Posts Tagged ‘refuge’

Dito

                                         image of the world held in a pair of hands

Dito…

… sa mundong lihis

at buhay na puno ng hinagpis

naghahanap tayo

ng mga katiyakan

maliban

     sa pagsikat ng araw sa umaga

     pag-ihip ng hangin sa hapon

     at pagdating ng buwang malamlam.

 

sa mundong maligalig

at buhay na tigib ng pasakit

naghahanap tayo ng kasiyahan

inaaninag natin

     sa tawa ng mga bata

     sa ngiti ng matanda

     sa akbay ng kaibigan

     sa yakap ng minamahal.

 

image of filipino children laughing

Nakakapagpasaya ang kanilang mga tawa

 

sa mundong tiwarik

at buhay na hitik sa panganib

naghahanap tayo ng munting kaligtasan

kapirasong masisilungan

     sa makulay na patalastas

     at masasayang balita

     sa naitagong kulubot

     ng magandang mukha.

 

sa mundong malupit

at buhay na sa dusa’y liglig

naghahanap tayo ng mga bagay na maririkit

nililibang ang sarili

     sa pagkaing matatamis

     magagarang damit

     matuling sasakyan

     sapatos na kaibig-ibig.

 

image of a red pair of shoes

Gumagaan ang mundo pag may magandang sapatos/ /t2.gstatic.com

 

Bahay-bahayan, luma at bago

image of a colorful play house

May bahay-bahayan tayo, noong malilliit pa/ t1.gstatic.com

Di ba noong maliliit pa tayo, meron tayong bahay-bahayan? Iyong iba siguro, taguang sulok o sariling pwesto ang tawag… Maaring nasa loob ito ng bahay o nasa labas. Maaring nasa ilalim ng hagdan o nasa isang tabi sa silong. Maaaring ito’y may pinto talaga at maari ring tinabingan lang ng lumang kurtina. Maaring may palamuti sa loob, maari ring wala – payak lang, espasyo lang talaga… Pero mukha itong bahay. At itinuring mo itong iyong bahay.

 

Iyon ‘yon. Ang lugar kung saan di ka lang naglalaro at nanggagaya sa tunay na buhay, kundi doon ka rin naghahakot at nagtatago ng kung anu-ano. Mga anik-anik lang – gutay-gutay nang manika na pinipilit mo pa ring paupuin nang tuwid; lumang keychain ng ate mo na ibinigay sa ‘yo pero di mo magamit dahil wala ka pa namang wallet na mapagsasabitan; magandang batong napulot mo na lagi mong pinupunasan at inaantay na isang araw ay may magsabing may dala itong hiwaga o kaya ay maaari mong ipagbili. Mga ganoon…

 

Iyon din ang lugar kung saan mo dinadala ang mga taong iyong kabati – kapatid, kalaro, kaibigan, mga kaklaseng dumayo sa inyo – mga taong mababait sa ‘yo at di ka kinokontra. Dadalhin mo sila sa iyong sulok at doon kayo magkukwentuhan, magpapakitaan ng bagong laruan, magpapayabangan sa bagong alam na laro, magbubulungan ng tsismis at kung minsan – uupo lang… May mga pagkakataong, maghihilera kayo roon ng mga tansan o, kartong papel o  kaya naman, magtutuhog ng mga bagay na bilog na kanyo – sago, o kaya,  rosaryo.

 

larawan ng malaking bahay-bahayn sa labas ng bahay

Maraming pwedeng gawin sa lugar na ito/ thelovedhomeblog.com

Minsan doon na rin kayo kakain, aabutan kayo ro’n ng meryanda ng iyong nanay o ate. O kaya naman, lalabas kayong magkakalaro para kumuha ng meryenda tapos, babalik kayo agad sa kweba para roon manginain. Para tuloy kayong mga ibon o mga kulisap o mga dagang tumatalilis pabalik sa teritoryo… Hanggang maaari, bawal sa iyong bahay ang matatanda at pati ang mga batang di mo kasundo sa oras na iyon. Sumisilip man sila sa lugar mo kung minsan, iyon ay pag wala ka at di mo alam. At kahit walang nakasulat na OFF LIMITS, alam ng mga tao sa inyo – pribadong espasyo mo ang iyong bahay-bahayan.

 

Doon ka pumupunta noon pag nakakagalitan at ayaw mong magpakitang ika’y umiiyak o nakasimangot. Doon ka nagpapalipas ng sama ng loob sa mga araw na maraming umaaway sa iyo o hindi ibinibigay ang mga gusto mo. Doon ka humihiga pag maraming tao sa bahay nyo at hindi ka ginaganahang makihalubilo. Sa lugar na ‘yon, sa iyong My Own Private Idaho doon ka maraming iginuhit – gamit ang mga pinilas na pahina sa lumang kwaderno ng kuya mo – mga larawan mo at iyong pamilya, kasama pati ang inyong aso.

 

Ang dami rin ng mga sandaling pinalipas mo roon sa iyong sagradong sulok. Minsan ay para itago ang mga ngiti mong abot-tenga pag sa di-inaasaha’y napuri ka. Minsan ay pumupunta ka roon para paliitin ang iyong sariling tila lomolobo – sa dami ng nararamdamang di kayang ipaliwanag. Minsan ay nanonood ka lang doon ng paglalakad ng mga langgam. O, di kaya ay pinaplano ang mga gagawin mo – pag dumating ang araw na malaki ka na at pakikinggan na ng mga tao ang iyong sasabihin.

 

image of a sample domain, borrowed from t1.gstatic.com

Bahay rin ang tawag ng mga tao sa blogsite/ t1.gstatic.com

Bahay rin ang tawag ng karamihan ngayon sa blog site. Pag nag-aanyaya ang isang blogger sa kakilala nya, sinasabi niyang ‘daan ka minsan sa aking bahay.’ May kaugnayan kaya ang bahay-bahayan noong araw, sa pagkakaroon ng online na bahay sa ngayon? Naiisip ko lang.

 

Pero kung seryosong gusto mo itong sagutin o may nais kang ibahagi,  maski hindi ito makakapagpataas sa GNP ng bansa o magko-contribute sa world peace, welcome kang isulat sa espasyo sa ibaba. 😀


Ngayon ka lang nakarating dito sa aking bahay? Ay sya, pasok ka. Upo, upo… 😉

 

Possibly related posts:

 

Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog?

Ang Bagong Betamax – Rated PG