Tumatawa ang mga Mata

Vintage Black and White Old Woman

Ang husay pag naabutan at nakasama pa ang Lola/ clipart.com

 

Medyo mahirap kapag may pumapanaw na mahal sa buhay. Nasanay na kasi tayong andyan lagi iyong tao… Ganyang-ganyan ang nangyari sa aming magpipinsan at magkakapatid noong mawala ang Nanay. Ang Nanay nga pala sa amin, Lola ang ibig sabihin. Nanay siya, bale, ng Tatay namin. Asawa ng Mamay, na naikwento ko na sa inyo dati. Magsa-sampong taon nang patay ang Nanay. Pero, ang nangyari roon, apat na taon n siyang wala, ayon pa rin kami – kung tawagin siya ay parang andyan lang. Andyan pa rin, kahit wala na.

 

Ang bahay ng Mamay at Nanay, siyempre, katabi  lang ng sa mga anak nila. Ganyan ang karaniwang set-up doon sa amin. Ang anak na lalaking nag-aasawa, magbabahay kalapit ng magulang niya. Maraming advantages iyon – mula sa hingian ng kaning-bahaw, hiraman ng asin at asukal, hanggang sa damayan pag may nagkakasakit. Sa bahagi ng mga magulang ng lalaki, maigi iyong malapit para nasusubaybayan nila ang takbo ng kabuhayan ng mag-asawa, nagagabayan nila kung paano patakbuhin ang household at siyempre, para nakikita nila ang kanilang mga apo. Sa ganyang kaayusan kami lumaking magpipinsan. Ang sentrong bahay sa aming puyukan o cluster, ang bahay ng Mamay at Nanay.

 

cartoon image of a grandma and her grandaughter

Mas masaya pag  nakakwentuhan pa ang lola/ cartoonstock.com

 

Ang Nanay, doon nagbuhat sa katabing probinsya, doon sa bayang masarap kung gumawa ng puto. Ang propesyon naman niya, pananahi. Katunayan, mag-isa lang yata siya roon sa magkalapit na baryong iyong kayang tumahi ng lahat ng yari ng damit, gamit ay iba’t ibang klase ng tela. Iyong iba kasing mananahi sa aming lugar, limitado ang kayang gawin – merong tumatahi ng baby dress lang, merong uniporme lang sa eskwela  o sa opisina, merong pantalon lang, meron ding bestida at palda lang, at meron ding mga kurtina  at panlatag lang ang kayang tahiin. Iba ang Nanay. Generalist syang mananahi, kumbaga. All around. Kaya nya ang magsukat, gumawa ng disenyo  o pattern, magtabas at mismong magbuo at tumahi ng damit. Mahusay rin siya sa repair, adjustment at paglililip.

 

Kaya iyon, medyo kilala ang Nanay sa lugar namin – sa ilaya at sa ibaba. Puntahan siya noon ng mga tao lalo na kapag may mga gaganaping okasyon. Siya si Nanay P__ sa marami. At kung tungkol sa tela o damit ang concern mo, malamang matutulungan ka niya. Isa pa nga pala, noong maliliit pa kami, may tindahan din ang mga Nanay – tindahang nagpapa-renta rin ng komiks. Dagdag na dahilan pa iyon kung bakit alis-dating ang mga tao sa bahay ng mga Nanay. Katulad din ng Mamay, masipag at masinop sa kabuhayan ang Nanay.

 

image of an old model sewing machine

Ganito ang gamit ng Nanay noon sa pananahi/ rotaaire.blogspot.com

 

Naikwento ko sa inyo dati, ang aming sariling ina ay ni hindi natutong magkabit ng butones o magsulsi ng damit. Iyon ang malaking kabalintunaan doon – manugang siya ng Nanay – bihasang mananahi ng lugar namin. Pero kaming mga apo, medyo tinuruan naman kami at ini-expose sa malikhaing propesyon ng lola namin. Pag kaming mga bata ay walang gawain noon sa bahay at wala rin sa hikapan, nakikisalibuyboy kami noon sa Nanay. Nakikigulo. Nagpupulot ng mga labis na tela, taga-hawak ng mga dulo pag nagtatabas at volunteer sa pagsusuot ng sinulid sa karayom. Paminsan-minsan, pinapaupo nya rin kami sa harap ng pangalawang makina, iyong mas bagong modelo ng Singer sewing machine na di gaanong ginagamit ng Nanay. Sumusubok din kaming pumidal, magpaandar ng makina at ‘ika nga’y manahi rin naman. Mga apo kaya kami ng Nanay P__?

 

cartoon image of parts of a sewing machine

Mga bahagi ng gawing itaas ng makinang pantahi/ sasepp5.blogspot.com

 

image of the lower part of a sewing machine

May pedal ang makina, parang sa piano/ sasepp5.blogspot.com

 

Dalawa sa mga ate ko, mahuhusay tumahi ng damit sa makina. Ako, marunong din naman, maski papaano. Ang natutuhan ko ng husay, ‘yong minor aspects of the trade, kumbaga – pag-a-adjust ng size ng blusa, paglalagay ng patch sa pantalon ng di gaanong halata at paglililip o hemming ng laylayan ng damit. Ang nagturo at naggabay sa amin, walang iba kundi ang Nanay. Bukod sa technical na aspeto, ang mahalagang itinuro nya sa amin ay ang tiyaga – tiyaga kung paano bubuuin, pagagandahin at gagawing kapaki-pakinabang ang bawat piraso ng tela.

 

Ang natatandaan ko pa sa Nanay, madalas sya noong magluto ng puto. Gumagawa rin sya ng halayang-ube at ng suka. Homemade ang halos lahat ng pagkain, tatlumpong taon ang nakakaraan. Malayo sa ngayong halos lahat ng meryenda at delicacies, makikita at mabibili mo na sa loob ng mall anumang oras. Hindi ganoon dati. Pag gusto mo noong may matikmang masarap-sarap, aba e, kailangang patalasin mo ang iyong cooking skills, ‘ika nga. Matuto kang gumawa.  At ang Nanay namin, espertong matatawag sa paggawa ng puto at ube.

 

Itinataon sa araw na walang pasok ang paggawa ng puto ng Nanay. Hindi ko alam  kung dahil ba gusto nya ng audience na makukulit na mga apo o kailangan lang nya ng assistance mula sa mga batang mas marami pa ang napeperwisyo kaysa sa naitutulong? Anu’t anuman, balita sa aming magpipinsan noon pag gagawa ng puto ang Nanay. Binibilisan na namin ang pagtatapos ng aming mga gawain, para makapanood kami sa pagluluto. Nakapalibot kami lahat sa Nanay – handang maging taga-abot ng ingredients, taga-halo, tagasalin sa lalagyan at maski taga-angat lang ng takip ng steamer pot. At pagkaluto, siyempre, kami ang unang taga-tikim. Hindi ko alam kung binigo ko ang Nanay, pero hanggang sa ngayon, hindi ko talaga alam kung paano gumawa ng puto…😉

 

image of a grandma and her grandaughter cooking

Maski taga-abot at taga-kuha lang, makasali lamang sa pagluluto/ picture-book.com

Ang paggawa ng Nanay noon ng halayang- ube, tatlong beses sa isang taon lamang. For special occasions, kumbaga – pag pasko, pag piyesta at pag may malaking event sa pamilya. Ang sarap-sarap ng gawang halaya ng Nanay. Pero, ang hirap at ang tagal namang gawin noon. Ang nilagang ube ay hinahalo sa kawa ng humigit-kumulang, mga limang taon. Haha, mga limang oras, siguro… Iyon ay para makuha ang pinong consistency ng malinamnam na lutuin. Ang alam kong kakumpetensya ng halayang–ube sa tagal ihanda – ang nilupak. Pareho silang napaka-labor-intensive...  Nang panahong iyon, wala pang kitchen tools gaya ng grinder at mixer gaya sa ngayon. Pero maski ngayong meron na, hindi ko pa tinangkang gumawa ng halayang-ube tulad ng sa Nanay…

 

(may karugtong)

 

18 responses to this post.

  1. paborito ko ang nilupak at halayang ube.🙂 kelan ang kadugtong? nabitin pa ako. hehe.

    at kahit limang taon ang paghalo ng ube sa kawa, sulit naman sa lasa! namimiss ko tuloy kumain nito. kami naman tuwing new year’s eve lang nakakatikim nito. luto ni nanay ko.😀

    Tugon

    • dhang, salamat sa pagdaan at sa masiglang comment. ikaw na ang loyal sa nilupak at halayang ube, ahaha!

      talagang nakaka-miss ang halayang sinauna pa ang paraan ng paghahanda. ‘yong nabibili kasi sa malls and tyangge ngayon, electronic na tools na ang ginamit panghalo – iba ang lasa… :c

      alagaan mong maigi si nanay nyo -:)

      Tugon

  2. waaaa! ate san, pareho tayo ng lola, mananahi din si mama (yon naman ang tawag namin sa nanay ng tatay ko), lumaki kaming kasama sya sa bahay at all around mananahi din, sabi nila sa kanya ko daw namana ang walang takot gumupit ng tela, at tinuruan nya rin akong manahi kaso tamad akong magpedal ng makina except kapag ang ginagawa ko ay damit ng mga manika ko dati..

    pero hindi hadlang ang katamaran ko sa pagpedal sa makina para sa pag gawa ng sarili kong mga gown, mula nung highschool hanggang sa college lahat ng gown na ginamit ko, ako mismo ang gumawa, tahing kamay promise! tapos pag natapos na saka pa lang tatahiin ng lola ko sa makina bale doble na ang tahi para sigorado.

    so far ang di ko talaga malimutan at ang paboritong gown na nagawa ko ay yong ginamit ko sa senior’s night bago ako grumadwyt sa kolehiyo.. wala talaga akong damit na susuotin at di ko afford bumili ng bago kaya ang binili ko nalang ay tela, tapos tsaraan! tinahi gamit lang ang mga kamay ko..hehehe, binurdahan ko pa sya na parang gawa sa makina, pero nung matapos kulang parin at ang nangyare dahil maraming pinta ang kuya ko na pweda sa tela, a day before gamitin, pinapintahan ko sa kuya ko ang damit ko ang resulta, bongang-bongga..hahaha, yon na rin sigoro ang advantage na may artist na kapatid.😀

    Tugon

    • hindi ko mapigilan magreact…

      wow, ani! nakakatuwa naman. sana may pictures ka rin ng mga gowns na nagawa mo para mas maganda.🙂 yung pananahi ang isa sa mga bagay na wala akong katalent-talent. hahahaha!

      maganda yang ipamana sa mga magiging mga anak mo.🙂

      Tugon

    • waaaa! pareho nga tayo ng lola, ahaha! sila na ang magaling manahi…🙂

      talaga namang ang haba at ang interesting ng kwento mo re: pananahi. para kang si lucy torres sa dami ng kayang butingtingin… ikaw na, ikaw na ang marunong tumahi ng sariling gown! ibang level ng talent ang ipinamana ni lola sa ‘yo…🙂

      at ang gown, tinahi na sa kamay at sa makina, binurdahan pa at pinintahan. panalo! asan nga kaya ang pic ng natatanging gown na ‘yon, aber….

      Tugon

      • oo naman ate san, may picture ang mga gown saka lahat yon tinago ni nanay, minsan pinapahiram nya pag may nangangailangan ng gown, di ko narin naman isusuot ulit yon, gagawa nalang din ako ng bago..hehehe

        ang totoo, si nanay nagpaparent ng mga wedding gowns at buong entourage, pero hindi marami ha! ilang sets lang pero yong mga gowns ako nagdesign at nagbubutingting sa dapat ilagay na mga pampaganda.. hehe

        at kung may close si nanay na napangakoan nyang papagawan ng new sets of gowns para sa kasal obligado akong umuwi para makumpuni ang dapat makumpuni, maayos ang dapat maayos at if ever may pagkakamali kakamayin ko talaga ang pagtahi.🙂

      • ay, ang galing! craftsmen and women pala ang inyong lahi talaga. at may kaunting business pa galing sa talento, naku naman…

        at ayon, isa ka palang artist na may kumikitang kabuhayan. sa ‘yo ko pala ipapa-repair ang mga gowns dine, ahaha. wala ka bang balak lumipat sa maynila at nang makapag-tayo ka ng shop dine? hihi…

        o, sya, gawaan na ng post ‘yang gown na ‘yan. with matching pic, ahaha…🙂

  3. hmmm related sa pananahi….tanong lang po😉

    nasubukan mo ba yung mano-manong pag buburda (embroidery) gamit iyong hugis bilog na pangipit (di ko na matandaanang tawag sa bilog na yun).

    nuong bata pa kami, kahit lalake pwedeng mag burda, extra kita din yun kapag summer vacation (elementary palang ako nun)🙂

    bibigyan kami ng isang pirasong tela na gagawing barong at may mga design pattern na at saka iipitin sa bilog na kahoy para mabanat ng husto ang tela at presto umpisa na ng pag buburda… paramihan ng magagawa sa maghapon.

    palagay ko matagal ng di na uso ang mano mano, may mga makinang parburda na kasi pero di ko makalimutan ang experience na yun😉

    growing pains ika nga…. hehehe

    Tugon

    • hello, haribon.

      nasubukan ko ‘yang pagbuburda. medyo mahirap at napatunayan kong hindi ako kagalingan, ahaha. ang hirap ng tightening ng telang iniipit doon sa bilog, ha? at mahirap ding gawing pantay-pantay ang tahi ng burda. it takes long practise, siguro…🙂

      hmm… parang alam ko na kung saang banda kayo. doon sa may gawaan ng barong na maraming luma at malalaking bahay, ahaha…🙂

      Tugon

  4. hmmm just last month yung death anniversary ng itinuturing kong pinaka-Lola. pero malayong kamag-anak na siya ng nanay ko. kasi yung nanay ng nanay ko, matagal ng patay.

    anyway, ang saya ng experience mo with your lola. pinga-uusapan namin yan namin kagabi ng hipag ko. nawawala na yung mga nanay lola na de kalibre or nagiging bibihira. yung mga ina na madisiplina, maymatibay na paniniwala at career ang pagiging magulang.

    aamin ko hindi ako marunong manahi at magluto… hehehe. maraming rason pero ang pinaka-major ay talagang wala akong hilig. pero nagkaka-interes naman na ako.hehehe

    Tugon

    • hey, nakikidalamhati pa rin ako sa inyo sa death anniv ng itinuring mong lola. lola pa rin ‘yon!🙂

      ay salamat. nakakatuwa nga ang Nanay namin at ang experiences namin with her. oo, ka – disciplined sya, focused at walang masyadong tse-tse bureche – ‘ika nga.

      pero, hoshi, pupusta ako, marunong kang magsuot ng damit at kumain, lols! dapat matuto ka na ngang maghanda ng susuotin at kakanin dahil kamo ay wala ka nang lola, tama ba?

      masarap din pati ang pakiramdam na kaya mong gawin ang mga gawaing ganoon – pananahi, matiyagang pagluluto atbp. iba rin ang feeling, ahaha…

      salamat sa comment at sa pagla-like!🙂

      Tugon

  5. Wow. nakakatuwa talaga ang mga lola. at yun ang frustration ko, ang pananahi. Kahit di marunong manahi ang mommy ko magaling siya sa pagbuburda kaya pag may mga projects sa school mommy ko ang pinagbuburda ko. Pero ang di ko alam kung yung mga lola ko sa parehong side ay marunong manahi. hindi ko na nagisnan ang nanay ng mommy ko. at ang nanay naman ng papa ko, ang alam ko ay paggupit, make up at pagmamanicure pedicure ang alam.

    taga binan pala ang lola mo. masarap talaga dun ang puto. at paborito ko rin ang halayang ube. dun nga ako pinaglihi ng nanay ko. buti na lang di ako sing-itim ng ube. hehe. uy, paborito ko rin ang nilupak…at yung leche flan na halos natutunaw sa loob ng bibig mo…yun yung tipo ng leche flan na purong egg yolk ang gamit at di hinahaluan ng egg whites. nakakamiss yung ganon.

    Nakakatuwa talaga pag may lola ka pa na magbabahagi sayo ng kaalaman. Yung mga anak ko, very close sa mommy ko na lola nila kasi malapit lang ang tirahan namin sa kanila. ilang hakbang lang. hehe. Pero napaisip ako sa kwento mo. ako kaya, pag nagka-apo na, ano naman kayang maibabahagi ko sa mga apo ko? hindi ako marunong manahi. Siguro ipagluluto ko na lang sila. hehe.🙂

    Tugon

    • korek, kaye! masaya pag may gawain at talent na naisasalin ang mga lola natin sa mga apo. teka, ikaw baga ay natuto ring magburda at mag-gupit ng buhok at magpaganda? nahawahan ka ba nila? ahaha…

      parang ang naibahagi sa ‘yo ay food appreciation, di nga? di yata pagluluto sa kusina kundi pagtambay doon para taga-taste test ang pagsasanay sa ‘yow?🙂 parang ang dami mong alam na pagkaing masasarap, hehe…

      ako naman, ang isa sa nami-miss ko ay ang minatamis na sagong lutong-bahay na dati ay staple na handa sa mga okasyon sa baryo. ngayon ata, bumibili na rin lang sila ng naka-jar or tinda mula sa palengke. for me, di pareho ang lasa…

      tuturuan mo sigurong magsulat at magbasa ang iyong mga apo. huwag mo agad laging pakainin at baka walang maisulat at matandaan sa binasa, lols!🙂

      Tugon

  6. hi,

    naalala ko nuong bata pa kami, kahit mga lalaki ay obligadong mag burda (embroidery) gamit yaong malaking pares ng sing-sing na yari sa yantok o kawayan.

    sa singsing na ito iipitin ang tela na may guhit o hulma ng mga bulaklak at saka buburdahan. ang binurdahang tela ay syang gagamiting dekorasyon at bahagi ng isang barong tagalog.

    mahirap na gawain subalit malaking galak ang hatid kapag nakatapos ng isang malikhaing anyo ng adorno sa kasuotang nakatakdang ipamalas sa mga pagtitipon.

    salamat sa mga akdang nagbuhat sa iyo, muling nanumbalik ang alaala ng kabataan na nabaon sa madilim na sulok ng kamalayan.

    ayaw mang aminin, napapagtanto ko na ang kagalakan ay wala sa mga materyal na bagay na ninais at nakamtan, bagkus, ang dalisay na kaligayahan ay dito lamang matatagpuan sa natatagong bahagi ng puso at isipan at naghihintay ng muling pag ahon buhat sa dakong ilalim na daloy ng diwa.

    maraming salamat at patuloy kong tutunghayan ang iyong mga susunod na paksa.
    😉

    Tugon

    • hello, haribon,

      salamat rin sa iyong pagbabasa at sa pagbabahagi rin sa mambabasa ng iyong mga karanasan sa buhay-probinsya.

      sa totoo lang; ang karamihan sa mga sulatin dito ay may tatlong pangungusap na outline lang at ang paglalaman at pagpapalawig ay sumusuloy at nagsasanga rin lamang habang sinusulat na. kumbaga, hindi ko rin alam na alam ko pa o natatandaan ko pa ang mga kwento at pangyayaring isinasaad dito.

      salamat sa iyong pag-appreciate at sa pagkatantong ibinahagi mo rito. oo, minsan kailangang isulat at apuhapin ang mga bagay-bagay para mapaalalahanan tayo ng mga tagong parte ng ating pag-iisip at pananaw. na sana nga ay nakakatulong sa simulaing paunlarin ang sarili at hanapin ang kaligayahan sa buhay.

      salamat sa patuloy na suporta. more power din sa site mo!🙂

      Tugon

  7. Posted by bongkito on Agosto 9, 2011 at 6:08 hapon

    talagang nakakatuwa ang mga panahon noon na ang mga tinuturo ay mga bagay-bagay na halos di na natututunan ng mga kabataan sa panahon ng digital era. kaya ang sarap-sarap balikan ang mga ganyang bagay, lalo pa’t mga lola pa ang nagtuturo sa ‘tin. sa lola ko (sa mother side) miss ko ang lutong putahe nya na tubong Leyte. may anghang na halong alat ang mga putahe nya na nakapag-papakain sa ‘kin ng halos isang bandehadong kanin. (hahahaa!)
    pero pareho ni kaye, di ko tlaga makakaligtaan ang mag-uwi ng leche flan kapag may tsansang makabisita sa ibang mga lola ko sa Batangas. talagang sulit ang pagbisita pag nakakauwi kami ng leche flan!

    teka asan po ang susunod na parte ng kwento?

    Tugon

    • ahaha! hi, bong… ang saya naman, napadaan ka.

      oo nga, no? lola and food… oo, nga, ‘no? pag naaalala natin sila ay may kasama laging food. ganoon nga yata…. 🙂

      sarap ng leche flan, yong pinung-pino ang gawa and just enough tamis…

      nasa itaas, pls open May Binubukbok at Inaamag – that’s table of contents with links. pasensya na, i tried to tinker with the widgets and lost the recent posts, etc. at lahat ng nasa kanang gilid. ang husay ko sa ganyan, haha. ita-try ko uling ayusin, hamo…

      salamat uli sa pagdaan at balik ka.🙂

      Tugon

  8. […] Sa amin noon, laging maaga ang gisingan. Halos lahat ng tao sa bahay ay papasok at kailangan ay nakaalis na ng bahay bago mag-alas-sais ng umaga. Kung kaya, bago mag-alas kwatro, dapat ay may nakasalang nang kape. Impunto alas kwatro, dapat ay may nakasalang nang sinaing. Dapat, bago tumilaok ng apat na beses ang manok, nakapagparikit na ng apoy.  Ayon lang, madalas wala kami noong posporo sa bahay. O, kung meron man, kailangan laging tipirin ang paggamit. Ang solusyon? Manghingi ng apoy sa bahay na pinakamalapit, sa mga Nanay. […]

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: