Minsan, tinawag ako sa recitation sa subject naming International Relations (IR). Ito ‘yong subject namin noong 600 pages ang required na basahin kada linggo. Ang professor namin dito ay ‘yong tipong nangongolekta ng Ph.D. Tinawag ako ni prof at ang sabi, pagkumparahin at pag-ibahin ko raw ang SALT I at ang SALT II.
‘Obi-wan kenobi! Alam ko ‘yon!’ Umabot hanggang doon ang pagbabasa ko ng lesson. Kaya, medyo listo, discuss-discuss naman ako. Dire-diretso. Panay passive voice pa ang English para impressive. Binubuo ko parati ang pagsasabi – Strategic Arms Limitation Treaty.
Habang nagsasalita ako, nakahalukipkip si Gleek professor. Ang mga tingin niya sa akin ay parang nagsasabing alam niyang 46 lang ang IQ ko. Hindi ako nagpapa-apekto. Ang mga kaklase ko namang nasa unahan ko at gilid, yukung-yuko. Naghahabol ng pagbabasa habang pinapaliit ang mga sarili para hindi sila ang sunod na matawag.
Bigla kamong nag-remark si professor. Parang galit. “Where is the linking verb in your sentence?”
‘Inangkupo! Ano na nga ba ang linking verb?’ Mabilis pa sa Google Chrome, nag-proseso ang utak ko at ni-retrieve ang ibig sabihin ng mahalagang parirala. Inulit ko ang aking huling pangungusap at nilagyan ng pesteng linking verb. Sinuma ko na rin ang diskusyon.
Pagkatapos ay huminga na ako. Sa isip-isip ko, mga labinlimang minuto na akong nagtatalakay, siguro nama’y tatawag na si Mr. Gleek ng iba. Naramdaman ko ring iba na ang postura ng mga katabi at nasa unahan ko. Panay ang kanilang inhale.
Bigla kamong sabi ni professor, “Discuss the different arguments why SALT I and SALT II are considered as failures.” At, heto. Nakatingin pa rin siya sa akin. Nag-a-anasan ang mga kaklase ko sa likod. Nagsipagtinginan naman sa akin ang mga nasa unahan ko at tabi. Ang mga tingin nila ay may pag-aalala.
Wala akong mahagilap isagot. Hindi na umabot sa parteng iyon ang pagbabasa ko. Nanunukat ang mga tingin sa akin ni professor. Nag-a-antay ng susunod kong sasabihin.
Sa sandaling iyon, parang puputok ang ulo ko. Literally. Gusto kong umuwi na lamang sa probinsya at kumbinsihin ang kamag-anakan kong i-revive namin ang pagtatanim ng palay. Doon sa amin. Maski sabihin pang hindi naman ako marunong humawak ng araro… 😉