Posts Tagged ‘mga pagkaing masarap’

Ang Paho Nga Naman

 

May mahigit 400 daw na varieties ng mangga sa buong mundo, sabi sa mga encyclopedia at sa websites ng agriculturists. Nakakagulat ang dami. Ang pagkakaalam ko dati, mga tatlumpo lamang.

 

Image of a cluster of mango trees

Bahagi na ng buhay ng maraming Pilipino ang puno ng mangga/ http://www.treepicturesonline.com

 

Kung sa ordinaryong perception lamang, ang Pilipinas na ang isa sa kilalang sources nitong mangga. Kalakhan sa iniluluwas nating  mangga, galing sa islang probinsya ng Guimaras at ini-export naman natin sa Japan, sa Hongkong, sa Australia, sa U.S. at sa Europa.

 

One variety of mango known to Filipinos as Indian mango

Manggang pabilog, karaniwang kilala bilang Indian mango/ toptropicals.com

Sa pagkaalam ko pa, mayroon din nito sa India kasi nga, kilalang-kilala natin ang Indian mango. Mayroon din nito sa Japan kung saan ang mga tao ay mahilig mag-singit ng kapirasong hinog na mangga sa mga pagkaing gaya ng maki. Mayroon din nito sa Mexico dahil uso rin sa kanila ang mga lutuing nilalagyan ng mangga.

 

Pero, iyon nga. Akala ko lang ‘yon. Iyon din siguro ang akala nang marami sa atin.

 

Sang-ayon sa Food and Agriculture Organization (UN-FAO), pang-anim lang ang Pilipinas sa top exporters ng mangga sa mundo. Nauuna sa atin ang mga bansang India, China, Mexico, Thailand at Pakistan. Isa pa, mayroon din palang mangga sa US, pangunahin sa Florida at sa Hawaii.

 

Mayroon din daw nito sa ilang bahagi ng Europa at sa maraming bansa sa South America. Marami ring mangga sa iba pang mga bansa sa Asya. Ang sabi sa mga pag-aaral, limitado raw ang paglago ng industriya ng mangga dahil karamihan ng ani nito ay kinakain lamang ng mga nagtatanim o kaya ay ibinebenta sa mga lokal lang na pamilihan.

 

 

Ang mangga ay isang tropical fruit. Isa itong bungang-kahoy na nabubuhay sa mga lugar na ang klima ay mainit o maligamgam. Kaya naman hindi nakapagtatakang marami nito sa Pilipinas. Wala yatang Pilipinong hindi alam kung ano ang mangga.

 

A typical image of an unripened mango fruit

Manggang hilaw, hugis-puso/ toptropicals.com

 

Pero sabi ko nga, limitado ang alam nating variety nito: ang kinalabaw, Indian, piko at pahuhutan. Siyempre pa, kanya-kanya ring opinyon iyan kung alin sa kanila ang pinakamatamis, pinakamaasim at pinakamasarap.

 

Image of ripe mangoes

Ang hinog na manga ay paboritong minatamis ng mga Pilipino/ flickr.com

 

Doon sa amin, may isa pang variety ng mangga na bibihirang matagpuan sa mga palengke dito sa malaking lungsod – ang manggang paho. Ang paho ang pinakamaliit na klase ng mangga. Karaniwang isang inch lang ang haba nito at isa’t kalahating inches naman ang diameter. At least, ganito ang sukat niya sa umpisa ng paho season, bandang Pebrero.

 

Ang paho ay makikita sa mga palengke sa amin sa pagitan lang ng Pebrero at Abril ng taon. Iyong mga hindi pa nakakakita at nakakatikim nito, ayaw maniwalang ganito lang kaliit ang prutas na ito. Pero ganoon talaga. 😉

 

Image of paho bunches, for sale

Naka-bungkos ang mga pahong mabibili mula Pebrero hanggang Abril/ marketmanila.com

 

Sa huling banda ng Marso hanggang Abril, medyo malalaki na ang pahong makikitang ibinebenta sa mga palengke at istasyon ng bus. Tatlong inches o pulgada na ang haba nito at limang pulgada na ang diameter. Magulang na rin ang buto nito sa loob sa panahong iyon. Para sa mga sanay kumain ng paho, pinakamasarap itong kainin habang bubot o bata pa lang. Pag tagal, hindi na kapareho ang lasa.

Image of two bunches of paho

Dalawang bungkos ng manggang paho, mas malalaki kaysa sa unang ani/.marketmanila.com/archives

 

Bukod sa mas maliit, ano ang ipinagkaiba ng paho sa ibang mangga? Mas mabango ito at mas masarap gawing salad o ensalada. At siyempre pa, dahil bibihira itong matagpuan, para bagang mas masarap. At, hindi lang ako ang nagsasabi niyan.

 

Kinakain ng hilaw ang manggang paho. Ginagayat at nilalagyan ng kaunting asin o patis at sinasamahan ng kamatis at sibuyas na tagalog. Pinakamainam itong katerno ng sinaing na tulingan o kaya ay tambakol. Mas maganda kung naka-kamay lang ang kakain at iuulam ang powerful combination na ito sa sandamakmak na kanin. Talagang masarap. 😉

 

image of paho salad, borrowed from marketmanila.com

Masarap katerno ng isda o karne sa kanin/ marketmanila.com

 

Karaniwan din sa amin ang magburo o brine ng paho. Pag bandang Pebrero na, naglalabasan na sa bahay-bahay ang mga garapong pagbuburuhan ng paho. Ang binurong paho ay ipinadadala rin sa mga anak, kamag-anak at kaibigang nasa Maynila o nasa ibang lugar. Pero, siyempre, iba ang sariwang bungkos ng pahong ipinanre-regalo. Pag pinadalhan ka noon, ang ibig sabihin ay special ka, sa taga-amin.

 

image of brined paho fruits

Sa lugar namin, karaniwang binuburo ang paho/ marketmanila.com

 

May kamahalan ang nabibiling paho. Pag umpisa pa lang ng season, tatlo hanggang limang piso ang isang piraso nito. Ibig sabihin, ang isang bungkos na naglalaman ng 25 hanggang 30 na paho,  nagkakahalaga ng isandaan hanggang isandaan at limampong piso. Habang tumatagal, pamura na ang presyo. Umaabot hanggang sa piso na lang ang bawat piraso ng rare na manggang ito.

 

Sa lugar namin, halos lahat ng bahay ay may puno ng mangga. Pero karamihan sa mga tanim ay ang ordinaryong varieties. Ang mga Indian mangoes, anumang oras ay maaring hingiin basta mga isang dosenang piraso hanggang isang basket lang. Ang manggang kinalabaw, karaniwang pambenta. Pero, ipinamimigay rin ito kung mga hanggang anim na piraso lang naman. Ganoon din ang manggang piko. Bibigyan ka ng may-ari ng puno, bahala ka na lang umakyat o manungkit ng bunga.

 

Image of an Indian mango tree laden with unripe fruits

Ang puno ng manggang hitik sa bunga ay takaw-pansin sa mga bata/ fotosearch.com

 

Pero, hindi ganoon kaluwag ang mga tao sa amin pagdating sa paho. Bibihira lang ang may tanim nito at siguradong ang mga bunga niyon ay pambenta.  Gayon din, nagkalat sa amin ang mga batang pag walang magawa ay nag-a-akyat sa mga puno. Ang paho pa naman,  amoy na amoy pag namumunga na. Kaya ayon, heavily guarded ang mga puno ng paho. May nakakubli laging bantay sa tabi ng mga ito. Subukan mong lumapit sa isang puno ng paho at sigurado, may susutsot o hihiyaw sa iyo. Itataboy ka. Sasabihin sa iyong mag-Indian mango ka na lang, gaano man karami ang kaya mong ubusin… 😉

 

* Nagpapasalamat kay MarketMan of marketmanila.com, sa toptropicals.com at sa biljmakers.com para sa mga larawang ginamit dito sa blog post.

 

For more information, please see:

 

http://toptropicals.com/html/toptropicals/articles/fruit/varieties_mango.htm

http://toptropicals.com/html/toptropicals/articles/fruit/asian_fruit.htm

http://www.tropentag.de/2003/abstracts/full/162.pdf

http://www.marketmanila.com/archives/paho-at-the-markets-now

http://www.fotosearch.com/CSP034/k0341191/

http://avrotor.blogspot.com/2010/03/peoples-green-revolution-village.html

http://en.wikipedia.org/wiki/Mango#Production_and_consumption

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-18 ng Nobyembre para palitan ang unang imahe ng puno ng mangga, i-resize ang mga larawan at lagyan ng tamang labels sa credit.

 

Ang Tag-kabute

image of a mushroom plant, borrowed from mongabay.com

tumutubo ang kabute kapag basa ang paligid/ mongabay.com

 

Hulyo kung mag-umpisa ang tag-kabute sa lugar namin. Kapag nagsimula nang mag-ulanan, umpisa na rin ng pagtubo ng kabute.

 

Wala akong kakilalang nagku-culture ng kabute doon sa amin. Inaantay at hinahayaan lang talaga silang tumubo. Saka aanihin. o, puputihin, ‘ika nga sa amin.

 

Agosto ang pinakamagandang panahon para mangabute. Noong bata pa kami, itinataon namin kapag weekends. Kung umulan nang malakas nang Biyernes ng gabi, malamang ay maraming kabuting susuloy kinabukasan.

 

Kaya pagdating ng Sabado, maaaga kaming magsisigising. Bago pa man sumikat ang araw, habang nangangaligkig pa sa ginaw, una-unahan na kaming magkakapatid makapag-suot ng jacket at makapaghanda para sa mahaba-haba at exciting na trek.

 

image of fungi mushrooms on growing trees, borrowed from mongabay.com

tumutubo rin sa matatanda at buhay pang puno/ mongabay.com

Sama-sama naming pupuntahan ang mga gulod, mga kalapit na gubat at pati mga patuto. Sa mga lugar na iyon masipag magsitubo ang mga kabute. Masarap maghanap, masarap maglakad. Kahit pa sabihing madalas-dalas, ikaw ay matatakid o madudulas.

 

Pag nangangabute, kailangang ikaw ay matiyaga at mapagmasid. Buong ingat mong aangatin ang mga tuyong dahon ng niyog o saging na nakahandusay. Susuriin mo ang mga bitak at umbok sa lupa. At kapag ikaw ay sinuswerte, malamang na makikita mo roon ang mga mumunting payong.

 

image of mushrooms on decaying log, borrowed from mongabay.com

mga kabuteng tumutubo sa nabubulok na kahoy/mongabay.com

 

Masa-masa pa ang marami sa kanila, mapipintog at masiglang nag-iinat, kapag nadiskubre mo. Kagabi lang sila tumubo, habang kumukulog. Madaling araw nang sila ay magsilakihan. Pagkatapos, heto na ang mangangabuteng tulad mong handa na agad silang putihin.

 

Noong maliliit pa kami, paligsahan kung sino ang may pinakamaraming mai-uuwing kabute. Palagi ako noong talo. Madalas, iyong isa kong kapatid ang wagi. Isang tingin pa lang niya sa lupa, alam na niya kung may kabute doon o wala. Tapos, ang tatay namin. Ilan lang ang nakukuha niya, tatlo o apat na kabute. Pero iyon ang pinakamalalaki at pinakamalalapad. Sinlalaki ng platito.

 

 

 

image of a giant mushroom, borrowed from varbak.com

larawan ng higanteng puting kabute/varbak.com

 

Pag-uwi namin sa bahay, yabangan na. Hindi lang paramihan ng nakuha. Pagandahan rin ng kwento kung paano nadiskubre ang kabute sa pagtatago, kung paano hinukay at kung gaano kaingat hinawakan ang kabute para maiuwi nang buo pa.

 

Limang klase ng kabute  ang alam kong tumutubo sa lugar namin. Una, ang kabuteng nakakalason. Madali lang itong malaman: kapag itim ang kulay ng ilalim o kisame nito. Ikalawa, ang kabuteng puting maliliit. Ito ay kulay puti, maliliit at tumutubong parang pumpon ng bulaklak sa katawan at mga sanga ng nabubulok na kahoy. Ikatlo ay ang kabuteng tengang-daga. Kahawig talaga ito ng tenga ng daga, maaaring ipansahog sa pagkaing ginisa ngunit di ito gaanong gusto ng mga tao sa lugar namin.

 

image of straw mushrooms, borrowed from b2bagri.com

imahe ng kabuteng mamarang/b2bagri.com/straw mushroom

 

Ang ikaapat ay ang mamarang. Ang mamarang na kabute ay dark brown, medyo maliliit na pabilog at tabi-tabi kung tumubo. Tila sila mga mumunting nipa huts. Ang panghuli ay ang karaniwang kabute. Kulay cream ito. May pagka-mestisa, kumbaga. Malalaki at masisigla ang pagtubo nito. Kung minsan, mayroon nitong sinlaki ng pinggan ang diameter.

 

Sa mga mushroom hunt namin noon, ang mamarang at ang karaniwang kabute ang madalas naming hinahanap. Noong mapunta na ako sa Maynila, hinanap ko sila sa mga palengke at supermarket doon. Gaya ng dapat asahan, di ko sila nakita. Ang uso pala sa malaking lungsod ay pinatuyong kabute, iba-ibang klase.

 

image of dried shitake mushroom, borrowed from thaisquid.com

imahe ng pinatuyong kabuteng shitake/thaisquid.com

 

Mahigit dalawampong taon na mula nang huli akong naghukay ng kabute sa lupa. Natitikman ko na lang ang kabute sa mga pagkaing lutong restawran  o di kaya ay sa mushroom burger. Pero hanggang ngayon, basta tag-bagyo na, hindi ko nalilimutan ang amoy ng bagong-aning kabuteng pinakuluan sa tubig na maraming bawang at sinahugan ng talbos ng kamote.

 

whole button mushroom cooked in coconut milk/connie veneracion

whole button mushroom, isang lutuin sa lungsod/homecookingrocks.com

 

Habang sa imahinasyon ko ay pumapailanlang ang amoy ng nilulutong kabute, bumabalik sa alaala ko ang samyo at saya ng tag-ulan sa bukid.

 

*Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika -15 ng Nobyembre upang idagdag ang mga larawan at para iwasto ang impormasyon sa ikasampo at ika-11 talata, tungkol sa bilang at uri ng kabuteng matatagpuan doon sa amin.