Posts Tagged ‘rural life in the ’80s’

Baka Sakali

image of young chickens in the backyard, borrowed from t0.gstatic.com

Hindi sila mahirap alagaan/abc.net.au

 

Sa amin, may mangilan-ngilang pamilyang may malalaking manukan at babuyan. Pero, higit na marami sa mga taga-roon ang may alagang ilang ulo lang ng manok at baboy sa bakuran. Sila ang mga binabanggit kong may mararami ring tanim na gulay at halaman sa paligid ng bahay. Kadalasan noon sa amin, ang isang kabahayan ay may alagang lima hanggang isang dosenang manok na nangingitlog. Karaniwan din dati, ang mga magtatanim o magsasaka roon ay may alagang dalawa hanggang limang baboy sa kani-kanilang bakuran.

 

image of chickens foraging for food, borrowed from t2.gstatic.com

Maghapon silang naghahanap ng matutuka /ruffledfeathersandspilledmilk.com

 

Pag araw, ang mga manok ay gumagala lamang sa loob ng bakuran. Tinutuka nila ang bawat masinong pagkain, pati maliliit na bato. Sa umaga at sa hapon, hinahagisan sila ng maybahay ng mga tirang kanin, sapal ng niyog o ng mga durog na butil ng mais. Pagsapit naman ng takip-silim, sila ay humuhimpil sa kanilang mga pugad. Ang pugad ay gawa sa nilalang kawayang tila basket at may sapin sa loob na mga dayami. Doon iniluluwal ng mga manok na inahin ang kanilang mga itlog. Doon din nila nililimliman ang mga iyon ng kung ilang araw, hanggang sa ang mga itlog ay maging ganap na mga sisiw.

 

image of fresh chicken eggs, borrowed from t1.gstatic.com

Dumarami rin pag pinagsama-sama/offtheurbangrid.com

Ang mga alagang manok ay default source ng pang-ulam ng mga tao sa amin. Ang mga itlog ng dalawa sa alagang inahing manok ay para sa konsumo ng nag-aalaga at kanyang pamilya. Ang ibang manok naman, ang mga itlog ay iniipon para ipagbili. Karaniwan din pala sa aming pag nagkakabisita, ang panauhin ay hinahainan ng maybahay ng tinolang manok o sinuam na itlog. Anupa at galing iyong munting handa sa mga manok na naroroon sa likod-bahay.

 

Ang mga alagang baboy sa amin ay nakakulong sa kwadradong istrukturang nasa loob din ng bakuran. Karaniwang gawa iyon sa semento, kahoy at yero at may katabing daluyan ng dumi. Ang tawag sa amin doon ay kural o pigsty. Mga labindalawang metro mula sa bahay ang karaniwang layo ng kural para di gaanong maamoy ang dumi nitong mga hayop.

 

image of pigs inside the pigsty, borrowed from t2.gstatic.com

Mabibilis silang magsilakihan /article.wn.com

 

Ang mga baboy ay pinapakain ng dalawang beses sa maghapon. Maaring ang pakain sa kanila ay kombinasyon ng darak at nilagang laman ng gabi. Kung may badyet naman ang nag-aalaga, at pag gusto ring maibenta nang mabigat ang timbang ng baboy, ang pakain sa kanila ay ang nabibiling livestock feeds. Pinaiinom din sila ng tubig tatlong beses isang araw. Araw-araw naman ang pagpapaligo sa kanila, pati ang paglilinis ng kanilang kulungan.

 

Ang isa sa mga alagang baboy ay kadalasang naka-reserba sa handaan – para sa pista o sa pagtatapos ng anak.Ang dalawa naman ay pinapalaki bilang inahin o paanaking baboy. Pagkalabas ng kanilang mga biik, ipinagbibili ang mga iyon bilang alagain o piglet. Ang iba pang baboy ay pinapalaki naman para katayin at ibenta ang karne ng por kilo sa mga kahanggan o kapitbahay. Ang pagbebenta ng biik at pagkakatay ay para maragdagan ang salapi ng pamilya at makaagapay sa mga gastusin. Mahalaga ang dagdag na kita mula sa pag-aalaga ng hayop sa amin, lalo na sa panahong walang ani.

 

sketched image of pig to be slaughtered, borrowed from /t1.gstatic.com

Pana-panahong may katayan sa amin /ifood.tv

image of piglets, borrowed from t2.gstatic.com

Ibinebenta sila para palakihin din /zimbio.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Sabi ko nga, ang animal husbandry ay regular feature ng mga bakuran doon sa amin. Pero sa karamihan, hindi sa scale na malakihan o mass production. Maliitan ang pag-aalaga ng mga hayop para sa pansariling konsumo at sa limitadong antas, para pambenta sa komunidad mismo. Malayo ang lugar namin noon sa pamilihan. Isa pa, wala ring gasinong pera ang mga tao sa amin para regular na makabili ng karne. Kahit pa halos lahat doon ay may alagang hayop, isang beses kada dalawang buwan kung makakain ng karne ang mga taga-amin. Madalas na iyon, kung tutuusin.

 

Supplemental source of income ang mga alagang hayop sa mga nasa liblib na lugar na bihirang dalawin at ikutan ng pera. Ang siste nga, backyard farming of animals ang laganap. Noong ‘80s, ilan lamang sa amin ang may kakayanan at naglalakas-loob mamuhunan at gumamit ng teknolohiya para sa large-scale, industrial poultry and hog-raising. Sa panahon ding iyon, wala pang maayos na kalsada. Pahirapan pa ang paglalabas sa baryo ng mga produktong pambenta. Papunta mang bayan o lungsod.

 

image of a jeepney filled to the brim, borrowed from t0.gstatic.com

Papunta at pabalik, umaapaw /theinfomine.com

 

May ilan lang noong nag-aalaga ng mga pato at itik doon sa amin. Kailangan daw kasi ng mga ibong ito ng sariling lupang lakaran at tukaan ng pagkain. Naninira rin daw sila ng mga pananim kaya hindi paborableng alagaan sila sa komunidad na taniman. Isa pa, wala ring pagkukuhanan sa amin ng mga pinong susong  paboritong kainin ng mga pato at itik. Kung may ilan mang nag-aalaga sa kanila roon sa amin, kadalasan iyon ay bilang pets lamang.

 

Noon, may ilan-ilan ring nag-aalaga ng mga kambing sa aming nayon. Pero, ang mga may-ari noon, hirap i-sustina ang kanilang mga alaga. Kakaunti na noon pa ang mga bakanteng lupa sa aming maaring patubuan lamang ng damo para sa mga hayop. Ang mga may alagang kambing ay obligadong ipastol sila sa gawing gubat at bundok para roon manginain ng sariwang damo.

 

image of goats grazing by the slopes, borrowed from t0.gstatic.com

Kailangan silang ipastol /article.wn.com

 

Sa amin, walang nag-aalaga ng kalabaw. Hindi raw angkop ang klima ng aming lugar para sa kanila. Wala roon sa aming tubigan at ilog na maaaring pag-lubluban ng mga hayop na ito pag sila ay naiinitan. Sampong taon na yata ako nang una akong makakita ng totoong kalabaw – buhay at malapitan. Bago iyon, kilala ko lamang ang ating pambansang hayop sa mga larawan nito sa libro at sa mga lumang pelikula nina Gloria Romero at Luis Gonzales na palabas sa telebisyon. Ang karaniwang katuwang ng mga magsasaka sa amin ay ang hayop na baka.

 

image of a cow grazing, borrowed from t2.gstatic.com

Malaking klase ng hayop /wn.com

 

Mahirap daw mag-alaga ng baka, sabi ng mga nakaranas ng gawaing iyon. Malaking hayop ang baka at maraming kailangan para ito ay maalagaan nang husay, lalo pa kung gamit sa sakahan. Marami-rami pa noong mga taniman ng palay at mais sa amin kaya, marami pa rin ang may mga baka. Dahil ang mga hayop na ito ay mababagal lumakad, hindi praktikal na dalahin sila sa gubat para roon manginain ng damo. Hindi rin naman sila maaring iwan sa mga dahilig ng bundok dahil baka manakaw. Ang ginagawa ng mga taga-amin, ipinangungumpay ng damo ang mga alagang baka.

 

image of women on the way home from gathering grass, borrowed from t1.gstatic.com

Bitbit sa likod ang ginapas na damo para sa hayop /article.wn.com

 

Maagang-maaga pa lang, ang isang anak ng magsasaka ay may bitbit nang kaing sa likod para pumunta sa gubat at doon mangumpay ng damo. Inaabot ng dalawang oras ang pangungumpay, kasama na ang pagpunta at pagbalik sa kumpayan. Kailangan ding igiban ng maraming tubig ang mga baka. Dalawa hanggang tatlong timba ng tubig ang iniinom ng hayop na ito. Mga apat hanggang anim na baldeng tubig naman ang kailangan para sa paligo ng isang baka pa lang.

 

Kung iisipin, hindi biro ang mag-alaga ng baka. Libong piso na ang puhunan sa pagbili ng bisirong baka, high maintenance pang alagaan. Sa lugar naming pahirapan sa damo at sa tubig, sakripisyong maliwanag ang mag-alaga sa kanila. Pero, marami nga sa amin noon ang may alagang baka. Alinman sa para sila ay katulungin sa pagtatanim sa bukid o, kaya ay para palakihin bilang hayop na pambenta.

 

image of a farmer and his cow walking, borrowed from t3.gstatic.com

Dapat laging may bantay ang hayop na ito /travbuddy.com

 

Sakaling ang mga alagang baka ay hindi manakaw, sakaling hindi sila magkasakit – ang kita mula sa matagalang pagpapalaki sa kanila noon ay nakalaan para sa mga nag-aaral na anak. Kung sa pamilya ng magtatanim ay may anak na makatapos ng pag-aaral, baka sakaling maiba-iba ang buhay ng mag-anak.

 

image of a child and cows, borrowed from t3.gstatic.com

Maraming oras ang kinakain ng pagpapastol sa kanila /jpgmag.com

 

Kung may alagang baka, kahit paano, baka sakali…


Please see:

 

For raising chickens:

http://ldc.da.gov.ph/pdf_files/Brochures/poultry1.pdf

http://www.mixph.com/2006/04/chicken-poultry-raising.html

http://www.pinoybisnes.com/livestock-business/poultry-raising-guide/

 

For raising pigs:

http://www.da.gov.ph/dawebsite/swine.pdf

http://pinoyagribusiness.com/forum/swine/proper_feeding-t137.0.html

http://www.lrrd.org/lrrd15/6/fani156.htm

http://www.bar.gov.ph/news/native_swine.asp

 

For raising cows:

http://www.bar.gov.ph/agfishtech/livestock/cattleproduction.asp

http://hubpages.com/hub/Raising-Cattle-in-the-Philippines

http://ldc.da.gov.ph/pdf_files/Brochures/backyard-cattle.pdf

http://pinoyagribusiness.com/forum/backyard_cattle_raising

http://www.fao.org/Ag/agp/agpc/doc/publicat/GRASSLAN/97.pdf

 

* Huling binago ni DPSA noong ika-21 ng Enero para palitan ang salitang seashells ng katagang mga pinong suso.

 

Sabong Mabaho

 

Image of Mr. Clean, a famous detergent a few decades ago

Si Mr. Clean ay isang sikat na imahe ng sabong panlinis noong araw/ en.wikipedia.org

Sabong mabaho ang tawag namin noon sa sabong baretang ginagamit panlaba. Ang tawag naman namin sa sabong panligo, sabong mabango. Sa science subject, matututunan kong ang karamihan pala sa sabong panlaba, gawa sa taba ng hayop o animal fat. Habang ang sabong panligo naman, gawa pala sa vegetable oil.

 

Bakit sabong mabaho ang tawag? Ito ang ipinagtataka ko dati. Kung mabaho ang sabong ito, bakit ginagamit ng mga taong panlinis ng damit? Panlinis din ng pinggan, kaldero, lababo at mga pasamano. Wika ko noon, paano nakakalinis ang bagay na mabaho?

 

Ang ginawa ko, inaamuy-amoy ko nga itong sabong mabaho. Medyo mabaho nga. Medyo malansa. Kaya pala kako, sabong mabaho.

 

 

Dati, may katapangan ang timpla at lalo na, ang amoy, ng sabong panlaba. Di gaya sa ngayong gentle na ang amoy ng mga sabong bareta. Halos simbango na rin nga sila ng sabong pampaligo at may mga scents pang kalamansi, lemon, sampagita at iba pa. Hindi na exactly, mabaho.

 

Superwheel, Champion, Mr. Clean, Ajax, Ola, Perla at Tide ang mga kilalang brands ng sabong panlaba noon. Lahat sila ay detergent o sabong panlinis. Ang anyo nila ay bareta. Lahat sila, kulay asul, maliban sa Ola na kulay pink at sa Perla na off white. Lahat sila ay tinatawag doon sa aming sabong mabaho.

 

image of women using tide for their laundry, borrowed from francisanderson.wordpress.com

Ginagamit ng middle at upper classes sa pilipinas noon/ francisanderson.wordpress.com

 

Mayroon na nga rin palang pulbos na detergent noon, ang Tide at Breeze. Hindi sila gaanong gamit sa amin sa dahilang sila ay mas mahal. Sabong panlinis rin ang mga ito. Pero, hindi ako sigurado kung sabong mabaho rin ang turing sa kanila ng mga taga-amin. Ang pagka-intindi ko sa pagkaintindi ng mga tao roon – pag sabong mabaho, sabong bareta.

 

Noon, ang sabong mabaho, di lang ginagamit ng marami sa paglalaba. Sabong panligo na rin ito para sa mga kapos ang  badyet. Double purpose, ika nga. Pagkatapos maglaba sa poso ng isang taga-roon sa amin, liligo na rin siya. Ang natirang sabong ipinanlaba, siya niyang gagamiting panligo. Pereho ngayong malinis ang nilabhan at ang naglaba. Pareho silang amoy- sabong mabaho. 😉

 

Matigas at magaspang ang sabong mabaho. Pag ginamit mo ito sa buhok, titigas ang mga hibla nila at magkakaroon ng split ends. Pag sa katawan, magiging kaliskisin naman ang iyong balat.

 

 

Hindi naman sa wala kang pagpipilian noon. Mayroon din. Kung may pambili ka, bili ka ng shampoo. Meron na noong Gee (Your hair smells terrific), Kao Feather, Palmolive, Johnson’s (No more tears), Selsun Blue at Wella Balsam. Wala na sa ngayon dito sa Pilipinas ang Gee, Kao Feather, Selsun Blue at Wella Balsam, mga produktong sikat noong ‘80s, kung kelan uso ang malago at wavy na buhok.

 

Kung wala ka namang pambili ng shampoo at ayaw mong manigas ang iyong buhok sa kagagamit ng sabong panlaba, pwede kang gumamit ng gugo.

 

Image of gugo, barks of plant rolled upon, used as traditional shampoo

Tradisyunal na shampoo. pinipigaan ng kalamansi/ d-i-y-love.blogspot.com

 

Ang gugo ay pinitpit na balat ng halamang gugo. Ibinababad ito sa tabo ng tubig. Ang pinagbabarang tubig ay kinakanaw at kadalasan din, pinipigaan ng kalamansi. Ito ngayon ang  gagamiting pang-shampoo. Sabi ng matatanda sa amin, nakakapagpaganda raw ito ng buhok at walang harmful chemicals. Kaya, sikat rin naman noon ang gugo, sikat sa mga kadalagahan doon sa amin.

 

Kaming mga bata, mas gusto na namin ang sabong mabaho. Bumubula ito habang ikinukuskos sa ulo. Kaysa naman sa healthy na gugong madamot bumula. Kaya madalas, ayon at amoy Superwheel ang mga ulo namin. Naasiwa tuloy kami kung may dumarating na taga-Maynila at pinaghahahalikan kami. Ang babango namin, amoy-sabong mabaho. 😉

 

Marami na ring sabong mabango ng panahong iyon. Mayroon noong Irish Spring, Lifebouy, Dial, Johnson’s,  Camay, Lux, Blossoms, Palmolive, Safeguard, Ivory at Heno de Pravia. Wala na sa ngayon ang  Lifebouy, Camay at Lux na brands. Ganoon din ang mahinhin ang amoy na Blossoms.

 

image of Lux soap, borrowed from alibaba.com

ang lux soap ay isang kilalang uri ng sabong mabango/alibaba.com

 

Paminsan-minsan, ang mga pamilya namin ay nakakabili nitong sabong mabango. Excited na kami pag alam naming sabong mabango ang aming gagamitin. Ang sarap kaya ng pakiramdam pagkatapos maligo at ikaw ay amoy Lifebouy o Irish Spring? Pakiramdam namin noon, kami iyong bata sa commercial na binabalutan ng tuwalya ng nanay pagkalabas sa shower. Totoong mabango, di amoy-sabong mabaho. 😉

 

 

Naaalaala mo ba ang paulit-ulit na exhibition ng mga medyas at kuwelyo ng damit sa mga patalastas? Iyon iyong mahigpit at mabangis na labanan ng sari-saring brands ng sabong bareta sa mga nagdaang taon. Kada anim na buwan, may lumalabas na new and improved (pangalan ng sabon). Pagkatapos, ang susunod naman ay new and advanced (pangalan ng sabon). Hanggang sa umabot sa kasalukuyang ang sabi naman ng ads ng sabong panlaba ay germ-free sila at total power ang dala nilang kalinisan.

 

image of a white polo shirt, borrowed from smartpakequine.com

larawan ng isang malinis na polong puti/smartpakequine.com

 

Pero paano nga ba nakakalinis ang isang mixture na mabaho ang amoy? Simple lang pala ang sagot. Wala sa amoy ang cleaning power ng isang produkto kundi nasa cleaning properties nito. Ang mga bleaching detergents sa ngayon, halimbawa, karamihan ay amoy asido at mabaho pa rin. Pero, mabisa silang panlinis. Ang karamihan naman sa mga shampoo na gamit natin sa ngayon, kahit anong babango pa, may ingredients na kapareho ng sa detergent bars and liquids. Ang kaibahan lang, mayroon na ngayong conditioner na nagbabalik daw ng natural oil sa nawalang langis sa ulo at buhok natin.

 

Pero mabalik tayo sa brand wars ng sabong bareta. Sa pagdaan ng mga taon, tila unti-unti nitong napaganda ang klase ng mga nabibiling bareta. Nabawasan ang tapang ng kanilang timpla, gayon din ang sa mga pulbos at likidong panlinis at panlaba. At gaya nga ng nasabi ko na, mababango na rin ngayon ang mga sabong mababaho.

 

Unti-unti, binura ng mga patalastas sa bokabularyo ng mga tao ang katawagang sabong mabaho. Inalis ang stigma na nakakabit sa paglapat ng detergent sa balat ng tao.

 

a child being bathed, poster of foster child movie, borrowed from clickthecity.com

imahe ng isang batang Pilipinong pinapaliguan/clickthecity.com

 

Iyon lang – kung kailan bumango na ang sabong mabaho, saka naman kumaunti ang gumagamit nito bilang shampoo at bilang sabong pampaligo. 🙂

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-13 ng Nobyembre, 2010 para  idagdag ang mga larawan.

Usong Yari ng Bahay

image of a cement house and backyard, borrowed from article.wn.com

Likuran ng isang bahay na may maluwag na bakuran/ article.wn.com

 

Kwadrado rin ang karaniwang hugis ng bahay noon doon sa amin. Kung minsan naman ay parihaba. Kadalasan, bungalow style ang yari. Mga 60 hanggang 120 metro kwadrado ang sukat, depende sa budget ng magpapagawa at sa dami ng titira. Karaniwang gawa ito sa hollow blocks, semento, kahoy at yero. Karaniwan din, walang pinta.

 

Kadalasan, maliliit lang ang bahay noon doon sa amin. Pero, malalaki ang bakuran. Ang floor area ng bahay ay karaniwang isangkatlo o isangkapat lang ng laki ng bakuran. Uso rin noon ang may balkonahe o front porch na napapalibutan ng mga balustreng yari sa semento o ceramics.

Di uso noon ang bahay na totally enclosed. Uso ang may bakod pero madalas, gawa iyon sa kahoy at may mga siwang sa pagitan. Kung minsan naman, yari sa chicken wire. May ilang bahay na noong semento na ang bakod, pero mababa lang – hanggang beywang lang o hanggang dibdib. Kailangan ay may bakod lang, pero kita pa rin ang bahay at ang loob ng bakuran.

 

image of a Filipino house with cement fence, borrowed from flickr.com

Mayroong bakod pero kita pa rin ang bahay at bakuran/ flickr.com

 

Kung ang may-ari ng bahay ay may sasakyan – lumang kotse, bagong pamasadang jeepney o assembled owner-type jeep – may isang bahaging katabi ng bahay na nagsisilbing garahe. Mayroon iyong bubong pero kadalasan, wala ring sarahan.

 

May pagka-standard ang yari ng mga bahay noon sa amin. May balkonahe,  may sala, may dalawa o tatlong silid-tulugan, may dining room at may dirty kitchen. Sa labas ng bahay, kadugtong ng dirty kitchen, maaaring may isa pang kalang ginagamit pag may handaan o pag may pagkaing pakukuluan ng matagal. Mga sampong metro ang layo mula sa kalan, may palikuran sa labas na kung tawagin, doon sa amin, kasilyas.

image of an outhouse, borrowed from fotosearch.com

Dito dumudumi ang mga tao/ fotosearch.com

 

Ang kinasanayan sa amin noon, ang main door at ang back door lang ng bahay ang may saraduhan o kumpletong locks. At, isinasara lang ang mga ito talaga sa gabi, pag matutulog na ang lahat. Ang ibang bahagi ng bahay, halimbawa, ang pintuan ng mga silid-tulugan, walang pinto. May pintuan, pero walang pinto. Ang mayroon lang sila ay kurtina o tabing.

Hindi gaanong concern sa amin noon ang security ng bahay at ang privacy ng mga nakatira sa bahay. Ang katwiran ng mga taga-roon sa amin, magkaka-kilala at magkakamag-anak naman halos lahat sa lugar. Walang sekre-sekreto, hanggang maaari.

 

Pag taga-roon ka, maski nagsusukat ka ng damit, maaring biglang pumasok sa kwarto nyo ang pinsan mo dahil manghihingi siya ng kaning bahaw. Ang kainaman lang doon, pwede ring anumang oras ay pumasok ka sa bahay nila at mahuli mo siyang gumagawa ng love letter. 😉

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-21 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.

 

Hello world!

 

Welcome to my blog!

 

Sa kalakhan, ang site na ito ay tungkol sa mga karanasan namin ng aking mga kababata noong early ’80s na isinulat sa kasalukuyan.  Ang mga entries dito ay karaniwang tungkol sa buhay-bukid, naganap sa aming baryong, sa wika nga ng mga propesor ko dati,  poor and technologically backward pa.

 

Mahigit dalawang kilometro ang lalakbayin namin noon bago sapitin ang pinakamalapit na aspaltadong kalsada. May koryente na pero ilang kabahayan pa lang sa aming nayon ang nakakabili ng linya at sikat ang bahay na mayroong tv. Wala pa rin noong tubig sa gripo at lalong wala pang telepono.  At gaya nga ng sabi ng iba, marami pa noong nabibili ang singko, pero napakahirap kumita ng piso. Marami pa noong mga palayan doon sa amin.

 

Bata na ako nang panahong iyon. O, bata pa ako noon pero may kaunti nang bait para matandaan ang ilang mga bagay at pangyayaring tumulong humubog sa aking mga kapatid, kasabayan at sa akin mismo.

 

Gusto kong maitala ang mga karanasang ito para magkaroon ng ideya ang mga pamangkin ko tungkol sa buhay-buhay noong kapapanganak pa lang sa kanila o bago pa lang sila ipinanganak. Maaaring para sa kanila, ang mundong ito ay boring, weird at far out. Pero, maaari ring sa ibang pagtingin, ang kaparehong mundo ay interesting, typical at close to heart. Hindi natin malalaman hanggang di naisusulat, nababasa at napag-uusapan.

 

Sa aking pag-intindi, ang blogs ay ginawa at dinesenyo para mabasa at makita ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon. Tila sila mumunting paintings. Ang bawat entry ay tila canvass kung saan iginuguhit ang mga impresyon, hindi lamang ng may-akda, kundi pati rin ng mga babasa. Sa gayon, sikapin nating ang modest work of art na ito ay hindi ma-vandalize.

 

Ang mga panauhin at mambabasa nito ay welcome at inaanyayahang mag-komento sa mga paksa.

 

Maaari kayong mag-cite ng kahawig o kabaligtarang karanasan, magbigay ng kakaiba o kapareho mang opinyon sa paksa, magdagdag o magdugtong ng kwento, humingi o magbigay ng dagdag na paliwanag, magbigay ng pagwawasto at mungkahi sa nilalaman at sa anyo ng pagkakasulat, at, mag-umpisa at makibahagi sa debate (Constructive, ha?). But please do so responsibly.

 

Bawal dito ang mag-promote ng produkto at serbisyo. Iwasan din ang pagiging sobrang negatibo, sagad-sagarang panlalait at siyempre pa, ang paninirang-puri.

 

Tandaang anumang iyong isusulat dito ay maaring mabasa ng sinuman sa mundo, maging ng iyong kaapu-apuhan. Tandaan ding may option kang gumawa ng sariling blog. Panghuli, ipinapaalalang may karapatan ang may-akda ng blog, o di kaya ay ang moderator ng website (http://wordpress.com), na i-edit o i-delete ang mga komentong sa tingin niya o nila, ay di na nakakabuti sa diskusyon at di na nagpo-promote ng goodwill. Sisikapin natin ang maximum tolerance hanggang kaya.

 

Kung ang mensahe mo sa akin (may-akda) ay very personal, mas maiging i-email mo na lang ako sa read_blink_live@yahoo.com at nang tayo rin ay makapag-kumustahan.

 

Maraming salamat. Happy reading!

 

Doon Po sa Amin