Posts Tagged ‘nangangapit-bahay’

Kalsadang One-Way

Image of a blogger in a car, waving

Pinasaya nyo ang isang taon/ http://www.imageenvision.com

Sa buwang ito, unang anibersaryo ng naturingang pangalawa kong bahay, pasasalamatan ko ang mga lugar at taong nagpasaya at nagpakulay sa isang taong paglalakbay. Kayo ‘yon, mga ka-blog. ūüôā

Pana-panahon ay dinadalaw ko ang inyong sites.  Minsan ay aktibo akong nagko-komento  at nagla-like doon sa inyong mga bahay. Kung minsan, tahimik lang ako roong nanonood ng mga larawan, nakikinig ng musika, nagmamasid sa inyong mga kwentuhan at minsan ay nagbabasa ng walang-imik ng mga teksto ng inyong posts.

 

Paminsan-minsan, pumapasok rin sa isip ko ang paggawa ng blogroll. Una na, para isang click lang ng mouse, andoon na ako agad sa bloghay nyong mga kapatid at katoto. Pangalawa, para maipaalam ko rin naman sa sangkatauhan, este, sa pangkalahatang audience, kung sinu-sino ang mga hinahangaan ko at kinagigiliwang kakwentuhan. Kumbaga, ipagmalaking kong kayo ang mga gusto ko sa blogworld at dahil sa inyo, parang mataas na rin naman ang panlasa o pamantayan ko sa pagbabasa, haha.

Pero, takot ako sa commitment. Iwas akong mangako ng mga bagay na di ko rin naman kayang ibigay o panindigan. Ang dami nang pagkabigo sa totoong buhay, pati ba naman dito sa mundong gawa-gawa lamang ay dadalhin ko pa ang pagiging bulaan? Hayaan na lang muna nating panahon ang magsabi kung kaya kong manatili sa inyong tabi at kung para sa inyo, ako’y magiging katanggap-tanggap bilang pirming kakwentuhan o kung sinuswerte, bilang kaibigan.

 

Minsan ay nagtatampo ako sa inyo. Minsan ay natatakot. Minsan, ako’y nagtataka lamang. Palagay ko, ganoon din kayo sa akin.

Sa bawat isa sa inyo, andoon ang aking pagtatanongbakit kaya niya nasabi ang ganoon? Ano kaya ang nais niyang ipakahulugan? Sino kaya ang kanyang pinatutungkulan? Bakit ganoon na lang siya kalungkot? Sino o ano kaya ang nagpapasaya sa kanya ngayon? Bakit kaya matagal siyang nawala? Ano kaya ang baon niyang kwento sa kanyang pagbabalik?

 

Ang inyong mga bahay ay tila imbakan ng mga mumunting galak; mga lihim na kaligayahan; mga inipong lungkot na unti-unting isinisiwalat; mga kaalamang pinaghirapan ng maraming taon – ibinabahagi ngayon ng walang bayad sa sinumang mapadaan; mga patawang may kahalong pait at; mga larawang gustong magpakilala, habang wari’y nais rin namang magkubli.

Naroon ang mga salitang nagsasabing wala, kanyo, kayong pakialam – pero tila nakikiusap ring pakinggan at ang mga paanyayang lumapit at makinig sa inyong kwento – habang tila nagpaparinig, “Lumayo ka, hindi ako karapat-dapat.”

Parang magagaslaw ang inyong mga panulat. Tila nakaipit o nakasuksok sa mga payak nyong pahayag at paglalarawan ang hiling na kayo ay dinggin at samahan. Inyo man ang wika nyo ay pinakanakaka-inip na istorya ng buhay, iyo’y buhay pa ring pumipintig at may kwenta. May saysay.

Kung minsan, sa inyong mga sinulat ay tila tahasan kayong nanghahamon, iniimbitahan ako at ang iba pang maghanap sa katotohanang nakatago sa mga letra. Kung minsan ang mga mensahe ninyo ay parang puno ng galit, nagpapa-alala – kailangang maging mahinahon at ang paghahangad sa kapayapaa’y isang pagpapahalagang di-kumukupas.

 

Noong mag-umpisa akong mag-blog,  inisip ko rin lang na magkwento ng mga karanasan sa mga taong andyan pero di ko kilala at mas malamang, di rin makakaisip na kilalanin ako. Kumbaga, unloading lang. Anonymous. Mass audience. At dahil kako, ako ay matanda na, marami-rami nang laman ang aking baul.

Gayundin, pagsusulat ang linya ko – malamang kaya ko nang magdugtong ng mga salita para palabasin ang isang punto sa paraang kainti-intindi naman. Isa pa, malamang sa hindi, hindi aktibo sa blogosphere ang mga dati kong guro sa Pilipino. Ligtas, kako, ako sa tila one-way na kalsadang pinili ko.

 

Image of the happy sun taking a peek

Dito sa sphere ng blog, nakakakita ng maaliwalas na lansangan/ graphicleftovers.com

Pero, iyon. Akala ko lang. Mag-iiba pala ang aking mga tuntungan habang tinatahak ko na ang daan. Ang blogosphere  pala ay  kalsadang hindi iisang tunguhin lang ang daloy.

 

 

Oo nga at kung minsan, ito ay tila isang hardin – maaliwalas ang paligid at puno ng mga berdeng dahon at mga kagiliw-giliw na bulaklak. Maligamgam ang sikat ng araw na dumarampi sa aking mga balat, habang doon – ako’y namamasyal. Banayad ang hangin, maliwanag ang mga ulap at mapagkalinga ang lupang binabagtas.

 

Pero, may mga bahagi ring matinik, may batuhan at may mga parte ring matarik at madulas. Kung minsan, dumidilim din ang langit at nagbabadya ng bagyo. At bago ko pa namalayan, ako pala’y naroroon na sa kadawagan. Tulad din sa totoong buhay – ako ay nagkakamali, naliligaw, namamalik-mata at napapaliko¬†—¬†kung saan-saan.

Subalit, may mga puno rin namang nagiging giya sa paglalakbay. May mga mumunting halaman ding ang mga sanga’y nakakapitan. May mga munting liwanag pa ring tumatanglaw sa mga manlalakbay. At, muli akong hahakbang at babagtas patungo ¬†sa malayong dako.

 

At tulad ng dati, naroroon pa rin ang kaba, ang pag-aalinlangan, ang pagkasabik sa mga di ko alam at ang pananalig na ang mga pagtatangka ko’y may pupuntahan. Maligalig at hindi tiyak kung minsan ang byahe, may mga panahong naantala at paminsan-minsan, pinanghihinaan ako, kanyo, ng loob. Pero, tuloy pa rin… ūüėČ

Sa daan, andami kong nakakasabay at nakakasalubong. May mga hindi namamansin, mayroong umiiwas, may ilang nambubunggo, may rumaragasa at may mga tahimik lang na lumalakad. Pero, may mga ngumingiti rin at kumakaway. May ilan ding malugod na bumabati.

 

At sa tuwing hindi banayad ang byahe, sa tuwing mapapakunot ang aking noo sa mga kaganapan at sa mga panahong ‘ika nga ay matamlay, minsan ay sapat na ang alaala ng ilang ngiti at masisiglang kaway –¬†para ibulong sa sarili: Sus, tuloy lang!

 

I get by with a little help from my friends. Kayo ‘yon, da bes kayo! ahaha… ūüôā

 

Larawang karton ng mga bloggers na nagkukwentuhan

May mga totoong tao sa likod ng blogs. Totoo rin yatang makukulit/ http://www.123rf.com