Dekadente

image of wine, borrowed from t2.gstatic.com

Madalas naming daanin sa inom ang mga bagay-bagay noon/ lowcostresorts.net

Doon sa grupo namin noong tinatawag kong recent college friends, tatlo na lang kaming nasa Pilipinas. Apat, kung isasali ang isang bumalik matapos ang ilang taong taong paglalagi sa abroad. Magbabarkada kami. Katagalan, naging magkakaibigan.

 

Simple lang ang gimik namin noon – wala kaming org pero meron kaming tambayan at meron kaming tambay hours. Nagkukwentuhan kami roon sa kiosk, nag-aalaskahan at nagpapalitan ng mga reklamo sa teachers. Umiinom kami ng Coke, binili kay Manang. Di kumikita  si Manang sa amin, kung tutuusin. Minsan, halos apat na oras kaming tumambay, wala pang tigsa-sampong piso ang nagastos namin.

 

Sa tambayang iyon din ang aming base pag frantic ang aming mga buhay dahil sa dami ng mga babasahing ixi-xerox. Minsan-minsan, nagkukunwari kaming nagbabasa roon, pag hindi masyadong marami ang mga estudyanteng nakatambay. Siyanga pala, panahon pa ito noong ang mga tambayan ay hindi pa nakakumpol sa iisang lugar kundi spread-out sa iba’t ibang parte ng kampus.

 

Hindi lang kami maiingay sa tambayan, hagalpakan kami lagi ng tawa at madalas masutsutan ng mga tao sa  mga katabing teritoryo.  Ang mga kapitbahay naming grupo, mga rehistradong organisasyon sa kampus, maliban sa isa – ‘yong grupo ng mga coño na taga-Eng’g. Hindi kami sinusutsutan ng mga coňo, tinitignan lang kaming parang sinasabing, “People, mind your manners.”  Wala kami noon, haha.

 

Pito kami sa grupo, katagalan ay naging siyam – pitong babae at dalawang naligaw o nautong lalaki. Lima sa girls ay malalaki, apat doon ay kaytatangkad. Sa apat na P.E.ng required, tatlo sa kinuha nila ay swimming. Kaya hayon,well-built ang mga aleng ito. Pakiramdam ko noon, di lang barkada ang nakuha ko – bodyguards na rin. At totoo yon, pag naglalakad kami noon sa kampus ng sabay-sabay, walang nangangahas tumalo sa amin. Subukan lang nila, haha.

 

Iyong isang lalaki roon sa barkada, nerdy, masipag sa assignments (alam lagi kung ilang chapters ang covered per meeting at kung kelan ang deadlines ng submissions) at madaldal. Para laging may discourse pag kausap mo ito. Iyong isa naman, pogi, maganda ang dibdib, ex-PMAer at university scholar. Dahil sa mga nabanggit na dahilan, siya ang appointed na taga-bili namin ng napkin pag nag-o-overnight.

 

Iyong isa sa matatangkad, reyna ng hirit. European Language ang kurso ng aleng ito at dapat sana ay mayroon siyang finesse, pero wala. Sa isang exclusive school sa Katipunan Avenue rin ‘ata siya nag – elementary at high school, pero hindi mo halos mapapansin sa mga palengkera nyang hirit. Ang mabenta nyang punchline sa amin noon, “If there is a God, ha?” Wala sa itsura ng aleng ito ang magsi-seryoso sa Philosophy, bumabaligtad ang mga sikmura namin sa katatawa.

 

Iyong isa naman, reyna ng lahat ng gimik at kalokohan. Heredera sa kanilang probinsya ang aleng ito, laki sa Tate at may sariling owtong malaki. Promotor sya sa grupo ng bilyar, bowling, inuman at pagpunta sa mga kwestyunableng lugar.  Ang parating linya ng aleng ito, “Hwag na lang tayong pumasok, labas na lang tayo.” May mga panahong nakukumbinsi nya kami – kami ay mahihina.

 

Sya rin ang madalas magpahamak sa amin noon. Pag naging kaklase mo sya sa isang subject, garantisado ang kahihiyang daranasin mo – late sya laging pumasok, walang dalang ballpen at yellow pad at, kailangang mo syang pakopyahin pag may quiz o exam. Pero, iginagalang namin ang barkada naming ito. Una, dahil siya ang pinakamaganda sa barkada. Ikalawa, malaki ang kanyang allowance. Ikatlo, sa grupo, siya lamang ang may mga manliligaw na may sinasabi  –  doktor, abogado at engineers ang bumubuntot-buntot sa kanya lagi noon.

 

Ang isa pang matingkad sa grupo namin, iyong pinakamaliit at pinakamayaman. Nagtatrabaho na ang aleng ito sa business ng pamilya nila noong makabarkada namin. Masipag ang batang ito, disiplinado at alas-kwatro ng umaga kung gumising.  Madalas kami noong naghahanap ng excuse para makapag-overnight sa maganda nilang bahay at nang maipagluto nya kami ng to-die-for nyang carbonara. Isa pa, ang dala nitong owto sa school ay pag hindi Chedeng, Volvo.  Isinasakay nya ang mga kabarkada nyang bagay lang namang maglakad sa kampus o sumakay ng dyip, haha.

 

Kasya kaming lahat sa owto nya. Iyong apat doon sa barkada, parang mga kabayong nakawala sa kwadra sa tuwing magiging pasahero – binubuksan palagi ang bubong ng magarang sasakyan at kumakaway sa mga taong nadaraanan. Bago kami isakay ni barkadang mayaman, tinatanong nya muna kung saan kami. Maski sa building lang ng Law o sa Econ ang punta namin, ang sagot namin, Fairview o kaya, Paraňaque. Ang ending namin parati, kakain kami ng lunch ng sabay-sabay sa Beach House, ‘yong barbeque-han sa likod ng Main Lib.

 

Kung si heredera ang pinakamaganda sa grupo, itong si maliit ang pinakamaganda ang personality sa aming lahat. Hindi namin maubos-maisip kung bakit bumarkada sa amin ang aleng ito gayong sya ay mapino, poised at itsurang kagalang-galang. Ang isa pa nyang set ng friends ay ‘yong mga rich kids sa kampus – mga taong pinagpala rin sa buhay at tila mga hindi nagpapawis. Ang tanging nabuong konklusyon ng barkada, bukod sa ang kabarkada naming ito ay matalino, siya ay may taste, haha.

 

Tatlo lang sa grupo naming iyon ang hindi Math flunkers – ‘yong dalawang lalaki at isa sa girls, yong isa pang hindi matangkad. Mga confessed Math repeaters kami,  nagsipag-ulit na ng Math 17, nag-ulit pa ng Calculus – talagang mga gifted. Ang pinaka-alaskado ro’n, yong isa sa matatangkad – best in Math kasi siya sa lungsod nila noong high school, haha. Madalas naming usapan noon – kailan kaya kami lalaya mula sa Math Building?

 

Tatlo lang kami roong mahihilig magbasa. Pag nakikita ng ibang barkadang sapin-sapin ang mga librong dala namin galing sa library, naglalabas sila ng lighter.  At totoo nilang sinisindihan ang gilid ng mga hiram na aklat. Pag gano’n, kagulo kami lagi sa tambayan.

 

Sa isang subject, STS (Science, Technology and Society) sama-sama together kami. Isa lang ang di kasali – si nerdy – kasi,  natapos nya na ang subject.  Isang hilera kami ng makukulit at maiingay sa subject na ‘yon. Sa auditorium ang venue ng STS class, ang isang klase nito ay binubuo ng humigit-kumulang 200 na estudyante.

 

Parang palengke lagi noon sa STS pag wala pa ang aming teacher, si Dr. ___    may nagbabasa ng dyaryo, may gumagawa ng assignments sa ibang subjects at may nagpa-file ng kuko.  At siyempre, sa ganoong milieu, nagta-thrive ang barkada.  Dalawang beses lang namang napalabas sa klase ang grupo namin, haha.

 

Bukod sa tambak ang readings, mahirap para sa amin ang exam sa STS. Ang style pa ro’n, multiple choice na choose the best answer. Nangangamote kami – parang best answer naman lahat ang pagpipilian? Noong fourth exam na, may tip sa amin si reyna ng gimik – ang best answer daw ay ‘yong kumplikado ang formulation, ‘yong parang mahirap maintindihan. Sinubukan namin at anak ng putakte, parang tama sya – nagsipagtaasan ang exam scores namin! Ba’t noon lang nya sinabi?

 

Pagkakatapos ng exam sa STS, ritwal na namin ang sama-samang uminom ng tig-iisang bote ng beer. Bawal na noon ang mag-inom sa kampus (maliban kapag Fair) dahil sa dami ng frat wars at expectedly, bawal nang  magtinda ng alak sa loob. Pero tumutubo yata ang underground economy maski saan, kaya hayon – nakaka-source kami ng beer sa black market, haha…  Patalilis kaming magpo-procure ng beer saka pupunta sa may Oval. Iyon yata ang pinakamasaya naming moments bilang barkada. Doon sa gitna ng mga talahib sa Oval – habang umiinom – isinisigaw at ipinapagpag namin ang mga inis at galit namin sa buhay-estudyante.

 

Dahil nga kami ay mga magkaka-ututang dila, pinagplanuhan na namin ang future kung saan sama-sama pa rin kaming lahat at walang iwanan. Doon din sa kiosk nabuo ang balak. Kukuha kami ng bahay pagka-graduate – isang apartment– at doon kami lahat titira. Magkakaroon kami ng hatian sa mga gawaing-bahay. Ang natatandaan ko ay nag-volunteer ako sa pagtatapon ng basura at paglilinis ng banyo.

 

Ang engrandeng plano nga pala, magtatayo kami ng businesswomen and children trafficking, haha. Sigurado itong may kita, este, lucrative, at disenteng-disente.  Maraming beses naming pinag-usapan itong imbi at buhong naming plano at sa bawat pag-uusap,  pinipino namin ang mga detalye. Tiwala kaming maisasakatuparan at magtatagumpay ang aming mga balakin  sa kadahilanang kasali si reyna ng gimik  –  ang dalubhasa sa kagagahan at prinsesa ng underworld.

 

Hindi kaming magka-kabarkada sabay-sabay gumradweyt – may mga nauna at may mga nahuli. Ganoon pa man, madalas pa rin kami noong magkita-kita matapos magkahiwa-hiwalay – tatlo hanggang apat na beses sa isang taon. Kadalasan, para uminom pa rin. Si reyna ng gimik pa rin ang nangunguna-nguna – sa gay bars nya kami madalas dinadala. Ang style namin, pag sa Chico’s o sa Adonis kami pupunta, sa parking ng Church Ministry sa malapit kami lagi pumaparada. Siyempre, kailangang itago ang ebidensya ng konting basbas, bago magkasala ang aming mga mata, haha.

 

image of night life - t1.gstatic.com

Apat sa barkada ay mahihilig mag-against the wall at pole dancing/ year2008-2009.student-direct.co.uk

 

Nitong mga huling taon, isang beses isang taon na lang kami magkita-kita. Si reyna ng hirit, nakapagtrabaho at nakapag-asawa na sa Geneva at doon na naka-base. Si reyna ng gimik, sa Land of the Down Under naman. Parehong Pinoy at parehong may pagka-pormal ang mga lalaking nakatuluyan ng dalawang makukulit. Pero, sport naman ang mga mister nila, sumasama rin sa gay bars at gimikan pag kami’y nagre-reunion. Iyong isa pang matangkad, sa Singapore naman naka-base.

 

Si Nerd, naging Fullbright scholar. Bago at pagkatapos noon, naging iskolar din siya ng dalawa pang prestigious institutions. Anupa’t pitong taon na kaming magkakahiwalay, nag-aaral pa rin ang taong ito. Talong beses lang yata siya nakadalo sa reunions ng barkada. Kamakailan, bumalik siya ng Pilipinas para dito magturo.

 

Iyong iba pang miyembro ng barkada, hindi ko na muna ikukwento. Basta, ang summa total, mas marami ang mga nakapag-asawa na at ang mga naka-base sa abroad. Tatlo kaming naiwan rito – isa ay sa Cavite na nakatira at ang isa naman ay sa Laguna. Tamad kaming magkita-kita kung kami-kami lang.  Mahirap din pating i-approximate ng tatlong tao ang kalokohan at ingay ng siyam o pito. Isa pa’y siguro,  nahihiya kaming tanggaping sa isang banda’t kahit paano, tamed na kami. E, doon sa barkada, ang aming pirming declaration, “Ganito na lang tayo palagi, dekadente forever!”  🙂

 

25 responses to this post.

  1. masaya din pala ang college life mo. mas masaya ang college life ko kesa sa high school life, late bloomers siguro ako. anyway ganun din kami, may dalawang sasakyan at sampung magbabarkada na puro lalake. pero may barkada 10 din silang babae, sa awa ng Dios wala sa amin ang napangasawa nila.
    College moments nga naman haaay sarap balikan.. 🙂 salamat sa post mo at napatawa ako.

    Sagutin

    • hello, kiko! fourth year high ako noong madiskubre kong masarap palang magbarkada at maggala… oo, masaya ‘tong barkada naming ito – ang basis of unity namin ay puro kalokohan at gimik, haha…

      yong una kong set of friends no’ng college, mas serious at medyo intellectual sila ro’n. masaya rin kami pero di kasing-loloka nitong mga timang na ikinwento ko rito sa post, haha…

      masaya ang may barkada, ‘no? salamat rin at natawa ka… 🙂

      Sagutin

  2. wow, ansaya naman ng barkada mo. 🙂 at mga rich kids pa. hehehehe. 🙂 nakakatuwa ang mga kwento, parang naiimagine ko ang mga ginagawa niyo. 🙂

    Sagutin

    • hi, manang. salamat at na-appreciate mo ang kwento ng mga timang at ungas naming barkada, ahaha… 🙂

      actually, ‘yong dalawa lang ro’n ang talagang mayaman. tapos, dalawa naman kaming poor at promdi. the rest, mga middle-class sila – ‘yong sa mga exclusive schools nag-elem at HS pero di naman talaga mayaman.

      ay, salbahe kami at magugulo no’n, understated ‘tong kwento ko, haha. 🙂 ikaw, mababait kayo sa barkada mo no’ng college?… 🙂

      Sagutin

      • mababait ang mga barkada ko nung college, pero syempre meron ding mga adik-adik lang, kasama ako doon sa mga adik-adik lang. yung tipong mago-overnight sa apartment ng barkada para magpakalasing, mga ganun lang. pero mas matino ako nung college ako kesa nung highschool ako, kasi naranasan namin ng tropa ko nun na pumasok sa klase ng lasing. bad talaga.

      • haha! advanced ka pala – high school namulat sa paggagala at pag-iinom. 🙂 college na ako na-introduce sa mga bisyo, haha…
        masaya, di ba?

        mas maunlad kayo, actually. di ko pa nagawa ang pumasok sa klase ng lasing… :c

  3. Posted by Ryan Adik Nga Lambay on Mayo 30, 2011 at 2:44 umaga

    Ang taas taas naman ng entry mo. Di ko na masyadong binasa. Isa lang ang masasabi ko, ang gawain niyo ay gawain ng lahat ng mga estudyanteng baliko ang ulo. :)P

    Pa.add sa blogroll mo. I added you na. Thanks

    Sagutin

  4. naiisip kung napakalayo ng mga friends ko.

    lahat kami naglalakad, at kung gustong mag unwind sa golf course lang tapos may dalang tuna bread.. yon lang masaya na kami.. paminsan-minsan lunchout din, yong mga dalang pagkain naka-cellophane lang o kaya dahon ng saging ang gagamiting plato.. masaya yon, halos lahat naman kase ng close ko puro lalaki..

    at ang pinakamahirap na parte minsan pag malapit na ang uwian, final week tapos yong iba nagkakaubusan na ng allowance sa dami ng requirements, at lahat kami ayaw maging pabigat sa mga magulang kaya pinagkakasya ang allowance.. sa time na yon, minsan kelangan mong i-share ang meal mo para lahat kayo kakain.. everytime na naiisip ko to, napapangiti ako na naluluha.. syempre lahat kami grumadwyt, at paminsan-minsan nalang talaga magkita pero yong samahan never na makakalimutan.. sa lahat, ako yata ang di nakaranas na delayed o kulang ng allowance, pero natutuwa ako na napasama ako sa grupo nila. whoa! namissed ko sila ng sobra.

    Sagutin

    • aha! ano’ng kwento ‘yan, anini? andaming boys sa barkada nyo tapos wala kang nasilo para maging boyfriend? para saan ang pagsi-share mo sa kanila ng baon at ng allowance? pambihira! 🙂

      haha…biro lang, ani. saan ba nagsipuntahan ang college barkada mo’t kamo’y bibihira kayong nagkikita, huh?!

      btw, panginoong may allowance ka pala no’n, ahaha! 🙂

      Sagutin

      • hahaha, kapatid ang turingan namin nun.. sila nga yata ang dahilan bakit wala akong boyfriend kung makabakod sobra..hahaha

        hmmm, lahat naman kase kami iba-iba ang probinsya plus nagkatrabaho sa iba-ibang panig ng pilipinas kaya sobrang hirap magkaroon ng time na pareho kaming lahat. saka nagsisimula pa lang din naman kaming makibaka sa mundo ng pagtatrabaho kayo sa susunod nalang ang pagkikita.

      • ‘nak ng… wala man lang sa kanilang nag-isip ng may malisya sa ‘yo? pambihira! hahaha… 🙂

        hala, pag nagkita-kita kayo uli, may magtatapat sa ‘yo, ro’n, pramis. 🙂 kinikilig na ako para sa ‘yo, ahaha! peace… 🙂

  5. ‘saan na nga ba ang barkada?’

    kanta ng APO na isa sa paborito. more or less, ganyan din ang buhay high school ko at college. sa school ko nga lang nung college, talagang mahihirap kami. ang definition ng bonding bilang magkakaibigan usually ay session ng gitara at sight seeing ng mga binibini. all boys na barkada. ang sarap kasi hindi kailangang makibagay. we shared a common interest. grumaduate, magka trabaho at tulungang iahon ang sarili sa hirap.

    ‘madalas pa rin kung kami ay magkita
    mga naiwan at natira
    at gaya nung araw namin sa eskwela
    pag magkasama’y nagwawala…

    napakahirap talagang malimutan
    ang saya ng aming samahan
    lumipas man ang iilang taon
    magkabarkada pa rin ngayon…

    magkaibigan…
    magkaibigan pa rin ngayon’

    gusto ko nga palang ibalita na sa aming anim, ako lang ang hindi succesful.

    Sagutin

    • aba, cool ang barkada nyo- music-minded, poetic at marunong mag-appreciate, haha! parang nai-imagine ko ang itsura ng grupo nyo… 🙂

      ayon ang masarap sa barkada, pwedeng magwala. tapos, kinabukasan, pag nagkita-kita uli, parang wala. may bago na uling kulitan, ahaha.

      hah! you are yet to become the biggest success of them all, i say so. haha, dito sa blogosphere, bida ka, duks! di pa naman tapos ang pag-inog, hayaan mo, iikot pa ang gulong ng buhay… 🙂

      Sagutin

      • oo, mga gusgusing binatilyo kami noon. mga payatot at mukhang kulang sa vitamins. hindi na ngayon. hahaha!

        tama ka. lalo na kami. everytime na nagkikita kita kami, laging yung tungkol sa hi-lights ng misadventure namin ang simula ng kwentuhan.

        bida sa blogsphere.whaaaaa!!! naawa lang ako lalo sa sarili ko.hahaha!

      • aba? ‘yong bida ka sa blogosphere, dose-dosena ang nagsasabi no’n bago pa ako. bumuntot na nga lang ako sa wagon ng mga taga-hanga ni duking, ‘no? ahaha!

        come on! hindi ka lang siguro commercial ang orientation kaya di ka pa umaasenso sa definition ng success ng profit-oriented na lipunan (ahaha!). di bale, ganyan rin ako, haha. ma-pride? 🙂

        basta sa ‘kin, bida ka. wag ka nang umangal… 🙂

  6. Nakakatuwa naman kayong magkakabarkada.
    Iba’t iba ang personalidad. Parang ako lang si Nerd. Haha.

    Sagutin

    • salamat sa pagbabalik, elton. kumusta ka na? 🙂

      magkakaiba kami ro’n sa barkada, sa isang banda. sa kabilang banda naman, puro kami flip ro’n, pramis. mga nagkukunwari kaming mga nagmumura, rebelde at unconventional. saan ka baga’y hindi naman…?

      ayon, nerd ka pala… 🙂

      Sagutin

  7. OMG, lol @ women and children trafficking!

    I remember when I was in college, our plan was for me to return back to Pakistan and supply weapons of mass destruction to the Phillipines. Can’t believe our young minds were so destructive!

    Love your posts … brought back so many memories.

    Sagutin

    • ha, ha! weapons of mass destruction supplier – my, that’s even more lucrative! and need i say, even more dangerous, ala james bond movie, he,he… young minds are so creative, ‘no? 🙂

      our college days gave us leisure time and opportunities for some real ingenuous thinking, haha!

      glad to see you around, nadia. thanks for loving the posts. 🙂

      Sagutin

  8. hay college life talaga puno ng makukulay at mababalasik na experience. siempre iba pag nagkaroon ka ng solid na barkada. sa akin, laging tig-3 lang sa bawat grupo ko. hehehe

    Sagutin

    • true! nakaka-spice ng buhay ang barkada. ang masaya pa sa college, maraming bungi ang schedule kaya maraming time mag-bonding at magpaka-gaga, ahaha!

      btw, marami bale ang set of friends mo no’n?… 🙂

      Sagutin

  9. Ate Susan,

    Bigla ko namang naalala college life ko. Alam mo ba sa kasalukuyan, bumuo kami ng grupo sa facebook tapos nirereminisce namin ang nakaraan? Sobrang enjoy kami. Hahaha! Natawa ako sa napalabas kayo sa klase, nako nangyari na din kasi sa amin ‘yun. 😀 Mas nakakatuwa nga lang na nakakahiya ang dahilan. Minsan ikwekwento ko ‘yun sa aking bahay. Haha!

    PS: Salamat sa madalas na pagbisita at pag-iwan ng komento sa bahay ko. Highly aprreciated po ‘yun! 🙂

    Ingat!

    Sagutin

    • hello, dhang. 🙂

      naku, epal talaga ang group namin. sa first row ng auditorium ang seats namin tapos laging ang ingay-ingay…

      one day isang araw, itong si reyna ng hirit at ‘yong isa pa, si best in math ay parehong may dalang women’s magazines at sa klaseng iyon nagtitingin ng mga uso. very loud ang kwentuhan at may hampasan pa. ‘yon pala, andyan na si teacher! ayon, napalabas, hehe… sa labas na itinuloy ang browsing ng vogue atbp., ahaha!

      ikwento mo rin sa post ang experiences nyo ng college friends mo. feeling ko, makukulit rin kayo, haha! 🙂

      it’s a pleasure to read your posts at mag-comment ro’n… 🙂

      Sagutin

Mag-iwan ng puna