Posts Tagged ‘life’s like that’

Bait-baitan

image of children tring to be good, borrowed from t2.gstatic.com

Nagpapakabait kahit sa maiksing panahon/ inkity.com

Bait-baitan – wala pa ang salitang ito noong maliliit pa kaming mga bata. Pero, ginagawa na namin ito pag Semana Santa – ang magkunwaring mabait. Saan ka baga’y ang sabi ay panahon daw ito ng paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus para isalba ang makasalanang sanlibutan? At sa isang malaking banda, guilty kami ng aking mga kapatid, pinsan at kalaro.

 

Kaya ‘yon, isasantabi muna namin ang aming mga maldita at malditong sarili para kahit ilang araw man lang, kami ay behaved. Pipilitin naming burahin ang imaheng kinasanayan ng matatanda sa amin – mga pilya at pilyo, mga kirimpot at luku-luko – mga batang maliliit pa lang pero may mga sungay na. Magkukunwari kami noong good children at magagaling kami sa papel na ito.

 

Ang una naming babawasan noon ay ang takbuhan at habulan. Kunwari, kami ay nasa school. Para laging may pila ang pa-epek namin. Mula Miyerkoles Santo hanggang sa Biyernes Santo, kung lumakad kami bilang grupo ay single file at arm’s length ang distansya. Kunwari, matitino kami. Napapatingin tuloy ang matatanda sa amin noon pag ginagawa namin ang ganito. Pero, wala silang sinasabi.

 

Ang pangalawa naming gimik noon, wala munang kalabugan pag umaakyat at bumababa sa mga hagdan. Medyo mahirap ito dahil nakasanayan na naming mag-unahan tuwing magkakasunod o magkakasabay sa may hagdanan. Pero, ang sabi kasi, nagdurusa raw si Kristo sa panahong iyon.  Kaya dapat, solemn.  Ang hilig naming gawin no’n para iwasan ang kalabugan, cat’s walk kami pag paakyat at pababa. Kamukha ng ginagawa ni Shaggy Rogers sa Scooby Doo? Pasaway ang aming dating at napapatingin sa amin ang mga taong bumabasa ng Pasyon.

 

Ang ikatlo naming palabas, tumutulog kami pagkapananghalian. O, nagkukunwari kaming tulog. Sa mga karaniwang araw pag bakasyon, kahit anong sabing magsitulog kami para lumaki, alinman sa hindi namin iyon sinusunod o di kaya naman ay hihiga kami kunwari tapos, tatakas rin makalipas ang sampong minuto para makapag-gala at makapag-painit.

Pero pag Semana Santa, kung kailan mahirap matulog dahil maalinsangan at may naririnig pang basa ng Pasyon, saka kami naghihiga-higaan. Mahirap ito. Napanood nyo na lahat ng patterns ng sahig at bubong ng inyong bahay, nag-hi at hello na kayo sa lahat ng butiki sa kwarto, ayaw pa rin kayong dalawin ng antok.

 

Ang pang-apat ay wala dapat harutan. Bawal ang magaslaw pag Holy Week. Liliitan nyo dapat ang umis at hihinaan ang inyong tawa. Karugtong ito ng unang rule – ang walang habulan. Ang ibig sabihin nito, iwasan muna ninyo ang biruan at pikunan. Wala munang yabangan at pagalingan. Siyempre, ang hirap sumunod dito. Parang ang sinasabi kasi, “Kids, don’t be yourselves.” Pag di maiiwasan, ang ginagawa namin noon, lumalayo kami pag naglalaro. Malayo sa tabi ng bahay para anu’t anuman, hindi kami mabibisto.

 

cartoon image of Christ bearing the cross, borrowed from t0.gstatic.com

Ang Semana Santa ay pag-alaala sa katubusan ng sanlibutan/ supercoloring.com

Hindi na nakapagtataka ang panghuling alituntunin – ang walang away at iyakan. Ang paliwanag dito ng aming mga magulang at mga nakatatanda, igalang raw namin ang okasyon. Banal ang linggong nasabi at di dapat mabuhos ang atensyon ng mga tao sa pagpapatahan sa mga maliligalig na batang sinusumpong ng pagpapansin. Sa madaling salita, si Hesus ang bida sa mga panahong iyon. Saka na kami umeksena.

 

Nangyayari bang tatlong araw na walang awayan at iyakan sa cluster ng bahayang punung-puno ng mga bata? Medyo imposible. Anumang laki ng sakripisyo ni Hesukristo para sa sanlibutan, nasa-sidetrack pa rin ito pag umiral na ang ang pagka-bully ng isa kong pinsan at isang kapatid na lalaki. Ang dalawang ito kasi, hindi buo ang araw pag hindi nakapag-paiyak ng kapatid o pinsang babae. Ibang klase ang kanilang kapilyuhan at katarantaduhan. Doon sila masaya pag hinahabol na sila at pinagbabantaan. Para sa kanila, ang Holy Week ay b-o-r-i-n-g.

 

Sa pangkalahatan, hindi syento porsyento ang compliance naming mga bata sa standards of good behavior pag Semana Santa. Anumang pagpipigil, sumusungaw pa rin ang aming mga sungay. Nambebelat pa rin kami,  limitado nga lang. Gusto pa rin naming manabunot at manapok ng mga makukulit. Inaantay lang namin ang Sabado de Gloria para buhay na si Hesus, bawas na ang aming guilt kung sakali, at, higit sa lahat – relaxed na ang rules.

 

Pero ang mainam pag Semana Santa, bibihira ang mga magulang na namamalo doon sa amin. Kumbaga, sa panahong iyon, maski matatanda, bait-baitan din. 😉

 

Possibly Related Posts:

 

Walang Bait

Hindi Magkita

Ang Kwento ni Nine

 

Andyan Na!

Image of christmas lanterns hanging by the bayside in the Philippines

Makulay at puno ng mga alaala ang pasko sa Pilipinas/ strawberrypiggi.tumblr.com

Alam mong andyan na ang Pasko pag umihip na ang kakaibang hanging iyon sa buwang nagtatapos sa “bre.” Mas malamig iyon kaysa sa karaniwan – maaakap mo bigla ang iyong sarili. May maaalaala kang amoy, amoy kamo ng kapaskuhan. Malulungkot ka sandali at maiisip ang mga iniu-ugnay mo sa okasyon – mga bagay at taong nawala na at di na mababalikan. Pagkatapos, sasaya ka uli. Aaluin mo ang sarili ng mga pagkikitang dapat paghandaan, mga lugar na dapat puntahan at mga gawaing dapat tapusin – para kamo ay maigayak na ang pasko. Handa ka man o hindi. May pera ka man o wala. Masikip man o hindi ang iyong schedule. Bahala na.

 

image of the Makati business district, borrowed from wikipedia.org

Madalas maitanong, iba nga ba ang pasko sa lungsod?/wikimedia.org

 

Pagdating mo sa trabaho, panigurado, mababanggit mo iyon sa isang kasamahan. Nag-umpisa na kamo ang lamig. Pasko na. Iku-kwento mo sa kanya ang hanging dumalaw o nakasalubong mo kanina. Mag-aapuhap ka ng mga salitang maglalarawan sa iyong naramdaman at naisip sa sandaling engkwentro. Kakapusin ka, kukulangin. Ngunit, sasaluhin ka ng iyong kausap. Siya man ay magbabanggit din ng ganoon. Sasabihin nyang kanina, paakyat siya sa may hagdan nang bigla nyang naramdamang may umihip – hanging amoy-pinipig daw. Matatawa ka at mapapaisip. May amoy nga ba ang hanging iyon? Amoy-pinipig nga ba? Pakikinggan mo na lang sya sa kanyang kwento. Maya-maya pa’y sabay kayong magtatanong – bukas na ba ang tyangge sa may baba? Magkakabilangan na ng mga inaanak.

 

****************

 

Ang lugar namin sa probinsya ay patag. Isa itong komunidad na sa kalakhan ay taniman ng mga pagkain – mga punongkahoy at halamang namumunga, mga gulay na gumagapang at mga damong nakakain. Wala roong dagat na malapit. Wala ring ilog sa baryo namin. Pero, napapaligiran ang pook na iyon ng mga bundok – sa tatlong bahagi.

 

image of the Philippine countryside, borrowed from t3.gstatic.com

May mga gulod at lupang padahilig, pero sa kalakhan ay patag/gstatic.com

 

Sa gawing silangan, tanaw ang hugis ng malayong bulubundukin. Sa bandang ilaya, may bundok na malapit – mga pitong kilometro lang siguro ang distansya. Sa parteng ibaba, kitang-kita ang isa pang serye ng mga bundok na nangangasul dahil sa kalapit na dagat.

 

image of a community in the phils. at the foot of a mountain, borrowed from missionsfieldblog.com

Bahayang binabakuran ng mga bundok/missionsfieldblog.com

 

Pag tumayo ka sa may amin, mapapansin mong papalibutan ka ng magagandang tanawin at mararamdaman mong inaararo ka ng malakas na daluyong ng hangin. Hangin iyong galing sa iba’t ibang direksyon, sinala muna ng mga bundok. Ganyan ang klima sa amin at hindi sa tuwing taglamig lang.

 

image of a map showing the northeast monsoon, borrowed from tpub.com

Hanging galing sa hilagang silangan/tpub.com

Ibang antas ang lamig sa amin pag dumating na ang hanging amihan. Pag andyan na ang simoy ng pasko, paglabas ng mga tao ng bahay sa umaga, naka-doble sila ng pangginaw. Ang mga matatanda ay naka-medyas. Ang mga bata naman ay naka-sombrero. Naka-sweater ang mga estudyante, bukod pa sa windbreaker na suot sa ibabaw.

Inilalabas na rin ng mga nanay ang makakapal na kumot sa aparador, para sa atake ng lamig sa gabi. Pumupunta ang mga tao sa bayan para bumili ng cough syrup at ointment – baka sipunin ang mga bata at tiyak na rarayumahin ang matatanda.

 

Sa unang haplos ng tuyo at malamig na hanging iyon, may kakaibang sigla rin iyong dala sa mga taga-amin. Kukuhanin na sa taguan ang mga itinabing Christmas decors. Kakausapin na ang mga miyembro ng pamilya para sa iskedyul ng paggagawa ng belen. Sasabihan na ang mga lalaki ng pamilyang kumuha ng tuyong sanga ng kahoy sa weekend para sa gagawing Christmas tree. Kanya-kanya na ring gawaan  ng parol sa bahay-bahay ang mga tao roon.

image of a lantern frame, borrowed from t3.gstatic.com

Binabalutan ng papel de hapon / paraisophilippines. com

Mag-uumpisa na ring mag-alala ang mga magulang para sa mga tiyak na gastusin. Dodoblehin nila ang kayod para makapag-ipon. Maraming kailangan – panghanda sa Noche Buena, pambili ng damit at laruan ng mga bata, pambigay ng regalo sa inaanak at panggastos sa field day ng mga batang nag-aaral. Itong huli ang pinakamalapit at dapat agad matugunan.

Ang mga bata sa amin, busy sa pagpa-praktis ng presentation para sa field day. Hudyat iyong malapit na ang bakasyon sa eskwela. Nagmamadali na rin ang mga magulang nila sa pag-aani at pagtatapos ng mga gawain sa bukid. Magkakaroon na ng general cleaning sa mga bahay-bahay. Aayusin ang mga nasirang bakod. Darating mula sa Maynila o sa ibang lugar ang kanilang nakatatandang mga kapatid para magbakasyon. Darami ang iuutos sa mga bata pero, mas marami pa rin ang panahon para magkwentuhan at makapaglaro.

 

images of children playing, borrowed from article.wn.com

Mas maraming laro pag bakasyon/ article.wn.com

 

Sa unang ihip ng hanging amihan sa bandang amin, ang mga batang nasa labas, agad magta-takbuhan pabalik ng bahay, sumisigaw. “Andyan na!

 

Banda Roon

image of a person asking for direction, borrowed from .fotosearch.com/LIQ114/vl0008b021/

Banda roon. Hindi, banda rito/ fotosearch.com

Pag nagtanong ka ng direksyon doon sa mga taga-amin, ang karaniwang umpisa ng sagot sa iyo ay paparoon, paparito. Banda roon, banda rito. Ganyan. Wala halos eksaktong sagot. Puro approximate lang. Sa amin kasi noong panahong early ‘80s, wala namang landmark na istruktura. May mga bahay na naman sa tabi ng kalsada, pero di sila gaanong pansinin dahil walang pinta at medyo magkakapareho ang kanilang mga itsura.

 

Kadalasan, ang mga palatandaan noon ay mga puno sa lugar o kaya, hugis ng lupa. Pag puno ang sinabing tatandaan mo, kailangan may ideya ka ng mga puno – bukod sa punong niyog at punong mangga. Pag lupa ang paglalarawan, iyon ay kung patag, kung padahilig at kung paakyat. Pag baguhan ka o naliligaw doon sa amin, dapat matama kang makikinig sa pinagtatanungan mo. Sikapin mong intindihin ang ibinigay na instruction dahil pag hindi, mapapalayo ang iyong lakad.

 

image of a tree by the road

Puno ang madalas noong palatandaan/ freefoto.com/preview

 

Basic ang direksyong alam at kinasanayan ng mga taga-amin.

 

image of arrows pointing to four directions, borrowed from fotosearch.com/CSP318/k3186822/

Apat ang direksyong maaring puntahan/ fotosearch.com

Pa-ilaya, ibig sabihin, going North. Pa-ibaba, ibig sabihin, going South. Pa-silangan, going East. Pa-kanluran, going West.

 

Sa akin noon, medyo pina-simple ko na lang. Ang reference point ko lagi ay ang kinatatayuan ng aming bahay. Pag pa-ilaya, papunta sa kanto, sa highway. May mga dyip na roon, papuntang sunod na lungsod at may dumaraan na ring bus papuntang Maynila.

 

Pag pa-ibaba naman, papuntang iskul. Elementary school ng ibaba. May mga dyip na rin doon noon – byaheng pa-bayan. Pagdating nila sa bayan, may byahe naman do’n ng dyip at bus papuntang probinsya, sa Capitol. Makakarating ka na sa regional hospital, sa Kapitolyo o kaya sa pier.

 

Pag pa-kanluran, ang ibig sabihin sa akin noon ay papunta sa kuluong para umigib o kaya sa gubat, para mangahoy o pumitas ng mga bungang-kahoy.

Pag pa-silangan naman, ang ibig sabihin, papalabas ng kalsada. Ito iyong pangunahing kalsada ng nayon namin, hindi pa noon aspaltado, hindi sementado. Pag sa gawing iyon ka pupunta, malamang ikaw ay papasok sa eskwela o trabaho, gagala o kaya, makikipanood ng tv.

 

Image of an unpaved road in a rural area in the Philippines

Pag pasilangan, ganito ang mabubungaran/ http://www.flickriver.com

 

Ang clincher, medyo accurate ang reference point ko, hehe… Ang bahay namin ay talagang nasa boundary ng ilaya at ibaba. Nasa pagitan siya ng dalawang magkatabing nayon. Hindi eksaktong-eksakto, dahil ang bahay naman namin,  papasok pa sa loob. Lalakad ka pa ng mga 700 na metro bago makarating sa amin.

 

image of opposite directions, borrowed from fotosearch.com/IMG002/04005059

Saan nga ba?/ fotosearch.com

Ang trouble, hindi malaman ng mga tao kung kami ba ay taga-ilaya o taga-ibaba. Sa paningin ng mga taga-ilaya, taga-ibaba kami. Sa tingin naman ng mga taga-ibaba, taga-ilaya kami. 🙂

 

Ang kwento, dati talaga kaming taga-ilaya. Nakikitira kami noon sa isang bahay-kubo, tabi ng kalsada. Noong late ‘70s, nakapagpagawa ang aming ama ng isang sementadong bahay sa lupang mana niya sa ibaba, katabi ng bahay ng kanyang mga magulang. Iyon ‘yong bahay na kako nga ay nasa boundary. Paglipat namin, ang turing na ng mga taga-ilaya sa amin, Southerners, kumbaga. Mga taga-ibaba. Ang turing naman sa amin ng mga taga-ibaba, mga dayo. Mga likas na taga-ilaya.

 

Maitatanong, may malaki bang pagkakaiba ang dalawang baryo? Mayroon siguro. At least, sa panahong binabanggit ko, tila mayroon… Medyo iba ang taga-ilaya sa taga-ibaba noon.

 

Ang mga taga-ilaya, ang kabuhayan ay mas kiling sa pagbebenta ng mga kalakal na prutas at gulay. Pero, dahil mas malapit sila sa lungsod, mas malakas ang impluwensya sa kanila ng lungsod at ng malaking lungsod – ang Maynila. Mas maraming kabataan doong nagma-Maynila. Ang karamihan, ang mga eskwelahang pinapasukan, iyong mga sikat at mahal ang bayad. Ang pang–tuition nila pala, galing sa pinagbentahan ng niyog, abokado, ampalaya at patani. Dahil siguro sa ampiyas ng lungsod, mas abante ng konti ang mga pananamit at hilig sa musika ng mga taga-ilaya. At heto, mas leisurely sila kung maglakad. Hindi biro.

 

image of avocado fruits

Kalakal na prutas, panluwas/ konaearth.com

 

Ang mga taga-ibaba naman, ang kabuhayan ay pagtatanim ng palay at mais, manukan at babuyan at pagtatanim din ng mga gulay at spices na pambenta. Pero dahil mas malapit sila sa bayan, mas doon din siguro galing ang impluwensya ng kultura at kaalaman nila. Nang panahong iyon, mas kakaunti ang nagko-kolehiyo sa ibaba. Iyong ilang nagma-Maynilang taga-roon, ang mga eskwelahan ay hindi gaanong kilala at di rin mahal ang matrikula. Mas uso sa ibaba ang magtapos lang ng high school ang kabataan at pagkatapos ay tutulong na sa magulang sa pagtatanim o pangangalakal.

 

image of raw pepper on vine

Hindi pa pwedeng anihin/ commons.wikimedia.org

image of ripe pepper on vine

Pwede nang anihin/ nipahutgardens.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Kaya, di mo rin maiiwasang mapansing noon, di gaanong updated ang panlasa sa damit at musika ng mga kabataan sa ibaba. Pero, mas maraming maykaya roon – malalaki ang mga bodega nila ng butil, masagana kung sila ay maghanda sa mga okasyon at bago palagi ang sofa set nila sa mga bahay… Kung maglakad ang mga taga-ibaba ay mabibilis – siguro ay dahil magpapa-anak pa sila ng mga baboy, magpapa-ani pa sa mga pamintahan at maglilikom pa ng mga itlog na iluluwas. 😉

 

Sa kadahilang ang pamilya namin ay medyo itinuring na alien ng magkabilang panig, hati siguro ang naging impluwensya ng ilaya at ibaba sa amin. Karamihan sa aming magkakapatid ay natuto pang magtanim at mangalakal ng mga gulay at mahihilig pa sa halaman. Pero lahat kami, itinulak ng aming inang mag-aral. May mga pumasok sa bayan, may mga nag-aral sa lungsod. At halos lahat sa amin,  nakapag-Maynila. Malaking bagay iyon noon doon sa amin – ang makapagpa-pasok ng anak sa malaking lungsod… Tatlo lang sa pamilya ang masasabi kong may fashion sense – ang aming ina at dalawa sa aking mga kapatid. Minsan ay mabibilis kaming maglakad, kung minsan naman ay mababagal.

 

Hindi kaagad na-resolba ang isyu kung taga-ilaya o taga-ibaba kami. Tumagal iyon ng tumagal. Dalawang sets ng lokal na politiko ang nangangampanya lagi noon sa amin. Diplomatiko ang naging paraan ng mga magulang namin dito. Sa pagkaalam ko, ang aming ama ay sa ibaba bomoboto at ang aming ina naman ay sa ilaya. Nasa kolehiyo na yata kaming lahat nang ma-desisyunan ang usaping ito. Ang verdict, taga-ilaya raw kami. By that time, mas naka-lugar na kaming taga-ibaba kami,  doon na kami nasanay at andoon rin ang mas marami naming kamag-anak at kasabayan sa eskwela.

 

Kahit may geodetic findings na, magpasa-hanggang ngayon, taga-ibaba pa rin kami para sa mga taga-ilaya. Taga-ilaya pa rin kami para sa mga taga-ibaba. Pag ipinagtanong mo ang aming bahay sa kanto sa ilaya, sasabihin sa iyo ng mga tao doon, sumakay ka ng traysikel o maglakad pa-ibaba. Pag ipinagtanong mo naman sa may iskul sa ibaba kung saan ang amin, sasabihin sa iyo ng mga taga-roon, mag-traysikel o lumakad kang pa-ilaya.

 

image of an arrow pointing to the right

Papunta roon/ orthodox.clara.net

 

Kung tutuusin, pareho naman silang tama. Ang sa amin ay banda roon talaga. 😉