Posts Tagged ‘luto sa kahoy’

Kahoy na Panggatong

Image of a boy balancing firewood in his shoulder

Pag mabigat, kailangang sunungin sa balikat/ filipinolifeinpictures. wordpress.com

 

Isa sa mga alaalang nakaukit na yata sa isip ko ay yaong mga oras na namumulot kaming mga bata noon ng mga tuyong kahoy sa may daan papuntang kuluong. Iyon ay mga sangang nangabali at nangalaglag sa sahig ng gulod at gubat, doon sa amin. Masayang gawain iyon – para lang naglalaro. Ang pamumulot, ang tawag sa amin ay panlilimot (mabilis ang bigkas). Nanlilimot kami noon ng kahoy para dagdag na panggatong sa kalan. Ginagawa namin iyon pag araw na may pasok at nakakauwi kami sa bahay ng maaga. Siyempre, ginagawa lalo iyon pag Sabado at Linggo, kung kailan mas maraming oras.

 

image of firewood gatherers on the way home

Mabigat na ang bitbit nila pag pauwi/ filipinolifeinpictures.wordpress.com

Ang pagtitiyak na may kahoy laging panggatong sa kalan, gawaing panlalaki sa aming lugar. Karaniwan, ang Tatay ng pamamahay ang may responsibilidad nito. Kung may malalaki nang anak na lalaki, kasali rin sila rito sa mabigat na tarbaho. Dalawa o tatlong beses sa isang buwan, namumutol ang mag-aama ng mga puno sa gubat para iuwi, patuyuin at sibakin para gawing panggatong sa kalan. Medyo mga matitigas na puno ang pinuputol nila – hindi istriktong hardwood, pero mga matitigas at solidong klase ng mga punong katamtaman ang laki at gulang.

 

Gulok na nakasuksok sa kalubang nakapaikot sa baywang ang karaniwang dala ng mga  kalalakihan pag pupunta sa gubat para mangahoy. May telang nakabalot sa kanilang ulo, nakasuot ng kamiso-tsino o anumang mahabang damit pang-itaas at pantalong nakalilis  – para silang mga Katipunerong pupunta sa liwasan para planuhin ang isasagawang pag-aaklas, haha. Gulok at lakas ng loob lang ang kanilang armas. Pagbalik nila galing gubat, may mga hila-hila na silang mahahabang kahoy – mga walo hanggang sampong talampakan ang haba. Kung minsan, mayroon pang mas maninipis na kahoy na nakapatong sa kanilang mga balikat. Isasandal ang mga iyon sa isang parte ng bakuran, hanggang sa matuyo at pwede nang kahuyin.

 

Sa  amin, ginagawa naman ng aming Tatay ang pangangahoy sa gubat pag wala siyang biyahe. Nagluluwas noon ang aming ama ng mga gulay at prutas ang at ibinebenta ang mga iyon sa mga pamilihan sa Kamaynilaan. Pag araw na hindi luluwas ang trak na pa-Maynila, iyon ang pagkakataon ni Tatay na mangahoy. Tinutulungan siya noon ng panganay naming kapatid na lalaki. Iyon lamang, dahil marami kami sa pamilya, marami-rami ring supply ng kahoy ang aming kailangan. Isa pa, may mga panahong isang beses sa isang buwan lang nakakapangahoy si Tatay sa gubat, kaya talagang kulang.

 

Ang panlilimot ng mumunting laglag na sanga, tulong namin noon sa aming Kuya. Kailangan namin siyang alalayang makaantabay sa panggatong ng pamilya. Ang mga pinulot namin, kahit papaano, nakakatulong sa pang-araw-araw, maski sa kahoy na pansaing ng bigas man lang. Ang iba pang lutuin, lalo na iyong mga matatagal pinapakuluan, mga matitigas na kahoy na sinibak sadya ang kailangang ipanluto.

 

imag of a pile of coconut husks

Mainam na pang-umpisa ng apoy/ 123rf.com

Pag namumulot kami noon, halos lahat ng tuyong material na pwedeng sunugin sa kalan, inuuwi namin. Bukod sa nangalalaglag na sanga ng puno, pati mga tuyong palapa ng niyog, mga tuyong bao at bunot ng niyog (na itinambak ng mga kalalakihan sa suluk-sulok ng gubat) at mga katawan ng medyo malalaking punong hinahayaan lang mabulok sa mga kahuyan, kinukuha namin noon at inuuwi.  Ang mga bao ng niyog ay magandang klase ng panggatong at ginagamit rin noon sa pamamalantsa. Ang mga bunot naman ay mainam na pang-umpisa ng apoy sa kalan. Ang mga katawan naman ng mga punong nabubulok ay hinihila namin pauwi at sinisibak rin ng aming kuya, kasama ng mga  punong pinutol nila ni Tatay.

 

Ang kainaman sa gawaing ito, wala nang kailangan pang ihanda o bitbitin para ito ay magawa. Tanging mga paa, kamay at balikat ang aming puhunan at dala-dala sa pag-iikot sa may bukana ng gubat. Ang paglalakad ay nakakarelaks habang  ang pagmamasid sa paligid ay may dala laging bagong sorpresa – baka may makita kaming bagong insekto, baka may mga hinog na berries at iba pang ligaw na prutas at baka may bagong variety ng kabute kaming madiskubre sa mga ila-ilalim at gilid-gilid. Para sa amin noon, may isang bandang ang pag-iikot para mangahoy ay paggagala – para alamin ang mga bagay at teritoryong  pamilyar na, kabisado na, pero lagi lagi pa ring may bagong ipinapakita at ipinatutuklas sa amin.

 

image of coconut shells on the ground

Malakas ang init na galing sa baong ginawang baga/ flickr.com

Ang mga sinibak na kahoy namang nakapatas sa isang parte ng bakuran ay napakagandang tingnan. Kulay itim o kape ang karaniwan nilang balat at pag nasibak na, malinaw na mamasdan ang halos kulay puti nilang loob. Pinagpapatung-patong ang mga sinibak na kahoy ng salitan, sa paraang hugis kwadrado ang patas at may pagitan para madaling matuyo. Halos pare-pareho ang  kanilang haba at sukat. Tala-talaksan ng panggatong na parang mga goods na paninda – ipanluluto ng pagkain ng pamilya.

 

Madalas ako noong mag-volunteer sa pagpapatas ng kahoy. Mas gusto ko ang gawaing iyon dahil outdoor siya, kaysa sa magpatas ng mga damit – isang gawaing indoor. At, hindi tulad ng pagtutupi at pagpapatas  ng damit, ang pagsasalansan ng kahoy ay may katapusan, haha…

 

image of firewood pile

Salitan at kwadrado ang pagkakapatas/ stories-out-of-inkblots.blogspot.com

 

Pag may nagsisibak ng kahoy sa amin, masipag akong makipanood. Pero, hindi ako lumalapit. Takot akong masaktan ng talim ng gulok o ng palakol o, matamaan ng matulis na piraso ng kahoy o, matalsikan ng maliliit na piraso ng tabla sa mata . Anu’t ano man at sa madaling salita, tagamasid ako sa gawaing iyon – tagapagpasok ng nakapatas na panggatong sa silong, pag andyan na ang ulan.

 

Dalawampo’t anim hanggang 30 taon ang nakakaraan, wala pang gas stove na liquefied petroleum gas (LPG) ng gamit na gatong sa amin. Tradisyunal na kalang de-kahoy ang gamit ng mga taga-amin. Ito yaong kalang yari sa semento (kung minsan ay sa batong galing sa ilog), nakaangat sa lupa at may tatlong pitak na siyang salangan ng mga lutuin. Kahoy ang panggatong, kahoy na mabilis makaluto at mabilis ring makapag-paitim ng mga kaldero, kawali at kaserolang lutuan.  Kung tutuusin, sa mga bayan at lungsod sa probinsya namin, may mga gumagamit na ng LPG noon. Pero doon iyon, sa mga bahay sa sentro ng kabihasnan, ‘ika nga. Sa amin, de-kahoy pa.

 

Image of cooking using firewood as fuel

Malakas ang apoy. malakas ring magpaitim ng mga kaldero/ flickrhivemind.net

Ayos lang din naman. Hindi mo naman maiisip ang convenience ng makabagong lutuan kung hindi mo pa nararanasan at kung hindi mo siya nakasanayang gamitin. Sa isang banda, ang dami pang kahuyan sa amin noon, di gaya sa ngayong maninipis na ang mga gubat. Isa pa, noong mga panahong iyon, nakasiksik pa sa kamalayan ng mga tao roon sa amin – sa bawat isang punong puputulin,  magtatanim ng tatlong kapalit nito.

 

Sanayan ang pagluluto sa kalang ang panggatong ay kahoy. Ang unang dapat matutunan ay ang pag-uumpisa o pagpaparikit ng apoy. Hindi sapat na may posporo ay makakagawa na ng apoy. Hindi. May paraan din. Kailangan, ang unang masindihan at mapagningas ay ang maliliit na piraso ng materials na madaling masunog. Kindlings ito  sa Ingles. Ang kindlings, maaring maliliit na sangang pinutul-putol at saka papel, maari ring kusot at pinagkataman ng kahoy, at, maari rin namang tuyong bunot ng niyog. Pag sumigla na ang liyab ng kindlings at nabawasan na ang usok, saka pa lamang maaring unti-unting dagdagan ang gatong sa kalan. Saka ilalagay ang gatong na kahoy. Isa pa, mahalagang may espasyo sa pagitan ng mga gatong para may lulusutan at iikutan ang hangin sa loob ng kalan.

 

Pag nagluluto sa kalang de-kahoy, ang karaniwang katulong at kakampi ay ang hihip at ang sipit. Ang hihip ay isang tubong yari sa bakal na bukas ang magkabilang dulo,  isang pulgada ang diameter at labindalawang pulgada naman ang haba. Ginagamit ito ng nagluluto para pana-panahong hipan ang mga baga sa kalan at para palakasin ang liyab ng apoy. Ang sipit o thongs naman ay yari sa metal rod, ginagamit na pansipit ng mga baga at kahoy na mainit pero kailangang ilipat o galawin. Pag nagluluto kami noon, kahit pa may sipit, medyo madalas pa rin kaming mapaso. Kung minsan naman, ang itim-itim na ng aming mga ilong at mukha sa kahihip sa gatong na kahoy.

 

image of dawn

Pagtilaok ng manok ang hudyat ng pagbangon/ acyatan.blogspot.com

Sa amin noon, laging maaga ang gisingan. Halos lahat ng tao sa bahay ay papasok at kailangan ay nakaalis na ng bahay bago mag-alas-sais ng umaga. Kung kaya, bago mag-alas kwatro, dapat ay may nakasalang nang kape. Impunto alas kwatro, dapat ay may nakasalang nang sinaing. Dapat, bago tumilaok ng apat na beses ang manok, nakapagparikit na ng apoy.  Ayon lang, madalas wala kami noong posporo sa bahay. O, kung meron man, kailangan laging tipirin ang paggamit. Ang solusyon? Manghingi ng apoy sa bahay na pinakamalapit, sa mga Nanay.

 

Doon sa mga Nanay, marami ang matatanda kaya  alas tres pa lang ay may kape nang nakasalang. Sona libre na pating manghingi ng ilang piraso ng baga para makapag-umpisa ng apoy sa sarili naming pamamahay. Ang siste, kami ng sinundan kong kapatid ang nakatoka sa gawaing panghihingi ng apoy. Ang naging suliranin ko banda rito, pirmi akong dinadaya ni butihing kapatid. Lagi lang naman syang parang tulog na mantika kung matulog. Pag ginising mo siya noon para sabihing siya na, siya naman, babaling lang sya sa kabila at hihimlay uli ng payapang-payapa. Kaya hayon, ako lagi ang tumatawid papunta sa kabilang bakuran.

 

Sa mga oras na iyon, hindi lang sobrang dilim, kundi kainaman pa ng lamig. Ang lugar naming napapalibutan ng mga bundok, misty pa sa ganoong oras. Kahit pa naka-jacket o balabal ako sa pagtawid, ang ginaw pa rin.  Tagahawi ako noon ng mga hamog sa mga halamang nabubunggo ko sa paglalakad ng pakapa-kapa. Mga40 hanggang 50 hakbang ang pagitan ng kusina namin at ng kusina ng mga Nanay. Nangangatog ang baba ko sa bawat hakbang. Isa ako noong batang patpatin.

 

Image of dawn in rural area in Southern Tagalog region Philippines

Doon sa amin, mangangaligkig ka sa ginaw pag madaling-araw/ iamtravelinglight.com

 

Pagpasok ko sa kusina ng mga Nanay, tatambad sa akin ang kulay dilaw at orange na liyab ng apoy sa kalan. Dalawang pitak na ng kalan ang masiglang nag-aapoy. Sa gitna, naroon ang nakasalang na sinaing. Sa isang gilid, ang kapeng pinapanatili na lang ang pagkulo – mga baga na lang ang gatong. Doon ako kukuha ng tatlo o apat na pirasong bagang ilalagay ko sa tuyong bunot.  Pero bago ang lahat, magpapainit muna ako sa harap ng kalan ng mga Nanay. Haharap muna ako at tatalikod doon, nanamnamin ang init na nanggagaling sa kalan. Mga tatlong minuto iyon, bago ako sisipit ng mga bagang ipang-uumpisa ng apoy at ng araw sa sarili naming pamamahay.

 

Habang pabalik na ako sa aming bakuran, hindi na gayon kalamig ang pakiramdam ng aking katawan. Iwinawasiwas ko ang tuyong bunot na bitbit at medyo ako’y tumatalun-talon pa, haha… Para akong may dalang kung anong pang-alay sa Bathala. Para akong nagpi-perform ng kung anong rite sa madaling-araw.

 

Pagdating ko sa aming kusina, madalas ako na rin ang magpaparikit ng apoy at magsasalang ng kape at ng sinaing. Bago naman mag-alas-singko, sasamahan ako ng Inay sa may bandang kanluran ng aming bakuran. Pipitas ako roon ng dalawang palapa ng dahon ng saging na saba. Ang mga iyon ang papainitan sandali sa apoy – para gawing baunan ng pananghalian naming mga papasok at paalis ng bahay. 😉

 

Image of food being cooked using firewood

Masarap at mabango ang pagkaing luto sa kahoy/ http://www.empowernetwork. com

 

 

 

 

 

Image of a banana tree with fruits in a backyard

Dahon ng saging ang lunch box noong araw/ drcason.org