Posts Tagged ‘tubig-inumin’

Ang Kuluong

 

Kung ang tubig na gamit namin noon sa araw-araw ay iniigib mula sa artesian well at iniimbak sa mga drum at balde, ang tubig na inumin at panluto namin noon ay iniigib mula sa kuluong at iniipon sa mga tapayang Iloco.

 

image of rock boulders, borrowed from hkedcity.net

maraming malalaking bato sa amin/ hkedcity.net

Ang kuluong ay guwang o cavity sa isang rock boulder na pinalalim pa ng mga tao ang pagkaka-ukit. Ang rock boulders na matatagpuan sa mga bundok, bangin at agbang ay karaniwang nagpapawis ng tubig na malinis at puro. Upang ang mga pawis na iyon ay masalo at maipon, nilulugungan o pinalalalim pa ng mga tao ang maliliit na natural na guwang ng malalaking bato.

 

Ang  nilugungang butas ng kuluong ay hugis pabilog, korteng C o di kaya ay G.  Kahawig ito ng grotto, wala lang istatwa ng birhen sa gitna. Ang ibabaw at mga paligid nito ay puno ng mga halaman at lumot. Sa ibabang bahagi nito tumutulo at naiipon ang pawis na tubig – sariwa, malamig at manamis-namis.

 

Ang isang butas ng kuluong ay naglalaman ng halos isang drum na tubig. Tatlo hanggang apat na oras naman ang karaniwang itinatagal bago iyon mapuno. Pag taglamig at basa-basa ang paligid, sabay-sabay ang mga patak ng tubig sa loob ng kuluong. Nag-uunahan sila sa pagbagsak. Pag tag-init, paisa-isa lang ang patak. Magbibilang ka talaga.

 

Hindi lahat sa aming lugar ay may kuluong. Nagkataon lamang na ang isang bahagi ng lupang pag-aari ng lolo namin ay malapit na sa bundok kaya nagkaroon kami nito. Sa isang parte ng banging sakop ng nasabing lupa, nilugungan ng lolo namin ang dalawang magkatabing guwang na siyang naging pribadong kuluong ng kanyang pamilya, mga anak niya at mga apo.

 

image of narsmanang bending to get water from the cave

Kahawig ng tubig galing sa kweba ang tubig galing sa kuluong/ narsmanang.wordpress.com

Ang isang butas ng kuluong, kuhanan namin ng tubig panligo at panlaba. Ang kabila naman ay istriktong igiban lang ng tubig-inumin. Sa itaas noon, pirming may nakasabit na tabong gawa sa kawayan. Ang tawag doon ay supak. Ang supak lamang ang maaring gamiting pansalok ng tubig sa kuluong na iyon.

 

Matarik ang daan papunta sa kuluong. 55 degrees ang inclination ng mahigit isandaang metrong lupang babagtasin pababa para maka-igib. Madilim rin ang daraanan papunta roon. Mga huni lamang ng ibon at himig ng kuliglig ang maririnig sa paligid. Habang nagsasalok ng tubig, makakarinig ka ng mga nakakatakot na tunog galing sa malayo. Manaka-naka’y binabasag ang mga iyon ng ingay ng bumabagsak na bunga ng katmon. Na nakakatakot pa rin.

 

image of a rainforest in camiguin, borrowed from mukamo.com

masukal ang paligid ng kuluong/ mukamo.com

 

Di tulad ng pag-igib sa poso, hindi maaring baldeng bakal ang dala sa pag-igib sa kuluong. Ang kailangang lalagyan ng tubig dito ay may mahigpit na takip. Kaya ang gamit namin noon ay plastic containers, mga 5-gallon para sa matatanda at 1-gallon para sa mga bata.

 

Kung matarik at delikado ang pagbaba sa kinalalagyan ng kuluong, maganit at mahirap naman ang pag-akyat. At dahil basa na ang iyong paa at tsinelas sa pag-igib, mataas ang tsansang ikaw ay madulas. Ang siste pa nito, walang permanenteng hagdang batong maaring tuntungan. Manmade footpaths lang talaga ang daanan. Sa mga nakausling bato, ugat ng puno at maliliit na halaman ka lang maaaring mangunyapit – paakyat man o pababa.

 

Pag nasubukan mo nang umigib sa kuluong – na nakababa ka, nakapagpuno ng tubig, tagumpay mong naiuwi iyon nang walang tapon at nakauwi ka nang walang bali ang iyong katawan – masasabi mong walang sinabi ang mga reality challenges at reality shows sa kasalukuyan. Hamon ang pag-iigib ng tubig galing sa kuluong, maski para sa mga sanay.

 

image of ladies climbing mt. apo, borrowed from rosellechua.com

Pang-reality show ang hamong umakyat sa batuhan/ rosellechua.com/mt. apo

 

Trabaho ng mga lalaki sa kabahayan noon ang mag-igib sa kuluong para sa araw-araw na inumin. Kaming mga bata ay required lamang umigib doon pag araw na walang pasok. At, obligado rin kaming doon maglaba at maligo kapag weekends para makabawas man lang nang kaunti sa iigibin sa poso o tunggaan.

 

Sa aming magpi-pinsan, parang trip to the wilds ang pagpunta noon sa kuluong. Halos gubat na ang daraanan, matarik at madulas, madilim at sari-sari ang tunog, posibleng makasalubong ng musang, alamid o ahas at higit sa lahat, anumang oras ay maari kayong madisgrasya. Thrilled na thrilled kami, basta sinabi nang papunta kami sa kuluong.

 

image of callao cave from below, borrowed from panoramio.com

Kahawig nito ang punto de bista pag nasa baba ng agbang, sa may kuluong/panoramio.com/callao cave

 

Maraming beses muna kaming nadulas, nahulog, nagasgasan at nagsungaba bago namin nadiskubre ang art and science ng pag-akyat at pagbaba sa kuluong. Katagalan, na-master din namin. Nagka-karera pa kami – pabilisang makababa, unahang maka-akyat. Sino ang makakababa sa may kuluong nang di kumakapit sa halaman o bato, sino ang makaka-akyat galing doon nang di humihingal.

 

Hindi na gaanong gamit ang kuluong mula nang magkaroon ng water connection sa aming lugar. Marami sa mga batang sumunod sa amin sa pamilya ay di na nakaranas umigib o sumilip man lang sa kuluong. Isang tiyuhin ko na lang ang matiyagang doon pa rin kumukuha ng tubig-inumin hanggang sa ngayon. Ayon sa kanya, mas sariwa pa rin daw ang tubig ng kuluong kumpara sa iba-ibang klase ng purified water na ibinebenta sa kasalukuyan.

 

image of a rainforest creek, borrowed from travel.webshots.com

Sampong metro pababa mula sa kuluong ay may sapa o rainforest creek na hindi buong taong may tubig/ travel.webshots.com

 

 

*Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-18 ng Nobyembre, 2010 para idagdag ang mga larawan sa post.

 

// Nagawang pinal ang artikulong ito salamat sa  inputs ng pangalawa at ng pinakabata kong kapatid.//