Posts Tagged ‘noong kokonti pa ang may telepono’

Busy ang Linya

image of a person talking on the phone, borrowed from t3.gstatic.com

Madali lang ngayong kumunekta /web.d261.k12.id.us

Sa ngayon, parang ang hirap nang isipin ng buhay na walang telepono. Halos lahat ba namang kabahayan sa Pilipinas ay may cellphone na. Kokonti na lang ang bayan sa ating wala pang linya na landline. Ngayon ‘yon.  Ika-dalawampu’t isang siglo. Modernong panahon, ‘ika nga.

 

Noong panahong kai-kailan lang, at marami siguro ay mahihirapang maniwala, ang mayayaman lang talaga at ang may matatagal nang negosyo, ang may telepono. Ang karamihan sa mga mamamayan ng bansa ay wala. Ano ang paraan o medium sa pakikipag-usap o pakikipagtalastasan sa taong nasa malayo? Pag sa negosyo, sulat at mensahero ang palasak na gamitin. Pag sa personal, sulat din. Pag mas importante, harapang pakikipag-usap. Ang ibig sabihin, pupuntahan mo ang taong kailangan at gusto mong makausap. Magkikita kayo upang magkausap at maging maliwanag ang lahat.

 

Kung mapapansin ninyo, noo’y bawat tanggapan ay may in-house messenger – taga-dala ng official communications ng kanyang opisina. Pag malalaking tanggapan, isang team o pool ang mga mensahero roon. Sila yaong mga taong nakababatid at tapat sa mga salitang incoming at outgoing. Mayroon silang logbook na listahan ng mga business na papasok at palabas ng opisina. Kadalasan, sila ay naka-motorsiklo at body bag. Alam nila ang pasikut-sikot ng mga lugar. Kabisado rin nila ang gagawin pag sinabi ni Boss na urgent ang isang komunikasyon.

 

image of a mailman, borrowed from t3.gstatic.com

Hinihintay ng lahat, pati ng aso /picturesof.net

Pag sa personal na buhay, mahalaga ang papel ng mga kartero o tagahatid ng sulat. Sa kanila nalalaman kung ang asawa o kapatid na nasa malayo ay nagpadala na ng pera, kung ayos baga sila doon sa kanilang kinalalagyan, kung wala bang panganib o gusot na kinasasangkutan ang miyembro ng pamilya, kung ang pag-ibig bang inaasam-asam ay makakamit, kung darating ba ang pension ni Lola at  kung uuwi ba si ate sa bakasyon. Ang sulat ay sadyang kaligayahan, sabi sa lumang kanta. Ang kartero noon ay ang maliit na taong kilala ng lahat sa pamayanan.

 

Siyempre, wala pa noong pa-charming-an sa text o sa chat. Ang pakikipagkilala, panliligaw at pati pakikipagtampuhan ay ginagawa lahat nang personal at malapitan. Hindi nangyayari noon iyong nagkakakilala at nagkakatapos sa pamamagitan ng text. Sa minimum, magsusulatan nang matagal ang dalawang taong may interes sa isa’t isa at matapos ang isa, dalawa o tatlong taon, saka sila magkikita para malaman kung ang tao baga sa likod ng sulat at ang totoong tao ay iisa – magkatunog at magkamukha. Ang mga paraang nabanggit ay hindi convenient pero, kadalasan, sigurado. Isa pa nga kasi’y wala pa naman noong gaanong alternatibo.

 

Doon sa amin, wala pa noong telepono dahil baryo na nga, liblib pa. Mayroon daw landline sa isang bahay ng mayaman sa bayan pero hindi naman yata ipinapagamit sa publiko. Kaya ang option naming noong mga taga-bukid para makatawag at makausap ang kamag-anak na nasa Maynila, pumunta sa kalapit na lungsod. Medyo mahirap ito kasi, limitado ang budget. Kadalasan ang pamasahe noon ay laan para sa pamamalengke. Kung tatawag sa telepono, hiwalay na lakad iyon – hiwalay na oras, hiwalay na pamasahe at hiwalay na badyet pangkain. Bukod pa sa halagang ipambabayad sa pagtawag. At mahal iyon, dati. Pero, minsan, may mga mensaheng hindi pwedeng daanin sa sulat dahil ang sulat noon ay dalawang linggo pa bago makarating. Kaya, kailangang itawag sa telepono.

 

image of a landline phone in the '80s, borrowed from t0.gstatic.com

Bihira ang mayroon nito dati /indiciumtechnology.co.uk

Sa lungsod na malapit, dalawa ang teleponong ipinapagamit sa publiko nang may bayad o commercial landline phone. Natatandaan ko pa, ang isa ay sa main avenue kung saan andoon ang pioneer businesses ng lunsod. Ang pangalawa ay medyo malayo, halos dalawang kilometro mula sa city proper, katabi ng dating bodega ng Pepsi sa probinsya namin. Sa mga iyon kami noon pumipila para tumawag ng long-distance.

 

 

Pagdating nyo roon sa tawagan, pangwalo o pansampo kayo sa pila. Okey lang. Intay-intay lang kayo. Kwento-kwento, ganyan. Panay ang tingin nyo doon sa kasalukuyang nakasalang sa telepono. Na kung tutuusin ay taong naghihintay din. Bakit? Kasi, wala naman noong automatic connect o iyong direct dial sa ngayon. Ang una mong ida-dial noon ay ang numero ng phone operator ng lungsod. Pagkabigay mo sa kanya ng numerong gusto mong tawagan, sasabihin nya sa iyong ikokonekta ka nya pero maghintay ka lang ng kanyang tawag pabalik. Aalamin muna nya kung bukas ang linya ng lugar o lungsod na iyong tatawagan. Na ang ibig sabihin ay tatawag pa sya sa kapwa operator na siya pang magku-konekta sa teleponong gusto mo mismong tawagan. Kaya matagal ang hintayan.

 

Gaano katagal, kamo? Average ng kalahating araw. Minsan, lampas pa. Kaya kailangan nyo nang kumain o mag-meryenda sa malapit. Pag ganoon, dapat may dala na kayong babasahin o kaya ay notebook para makapaglista  na ng mga gagawin o makapagkwenta  na ng ginastos – habang nasa pila. Pagkalipas ng, sabihin na natin, mga tatlong taon sa iyong palagay, kayo na. Kayo na ang hahawak sa itim na mabigat na aparatong ang dial set ay pabilog. Kausap nyo na si operator, naibigay nyo na ang numerong inyong tatawagan at sinabi nya nang iku-konekta nya na kayo.Antay kayo ngayon ng tawag nya pabalik. Ayan na, tumawag na. E, di sinagot nyo. Excited na kayong makausap si kapamilya, parang nauulinigan nyo na nga ang boses.

 

Pagkatapos ng dalawang hello, biglang mare-realize ng magkadikit ninyong tenga ng kasama mo, na si operator pa rin pala ang kausap ninyo. At ang sabi, maghintay kayo, tatawag siya uli. Busy pa kasi ang linya.

 

image of a hung phone, borrowed from t2.gstatic.com

Kailangan ang pasensya /psc.state.wy.us