Walang Bait

image of a parent scolding a child, borrowed from scribblings-reflections.blogspot.com

Pag may ginawang kabulastugan, napagsasabihan/ scribblings-reflections.blogspot.com

Kagaya rin sa ngayon, kaming mga bata noon ay nakakagalitan ng aming mga magulang dahil sinuway namin ang kanilang utos, dahil matigas ang aming ulo at dahil may ginawa kaming, sa sabi nila, hindi maganda. O, hindi tama.

 

Ang pangkalahatang alituntunin noon, habang pinagsasabihan o kinagagalitan ka ng nakatatanda sa iyo, huwag kang sasagot. Hintayin mo munang mailabas ang lahat ng galit at paninisi ng taong nagagalit sa iyo. Kapag humupa na ang emosyon, pag bumalik na sa normal ang kanyang boses at kapag tinanong ka na kung bakit mo ginawa o nagawa iyon, kung anuman iyon, saka ka lamang sumagot at magpaliwanag. Saka ka mangatwiran at humingi ng pasensya.

 

Siyempre, maraming klase ng pagkakasala ang maaring magawa, at ginagawa, ng isang bata.  By degrees din ang kaparusahang naghihintay sa maysala. Pag matindi talaga ang ginawa mo, hindi ka kakausapin ng mga magulang mo nang maghapon o magdamag. Pag katamtamang kasalanan, malamang ay kagagalitan ka o papaluin. Pag maliit lang o mild ang kasalanan, ang katapat noon ay masasabihan ang isang bata – ikaw – na wala kang bait.

 

Andito ang ilan sa mga kilos o gawaing naaalala ko pang pag ginawa mo noon ay tiyak na masasabihan ka.  O, mas malamang sa hindi, itatanong mismo sa iyo – wala ka bang bait?

 

Pag isinama mo sa malayu-layong kapitbahay ang iyong maliit na kapatid nang hindi mo sinuotan ng salawal. Ikaw ang nakatatandang kapatid. Binitbit mo sa iyong paggagala ang iyong kapatid na dalawa o tatlong taon pa lamang nang hindi mo binihisan nang ayos. Iyong tipong binitbit o inakay mo na lang basta. Iyon pala, wala siyang suot sa baba, pang-itaas lang. Nakarating kayo sa malayo sa inyong paghihikap. Pag-uwi nyo ngayon, humanda ka na.

 

Pag hindi mo binantayan ang sinaing at nasunog ito. Alas-singko y medya ng hapon, nagsaing ang kapatid mong nakatatanda. Pero dahil may pupuntahan pala siya, ibibilin niya ngayon sa iyong titingnan-tingnan mo ang sinaing. Ang ibig sabihin noon ay sisiguruhin mong maluluto iyon pero hindi masusunog. Dapat, pag kumulo na, aalisin mo ang mga gatong na kahoy at hahayaan mong maiga ang sinaing sa init lang ng baga. Pero dahil, halimbawa, busy ka sa paggagawa ng assignment, nakalimutan mo. Lagot ka ngayon.

 

Pag  ikaw ang taong-bahay at hindi ka nagsaing sa oras ng tanghalian o hapunan. Sabado, mag-a-alas-onse.  Naging busy ka uli, halimbawa, dahil nagpa-practise ka ng mga kanta sa hiniram mong songhits o kaya naman ay naggugupit ka ng kung anu-ano sa mga lumang magasin. Nalimutan mo na naman ang tungkulin mo kaugnay ng sinaing. Pagdating ng pamilya mo sa tanghali at wala pala kayong lutong kanin,  pasensyahan kayo. Walang sinuman sa pamilya ang pwedeng magtanggol sa iyo noon. Baka nga, ma-upgrade pa ang kaparusahan mo sa susunod na level – ang mapalo.

 

 

Pag nadumihan mo ang tapayang-inumin at hindi mo nilinis at hindi mo rin ipinaalam sa iba. Kung ang ibang tapayan sa kusina ang malagyan o mapatakan mo ng kaunting dumi sa iyong pagsaluk-salok ng tubig, wala ka pang maririnig na sabi. Ipapalinis lang sa iyo ang mga iyon at papapalitan ng tubig. Pag ang lalagyan na ng inumin ang napatakan ng mga mumo ng kanin o ibang dumi, kasalanan na iyon. May maririnig ka na. Pag pilyo o pilya ka pang bata at hindi mo agad sinabi, katakut-takot ang maririnig mo pag nadiskubre na. Hindi ka lang walang-ingat, ikaw rin ay…

 

Pag naibagsak mo ang radyo at hindi na ito gumana. Sabihin mo mang iisa lang ang radyo ninyo at marami kayong gustong makinig sa iba-ibang programa. Hindi excuse iyon para mabitawan at mailaglag mo ang mahalagang instrumento habang ito ay pinag-aagawan ninyong magkapatid. Ang patakaran, kung sino ang huling mayhawak bago ito nabagsak, siya ang masisisi. Pag ang tatay nyo na ang nagtanong kung nasaan na ang radyo, ituturo ka ng mga tingin ng mga kapatid mo. Sa presinto ka ngayon magpapaliwanag.

 

 

Pag ang perang ipinagpapabili sa iyo ng kailangan sa bahay ay ginastos mo para sa kendi at iba pang pagkain. Ito ay depende sa laki ng pangangailangan sa ipinapabili sa iyo. Pag pinabibili ka lang ng singkong bawang at natukso kang ibili iyon ng kendi, pwedeng umuwi ka agad at mangumpisal sa iyong nagawa. Baka maiintindihan ka pa, pahihingiin ka na lang ng bawang sa inyong Nanay (lola). Pero pag pinabibili ka na ng Marca Pina toyo at iyon lamang ang inyong uulamin sa hapunan, pag ginastos mo iyon sa mga makukulay at matatamis na display sa tindahan, makikita mo. Madiin at mabigat ang pagsasabi sa iyo: wala kang bait. Pag malakas ang loob mo at sumagot ka pa, posibleng ma-upgrade ka na naman.

 

Pag nagpakabasa ka sa ulan gayong pwede ka namang sumilong o  may payong o kapote namang pwedeng gamitin. Madali lang ang logic nito. Pag nabasa ka, ikaw ay magkakasakit. Pag nagkasakit ka, maraming mape-perwisyo, hindi lang ikaw. Tungkulin mong pangalagaan ang iyong sarili. Sa mga pagkakataong nalilimutan mo ito dahil sa pagmamadali o dahil sa kakulitan, andyan ang pamilya mo para sabihan ka.

 

 

image of a child hanging from the clothesline, borrowed from bible.ca

Nauubos rin minsan ang pasensya ng magulang/ bible.ca

Pag sinabihan kang walang bait, ang karaniwang ibig sabihin noon ay wala kang wisdom para malaman ang tama sa mali. Ipinapahiwatig na ikaw ay immature at posible pa, wala kang konsiderasyon sa iba. Hindi ka nga pinalo, hindi ka nga kinagalitan nang husto, pero sinabihan ka namang walang bait. Medyo, masakit pakinggan. Pero, ang mas mahirap nito, pag diretso kang tinanong kung ikaw ba ay walang bait.

 

Heto na ngayon. Pag tinanong ka kung wala ka bang bait, huwag kang magkakamaling sumagot. Iyon ang mga tipo ng tanong na kahit pa-kanan o pa-kaliwa ang isagot mo, mapapahamak ka pa rin. Pag isinagot mong, ‘Oho, wala nga po,’ makakagalitan ka, panigurado. Sasabihin sa iyong ikaw ay pilosopo, adelantado, sumasagot sa matatanda, marunong nang mangatwiran at iba pang akusasyong lalong magpapahaba sa usapan.

 

Pag sinagot mo naman ang tanong ng ganito, ‘Meron ho, may bait naman ho ako,’ para kang tuwirang humanap ng away. Tandaang kaya ka pinagsasabihan ay dahil may ginawa kang bagay na hindi katanggap-tanggap. Sa oras na iyon, ang dapat mong postura ay mapagkumbaba. Maaaring ipinagtatanggol mo lamang ang iyong sarili kaya nakuha mo pang sumagot. Pero, hindi iyon ang sandali to prove your innocence. Pag ginawa mo iyon, pag tinangka mong itanggi ang kawalan mo ng bait, lalo mo lamang pinalalalim ang akusasyon sa iyo. Pinatutunayan mo lamang na ganoon ka nga – walang bait.

 

Ang dapat mong gawin ay tumungo na lamang at tanggapin sa sarili – kung meron ka man nito – pana-panahon nga, ito ay iyong naiwawaglit.

image of a mother comfortung her child, borrowed from thai-blogs.com

Matapos makagalitan/ thai-blogs.com

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-20 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.

 

24 responses to this post.

  1. Posted by candy on Oktubre 7, 2010 at 11:13 hapon

    hehe walang bait… halos nalimutan ko na yun…malaki na rin pala pinagbago ng panahon 🙂

    wow! sulatroniko… nalula ako sa lalim..

    Sagutin

    • hello. mabuti ka pa, alam mo na ang ibig sabihin ng sulatroniko. ako, ngayon ko lang nalaman dahil nag-comment ka. iyon pala ‘yon, he,he…

      palagay ko nga, kaya walang nagko-comment, dahil di rin alam. email address lang pala ‘yon.

      alam mo, noong gumagawa pa lang ako ng account dito sa tagalog section ng wordpress, kamuntik na akong napaurong nang makita ko ang mga tagalog words. na-weird out talaga ako maski sabihin pang tagalog naman talaga kami.

      kaya, iyon. naiintindihan kita sa reaction mo.

      yong walang bait, madalas talagang sabihin iyon sa amin ng matatanda dati. pero sa aming magkakapatid, ang panganay na lang ang naririnig kong nagsasabi noon para i-describe ang kilos ng mga anak nya. iyong iba kong kapatid, ang sinasabi na sa mga anak nila: baliw ka ba? o kaya, sira-ulo ka ba?

      which i think, is related to walang bait but different na ang sense. mas sharp wari ko ang walang bait.

      thanks for reading the article and for commenting, Can. 🙂

      Sagutin

  2. hehe.. parang lahat ng example na yun ay galing sa personal mong experience ah.. di kaya? hehehe.. madalas din akong nayayari dati sa sinaing dahil napapabayaan ko sa kakapanood ng TV. Gitnang parte na lang ng kaldero ang nakakain at ang buong gilid ay puro tutong na. Dati, nakalimutan kong linggo at may pagsamba pala. Nawili kasi ako sa paglalaro ng text dahil halos 3 dangkal na ang napapanalunan ko. Ayun, sabi mo nga, na-upgrade. PoK! ang lutong ng tabo na tumama sa ulo ko.

    Ekspresyon na yun dati yung Sira ulo at walang bait hanggang ngayon. Sa tingin ko naman, dapat ka lang talaga nila sabihan nun pag makatlong ulit mo na nagawa yung pagkakamali tulad ng pag bili mo ng kendi imbis na pang-ulam niyo.

    Salamat sa pag-share.. naalala ko nanaman tuloy yung tabong pink na lumagatok sa ulo ko.. hehe

    Sagutin

    • hello, metaporista. salamat sa iyong pagbabasa at sa nakakatuwa mong comment. natawa talaga ako sa tabo experience mo, he,he… napahagikgik akong mag-isa.

      btw, gustuhin ko man, di akin lahat ang mga ikinuwento kong halimbawa. sa mga pinsan at kapatid ko na yata ‘yong iba. iyong di nakapag-saing dahil nagpa-practice ng kanta at saka nadumihan ang tubig-inumin, iyon ata ang sa akin talaga.

      hayaan mo, mahaba pa naman ang panahon para mangolekta ng walang bait moments. isi-share ko sa ‘yo pag nakaipon na ako, he, he…

      salamat uli.

      Sagutin

  3. naalala kong pinagagalitan ako ng nanay ko kapag gabi na, nasa kapitbahay pa rin ako kababasa ng iba’t ibang komiks na ipinaaarkila nila. napapalo rin kapag nakawala ng mga laruan.

    nakakatuwang balikan ang mga ganitong pangyayari sa iyong buhay. 🙂

    Sagutin

  4. salamat at na-appreciate mo ang kwento. dami mo rin sigurong nabasang komiks noong araw ‘no? 😀 btw, online na rin ngayon ang komiks, di na kailangang arkilahin, hi,hi… aminado po akong nagbabasa ako ng aliwan avenue. :-

    laking probinsya ka, btw? 😀

    Sagutin

  5. […] Walang Bait – kailan nasasabihang walang bait […]

    Sagutin

  6. ang nakikita ko lang sa post na ito ay kagandahan. haha

    ewan ko yun yung dating sakin, yung kasimplehan ng buhay noon. Yung napakswerte pala naming mga kabataan ngayon. ( sinama ko talaga ang sarili ko sa kabataan) hahaha

    bsta simplicity is beauty. I, thank you :p

    Sagutin

  7. Reblogged this on doon po sa amin and commented:

    Hello, ka-blogs! Magpo-promote muna ng mga dati nang naisulat, ahihi. 🙂 Isa ito sa mga unang komposisyon ng inyong lola na kinagiliwan nya mismo matapos maisulat. Sana ay maibigan ninyo. Warm regards… 🙂

    Sagutin

  8. Pag inutusan kang bumili ng suka pero toyo ang iyong binili tapos hapon ka na bumalik..paktay kang bata ka…..kaway..kaway.. 😉

    Sagutin

  9. “Ang pangkalahatang alituntunin noon, habang pinagsasabihan o kinagagalitan ka ng nakatatanda sa iyo, huwag kang sasagot.” Universal rule! Haha

    There were times when, when you don’t answer, the nakakatanda would say, “Don’t you have anything to say? Have you gone dumb?” I would constantly hear that from my neighbor while scolding her really naughty son (a long time ago … said son is probably married with his own kids to scold now) 😀

    Sagutin

    • hello, Nadia! ahaha, universal rule ‘yon? shaks… 😉

      ay, ganoon nga. pag hindi ka nagsasalita habang kinagagalitan, may sala ka pa rin, ahaha. it’s a damn-if-you-do, damn-if-you-don’t situation, kapatid. maybe, one should not engage in any wrongdoing, so as not to be scolded upon. but then, when one’s a child, that sure is difficult, haha. 😉

      yes, i imagine that the kids of the neighbor’s son are as hardheaded as their father, haha. they probably answer him back. 🙂

      hey, musta you? aliw at nadaan ka rito, dear… warm regards ^_^

      Sagutin

      • Haha! And I still remember why that neighbor’s son got a good scolding. That boy sold his textbooks one fine day to buy ice cream 😀

        I’m doing great, ‘San! Thank you. I hope you’re enjoying summer =)

      • oh, that must be one fine day, indeed. 😉 it’s a scolding that’s well worth it then. ^_^

        oh, am suffering the last stretch of summer, ahaha. am looking forward to June. June’s when we spend more time at the beach or by the seaside.

        enjoy dining and gallivanting, dear. do not mind us who presently die of heat over here. just kidding, i know, your summer there is twice as unforgiving, hehe. you and masood do take care. 🙂

  10. ang pinaka di ko makalimutang litanya ng nanay ko pag pinapagalitan ako.
    “o ano, ano ang sasabihin mo? magpaliwanag ka!”
    pag smagot at nagpaliwanag ako.
    “kita mo yang ugali mo. BASTOS KA! Sasagot ka pa!”

    wala na…pipi ka lang. sabay roll your eyes 🙂

    Sagutin

    • ahaha, mas maganda ang wento mo, mrs chokoleyt. panis ang wento ko sa post, haha. curious akong ma-meet si Nanay mo, hihi… hey, salamat sa pagdaan at sa comment. cheers from the tropics! (east asia side of the tropics, hehe). 🙂

      btw, maganda hawaii, ‘no? para daw phils? andaming volcanoes, sabi… ^_^

      Sagutin

      • sa susunod na post ko ikwento ko ang mga food for thoughts ni Nanay ko. Makikita mo kung kanino ko naman ang mga angst ko hahahahaha.
        OO maganda nag Hawaii. Madami volcano. ang libingan nila tulog na bulkan. ung inakyat kong head, tulog na bulkan. ung pinakapopular dito sa oahu tulog din na bulkan. ung gising na bulkan nasa Big island un. ung Hawaii Island.

        OO maganda ang Hawaii, but… there’s no place like home. Iba pa din ang Pilipinas.

        waaaaa gusto kona umuwi!!!!!!

      • ahihi, iintayin ko ang post mo about your beloved Nanay. am sure, mas exciting pa syang nilalang, ahaha. btw, nasabi ko yaan, kapatid, kasi maraming nawe-weirduhan sa posts ko (at sa ‘kin na rin, haha). pero the few times na gumawa me ng posts about Inay, mabenta, hahaha. ay, siyempre, minamana lang natin ang ka-weirduhan, dabah? 😉

        hala, ma-google nga this week ang Hawaii. naku-curious na ako. wala akong masyadong alam tungkol sa last states ng US of A (Guam & Hawaii).

        hihihi, tyagain mo muna, marami naman daw Pinoy dyaan… saka, malay mo, after a few years, mas hot mama ka pa than Tia Carere, hakhak. o,ha? 😉

  11. and heeeey… all your posts are good. namimiss ko ng makipagusap ng tunay sa tagalog. nadugo na ang bangs ko dito 😦

    Sagutin

Mag-iwan ng puna