Posts Tagged ‘mga tala ng buhay sa nayon’

Sabado ng Kamusmusan

 

image of a rainforest, borrowed from t1.gstatic.com

Pakaunti ng pakaunti ang ating mga gubat /panoramio.com

 

Noong bata pa kami ng mga kapatid at pinsan, marami pang mga gubat sa amin at may mumunti pang mga sapang may samut-saring hayop at insekto.

image of an ecosystem, borrowed from king.portlandschools.org

Magkakarugtong ang buhay ng mga halaman at hayop /king.portlandschools.org

 

Pag naglalaro kami noon sa tabi ng bahay, ang binubutingting namin ay ang kurukutok, isang insektong nakatira sa alikabok at paurong kung maglakad. Binabantayan rin namin noon ang mga pula at itim na insektong naliligaw at gumagapang sa may bintana. Hinuhuli rin ng mga batang lalaki sa amin ang iba’t ibang klase ng gagamba, nasa ilalim sila ng bubong ng mga balag.

 

image of milkweed bugs, borrowed from t0.gstatic.com

Mas malalaki sila kaysa sa langgam, kilala bilang milkweed bug/ mobot.org

 

Pag sawa na kami sa pagbabahay-bahayan at paggawa ng mantika mula sa dahon ng gumamela, pumupunta kami sa mga gulod at namimitas ng mga bunga ng punong di-tanim sa bakuran. Ang una naming hinahanap ay ang bignay na pagka-asim-asim. Sunod ang matamis na talang, mas kilala bilang mabolo. Pagkatapos, itataboy namin ang mga ibong nasa tuktok ng matinik na puno ng cherry, para ang mga kapatid naman naming lalaki ang paakyatin doon. Pagbaba nila, mukhang binagyo na ang puno. 😉

 

image of ripe currants, borrowed from t1.gstatic.com

Tumutubo ang bignay sa gubat, kilala bilang wild currant /stuartxchange.org

image of velvet apple or mabolo fruit, borrowed from t1.gstatic.com

Matamis ang laman, parang velvet ang balat/ proscitech.com.au

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

image of wild cherry fruit, borrowed from t0.gstatic.com

Hindi nahihinog ng sabay-sabay ang mga bunga ng cherry/bidorbuy.co.za

 

Nanunungkit din kami sa gulod ng mababangong bayabas at pag wala nang hinog, nagtityaga na lang kami sa bubot. Kung minsan, may naglalakas-loob sa aming umakyat sa marurupok na mga sanga ng punong sampalok. Kadalasan, wala kaming dalang asin, nakakakilig pag tikiman na ng mga bunga. Pag gayon, inuuwi na lang namin ang sampalok sa bahay para pang-asim sa isda.

 

image of sampaloc fruit and tree, borrowed from t2.gstatic.com

Marurupok ang mga sanga ng punong sampalok, maasim ang bunga /fatihmoessner.iblog2011.com

 

Sa daan, sari-sari ang mga hayop na nasasalubong namin noon gaya ng mga alamid at musang na nagulat sa pagkakatulog. Ang mga ito ay hayop-gubat na hindi mahilig magpakita pag araw at hindi rin pala-kaibigan sa mga tao. Maamong tingnan ang mga alamid, mababangis naman ang itsura at kilos ng mga musang. Nakaka-engkwentro rin kami noon ng mga uwang o butiking-gubat na mahusay magpalipat-lipat sa mga puno at kung minsan ay nandudura pa. Sa totoo lang, di sila lumilipad, kundi, nagga-glide. 🙂

 

image of common palm civet or musang, borrowed from t1.gstatic.com

Mabangis na hayop, parang lobo /kitsiescrocodiles.com

 

 

 

image of an asian palm civet

Matatamis na prutas ang kinakain/ vietnamese-coffee.com

 

image of the Philippine flying lizard, borrowed from t0.gstatic.com

Nakamamangha ang kakayanan nilang magpalipat-lipat sa mga puno / flickr.com

 

Pag nakaikot na kami sa malayo, babalik kami sa tabing-bahay. Babatuhin namin ang mga bunga ng tyesa sa paligid, pag nagsipaglaglagan ay anong kalat masdan! Hindi namin kinakain ang tyesa at lagi naming pinagtatakhan – bakit may ganoong punong hindi masarap ang bunga… Gaya rin ng puno ng aratiles, ikinakalat at pinag-yayapakan lang ng mga bata ang bunga – doon sa amin. 🙂

 

image of tiessa or canistel, borrowed from t2.gstatic.com

Dumidikit ang tyesa sa ngala-ngala, pag kinakain /marketmanila.com

 

image of Jamaican cherry or aratiles, borrowed from t1.gstatic.com

Manamis-namis ang bunga ng aratiles/cooking-in-small-spaces.blogspot.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Bago mag-tanghali, tatawagin kami sa aming bahay-bahay para katulunging magtahip o magpili ng bato sa bigas na pansaing. O, kaya naman, para maghimay ng mga butil ng patani, kibal o kadyos, uulamin sa tanghalian.  Pagkatapos, magbabantay naman kami ng sinaing at magbabangi ng tuyo sa baga ng kalan.

 

image of a woman winnowing rice, borrowed from t2.gstatic.com

Inaalis ang mga apa ng palay at mga bato sa bigas/ focus.tracinglight.com

 

 

image of paayap beans

 

 

 

 

 

 

 

 

Pag kumakain kami noon, nakakamay lamang at laging may tabong hinawan. Pagkatapos magdasal, paiikutin ang tabo para doon isasawsaw ang kamay ng mga kakain. Pagkakain ng pamilya, ang mga alagang hayop naman ang pakakainin – aso, manok, baboy. Maghuhugas ng pinggan at pagkatapos, mag-i-is-is ng mga kaldero. Wawalisan ang kusina at kung walang gaanong gawain, maaari na uling maglaro o makisali sa ginagawa ng iba. 🙂

 

Kung sa bahay ng lola namin ay may nahuling tuko, takbuhan kami roon – makiki-usyuso at para gayahin ang likha nitong tunog. Tapos, pag mayroong kapitbahay na nakahuli ng bayawak sa may sapa, doon naman kami magsisipuntahan. Makikinig kami sa kwento kung paano nabitag ang maliksing hayop. Habang sinisilip namin ang kanilang mga pangil, ikukumpara namin ang nahuling bayawak sa mga buwayang nakita namin – sa komiks at sa libro… 😉

 

image of tuko lizard, borrowed from t1.gstatic.com

Mahigpit mangunyapit ang tuko, panakot noon sa mga bata/ world.mongabay.com

image of a monitor lizard, borrowed from t1.gstatic.com

Nanginginain ang bayawak ng buhay na manok /clickthecity.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Kung minsan, may kanayong ang bubong o poste ng bahay, pinagbahayan ng laywan o honey bee… Pag ganoon, makikisali rin kami  sa pag-aani ng pukyutan o honey. Sulit lagi ang pagsalibuyboy naming mga bata:  Madalas, pag-uwi namin, maga ang aming mga mukha sa mga kagat ng laywan at nanlalagkit ang aming mga kamay, ipinansalok sa pukyutan. 😉

image of honey bees at work, borrowed from www.agripinoy.net

Masakit mangagat ang mga laywan/ agripinoy.net

 

Bandang alas-tres y medya, meryenda na – nilagang kamoteng-kahoy o kaya, pinakuluang butil ng tapilan – may asukal at kinudkod na niyog. Kung wala, ang minindal ay bahaw na kanin, uulaman ng brown sugar… Laging masarap ang mga pagkaing iyon sa aming panlasa, naiba lang ang opinyon namin – nang kaming magkababata ay makatikim na ng ibang meryenda sa lungsod.

Image of a cup of cooked rice

Lagyan lang ng asukal ang kaning- lamig, meryenda na/ http://www.steamykitchen.com

 

Pagkatapos ng meryenda, isa-sa uli kaming tatakas papunta sa bungad ng gubat – manghuhuli ng mga sikada o insektong yayay, turukakak at kuliglig… Ang yayay pala, kahawig ng kuliglig – pero kulay gray o brown –  insektong nag-uumpisang mag-ingay sa tanghali. Ang turukakak ay higit na malaki, mas maingay ang huni at kulay itim na nakakatakot… Ang kuliglig o cricket naman – kulay berde, mas matinis ang likhang tunog at nagpapakita bandang alas singko na ng hapon. Sila ay nakadikit sa mga puno at hinuhuli namin sa pamamagitan ng pagdakma  o kaya, gamit ay panungkit na may pansilo at inilalagay namin ang mga huli  sa lumang lata… 😉

 

image of yayay insect, borrowed from t3.gstatic.com

Maiingay sila sa tanghali hanggang hapon /world.mongabay.com

image of a green cricket, borrowed from t1.gstatic.com

Alas-singko sila nag-uumpisang mag-ingay /world.mongabay.com

 

 

 

 

 

 

 

image of a black cicada, borrowed from t2.gstatic.com

Malaki at mataba, black prince cicada sa Ingles /flickr.com

 

Sa oras na madiskubre na ng matatanda ang aming pagkawala, isa-isa kaming tatawagin para paghuhugasin ng mga kamay at utusan ng simpleng gawain gaya ng pagpapatuka ng manok. Matapos iyon, maari pa rin kami noong maglaro, pero sa harap o gilid na lang ng bahay… Madalas, tumbang-preso o taguan ang laro namin sa ganoong oras.

 

image of children playing, borrowed from t0.gstatic.com

Mga laro bago maghapunan /batanggero.blogspot.com

 

Maya-maya pa, makikita nang humihimpil ang mga tandang na manok sa sanga ng mangga. Ganoon din ang mga manok-gubat at manok na labuyo… Ang mga inahing manok naman,  umaakyat na sa kani-kanilang pugad para limliman ang mga itlog. Senyales ang pamamahinga ng mga ibon sa amin noon ng dapit-hapon… Maya-maya pa, tatawagin na kami para sa orasyon. Hahalik na rin sa lupa ang mga butiking-bahay. Pagkatapos ng dasal at pagmamano sa mga matatanda, maglilinis na kami ng katawan. Ang susunod, paghahain na ng hapunan… 🙂

 

image of a labuyo rooster, borrowed from t1.gstatic.com

Natutulog sa sanga ng mangga/ sabong.net.ph

 

Ganito ang weekend noong bata pa kami. Naalaala ko ito dahil ang Philipine civet o alamid, inilagay ang imahe sa perang bente pesos. Nang tinanong ko ang mga pamangkin ko kung ano ang alamid, hindi nila alam. At lalong hindi nila kilala ang musang… Natuwa sila sa ideyang sa ngayon, kapeng alamid ang pinakamahal na kape… Nang sinabi kong iyon ang kapeng iniinom namin noong araw, ang sagot nila, ” Weeeh? Talaga?

image of coffee excreted by alamid, borrowed from t2.gstatic.com

Balat ng kape lang ang  kinakain ng alamid /coffeequip.com

 

Sabihin pa, wala silang ideya kung ano ang kurukutok at hindi pa sila nakakakita ng manok-gubat. Naalaala ko, sa National Geographic Channel na nga pala nila nakilala ang marami sa mga hayop at ang iba naman, sa mga pahina ng encyclopedia. Sa field trip sa Los Baňos lang sila nakakita ng gubat o rainforest.

 

Hindi siguro nakapagtatakang nakilala nila ang alamid, sa unang pagkakataon, sa bente pesos.

 

image of the new philippine twenty peso-bill, borrowed from t0.gstatic.com

Nasa likod ng bente pesos ang imahe ng Philippine civet/ sulit.com.ph

 

Hello world!

 

Welcome to my blog!

 

Sa kalakhan, ang site na ito ay tungkol sa mga karanasan namin ng aking mga kababata noong early ’80s na isinulat sa kasalukuyan.  Ang mga entries dito ay karaniwang tungkol sa buhay-bukid, naganap sa aming baryong, sa wika nga ng mga propesor ko dati,  poor and technologically backward pa.

 

Mahigit dalawang kilometro ang lalakbayin namin noon bago sapitin ang pinakamalapit na aspaltadong kalsada. May koryente na pero ilang kabahayan pa lang sa aming nayon ang nakakabili ng linya at sikat ang bahay na mayroong tv. Wala pa rin noong tubig sa gripo at lalong wala pang telepono.  At gaya nga ng sabi ng iba, marami pa noong nabibili ang singko, pero napakahirap kumita ng piso. Marami pa noong mga palayan doon sa amin.

 

Bata na ako nang panahong iyon. O, bata pa ako noon pero may kaunti nang bait para matandaan ang ilang mga bagay at pangyayaring tumulong humubog sa aking mga kapatid, kasabayan at sa akin mismo.

 

Gusto kong maitala ang mga karanasang ito para magkaroon ng ideya ang mga pamangkin ko tungkol sa buhay-buhay noong kapapanganak pa lang sa kanila o bago pa lang sila ipinanganak. Maaaring para sa kanila, ang mundong ito ay boring, weird at far out. Pero, maaari ring sa ibang pagtingin, ang kaparehong mundo ay interesting, typical at close to heart. Hindi natin malalaman hanggang di naisusulat, nababasa at napag-uusapan.

 

Sa aking pag-intindi, ang blogs ay ginawa at dinesenyo para mabasa at makita ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon. Tila sila mumunting paintings. Ang bawat entry ay tila canvass kung saan iginuguhit ang mga impresyon, hindi lamang ng may-akda, kundi pati rin ng mga babasa. Sa gayon, sikapin nating ang modest work of art na ito ay hindi ma-vandalize.

 

Ang mga panauhin at mambabasa nito ay welcome at inaanyayahang mag-komento sa mga paksa.

 

Maaari kayong mag-cite ng kahawig o kabaligtarang karanasan, magbigay ng kakaiba o kapareho mang opinyon sa paksa, magdagdag o magdugtong ng kwento, humingi o magbigay ng dagdag na paliwanag, magbigay ng pagwawasto at mungkahi sa nilalaman at sa anyo ng pagkakasulat, at, mag-umpisa at makibahagi sa debate (Constructive, ha?). But please do so responsibly.

 

Bawal dito ang mag-promote ng produkto at serbisyo. Iwasan din ang pagiging sobrang negatibo, sagad-sagarang panlalait at siyempre pa, ang paninirang-puri.

 

Tandaang anumang iyong isusulat dito ay maaring mabasa ng sinuman sa mundo, maging ng iyong kaapu-apuhan. Tandaan ding may option kang gumawa ng sariling blog. Panghuli, ipinapaalalang may karapatan ang may-akda ng blog, o di kaya ay ang moderator ng website (http://wordpress.com), na i-edit o i-delete ang mga komentong sa tingin niya o nila, ay di na nakakabuti sa diskusyon at di na nagpo-promote ng goodwill. Sisikapin natin ang maximum tolerance hanggang kaya.

 

Kung ang mensahe mo sa akin (may-akda) ay very personal, mas maiging i-email mo na lang ako sa read_blink_live@yahoo.com at nang tayo rin ay makapag-kumustahan.

 

Maraming salamat. Happy reading!

 

Doon Po sa Amin