Posts Tagged ‘mag-sunblock pag nasa labas sa panahon ng summer’

Tag-araw, Tag-init

image of group jumping by the shore

Tag-araw ay panahon ng saya sa labas at sa tabing-dagat/t3.gstatic.com

 

Para sa marami, ang tag-araw ay hitik sa mga alaala

 

image of sun glare

Tirik ang init / rac.co.uk

Maagang manggising ang araw kapag tag-init. Wala pang alas-sais, nararamdaman mo nang gumagapang ang sikat nito sa loob ng silid-tulugan – pinababangon ka. Gustuhin mo mang bumalik sa higaan at humabol pa ng tulog, sumusuot sa katawan mo ang maalinsangang hangin. Mainit ang hulab.

Doon sa amin, partikular ang mga tao sa lokasyon ng bahay. Hangga’t maari, ito ay dapat nakatayo paharap sa silangan para salubungin ang pagsikat ng araw. Facing the morning sun, iyon ang tawag nila sa Ingles. Para sa mga taga-amin, ang pagdating ng araw ay parating isang kaloob o pagpapalang dapat harapin ng may sigla sa katawan at saya sa puso. Kumbaga, bawat pagsikat ng araw ay panibagong araw din ng pakikihamok sa buhay.

 

Kailan ko lang na-appreciate ang ganitong pagpapahalaga. Noong bata pa, ang tag-araw sa akin ay mainit, masaya at maraming gala… Ganoon lang. Simula naman nang pumirmi ako sa lungsod, sinimplehan ko na lang ang equation. Sa bukid, ang kalikasan ay mahalagang bahagi at nanunuot sa buhay ng mga tao. Samantalang sa lungsod, ang kalikasan ay incidentals. Ang araw mandin ay isa lang salitang panukat ng mga sandaling lumilipas. Dito sa matao at abalang lugar, ang araw ay bahagya nang napapansing bahagi ng kalikasan.

 

image of sun wearing eyeglasses

Pati araw ay naiinitan/ markanthonyermac.com

Kung kaya sa matagal, ang panggigising ng araw sa umaga kung summer ay tinawag kong facing the sun’s glare. Ang mga payong pang-tag-araw namang tumimo sa akin: pumirmi sa mga lugar na may aircon, pag palabas, mag-taxi para malamig pa rin at, gumamit ng sunblock para di umitim.

 

Mas mahaba ang araw kapag summer. Sa ganitong panahon, maaga itong magpakita at gabi na ay tila ayaw pang magpaalam. Kaaya-aya at napakaliwanag ng sikat nito sa umaga at mahirap kaulayaw at nakapanghihina naman sa hapon. Wari baga ay ayaw kang tigilan, hinahabol ka ng init saanman. Pinananlalagkit ang iyong leeg, binabasa ang anit ng iyong ulo at pinadadaloy ang pawis sa gilid ng iyong mukha at likod. Tila ipinaaalala sa iyo ang kanyang kapangyarihan. Siya, siya ang ating Haring Araw.

 

Tatlong buwang mahigit ang tag-araw dito sa atin. Nag-uumpisa sa Marso at nagtatapos sa una o pangalawang linggo ng Hunyo. Sapat na panahon para sipsipin ang mga tubig sa ibabaw at palibot ng mundo, ipunin ang mga iyon sa ulap at kapagnakailan, muling ibalik sa atin sa anyo ng ulan. Nakapanlulumong init kapag tag-araw; biglaang bagsak ng tubig pagsapit ng tag-ulan. Ang tao nga ba’y pinaglalaruan ng kalikasan?

 

Ngunit ayaw ko munang isipin ang pana-panahong pagmamalupit at tila paniningil ng kalikasan. Anong ganda ng tag-araw para gugulin sa mga alalahanin! Tulad ng iba, nais ko ring pansumandaling huminto at ibalik sa alaala ang pag-agos ng tubig, ang pagaspas ng hangin at ang lilim ng puno, habang kumakain ng prutas isang hapon ng tag-araw… Nais kong alalahanin ang mangga at ang singkamas, ang pakwan at ang melon, ang bagong-pitas na buko at ang halu-halo – noong isang panahong sila ay kinakain pa sa may gulod. Hindi sa loob ng mall… 😉


pinoyexchange.com

 

 

 

 




flavoursofiloilo.blogspot.com

 

marketmanila.com

 

 

 

 

 

 

Para sa iyo, ang tag-araw ay?… 😉


image of a pair ofslippers by the shore

Tarang gugulin ang tag-araw sa labas/ fiveprime.org

 

Summer na! 🙂 🙂