Posts Tagged ‘North-South dichotomy’

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 6

 

Hello, mga ka-blogs! Nag-umpisa ang kwentuhan natin sa typical features ng isang bayan sa Pilipinas – may munisipyo, gasolinahan at ice plant. Idagdag pa ang simbahan. Lagi nga namang may simbahan sa bayan… At mahalagang landmark ito  ng lugar, oo. Ang biruan nga, magkatapat daw parati ang simbahan at ang munisipyo sa bayan dito sa atin – nagtatanungan daw ang dalawang institusyon – magkano na ang koleksyon ng bawat isa, haha. Sa biruan ‘yaan… 🙂

 

Image of a chart depicting balanced approach to development

May adhikaing balance and harmony daw ang pag-unlad/ http://www.publicadministration.net

Ang sinisilip natin sa talakayan, kung mabagal nga ba ang pag-unlad sa Pilipinas… Kung nasa lugar ba ang assertion o reklamong “atrasado” ang mga barrio o villages na baku-bako ang mga daan? Maari ring silipin – malaki ba masyado ang pagkakaiba o distansya ng mga bayan sa mga nayon o baryo – dito sa atin? May magagawa ba para mas paglapitin ang dalawang entities? Paano nga ba pabibilisin ang ugnayan ng dalawa at paano papapasukin ang pag-unlad sa mga kanayunan sa bansa? Sa mas malayu-layo na, ngunit lapat na perspective – paano nga ba ang pagpapaunlad ng kaparaanan ng pamumuhay o way of life ng mga taong nasa ibabang antas o nasa grassroots? Doable kaya ang mga nabanggit? 🙂

 

 

Sa pag-aaral ng lipunan, maraming approaches ang ginagamit para tingnan o suriin ang pag-unlad o development. O, kaya, ang kawalan o kakulangan nito sa isang bansa…  Mayroong ang gamit na panukat ay modernization – ang kakayahan ng pamayanang magkaroon at sumabay sa mga makabagong kaalaman, teknolohiya at kaparaanan ng buhay. Sa approach na ito, pinagko-contrast ang makabago at makaluma.  Inililista, tinitingnan at sinusukat dito ang pagkakaiba o discrepancy or gap ng dalawa. Mayroon namang ang approach ay urban-rural dichotomy. Ang urb ay salitang ang kahulugan ay city. Sa approach na ito, citified ways versus rural ways… Ang mga indicators na ginagamit ay ang pagkakaroon ng palengke, eskwelahan, ospital, public transport at density ng population per square kilometer, mga ganyan…

 

Mayroon din namang nag-aaral ng pamayanang ang ginagamit na approach ay North-South dichotomy – ang pagkukumpara sa features ng Hilaga at ng Timog na bahagi ng lugar. Itong approach ay ginagamit sa pag-aaral ng ugnayan sa loob ng isang bansa at pati rin sa ugnayan sa pagitan ng mga bansa. Ang North-South approach ay isang model o prototype of development. Maari ring sabihin, isang stereotype na pagtingin… Sinasabi rito, ang Hilaga ay karaniwan daw na mas maunlad kaysa sa Katimugang bahagi. Ang Hilaga raw ay temperate ang klima samantalang ang ibaba – karaniwang tropical kundiman, disyerto.

 

Image of a street post contrasting directions of wealth and poverty

Karaniwan daw na mas mayaman ang mga nasa gawing Hilaga habang nagdarahop naman ang mga nasa bandang Timog/ wagner.nyu.edu

 

Sabi rin, ang nasa ibaba ay supplier ng raw materials habang ang nasa itaas daw na bahagi ay siyang processor ng materials at sa gayon ay kumikita ng mas malaki. Bale, sa Hilaga, karaniwang commerce and industry-based ang kabuhayan ng mga tao, samantalang ang Timog daw ay agricultural at kung minsan pa, pastoral and downright rural. Ang North daw ay progresibo at tuluy-tuloy ang gulong ng pag-unlad, samantalang ang South ay static o stagnant – pagdating sa progreso… Sa internasyunal na antas, ang sabi, ang mga tao raw sa Hilaga ay colonizers,  habang ang mga taga-Timog ay colonized people. Ang Northerners ay First World countries o kaya ay Second World, habang ang Southerns ay Third World people.

 

Mayroon ding approach sa Social Science na kung tawagin ay core-periphery. Sa analysis na ito, ang mga metropolis daw ng isang bansa ang core, habang ang outskirts ang periphery. Bale, ang isang lugar daw ay may mga regions na importante – centers –  at may mga rehiyon namang auxillary or supplemental lamang. Sabi rito, ang development daw ay karaniwang nag-uumpisa sa trading centers at mag-i-spread away from it – across the sub-regions or outskirts… Ang approach na ito ay di tinatangkilik ng karamihan. Sabi sa mga pag-aaral na nailathala –  hindi nangyayari o  napakabagal ng pagkalat ng development and modernization mula sa sentro patungong outskirts. Iniimbak at sinosolo raw ng mauunlad na cities ang pag-asenso, sa napakahabang panahon at halos walang pag-unlad na dumadaloy sa mga kalapit na bayan at bukid.

 

Image of people climbing up the stairs

Mas accurately raw nasusukat ang pag-unlad ng tao gamit ang HDI approach kumpara sa pagsukat gamit ay simpleng GDP per capita / http://www.distinctiveleadership.com.au

Ang internasyunal na institusyon ng United Nations (UN),  ang gamit ay ang approach na human development index (HDI). Dito, may basket of indicators na siyang panukat sa pagkakaroon ng pag-unlad ng isang bansa o grupo ng mga tao. Ang nilalaman ng HDI ay life expectancy o tagal ng buhay, edukasyon at income indices (gross national income at purchasing power parity per capita). Layon ng HDI approach to development na i-pokus ang pag-unlad sa tao o ang pagtataguyod ng people-centered policies, kaiba sa dating mas technical and economics-centered na approach. Ang luma o dating approach, mas hawig sa gamit ng mga technocrats –  GDP per capita ang laman at nakadiin  sa pagkakaroon o kawalan ng infrastructures sa bansang sinusukat.

 

 

Matatagal na nga ba ang mga bayan-bayan sa Pilipinas? Gaano na sila kagugulang? Makatarungan bang ikumpara ang mga kabayanan dito sa atin sa mga bayan-bayan sa Europa, halimbawa, mga pamayanang anim na raan hanggang isang libong taong gulang na? Ang bayan ng Unisan, Quezon kilala dati bilang Kalilayan – ang pinakamatandang bayan daw sa Pilipinas – itinayo bago pa dumating ang mga Kastila. Ang susunod sa listahan ay ilang piling lugar sa probinsya ng Cebu, kung saan unang nag-settle ang mga Kastilang mananakop – higit 400 taon ang nakakaraan.

 

Image of a street post denoting past, present and future

Mas mabuti kung makikita ang ugnayan ng nakalipas, kasalukuyan at hinaharap ng lipunan/ http://www.hr.unimelb.edu.au

 

Ang kasunod ay ang mga trading centers, walled towns and cities na itinayo pa rin ng mga kaparian – mula huling kwarto ng 1500s hanggang sa sunod na siglo. Maaring silipin ang kasaysayan ng ilang piling bayan sa bansa – mga naging seats ng Spanish government, hometowns o home cities ng mga obispo at mga naging sentro ng kalakalan  – sa Maynila (Intramuros area), sa Cebu,  sa ilang bahagi ng Kabisayaan, tulad ng Bacolod, sa ilang bayan sa Bicol region, sa Lipa, Batangas, sa ilang bayan sa Cavite at Laguna, sa ilang bahagi ng Bulacan, Pampanga at Tarlac,  sa Ilocos Norte at  sa Lalo, Cagayan…

 

Siyanga pala, may mga nagsasabing ang Jolo, Sulu ay isa rin sa mga naunang bayan dito sa atin – pre-Spanish times  settlement and early cradle of civilization sa bansa raw ang nasabing bayan. Panahon pa raw ito ng Bornean, Chinese and Dutch trades…

 

Mga ka-blogs, ini-encourage kayong magbahagi sana ukol sa nalalaman ninyong oldest towns sa bansa – kung saan naipundar ang mga unang habi ng sibilisasyon dito sa atin at unang na-establish ang mga gawi ng indigenous life.  Alin-alin ang oldest towns dito sa atin, sa pagkakaalam ninyo? Mauunlad ba sila sa kasalukuyan? 🙂

 

Banda Roon

image of a person asking for direction, borrowed from .fotosearch.com/LIQ114/vl0008b021/

Banda roon. Hindi, banda rito/ fotosearch.com

Pag nagtanong ka ng direksyon doon sa mga taga-amin, ang karaniwang umpisa ng sagot sa iyo ay paparoon, paparito. Banda roon, banda rito. Ganyan. Wala halos eksaktong sagot. Puro approximate lang. Sa amin kasi noong panahong early ‘80s, wala namang landmark na istruktura. May mga bahay na naman sa tabi ng kalsada, pero di sila gaanong pansinin dahil walang pinta at medyo magkakapareho ang kanilang mga itsura.

 

Kadalasan, ang mga palatandaan noon ay mga puno sa lugar o kaya, hugis ng lupa. Pag puno ang sinabing tatandaan mo, kailangan may ideya ka ng mga puno – bukod sa punong niyog at punong mangga. Pag lupa ang paglalarawan, iyon ay kung patag, kung padahilig at kung paakyat. Pag baguhan ka o naliligaw doon sa amin, dapat matama kang makikinig sa pinagtatanungan mo. Sikapin mong intindihin ang ibinigay na instruction dahil pag hindi, mapapalayo ang iyong lakad.

 

image of a tree by the road

Puno ang madalas noong palatandaan/ freefoto.com/preview

 

Basic ang direksyong alam at kinasanayan ng mga taga-amin.

 

image of arrows pointing to four directions, borrowed from fotosearch.com/CSP318/k3186822/

Apat ang direksyong maaring puntahan/ fotosearch.com

Pa-ilaya, ibig sabihin, going North. Pa-ibaba, ibig sabihin, going South. Pa-silangan, going East. Pa-kanluran, going West.

 

Sa akin noon, medyo pina-simple ko na lang. Ang reference point ko lagi ay ang kinatatayuan ng aming bahay. Pag pa-ilaya, papunta sa kanto, sa highway. May mga dyip na roon, papuntang sunod na lungsod at may dumaraan na ring bus papuntang Maynila.

 

Pag pa-ibaba naman, papuntang iskul. Elementary school ng ibaba. May mga dyip na rin doon noon – byaheng pa-bayan. Pagdating nila sa bayan, may byahe naman do’n ng dyip at bus papuntang probinsya, sa Capitol. Makakarating ka na sa regional hospital, sa Kapitolyo o kaya sa pier.

 

Pag pa-kanluran, ang ibig sabihin sa akin noon ay papunta sa kuluong para umigib o kaya sa gubat, para mangahoy o pumitas ng mga bungang-kahoy.

Pag pa-silangan naman, ang ibig sabihin, papalabas ng kalsada. Ito iyong pangunahing kalsada ng nayon namin, hindi pa noon aspaltado, hindi sementado. Pag sa gawing iyon ka pupunta, malamang ikaw ay papasok sa eskwela o trabaho, gagala o kaya, makikipanood ng tv.

 

Image of an unpaved road in a rural area in the Philippines

Pag pasilangan, ganito ang mabubungaran/ http://www.flickriver.com

 

Ang clincher, medyo accurate ang reference point ko, hehe… Ang bahay namin ay talagang nasa boundary ng ilaya at ibaba. Nasa pagitan siya ng dalawang magkatabing nayon. Hindi eksaktong-eksakto, dahil ang bahay naman namin,  papasok pa sa loob. Lalakad ka pa ng mga 700 na metro bago makarating sa amin.

 

image of opposite directions, borrowed from fotosearch.com/IMG002/04005059

Saan nga ba?/ fotosearch.com

Ang trouble, hindi malaman ng mga tao kung kami ba ay taga-ilaya o taga-ibaba. Sa paningin ng mga taga-ilaya, taga-ibaba kami. Sa tingin naman ng mga taga-ibaba, taga-ilaya kami. 🙂

 

Ang kwento, dati talaga kaming taga-ilaya. Nakikitira kami noon sa isang bahay-kubo, tabi ng kalsada. Noong late ‘70s, nakapagpagawa ang aming ama ng isang sementadong bahay sa lupang mana niya sa ibaba, katabi ng bahay ng kanyang mga magulang. Iyon ‘yong bahay na kako nga ay nasa boundary. Paglipat namin, ang turing na ng mga taga-ilaya sa amin, Southerners, kumbaga. Mga taga-ibaba. Ang turing naman sa amin ng mga taga-ibaba, mga dayo. Mga likas na taga-ilaya.

 

Maitatanong, may malaki bang pagkakaiba ang dalawang baryo? Mayroon siguro. At least, sa panahong binabanggit ko, tila mayroon… Medyo iba ang taga-ilaya sa taga-ibaba noon.

 

Ang mga taga-ilaya, ang kabuhayan ay mas kiling sa pagbebenta ng mga kalakal na prutas at gulay. Pero, dahil mas malapit sila sa lungsod, mas malakas ang impluwensya sa kanila ng lungsod at ng malaking lungsod – ang Maynila. Mas maraming kabataan doong nagma-Maynila. Ang karamihan, ang mga eskwelahang pinapasukan, iyong mga sikat at mahal ang bayad. Ang pang–tuition nila pala, galing sa pinagbentahan ng niyog, abokado, ampalaya at patani. Dahil siguro sa ampiyas ng lungsod, mas abante ng konti ang mga pananamit at hilig sa musika ng mga taga-ilaya. At heto, mas leisurely sila kung maglakad. Hindi biro.

 

image of avocado fruits

Kalakal na prutas, panluwas/ konaearth.com

 

Ang mga taga-ibaba naman, ang kabuhayan ay pagtatanim ng palay at mais, manukan at babuyan at pagtatanim din ng mga gulay at spices na pambenta. Pero dahil mas malapit sila sa bayan, mas doon din siguro galing ang impluwensya ng kultura at kaalaman nila. Nang panahong iyon, mas kakaunti ang nagko-kolehiyo sa ibaba. Iyong ilang nagma-Maynilang taga-roon, ang mga eskwelahan ay hindi gaanong kilala at di rin mahal ang matrikula. Mas uso sa ibaba ang magtapos lang ng high school ang kabataan at pagkatapos ay tutulong na sa magulang sa pagtatanim o pangangalakal.

 

image of raw pepper on vine

Hindi pa pwedeng anihin/ commons.wikimedia.org

image of ripe pepper on vine

Pwede nang anihin/ nipahutgardens.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Kaya, di mo rin maiiwasang mapansing noon, di gaanong updated ang panlasa sa damit at musika ng mga kabataan sa ibaba. Pero, mas maraming maykaya roon – malalaki ang mga bodega nila ng butil, masagana kung sila ay maghanda sa mga okasyon at bago palagi ang sofa set nila sa mga bahay… Kung maglakad ang mga taga-ibaba ay mabibilis – siguro ay dahil magpapa-anak pa sila ng mga baboy, magpapa-ani pa sa mga pamintahan at maglilikom pa ng mga itlog na iluluwas. 😉

 

Sa kadahilang ang pamilya namin ay medyo itinuring na alien ng magkabilang panig, hati siguro ang naging impluwensya ng ilaya at ibaba sa amin. Karamihan sa aming magkakapatid ay natuto pang magtanim at mangalakal ng mga gulay at mahihilig pa sa halaman. Pero lahat kami, itinulak ng aming inang mag-aral. May mga pumasok sa bayan, may mga nag-aral sa lungsod. At halos lahat sa amin,  nakapag-Maynila. Malaking bagay iyon noon doon sa amin – ang makapagpa-pasok ng anak sa malaking lungsod… Tatlo lang sa pamilya ang masasabi kong may fashion sense – ang aming ina at dalawa sa aking mga kapatid. Minsan ay mabibilis kaming maglakad, kung minsan naman ay mababagal.

 

Hindi kaagad na-resolba ang isyu kung taga-ilaya o taga-ibaba kami. Tumagal iyon ng tumagal. Dalawang sets ng lokal na politiko ang nangangampanya lagi noon sa amin. Diplomatiko ang naging paraan ng mga magulang namin dito. Sa pagkaalam ko, ang aming ama ay sa ibaba bomoboto at ang aming ina naman ay sa ilaya. Nasa kolehiyo na yata kaming lahat nang ma-desisyunan ang usaping ito. Ang verdict, taga-ilaya raw kami. By that time, mas naka-lugar na kaming taga-ibaba kami,  doon na kami nasanay at andoon rin ang mas marami naming kamag-anak at kasabayan sa eskwela.

 

Kahit may geodetic findings na, magpasa-hanggang ngayon, taga-ibaba pa rin kami para sa mga taga-ilaya. Taga-ilaya pa rin kami para sa mga taga-ibaba. Pag ipinagtanong mo ang aming bahay sa kanto sa ilaya, sasabihin sa iyo ng mga tao doon, sumakay ka ng traysikel o maglakad pa-ibaba. Pag ipinagtanong mo naman sa may iskul sa ibaba kung saan ang amin, sasabihin sa iyo ng mga taga-roon, mag-traysikel o lumakad kang pa-ilaya.

 

image of an arrow pointing to the right

Papunta roon/ orthodox.clara.net

 

Kung tutuusin, pareho naman silang tama. Ang sa amin ay banda roon talaga. 😉