Posts Tagged ‘masarap ang halayang ubeng gawa ng Nanay’

Tumatawa ang mga Mata

Vintage Black and White Old Woman

Ang husay pag naabutan at nakasama pa ang Lola/ clipart.com

 

Medyo mahirap kapag may pumapanaw na mahal sa buhay. Nasanay na kasi tayong andyan lagi iyong tao… Ganyang-ganyan ang nangyari sa aming magpipinsan at magkakapatid noong mawala ang Nanay. Ang Nanay nga pala sa amin, Lola ang ibig sabihin. Nanay siya, bale, ng Tatay namin. Asawa ng Mamay, na naikwento ko na sa inyo dati. Magsa-sampong taon nang patay ang Nanay. Pero, ang nangyari roon, apat na taon n siyang wala, ayon pa rin kami – kung tawagin siya ay parang andyan lang. Andyan pa rin, kahit wala na.

 

Ang bahay ng Mamay at Nanay, siyempre, katabi  lang ng sa mga anak nila. Ganyan ang karaniwang set-up doon sa amin. Ang anak na lalaking nag-aasawa, magbabahay kalapit ng magulang niya. Maraming advantages iyon – mula sa hingian ng kaning-bahaw, hiraman ng asin at asukal, hanggang sa damayan pag may nagkakasakit. Sa bahagi ng mga magulang ng lalaki, maigi iyong malapit para nasusubaybayan nila ang takbo ng kabuhayan ng mag-asawa, nagagabayan nila kung paano patakbuhin ang household at siyempre, para nakikita nila ang kanilang mga apo. Sa ganyang kaayusan kami lumaking magpipinsan. Ang sentrong bahay sa aming puyukan o cluster, ang bahay ng Mamay at Nanay.

 

cartoon image of a grandma and her grandaughter

Mas masaya pag  nakakwentuhan pa ang lola/ cartoonstock.com

 

Ang Nanay, doon nagbuhat sa katabing probinsya, doon sa bayang masarap kung gumawa ng puto. Ang propesyon naman niya, pananahi. Katunayan, mag-isa lang yata siya roon sa magkalapit na baryong iyong kayang tumahi ng lahat ng yari ng damit, gamit ay iba’t ibang klase ng tela. Iyong iba kasing mananahi sa aming lugar, limitado ang kayang gawin – merong tumatahi ng baby dress lang, merong uniporme lang sa eskwela  o sa opisina, merong pantalon lang, meron ding bestida at palda lang, at meron ding mga kurtina  at panlatag lang ang kayang tahiin. Iba ang Nanay. Generalist syang mananahi, kumbaga. All around. Kaya nya ang magsukat, gumawa ng disenyo  o pattern, magtabas at mismong magbuo at tumahi ng damit. Mahusay rin siya sa repair, adjustment at paglililip.

 

Kaya iyon, medyo kilala ang Nanay sa lugar namin – sa ilaya at sa ibaba. Puntahan siya noon ng mga tao lalo na kapag may mga gaganaping okasyon. Siya si Nanay P__ sa marami. At kung tungkol sa tela o damit ang concern mo, malamang matutulungan ka niya. Isa pa nga pala, noong maliliit pa kami, may tindahan din ang mga Nanay – tindahang nagpapa-renta rin ng komiks. Dagdag na dahilan pa iyon kung bakit alis-dating ang mga tao sa bahay ng mga Nanay. Katulad din ng Mamay, masipag at masinop sa kabuhayan ang Nanay.

 

image of an old model sewing machine

Ganito ang gamit ng Nanay noon sa pananahi/ rotaaire.blogspot.com

 

Naikwento ko sa inyo dati, ang aming sariling ina ay ni hindi natutong magkabit ng butones o magsulsi ng damit. Iyon ang malaking kabalintunaan doon – manugang siya ng Nanay – bihasang mananahi ng lugar namin. Pero kaming mga apo, medyo tinuruan naman kami at ini-expose sa malikhaing propesyon ng lola namin. Pag kaming mga bata ay walang gawain noon sa bahay at wala rin sa hikapan, nakikisalibuyboy kami noon sa Nanay. Nakikigulo. Nagpupulot ng mga labis na tela, taga-hawak ng mga dulo pag nagtatabas at volunteer sa pagsusuot ng sinulid sa karayom. Paminsan-minsan, pinapaupo nya rin kami sa harap ng pangalawang makina, iyong mas bagong modelo ng Singer sewing machine na di gaanong ginagamit ng Nanay. Sumusubok din kaming pumidal, magpaandar ng makina at ‘ika nga’y manahi rin naman. Mga apo kaya kami ng Nanay P__?

 

cartoon image of parts of a sewing machine

Mga bahagi ng gawing itaas ng makinang pantahi/ sasepp5.blogspot.com

 

image of the lower part of a sewing machine

May pedal ang makina, parang sa piano/ sasepp5.blogspot.com

 

Dalawa sa mga ate ko, mahuhusay tumahi ng damit sa makina. Ako, marunong din naman, maski papaano. Ang natutuhan ko ng husay, ‘yong minor aspects of the trade, kumbaga – pag-a-adjust ng size ng blusa, paglalagay ng patch sa pantalon ng di gaanong halata at paglililip o hemming ng laylayan ng damit. Ang nagturo at naggabay sa amin, walang iba kundi ang Nanay. Bukod sa technical na aspeto, ang mahalagang itinuro nya sa amin ay ang tiyaga – tiyaga kung paano bubuuin, pagagandahin at gagawing kapaki-pakinabang ang bawat piraso ng tela.

 

Ang natatandaan ko pa sa Nanay, madalas sya noong magluto ng puto. Gumagawa rin sya ng halayang-ube at ng suka. Homemade ang halos lahat ng pagkain, tatlumpong taon ang nakakaraan. Malayo sa ngayong halos lahat ng meryenda at delicacies, makikita at mabibili mo na sa loob ng mall anumang oras. Hindi ganoon dati. Pag gusto mo noong may matikmang masarap-sarap, aba e, kailangang patalasin mo ang iyong cooking skills, ‘ika nga. Matuto kang gumawa.  At ang Nanay namin, espertong matatawag sa paggawa ng puto at ube.

 

Itinataon sa araw na walang pasok ang paggawa ng puto ng Nanay. Hindi ko alam  kung dahil ba gusto nya ng audience na makukulit na mga apo o kailangan lang nya ng assistance mula sa mga batang mas marami pa ang napeperwisyo kaysa sa naitutulong? Anu’t anuman, balita sa aming magpipinsan noon pag gagawa ng puto ang Nanay. Binibilisan na namin ang pagtatapos ng aming mga gawain, para makapanood kami sa pagluluto. Nakapalibot kami lahat sa Nanay – handang maging taga-abot ng ingredients, taga-halo, tagasalin sa lalagyan at maski taga-angat lang ng takip ng steamer pot. At pagkaluto, siyempre, kami ang unang taga-tikim. Hindi ko alam kung binigo ko ang Nanay, pero hanggang sa ngayon, hindi ko talaga alam kung paano gumawa ng puto… 😉

 

image of a grandma and her grandaughter cooking

Maski taga-abot at taga-kuha lang, makasali lamang sa pagluluto/ picture-book.com

Ang paggawa ng Nanay noon ng halayang- ube, tatlong beses sa isang taon lamang. For special occasions, kumbaga – pag pasko, pag piyesta at pag may malaking event sa pamilya. Ang sarap-sarap ng gawang halaya ng Nanay. Pero, ang hirap at ang tagal namang gawin noon. Ang nilagang ube ay hinahalo sa kawa ng humigit-kumulang, mga limang taon. Haha, mga limang oras, siguro… Iyon ay para makuha ang pinong consistency ng malinamnam na lutuin. Ang alam kong kakumpetensya ng halayang–ube sa tagal ihanda – ang nilupak. Pareho silang napaka-labor-intensive...  Nang panahong iyon, wala pang kitchen tools gaya ng grinder at mixer gaya sa ngayon. Pero maski ngayong meron na, hindi ko pa tinangkang gumawa ng halayang-ube tulad ng sa Nanay…

 

(may karugtong)

 

Advertisements