Posts Tagged ‘pagkaing Pinoy’

Ang Tag-kabute

image of a mushroom plant, borrowed from mongabay.com

tumutubo ang kabute kapag basa ang paligid/ mongabay.com

 

Hulyo kung mag-umpisa ang tag-kabute sa lugar namin. Kapag nagsimula nang mag-ulanan, umpisa na rin ng pagtubo ng kabute.

 

Wala akong kakilalang nagku-culture ng kabute doon sa amin. Inaantay at hinahayaan lang talaga silang tumubo. Saka aanihin. o, puputihin, ‘ika nga sa amin.

 

Agosto ang pinakamagandang panahon para mangabute. Noong bata pa kami, itinataon namin kapag weekends. Kung umulan nang malakas nang Biyernes ng gabi, malamang ay maraming kabuting susuloy kinabukasan.

 

Kaya pagdating ng Sabado, maaaga kaming magsisigising. Bago pa man sumikat ang araw, habang nangangaligkig pa sa ginaw, una-unahan na kaming magkakapatid makapag-suot ng jacket at makapaghanda para sa mahaba-haba at exciting na trek.

 

image of fungi mushrooms on growing trees, borrowed from mongabay.com

tumutubo rin sa matatanda at buhay pang puno/ mongabay.com

Sama-sama naming pupuntahan ang mga gulod, mga kalapit na gubat at pati mga patuto. Sa mga lugar na iyon masipag magsitubo ang mga kabute. Masarap maghanap, masarap maglakad. Kahit pa sabihing madalas-dalas, ikaw ay matatakid o madudulas.

 

Pag nangangabute, kailangang ikaw ay matiyaga at mapagmasid. Buong ingat mong aangatin ang mga tuyong dahon ng niyog o saging na nakahandusay. Susuriin mo ang mga bitak at umbok sa lupa. At kapag ikaw ay sinuswerte, malamang na makikita mo roon ang mga mumunting payong.

 

image of mushrooms on decaying log, borrowed from mongabay.com

mga kabuteng tumutubo sa nabubulok na kahoy/mongabay.com

 

Masa-masa pa ang marami sa kanila, mapipintog at masiglang nag-iinat, kapag nadiskubre mo. Kagabi lang sila tumubo, habang kumukulog. Madaling araw nang sila ay magsilakihan. Pagkatapos, heto na ang mangangabuteng tulad mong handa na agad silang putihin.

 

Noong maliliit pa kami, paligsahan kung sino ang may pinakamaraming mai-uuwing kabute. Palagi ako noong talo. Madalas, iyong isa kong kapatid ang wagi. Isang tingin pa lang niya sa lupa, alam na niya kung may kabute doon o wala. Tapos, ang tatay namin. Ilan lang ang nakukuha niya, tatlo o apat na kabute. Pero iyon ang pinakamalalaki at pinakamalalapad. Sinlalaki ng platito.

 

 

 

image of a giant mushroom, borrowed from varbak.com

larawan ng higanteng puting kabute/varbak.com

 

Pag-uwi namin sa bahay, yabangan na. Hindi lang paramihan ng nakuha. Pagandahan rin ng kwento kung paano nadiskubre ang kabute sa pagtatago, kung paano hinukay at kung gaano kaingat hinawakan ang kabute para maiuwi nang buo pa.

 

Limang klase ng kabute  ang alam kong tumutubo sa lugar namin. Una, ang kabuteng nakakalason. Madali lang itong malaman: kapag itim ang kulay ng ilalim o kisame nito. Ikalawa, ang kabuteng puting maliliit. Ito ay kulay puti, maliliit at tumutubong parang pumpon ng bulaklak sa katawan at mga sanga ng nabubulok na kahoy. Ikatlo ay ang kabuteng tengang-daga. Kahawig talaga ito ng tenga ng daga, maaaring ipansahog sa pagkaing ginisa ngunit di ito gaanong gusto ng mga tao sa lugar namin.

 

image of straw mushrooms, borrowed from b2bagri.com

imahe ng kabuteng mamarang/b2bagri.com/straw mushroom

 

Ang ikaapat ay ang mamarang. Ang mamarang na kabute ay dark brown, medyo maliliit na pabilog at tabi-tabi kung tumubo. Tila sila mga mumunting nipa huts. Ang panghuli ay ang karaniwang kabute. Kulay cream ito. May pagka-mestisa, kumbaga. Malalaki at masisigla ang pagtubo nito. Kung minsan, mayroon nitong sinlaki ng pinggan ang diameter.

 

Sa mga mushroom hunt namin noon, ang mamarang at ang karaniwang kabute ang madalas naming hinahanap. Noong mapunta na ako sa Maynila, hinanap ko sila sa mga palengke at supermarket doon. Gaya ng dapat asahan, di ko sila nakita. Ang uso pala sa malaking lungsod ay pinatuyong kabute, iba-ibang klase.

 

image of dried shitake mushroom, borrowed from thaisquid.com

imahe ng pinatuyong kabuteng shitake/thaisquid.com

 

Mahigit dalawampong taon na mula nang huli akong naghukay ng kabute sa lupa. Natitikman ko na lang ang kabute sa mga pagkaing lutong restawran  o di kaya ay sa mushroom burger. Pero hanggang ngayon, basta tag-bagyo na, hindi ko nalilimutan ang amoy ng bagong-aning kabuteng pinakuluan sa tubig na maraming bawang at sinahugan ng talbos ng kamote.

 

whole button mushroom cooked in coconut milk/connie veneracion

whole button mushroom, isang lutuin sa lungsod/homecookingrocks.com

 

Habang sa imahinasyon ko ay pumapailanlang ang amoy ng nilulutong kabute, bumabalik sa alaala ko ang samyo at saya ng tag-ulan sa bukid.

 

*Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika -15 ng Nobyembre upang idagdag ang mga larawan at para iwasto ang impormasyon sa ikasampo at ika-11 talata, tungkol sa bilang at uri ng kabuteng matatagpuan doon sa amin.

 

Sundot-saging, Pinindot

 

Ang sundot-saging ay tawag ng mga Tagalog sa meryendang mas kilala bilang banana que. Ito ay hinog na saging na sabang ipinrito, nilagyan ng asukal bago tinuhog ng stick. Karaniwan itong mabibili sa mga palengke at kanto kapag oras ng meryenda o kapag uwian na galing sa trabaho at eskwela.

 

image of freshly-cooked bananas on que, borrowed from 365greatpinoystuff.wordpress.com

sabang ipinrito, nilagyan ng asukal at tinuhog sa stick/ 365greatpinoystuff.

Noong ikinuwento ko sa mga kabarkada ko na sundot-saging ang tawag sa aming lugar sa banana que, nasagwaan sila. Masyado raw graphic. At medyo bastos. Isipin mo nga naman, sundot na ang ibig sabihin sa ingles ay poke. Pero iyon talaga ang tawag. Sabi ko, kung gusto nila, palitan namin at gawing tuhog-saging. Masagwa pa rin daw. O, sya, kako, banana que na lang dahil iyon naman ang katawagang alam ng lahat.

 

Tapos, nang binanggit kong ang bilo-bilo ay mas kilala ng mga Tagalog bilang pinindot, naghagalpakan sila ng tawa. Mas masagwa raw. Ipinaliwanag ko sa kanila ang proseso ng paggawa ng nasabing kakanin.

 

image of glutinuous rice, shaped into small balls, borrowed from latestrecipes.net

pantay-pantay ang pagkaka-bilog ng malagkit para sa pinindot/ latestrecipes.net

 

Una, ginigiling ang binasang bigas na malagkit. Pagkatapos, binibilog nang maliliit. Paulit-ulit na pinipisil ang mga bilog para maging malambot ang consistency. Saka inilalagay sa kumukulong tubig na siyang lalagyan ng gata, asukal, ube, kamote at iba pang sahog. Kaya, kako, pinindot.

 

Tawanan pa rin sila. Bilo-bilo na lang daw ang itawag.

 

one big bowl of bilo-bilo, borrowed from opensourcefood.com

Pinindot ang tawag sa amin sa bilo-bilo/ opensourcefood.com

 

Bago iyon, di ko naisip na masagwang pakinggan ang mga salitang iyon. Iyon talaga ang tawag sa mga pagkaing iyon sa aming lugar. At kung iisipin mo, ang ibig sabihin ng pindot sa ingles ay press. Pero sabi ng mga kabarkada ko, may innuendoes raw.  Medyo may katwiran naman sila.

 

Sa ganang akin, pag naririnig ko ang mga salitang iyon, ang naiisip ko ay pagkain. Masarap kainin ang sundot-saging pag bagong luto at kainamang meryenda naman ang pinindot kapag tag-ulan.

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-18 ng Nobyembre 2010 para idagdag ang mga larawan.