Posts Tagged ‘mortar and pestle’

Nanliligaw sa Tanghali

image of courting birds, borrowed from t3.gstatic.com

Mayo hanggang Disyembre ang panahon ng ligawan /flickr.com

Doon sa liblib naming lugar, ang karamihan sa ligawan ay nagaganap pag bandang Disyembre – dahil bakasyon, at sa summer – dahil may Flores de Mayo. Siyempre, karamihan sa ligawan ay nagaganap pag gabi. Sa panahong ikinukwento ko rito, wala pa namang cellphone, internet o anupamang gadget na maaaring maging plataporma ng ligawan, pormahan o landian. Medyo may remnants pa noon ng harana doon sa amin, pero di na ito laganap. Sa kalakhan, ang getting-to-know-you noon ay ginagawa at nangyayari  ng harapan at personal.

 

Pero may munti ritong problema. Ang mga tao sa amin ay konserbatibo. Hindi ibig sabihin nito ay walang nangyayari sa aming nabubuntis nang di alam kung sino ang tatay, lalaking nagiging dalawa ang asawa o babaeng umaalis ng tahanan para sumama sa iba. Mayroon din… Pero, hindi uso ang mga ganitong paglabag at medyo mabigat ang kinakaharap ng mga taong gumagawa ng ganito, doon sa amin.

 

image of a young woman daydreaming

Sa halip na gumawa sa bahay, daydreaming ang mga lukaret kong kapatid/ t1.gstatic.com

Bata pa ako nang mga panahong iyon, pero dahil ang dami kong ate, natatandaan ko pa ang sinasabi ng tatay namin sa mga manliligaw ng aking mga kapatid, “Ay, Totoy, ang aming dalaga ay nag-aaral pa. Bumalik ka na laang pag may diploma na.” Patay-malisya ako kunwari, pag naririnig ko ang mga ganoon. Pero dahil maliit pa nga ako at wala pang moralidad na nalalaman, natatawa ako pag nakaalis na ang manliligaw. Lulugu-lugo ang mokong. Tapos, pagtsi-tsismisan na namin ng mga pinsan ko. Ayaw ko sa kanilang mga manliligaw – inaagaw nila ang oras namin – sa halip na maglaba o kaya, samahan akong gumawa ng walis, nagdi-daydreaming ang mga lukaret kong kapatid.

 

Background lang ang mga nabanggit sa totoo nating kwento – ang panliligaw sa tanghali. Dahil ang pag-ibig daw ay wala namang pinipiling panahon, may paraang na-devise doon sa amin para makapagligawan kahit hindi Mayo o Disyembre. Ito ay ang lupakan. Oo, iyong paggawa ng nilupak. Isa itong napaka-importanteng tradisyon doon sa amin, may significant contribution sa larangan ng pagpaparami… Hindi ito limitado sa panahon ng Valentines. Naka-depende ito sa availability ng saging na saba at kamoteng-kahoy o ube, sa lugar namin… bilang prime ingredients ng nilupak. At, siyempre,  kung may pambili ng asukal, gatas at mantekilya – ang binatang may sinisinta.

 

image of a young Filipina, borrowed from t0.gstatic.com

Hindi maiiwasang ligawan /haranathemovie.com

Ginagawa ang nilupak pag araw. Isa ang nilupak sa mga pagkaing Pinoy na napakatakaw sa oras ang preparasyon – mga walong oras. Sapat iyon para makakwento ng husay ang nanliligaw, makapagpa-demure ng katakut-takot ang nililigawan at mag-alala nang husto ang mga magulang ng babae – ang kanilang Ineng na pinaka-iingat-ingatan – hindi malayo sa mag-aasawa na.

 

Pero, dahil nga tradisyon, hindi pwedeng hindian ang pakiusap, “kung maaring dumayo ng lupakan.” Ibig sabihin, pupunta ang lalaking umiirog, kasama ang kanyang mga kabarkada, sa bahay ng babaeng napupusuan. May dala silang lusong at halo, saging at asukal at iba pang mga pansahog ng nilupak… May baon rin sila, siyempreng mga kwento at hirit na makakapagpatunaw sa di-namamansing puso ng dilag. Maghapon ang lupakan. Kadalasan, ginagawa ito sa amin noon – pag Sabado.

 

Sa akin, pag sinabing darayuhin kami ng mga maglulupak, paglilinis ng bahay ang kaagad kong naiisip. Dahil may ate akong kumekerengkeng, kailangan naming mag-general cleaning. Mula sa pagwawalis ng mga ila-ilalim, pagkukuskos ng mga pasamano, pagpapalit ng mga kurtina at paglilinis ng bakuran – lahat ay pakikintabin at aayusin dahil may bolahang magaganap. Hindi naman eksaktong nagre-reklamo ako – noon at maski ngayon. Basta, iyon ang sumasagi sa isip kong mamalag-malag pa ng mga panahong iyon…

Sa mismong araw ng lupakan, excited kami ng mga pinsan ko. Dahil magiging abala ang mga matatanda sa bahay, di kami gaanong mapapansin sa aming mga kalikutang pinaggagawa. Makakaiwas din kami sa mga panghahabol ng kurot ng aming mga ate – busy sila sa hosting. Pag ganoon kasi, ang mga dalaga sa angkan na malalapit lang ang bahay, obligado ring tumulong sa event. Kung ilan ang binatang dumating, dapat may ipantatapat ring parehong bilang ng kadalagahang mag-e-estima sa kanila. Harapan ang tawag doon.

 

Image of a man and a woman, helping out to make nilupak

Maihahambing sa isang dula ang okasyon ng paggawa ng nilupak/ http://www.youtube.com

 

Sa tagal na ng mga pangyayaring ito, medyo nakalimutan ko na ang dialogues. Pero, natatandaan ko pa ang mga eksena. Wala lang, kung tutuusin. Maglulupak lang talaga ang mga kabataang lalaking taga-amin sa bakuran ng nililigawan. Mahabang-mahabang oras iyon, kung kailan at saan ang mga kalalakihan ay nagpapalitan sa pagbabayo ng mga sahog sa lusong, gamit ay halo at ang mga kababaihan naman, taga-kuha at taga-lagay ng mga sahog na akala mo baga, importanteng bahagi sa paghahanda ng nilupak… Naka-istambay silang lahat, nagku-kwentuhan. Ang mga magulang ng nililigawan, sumisilip paminsan-minsan, para palabasing ayos lang sa kanila ang lahat ng nagaganap, maski hindi. 😉

 

image of mortar and pestle, borrowed from t1.gstatic.com

Maraming oras na binabayo ang nilupak /batanggenyo.net

Sa ganoong sitwasyong kita at masid ng lahat ang ligawan, nai-imagine nyo  gaano kahirap? Ang lalaking pomoporma, hindi dapat mag-mukhang mayabang o agresibo, kailangang makabalik pa siya sa bahay ng nililigawan. Kung masyadong malakas ang kanyang dating, ang dami ng nakapaligid na magbibigay ng feedback at evaluation sa kanya… Ang babae naman ay hindi dapat magmukhang bukas na bukas sa mga reaksyon nya sa sinasabi ng nanliligaw – siguradong masasabihan sya pagkatapos ng mismong mga kapatid at pinsan – isa syang talandi. Pagka ganoon, hindi maganda ang kinakalabasan ng ligawan. Nagkakaroon ng pagkontra…

 

Kaya nga, masasabi ko, ang ligawan sa lupakan ay isang sining. Ang sining ng pagpapa-cute ng dalawang nagtatantyahang mga puso na dinadaan lang sa mga padaplis na hirit at tinginang malalagkit, sabay tungo. 😉 Kung makakapanood kayo ng ganito, masasabi nyo rin sigurong isa itong teatro. Bawat ngiti ay may pakahulugan, bawat bigkas na salita ay may sukat at pinaghandaan. At ang mga pinsan at barkadang nagsisilbing chorus ay alam kung saan sila papasok at lalabas, kung kailan sila magse-second the motion at kailan sila magbi-blend. 🙂

 

Ikinalulungkot kong ibahagi sa inyo: walang yakapan at halikang nagaganap sa lupakan. Sabi ko nga, ang mga tao sa aming lugar ay konserbatibo. Ang pinakamaunlad ko nang nasaksihan sa mga gano’n ay mga palihim na holding hands at split-seconds na pagsandal ng babae sa lalaking nanliligaw. Ang mas madalas na feature doon – ang pag-alalay ng lalaki sa babae pag bumababa ng hagdan o pag lumalakdaw sa putik na madaraanan sa bakuran. Na ang ibig sabihin, hinahawakan ng lalaki ang siko ng babae at ang huli ay nagbu-blush ng sapat-sapat lamang – para hindi mahalata ng sangkaterbang nanonood – gaya naming mga batang matatabil at makukulit.

 

image of a young man and woman in courtship, borrowed from t3.gstatic.com

May mga tumutuloy sa relasyon /flickr.com

 

Ang alam ko, ang matatagumpay na istorya ng ligawan sa lupakan, itinutuloy pa rin sa mga buwan ng Mayo at Disyembre. Mayroong nagiging totoong magka-relasyon, may nagiging mag-asawa, may na-uunsyami at may naghihiwalay. Noong kami na ng mga pinsan ko ang nagsilakihan, hindi na gaanong uso ang ligawan sa lupakan, doon sa amin… Kung kaya kami mismo, hindi nakaranas na maging bida sa ganitong palabas. 😉

 

Hindi namin alam kung alin ang sisihin – sa exciting sanang karanasang aming na-miss : ang nagbabagong tradisyon o ang pagtaas ng presyo ng asukal? 😉

 

image of nilupak, borrowed from t1.gstatic.com

Maligat ang texture ng nilupak/t1.gstatic.com

 

Please see:

http://www.lakusina.com/nilupak-na-saging-recipe/

http://www.negosyopilipinas.com/recipes/50043-nilupak.html

http://philippinesfoodrecipes.blogspot.com/2010/06/nilupak.html

http://lutongpinoy.info/nilupak-na-saging-mashed-banana/