Posts Tagged ‘growing up rural’

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 8

 

Hello, mga ka-blogs! Puntahan na natin ang usapin ng kahirapan o poverty. Tutal, dito naman nag-umpisa ang ating usapan – doon sa kako ay liblib na, mahirap pa – ang lugar at panahong pinagmulan namin. Sabi ko, nakakatuwa, may cemented roads na doon sa amin – connected na ang mga tao at bawas na ang hardships sa buhay. Ang laking kaibahan sa dati… Pero, bakit tila yata naghihikahos pa rin ang nayon? O, kung susuriing mabuti, parang mas naghihirap pa? Hindi nga… 🙂

 

Image of a young girl in rural Philippines

Larawan ng isang batang babae sa nayon sa Pilipinas/ http://www.poverty-in-the-philippines.com

Mahirap at salat ang buhay sa nayon – stereotype na palagay ng marami. Payak o simple rin ang pamumuhay, routines at pati kaligayahan ng mga tagaroon, sabi… Sa mga di nakatira sa nayon, parang exotic ang tumira sa kabukiran – isang experiment sa alternative lifestyle o kaya ay natatanging privilege… Na parang ang pagtira roon ay usapin lamang ng pagpili – kung nais ng tao ay mahirap ngunit payak na buhay sa bukid  o ang may-asenso raw, pero kumplikadong buhay sa bayan o lungsod. Na tila nasa tao ang pagpapasya sa lahat ng oras – kung ang gugustuhin niya ay ang sinauna, ngunit may pagka-atrasadong pag-iral o ang pangkasalukuyan, ngunit makabago at nakakasabay na klase ng buhay. Totoo ba? Totoong nasasakanya ang pagpapasya? Na pipili lamang siya kung saan ang lokasyon at magkakatotoo na ang mga pagbabago sa kanyang buhay-buhay? 🙂 Totoo ring paglikas niya sa lungsod ay agad mababago ang kanyang identity at uri ng pamumuhay? Tiyak ang pag-asenso?

 

Sa Sociology, mayroong tinatawag na birth circumstance o kalagayan ng tao noong siya ay ipanganak. Sabi rito, hindi napipili ng tao ang kanyang birth circumstance – sino ang kanyang mga magulang, saang lugar siya isinilang, ano ang kalagayang pangkabuhayan at panlipunan ng kanyang pamilya at kailan o anong panahon o historical age siya ipinanganak… Sa Western philosophy, ang taas ng pagdidiin sa kakayahan ng indibidwal na taong panghawakan at i-direhe ang kanyang pansariling buhay. Ang tinutuntungan, ang pagkakaroon daw ng free will ng isang tao, ang kanyang kakayahang i-determine at isabuhay ang klase ng buhay at pag-unlad na nais niyang tahakin sa mundo… Na kaya niyang lampasan ang birth circumstance – sapagkat siya ay free and self-determining. Free nga ba? Self -determining nga ba ang tao o  nakatali siya sa kanyang sitwasyon at mga panlipunang ugnayan? 🙂

 

Sa nakaraang posts, napansin nyo marahil, kung ilang ulit kong ipinag-sentimyento ang marginalization namin noon by distance, by location. At wari ay malalim ito – nagkahiwa-hiwalay kaming magkakapatid dahil sa pag-aaral. Walang high school sa aming baryo. Ibig sabihin, kung ang isang taga-roon ay nais mag-aral, tiyak na aalis siya sa lugar. Pero, paano kung walang pera o salaping gugulin sa paglipat? At lalo pa, para sa gastusin sa pag-aaral? Marami sa aming magkakapatid, nakitira para makapag-high school. Nanirahan, ibig sabihin, parang nag-katulong sa kamag-anak para makapasok, hindi nakakauwi sa sariling bahay maski weekends. Madalas noong pinag-aawayan ng aming mga magulang ang pagpasok ng mga anak, namin… Para sa aming ama, huwag nang mag-high school – bakit pa? Para sa aming ina, iyon ang pinakamahalaga.

 

Image of a rural community without electricity in the Philippines

Wala pang semento, ni aspalto ang mga kalsada sa amin noong nasa elementarya pa ako. Wala pa ring koryente sa lugar namin/ article.wn.com

 

Alin-alin nga ba sa mga pagdarahop at kahirapan noon ang mga pagtitiis na dapat talagang tiisin? Alin-alin doon ang marapat na iangal, ireklamo? Kasi, sabi, pag mahirap at pare-pareho lang namang mahihirap sa lugar at panahon, walang issue – dapat… Iyong sinasabing dictates of the times? Pare-parehong nagluluto sa kalang de-kahoy, nag-uulam ng gulay lang at least, tatlong araw sa isang linggo at, naglalaba sa sapa – sapagkat pare-parehong walang running water, ahaha. Pare-pareho rin, pag pasko lang nagkakaroon ng bagong damit o may mga taon nga, ni hindi pa. Pare-parehong kulang at kulang ang pambili ng mga pangangailangan sa pang-araw-araw… Pare-pareho ring kulang sa aral, sinauna at magaspang ang kalinangan at kulturang kinagisnan at nilakihan, at,  hiyang-hiya, tuwing may darating na kamag-anak o panauhing taga-malaking lungsod, “Ay, pasensya na kayo, ganito lang kami… Ito lang ang mayroon, ganito lang ang nakayanan. Pagpapasensyahan ninyo…” Ganyan.

 

Maaaring itanong, gaano katagal na pamumuhay, ilang henerasyon, bago  makaranas ang isang pamilya ng ease o gaan sa buhay? Kusa bang dumarating ang mga kaluwagan at kaalwanan sa buhay o pinagsusumikapan at pinagtatrabahuhan ng walang humpay? Nangyayari rin bang panay ang pagtatrabaho at pagsusumikap ng tao, pero lubog at tubog pa rin sa hirap? Sa Social Science, may sinasabing structural poverty at transitional poverty. As the term suggests, ang structural poverty ay tila mga pader – odds stacked against a person, constraining him from becoming rich. Ang transitional poverty, mga hadlang na panandalian lang at nalalampasan din – sapagkat hindi naman structural or basic constraints. Ang marginalization by distance, isang halimbawa ng structural constraint. Dahil sa layo, nawawalan ng access ang mga nakatira sa isang lugar – sa basic sanang oportunidad at serbisyo – pagkakataong maghanapbuhay, mangalakal, mag-aral, mag-avail ng health services at makapagpa-ospital, kung maysakit.

 

Image of a man and his son loading up his boat with banana harvests

Mahirap ang mangalakal kapag walang maayos at mabilis na transportasyon/ http://www.kayavolunteer.com

 

Ang halimbawa naman ng transitional poverty ay pansamantalang pagka-lay off sa trabaho or in-between-jobs situation, pagkakasakit (na hindi tumutuloy sa disability), pag-aasawa or contracting a marriage (sapagkat malaki ang gastos sa wedding at may mga gastos sa pagpupundar ng pamilya), pagkabalo at pagkakaroon ng family emergencies (pagkakasakit ng kapamilya). Sinasabing ang mga ganitong sitwasyon, panandaliang paghihirap lamang ang dulot sa tao, sapagkat nalalampasan at karaniwang may nahahanap  na solusyon. Sa mayayamang bansa, ang usual recourse ng tao sa mga ganitong pangyayari – gumamit ng savings o halagang naitatabi o di kaya, lumapit sa malalaking institutions para sa aid, welfare, assistance or loans. Sa mga mahihirap na bansa, mas karaniwan na ang nagigipit ay lumapit sa pamilya, kaibigan at sa informal channels, associations or networks – para makatawid ang indibidwal sa mga alanganing sitwasyon.

 

 

Map showing the Gini score of some European countries

Mabababa ang Gini score ng karamihan sa European countries kumpara sa ibang bansa /shaneleavy.blogspot.com

Sa international na antas, ang Gini coefficient ang ginagamit na metric ng income inequality. Ito ay formula para sukatin ang distansya sa pagitan ng pinakamayayaman as against sa pinakamahihirap. Ito rin ang gamit para ikumpara ang income inequality across countries… Sa Gini measure, frequency distribution ng values ang sinusukat – ang pinaka-equal na kalagayan ay zero (0) at habang papalapit sa one (1) ang coefficient, nagiging higit ang inequality… Naipapakita at naimamarka ng Gini measure ang rich, poor at ang middle class sa mga kasapi o nasasakupan. Ang premise, nasa iisang bansa at may iisa at interconnected na ekonomiya ang mga mamamayan. Ibig sabihin, iisang economic pie, iisang pinagkukuhanan at pinaghahatian ng mga miyembro. Iisa rin ang pamahalaang gumagawa at nagpapatupad ng batas at nagbibigay ng economic sanctions and incentives. Sinusukat ang inequality para – makita gaano karami at alin-alin ang lalaanan ng transfers or welfare measures, matukoy ang vulnerable sectors at mailatag ang poverty indicators, para batid ang suliraning tutugunan at i-a-address.

 

Image of urban poor boys taking a rest in between scavenging plastics

Paglilibang na rin para sa kanila ang mamahinga sa pagitan ng pamumulot ng plastik na ipagbibili/ aangirfan.blogspot.com

Before we get too technical on the subject, punta muna tayo sa usapang leisure. Sa mga mayayaman, maaari silang mag-weekend sa Hongkong o sa Maldives o kaya, magbakasyon sumandali sa Bahamas – tatlong araw o isang linggo mula nang kanilang mapagpasyahan o maisip. May panggastos sila at mabilis na lang ang preparasyon, kahit pa may kamahalan ang byahe… Sa middle class, ang ganito ay reward sa sarili at karaniwang pinag-iipunan at pinaghahandaan ng isa, dalawa o tatlong taon bago maisakatuparan… Sa mga mahihirap, maaring ang paglalakbay ay pag-ipunan ng halos buong buhay at makakamit sa dulo o, maaaring hindi pa rin… Katunayan, sa karamihan sa mahihirap sa atin, out of the question ang magbyahe  – maliban na lang kung sa labas ng bansa magtatrabaho. Sa gayon, ano ang kadalasang anyo ng leisure o paglilibang para sa mahihirap? Mas malamang, makipagkwentuhan sa kapitbahay, dumalaw sa kamag-anak, maglakad sa parke (kung nasa lungsod) o magpahinga sa may gulod (kung nasa baryo). Sa mas adventurous – mag-bingo, mag-inom o pumunta sa bahay-aliwan sa lungsod.

 

May kaibahan ang mahihirap sa bukid at ang mahihirap sa lungsod. Ang rural poor ay karaniwang may bahay na sarili, ngunit madalas – kapos sa pagkain, pambili ng pangangailangan at parating nagdarahop… Ang urban poor ay homeless or squatting illegally, subalit may kabuhayan – sa mga delikado, kundiman, illegal or degrading na larangan. Kapos din sila sa buhay at mababa rin ang tingin sa kanila ng lipunan… Ayon sa mga pag-aaral, ang prototype ng pinakamahirap o poorest of the poor sa Pilipinas – – babaeng may-asawa sa kanayunan, babaeng magsasaka… Napakababa ng kanyang income, kulang siya sa nutrisyon, bagsak ang katawan sa trabaho at mababa ang kanyang social standing. Sinasabi roong mas madalas, ipinapahuli ng Nanay sa bukid ang kanyang sarili – maging iyon man ay sa pagkain, gamot, damit o panggastos – ang inuuna niya ay ang sa asawa at mga anak na lalaki.

 

Sa kabilang banda, magkaiba ang anyo at mukha ng kahirapan sa mahihirap na bansa at sa mayayamang bansa. Ang malaking pagkakaiba ay sa infrastructures – kalsada, tulay, ospital, koryente, linya ng telepono, public facilities tulad ng paliguan – mga bagay na given at nai-enjoy maski ng mahihirap sa mayayamang bansa, ngunit wala o kapos o matatagalan pa bago magkaroon, ang mahihirap – sa mahihirap na bansa. Karaniwan, may assistance o subsidy sa poor in rich countries,  habang napakaliit ng scope ng cash transfers o ayuda sa poor in developing nations…  Sa karamihan ng developed nations, may universal insurance and health care package ang mga mamamayan, wala nito sa mahihirap na bansa. Kadalasan, ang pagkakasakit ay daan para lalong maghirap ang mahirap na… Mayaman man o mahirap na bansa, parating may poor sectors. Parating marked ang disparity of incomes at may maliit na segment ng population na ubod ng yaman at luho ng buhay.

 

Ang oil-exporting countries (OECD) at ang European Union (EU), ang ginagamit na panukat ng income inequality ay ang relative poverty. Dito, ikinukumpara ang income ng poorest one-third of the population sa income ng pinakamayamang 1%. Ang bansang U.S. at ang institusyon ng World Bank, ang ginagamit namang panukat ay ang absolute poverty. Ang absolute poverty measure ng U.S., may base year na ginagamit (1963-64), based on Department of Agriculture’s  Food Plan multiplied by a factor of three. Bale, parang food budget ng pamilya ang tinitingnan at may absolute poverty line na tinatawag – alinman sa above or below ang isang pamilya… Samantala, ang World Bank absolute poverty measure, mas nakatuon sa nutrisyon or food security – kung naabot ba ng isang tao ang minimum dietary requirement – 2200 calories per day. Pag hindi, andoon siya sa kalagayang extreme poverty.

 

Sabi sa pag-aaral ng World Bank, 1.1 billion people ang nabubuhay sa less than $1 sa isang araw at 2.7 billion naman ang nabubuhay sa less than $2 a day – sa buong mundo, noong 2001. Ang ibig sabihin, halos ikaanim ng world population, in a state of extreme poverty…  Sabi rin, may 50,000 na namamatay araw-araw, dahil sa poverty-related diseases, karamihan ay women and children. Dagdag pa, sa buong mundo, 11 million children ang namamatay taon-taon, bago sumapit sa ikalimang taong gulang. Panghuli, may 800 million na tao raw na natutulog sa gabi ng gutom – dahil walang makain… Sa kasalukuyan, mayroon na ring tinatawag na non-income measures of development na mas nakatuon sa well-being ng tao. Bilang panukat, unti-unti na rin silang tinatanggap ng marami sa mundo. Ang mga halimbawa – life expectancy ng mga tao sa bansa, child mortality (kung pataas o pababa ang bahagdan ng mga batang maagang namamatay), maternal health, percentage of children in the labor force (kung paliit o palaki ang bahagdan), literacy of children at iba pa. 🙂

 

Ikinukewento ko ang mga ito sa inyo, ka-blogs, hindi para paduguin ang inyong mga ilong, ahihi. Sa totoo lang, kahit ako, nahirapang magtalakay ukol sa kahirapan, ahaha… Dito sa series, ito ang komposisyong pinakamatagal bago naisulat at nabuo. Ang malaking challenge – alin-alin sa napakalawak na sakop ng subject matter ng poverty ang i-include at i-exclude sa talakayan?

Nais  sana, maitsurahan natin ang malaking larawan ng poverty – worldwide and nationwide – para pag nagsasalita tayo sa usaping kahirapan, hindi lang siguro mga personal nating karanasan at encounters o di kaya, pansariling biases, ang tuntungan natin… Wala namang taong gustong maging mahirap, di ba? Walang mahirap na gustong manatiling mahirap. Basic sa tao ang desire for advancement, sabi… 🙂

 

Chart showing Gini scores of selected countries in 2009

Pinakamababa ang Gini scores ng Denmark at Japan bagaman hindi singtaas ng sa Singapore ang GDP per capita nila/ synthesistblog.com

 

But things may not be as easy for others – for the multitude others – who did not and do not have the same infrastructures, securities, education, cultural exposure, social and economic opportunities, enjoyments, that we have had. That only a privilege few, have… Ang mahihirap, maraming structural impediments na kailangang tawirin. At ang pagtawid sa tulay ng kahirapan, hindi nakukuha sa isang salin o palit lang ng henerasyon, sadly…

Pwedeng may isa o ilang kasaping maunang umangat sa isang pamilya, iyong nakapag-aral at nabigyan ng mas maraming pribiliheyo at confidence para ituluy-tuloy ang pag-asenso. Ang iba ay matatali na sa cycle ng pang-araw-araw na pamumuhay. Mayroon ding nababalaho sa pag-angat at pagsulong ng malalaki at matitinding suliranin. Mayroong iginugupo ng frustrations at nauubusan na ng drive. Hindi pare-pareho, hindi sabay-sabay… Kahit iyon, sana, ang ating nais… 🙂

All am saying, hindi lamang usapan ng values ang pakikihamok sa kahirapan. Importante ang values, oo. Pag may mas maayos na value set ang tao, mas kaya niyang harapin ang mga hamon, mas kaya niyang tumingin sa pangmalayuan at mag-sakripisyo – mahahalagang ingredients para magtagumpay sa buhay… Isa pa, hindi magandang tingnan ang mahirap na nga, masama pa ang ugali, haha… 🙂 The thing is, kung papansinin natin, karamihan sa mga naunang yumaman, hindi rin kagandahan ang values, hihihi. 😉

Anyway, sang-ayon sa mga pag-aaral, close to .50 ang Gini coefficient ng Pilipinas, mga kapatid… Halos kalahati ng 1, mataas ito kumpara sa napakaraming iba pang bansa (.440 or 44%, ayon sa Stratbase Research Institute, ayon naman sa iba, .457 or 45.7% ang Gini score ng Pilipinas) … Ibig sabihin, seryoso ang problema ng Pilipinas sa usapin ng allocation of resources – mataas ang inequality among its citizens. Ibig sabihin, malaki ang kailangang trabahuhin ng pamahalaan natin sa reallocation. Ang reallocation, isa sa importanteng function lagi ng gobyerno – ang mag-equalize. Ang pinapantay o inililipat, hindi naman direktang resources, kundi opportunities ng mamamayan through policies o mga panlipunang patakaran. Sa ibang pagkakataon, maari natin itong i-discuss… 🙂

 

Chart showing the income distribution among regions in the Phils.

Pinakamataas ang Gini sa Region IX at pinakamababa sa ARMM, ayon sa official statistics/ http://www.nscb.gov.ph

 

 

Image of a young girl leaning on a post in the Philippine rural area

Kung makakatapos ng pag-aaral si Ineng, baka sakaling maiangat niya ang buhay ng pamilya/ http://www.shutterstock.com

 

Ayon sa pag-aaral ng isang international microfinance group, 15 years at least, ang kailangan para raw may makitang markadong pag-asenso sa isang pamilyang mahirap sa Pilipinas. Bakit 15 years? Kasi pala, 14 years (sa dating curriculum) bago may isang miyembrong makatapos sa pag-aaral. Pag may naka-graduate na anak, nagka-trabaho ng maayos-ayos at hindi agad nag-asawa, saka pa lang – maipapa-repair somehow ang bahay, makakabili ng bagong set ng pinggan, mapapalitan na ang lumang duster ni Nanay at kahit paano, magkaka-family time na pag Linggo, ahaha… 🙂  O, di ba? Nakakaiyak na nakakatuwa ang plight ng pamilyang Pilipino… 😉  

 

 

Susubukan ko, kung may mga kasunod pa ito, mga kapatid, ha… Let’s keep our fingers crossed. Hehehe, medyo matrabahong gawin ang ganitong post. Marami-rami ang cross-checking bago mai-finalize… ^_^

 

I hope, kahit paano, may naibabahagi ako sa inyo. Happy weekend! 🙂

 

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 7

Hello, mga ka-blogs! Nauumay na ba kayo sa paksa natin? Ahaha… Ako, medyo-medyo, hihi. Sa tuwing ita-type ko ang pamagat ng post sa itaas, napapasabi, “Putik na naman sa daan? Huhuhu…” O, sige na nga, umpisahan na natin at nang magkaroon na ng katapusan, sa tinamaan ng husay. Pasensya naman… 😉

Sa Ang Baku-bakong Kalsada sa Aming Nayontiningnan pabalik ang dirt road na matagal naming dinaanan noong malilit pa kami ng mga kapatid, pinsan at kalaro at gayundin ang makalumang pamumuhay na aming naranasan. Papaanong dati – pumapasok kami sa eskwelang lakad ng kung ilang kilometro at bitbit ang pares ng tsinelas na may butas. Nag-aabang kami ng mga dumaraang sasakyan pag walang pasok, ahaha. Parang spectacle sa amin noon pag nakakakita ng umaandar na mga gulong, patatawarin… Dalawampo’t anim na taon nga pala ang lumipas nang isinulat ang post o lathalain, labinlimang taon naman ang nakakaraan, mula nang masementuhan ang pangunahing kalsada – doon sa amin.

Image of two boys in rural Philippines

Napakarami pa ng agricultural communities sa Pilipinas at karamihan sa kanila ay mahihirap ang mamamayan/ http://www.poverty-in-the-philippines.com

Ang philosophical na tanong sa post, bakit rugged and eneven ang paths to development ng tao? Sementado na ang daan sa lugar namin at pag umuuwi naman kami sa bukid na aming nilakihan, naka-sasakyang pribado na. Pero, bakit ang pakiramdam namin, disconnected kami sa mga kasamahang nasa baryo? Sentimental na mga panimdim lang o praktikal na pagkilala sa sinasabing roads to development? Ano nga kaya? Sabi sa Economics, mahalaga sa paglago ng pamayanan at ng mga taong nakatira roon ang infrastructures – kalsada, tulay at patubig – mga pangunahing kailangan para sa markadong pag-unlad. Ang mga iyan daw ang magpaparamdam sa taong sila ay connected – kasali at kabahagi… Ang susunod raw – edukasyon. Na kapag nakapag-aral ang batang henerasyon, mas nabibigyan sila at ang kanilang pamilya ng pagkakataong umasenso.

May kuryente na sa lugar namin, naabutan ko pa nang magkaroon. Ayon lang,  hindi namin agad na-afford ang koneksyon noon – mahal. Eventually, nakayanan din… May tubig na rin doon sa amin. May faucets na sa mga laba-lababo… Naipasemento na nga ang kalsada, hindi na maputik o maalikabok at ang mga batang pumapasok, hindi na naglalakad ng malayo. Hindi na aanim o wawalo ang sasakyang dumaraan sa maghapon… Labas-pasok na ang mga kalakal at produkto sa aming lugar at pati ang mga tao – mabilis na ring nakakaalis – basta may pamasahe. Pero pag pumunta kayo roon ngayon, ngayong may internet na rin sa ilang kabahayan, ang makikita pa rin ay larawan ng kahirapan, pagka-atrasado at bumabagsak na kalusugan ng mga tao. Backward and poor pa rin, ‘ika nga… Ngunit may ilang wisik na ng modernities na nakapasok – pati mga gawi at bisyo ng modernong pamumuhay.

Sa Ang Baku-Bakong Kalsada sa Aming Nayon, kinukwestyon ang wisdom ng pag-unlad na para sa sarili lamang, theory na formulated and advanced by Vilfredo Pareto… Si Pareto ay isang Italian engineer na kinikilala rin sa larangan ng Sociology at Economics. Kanyang theoretical works ang nagpundar ng sangay ng Economics na tinawag na Microeconomics. Ipinakita ng works ni Pareto, ang 20% ng lipunan ang may kontrol sa 80% ng ari-arian, nagpapalitan lamang pana-panahon ang elite or aristocracy at endemic sa lipunan – throughout the history – ang income inequality at kawalan ng demokrasya. Sabi niya, hindi importante ang intrinsic value ng mga bagay sa tao, ang mahalaga ay ang ordering niya ng priorities – ang kagustuhan niyang manaig at isulong ang sariling interes na mas madalas, economic in nature.

Larawan ng inhenyero at ekonomistang si Vilfredo Pareto/ http://www.stormfront.org

May mga tumawag sa theories ni Pareto na “social Darwinism.” Ang core teaching ni Pareto ay tinatawag na Pareto optimality. Sabi rito, ang isang lipunan o economic system ay nag-i-enjoy ng maximum na benepisyo kapag sa bawat pag-unlad ng isang kasapi, niyayapakan niya o itinutulak pababa ang ibang kasapi. Sa madaling salita, ang pag-asenso ng isa ay at the expense ng iba. Makikita ang elaboration ng theory sa indifference curve, kung saan inilalarawang mas madaling kamtin at mas efficient ang pansariling pag-unlad kaysa sa pag-unlad na collective o pangmaramihan. Ang pinasubalian ng theory ni Pareto, ang malaon nang pininiwalaan – ang lipunan at mga namumuno nito ay parating nag-i-strive for the greater good of the majority. Sang-ayon sa kanya, maximum efficiency ang hinahabol, hindi greater good.

Ang theory ni Pareto ay madalas na ginagamit sa welfare societies. Sinasabi roong mas maging tulungan ang isang kapuspalad kaysa sa ambisyuning iangat ang mas malaking bilang (na maliit ang tsansang maiahon sa kalagayan). Mayroon ding microfinance groups and cooperatives na Pareto optimal ang tinutuntungang prinsipyo. Sang-ayon sa kanila, sa sampong kasaping pauutangin ng perang puhunan, sakaling may dalawang magtagumpay na gamitin yaon sa negosyo, ang kanilang efficiency and success ay sasapat o hihigit pa sa failure or non-success ng walong di nakabayad sa hiniram. Subalit, ang theory ni Pareto ay pinakatatangkilik sa mga laro o games kung saan malinaw na naipapakitang ang pagkatalo ng isa ay nagre-resulta sa panalo ng kalaban and vice-versa. Mas kilala ang theory sa katawagang zero-sum game.

Ang zero-sum game ay best illustrated sa scientific works (game thory) ng 1994 Nobel Memorial Prize in Economic Sciences awardee na si John Forbes Nash, Jr, isang professor sa Princeton University. Itinuturing siya ng marami bilang Math genius at ang kanyang buhay ay ginawaan ng pelikula –  A Beautiful Mind. Ang zero-sum game ang tila prinsipyo ng marami sa mga nagne-negosyo sa kasalukuyan – ang paniniwalang ang ganansya ng isa ay kawalan ng iba at ang kawalan ng iba, ganansya ng isa. Anupa at sinasabi ritong walang pag-unlad na magkakasama, walang pag-angat na hindi mangangahulugan ng paglubog ng iba at ang push and pull relationship ng dalawang panig ang nagtutulak para makamit ang optimal result na essentially ay private at di pangmaramihan. Ang economic theory na ito ang kinukwestyon sa post na Ang Baku-Bakong Kalsada sa Aming Nayon.

Sa ika-limang bahagi ng ating pagtatalakay, sinabing ang kabalintunaan ng mga lumagong bayan noon sa Europa ay ang pagiging dependent ng malayang bayan sa villages na hindi malaya (nakatali sa feudal relation sa pagitan ng landlord at ng tenants). Na habang umaasenso ang kalakalan at kabuhayan ng middle-class sa kabayanan, ang mga tao sa kabukiran ay mas nalulubog sa kahirapan. Sinasabi ng works ni Vilfredo Pareto, ang income inequality ay characteristic sa bawat yugto ng pag-unlad ng lipunan at mayroon daw broad base ng mahihirap na siyang sumusustina sa tuktok kung saan naka-pwesto ang pinakamayayaman. Ang nasa gitna ay middle class na parating abalang huwag mahulog sa ibaba, kung hindi man nila kayaning makaakyat…

Larawan ng mag-iina sa isang kabukiran sa Pilipinas

Ilang henerasyon ang kailangan ng pamilyang Pilipino bago matakasan ang kahirapan?/ weccnewsandevents.blogspot.com

Katanggap-tanggap nga bang ang kanayunan ay patuloy na dumausdos sa kahirapan habang ang ilang lungsod ay patuloy sa pag-asenso? Napakabagal nga ba ng pag-unlad o stagnant ang karamihan sa kulang-kulang na 1,500 municipalities o bayan sa Pilipinas? Paano nga ba tatahakin ang sinasabing landas ng pag-unlad?  🙂

Banda Roon

image of a person asking for direction, borrowed from .fotosearch.com/LIQ114/vl0008b021/

Banda roon. Hindi, banda rito/ fotosearch.com

Pag nagtanong ka ng direksyon doon sa mga taga-amin, ang karaniwang umpisa ng sagot sa iyo ay paparoon, paparito. Banda roon, banda rito. Ganyan. Wala halos eksaktong sagot. Puro approximate lang. Sa amin kasi noong panahong early ‘80s, wala namang landmark na istruktura. May mga bahay na naman sa tabi ng kalsada, pero di sila gaanong pansinin dahil walang pinta at medyo magkakapareho ang kanilang mga itsura.

 

Kadalasan, ang mga palatandaan noon ay mga puno sa lugar o kaya, hugis ng lupa. Pag puno ang sinabing tatandaan mo, kailangan may ideya ka ng mga puno – bukod sa punong niyog at punong mangga. Pag lupa ang paglalarawan, iyon ay kung patag, kung padahilig at kung paakyat. Pag baguhan ka o naliligaw doon sa amin, dapat matama kang makikinig sa pinagtatanungan mo. Sikapin mong intindihin ang ibinigay na instruction dahil pag hindi, mapapalayo ang iyong lakad.

 

image of a tree by the road

Puno ang madalas noong palatandaan/ freefoto.com/preview

 

Basic ang direksyong alam at kinasanayan ng mga taga-amin.

 

image of arrows pointing to four directions, borrowed from fotosearch.com/CSP318/k3186822/

Apat ang direksyong maaring puntahan/ fotosearch.com

Pa-ilaya, ibig sabihin, going North. Pa-ibaba, ibig sabihin, going South. Pa-silangan, going East. Pa-kanluran, going West.

 

Sa akin noon, medyo pina-simple ko na lang. Ang reference point ko lagi ay ang kinatatayuan ng aming bahay. Pag pa-ilaya, papunta sa kanto, sa highway. May mga dyip na roon, papuntang sunod na lungsod at may dumaraan na ring bus papuntang Maynila.

 

Pag pa-ibaba naman, papuntang iskul. Elementary school ng ibaba. May mga dyip na rin doon noon – byaheng pa-bayan. Pagdating nila sa bayan, may byahe naman do’n ng dyip at bus papuntang probinsya, sa Capitol. Makakarating ka na sa regional hospital, sa Kapitolyo o kaya sa pier.

 

Pag pa-kanluran, ang ibig sabihin sa akin noon ay papunta sa kuluong para umigib o kaya sa gubat, para mangahoy o pumitas ng mga bungang-kahoy.

Pag pa-silangan naman, ang ibig sabihin, papalabas ng kalsada. Ito iyong pangunahing kalsada ng nayon namin, hindi pa noon aspaltado, hindi sementado. Pag sa gawing iyon ka pupunta, malamang ikaw ay papasok sa eskwela o trabaho, gagala o kaya, makikipanood ng tv.

 

Image of an unpaved road in a rural area in the Philippines

Pag pasilangan, ganito ang mabubungaran/ http://www.flickriver.com

 

Ang clincher, medyo accurate ang reference point ko, hehe… Ang bahay namin ay talagang nasa boundary ng ilaya at ibaba. Nasa pagitan siya ng dalawang magkatabing nayon. Hindi eksaktong-eksakto, dahil ang bahay naman namin,  papasok pa sa loob. Lalakad ka pa ng mga 700 na metro bago makarating sa amin.

 

image of opposite directions, borrowed from fotosearch.com/IMG002/04005059

Saan nga ba?/ fotosearch.com

Ang trouble, hindi malaman ng mga tao kung kami ba ay taga-ilaya o taga-ibaba. Sa paningin ng mga taga-ilaya, taga-ibaba kami. Sa tingin naman ng mga taga-ibaba, taga-ilaya kami. 🙂

 

Ang kwento, dati talaga kaming taga-ilaya. Nakikitira kami noon sa isang bahay-kubo, tabi ng kalsada. Noong late ‘70s, nakapagpagawa ang aming ama ng isang sementadong bahay sa lupang mana niya sa ibaba, katabi ng bahay ng kanyang mga magulang. Iyon ‘yong bahay na kako nga ay nasa boundary. Paglipat namin, ang turing na ng mga taga-ilaya sa amin, Southerners, kumbaga. Mga taga-ibaba. Ang turing naman sa amin ng mga taga-ibaba, mga dayo. Mga likas na taga-ilaya.

 

Maitatanong, may malaki bang pagkakaiba ang dalawang baryo? Mayroon siguro. At least, sa panahong binabanggit ko, tila mayroon… Medyo iba ang taga-ilaya sa taga-ibaba noon.

 

Ang mga taga-ilaya, ang kabuhayan ay mas kiling sa pagbebenta ng mga kalakal na prutas at gulay. Pero, dahil mas malapit sila sa lungsod, mas malakas ang impluwensya sa kanila ng lungsod at ng malaking lungsod – ang Maynila. Mas maraming kabataan doong nagma-Maynila. Ang karamihan, ang mga eskwelahang pinapasukan, iyong mga sikat at mahal ang bayad. Ang pang–tuition nila pala, galing sa pinagbentahan ng niyog, abokado, ampalaya at patani. Dahil siguro sa ampiyas ng lungsod, mas abante ng konti ang mga pananamit at hilig sa musika ng mga taga-ilaya. At heto, mas leisurely sila kung maglakad. Hindi biro.

 

image of avocado fruits

Kalakal na prutas, panluwas/ konaearth.com

 

Ang mga taga-ibaba naman, ang kabuhayan ay pagtatanim ng palay at mais, manukan at babuyan at pagtatanim din ng mga gulay at spices na pambenta. Pero dahil mas malapit sila sa bayan, mas doon din siguro galing ang impluwensya ng kultura at kaalaman nila. Nang panahong iyon, mas kakaunti ang nagko-kolehiyo sa ibaba. Iyong ilang nagma-Maynilang taga-roon, ang mga eskwelahan ay hindi gaanong kilala at di rin mahal ang matrikula. Mas uso sa ibaba ang magtapos lang ng high school ang kabataan at pagkatapos ay tutulong na sa magulang sa pagtatanim o pangangalakal.

 

image of raw pepper on vine

Hindi pa pwedeng anihin/ commons.wikimedia.org

image of ripe pepper on vine

Pwede nang anihin/ nipahutgardens.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Kaya, di mo rin maiiwasang mapansing noon, di gaanong updated ang panlasa sa damit at musika ng mga kabataan sa ibaba. Pero, mas maraming maykaya roon – malalaki ang mga bodega nila ng butil, masagana kung sila ay maghanda sa mga okasyon at bago palagi ang sofa set nila sa mga bahay… Kung maglakad ang mga taga-ibaba ay mabibilis – siguro ay dahil magpapa-anak pa sila ng mga baboy, magpapa-ani pa sa mga pamintahan at maglilikom pa ng mga itlog na iluluwas. 😉

 

Sa kadahilang ang pamilya namin ay medyo itinuring na alien ng magkabilang panig, hati siguro ang naging impluwensya ng ilaya at ibaba sa amin. Karamihan sa aming magkakapatid ay natuto pang magtanim at mangalakal ng mga gulay at mahihilig pa sa halaman. Pero lahat kami, itinulak ng aming inang mag-aral. May mga pumasok sa bayan, may mga nag-aral sa lungsod. At halos lahat sa amin,  nakapag-Maynila. Malaking bagay iyon noon doon sa amin – ang makapagpa-pasok ng anak sa malaking lungsod… Tatlo lang sa pamilya ang masasabi kong may fashion sense – ang aming ina at dalawa sa aking mga kapatid. Minsan ay mabibilis kaming maglakad, kung minsan naman ay mababagal.

 

Hindi kaagad na-resolba ang isyu kung taga-ilaya o taga-ibaba kami. Tumagal iyon ng tumagal. Dalawang sets ng lokal na politiko ang nangangampanya lagi noon sa amin. Diplomatiko ang naging paraan ng mga magulang namin dito. Sa pagkaalam ko, ang aming ama ay sa ibaba bomoboto at ang aming ina naman ay sa ilaya. Nasa kolehiyo na yata kaming lahat nang ma-desisyunan ang usaping ito. Ang verdict, taga-ilaya raw kami. By that time, mas naka-lugar na kaming taga-ibaba kami,  doon na kami nasanay at andoon rin ang mas marami naming kamag-anak at kasabayan sa eskwela.

 

Kahit may geodetic findings na, magpasa-hanggang ngayon, taga-ibaba pa rin kami para sa mga taga-ilaya. Taga-ilaya pa rin kami para sa mga taga-ibaba. Pag ipinagtanong mo ang aming bahay sa kanto sa ilaya, sasabihin sa iyo ng mga tao doon, sumakay ka ng traysikel o maglakad pa-ibaba. Pag ipinagtanong mo naman sa may iskul sa ibaba kung saan ang amin, sasabihin sa iyo ng mga taga-roon, mag-traysikel o lumakad kang pa-ilaya.

 

image of an arrow pointing to the right

Papunta roon/ orthodox.clara.net

 

Kung tutuusin, pareho naman silang tama. Ang sa amin ay banda roon talaga. 😉

 

Hello world!

 

Welcome to my blog!

 

Sa kalakhan, ang site na ito ay tungkol sa mga karanasan namin ng aking mga kababata noong early ’80s na isinulat sa kasalukuyan.  Ang mga entries dito ay karaniwang tungkol sa buhay-bukid, naganap sa aming baryong, sa wika nga ng mga propesor ko dati,  poor and technologically backward pa.

 

Mahigit dalawang kilometro ang lalakbayin namin noon bago sapitin ang pinakamalapit na aspaltadong kalsada. May koryente na pero ilang kabahayan pa lang sa aming nayon ang nakakabili ng linya at sikat ang bahay na mayroong tv. Wala pa rin noong tubig sa gripo at lalong wala pang telepono.  At gaya nga ng sabi ng iba, marami pa noong nabibili ang singko, pero napakahirap kumita ng piso. Marami pa noong mga palayan doon sa amin.

 

Bata na ako nang panahong iyon. O, bata pa ako noon pero may kaunti nang bait para matandaan ang ilang mga bagay at pangyayaring tumulong humubog sa aking mga kapatid, kasabayan at sa akin mismo.

 

Gusto kong maitala ang mga karanasang ito para magkaroon ng ideya ang mga pamangkin ko tungkol sa buhay-buhay noong kapapanganak pa lang sa kanila o bago pa lang sila ipinanganak. Maaaring para sa kanila, ang mundong ito ay boring, weird at far out. Pero, maaari ring sa ibang pagtingin, ang kaparehong mundo ay interesting, typical at close to heart. Hindi natin malalaman hanggang di naisusulat, nababasa at napag-uusapan.

 

Sa aking pag-intindi, ang blogs ay ginawa at dinesenyo para mabasa at makita ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon. Tila sila mumunting paintings. Ang bawat entry ay tila canvass kung saan iginuguhit ang mga impresyon, hindi lamang ng may-akda, kundi pati rin ng mga babasa. Sa gayon, sikapin nating ang modest work of art na ito ay hindi ma-vandalize.

 

Ang mga panauhin at mambabasa nito ay welcome at inaanyayahang mag-komento sa mga paksa.

 

Maaari kayong mag-cite ng kahawig o kabaligtarang karanasan, magbigay ng kakaiba o kapareho mang opinyon sa paksa, magdagdag o magdugtong ng kwento, humingi o magbigay ng dagdag na paliwanag, magbigay ng pagwawasto at mungkahi sa nilalaman at sa anyo ng pagkakasulat, at, mag-umpisa at makibahagi sa debate (Constructive, ha?). But please do so responsibly.

 

Bawal dito ang mag-promote ng produkto at serbisyo. Iwasan din ang pagiging sobrang negatibo, sagad-sagarang panlalait at siyempre pa, ang paninirang-puri.

 

Tandaang anumang iyong isusulat dito ay maaring mabasa ng sinuman sa mundo, maging ng iyong kaapu-apuhan. Tandaan ding may option kang gumawa ng sariling blog. Panghuli, ipinapaalalang may karapatan ang may-akda ng blog, o di kaya ay ang moderator ng website (http://wordpress.com), na i-edit o i-delete ang mga komentong sa tingin niya o nila, ay di na nakakabuti sa diskusyon at di na nagpo-promote ng goodwill. Sisikapin natin ang maximum tolerance hanggang kaya.

 

Kung ang mensahe mo sa akin (may-akda) ay very personal, mas maiging i-email mo na lang ako sa read_blink_live@yahoo.com at nang tayo rin ay makapag-kumustahan.

 

Maraming salamat. Happy reading!

 

Doon Po sa Amin