Posts Tagged ‘taxonomy bit’

Wala Niyan sa Amin

image of fresh lettuce

Sariwa, malutong at masarap kainin/ t0.gstatic.com

Hindi ko alam kung bakit paboritong gawing panlait o pang-mura ng ilan ang salitang litsugas. Dahil ba malutong itong bigkasin? Para sa akin, ang litsugas o lettuce ay isa sa pinakamasarap na gulay. Ito ang pagkaing hindi na kailangan pa ng paliwanag. Iyon na siya – payak at walang maraming arte. Masustansya, sariwa at higit sa lahat, madaling ihanda at kainin.

 

image of the sigarilyas vegetable

Kalamismis, isang gulay na marami sa amin/ pinoy-entrepreneur.com

Ang malungkot na parte dyaan, ang litsugas ay hindi itinatanim sa amin. Ang litsugas kasi ay isang uri ng halamang nabubuhay sa temperate zones gaya ng Baguio at Tagaytay. Ang lugar namin ay sub-temperate lamang ang klima. Kung kaya, ang marami ang tanim sa amin ay kalamismis – gulay na mas kilala ng marami bilang sigarilyas – makikita mo sila sa mga balag, sa mga daanan ng tao at nabubuhay rin ng ligaw.

 

 

Bulubundukin ang aming lugar. Marami rin doong mga gulod at maninipis na gubat o iyong tinatawag na secondary forests. Pag sinabing secondary ang gubat, ito ay nangangahulugang ang mga halaman doon ay itinanim na ng tao at hindi iyong tanim o gawa pa ng kalikasan. Ang ibig sabihin, nag-clearing na ang mga tumira at pumili na sila ng mga puno, halaman at damong siyang patutubuin, aalagaan at palalaguin para makatulong nila sa pamumuhay. May mga mangilan-ngilan ding lambakan o valley doon sa amin pero ang mga nagpapastol na lang ng hayop ang madalas pumunta roon. May mga bahagi rin ng lugar naming patag at siya namang pinagtataniman ng regular crops ng mga taga-amin.

 

image of a tree found in secondary forests, borrowed from t2.gstatic.com

Napapaligiran ng mga gubat/ philippinenativeforesttrees. blogspot.com

 

 

image of the napenthes alata, a forest plant in the phils.

Napenthes alata, isang halamang gubat/ superstock.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Mapunta tayo uli sa mga tanim at halamang nabubuhay sa isang lugar, halimbawa, sa amin. Ang dami roong wala o kulang, ikinalulungkot kong sabihin. Sa kantang bahay-kubo na lang na sinasabi ng maraming a vegetarian’s song,  pangitang-pangita ang mga kakulangan sa imbentaryo namin ng gulay. Wala sa aming tanim na singkamas, mani, kundol, sibuyas at bawang. Bumibili rin lamang kami ng mga ito sa palengke. Sabi ng mga nakatatanda kong kapatid, ang labanos at linga raw ay sinubukang itanim sa amin noong unang panahon. Nabubuhay raw naman ang mga ito subalit hindi kagandahan ang bunga o ani, kaya hindi lumaganap.

 

image of the kundol fruit

Wala nito sa mga bakuran sa amin/ picable.com

image of singkamas rootcrop, borrowed from t3.gstatic.com

Hindi ito itinatanim sa amin/ article.wn.com

 

 

 

 

 

 

 

image of freshly-harvested peanuts

Hindi bagay sa lupa sa amin/ blog.peaceworks.net

 

image of freshly-harvested garlics

Lalong walang tanim na ganito / tinyfarmblog.com

 

image of freshly-harvested onions

Hindi rin nabubuhay ang sibuyas sa aming lugar/ tinyfarmblog.com

 

Wala rin siyempre sa aming tanim na pakwan at melon, isang masaklap na pangyayaring ikinasasama ng loob ko tuwing summer. Noong mga bata pa kami, para kaming cavemen na sabik na sabik pag nakakakita ng mga pagkaing ito. Nabubuhay pala sa aming lugar ang pinya subalit ang bunga nito ay kadalasang maasim. Kaya hayon, maski as backyard plant man lang, hindi ito nauso sa lugar namin. Siyempre pa, wala rin sa aming repolyo, carrots, broccoli, asparagus at cauliflower. Pag may handaan sa amin noon at kasama sa putahe ang chopsuey, parang pakiramdam namin ay magarbong-magarbo. May ilang kabahayan sa aming may tanim na alugbati pero hindi ito popular sa amin bilang gulay. Sa Maynila ko na natutunang kainin ang talbos na ito.

 

image of sliced, ripe watermelon

Maputla ang bunga nito pag sa amin itinanim/ pataygutom.com

image of ripe melon

Sa kasamaang palad, walang tanim nito sa amin/ t0.gstatic.com

 

 

 

 

 

 

 

 

image of cut asparagus plants

Mainam gawing sopas, pwede ring halbos lang/ asia.ru

image of cauliflower plant

Sa napakalalamig na lugar ang ganito nabubuhay/ wingseed.nl

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Siyanga pala, may mga talbos sa aming sa pagkaalam ko ay bibihira o sadyang hindi kinakain sa ibang lugar sa bansa natin. Ang halimbawa ng mga ito ay ang talbos ng halamang bago at talbos ng kapeng barako. Ang bago ay isang halamang kahawig ng lansones ang pagtubo – pataas – subalit mas maliit ang puno nito at ang mga dahon ay berdeng makikintab na parang sa atis. Naku, ang pait ng talbos nito pero paboritong isama ng mga taga-amin sa gulay na monggo, tapilan at kadyos, pampaiba raw ng lasa. Ang sariwang talbos naman ng kapeng barako ay gayon din – makintab at saksakan ng pait. Pero, ginugulay pa rin basta available. Matanda na ako nang naibigan ko ang mga ito bilang sahog sa pagkain. Noong bata pa, itinatabi ko rin lang sila sa gilid ng pinggan para kunin ng aming magulang o kaya ay ng kapatid kong siyang may gusto.

 

image of bago leaves, borrowed from indi-journal.info

Makintab na berde ang dahon ng bago/ indi-journal.info

 

image of a barako coffee branch with fruits and leaves

Maari ring gulayin ang murang dahon ng barako/ sulit.com.ph

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa amin pala, mayroon ding ligaw na kamatis o wild tomatoes. Ito iyong kamatis na maliliit at pumpon-pumpon kung bumunga. Mas maasim ito kaysa sa table tomatoes na ating nakasanayan at kung ikukumpara sa native tomatoes na nabibili. Pinakamagandang gamit nito ay pang-asim sa isda o karneng iniluluto. Sa isang banda, marami sa ligaw na kamatis sa amin ay tumutubo na rin lang basta. Sa mga ilalim o gilid ng nabubulok na puno, sa may likod-bahay at sa mga daan papuntang gubat, andoon sila. Pag dumarating ang lean months o iyong mahigit dalawang buwang wala halos maani sa mga tanim at wala na ring perang pambili ng pagkain ang mga tao sa amin, maaasahan ang ligaw na kamatis. Ginagawa naming silang ulam – nilalagyan ng kaunting asin at siyang iniu-ulam sa kanin.

 

image of ripe wild tomatoes hanging on branches

Kung saan-saan tumutubo, maasim ang bunga/ heavenly-products.com

image of freshly-harvested wild tomatoes, borrowed from centralfloridagarden.blogspot.com

Isang pumpon lagi kung anihin/ centralfloridagarden.blogspot.com

 

 

 

 

 

 

 

Kaya, iyon. Maraming halaman – prutas at gulay – na wala roon sa amin. Pero, may ilan din namang mga tanim na sa lugar din lang naming yata matatagpuan at kinakain ng mga tao. Hindi ko na kukumpletuhin ang listahan ng mga mayroon at wala sa aming pook. Kunsabagay, kanya-kanya namang biyaya iyan o endowment, kumbaga. May kanya-kanya raw floral diversity ang mga lugar at kahit pa sabihing ang bawat bayan at lungsod na kinalakihan natin ay bahagi lahat ng Pilipinas na isang tropical country, marami pa rin mismong mga pagkakaiba. Pero mas maigi kung alam natin ang mga mayroon at wala, ang mga kinasanayan ng tao at hindi, sa ating paligid, maging sila man ay ukol sa pagkain o hindi. Para alam natin kung anu-ano ang mga dapat nating ipagmalaki, diskubrehin at tuklasin.

image of Bloom's taxonomy model, borrowed from uwf.edu

Mailugar natin, para makalikha ng mga bagong bagay/ uwf.edu

 

Sabi ko nga, walang litsugas sa amin. Pero, isa ito sa mga huli ko nang natuklasan ngunit paborito kong pagkain. Minsan, nag- guest lecturer ako sa isang forum sa Baguio City. Ang usapang iyon ay ini-sponsor ng isang NGO at tungkol sa buwis o tax, noong panahong pinag-uusapan pa lang ang VAT bilang mungkahing batas. Sinagot ng host ang aking pamasahe at may bigay din silang maayos na honorarium. Pero ang hindi ko malimutan sa okasyon, iyong ipinaghanda ng organizers ang lahat ng dumalo sa forum ng masarap na pananghaliang may masaganang hain ng lettuce salad . Tanim raw nila ang mga iyon at maituturing na isa sa kanilang accomplishments bilang local NGO. Hindi ko lang alam, pero sobra akong natuwa. Pakiramdam ko, first-class hospitality ang ganoon.

 

image of a bowl of lettuce salad, borrowed from t1.gstatic.com

Mahirap tanggihan/ enjoyyourcooking.com

 

Kayo, mahilig ba kayong kumain ng litsugas o hindi? 🙂

 

Please see:

 

http://tagaloglang.com/Filipino-Music/Tagalog-Folk-Songs/bahay-kubo-lyrics-recordings.html

http://www.bar.gov.ph/aarnet/website/docus/2007/Annex%209%20Indig%20Veg%20Philippines.pdf

http://www.mb.com.ph/articles/301687/philippines-one-lowest-vegetable-consumers-southeast-asia-says-expert

http://www.regoverningmarkets.org/en/resources/se_asia/the_vegetable_industry_in_the_philippines

http://www.avrdc.org/publications/socio/veg_industry/Philippines.pdf

http://www.naga-cebu.com/index.php?option=com_content&view=article&id=204Itemid=300

 

Mainam ring paghalawan o reference ngunit ipinapa-alaalang may ilang factual and spelling errors sa mga nilalaman ng site na ito:

 

http://www.philippines.hvu.nl/vegetables4.htm

 

Possibly Related Posts:

 

Bakuran Natin

Sabado ng Kamusmusan

Bentahe ng Nabebenta

Kahit Munti