Posts Tagged ‘economics’

Bakuran Natin

images of a yard with plants, borrowed from wn.com

Marami dapat ang mga tanim sa bakuran/ wn.com

Malalaki ang mga bakuran ng mga bahay sa amin. Bukod sa tibay ng bahay, bahagi rin ng seguridad ng kabahayan doon kung gaano karami ang mga makakaing tanim na nakapalibot dito. Ang bakuran o yard sa amin ay nagsisilbing hardin, workshop at talyer ng mga taong nakatira sa bahay. Isa itong munting kahariang maaring maging masagana o naghihirap depende sa pag-aaruga ng mga namamalakad. Bahagi na ng buhay ng mga tao sa amin ang magtanim ng mga gulay at prutas sa bakuran.

Nabanggit ko dati, sa aming baryo ay walang malapit na palengke, walang palaisdaan at wala ring regular na katayan ng mga hayop. Kung titira ka sa amin, magtatanim ka para mabuhay. Kung hindi marunong, kailangang aralin at alamin mo kung papaano. Sangkaterbang panahon, pawis at tiyaga ang minimum na puhunan. Sa amin, ang nagtatanim, hindi nabubuhay ng marangya.  Pero kahit paano, natutulungan siya ng pagtatanim na mailayo sa gutom. Isa pa, mabait ang lupa sa amin. Susuklian nito ang pagod ng maglulupang nagpapagod  rin nang husto.

clipart image of a girl and a boy just finished planting, borrowed from t3.gstatic.com

Mas maganda kung tayo’y magtatanim/ school.discoveryeducation.com

Hindi ko alam kung sinadya o aksidente lang, pero may napansin akong padron ng yari ng bakuran ng bahay doon sa amin. Typical lay-out, kumbaga.

Sa harapan ng bahay doon, sa front yard kumbaga, ang mga tanim ay ornamental plants – iba’t ibang variety ng rosas; tatlong halaman ng rosal; isang hilera ng sampagita; may kung ilang dahlia plants ring tanim; apat na hilera ng daisies – iba’t ibang kulay; may mga liryong nakatusok sa mga gilid; at maaring may isa o dalawang puno ng bougainvillea sa may pultahan o entrance. Kung may masipag namang maggamas sa mga nakatira, maaaring ang sahig ng halamanan ay natatakipan ng Bermuda grass. Merong ilang bakuran doon sa aming may puno rin ng ilang-ilang sa loob ng hardin.

image of the bougainvillea plant, borrowed from friendzsociety.com

Madalas makita sa bukana ng bakuran/ friendzsociety.com

Ang gilid ng halamanang ito ay karaniwang binabakuran ng Sta. Ana, San Francisco at Tungkod ni San Jose, mga halamang itinuturing sa aming sadyang pambakod. Sa ibang bahayan, tinataniman din ang hardin ng mga kilalang medicinal plants gaya ng akapulko, yerba buena, eucalyptus, lagundi, niyog-niyogan, pansit-pansitan at sambong. Madalas ding may tanim na pandan sa mga bakuran sa amin, pampabango sa bigas pag nagsasaing.

image of pansit-pansitan plant, borrowed from t3.gstatic.com

Maraming bakuran sa Pilipinas ang mayroon nito/1-4-3.net

Sa likod ng bahay o backyard,  andoon ang mga halamang kaagapay sa pagluluto – mga sampong puno ng talong, mga limang puno ng okra, apat na puno ng kamatis, tatlong puno ng kalamansi, ilang puno ng siling labuyo at siling berde at mga pitong puno ng paminta.  Sa totoo lang,  ang mga nabanggit ay hindi naman talaga puno kundi shrubs na tradisyunal na katuwang sa kusina ng maybahay. Ang paminta naman, isang uri ng baging o vine. Karaniwan ding may mga tanim sa likod-bahay na ilang halamang-ugat o  rootcrops gaya ng ube, luya at luyang dilaw. Maari ring may ilang piraso roon ng mga halamang gumagapang  – sitaw, pipino, kalamismis (mas kilala bilang sigarilyas) at sayote.

Sa balagan o trellis na madalas ay nasa gilid ng bahay, naroroon ang mga gulay na gumagapang: mas maraming sitaw, kibal (mas kilala bilang paayap), patani, sebatsi, bataw, kalabasa, patola, at tabayag (mas kilala bilang upo). Kung minsan, may mga tanim ring rootcrops sa sahig ng balag, bagaman ang balagan ay karaniwang exclusive para sa mga gulay na gumagapang. May schedule ang pag-aani ng mga bunga sa loob ng balagan. Kadalasan, iyon ay sa weekends. Ang unscheduled na panggugulay ay doon inaani sa mga tanim sa likod-bahay.

images of butter beans, borrowed from thekitchn.com

Galing sa balag/ thekitchn.com

Sa amin, ang hangganan ng bakuran ay karaniwang lakaran ng mga tao o footpath. Ang isang gilid nito ay karugtong na ng lupa ng may-ari ng bahay. Ang kabila naman ay sa kapitbahay na o ibang tao ang may-ari. Kadalasan, ang kabilang gilid na iyon ay padahilig o sloping. Patuto ang tawag sa amin doon. Ginagawa iyon para maipakita ang umpisa at hangganan ng mga lupang ari-arian. Ang patuto ay karaniwang tinatamnan din – ng kamote at kamoteng-kahoy – para pigilan ang pagdausdos ng mga lupa. Malaki rin ang pakinabang ng mga tao sa amin sa mga halamang-ugat na ito at sa kanilang mga talbos.

image of a cassava plant, borrowed from t3.gstatic.com

Madaling itanim, mabilis lumaki/wn.com

image of a flowering sweet potato plant, borrowed from /t3.gstatic.com

Malinamnam ang ugat, masustansya ang talbos/ extremexcience.com

Marami ring mga tanim na puno sa loob ng bakuran doon sa amin – papaya, mangga, langka, atis, lansones, sinegwelas, kamyas at tyesa. Iyong ibang bahay sa lugar namin, may mga tanim pang bayabas, kaymito, santol, tsiko, duhat at balimbing. Sa konserbatibong estimate, ang isang tipikal na bakuran sa amin ay mayroon at least, walong punong namumunga o fruit-bearing trees sa loob nito. Madalas, ang bunga ng mga ito ay kinakain lamang o para sa konsumo mismo ng nagtatanim o farmer at ng kanyang pamilya.

image of guava friuts attached to branch, borrowed from images.stanzapub.com

Paboritong pitasin ng mga bata sa amin/healthmad.com/alternative

Kung susumahin natin, ang isang bakuran sa amin ay may hardin ng bulaklak sa harapan, may munting halamanan sa likod, may balag ng gulay sa gilid at may walo o higit pang punong namumunga sa iba’t ibang bahagi nito.

Para sa mga romantiko, isang munting paraiso ang ganitong bakuran. Para naman sa mga realistiko, isa itong bulto ng gawaing-bukid o farm work na hindi matapus-tapos. Kung tutuusin, parehong may tamang punto. Masaya at parang malaya ang pakiramdam ng taong nagtatanim at nag-aani ng sariling pagkain. Matrabaho naman nga ito – seryoso ang pagpipili ng mga butong itatanim, mahirap maggamas ng damo at pang-santong gawain ang magbantay ng mga bunga ng halaman. Halimbawa, ang mga bunga ng pipino at langka ay kapwa binabalutan at araw-araw sinisilip kung lumalaki ba ng pantay, walang depekto at tama ang pagkagulang o pagkahinog. Hindi biro ang magtanim, sabi nga sa kanta.

Naulit ko minsan, sa aming lugar noong early ‘80s, hindi talaga uso ang magbakod ng bakuran gamit ang alambre, kawad o semento. Sa ilang mayroon, ang layunin pa ng nagkabit ay gawin ang mga iyong gapangan ng tanim na gulay. Ang kadalasang pambakod talaga noon sa bakuran sa amin ay mga halaman din. Naabutan ko pa nga nang nausong pambakod sa nayon namin ang mga puno ng ipil at ang mga puno ng madre cacao. Pagkaraka, ang ganitong practice ay lumipas din.

Hindi kailangan noong magbakod ng solido. Wala pang gasinong may malalaking ari-arian noon sa amin – kakaunti pa ang mga nagtatrabaho sa lungsod, pati ang mga nangingibang-bansa, at, bibihira pa noon ang mangangalakal o negosyanteng nagtatagumpay ng todo. Local, self-sufficient cash crop economy ang mayroon noon sa amin. Ang pang-araw-araw na adhika ng marami sa mga taga-amin ay makaraos lang: maitaguyod ang pamilya nang di sumasala sa pagkain at wala sanang miyembrong  magkakasakit nang malubha. Ito siguro iyong sinasabi ng maraming simpleng pamumuhay. Simple sa isang banda, pero hindi madali.

image of a man watering vegetable plants, borrowed from /t1.gstatic.com

Lagadera ang gamit pandilig sa mga gulay/wn.com

Karaniwang hindi sapat ang mga tanim sa loob ng bakuran para itaguyod  ang magsasaka at kanyang pamilya . Ang mga magta-tanim doon sa amin ay malimit na mayroon pang bukiring malayo sa bahay – taniman ng palay at mais o kaya naman ay ng gulay na pambenta. May mga alaga ring hayop sa bakuran ang halos lahat ng bahayan.  May bakuran at bukirin na nga, madalas hindi pa rin sumasapat para sa pangangailangan sa buong taon ng pamilya. Kadalasan, ang ama ng tahanan, katulong ang matatandang anak na lalaki, naglilinis pa ng lupa sa isang bahagi ng kalapit na gubat. Tinataniman nila iyon ng mga punong namumunga na maaring gawing kalakal o produktong pambenta.

Mas mabusising mga paksa ang bukirin at pagtatanim sa gubat at maiging paghuntahan natin ang mga ito sa ibang pagkakataon. 🙂

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-4 ng Disyembre para idagdag ang iba pang larawan sa post.

Maglalako

 

Iba-ibang klase ng maglalako ang dumaraan sa lugar namin noon.

 

Image of salted bread or pandesal

Masarap ang mainit na pandesal sa umaga/ http://www.flickr.com

Sa umaga, habang madilim-dilim pa, unang daraan ang maglalako ng tinapay. Malalaman ang pagdating niya sa kanyang sigaw, ‘Napoyt, napoyt!‘. Ang tinda niya ay pandesal at bonete. Nakabalot ang mga iyon sa telang katsang nakasilid sa kaing na siyang nakaatang sa likod ng maglalako. Dahil wala namang panaderya sa baryo namin, mabenta sa mga tao ang paninda niya. Lalo na pag ang mga tinapay na inilalako ay mainit-init pa.

 

painting of women fish vendors, borrowed from craftstew.com

Maaaga silang dumaan/ craftstew.com

Ang kasunod niya ay ang maglalako ng isda. ‘Isda, isda kayo riyan!’ iyon naman ang kanyang sigaw. Kadalasan, maraming bumibili sa mag-i-isda. Doon sa amin noon, isang beses isang linggo lang kung mamalengke ang isang pamilya. Lahat ng kinulang o naubusan na ng pang-ulam ay nag-aabang sa maglalako ng isda – kung hindi man makabili ng isang kilong tulingan o tambakol, makabili man lang ng isang takal ng alamang o apta.

 

 

image of Filipino kakanin, puto at kutsinta, borrowed from foodnotebook.blogspot.com

Masarap din sa umaga/ foodnotebook.blogspot.com

Sa pagitan ng alas-nuwebe at alas-diyes, daraan ang maglalako ng puto at kutsinta.  Ang tunog ng torotot niya ang kanyang palatandaan. Potpot ang tawag naming mga bata doon. Siya ang maglalakong masipag naming abangan pag Sabado. Paborito naming  silip-silipin  ang bitbit niyang mga metal na bilog – lalagyan ng kutsinta sa isa at ng puto naman sa kabila. Bumibitin kami sa saya ng aming mga nanay para magpabili ng kutsinta. Kadalasan ay pinagbibigyan naman kami.

Minsan isang linggo, dumaraan ang maglalako ng kulambo at kumot.  Ang karaniwang daan niya ay sa pagitan ng alas-diyes at alas-dose.  ‘Kumot, kulambo, kumot, kulambo. Bili na kayo!‘. May paakyat at pababa pa ang tono ng kanyang pagsigaw. Dahil hindi naman pagkain ang tinda niya, kaming mga bata’y hindi gaanong interesado. Kapag andiyan na ang magku-kumot, tinatawag lang namin ang mga matatanda sa bahay. Tapos, takbuhan na kami uli para maglaro. Kung may pambili ang mga nanay at kung papayag ang maglalakong ito sa tawad, makakabenta siya.

 

Ang susunod ay ang maglalako ng ice cream na dumaraan bago mananghalian. Alam na alam naming lahat iyon dahil sa tunog ng kanyang bell. Sa unang kuliling pa lang noon, takbuhan na kami at papalibutan na namin agad ang kariton ng sorbetes. Iyon lang, madalas ding ayaw kaming bilihan ng aming mga nanay. Hindi nila sinasabi sa aming dahil mahal ang ice cream o dahil walang pera. Ang katwiran nila ay malapit nang kumain ng tanghalian at baka mawalan kami ng gana. Kaya ang pinepeste namin ay ang aming mga tatay o lola o mga tiyahin. Sukdulang mag-iiyak kami at maglupasay para bilihan.

 

Image of an ice cream vendor in the Philippines

Bida sa mga bata sa nayon ang mamang nagtitinda ng sorbetes/ my_sarisari_store.typepad.com

 

Tapos, dahil may gulong ang kariton ng ice cream, hilig naming  sundan ang magso-sorbetes – bimili man kami o hindi.   Susundan namin siya ng mga layong kalahating kilometro, bago babalik kami sa bahay at mag-aabang naman sa maglalako ng ice drop o popsicle.

 

Para sa amin, may pagka-corny ang ice drop vendor. Hindi kasing-sarap ng ice cream ang tinda niya at ang kanyang wooden box, bitbit lang niya sa likod . Pero, may bell din ang maglalakong ito, kaya suki rin niya kami. Pag tumunog na ang kanyang bell, ilalabas na namin ang mga pinagkatagu-tagong barya para ipambili ng ice drop. Kapag ang isang bata ay walang ipon, pwede pa rin siyang mag-iiyak para bilihan ng kanyang magulang. Habang humihikbi-hikbi, pwede niyang ikatwirang hindi na nga siya binilihan ng ice cream kanina tapos hindi pa siya bibilhan ng papsikel?

 

handicrafts vendor, image borrowed from filipinolifeinpictures.wordpress.com

Masaya pag nagagawi ang mga caravan ng bangkito sa may amin/ filipinolifeinpictures.wordpress.com

Sa pagitan ng alas-dose at alas-dos, karaniwang dumaraan ang mga naglalako ng bilao, bangkito, walis, salamin at iba pang mga gamit sa bahay. Sila ang mga vendors na dalawang beses isang buwan lang kung gumawi sa lugar namin. Hindi nila isinisigaw kung ano ang kanilang paninda. Karaniwang makikita na lang namin silang namamahinga sa ilalim ng puno ng mangga. Kung minsan, nabibilihan ang mga paninda nila. Mas madalas ay hindi. Pero kaming mga bata, nakiki-salibuyboy habang idine-demo ang mga produkto – nakiki-upo kami sa mga bangkito at nakikigamit ng salamin.

 

Paminsan-minsan, may mga dumarayo rin sa aming mga nagtitinda ng damit o ng alahas o ng maliliit na furnitures, gaya ng tokador at aparador. Mga ala-una hanggang alas-tres ang daan nila sa lugar namin. Madalas, ibinebenta ng mga maglalakong iyon ang mga paninda nila  nang hulugan. Pero, bibihira pa rin ang bumibili.

 

image of philippine sweet delicacies, borrowed from skyscrapercity.com

Tagaroon lang sa amin ang magtitinda ng kakaning meryenda/skyscrapercity.com

Mga bandang alas-tres ang daan ng maglalako ng meryendang kakanin. Karaniwang dala niya ay suman, bitsu-bitso at karyokang may palamang monggo. Taga-roon lang siya sa amin, kakilala ng halos lahat at may mga regular na parokyano. Sa lahat ng maglalako, siya ang bukod-tanging pinapapasok ng bahay doon sa amin. Para sa mga bata, hindi siya kasing-sikat ng magtitinda ng ice cream. Pero, lagi pa rin naming hinihintay ang pagbaba ng bilaong kanyang sunung-sunong.

 

Larawan ng mga tari ng manok, isang device na ikinakabit sa paa ng manok

Pana-panahon ay may dumaraang naglalako ng tari ng manok at labaha para sa mga kalalakihan/ sabong.net.ph

Sa pagitan ng alas-tres at alas-singko, dumaraan ang maglalako ng sinturon, pitakang yari sa balat, labaha, tari ng manok, baraha, lanseta at iba pang mga kagamitang panlalaki. Sa oras na iyon, ang mga tatay ng pamilya na ang magkukulumpon sa ilalim ng puno ng mangga para suriin at tawaran ang mga paninda ng maglalako. Kaming malilikot na mga bata naman, nakatimo sa isang tabi. Nag-a-antay tawagin ng aming mga ama upang utusang kunin ang kanilang wallet para makapagbayad.

 

Sa mga napapanood kong pelikulang Ingles at sa mga nababasa kong Western books, ang door-to-door salesman ay pirming bihis na bihis at madalas nga ay naka-kurbata pa. Hindi ganoon ang itsura ng mga maglalakong dumaraan doon sa amin. Suot nila ay karaniwang damit lamang at madalas ay naka-sombrero o may tuwalyang takip sa ulo. Pero, hindi dahilan ang gayak nila para hindi sila tangkilikin sa lugar namin.

 

image of a street vendor in the phils., borrowed from filipinolifeinpictures.wordpress.com

Sinusuyod ng mga maglalako ang mga kalsada at bahay-bahay sa mga daang papasok/filipinolifeinpictures.wordpress.com

 

Hinihintay ng marami doon sa amin ang mga maglalako, hindi lang dahil sa paninda nila,  kundi dahil na rin sa dala nilang kwento mula sa mga lugar na kanilang napuntahan at  napagtindahan.

 

Image of an unpaved road in the rural Philippines (road in Romblon)

Maalikabok at maputik ang mga kalsada noon. Halos lahat ng pupuntahan ay nilalakad lang/ babakoto.eu

 

Malayo ang palengke sa amin noon, wala pang sementadong daan at malalayo rin ang pagitan ng mga bahay-bahay. Mahalaga ang papel ng itinerant vendors o maglalako, sa mga lugar na tulad ng sa amin, para mai-ugnay ang mga tao roon sa mga kaganapan at mga uso sa labas. 🙂

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-19 ng Nobyembre, 2010, para idagdag ang mga larawan sa post.