Posts Tagged ‘sino si may 11?’

Si May 11

image of a desk calendar

Minamarkahan natin ang mahalagang araw/mabryonline.org

 

Mas bata sya laging tingnan kaysa sa totoo nyang edad. Maliit siyang ale, maitim, balingkinitan at mahusay magdala ng sarili. Matipid siya sa salita pero palakaibigan. Ipinagdiriwang nya ang kanyang kaarawan tuwing ika-11 ng Mayo.

 

Galing siya sa maykayang pamilya at pinalaking maalwan ang buhay.  Siya ang bunso sa pitong magkakapatid. Mahal na mahal sya ng mga kapatid nya kahit pa apat sa kanila ay half-siblings lamang niya.

Sa edad na 16, ipinakasal siya sa isang mestisong taga-bukid na taga-kabilang probinsya. Pitong taon ang kanilang agwat. Sa liblib na baryo sila tumira, sa lugar ng napangasawa niyang hindi naman nya boyfriend. Doon sa amin. Sampo ang kanilang naging anak. Si May 11 ang aming ina. Inay ang tawag namin sa kanya. Hindi siya katulad ng ibang nanay.

 

Hindi niya ihinahanda noon ang aming mga susuutin sa umaga, hindi niya kami ipinaglalaba at hindi niya sinusulsihan ang aming mga sirang damit – hindi siya marunong at hindi siya natuto.

Hindi rin siya ang naglilinis ng bahay at naghuhugas ng pinggan. Bihi-bihira lang kung siya ay magluto. Ang mga luto nya, madalas ay masarap naman pero inihanda sa paraang ala-tsamba o maskipaps…

 

Ang aming Tatay ay mangangalakal, madalas ay nasa byahe sya. Ang aming Inay ay busy lagi sa kanyang mga trabaho. Kaming mga anak mismo ang gumagawa sa bahay at nag-aasikaso sa mga gawain. Hindi nakikialam ang nanay namin, si May 11, sa pagpapatakbo ng household.

Marami siya laging trabaho at duties sa labas. Isa siyang social worker, cathechist, trainer sa mga seminar at mentor ng napakaraming mga bata sa aming bayan. Nagbebenta rin siya at nag-a-ahente ng Tupperware, Avon at kung anu-ano pa. Ang dami niyang naturuan pero ni minsan, hindi niya naturuan ng assignment ang sinuman sa kanyang mga anak.

Bago pa man bumangon ang lahat sa bahay, nakaligo na si May 11. Naka-lipstick na sya at naka-make up. Handa na siyang humarap sa publiko. Lagi siya noong may pupuntahan at kapag nasa bahay naman, sunud-sunod ang mga taong dumarating at hinahanap sya.

 

Sa liblib na baryong ikinukwento ko sa inyo, lutang si Inay namin. Una, ang karamihan sa mga nakatira roon ay mestiso’t mestisa kahit pa nga sila ay mga batak sa gawain sa bahay at sa bukid. Si May 11 ay maitim, medyo pango at walang alam na gawain. Sanay siyang siya ang sinisilbihan.

Pirmi si Inay  nakasapatos doon sa lugar na iyong maputik at uso pa ang nakayapak. Lagi siyang bihis na bihis at poised kung kumilos at maglakad. English kung kami ay pagalitan niya noon. Ang paborito nyang expression,  “Nonsense!” Madalas namin sya noong nakikitang naggagawa ng lesson plan, nagbabasa o kaya ay nagsusulat. Sanda-sandali lang syang makikitang nasa kusina.

 

Sandali o matagal man si Inay nawala sa bahay, malayo o malapit man ang kanyang pinuntahan, parati siyang may pasalubong. Pwedeng iyon ay tinapay, nilagang mais, tsitsaron o kung anuman. Basta, lagi syang may pasalubong. Noong mga bata pa kami, siyempre, madalas ang awayan sa hatian. Hanggang sa magka-apo na si Inay, nagpapasalubong pa rin sya – mas dumami na nga lang ang kanyang pinapasalubungan.

Si Inay ay palangiting akala mo ay laging handang magpakuha ng larawan. Madalas, ang suot nya ay bestidang orange o pula. Hindi sya katulad ng mga manang na ka-miting nya sa parish hall tuwing Linggo. Sa mga pagtitipon, madalas siyang hinihilingang kumanta dahil kaboses nya si Nora Aunor.

Very creative sya. Mahusay siyang mag-drowing at gumawa ng kung anu-ano galing sa mga bagay na karaniwan lang makikita sa paligid. Ang aming flower vase, kurtina at ang mga suluk-sulok ng bahay ay lagi nyang inaayos sa maarte at charming na paraan. Bilib rin kaming mga anak  sa bilis at husay niya sa gift-wrapping. Ang sala namin, iniiba nya ang ayos kada linggo.

 

Si May 11 din ang mahusay magsulat sa pamilya. Madalas siya noong inuusap magsulat ng plays sa iba’t ibang eskwelahan sa aming bayan. Kung minsan, siya na rin ang director. Ang galing nyang gumawa ng fiction – parating original ang kanyang storylines.

Ang weird sa kanyang pagsusulat, wala siyang pakialam sa punctuations – ang tuldok ay maaaring kuwit at ang kuwit ay maaaring tuldok. Pero lagi, malinaw pa rin at ang sarap basahin ng kanyang sulatin. Dalawa sa mga kapatid ko ay nag-aral ng Journalism at ako nama’y pagsusulat ang naging trabaho sa kalakhan. Pare-pareho kaming aminado – si Inay ang totoong writer.

 

Marami sa mga naging kaibigan ng Inay ay mga maykaya at kinikilala sa aming lugar. Hindi namin ito gaanong maintindihan, pakiramdam namin ay napaka-trying hard naman ng aming nanay.  Sa kabilang banda, siya rin iyong tipong mahilig magpakain ng mga tao kahit pa bibihira namang sumusobra ang pagkain namin at ang hilig nya ring mag-ampon. Madalas nangyayari iyong pag-uwi namin sa hapon, may bago kaming kapatid na tila baga kakaunti pa kaming mga anak nya.

Isa syang taong simbahan at malapit sa maraming mga madre at pari sa aming probinsya. Pero, hindi nya ni-require ang mga anak nyang magsimba pag Linggo. Nagtatanong lang sya kung mayroon sa aming gustong sumama. Ang required nya sa amin noon ay ang Angelus pagtuntong ng  alas-sais, Rosaryo sa pagitan ng alas-siyete at alas-otso at, ang sama-samang pagbabasa ng isang kwento sa bibliya bago matulog.

 

Ang madalas nilang pag-awayan ni Tatay noon ay ang pag-aaral ng mga anak. Ang tingin ni Tatay at ng angkan nila, kalabisan ang mag-kolehiyo. Hindi pumapayag ang Inay namin. Para sa kanya, lahat nyang anak ay kailangang makatuntong sa college, may pera man o wala.

Noong magsipaglakihan na kaming mga anak nila at nalaman na namin ang background ni Inay – malaki ang bahay nilang katabi ng munisipyo, apat ang kalesa sa silong nila at may personal pala siyang yaya hanggang sa mismong araw na siya ay ikinasal – tinanong namin siya, siyempre.

Bakit siya nagtiis sa ganoong kalayong lugar at ganoong kahirap na buhay? Hindi ba sya maaring bumalik sa kanyang ina o sa kanyang kuyang kapwa mayaman pa noong araw? Ba’t nya pinilit makipamuhay sa mga tao doon sa amin gayong mayro’n naman sigurong ibang alternative?  Ang sagot niya lagi – kasi ay may mga anak siya.

 

Kung anong talas mag-isip ni Inay, ganoon rin naman siya ka-subjective, lalo na pagdating sa kanyang mga anak. Numero uno syang kunsintidorang ina at laging handang gumawa ng script para pagtakpan ang kasalanan ng isa nyang anak sa mga iba pa. Parating malapit ang loob nya sa sinumang anak nyang madalas gumawa ng kabalbalan.

Pero ang natatandaan kong mga payo nya, simple lang: una, huwag umalis ng bahay nang di kumakain; ikalawa, matulog ng maaga at ikatlo; huwag i-lock ang pinto ng banyo pag naliligo para sakaling madulas ay madaling matutulungan. Ang panghuli nyang payo ay para sa mga kapatid kong may-asawa – ingatan ang kalusugan habang bata pa ang mga anak.

 

Noong pumanaw na ang Tatay namin, halos sa panahon ring iyon binitawan ni Inay ang formal duties nya sa parish ng aming bayan. Tuluyan na syang pumirmi sa kalapit na lungsod. May hinahawakan pa rin siya noong day care, ibang day care lang. Pero bahagya, nabago na ang kanyang buhay – nabawasan ang lakad-lakad, malapit na sa sentro at mas madali na syang napupuntahan ng kanyang mga anak.

Katagalan, naipagpagawa si Inay ng malaki-laking bahay ng nakatatanda naming kapatid.  Semi-retired na sya noon. Pati, day care, nai-give up nya na. Nagtu-tutor na lang sya ng mga bata. Lumalabas na lang sya noon kasama ng mga kaibigan at nanonood ng sine sa unang mall doon sa lungsod. Bumibili ng mga pagkaing gusto nya. Sa panahong iyon, napansin naming nangangayayat siya.

 

Ayaw nya sa doktor, ayaw nya sa ospital at ayaw nyang uminom ng gamot. Ang katwiran nya, hindi naman sya nagkakasakit maliban sa sakit ng ngipin. Na sa isang banda, totoo naman.  Sinabi naming magkakapatid kay Inay na colon cancer ang sakit nya. Pero, hindi namin sinabing Stage IV na. Sa pagkaalam ko, ipinaalam naman sa kanya ng kanyang espesyalista kasi, may isang tsek-up kaming hindi ako pinapasok sa inner room. Si Inay lang at ang doktor ang nag-usap.

Si Inay, ang ikinukwento nya sa mga dumadalaw at kumakausap sa kanya, Stage II lang daw. Hindi na namin siya iwinawasto. Siguro, iyon ang gusto niyang paniwalaan at panindigan. Halos tatlong taon kaming labas-masok sa ospital, mahigit dalawang taon siyang nag-chemo therapy at dalawang beses siyang na-operahan. Bandang huli, nag-pain management sessions na kami.

Matapang siya. Nagta-taxi lang kami noon pa-ospital pag nagki-chemo. Bihis na bihis pa rin si Inay lagi. Ang sabi ng kanyang surgeon, si Inay raw ang pinakamakisig nyang pasyente. Terno lagi ang suot nyang sapatos at bag, madalas ay naka-coat siya at ang itsura nya ay para laging a-attend ng conference. Dumadaan kami lagi sa CR bago at pagkatapos ng sessions, sinisigurado nyang ayos na ayos ang kanyang mukha at buhok.

 

Sobra syang vain pagdating sa buhok. Sa buong panahon ng kanyang pakakasakit, iyon ang natatandaan kong mahirap – pag araw na gusto nyang mag-shampoo. Maligalig siya noon. Major production ang pagsa-shampoo, mas big deal pa kaysa sa chemo.

Karamihan daw sa nagki-chemo, nalalagas ang buhok. Hindi ang kay Inay. Nag-umpisa lang manlaglag ang buhok nya tatlong araw bago sya pumanaw. Hallucinating na lang sya ng panahong iyon kaya hindi nya nalaman. Mabuti na lang. Dahil kung alam nya, sigurado ako, it would have killed her.

 

Katulad ng sa ibang nagkakaroon ng gayong sakit, pneumonia ang kagyat na sanhi ng kanyang pagkamatay. Inakala naming magkakapatid na mas magtatagal pa ang kanyang buhay. Marami pa kaming mga plano para sa kanya. Marami pa sya noong mga regalong hindi nabubuksan.

Sa  aming pamilya, si May 11 ang palaging punctual. Sa paminsan-minsang huli siya sa pupuntahan, iyon ay dahil sinadya nya. Kaya nya ang drama ng pagiging fashionably late. She was one for dramatic entrances and quiet exits. Parang ganoon na lang namin tinitingnan ang kanyang pag-alis sa mundo. Hindi siya ang tipong mag-o-overstay ng kanyang welcome.

 

Pagkatapos ng siyaman, binalikan ko ang mga kamag-anak at kaibigan ng Inay. Humigit-kumulang, pinilit kong i-trace ang mga tao at bagay na mahahalaga sa kanya. Saka ko, namin, nalamang totoo naman pala ang pakikipagkaibigan sa kanya ng mga mayayaman at kilalang tao, na hindi naman pala siya itinuring na iba ng mga iyon. Totoong natutuwa at nagigiliw sila sa ina namin at hindi ang mga iyon one-way relationships.

 

Inayos ko rin ang mga papeles at dokumento nya – claims, benefits at iba pa. Ganoon rin, ang kopya ng marriage certificate nila ni Tatay at ang birth certificate ng Inay. Wala kaming hawak ng mga iyon. Hindi rin available sa NSO.

Pinuntahan ko ang ilang mga probinsya at bayan. Marami -rami ring mga tawag, pagtatanong at byahe muna bago ko natagpuan ang mga hinahanap. Doon sa dalawang dokumento, pareho ang nakasulat – ang aming Inay ay ipinanganak noong ika-11 ng Abril, 1940 – isang taon at isang buwang una kaysa sa ika-11 ng Mayo, 1941 na sya naming alam na magkakapatid.

Ang reaksyon namin? Una, “She has put one over us! Again!”.  Ang sumunod, “Well, that’s just like her…”. Ang panghuli, “Si Inay, talaga…”.

 

* Belated Happy Mother’s Day kay May 11! Maligayang kaarawan sa ‘yo, Inay. 🙂