Nagsasawa

Mga kapanalig at ka-blogs, hindi pa ako nagsasawa sa pagba-blog. Medyo naging abala lang sa mga personal na intindihin nitong nakaraang buwan, kaya madalang ang posts. Marami-rami naman akong nakasubing sinulat para rito sa DPSA, nawalan lang ng time and concentration para sa typing and editing. Pasensya na. Ilalathala ko pa rin ang mga artikulong naipangako ko sa inyo sa mga darating na araw.

image of Solita Monsod, economist and professor

Naging guro siya ng marami/ showbizandstyle. inquirer.net

Habang nasa paksa tayo ng pagsasawa, hayaan nyo munang kwentuhan ko kayo tungkol kay Ma’am Winnie Monsod. Oo, estudyante nya rin ako dati, gaya ng libong iba pang nagku-kwento kung gaano siya ka-riot na teacher. Napanood nyo naman siguro sa YouTube ang huli nyang lecture? Eto – mild pa siya roon. Mas exciting at nakakatuwa pa siya sa usual na encounter.

Sa Econ 101 ko siya naging guro. Macroeconomics ang asignaturang iyon. Ibig sabihin, Economics na ang pagtanaw at kaparaanan ay sa antas na malakihan o pambansa. Ang Econ 101, nahahati sa dalawa – lecture sa umaga at discussion class (DC) sa hapon. Ang lecture ay pangmaramihan – limang klaseng pinagsama-sama (mga 200 na estudyante) at isinasagawa sa auditorium ng S.E. (UP School of Economics). Alas-otso ito ng umaga. Si Ma’am Winnie ang laging lecturer sa Econ.101, siyempre. Nagtuturo rin siya ng Econ 11 (Intro to Economics). Maliban sa dalawang subjects, mga pang nagma-Masters na ang mga hinahawakan nyang klase.

Dahil medyo mahamog pa ang Sunken Garden sa oras ng nasabing lecture, mga 30 hanggang 40 porsyento ng mga dumadalo roon, babahagya pa lang gising ang diwa. Lalo na iyong mga nakatira sa dorms sa loob ng campus – parang ang iba sa kanila, nag-alis lang ng muta, nag-toothbrush at nagpalit ng t-shirt, bago gumapang papuntang Econ. Building, ahaha… Pagdating sa auditorium, sasalampak sila ng upo roon sa mga silyang ang yari ay parang sa SM Cinema lang.

At siyempre, dahil nga iyon ay isang tanghalan,  mayroon iyong elevated platform or stage sa unahan, may draperies na mula kisame hanggang sa sahig ang haba at may podium din doon at lectern sa gilid. Iyong stage na yaon ang titingalain naming mga estudyanteng pupungas-pungas pa, para unawain ang ibig sabihin ng sunud-sunod na graphs at ang masalimuot at di-natatapos na ugnayan nina P at Q (price and quantity).

graph showing the economic concerns of a country

May ginaganapan daw na papel ang bawat manlalaro sa eonomiya/ newworldencyclopedia.org

Sa isang gilid ng tanghalan, doon lalabas ang pinagpipitagan at kilalang ekonomista ng lahat – si Prof. Solita C. Monsod. Nagtapos siya ng may karangalan sa U.P. at nag-aral pa ng higher studies sa U.S. Naging miyembro siya ng Gabinete noong araw bilang pinunong direktor ng NEDA. Madalas siyang konsultahin sa mga isyu ng media, ng mga ahensya ng gobyerno at ng samutsaring economic governing bodies.

Ang asawa niya ay si Atty. Christian Monsod – dating pinuno ng Comelec, kilalang executive sa corporate world at nitong mga huling taon, abogadong tagapagtanggol ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita case. Mayroon silang limang anak. Nakatira ang kanilang pamilya sa lungsod ng Makati. Sina Prof. at Atty. Monsod ay kapwa natatandaan ng publiko dahil sa madalas nilang pagkiling sa kalagayan ng mahihirap sa mga isyung pambansa.

image of Solita Monsod while conducting a lecture

Mahalaga sa kanyang mai-deliver ng maigi ang punto/ ssc.edu.ph

Paglabas ni Ginang Monsod sa isang gilid ng stage, makikita syang naka-palda, mini  ang tabas,  sabihin pa. At, oo, shapely ang kanyang legs, naman. Ang blouse nya, medyo plunging ang neckline (pero hindi naman bastos tingnan) at nakasuot siya ng blazer sa ibabaw. Kadalasan, short-sleeved ang blazer na iyon. Medyo may heels ang kanyang sapatos at hindi nawawala ang isa pa niyang palatandaan pag nagli-lecture – ang legendary nyang mug. Ang nasabing mug ang ipapatong nya sa lectern.

Sa isang speech ni Robina Gokongwei-Pe, ibinisto niya roong iced tea ang laman ng makasaysayang mug. Ayon, pagkababa ni Ma’am Winnie ng kanyang mug, kukunin nya na ang microphone (hindi pa cordless ang microphones noon sa School of Econ.) at magli-lecture na siyang palakad-lakad sa ibabaw ng stage. Talo nya ang performance ng magagaling na stand-up comedians, pramis. Kulang na lang, magta- tumbling sya roon para ipaunawa sa mga estudyanteng sa oras na iyon – karamihan ay mimiha-miha pa – kung paano at bakit mahalaga ang Macroeconomics.

Very passionate si Prof. Monsod sa kanyang pagpapaliwanag. No dull moment with her, totoo. Ang natatandaan kong isa sa mga paborito nyang paksa ay ang theory of marginal utility. Sinasabi roong ang halaga o value ng isang bagay ay bumababa katagalan, matapos ang paulit-ulit na paggamit o pagkonsumo rito. Law of diminishing returns ang mas karaniwang naririnig nating tawag dito. Sa madaling salita, bumababa ang halaga ng bagay – maging iyon man ay produkto o serbisyo. Halimbawa, kung ang sinusukat ay ang value ng lupa, sang-ayon sa marginal utility,  pagkaraan ng mga taon, hihina ang fertility ng soil at sa gayo’y pababa rin ang ani at mga kapakinabangang galing dito. Mga ganoon…

graph showing an indiffrence map containing three indifference curves

Saanmang punto raw sa curve ay nasisiyahan o walang pakialam ang gumagamit/ investopedia.com

Ang teknikal na paliwanag rito ay naroon sa graph na kung tawagin ay indifference curve. Dito, iminamapa ang ugnayan nina P at Q na parating magka-partner – sa ganitong presyo, ganito karami naman ang volume na kayang i-supply o bilihin. Sabi ni Ma’am Winnie, maski nasaang punto sa curve, ibig sabihin, kahit ano pa ang kombinasyon nina P at Q, indifferent o walang pakialam ang komukonsumo nito. Hanggang sa dumating sa antas na pababa na ang kapakinabangan ng bagay o kaya ay ang interes ng gumagamit. Sawa na, kumbaga.

Wika niya, at some point, maski baligtarin pa ang ratio nina  P at Q, bababa na ang usefulness ng bagay.  Sa gayon, panahon na raw para baguhin pareho ang nilalaman nina P at Q, para maabot ang dating antas ng satisfaction. O, di kaya naman, panahon na para gumamit ng substitute o kapalit. Ang ibig sabihin, may panibagong curve na iguguhit o imamapa. Ha, ha… parang ganoon. Naintindihan nyo ba? Ako rin, di ko sigurado kung naintindihan ko nga o kung pag-uulitin ako ng Economics ng mga dati kong guro, hehe…

Sabi-sabi, karamihan daw  sa professors sa School of Econ. ay subscribers doon sa tinatawag na neo-liberal school of thought. Kabilang yata rito si Prof. Monsod. Sila yaong mga naniniwalang sa Economics, dapat munang pagtuunan ng pansin ang pagpapalaki ng kabuuang output ng bansa o iyong economic pie na tinatawag, bago ayusin ang hatian o allocation of resources.  Ang kabilang panig naman ay yaong advocates ng pag-aayos muna ng hatian ng resources (address the structural inequalities daw) para hindi maliit na porsyento lamang ng mamamamayan ang tuluy-tuloy na makikinabang sa resources ng bansa. Nabanggit ko lang ito dahil paborito laging halimbawa ng mga taga-S.E. ay ang guns and butter.

image of a graph showing the relationship between guns and butter

Parati raw magkaagaw ang usapin ng depensa ng bansa at pagkain/

Laging may graph na kumakatawan sa pagkonsumo ng baril at mantekilya sa lectures, he, he… Kaya, defense versus basic needs, kumbaga. Noong una, medyo nalilito ako rito dahil sa bukod sa ako ay malituhin, hindi ko gaanong ma-imagine kung bakit maglalaan ng milyun-milyong piso ang isang bansa para sa mantekilya. Bakit, kako, hindi para sa palay na lang tutal, mas marami naman ang Pinoy na kanin ang kinakain sa almusal? Ha, ha… Anyway, sa paksa ng indifference curve, pagdating sa substitute, lumalabas na ang alternative – ang margarina. Ayon, pag andoon na, medyo nakukuha ko na. Mahal ang butter at imported pa, kaya good option para sa ating mga Pilipino na margarina ang gamitin dahil itong huli ay locally-sourced.

Sa bandang one-third, o, kung minsan, sa kalahatian ng lecture ni Ma’am Winnie, mapapansin nyang saikatlo rin ng buong klase ay nakasalampak sa pagkakaupo. Hindi lang iyon – may mga kaklase pa ako, kami, roong talagang halos ulo na lang ang nakasandal sa silya at ang three-fourths ng katawan ay halos sumayad na sa sahig. Mga lalaki ‘yon, dormers, na tila sa audi na nagsusundo ng tulog…

Ayon, titigil bigla si Ma’ am sa pagsasalita – in mid-sentence, kadalasan. Mambabato na sya ng chalk o eraser, depende sa kung alin ang hawak nya o unang madampot. Mag-iiba na ang pitch at decibel ng kanyang boses. “Am killing myself here trying to impart to you these things, this knowledge, tapos, you’re slouching over there?” Mga ganyan ang kanyang linya…

image of UP students listening to a lecture in the auditorium

Halimbawa ng isang auditorium sa UP (CS Audi)/ uprotc.org

Na totoo naman, kung tutuusin. May mga kaklase nga ako, kami, noon sa lecture na tila talagang indifferent sa kung ano ang sinasabi ng professor sa stage. Sa kabilang banda, si Prof. Monsod, she’s really the kind of teacher who would bend way over backwards, para maipaintindi sa mga mag-aaral, ang mga komplikadong ideya sa Economics.

Titigil si Ma’am Monsod sa kanyang lecture. Alinman sa lalakad-lakad siya roong parang umuusok o di kaya, pupunta sya sa tabi at iinom mula sa kanyang mug. Pagkatapos, magre-resume siya uli ng lecture na parang walang nangyari.

Pero, minsan, may isa akong karanasang nag-walk-out na talaga si Ma’am. Pumasok siya sa gilid na pinanggalingan nya earlier at hindi na muli pang lumabas. Nakulambuan ng matinding remorse ang buong klase. Lagot! Patay, mababalita ang nangyari sa buong S.E. at sa katabing building, sa Business Ad. Ayon… Kahit pala anong iingay, anong kukulit at anong yayabang ng UP students (at least, kaming mga estudyante niya noon sa Econ 101), pag minsan,  inaatake rin pala kami ng konsensya.

Ang bawi ay sa discussion class, matapos ang pananghalian. Doon ang pagtutuos, kumbaga. At dahil average na 40 students lang mayroon sa discussion, mas intimate ang atmosphere doon.

Pero, iba ang Winnie Monsod sa lecture at ang Winnie Monsod sa discussion. Ang Prof. Monsod ng umaga ay parang sundalong nagma-martsa kung lumakad, mahusay kumuha ng atensyon ng marami at puno lagi ng eagerness na ibahagi ang malaking larawan ng kabuhayan o ekonomiya ng bansa. Ang Ma’am Winnie sa discussion ay relaxed, malambing at pasensyosa. Pag nagpapaliwanag sya roon at di mo pa rin makuha, papalapitin ka niya sa kanya sa unahan. Hahawakan ka nya ng magaan sa braso o sa balikat at tatanungin, “Yes, sweetheart, what is it?” Ayon naman, sweetheart ka niya, para ka lang anak nyang nalilito at kailangang i-comfort. At bigla, tila liliwanag ang kanina ay nagdudumilim na paligid (ang iyong aantok-antok na utak).

Pero hindi si Ma’am Winnie talaga ang teacher ko noon sa discussion class. Uma-attend lang kami ng ilan sa mga kaibigan ko sa panghapon nyang klase dahil enjoy siyang pakinggan at dahil hinihikayat din kami ng totoo naming discussion teacher – si Ms. Berna Romulo-Puyat. Si Ms. Verna (palayaw nya), anak ni dating DFA Secretary Alberto Romulo at isang solid Prof. Monsod fan.

Oo, kapatid siya noong babaeng kolumnista sa Inquirer, noong editor na, director pa ng indie films at noong kongresmang ikakasal kay Shalani Soledad, ha, ha… Basta, si Ms. Verna, mukhang sa birhen ang mukha, pwera biro. Simple syang manamit at ang bait nyang kausap. Ang paborito naman nya laging halimbawa sa talakayan ay ang leggings sa Megamall na mabibili sa halagang P30,000. Sabi nya, “Ba’t kaya ganoon kamahal ‘yon, may aircon ba iyon sa loob?” Usapang value pa rin ang nakasalang.

He, he… side story lang natin si Ms. Berna. Ang kwento pa rin natin, masayang maging guro si Ma’am Winnie Monsod. Kakaiba sya. Hindi siya katulad ng ibang teachers sa UP na saksakan nga ng tatalino, ang mga publications ay kinikilala rito at sa abroad pero, kung magturo ay tila ang blackboard at ang libro lang ang kausap. Kay Ma’am Winnie, tila importanteng she’s able to whack the bottoms of her students, so to speak. At hindi siya nagsasawang gawin parati iyon.

poster image of Mareng Winnie and Pareng Oca in the TV program, Debate

Kumareng tila nag-aapoy at kumpareng mahinahon/ http://en.wikipilipinas.org/index.php?title=Debate_with_Mare_at_Pare

Kung ilang beses ko pang na-engkwentro si Prof. Monsod matapos na ako ‘y maging estudyante niya  –  sa marami-raming symposia at dalawa o tatlong beses, sa backstage ng Debate (Debate with Mare at Pare, isang public affairs program dati sa telebisyon). Lagi, tinitingnan ko lang at pinapanood si Ma’am. Hindi ako naglalakas-loob na magpakilalang dati nya akong estudyante – ang dami kaya naming mag-aaral na dumaan sa kanyang mga palad, mga humanga at naaliw ng todo sa kanya? Naman.

Noong titser ko pa si Prof. Monsod, sabi nya sa aming mga mag-aaral nya, iyon daw mga bagay na alam niya at kaya niyang gawin, malalaman at makakaya rin namin. O, kaya, mahihigitan pa. Nauna lang daw siya – sa panahon at sa pagkakataon. Kung mabibigyan din daw kami ng humigit-kumulang ganoon ding oras at tsansa, we would be able to do the same, or perhaps, better. Narinig ko na sa iba ang gayong mensahe, bago pa sa kanya. Pero noong si Ma’am Monsod ang nagsabi, parang nakakapaniwala. Parang noong oras na iyon, kami ng mga kaklase ko, naniwala.

Paborito ko ang istorya ng lovelife ni Ma’am – kung paano naging sila ng kabarkada nya noong si Christian Monsod. Ang kulit no’n.

Sakaling ma-engkwentro ninyo si Mareng Winnie ng personal at malapitan, palagay ko, sasang-ayon kayo –  She is one of those people who have fire in the belly.

At kakaunti lang ang mga taong may ganoon.🙂

Please see:

http://www.youtube.com/watch?v=sF3yPcqO6gE

http://en.wikipedia.org/wiki/Macroeconomics

http://www.econ.upd.edu.ph/?page_id=57

http://en.wikipedia.org/wiki/Winnie_Monsod

http://hdn.org.ph/solita-collas-monsod/

http://domjullian.blogspot.com/2008/05/robina-gokongwei-pes-speech-at-

http://en.wikipedia.org/wiki/Debate_with_Mare_at_Pare

http://en.wikipedia.org/wiki/Marginal_utility

http://www.economicshelp.org/microessays/costs/diminishing-returns.html

http://en.wikipedia.org/wiki/Indifference_curve

http://en.wikipedia.org/wiki/Neoliberalism

http://oxford.academia.edu/KristinaMariaManalo/Papers/109160/Macroeconomics_Economic_Policy_and_Rice_Security_in_the_Philippines

Possibly Related Posts:

Ordinaryo Lang

Si May 11

Parang Puputok

Dekadente

29 responses to this post.

  1. wow kaya pala ganon karin kahusay ah…isa ka palang estudyante ni mam winnie.. isa sya sa mga haligi sa industrya ng pamamahayag…di mapagkakaila na maituturing primera klase..;-)

    Tugon

    • weh!?! naku, myr, ang layo! naaalala kong sa lecture pa lang no’n sa indifference curve, nawiwindang na ako, hehe…

      magaling talaga si ma’am kasi, professor sya. marunong siyang mag-profess o manindigan. iyong iba kasing titser, nagle-lecture lang o nagbibigay ng mga basahin pero hindi nagti-take ng stand sa mga isyu o usapin lalo na kung contentious. kay prof. monsod, hindi lang ‘yong mai-share o mabasa ang impormasyon, dapat mag-rehistro at kahit paano, magamit. ayon…

      hello sa iyo!🙂

      Tugon

  2. Tuwang-tuwa ako sa lecture niya tungkol sa cheating.🙂 So true!

    Tugon

    • hello, akda… oo, kasi naman, doon nga naman nag-uumpisa lahat ‘yon.

      in fairness, noong time namin, hindi talaga gaanong uso ang cheating sa peyups. kasi, karamihan sa mga estudyante ay mayayabang, haha. hindi nagtitiwala sa kokopyahan, whohoho… ‘musta ka na?🙂

      Tugon

  3. Add: Yes, I love that she pointed out that thing about going abroad🙂 She’s awesome!

    Tugon

    • ah, akda, kasi sina ma’am winnie, tumira rin sa abroad, sa US. maayos na sila roon when they decided na umuwi at dito makipagsapalaran, kumbaga. marami silang mga professionals na ganoon noon. sina former dswd and doh secretary cabral, parang ganyan din ang kwento – umalis pero nagpasyang bumalik sa sariling bansa…🙂

      Tugon

  4. hehehe. parang ganito rin ang pagkakakwento ng isa kong kakilala tungkol kay ma’am winnie. wala lang. lahat ng naging student niya proud na naging guro sya. magaling kasi talaga.

    may kinuwento pa sya, dahil daw madami yung students, pinakuha daw nung kaklase niya ng exam eh kuya niya dahil magkamukha naman daw sila, parang ganun. hehehe…

    anyways, ano kaya ang pinagkakaabalahan at busy?🙂

    magandang araw!🙂

    Tugon

    • hello, manang… oo, ang nakakatuwa sa kanya e, parang lagi syang nag-uumpisang “let’s kick some ass today!” mga ganyan. tapos, ang ending nya ay parang laging “o, sana, you learned something today, ha? hindi lang tayo nag-ubos ng oras dito… ”

      actually, yong kwento mo about substitute sa exam, hehe, pwede… kasi, ang exam ay usually sa auditorium din lang at student number lang naman usually ang inilalagay. hinihingi rin ang name pero, in print mo lang naman iyon isusulat. pwede pero risky yan, hehe… abot expulsion ang parusa pag nabisto, ahaha…

      ah, personal na mga kaguluhan, hehe… pag dumalaw ako sa bakuran mo, ikukwento ko… hey, hope things are going well for you. 🙂

      Tugon

  5. Fan ako ni Mareng Winnie. Di siya mapipigilan sa pagsambulat sa kanyang napag-aralan at nalalaman(kapag napapanood ko siya sa TV). At tunay na malalim ang kanyang pinaghuhugutan ng kaalaman. Respetado kong tunay siya. Salamat sa mga detalye sa buhay ni Mareng Winnie.

    Ang parte sa lecture ng econ ay babalikan ko.

    Kompletos rekados itong iyong kuwento sa buhay-buhay ni Mareng Winnie. Minsan siguro papanoorin kong muli sa youtube ang kanyang mga videos.

    Maraming salamat sa pag-share.

    Tugon

    • hello, superlolo! wala pong anuman. may pagka-bombastic talaga si ma’am winnie as in, let’s go! ganyan sya madalas sa amin noon…

      btw, isa po sa references sa itaas ang youtube ng kanyang huling lecture. marami pa ho akong ibang kwento sa kanya pero sa ibang pagkakataon na lang siguro.

      kumusta po kayo?🙂

      Tugon

  6. Sana madaming ganyan sa gobyerno natin, hindi yung gumagawa ng batas sa anti-planking.

    Tugon

  7. hello, kiko! hwag mo nang pansinin ang mga politikong iyon, hwag mong basagin ang trip nila, pakiusap. ahaha, may mga ganoon talaga, pramis…

    kumusta ka? 🙂

    Tugon

  8. Hahanapin ko nga siya sa youtube. Hakhak. Salamat sa Marginal Utility, mas nakilala namin si Tita Winnie. Hakhak.😄

    Tugon

    • hello, batopik! ahaha, meron nang link dyan sa itaas (sa references) ang youtube ng last lecture ni prof. monsod. una sya sa listahan…🙂

      ala, alam mo bang dati pa akong tuwa sa gravatar mo? salamat at naligaw ka na at nag-comment, dito sa amin…🙂.

      Tugon

  9. ah pinapanood ko saya lagi sa Unang Hirit sa umaga habang naghahanda ako papasok walang palya yon hahaha magaling sya magsalita direct to the point sya lagi isa sya mga residents ng Unang Hirit sa GMA 7 yong “Hirit ni Mareng Winnie”
    😉

    Tugon

  10. astig, sana mabigyan din ako ng pagkakataon na makadaupang-palad (naks, haha) si Ma’am Monsod, ang cool siguro nya sa personal.

    busy ka talaga ah!^^

    Tugon

    • hi, aubu…:) oo, hindi naman imposibleng makadaupang-palad si ma’am. hindi naman sya istriktong by appointment na tao. pag nakasalubong mo sya at may itinanong ka sa kanya, kung di naman sya pasakay ng sasakyan o turn nya nang magsalita sa meeting o lecture, nakikipag-usap naman sya.

      para sya laging listo at pag feeling nya ay binobola mo sya, sasabihin nya sa ‘yo,hehe.. hindi ko sure kung busy pa talaga ako o nasanay nang busy kunyari..🙂

      Tugon

  11. super fan ako ni mam winnie pero di ko siya naging teacher dahil hindi naman kami nirequire sa aming course ng econ subject. pero dapat nirequire kami dahil sa kahit saang aspeto ng buhay, kelangan ang kaalaman tungkol sa ekonomiya. hay. ang required sa amin ay hum/socsci elective. yaiks. muntikan na akong magminor sa socio.

    kaya nung kinuwento mo dito si prof monsod parang lalo atang namagnify yung regret ko at di ako pilit kumuha ng econ subject under her. ang experience ko pati sa mga lecture halls ay sa NatSci at STS lang na parehong ginaganap sa College of Science. Yung mga ganito, tinutulugan ko rin lang kasi nga lahat ng exams ay dependent on the readings lang. kahit di ka magattend ng lectures, magbasa ka lang ng readings, solb na. ahahahah! ang sama ko. Tapos yung naging teacher ko pa e nagmomonologue. la siya paki kung nakikinig o natutulog ang mga estudyante. Awa naman ni Lord, pumasa naman ako sa mga subjects na yun kahit wala ata akong naintindihan. ahahahah!

    nakakatuwa ang trivia about prof monsod. lalo yung iced tea.

    And how I wish I could write about Prof Bobbie Malay, na isa sa mga favorite teachers ko noon sa mass comm. sadly tho, wala na halos akong matandaan tungkol sa kanya other than she was my newswriting teacher at napakabait at matiyaga niya lalo sa mga estudyanteng hindi magaling magsulat ng news tulad ko. hahahaha! Ay, nakakatuwa rin pala ang fashion statement niya. itanong mo pa sa sister mong si M.🙂

    Tugon

    • hello, kaye! naku, sayang nga at di mo naging teacher si ma’am winnie. nakakaaliw sya talaga bukod sa marami kang matututunan…

      ahaha! pareho tayo ng naging lecturers sa nat.sci na ginaganap sa cs audi. ang prof nyo sa nat. sci 1 (sa geology), ‘yon din ang prof namin. oks naman sya, si sir o., di ba? sa nat.sci2 (sa physics), yon din ang prof namin. makakatulog ka nga sa kanya kasi, sya ang unang nakakatulog (ng nakatayo) habang nagli-lecture, ahaha. si dr. _ (lalaki) yon.🙂

      sa sts, ang prof namin ay si dr. _ (babae), magaling naman sya. medyo matapang din but to me, she’s alright. sts lang ang subject nya sa college. puro ph.d. subjects na ang hinahawakan nyang iba. may post ako about STS, dekadente ang title, ahaha…

      oo, magaling si prof. malay. hindi ko alam kung paano sya mag-teach at mag-coach pero i have read several of her writings. ang linis nyang magsulat – simpleng malinaw ang istilo nya… parang ang usual nyang sabi ay pare it down sa pinaka-clear and barest essential. siya yata iyong istrikto sa punctuations…

      ang kakilala ko, medyo kaibigan, ang panganay nyang anak, yong babae. medyo barkada kami for about two years ‘ata… may ilan din kaming naging common friends. si prof. malay, i have met her a few times lang, di ko talaga kilala…🙂

      Tugon

  12. Posted by bursky on Setyembre 30, 2011 at 12:18 hapon

    never had her as prof. kasi naman wala kaming econ at di ako nag-econ as elective. haha. still, madaming nagte-take ng course niya as elective dahil iisa lang ang comment sa subject niya: “magaling si ma’am magturo”

    Tugon

  13. amen, bursky, amen. salamat uli sa pagdaan at pagbabasa.🙂

    btw, ba’t di clickable ang url/link mo dito sa comment?🙂 been trying to go to your site for almost two months na, di ko magawa, di na ako makabalik. will try again via google. atwit’send ang name ng site mo, di ba? ang dami ko na sigurong na-miss na posts doon…🙂 kumusta na?

    Tugon

  14. hello doon po sa amin… nabasa ako na ito last week naputol nga lang. hehehe

    gusto ko kasi talaga tutukan yung mga sini-share mong lesson sa economics. naaalala ko kasi noong high school, mataas ang grade ko dito. pero bakit ngayon, parang lumalabas na hindi. hahaha

    aaminin ko na hindi ko noon gusto ko si winnie monsod lalo na noong nadikit ang pangalan n’ya kay PGMA. feeling ko pati, buwakaw sya sa mic ni ka oca. hehehe pero noong paunti-unti nakikita ko yung effort niya na ipaunawa ang lagay ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanyang pagre-report, nag-iba na ang pagtingin ko sa kanya.

    tama talaga ang law of diminishing returns… na ginawa kong law of diminishing expectation (base sa isang interview kay Sen. Peter Cayetano). nagaganap sa akin ito pag nag-e-exam. sa una feeling ko magta-top ako pero habang papalapit na yong result kahit makapasa na lang. hehehe

    basahin ko pa ito ulit… economics 101

    Tugon

    • hello, hoshi! pasensya na, naghabol kasi ako sa bloghop kaya di agad ako nakasagot ng comments dito sa sariling bakuran, hehe…🙂

      hmmn… ano bang paliwanag ko ryan? sa HS econ yata kasi mas marami ay definitions pa lang ng econ. terms, hehe… pag sa college, mas mahirap nang intindihin dahil equation-based na, application ng calculus.

      calculus, bygawd! nai-imagine mo ba kung paano ako nangamote noon? ahaha… parang naintindihan ko na ang mga iyan noong sa work na – kailangan kong intindihin ang econ papers na binabasa ko, ahaha. na kailangan kong gawan ng report or summary pagkatapos, patatawarin…

      ah, hindi ko rin gaanong gusto ang pag-side nya sa prev. admin kaya lang, party dynamics na ang ganoon, eh. kailangan nya ng partidong magdadala sa kanya at sa plataporma nya. wala yatang slot para sa kanya ang oposisyon noon… yong sa Debate na parang sinasapawan nya si pareng oca, may pagka-ganoon sya eh, agressive, kumbaga. lista… pero hindi naman sya tipong ‘yong kanyang gusto lang ang masusunod at mananaig. nire-respect nya rin ang ibang point of view…

      tapos, prof. monsod wants na pag mag-a-argue ka, may backbone ang arguments mo. yown….

      ahaha, ano ‘yong kay sen. cayetano at paano ang konek sa takot sa exam result? diminishing expectation – ang kulit, ha. 🙂

      Tugon

  15. hindi ko pa nababasa lahat pero masasabi ko magaling talaga si “Ma’am Winnie”.

    Naalala ko tuloy yung interview niya kay Mikee Arroyo. Hehehe.

    Tugon

  16. gusto ko rin sya😀 sayang hindi man lang ako naka attend ng kahit anong live lectures nya. pero di bale na, sa youtube na lang.

    Tugon

  17. hello, ms. raqgold… salamat sa muling pagdaan.🙂

    ah, napapanood pa naman ho si Ma’am Winnie till now sa tv at sa youtube nga. medyo hawig naman ho ang kanyang salita at kilos sa tv sa totoong buhay. medyo mas mellow lang, ahaha…

    hope you and your family are ok. 🙂

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: