Posts Tagged ‘natatanging punto de bista’

Gawa-Gawa Lamang

image of a virtual world, borrowed from masternewmedia.org

Tila mas totoo at mas malapit pa kung minsan/ masternewmedia.org

Pag pumapasok ang mga tao sa virtual setting, gumagawa tayo ng mga simbulo, teksto at larawang kakatawan sa atin. O, di kaya, ginagamit natin ang built-in features ng aparato para siyang kumatawan sa atin sa isang setting na kunwari o virtual lang. Gawa-gawa, ‘ika nga.

 

Halimbawa, sa computer, ang cursor ang kinatawan ng taong gumagamit o user ng makina. Kung nasaan ang taong gumagamit, andoon ang cursor. Pag umandar ang mga tao – tayo – umaandar din ang cursor. Pag huminto naman tayo, hihinto rin ang cursor.

 

Sa blogging, gumagawa tayo ng isang virtual na kaharian sa pamamagitan ng ating sites. Ang laman at paraan ng bawat site natin ay kumakatawan sa isang bahagi ng pagkatao natin. Sa kahariang iyon, kung saan ang bawat isa sa atin ay siyang bida at siyang nasusunod, doon natin inilalabas ang isang parte ng kung sino tayo. Ang parte o bahaging iyon ay sumasalamin kahit paano sa mga sarili nating hindi ganap at hindi buo kundi patuloy na nag-e-evolve.

 

Pag nag-uumpisa tayo sa blogging, humigit-kumulang, may ideya tayo ng kung anu-ano ang gusto nating isulat, ikwento at palabasin sa ating site. Maaaring gawan natin iyon ng narrative, tula, guhit at larawan. Maaari rin nating lagyan ng audio o singitan ng video. Maaari rin namang kombinasyon ng lahat ng ito. Para saan? Para maipaabot natin kung ano ang gusto nating sabihin, ang ating mensahe, kumbaga.

 

image of a message board, borrowed from t0.gstatic.com

May nais tayong ipaabot / paleodontology.com

Ang ating mensahe, maaring maliit o malaki, maaring luma o bago, maaring kinopya lang o orihinal, maaring popular o di katanggap-tanggap sa marami. Anuman, hindi tayo ang magsasabi kundi ang audience. Over time, ang mambabasa sa pangkalahatan ang huhusga kung relevant ba o hindi ang mga pinagsasabi at ipinangalandakan natin sa ating sites.

 

Sila ang magsasabi kung naging kasiya-siya ba o hindi, kung may saysay ba o wala, kung sulit bang malimbag at basahin o naging pampalipas-oras lamang o di kaya ay kumain lang ng sinasabing virtual space ang ating mga ipinahayag. Hindi tayo ang huhusga sa merits ng ating virtual existence kahit pa tayo ang nag-isip, humabi, nagsulat, nagpagod at sa isang banda, umasa. ***

 

 

Pag nagbabasa tayo ng blogs, naghahanap tayo ng mga sulatin at/o features na kahawig o katimbang halos ng mga sarili nating panlasa, pananaw at adhikain. Karamihan sa mga iyon ay ukol sa mga karanasang dinanas mismo natin, o nai-itsurahan nating daranasin din natin. O, di kaya, mga karanasang kasalukuyang pinagdaraanan natin.

 

Pag nagsusulat naman tayo ng blogs, binubuksan natin ang ating personal libraries and archives of experiences at doon tayo pumipili ng materials na maari nating gamitin para palamanan ang ating script, ang ating palabas, ang ating mga pagpapanggap at mga paglalahad ng ating mga sarili sa loob ng ating sites.

 

image of things found inside a library, borrowed from t0.gstatic.com

May kanya-kanya tayong paghahalawan/ shared-visions.com

 

Kung minsan, ang isang blog ay simpleng pagpapahayag ng saloobin. Kung minsan ay isang mabusising pagtatago ng mga lihim. Kung minsan naman ay isang tapat na pagsasalaysay ng mga bagay na lantad na sa sarili at sa publiko. Alinman sa mga ito ay nagbubukas at nagdadala sa ating bloggers ng mga bagay at pananaw na bago. Maaaring mulat tayo sa mga ganitong pangyayari at proseso. Maaari rin namang hindi.

 

Malawak, malapad at mayaman ang range of experiences na maari nating pasukin at suungin sa pagba-blog. Ang pagba-blog ay isang virtual na activity pero nakatuntong pa rin sa actual na buhay. Sa blog, maaring straight-telling ang pamamaraang ating gamitin, maaring daanin sa anekdota at pabula at maaring sa maikling kwento. Maari ring idaan sa larawan at video.

 

Pero, lagi-lagi, ang pagba-blog ay isang biased at partial na gawain. Kahit pa madalas, ang hirit nating bloggers, “Hindi, wala akong agenda.” Meron. Kasi, hindi naman tayo galing sa wala. May mga pinanggalingan tayong pamilya, antas sa buhay, edukasyon, kinagawian at tiyak na puntong pinagmulan sa kasaysayan. May sari-sarili tayong point of view o pagtingin sa mga bagay, karanasan, tao at pangyayari. May kanya-kanya tayong lens na ginagamit, ‘ika nga.

 

image of points and lines, borrowed from t2.gstatic.com

Bawat isang punto ay may isang kinakatawan/ mathworld.wolfram.com

Ang punto de bista ng isang blogger ay laging katangi-tangi at kakaiba. Oo, maaring may lumabas na ilang bloggers na sobrang husay, kainaman ng galing, napakaraming karanasan, bihasa sa pagsusulat, napakamalikhain sa pagpapahayag o kagila-gilalas ang pagka-payak. Subalit, isang boses pa rin lamang mayroon ang bawat isa sa kakaiba o natatanging bloggers na iyon. Katulad pa rin ang exceptional na blogger ng nakararami – isang punto de bista pa rin lang ang kinakatawan nya. In the over all scheme of things, isa pa rin lamang siya sa milyun-milyong puntong nasa virtual universe.

 

Sa subject na Algebra, itinuro sa atin ang kahalagahan ng isang punto. Isang tuldok na maaring kadugtong ng isang walang katapusang linya o isang tuldok na maaring bumago o tumapos sa kasalukuyang ugnayan at magtakda ng bagong set o kaayusan. Ang puntong iyon, gaano man ka-arbitrary, laging may kinakatawan at laging may ibig sabihin. Maaring ang puntong iyon ay bahagi ng isang series, parte ng isang parallel na linya o di kaya ay disconnected – isang bukod-tanging set, kumbaga. Ganunman at anupaman, mahalaga ang papel ng bawat punto. Tila ganoon rin yata sa pagba-blog – ang bawat isa sa atin ay isang punto lang, isang tuldok, kung tutuusin – pero, importante.  Maaari kaya nating tawagin ang ganitong demokrasya sa pagba-blog? ***

 

 

Kailangang maniwala tayo sa demokrasya ng pagba-blog at siguro na rin, itaguyod natin ito. Gaano man ito kanipis, kababaw o kapanandalian sa ngayon. Kasi, iyon pa lang ang maaari nating panghawakan at tuntungan sa kasalukuyan.

 

Madaling sabihin na ang blogosphere ay negosyo lang ng iilang kompanyang kumikita sa online na patalastas, na inuuto lang tayong bloggers ng happiness engineers na nagpo-provide sa atin ng site statistics, features and applications at ang blog entries natin ay binabasa lang ng mga taong alinman sa naghahanap ng quick and easy information o babasahing pampalipas-oras lamang. Madaling isiping ganoon lang ang mga bagay-bagay. Pero, alam naman nating lampas sa roon ang dynamics ng pagba-blog. Alam natin ito, maging tayo man ay nagsusulat o nagbabasa ng blog. O, pareho.

 

Sa eco-system ng pagba-blog, ang bloggers ay nasa gitna bilang provider ng impormasyon at bilang consumer din nito. Sa itaas ng ladder, andoon ang mga kompanyang namumuhunan, bumibili at kumikita mula sa mga impormasyong available online. Sa pinakababa naman, andoon ang general audience – ang mga sadyang pumupunta sa site para humanap at magbasa ng impormasyon kasama ng mga naliligaw at inililigaw ng search engines papunta sa ating sites. Kung ang blogging ay isa nga lamang negosyo, maaring tingnan ang mambabasa sa pangkalahatan bilang siyang end-user o household consumer ng impormasyon.

 

image of an eco-system representation, borrowed from t0.gstatic.com

May papel ang blogger sa supply at demand ng impormasyon/ learn2adapt.com

 

Sa sinasabi kong demokrasya sa pagba-blog, mahalaga sigurong kilalanin natin ang kakayahan at karapatan ng bawat isang blogger bilang unique source of information. Kumbaga, isang pagkilalang ang bawat isa ay may kakayahang magbahagi ng kanyang natatanging punto de bista – gaano man kababaw o kalalim, gaano man kagasgas o kabago, gaano man kaliit o kalaki – sa konteksto ng isang eco-system ng impormasyon sa makabagong mundo. Bata pa ang blogging world, kung ating iisipin. Pero tila mas mainam kung mag-uumpisa tayo sa premise na ang bawat isang blogger ay may kanya-kanyang maaring dalahin at ihain sa hapag, ‘ika nga.

 

Sa pagba-blog, may kanya-kanya tayong patawa at drama, kanya-kanyang packaging at pakulo. Maaring ang mga ito ay totoo at maaring hindi, maaring malapit at maaring malayo sa totoong buhay, maaring orihinal at maaaring huwad. Kung anuman, hindi ito nangangahulugang kaagad nating matutukoy kung sino at alin ang may higit na karapatan sa kanyang virtual space. Lahat tayo ay sumusubok at nagtatangkang magpahayag at magbahagi na may kanya-kanyang nilalaman at pamamaraan.

 

image of a diary, borrowed from t1.gstatic.com

Dito natin isinusulat ang mga pangyayari, saloobin at pananaw/ erypct.nhs.uk

May mga nagba-blog na ginagawang online diaries ang sites nila. May mangilan-ngilan ding bloggers na tila subject matter experts [SMEs] – may dalubhasa sa pagiging nanay, may bihasa sa pagkainip, may beterano sa pagpapatawa, may nagtatangkang maging tagapagtala ng panahong lipas na, may wizard sa pagguhit at may curator din ng online museum.

 

Anuman ang ating plot sa ating mga istorya, gaano man ka- hifaluting o ka-incredible, gaano man ka-fleeting o ka-miniscule, marahil dapat nating tandaang may lugar tayong lahat dito. Dahil kung hindi, bakit pa tayo – ang bawat isa sa atin – andito? Bakit hindi na lang tayo tumutok sa totoong buhay na hindi virtual kundi actual and real? ***

 

 

Sa aking palagay, pana-panahon, kailangan nating ipaalaala ito sa ating mga sarili bilang responsableng bloggers. Sapagkat kung minsan, hindi maiiwasang madala tayo sa mga sarili nating kwento at maniwala tayo sa mga sarili nating pagpapanggap. Kahit pa alam naman nating marami sa mga inilalagay natin sa ating blogs ay mga kalokohan lang ng taong walang magawa, mga patawa ng taong papansin o nalulungkot  o di kaya ay gawa-gawa lamang ng taong maraming di-kayang harapin at panindigan sa totoong buhay. Aminin man natin ito o hindi. ***

 

 

By the way, ang paborito kong UP Lantern Parade ay iyong taong gumawa at nagparada ang College of Fine Arts ng higanteng replica ng libro ni Vance.*  Panalo ‘yon, pramis!


* Modern College Algebra, 3rd Ed, Elbridge Putnam Vance, 1975 Addison-Wesley Publishing Co., Reading, Mass.

 

Possibly Related Posts:

Ba’t Mo Naman Napagdiskitahang Mag-blog?

Ang Bagong Betamax – Rated PG

Bahay-bahayan, luma at bago