Posts Tagged ‘paano nga ba babakahin ang kahirapan?’

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 9

 

Hello, mga ka-blogs! Ahaha, binalinguyngoy ba kayo sa previous post? 😉 Pasensya naman, naparami yata ang nilalaman at malalalim… Pero, naman, kaya nyo ‘yan –  Gini coefficient, sus. Tandaan, repeater lang sa College Algebra ang nagkukwento, hala. Pumasa naman agad sa Statistics, hehe… Pero yun nga, gusto kong i-share sa inyo, nasusukat ang kahirapan at ang inequality sa lipunan. Isa pa, nakikita rin natin sila at nasasalubong… Pero siyempre, ang mas malaking tanong – na-overcome ba ang kahirapan? Paano? Sabi, nai-engineer daw ang progress ng lipunan. Paano pala pag mabagal o kapos o walang progress ang lipunan – may nag-i-engineer rin ba no’n? Ahaha, pasaway ang tanong, kainaman na… 😉 🙂

 

Image of an urban poor community against the backdrop of the country's central business district

Gaano kalaki at kalawak ang dapat na cost ng development? Gaano katagal? / youronevoicecanmakeadifference.wordpress.com

 

Lahat naman yata tayo, nakakita na ng rows of shack houses o ‘yong sa karaniwang tawag – squatters. Di ba, pag minsan nga at nadadaan tayo sa mga ganoong lugar, parang ayaw na nating tumingin? O, kaya naman, tingin tayong mai- maigi? Sinisipat natin – paano kaya sila nagkakasya lahat doon sa apat na metro kwadradong espasyong di na halos makita sa rami ng mga damit, anik-anik at sinampay? Oo, haha. Tapos, di natin halos maubos maisip – paano nila natitiis ang ganoon kadugyot na kalagayan? Amoy-ihi, magkahalong dumi ng tao at aso ang amoy at amoy-pawis din – shaks – ng mga taong dikit-dikit sa kakapirasong strip ng lugar na pinilit gawing habitable… Paano nga kaya sila nabubuhay? Sabi natin…

 

Informal settlers ang tawag sa kanila sa mga meetings na karaniwang napupuntahan ng lola nyo. Mas maganda nga namang pakinggan kesa sa salitang squatters. Sa mayayamang bansa, ghetto ang karaniwang tawag – lugar na tirahan ng ethnic migrant population o mga dayo sa bansa at mga lower middle class na dumausdos pa ang katayuan. Tapos, meron din silang tinatawag na homeless – mga taong natutulog sa mga subway, sa gilid ng mga gusali at parke at sa mga istasyon ng tren at bus – habang ang mga gamit ay nakalagay sa lumang grocery cart…

 

Image of a homeless child in Malate, Manila

Larawan ng isang batang Pilipina na ang tirahan ay ang mga kalye sa Malate area/ http://www.trekearth.com

Dito sa atin, mga taong grasa ang tawag sa walang matirahan  – mga natutulog sa ila-ilalim ng tulay, o kaya, sa mga lumang kariton o kaya sa benches sa mga pampublikong lugar – ang sapin sa likod ay kartong papel lamang… Noong babago sa Kamaynilaan, sila ang unang naka-shock sa akin. Namangha ako sa rami nila at sa itsura ng kanilang kalagayan… Sa Quaipo ako unang nakakita ng ganoon, gabi – mag-a- alas diyes na yata at patulog na sila. Tatlong mahahabang hilera sila ro’n. Nagmarka ang nasaksihan sa akin.. May mga pulis na dumating noon, itinaboy ang mga tumutulog sa bangketa paalis. Medyo nalaglag ang panga ko … Kako, pwede palang  ma-displace ang mga tao ng ganoon kalala?

 

Bleeding heart liberal ba kanyo? Ahaha, hindi pa… Simpleng curious lang, palagay ko. Noo’y hirap na hirap pa rin kami sa buhay. Kaaahon lang galing sa nayon, kinakapa pa ang mga kaparaanan sa malaking lungsod, umuupa sa lumang boarding house sa Sta. Mesa at pag nagluluto, blue flame na binobomba pa ang lutuang gamit namin… Saka, hirap kami noon sa buhay sa bukid na pinanggalingan – walang-wala, ‘ika nga…  So, kumbaga, it was a surprise for me to learn – pwede palang may mas mahirap pa sa amin? Wala rin kaming pera, hindi sapat ang budget namin noon sa pagkain at pamasahe… Pero yaong mga walang matulugang nasalubong, hindi lang mukhang walang pera – tila wala rin silang dangal…

 

So, part ng kwento natin – displacement in society – kawalan ng lugar ng ibang kasapi. Sa mga makabago at mauunlad na bansa – developed nations – kako nga, may mga mahihirap din… Karamihan sa kanila, mga bagong dayo – mga nabubuhay sa labas at gilid ng mga sentro… Nagtatrabaho sila sa manual, dirty, delikado  o degrading na larangan. Sa industrial nations, may palugit para sa mga kasaping nasa ibaba. Kumbaga, allowance for displacement or wastage… Dahil industrial ang produksyon at buhay ng mga tao, economically, tinitingnan ang pamumuhay bilang isang higanteng produksyon. At sabi, hindi maaaring 100% na efficient ang paggiling ng lipunan. Sa mga lipunang makabago, traditionally, may allowance na 4% unemployment – mga kasaping unstable ang kabuhayan, nasa ibabang bahagi ng lipunan at malamang, needing aid…

 

Image of a mother and two children in a pavement in America

Larawan ng mag-iina sa Amerikang napaalis sa dating tahanan/ harvesttime.org

 

Ang Pilipinas, nabibilang sa kategoryang developing nations. Poor nations, ginawa na lang daw developing ang paglalarawan – para politically correct. At gaya ng napagkwentuhan na natin, hindi porke at mahirap na bansa, wala nang mayayaman. Katunayan, ang iba sa mayayaman dito sa atin, mas mayayaman pa sa counterpart nila sa rich nations o, kapantay… Kari-release lang ng Forbes’ list of world’s billionaires, nitong kabilang linggo. Kung ilan rin ang Pilipinong kasama roon. May mga pag-aaral din tungkol sa world’s millionaires, di ko lang alam kung taunan din silang gumagawa ng listahan… Anyway, sa findings ng studies, sabi, di kagandahan ang ugali ng mga mayayaman sa iba’t ibang bansa, hahaha – hindi nagbibigay (mararamot), masusungit kundiman malulupit at, mahihilig sa libre at exemptions. Underdeclared daw ang buwis nila, kundi man nandadaya sa mga bayarin. ^^

 

Kung ako ang tatanungin, mas maigi sana, marami ang Pilipinong mayayaman. Ba’t ang hindi? 🙂 Anyway, sa Social Science, ang sabing goal ng development – pagpaparami ng middle class population sa bansa. Ang gitnang uri  ang itinuturing na settled, naghahabi at nagtutuloy ng kalinangan at sibilisasyon at relatively stable na grupo ng mamamayan. Bakit hindi ang mga ubod ng yaman? Kasi raw, ang mga nasa tuktok, at, iilan lang naman sila – karaniwang nabubuhay ng mas maluho sa nakararami, detached sa mass, at konserbatibo ang pananaw, ayaw sa pagbabago (sapagkat sila ay nakaririwasa na). Samantala, ang mga mahihirap, very unstable ang kabuhayan, nagdarahop sa pang-araw-araw at sa kalakhan ay kapos sa edukasyon – kundiman mangmang. Ang mga nasa ibabang-ibaba – busabos ang kinagisnan at mas madalas, desperado ang pamumuhay na tinatahak at hinahabi.

 

Image of a poster asking people to live their dreams

Ang payo ay abutin ang mga pangarap. Magkaiba raw ang mga mithi at paraan ng pag-abot sa mga ito ng mga taong magkakaiba rin ang puhunan at nilakihan/ http://www.achievenowabetterlife.com

At the individual level, layunin ng nakararami ang iangat ang pansariling kabuhayan at katayuan sa lipunan – umasenso sa buhay…  Sabi, libre naman daw ang mangarap and sky is the limit – kung hanggang saan ang kayang marating ng isang taong nagsisipag at nagsusumikap. Ang ating paligid ay puno ng mga kwento ng against all odds na pakikihamok ng natatanging individuals – mga hindi nagpatali sa limitasyon ng kinagisnang kahirapan. Abutin ang langit at lampasan ang mga balakid, sabi… Salungat at pasaway ang sabi ng mga pag-aaral nitong huling dalawang dekada. Sabi, ang probability ng success ng individual na lumayo at umangat sa uring pinagmulan ay napakababa – kung sa pangmaramihan titingnan. May pag-angat daw namang naaabot, sa mga nagsipag-aral at nagtayo ng negosyo, ngunit slightly above lamang sa dati. Ang radikal na pag-asenso – sa napakaliit na bahagdan lamang ng populasyon.

 

Myth-debunking ang resulta ng mga nasabing pag-aaral – kapwa sa industriyalisadong bansa at sa mga bansang developing o mahihirap. Ang madalas sisihin sa hindi pagtutuluy-tuloy ng pag-angat ng tao, ang complacency o pagiging kampante. Ngunit sinasabi sa mga pag-aaral, realistic considerations at paninimbang socially ang dahilan, bakit di sobrang layo ng trajectory ng ambisyon ng mga nag-umpisa sa ibaba. Ang karaniwang halimbawa, mga estudyanteng lower middle class na excellent ang performance scholastically. Karamihan sa kanila, pinipiling maging “guro lamang,” sa halip na – umakyat sa corporate ladder, mamuno ng malalaking organisasyon o mag-assume ng high profile na public position. Para sa kanila raw, pag-angat na rin ang maging guro – sa esteem ng pamilya at kamag-anak at mga dating kasamahan – at sa bago nilang status, mas manageable.

 

Ang mga middle-class daw, urban ang kinasanayang buhay at dati nang may  kabuhayan, likely at mas madalas na sumusuong at nakikipaghamok sa sinasabing corporate ladder. Sila rin ang sanay at exposed na sa mabilisan at pampublikong setting, kung kaya mas malaki ang tendency nilang pumalaot sa careers sa malalaking organisasyon o humawak ng responsibilidad sa public office. Tila sinasabi, ang mga pagpapasya at career moves ng exceptional and spectacular individuals, depende rin sa kanilang background, kinasanayan at sa puhunan at confidence na in-afford sa kanila ng kapaligiran. Ang professional daw na professionals din ang mga magulang, mas likely mag-venture sa isang competitive na professional field – higit sa professional na siya pa lang nakapag-kolehiyo sa pamilya o angkan. Hindi raw masasabing conservatism sa ambisyon ang ganoon kundi, rational consideration din. Sa isang banda, lalabas na relative din ang definition ng success ng mga tao.

 

Image of a man in California asking for job in exchange for food

Larawan ng isang lalaking na-displace ng recession sa California, nag-aalok ng serbisyo para sa pagkain/ http://www.calbuzz.com

Sa tradisyunal na pagtingin, ang drive o tulak ng tao ang mag-aangat sa kanya mula sa kalagayan. Na usapan lamang ng kung ang isang tao ay tamad o masipag, kung lax o driven at kung ningas-kugon o determined, sabi… Tila may kinakalimutan ang ganitong argumento o paniniwala – ang katotohanang hindi pantay-pantay ang oportunidad ng bawat isa, may mga taong umiiral sa kalagayang wala o sikil ang kanilang karapatan, may mga nasasadlak sa liblib at malalayong lugar at may mga walang- walang makain, maipuhunan at maipag-aral – walang mapag-uumpisahan sa buhay… May exceptional individuals na nakakalampas sa mga limitasyon, ngunit tila higit na marami ang di-nakakatawid o sakali man, slightly above lamang. Nakalulungkot isipin, sa scale ng panlipunang pag-unlad, unang nakakalos, nadi-displace at nadi-dislocate ng mga pagbabago ang mga nasa ibaba at dating naghihikahos. Ang mga nasa gilid, natutulak pa lalo sa looban at ang mga dating mayroon na, siyang nabibiyaan sa hugos ng pag-unlad.

 

Sa tuwina, bahagi ng goals ng pamahalaan ng mga bansa, paramihin ang populasyon ng gitnang uri – mga mamamayang may purchasing power o pambili, may ari-arian, may edukasyon at may relative standard of living o nabubuhay ng komportable at maayos.  Sa klasikong pagtanaw, ang middle class ang may potential at kakayahan for citizenship at core component sa nation-building. Sa mas praktikal na konsiderasyon ng pamamahala, sila rin ang pinagmumulan ng pinakamalawak at captive na tax base. Ngunit ang ikalalago at ikararami raw ng middle class ay kung gaano kalaki ang pagitan ng dalawang extreme ends, the polar opposites – ang pinakamahihirap at ang pinakamayayaman – at kung paano tinitimpla ang magkalayo at kadalasan, conflicting nilang interests. Bawat lipunan ay may tatsulok, nasa itaas ang iilang ubod ng yaman, sinusuportahan sa ilalim ng malawak na base ng nagpapawis, ngunit hikahos na milyun-milyong mahihirap.

 

Ang karamihan sa mahihirap sa atin, doon sa tinatawag na living on the margins. Hindi sila totally displaced, tulad ng mga homeless sa mayayamang bansa. Sa mga squatter enclaves, may lugar na napupuntahan ang mga mahihirap sa lungsod at kahit paano, nakakapaghabi na rin ng buhay. Sub-standard, sa maraming sense, lalo pa sa health and hygiene. Pero may natutuluyan… Ang rural poor, hinahayaang magtirik ng munting kubo sa lupa ng kamag-anak na maylupa sa probinsya. Madalas ay kapos na kapos ang kanilang nutrisyon, kahit pa batak sa trabaho. Ngunit muli, may nasisilungan sila at napaglalagyan…

 

Sa mayayamang bansa raw, mas mataas ang level of alienation o pakiramdam ng pagkawalay sa lipunan, ng mahihirap sapagkat pangita at ramdam ang kawalan nila ng lugar sa napakabilis, sagana at state-of-the-art na lipunan. Ang kaibahan, mayroon silang subsidy, sapat upang di-tuluyang magutom sa pang-araw-araw. Ang karaniwang mukha ng alienation sa mahihirap na bansa ay ang insurgency o paglabang armado sa pamahalaan. Sa mayayamang bansa, manifest ang phenomenon sa riots, gang formations at sa independent communes na itinatayo ng iba’t ibang alienated subcultures.

 

Nang magsaliksik ang inyong lingkod sa subject matter ng poverty para sa previous post, ang pinaka-interesting na material na nasalubong ay isang mahabang academic paper, in PDF format, na nagsasabi, “Poverty is the destitution of the soul. ” 🙂

 

Image of a squatter's colony in urban Philippines

Sinong titira sa dugyot, mapanghi at dikit-dikit na tirahan kung may malilipatang iba?/ http://www.eastasiaforum.org

 

Hala, mas matagal ko pa itong nabuo kaysa sa previous post, pasensya naman sa limang mambabasa, hihihi. Sangkaterba ang drafts at revisions, pramis… 🙂 Siyanga pala, ano ang kaugnayan nito sa daang maputik sa nayon?  May connect, pangako… 😉 Ang talakayan sa itaas, tungkol sa mga uri sa lipunan at sa partikular, sa grupong tinatawag na marginalized in society… Ang mga taong living in the margins – kapatid ng mga taong tinatawag na left behind and forgotten – mga mahihirap sa malalayo at liblib na lugar, ayon. Tungkol roon marahil ang susunod na bahagi ng ating pag-uusap. Usapang baryo na muli – our local version of hillbillies. Sana sipagin ang lola nyo, hindi ako kasipagan these days, ahaha. Pero sana, may kasunod pa… Regards! 🙂