaga. Ganunman at anupaman, mahalaga ang papel ng bawat punto. Tila ganoon rin yata sa pagba-blog – ang bawat isa sa atin ay isang punto lang, isang tuldok, kung tutuusin – pero, importante.  Maaari kaya nating tawagin ang ganitong demokrasya sa pagba-blog? ***

 

 

Kailangang maniwala tayo sa demokrasya ng pagba-blog at siguro na rin, itaguyod natin ito. Gaano man ito kanipis, kababaw o kapanandalian sa ngayon. Kasi, iyon pa lang ang maaari nating panghawakan at tuntungan sa kasalukuyan.

 

Madaling sabihin na ang blogosphere ay negosyo lang ng iilang kompanyang kumikita sa online na patalastas, na inuuto lang tayong bloggers ng happiness engineers na nagpo-provide sa atin ng site statistics, features and applications at ang blog entries natin ay binabasa lang ng mga taong alinman sa naghahanap ng quick and easy information o babasahing pampalipas-oras lamang. Madaling isiping ganoon lang ang mga bagay-bagay. Pero, alam naman nating lampas sa roon ang dynamics ng pagba-blog. Alam natin ito, maging tayo man ay nagsusulat o nagbabasa ng blog. O, pareho.

 

Sa eco-system ng pagba-blog, ang bloggers ay nasa gitna bilang provider ng impormasyon at bilang consumer din nito. Sa itaas ng ladder, andoon ang mga kompanyang namumuhunan, bumibili at kumikita mula sa mga impormasyong available online. Sa pinakababa naman, andoon ang general audience – ang mga sadyang pumupunta sa site para humanap at magbasa ng impormasyon kasama ng mga naliligaw at inililigaw ng search engines papunta sa ating sites. Kung ang blogging ay isa nga lamang negosyo, maaring tingnan ang mambabasa sa pangkalahatan bilang siyang end-user o household consumer ng impormasyon.

 

image of an eco-system representation, borrowed from t0.gstatic.com

May papel ang blogger sa supply at demand ng impormasyon/ learn2adapt.com

 

Sa sinasabi kong demokrasya sa pagba-blog, mahalaga sigurong kilalanin natin ang kakayahan at karapatan ng bawat isang blogger bilang unique source of information. Kumbaga, isang pagkilalang ang bawat isa ay may kakayahang magbahagi ng kanyang natatanging punto de bista – gaano man kababaw o kalalim, gaano man kagasgas o kabago, gaano man kaliit o kalaki – sa konteksto ng isang eco-system ng impormasyon sa makabagong mundo. Bata pa ang blogging world, kung ating iisipin. Pero tila mas mainam kung mag-uumpisa tayo sa premise na ang bawat isang blogger ay may kanya-kanyang maaring dalahin at ihain sa hapag, ‘ika nga.

 

Sa pagba-blog, may kanya-kanya tayong patawa at drama, kanya-kanyang packaging at pakulo. Maaring ang mga ito ay totoo at maaring hindi, maaring malapit at maaring malayo sa totoong buhay, maaring orihinal at maaaring huwad. Kung anuman, hindi ito nangangahulugang kaagad nating matutukoy kung sino at alin ang may higit na karapatan sa kanyang virtual space. Lahat tayo ay sumusubok at nagtatangkang magpahayag at magbahagi na may kanya-kanyang nilalaman at pamamaraan.

 

image of a diary, borrowed from t1.gstatic.com

Dito natin isinusulat ang mga pangyayari, saloobin at pananaw/ erypct.nhs.uk

May mga nagba-blog na ginagawang online diaries ang sites nila. May mangilan-ngilan ding bloggers na tila subject matter experts [SMEs] – may dalubhasa sa pagiging nanay, may bihasa sa pagkainip, may beterano sa pagpapatawa, may nagtatangkang maging tagapagtala ng panahong lipas na, may wizard sa pagguhit at may curator din ng online museum.

 

Anuman ang ating plot sa ating mga istorya, gaano man ka- hifaluting o ka-incredible, gaano man ka-fleeting o ka-miniscule, marahil dapat nating tandaang may lugar tayong lahat dito. Dahil kung hindi, bakit pa tayo – ang bawat isa sa atin – andito? Bakit hindi na lang tayo tumutok sa totoong buhay na hindi virtual kundi actual and real? ***

 

 

Sa aking palagay, pana-panahon, kailangan nating ipaalaala ito sa ating mga sarili bilang responsableng bloggers. Sapagkat kung minsan, hindi maiiwasang madala tayo sa mga sarili nating kwento at maniwala tayo sa mga sarili nating pagpapanggap. Kahit pa alam naman nating marami sa mga inilalagay natin sa ating blogs ay mga kalokohan lang ng taong walang magawa, mga patawa ng taong papansin o nalulungkot  o di kaya ay gawa-gawa lamang ng taong maraming di-kayang harapin at panindigan sa totoong buhay. Aminin man natin ito o hindi. ***

 

 

By the way, ang paborito kong UP Lantern Parade ay iyong taong gumawa at nagparada ang College of Fine Arts ng higanteng replica ng libro ni Vance.*  Panalo ‘yon, pramis!


* Modern College Algebra, 3rd Ed, Elbridge Putnam Vance, 1975 Addison-Wesley Publishing Co., Reading, Mass.

 

Possibly Related Posts:

Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog?

Ang Bagong Betamax – Rated PG

Bahay-bahayan, luma at bago