Pag nagtanong ka ng direksyon doon sa mga taga-amin, ang karaniwang umpisa ng sagot sa iyo ay paparoon, paparito. Banda roon, banda rito. Ganyan. Wala halos eksaktong sagot. Puro approximate lang. Sa amin kasi noong panahong early ‘80s, wala namang landmark na istruktura. May mga bahay na naman sa tabi ng kalsada, pero di sila gaanong pansinin dahil walang pinta at medyo magkakapareho ang kanilang mga itsura.
Kadalasan, ang mga palatandaan noon ay mga puno sa lugar o kaya, hugis ng lupa. Pag puno ang sinabing tatandaan mo, kailangan may ideya ka ng mga puno – bukod sa punong niyog at punong mangga. Pag lupa ang paglalarawan, iyon ay kung patag, kung padahilig at kung paakyat. Pag baguhan ka o naliligaw doon sa amin, dapat matama kang makikinig sa pinagtatanungan mo. Sikapin mong intindihin ang ibinigay na instruction dahil pag hindi, mapapalayo ang iyong lakad.
Basic ang direksyong alam at kinasanayan ng mga taga-amin.
Pa-ilaya, ibig sabihin, going North. Pa-ibaba, ibig sabihin, going South. Pa-silangan, going East. Pa-kanluran, going West.
Sa akin noon, medyo pina-simple ko na lang. Ang reference point ko lagi ay ang kinatatayuan ng aming bahay. Pag pa-ilaya, papunta sa kanto, sa highway. May mga dyip na roon, papuntang sunod na lungsod at may dumaraan na ring bus papuntang Maynila.
Pag pa-ibaba naman, papuntang iskul. Elementary school ng ibaba. May mga dyip na rin doon noon – byaheng pa-bayan. Pagdating nila sa bayan, may byahe naman do’n ng dyip at bus papuntang probinsya, sa Capitol. Makakarating ka na sa regional hospital, sa Kapitolyo o kaya sa pier.
Pag pa-kanluran, ang ibig sabihin sa akin noon ay papunta sa kuluong para umigib o kaya sa gubat, para mangahoy o pumitas ng mga bungang-kahoy.
Pag pa-silangan naman, ang ibig sabihin, papalabas ng kalsada. Ito iyong pangunahing kalsada ng nayon namin, hindi pa noon aspaltado, hindi sementado. Pag sa gawing iyon ka pupunta, malamang ikaw ay papasok sa eskwela o trabaho, gagala o kaya, makikipanood ng tv.
Ang clincher, medyo accurate ang reference point ko, hehe… Ang bahay namin ay talagang nasa boundary ng ilaya at ibaba. Nasa pagitan siya ng dalawang magkatabing nayon. Hindi eksaktong-eksakto, dahil ang bahay naman namin, papasok pa sa loob. Lalakad ka pa ng mga 700 na metro bago makarating sa amin.
Ang trouble, hindi malaman ng mga tao kung kami ba ay taga-ilaya o taga-ibaba. Sa paningin ng mga taga-ilaya, taga-ibaba kami. Sa tingin naman ng mga taga-ibaba, taga-ilaya kami. 🙂
Ang kwento, dati talaga kaming taga-ilaya. Nakikitira kami noon sa isang bahay-kubo, tabi ng kalsada. Noong late ‘70s, nakapagpagawa ang aming ama ng isang sementadong bahay sa lupang mana niya sa ibaba, katabi ng bahay ng kanyang mga magulang. Iyon ‘yong bahay na kako nga ay nasa boundary. Paglipat namin, ang turing na ng mga taga-ilaya sa amin, Southerners, kumbaga. Mga taga-ibaba. Ang turing naman sa amin ng mga taga-ibaba, mga dayo. Mga likas na taga-ilaya.
Maitatanong, may malaki bang pagkakaiba ang dalawang baryo? Mayroon siguro. At least, sa panahong binabanggit ko, tila mayroon… Medyo iba ang taga-ilaya sa taga-ibaba noon.
Ang mga taga-ilaya, ang kabuhayan ay mas kiling sa pagbebenta ng mga kalakal na prutas at gulay. Pero, dahil mas malapit sila sa lungsod, mas malakas ang impluwensya sa kanila ng lungsod at ng malaking lungsod – ang Maynila. Mas maraming kabataan doong nagma-Maynila. Ang karamihan, ang mga eskwelahang pinapasukan, iyong mga sikat at mahal ang bayad. Ang pang–tuition nila pala, galing sa pinagbentahan ng niyog, abokado, ampalaya at patani. Dahil siguro sa ampiyas ng lungsod, mas abante ng konti ang mga pananamit at hilig sa musika ng mga taga-ilaya. At heto, mas leisurely sila kung maglakad. Hindi biro.
Ang mga taga-ibaba naman, ang kabuhayan ay pagtatanim ng palay at mais, manukan at babuyan at pagtatanim din ng mga gulay at spices na pambenta. Pero dahil mas malapit sila sa bayan, mas doon din siguro galing ang impluwensya ng kultura at kaalaman nila. Nang panahong iyon, mas kakaunti ang nagko-kolehiyo sa ibaba. Iyong ilang nagma-Maynilang taga-roon, ang mga eskwelahan ay hindi gaanong kilala at di rin mahal ang matrikula. Mas uso sa ibaba ang magtapos lang ng high school ang kabataan at pagkatapos ay tutulong na sa magulang sa pagtatanim o pangangalakal.
Kaya, di mo rin maiiwasang mapansing noon, di gaanong updated ang panlasa sa damit at musika ng mga kabataan sa ibaba. Pero, mas maraming maykaya roon – malalaki ang mga bodega nila ng butil, masagana kung sila ay maghanda sa mga okasyon at bago palagi ang sofa set nila sa mga bahay… Kung maglakad ang mga taga-ibaba ay mabibilis – siguro ay dahil magpapa-anak pa sila ng mga baboy, magpapa-ani pa sa mga pamintahan at maglilikom pa ng mga itlog na iluluwas. 😉
Sa kadahilang ang pamilya namin ay medyo itinuring na alien ng magkabilang panig, hati siguro ang naging impluwensya ng ilaya at ibaba sa amin. Karamihan sa aming magkakapatid ay natuto pang magtanim at mangalakal ng mga gulay at mahihilig pa sa halaman. Pero lahat kami, itinulak ng aming inang mag-aral. May mga pumasok sa bayan, may mga nag-aral sa lungsod. At halos lahat sa amin, nakapag-Maynila. Malaking bagay iyon noon doon sa amin – ang makapagpa-pasok ng anak sa malaking lungsod… Tatlo lang sa pamilya ang masasabi kong may fashion sense – ang aming ina at dalawa sa aking mga kapatid. Minsan ay mabibilis kaming maglakad, kung minsan naman ay mababagal.
Hindi kaagad na-resolba ang isyu kung taga-ilaya o taga-ibaba kami. Tumagal iyon ng tumagal. Dalawang sets ng lokal na politiko ang nangangampanya lagi noon sa amin. Diplomatiko ang naging paraan ng mga magulang namin dito. Sa pagkaalam ko, ang aming ama ay sa ibaba bomoboto at ang aming ina naman ay sa ilaya. Nasa kolehiyo na yata kaming lahat nang ma-desisyunan ang usaping ito. Ang verdict, taga-ilaya raw kami. By that time, mas naka-lugar na kaming taga-ibaba kami, doon na kami nasanay at andoon rin ang mas marami naming kamag-anak at kasabayan sa eskwela.
Kahit may geodetic findings na, magpasa-hanggang ngayon, taga-ibaba pa rin kami para sa mga taga-ilaya. Taga-ilaya pa rin kami para sa mga taga-ibaba. Pag ipinagtanong mo ang aming bahay sa kanto sa ilaya, sasabihin sa iyo ng mga tao doon, sumakay ka ng traysikel o maglakad pa-ibaba. Pag ipinagtanong mo naman sa may iskul sa ibaba kung saan ang amin, sasabihin sa iyo ng mga taga-roon, mag-traysikel o lumakad kang pa-ilaya.
Kung tutuusin, pareho naman silang tama. Ang sa amin ay banda roon talaga. 😉