Posts Tagged ‘mga gusaling saksi’

mga anino sa madaling-araw

image of children loitering before a store, borrowed from t0.gstatic.com

Mga bata ng lungsod – gala sa araw, hikap sa gabi/ flickr.com

Nitong mga nakaraang araw, tatlong beses sang linggo ako pumunta kina ate para sa 3-in-1: makisawsaw sa pag-aalaga sa bagong apo, maki-dinner at makigamit ng PC. Pangatlong apo namin ito sa pamangkin, babae, pero malakas umiyak at kay lusug-lusog. Kina ate, pinapakain lahat ng taong dumarating – sino naman ako para tumanggi? Isa pa, sira ang PC namin sa bahay at wala pang kapalit. Kaya hayon…

 

Itong huling weekend, galing uli ako roon. Past 10 na ako nakarating sa kanila kaya past 2 am na ako nakauwi. Hindi ako masyadong naka-computer no’n. Nawiwili yata ako sa pagsasayaw sa maligalig na apo. Itong baby naman, feeling ‘ata nya, yaya nya na ako – panggabing shift. Mahigit dalawang buwan pa lang siya pero aakalain mo, anim na buwang sanggol na. Ganoon na sya kalaki. Paborito nya ang kinakarga sya ng paupo.  Ambigat nya pag pumipitlag, madalas syang nakasimangot at sobra syang cute pag ngumingiti.

 

Pagkalabas ko sa tarangkahan ng bahay nina ate, lakad – mga 20 hakbang papunta sa sakayan. Wala nang bumibyaheng dyip. O, kung meron man, sobrang dalang. Nag-decide akong maglakad – isa’t kalahating kilometro ang layo sa amin. Di ko inisip ang mag-taxi. May bitbit pa mandin akong mga pagkain. Kina ate, para laging di sapat na pakainin ang taong dumarating, halos mandatory pang siya’y pagbitbitin. ‘Yong baby talaga ang gusto kong bitbitin at iuwi.

Sa daan, bukas ang MiniStop sa kabilang side ng kalye. Natutulog naman si Manong gwardya sa unang building na aking naraanan. Bibihira na ang sasakyang lumalampas. May pusang nagkakalkal ng basura sa di-kalayuan. Sarado ang commercial establishments, maliliit na workshops at tindahan. May isang grupo ng homeless na mga nakahiga sa harap ng gusali sa kabilang parte ng kalsada. Kapansin-pansing malapad rin  pala ang national highway sa lungsod. Pero sa oras na iyon, mukha itong inulila.  Maliban na lang siguro sa ilang mga ligaw na aninong gising pa.

 

image of an old man sleeping in the street, borrowed from t0.gstatic.com

Walang pinipili ang katawang pagal/ philippinemanila.com

Binati ako ng Good Morning ng Manong Gwardya sa car service center. Lumingon lang ako’t nilampasan rin sya agad. Maliwanag ang pulang neons sa unang bangkong aking nadaanan. Wala ni isang tao sa harap ng simbahan ng Iglesia ni Kristo, tahimik na tahimik ang compound. Kamuntik nang tumama ang mukha ko sa dalawang paang nakalitaw sa bintana ng nakaparadang dyip – may natutulog bale, sa upuan sa loob. Nilampasan ko ang munisipyo/City Hall na bagong pinta, ang Jollibee  na namamahinga mula sa napakaraming tao pag araw, gayundin ang plaza kung saan ilang kalalakihan ang tulog sa benches.

Maliwanag rin sa may tapat ng Mercury Drug. Wala na ang nagtitinda ng mani sa harap nito, andoon pa ang nagtitinda ng yosi sa gilid. Sa di-kalayuan, sa kabilang side, may ilang taong papasok sa 7/11 – mukhang busy pa rin ang ambience doon. Contrast ang madilim na intersection sa nagpuputiang fluorescents sa loob at labas ng convenience store. May mag-anak na vendor sa labas nito, kapeng mainit ang pangunahin nilang itinitinda.

 

image of a local drugstore at night, borrowed from t3.gstatic.com

May mga establishment na hindi natutulog/ skyscrapercity.com

 

Nilampasan ko ang parlor kung saan ako nagpapagupit at nagpapaayos ng kilay. Dinaanan ko si Manang Lolang nagtitinda ng yosi at skyflakes – tulog siya sa pagkakaupo. Wala naman sa pwesto sa kanyang tabi si Manang L. na nagtitinda ng lutong ulam. Rentahan ng video tapes, bangko, pa-develop-an ng picture – ilan na lang kaya ang nagpapa-develop? Mga bangko uli. Sa tapat naman, sunud-sunod ang mga pwesto ng sanglaan. May isa lamang bangko sa hilerang iyon. Kailangan ko na palang tumawid sa tapat, sa may series ng pub houses. May kumakanta sa videoke.

 

image of night shadows, borrowed from t3.gstatic.com

May mga aninong sumasayaw/ greenarrowradio.com

Pagkatawid, nakasalubong ko ang ilang tambay sa harapan ng mga bahay na patay-sindi. Medyo inaninag ko ang loob-loob nila, halos wala akong makita sa dilim. Wala nang nagbebenta ng barbeque at hotdogs sa hilerang iyon. Nakauwi na ang nagtitinda ng bibingka, nakataob ang silya sa pwesto nito. Saradung-sarado ang tindahan ng LPG.  Tahimik at wala nang kalat sa harap ng video-karera. Wala ang nagsisiksikang kalalakihang larawan ng excitement at desperation. May basket ng penoy-balot na nakapatong sa isang high chair sa bangketa – tila wala sa paligid ang vendor na may-ari.

 

Mga bahay-aliwan uli, iyong tipong hole-in the-wall. Ka-busyhan ng mga nagbi-videoke. Wala ang club ushers na karaniwang nagkukwentuhan  sa labas pag bandang alas-nwebe. Wala rin ang mga GROng kokonti ang suot, peak time ‘ata ng kanilang business. Pag maaga-aga pa, makikita silang naghuhuntahan sa labas tungkol sa mga nabibiling lako, kanino genuine ang mga pabango at saan ang masarap na kainang bukas pag bandang alas-kwatro. May isang bukas na tindahan ng sari-sari sa pagitan ng maliliit na clubs.

Biglang may dumaang isang pulutong ng kabataan – karamihan sa kanila’y mga lalaki, may ilang bading at tatlong babae.  Mukhang di-bababa sa 20 ang edad nila, nangaka-itim sila halos lahat.  Maiingay sila, parang kanila ang kalye kung sila ay maglakad. Bukas ang ilang computer shops sa lugar pero, halos lahat ay nakababa ang kalahati ng railings. Para bang mga nag-a-anticipate ng riot o huli anumang oras. Tila baga mas illegal pa sila sa pub houses, mukha ring mas marami pa silang parokyano.

 

image of shadows on the way home, borrowed from t3.gstatic.com

Hiram na liwanag ang umiilaw sa pag-uwi/ fuelyourphotography.com

Malapit na ako sa 24-hr na panaderya sa may kanto namin. May ilang taong nakakulumpon doon. Pondohan ng mga traysikel ang tapat niyon pag araw.  Pero, wala maski isang traysikel sa ganap na 2:40 ng umaga. Nakaparada na sa kabilang parteng kalye ang isang trak na nagbababa ng mga dalang produkto. Maya-maya pa, magbubukas na ang kanilang establishment. Tulog ang mga bantay sa guardhouse. May mahinang musikang pumapailanlang sa ere.  Malawak  pala ang sukat ng kalsada ng aming lugar sa may bukana, pakipot habang papasok.  Kakaunti noon ang mga sasakyang naka-park sa mga gilid-gilid nito.

 

Bago pa ako nakalapit sa gate, narinig ko na ang kahulan ng aming mga aso. 😉